Chapter 31 - Kahadras Legends

OLIN

"Patawarin mo 'ko, Olin," saad ni Talay.

Tila nabanat ang segundo habang nagkatitigan kaming dalawa. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa 'yon. Hindi ko inasahan 'yon. Mabait naman si Talay, masunurin, maalaga, at maaalahanin. Kaya isang malaking bakit? Bakit niya ginawa 'yon? Bakit niya kinuha ang Boac? Ano'ng plano niya? Nagbabalatkayo lang ba siya para mahulog ang loob namin sa kaniya?

"Talay . . ." ungot ko. 'Yon lang ang tanging naisambit ko.

Ang galak na naramdaman ko kanina ay nabura din. Akala ko, magtatagumpay na 'ko. Akala ko, maiuuwi ko na sa Melyar ang Boac. Hindi ko alam kong paano iproseso ang rebelasyong 'to.

"Akin na 'yan, Talay!" Isang sigaw ang gumimbal sa amin. Tila nag-aapura. Pamilyar ito. Hindi ako nagkakamali. Ang tinig na iyon ay walang iba kung 'di kay . . . Sinrawee.

Nilingon namin ang pinanggalingan ng boses at nakita namin siya. Paika-ika ito kung maglakad. Ang isang kamay niya ay nakasapo sa tiyan at ang isa nama'y may hawak-hawak na tungkod na nakatutulong sa kaniya sa paglakad. Nakasuot ito ng itim na balabal, may puting damit, at kulay-kapeng pantalon. 'Tapos, ang buhok niya ay kulay-abo. Sa tulong ng maliwanag na buwan, naaninag ko ang kaniyang hitsura. May takip ang kaliwa niyang mata at may peklat sa kanang bahagi ng kaniyang pisngi.

"Akin na sabi, eh!" pag-ulit ni Sinrawee.

Kaagad na tumakbo si Talay patungo sa kaniya at tuluyan na niyang inilagay ang Boac sa kamay ni Sinrawee.

"Olin, gumawa ka ng paraan," bulong sa 'kin ni Alog.

Napaisip ako. Normal na tao at taong nagtataglay ng karunungang itim lang ang nakapapasok dito sa kagubatan ng Sayre, ayon kay Mounir. Normal na Tselese lang ba talaga si Talay? O mayro'n din siyang itim na kapangyarihan gaya namin ni Sinrawee?

"Olin . . ." nangangambang sambit ni Alog sa pangalan ko.

Dahan-dahang iniangat ni Sinrawee ang Boac papunta sa kaniyang bibig hanggang sa kainin niya ito nang unti-unti.

Kaagad kong inipon ang puwersang nananalaytay sa 'king katawan patungo sa 'king braso hanggang sa sumasayaw ang mga itim na ugat dito at dali-daling lumabas sa palad ko saka naging bilog.

"Olin, gumawa ka ng paraan," nag-aalalang sabi ni Alog.

Itinapat ko ang kamay ko sa direksyon ni Sinrawee at sa isang kisapmata'y tumatakbo na ang mahiwagang bulaklak sa hangin pabalik sa akin. Mas dumoble ang galit ko ngayon dahil sa panloloko ni Talay sa amin. 'Di ko hahayaang magtagumpay sila!

Subalit sinapak ko ang sarili ko sa isip ko nang mahawakan ko ang Boac at makitang kalahati na lang ito. Kasalanan ko 'to, eh. Masyado akong tutok sa pagtataksil ni Talay. Hindi agad ako gumawa ng hakbang para agawing muli ang makapangyarihang bulaklak.

"Olin, pa'no 'yan, kalahati na lang?" ani Alog.

"Puwede pa kaya 'to?" tanong ko sa kaniya.

"Ewan ko. Subukan natin. Dalhin mo na 'yan sa gingharian ng Melyar."

Tumango-tango ako bilang sagot. Akmang tatakbo na 'ko ngunit bigla na lang akong nakaramdam ng hilo. Parang umikot ang paligid at dumoble ang mga nakikita ko ngayon. Alam kong may matinding sugat akong natamo mula sa dragong maraming ulo na si Helong, pero tiniis ko lang ito. Ngayon, naniningil na ang katawan ko.

"Ayos ka lang ba?" pagsaboy ni Alog ng kuwestiyon.

"Ibalik mo sa akin 'yan, Olin!" sigaw ni Sinrawee sa di-kalayuan. Ramdam kong nagbabalik na ang enerhiya niya nang paunti-unti. "Ama mo pa rin ako! Hindi mo ako maaaring kalabanin!"

Iwinasiwas ko ang libreng kamay sa paligid ngunit sa kasamaang palad ay wala akong mahawakan o masasandigan. Pakiramdam ko, ano mang oras ay mawawalan ako ng malay. Napakagat ako sa ibabang labi ko sa sakit. Hindi puwede! Kailangan ko 'tong dalhin ang kalahating Boac sa Melyar! Olin, lumaban ka! Olin, kayanin mo!

Pero napamulagat ako nang may maramdaman akong enerhiya. Parating na sila. Naramdaman ko ang enerhiya ni Solci. Nakapasok na siya rito kasi wala na si Helong. Wala nang puwersang nakapalibot sa buong lugar.

"Here na us! Gosh, Olin, ano'ng nangyari sa 'yo?" rinig kong bulalas ni Solci. Hindi ko siya masyadong naaninag pero parang nasa itaas siya ngayon.

"Olin, ayos ka lang?" tanong ni Langas. Papalapit na sila sa puwesto ko.

"Siyempre, hindi maayos ang bebe boy ko. Isakay mo na siya rito sa magic carpet. Dali!"

"Saya? Lish?" sigaw naman ni Alog.

"Kalma, ako ra 'ni," rinig kong wika ni Saya.

["Kalma, ako lang 'to."]

"Did you get the Boac?" tanong naman ni Lish.

"Oo naman! Ako pa!" sagot naman ni Alog na parang siya ang kumalaban kay Helong. "Wala pala kayong ambag dito, eh."

Nasapo ko ang ulo ko at sinubukan silang tingnan nang maayos. Nakita ko sina Langas, Saya, Lish, at Solci na nakasampa sa lumilipad na karpet—na sigurado akong si Cormac 'yon.

Ilang sandali pa'y muling nanlabo ang paningin ko at tila sumusuko na ang talukap ng aking mata. Pero bago ako pumikit nang tuluyan ay tinulungan muna ako nina Solci at Langas para pasakayin sa mahiwagang karpet. Hanggang sa tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang buong paligid.

* * *

"Maayos na ba talaga siya?"

"Oo, si Ginoong Girion mismo ang gumamot sa kaniya."

"Kawawa naman ang bebe boy ko."

Naalimpungatan ako nang marinig ko ang boses ng mga kaibigan ko. Binuksan ko ang mga mata ko at agad na bumati sa 'kin ang mukha nila. Kita ko ang pagguhit ng saya sa mga mata nina Cormac, Langas, at Solci.

"Okay na ba ang pakiramdam mo?" pambungad na tanong ni Solci na agad kong tinanguan.

Dali-dali akong bumangon at iginala ang mga mata ko sa paligid. Nandito ako ngayon sa silid na tinulugan ko no'ng unang punta ko rito sa Melyar. Napatingin ako sa malaking bintana at napagtantong mataas na ang sikat ng araw.

Dumapo ang mga mata ko sa 'king katawan. Wala na 'kong suot na pang-itaas. Ang katawan ko'y napapalamutian ng iba't ibang klase ng dahon na pinaibabawan ng puting tela at ito'y nakapulupot sa 'king tiyan.

"Si Ginoong Girion ang gumamot sa 'yo. Nakauwi na siya galing sa Kasakitan. Hinahanap daw niya ang kaniyang mga alaga na sina Aliba at Apano," pagbibigay-alam sa 'kin ni Langas. Humalukipkip ito at ang kaniyang sundang na nasa tagiliran niya ay saglit na kumalansing.

"Si Helio, ayos na ba ang kalagayan niya?" tanong ko sa kanila.

Tumango agad si Cormac. "Oo, Olin, okay na ang prinsipe ng Melyar. 'Wag ka nang mag-alala. Kahit kalahati na lang 'yong Boac na naipakain sa kaniya, tuluyan namang naghilom ang sugat niya. Nagpapahinga na siya ngayon," pampalubag-loob niyang sabi. "Kung hinahanap mo ang mga nagsasalitang bulaklak, iniuwi na sila ni Ginoong Girion sa kanilang tahanan." Dahan-dahan siyang naglakad palayo sa kamang kinalulugaran ko para umupo sa kulay-kapeng salumpuwit.

Nalipat naman ang paningin ko kay Solci nang itago nito ang mga kamay sa magkabila niyang kili-kili. "What happened ba, Olin? Pagdating kasi namin do'n, waley na si Talay girl. Sabi pa naman niya sa 'kin, papasok siya sa gubat to help you," nag-aalalang tanong sa 'kin ni Solci.

Napalunok ako ng laway. Sasabihin ko ba sa kanila ang totoo? Na isang traydor si Talay at mas pinili niyang pumanig kay Sinrawee? Hindi. 'Wag muna ngayon. Kailangan ko munang makausap si Talay. Kailangan kong malaman kung bakit niya ginawa 'yon. Sa tingin ko, may rason siya at hindi rin niya ginustong lokohin kami.

"Olin?" sambit ni Solci.

"Ah . . . nagkita kami ni Talay roon. Nagpaalam siya sa 'kin nang makuha ko na ang Boac. Uuwi na raw siya sa bayan ng Tsey," panlalansi ko at alanganing ngumiti. "Tungkol naman sa Boac, nang mapatay ko si Helong at mapitas ang mahiwagang bulaklak, biglang sumulpot si Sinrawee at inagaw niya sa 'kin ang Boac. 'Buti na lang at nabawi ko ang kalahati."

Tumango-tango lang si Solci.

"That means malakas na ulit ang 'yong ama? Si Sinrawee?" sabat naman ni Cormac.

Tanging pagtango lang ang isinukli ko.

"Tama ka, Cormac," ani Langas at lumingon sa kaklase ko saka muling tumingin sa 'min ni Solci. "Lumalakas na ang puwersa ng kadiliman ngayong maayos na ang kalagayan ni Sinrawee. Kaya naman ay naghahanda na rin ang mga mandirigma ng Melyar sa paligid nitong gingharian dahil ano mang oras ay lulusob dito si Sinrawee at ang kaniyang mga alagad."

Sinalakay ako ng pinagsamang takot at kaba. Pagkatapos, nanariwa sa 'king alaala ang paglalakbay namin para lang makuha ang mahiwagang bulaklak. Naengkwentro namin ang mga dambuhalang damang sa Porras, nataniman kami ni Bulalakaw ng sakit sa Escalwa, hinamon namin ang mga Horian sa bugtungan at nakaharap ang higanteng pandagat na ahas, nakipagbunuan at nakipaghabulan sa Ungo sa Tsey, namangha sa gingharian ng Hesteru dahil sa modernong kagamitan at pagkain doon, at saka nakipagsalpukan kay Helong at sa mga ahente ni Sinrawee sa Sayre.

Pero hindi pa tapos ang laban. At ngayon, papunta na ang kadiliman dito sa Melyar para sakupin ito. Kailangan na naming maghanda. Kailangan na naming palakasin ang aming panig para sa isang madugong digmaan. Sa hinaba-haba ng paglalakbay, dito rin pala sa Melyar matatapos ang lahat. Ngayon, muli kaming makipag-patintero kay Kamatayan.

* * *

Bago lumabas ay nagpulong muna kami sa bulwagan. Nakahilera kaming lahat sa gitna habang kaharap namin sina Ginoong Mounir at Ginoong Girion. Samantala, nakaupo naman si Rayna Helya sa trono. Ibinahagi ni Mounir sa mga Melyarine ang impormasyong nakalap nina Cormac at Langas mula sa mga ahente ni Sinrawee.

Isang araw ay may lumapit daw kay Sinrawee, si Sisiburanen, ang tagapangulo sa Kanitu-nituhan, at nagsabing naglaho raw ang mga higante na sina Simuran at Siguinarugan na nagbabantay roon sa tarangkahan at kakain sa ibang kaluluwa roon sa Kasakitan o mundong ilalim.

Naisip daw ni Sinrawee na ipadala ako roon at si Helong para maging bantay sa Kanitu-nituhan. Ang kapalit, tutulungan daw ni Sisiburanen si Sinrawee na sakupin at pagharian ang buong Kamariitan.

"Ngunit napaslang na ni Olin ang halimaw na si Helong. Ibig sabihin ba nito'y si Olin na lang ang pakay ni Sinrawee?" tanong ng isang lalaking Melyarine.

"Tama ka riyan," agarang sagot ni Ginoong Girion. Mataas ang kulay-pilak nitong buhok at may suot pa siyang kulay berdeng balabal at sumbrerong patusok. "Gagawa at gagawa ng paraan si Sinrawee para gawing halimaw si Olin at ipadala sa Kasakitan para tulungan siya ni Sisiburanen na sakupin ang Kamariitan."

Umugong ang samot-saring bulungan pagkatapos sambitin iyon ng berdeng salamangkero.

Tanaw kong tumayo si Rayna Helya mula sa kaniyang trono. "Dahil kay Olin kung bakit gumaling na nang tuluyan ang anak ko na si Helio. Kaya nararapat lang na protektahan natin si Olin laban kay Sinrawee! Ipanalo natin ang labang 'to para kay Olin!" sigaw ng rayna sabay taas ng kaniyang kamao.

"Para kay Olin!" sabay-sabay na tugon ng mga Melyarine.

"Para kay Olin!" muling hiyaw ni Rayna Helya.

"Para kay Olin!"

Kalaunan, nagtipon-tipon na ang mga manlalaban ng Melyar sa pasilyo at gumayak para sa pakikidigma. Isa-isang ipinamahagi ng kanilang pinuno ang mga likha nilang sandata. Samantala, nahagip naman ng paningin ko si Rayna Helya na papalapit sa kinaroroonan namin. Sumenyas ito kina Cormac, Langas, at Solci kaya agad akong iniwan ng mga kasama ko.

Bahagya akong yumuko at nasundan ng sinserong ngiti. "Kumusta na po si Prinsipe Helio?" tanong ko.

Uminat ang mga labi niya. "Okay na siya, Olin. He just needs to rest for now," tugon ni Rayna Helya. "Olin, may ipapakiusap lang sana ako. Dumito ka lang sa loob ng gingharian ko. We'll protect you here. Hindi ka puwedeng makuha ni Sinrawee. Hayaan mo na lang sina Mounir, Girion, Langas, Cormac, Solci, at ang mga Melyarine na lumaban sa kadiliman."

"Mahal na rayna, buo na po ang desisyon ko. Lalaban po ako," mahinahon kong pagkontra. "Kailangan ko pong lumabas kasi kapag hindi ako magpakita kay Sinrawee, papasok po sila rito. Mapapahamak po ang mga kababaihan, mga bata, matatanda, at pati na rin po si Prinsipe Helio na kasalukuyang nagpapahinga."

"Olin . . ." Hinawakan niya ang mga kamay ko.

"Kaya ko po ang sarili ko," paniniyak ko. "Sa tingin ko po, magagamit ko na ang kapangyarihan ko kung kailan ko gusto. Lalaban po ako, mahal na rayna, para sa Melyar."

Mas lumapad ang ngiti ng rayna. "Kung 'yan ang gusto mo, Olin." Pagkatapos, hinandugan niya 'ko ng isang mahigpit na yakap. 'Yong yakap na nagpapasalamat. 'Yong yakap na parang nagsasabing, "Mag-iingat ka."

Ngunit kumalas agad siya nang yumanig nang bahagya ang paligid saka may narinig kaming ingay sa labas. Dali-dali kaming sumugod sa bintana at mula rito'y tanaw namin ang paparating na mga higanteng damang o gagamba, mga itim at hindi kaaya-ayang nilalang na tinatawag na yawa, at kulay-uling na mga lobo na tila handa nang balatan nang buhay ang mga Melyarine.

'Di rin naman nakaligtas sa 'ming paningin si Sinrawee at ang kaniyang mga ahente—Mambabarang, Mamumuyag, at Mansalauan—na nasa bandang hulihan. Kalalabas lang nila sa kagubatan ng Porras. Nagmamartsa na ang kanilang batalyon upang sumugod dito sa gingharian ng Melyar.

Lumapit sa 'min sina Mounir, Girion, Solci, Cormac, at Langas para makisilip din kung ano na ang nangyayari sa ibaba. Mas lalo kaming nagimbal nang matanaw ang itim na ulap sa dakong itaas na kumakalat sa kalangitan at tila tumatakbo kasabay nila Sinrawee.

Dali-daling tumakbo sina Mounir, Girion, at Rayna Helya patungo sa mga mandirigma ng Melyar para abisuhan ang mga ito na narito na ang aming kalaban at kailangan na nilang pumuwesto sa labas saka sa mataas na pader kasama ang iba pa upang paghandaan ang pagsalakay ng kadiliman.

"This is it! Kaya natin 'to, guys," pampalubag-loob na sabi ni Solci.

"Siyempre naman! Nasa atin kaya ang pinaka-powerful na mage sa buong Kahadras. Si Olin Manayaga!" puno ng kumpiyansang wika ni Cormac. Pabiro ko siyang sinuntok sa balikat.

Seryoso namang nakatingin si Langas sa ibaba. 'Tapos, hinugot niya ang kaniyang sundang sa kaniyang tagiliran. "Ako ang bahala sa Mambabarang. Kailangan kong ipaghiganti si Labuyok!" Umaapoy sa galit ang mga mata nito at saka nagtangis ang bagang.

Nang makabalik sina Mounir at Girion ay agad silang nagsaboy ng panuto na kailangan naming maghawak-hawak. Agad namin silang sinunod at sa isang kisapmata'y nandito na kami sa labas ng gingharian, malapit sa tarangkahan. Ramdam na ramdam na namin ang namumuong tensyon sa magkabilang panig. Isama pa ang kulay-uling na ulap na pansamantalang ninakaw ang liwanag.

Nakahilera na sa unahan namin ang mga mandirigma ng Melyar na nababalutan ng pilak na baluti at may dala-dalang mga sandata. Sa unang hilera ay ang mga Melyarine na may matipunong katawan na may hawak na sibat at hugis-itlog na kalasag. Sinundan sila ng mga Melyarine na nakasampa sa mga kulay-kapeng kabayo at may bitbit na matatalim na mga espada. Tila kumislap pa nga ang dulo ng mga ito nang tingnan ko.

Sa magkabilang gilid naman namin nakapuwesto ang dalawang malalaking bagay na parang may malalaking sandok sa itaas na lalagyan ng mga malalaking bola at kailangang hilahin ang kadena para tumilapon ang mga higanteng bola sa kalaban. Hindi rin naman nagpapahuli ang mga mamamana na nakatayo at nakalinya sa mataas na pader ng gingharian. Halos handa na silang lahat. Rinig pa namin ang paglangitngit ng tali ng kanilang mga pana.

Habang palapit nang palapit ang mababangis na kampon ni Sinrawee ay palakas naman nang palakas ang tibok ng puso ko. Mas lalo pa 'kong kinabahan nang pumailanlang sa buong Melyar ang ingay ng mga tambuli, palatandaan ng paghahanda ng lahat ng Melyarine na nakasuot ng baluti para sa isang madugong labanan.

Sigurado akong pinagmamasdan kami ng mga diyos sa Kahilwayan at paniguradong hindi sila nasisiyahan sa gagawin namin pero kailangan naming iligtas ang gingharian ng Melyar at gapiin ang mga alagad ng kadiliman, kasama na roon ang ibang nilalang na nilikha ni Kaptan na umanib kay Sinrawee.

Unti-unti nang kumakapal ang lehiyon ng mga kampon ng kasamaan sa harapan ng gingharian na may ekta-ektaryang laki o lawak. Nakasakay si Sinrawee sa itim na lobo. Ang Mambabarang at Mamumuyag naman ay nakasampa sa mga dambuhalang gagamba. Samantala, lumilipad naman sa gawing itaas nila ang Mansalauan na panay ang paghalakhak.

Naikuyumos ko ang mga palad ko at muling binuksan hanggang sa lumabas dito ang itim na bilog. Nakahanda naman ang makapangyarihang tungkod nina Mounir at Girion. Agaw-pansin din ang kulay-gatas na buhok ni Solci na nagliliwanag. Kumuha siya ng isang palaso at inasinta ang mga kalaban dahilan para lumangitngit ang tali ng pana niya. Nakataas na rin ang sundang ni Langas na tila ba handa nang putulin ang ulo at galamay ng mga halimaw.

"Kailangang may tumapat sa lumilipad na nilalang."

Nasorpresa naman kami nang umabante si Cormac. Inilabas niya ang mahiwagang kabibe at nilunok ito dahilan upang magliwanag siya. Pagkaraan ng ilang segundo'y bumati sa 'min ang makulay na nilalang na may lahing pinaghalong butiki, paniki, at unggoy! Ginaya ni Cormac ang Mansalauan! Ngunit ang kaibahan lang ay kakulay ng balat at pakpak niya ang bahaghari! Choya!

"Kahadras Legends, assemble!" anunsyo ni Cormac sa matinis na tinig. "They already reached the battlefield, smash them!" dagdag nito. At nasundan iyon ng sabay-sabay na hiyaw ng mga Melyarine.

t.f.p.

GLOSSARY

Simuran and Siguinarugan – the two giants of Kasakitan (Underworld) that guard the gate of Kanitu-nituhan, and eat unredeemed souls.

Sisiburanen – the ruler of Kanitu-nituhan, sub-realm of Kasakitan. He kills the souls of those who are unable to enter the skyworld and feeds them to Simuran and Siguinarugan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top