Chapter 30 - Heart of the Forest

OLIN

Kasalukuyan akong nanlumo dahil sa pagkamatay ni Mama. Kahit 'di nila ako tunay na anak, inalagaan nila ako nang mabuti at ramdam kong mahal na mahal nila ako. Sila ang dahilan kung bakit gustong-gusto kong mapagtagumpayan ang misyon ko na 'to. Pero ngayon, wala na 'kong mauuwian. Pinaslang nila si Papa at ngayon nama'y si Mama. Mga hayop sila!

"Olin, k-kailangan na nating hanapin ang Boac," rinig kong anas ni Alog.

Ipinihit ko ang leeg ko saka tumunghay. Pakiramdam ko'y wala na 'kong luha, ubos na. Tuluyan akong kumalas sa pagkakayakap kay Mama at saka bumangon nang dahan-dahan. Ngayon ay kita kong patuloy pa rin ang sagupaan nina Cormac at Langas laban sa mga ahente ni Sinrawee.

Hindi na malirip ang Mamumuyag. Baka tumakbo na 'yon para humingi ng tulong sa ibang kampon ng dilim. Dinagit ng Griffin, na si Cormac, ang Mansalauan at doon sila nagtuos sa kabilang banda ng talahiban. Gamit ng Griffin ang malaki niyang kamay na may matutulis na kuko pangsakal sa nilalang na may lahing pinaghalong paniki, unggoy, at butiki. Todo hiyaw naman ang Mansalauan at sinusubukang manlaban.

Samantala, parang bumagal naman ang takbo ng oras at dahan-dahang lumukso nang napakataas si Langas. At kasabay niyon ay ang unti-unting pagtaas ng kaniyang kanang binti. May inuungot namang orasyon ang Mambabarang habang hawak niya 'yong nabiyak na kawayan na naglalaman ng mga mapanganib na insekto. Pero sa isang kisapmata'y dinaluhong ni Langas ang Mambabarang at hinandugan niya ito ng isang napakalakas na tadyak dahilan upang matapon ang kawayan saka tumama ang likod ng Mambabarang sa katawan ng puno. Napahalinghing at napamura ito sa kunsumisyon. Tanaw ko rin mula rito sa kinauupuan ko ang pagtagas ng dugo mula sa kaniyang ulo.

Kapagkuwan ay nakaalpas ang Mansalauan mula sa pagkakahawak ni Cormac at pumailanlang ito sa ere, nanlalatang ipinagaspas ang mga pakpak. Dali-daling dinukot ng Mansalauan ang duguang Mambabarang na nakasandig sa nakausling ugat at unti-unti silang lumalayo sa 'min.

Agad namang lumukso si Langas sa mga sanga ng puno para habulin sila. Alam kong hindi niya titigilan 'yong taong nagbarang sa kapatid niya na si Labuyok.

Lumapit sa 'kin si Cormac, na naging isang Griffin. "Alam na namin ang lahat-lahat, Olin," panimula niya. Ang lalim ng tinig niya. Parang nagmula sa balon. "Kinausap kaming lahat ni Hinumdom at Haring Hestes no'ng tulog ka. Naniniwala kami sa 'yo, Olin. Kaya mong ayusin ang lahat ng ito. Wala na ang mga taong kumupkop sa 'yo, pero buhay pa ang matalik mong kaibigan at kinakailangan niya ang tulong mo ngayon. Alam kong galit ka sa kaniya noon dahil sa selos, ngunit alam ko ring mahal mo pa rin siya bilang kaibigan hanggang ngayon.

"Noon, muntikan na 'kong naging kontrabida sa sarili kong kuwento—buhay—dahil sa pinaghuhugutan kong karanasan. Hindi iyon magaganda kaya sumagi sa isipan ko na gagawin ko ang lahat para lang mag-excel o sumikat, kahit pa mapahamak ang mga taga-rito. Pero na-realize ko na mali ako. Tama ka, wala nga akong kakumpitensya at ang tanging kalaban ko ay ang sarili ko. Not long after, natutuhan ko rin ang kahalagahan ng pagkakaibigan.

"Pero ikaw, Olin, hindi ka isang panggulong karakter lang at mas lalong hindi ikaw ang kalaban o katunggali rito. Dahil ikaw ang bida sa sarili mong kuwento. Hindi por que may nagawa kang masama dati, isa ka nang huwad na bida. Marami ka pang panahon para itama ang mga mali mo. Hinahangad kong magtagumpay ka sa misyon na 'to."

Isang maliit na ngiti ang iginawad ko sa kaniya pagkatapos niyang sabihin ang lahat ng 'yon. Lumikot ang mga mata ko at napuna ang galos niya sa katawan pero parang wala lang siya. Wala akong masabi. Ibang-iba ang Cormac na kilala ko noon sa Mandaue City, Cebu.

"Get your shit together. Hanapin mo na ang Boac. Kami na ni Langas ang bahala sa mga ahente ni Sinrawee," paniniyak ni Cormac. Pagkasabi na pagkasabi niya n'on ay agad siyang lumipad para habulin si Langas at ang mga kampon ni Sinrawee.

"Tama si Cormac, Olin," wika ni Alog.

Nilingon ko siya at tinanguan.

'Tapos, biglang sumagi sa isipan ko 'yong sinabi ng Mambabarang.

"Wala ka bang nabalitaan, Olin? Nakasaad sa propesiya na ikaw ang wawasak sa gingharian ng Melyar. At ikaw rin ang uubos sa lahi ng mga Melyarine. Ha-ha-ha!"

Ayon sa Mambabarang na 'yon, nakasaad na raw ang tadhana ko. Pero ako ang gagawa ng sarili kong tadhana. Hindi nila ako puwedeng diktahan!

Inayos ko ang sarili ko. Hinandugan ko ng huling halik si Mama. Dahan-dahan akong tumindig at saka pinulot si Alog sa lupa. Desidido na 'kong hanapin at ibigay kay Prinsipe Helio ng Melyar ang mahiwagang bulaklak. Tama si Cormac, wala na ang mga umampon at nag-aruga sa 'kin, pero buhay pa ang kababata ko. At ngayon, ako lang ang makatutulong sa kaniya.

Wala na 'kong sinayang na oras at nagsimula na akong maglakad. Lumingon ako sa nakahigang katawan ni Mama sa huling pagkakataon sabay bulong sa hangin ng, "Hindi kita makalilimutan, 'Ma."

Lakad ako nang lakad, ginagalugad ulit ang kagubatan ng Sayre. Tinahak ko ang maputik at bako-bakong daan habang bitbit pa rin si Alog. Humalo rin ako sa makati at malagong talahiban. Sumalang din ako sa kamotehan, sa batuhan, at nagpatuloy sa paglalakad nang mabilis. Manaka-nakang natitisod pero paulit-ulit na bumabangon. 'Buti na lang at 'di nagreklamo si Alog.

"Malapit na kayo, Olin. Malapit na."

Halos mapatalon ako sa gulat nang bigla kong marinig ang boses ni Ginoong Mounir.

"Saan po?" Gumala ang mga mata ko pero tanging mga nagtataasang puno at malalagong talahiban lang ang nakikita ko ngayon. "Wala akong makitang bulaklak."

"'Pag nalampasan mo 'yang tatlong magkadikit na puno sa harapan mo, may makikita ka nang hardin. Doon mo hanapin ang mahiwagang bulaklak. Maski ako'y hindi ko alam ang hitsura ng Boac sapagkat pabago-bago ito ng anyo. Ang kailangan mo lang gawin ay itapat si Alog sa mga bulaklak doon. At kung liliwanag ang tangkay ni Alog sa tapat ng alin mang bulaklak, 'yon ang bulaklak na makagagamot sa prinsipe," panuto ni Ginoong Mounir sa pamamagitan ng hangin.

Napatingin ako sa punong tinutukoy ng asul na salamangkero. Mariin akong napalunok. Inayos ko nang bahagya ang sarili ko at pinagpag ang natitirang takot sa 'king katawan. 'Pag nalampasan ko 'yang mga puno na 'yan, mapipitas ko na ang Boac na siyang makapagpagaling kay Helio.

Mas binilisan ko ang paglalakad sa pagkakataong ito. At nang malampasan ko na ang mga punong tinutukoy ni Ginoong Mounir, bumati sa 'kin ang mala-paraisong lugar na pinamumugaran ng samot-saring bulaklak. Umawang ang labi ko sa nasaksihan. May rosas, gumamela, ylang-ylang, waling-waling, sampaguita, santan, everlasting, at marami pang ibang makukulay na mga bulaklak. 'Di naman nakaligtas sa 'king mga mata ang mga mumunting nilalang na lumilipad at may dala-dalang maliliit na ilaw.

Halos matutop ko ang bibig ko nang tambangan ako ng mga alitaptap. Nagsama-sama silang lahat at buong-puwersa akong binuhat hanggang sa maramdaman ko na lang na lumayo na ang mga paa ko sa lupa.

"Ang galing!" bulalas ni Alog.

Dinala ako ng mga nagsama-samang maliliit na nilalang sa gitnang bahagi ng nakahahalinang hardin. Dito ay mas lalo akong namangha nang makita sa malapitan ang mga nagagandahang halaman at bulaklak.

Parang nabanat ang segundo nang subukan kong hawakan ang kulay-rosas na bulaklak. Ngunit agad din itong napigtal nang may rumehistrong kaluskos sa 'king pandinig na siyang gumimbal sa amin. Naalarma ako at dali-daling pumulot ng isang payat na sanga.

Alam kong nasa paligid lang ang nagbabantay sa Boac at nakaantabay sa 'king galaw.

"S-Si Helong 'ata 'yan, Olin," nangangambang bulong ni Alog. Palingon-lingon din siya sa paligid at 'di mapakali ang kaniyang tangkay.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa balabal kung saan nakalagay si Alog. Abot-kamay ko na ang lunas sa iniindang sakit ni Helio. Pero bago ko 'yon makuha, kailangan ko munang talunin at paslangin ang halimaw na si Helong.

"Alam mo ba kung ano'ng hitsura ni Helong?" tanong ko kay Alog sa mahinang boses. Umikot-ikot ako para hanapin ang tagapagbantay ng puso ng kagubatan.

"Walang nakaaalam, maliban kay Sinrawee. Pero ayon kina Ginoong Mounir at Ginoong Girion, malaki raw ito. Hindi raw namanipula ni Helong ang kaniyang kapangyarihan kaya ito ang kumontrol sa kaniya. Naging halimaw siya at ang lahat ng makikita niya ay kaniyang katunggali. Maski ang sarili niyang kapatid na si Sinrawee ay papaslangin din niya 'pag nagpakita ito sa kaniya lalo pa't mahina pa ito sa ngayon," sabi ni Alog.

Magsasalita pa sana ako nang may sumabat sa 'ming usapan na siyang gumimbal sa amin.

"Nakaaamoy ako ng takot mula sa iyo, bata," anito. Napakalalim ng boses nito na animo'y nanggaling sa napakalalim na bangin.

Si Helong na siguro 'yan.

"Magpakita ka!" hamon ko rito. Patuloy pa rin ako sa pag-ikot.

Bukod sa mga nagkalat ng bulaklak, napapaligiran din kami ng mga nagtataasang puno at malalagong halaman. Mas mahihirapan ako nito 'pag 'di ko siya nakikita. Hindi ako makaiilag sa atake niya.

"Pangahas kang bata ka! Ang lakas ng loob mong tumuntong sa tahanan ko! Ngayon, tuturuan kita ng leksyon!" sigaw ni Helong.

Doon ay tuluyan na niyang isiniwalat ang kaniyang sarili sa harapan namin. Sa tulong ng maliwanag na buwan, kita namin ni Alog ang kaniyang hitsura. Isa siyang dragon na may kulay-dugong balat. Mayroon siyang dalawang ulo at tig-dadalawang sungay. Hindi rin nakatakas sa 'king paningin ang nanggagalaiti niyang pakpak na parang gusto kaming hambalusin ano mang oras.

"'Etong sa 'yo!" wika ni Helong. Dalawa ang ulo nito pero isa lang ang nakapagsasalita.

Sinibasib kami ng buntot ni Helong na sumisiklab sa galit dahilan para tumilapon kami malapit sa nakausling ugat ng puno saka nabitawan ko si Alog at ang payat na sanga.

Napaungol ako sa sakit. Dahan-dahan akong tumayo habang nakangiwi pa rin.

Nakapatay na 'ko noon ng dambuhalang pandagat na ahas sa Horia, at hindi malayong magagapi ko rin ang isang 'to. Pero wala akong sandata! Wala si Cormac dito!

Muli kong dinampot ang manipis na sanga at itinutok ito kay Helong. Hinayaan ko muna si Alog sa lupa. Unti-unting lumalapit sa puwesto ko si Helong kaya iwinasiwas ko agad ang dala kong pipitsuging sanga kahit alam kong wala itong binatbat sa malaking dragon na kaharap ko ngayon.

Binuksan ko ang libreng palad ko, umaasang makokontrol ko ang kapangyarihan ko at lalabas ito rito. Pagkaraan ng ilang segundo ay walang nangyari.

Mariin akong napalunok, manaka-nakang napatingin sa paligid kung may sandatang naligaw rito na mas higit na kailangan ko kaysa rito sa hawak ko. Pero binigo ako ng mga mata ko. Wala akong namataan na kahit ano.

Napabuntonghininga na lamang ako at mas diniinan ang paghawak sa sanga.

Kapagkuwan ay napansin kong umilaw ang tiyan niya—hindi, umaapoy iyon—at naglakbay ang apoy patungo sa kaniyang lalamunan. 'Tapos, binuksan niya ang kaniyang bibig at ibinuga sa 'kin. Mabuti na lang at dali-dali akong nakaiwas sa unang atake niya. Ginawa niya ulit 'yon saka muli na naman akong nakailag. Hanggang sa paulit-ulit siyang nagbuga ng apoy at puro iwas lang ang ginawa ko.

Ilang sandali pa'y napagtanto kong nasusunog na ang ilang halaman at puno rito. Hindi ako maaaring umilag lang nang umilag. Kailangan ko siyang masaktan o masugatan.

Biglang tumigil ang dragon na para bang nabuburyo na siya sa pinaggagawa niya.

"Olin, kailangan mong kontrolin ang kapangyarihan mo. Natutulog lang 'yan sa loob mo. Gisingin mo!" utos sa 'kin ni Alog. Hindi ko na siya tinapunan ng tingin.

Pinakiramdaman ko ang marka sa leeg ko. 'Di pa ito umiinit kaya natutulog pa nga ang kapangyarihan ko.

Isang buntonghininga ang pinakawalan ko. 'Tapos, lumundag ako kay Helong gaya no'ng ginawa ni Langas sa Mameleu, pero kumawag-kawag ang buntot niya at 'di ko natakasan ang hagupit nito. Tumilansik ako malapit sa nagliliyab na talahiban at napadaing sa sakit. Napahawak ako sa tiyan ko. Ramdam ko ang hapdi rito.

Nasugatan man, muli akong bumangon at nag-ipon ng lakas. Hinigpitan ko pa lalo ang paghawak sa manipis na sanga na ngayon ay kalahati na lang. Kailangan ko siyang malapitan. Kailangan kong saksakin ang mga mata niya para magkaroon ako ng bentaha laban sa kaniya.

Ngayon ay iniba ko ang estratehiya ko. Tumakbo ako nang mabilis at paikot kay Helong. May nasagi pa 'kong apoy kaya napaso ang siko ko, pero 'di ko inalintana ang sakit. Patuloy lang ako sa pagtakbo hanggang sa napansin kong 'di ako mahabol ng mga mata niya dahil malaki siya at mabagal kumilos. Doon ay dali-dali akong lumukso patungo sa ibabaw ng isa niyang ulo!

Humalakhak si Helong. "Matalino ka, bata. Pero hindi mo ako kaya!" sigaw niya at ginalaw-galaw ang kaniyang ulo para mahulog ako.

Kumapit ako nang mahigpit sa dalawa niyang sungay. Nang makahanap ng tiyempo ay pinasada ko ang isa kong kamay na may hawak na sanga patungo sa kaniyang mata. Pero nabigo ako dahil sinuwag niya ako gamit ang isa pa niyang ulo at muli akong tumilapon sa lupa.

"Ha-ha-ha!" Tumawa ito nang malakas.

"Olin, gawin mong motibasyon ang mga kaibigan mo o 'di kaya'y . . . 'yong mga kumupkop sa 'yo na pinaslang ng mga kampon ni Sinrawee," rinig kong sigaw ni Alog sa di-kalayuan.

Biglang nanlabo ang mga mata ko dahil sa pasaway kong luha na gustong kumawala. Nagtangis ang bagang ko. Tiningnan ko nang masama ang hayop na dragon na kasalukuyang tumatawa. Naikuyumos ko ang aking kamao sa galit. At kasabay niyon ang pag-init ng marka sa 'king leeg.

"Umilaw na! Ganiyan nga, Olin!" Pumapalakpak ang tainga ni Alog.

Tinapunan ko ng tingin ang mga bisig ko at parang may mga itim na ugat na sumasayaw rito. Binuksan ko ang palad ko at pinatakas ang kulay-uling na bilog. Habang sa isang kamay nama'y hawak ko pa rin ang manipis na sanga.

Ngumisi ako. Ngayon, may panlaban na 'ko!

Bumuga ulit siya ng apoy at dali-dali naman akong kumilos para makaiwas. Pinaangat ko ang isang malaking bato saka agad akong sumampa rito. Muli siyang naglabas ng apoy pero mas mabilis pa sa alas-kuwatro na kinontrol ko ang bato para makaiwas akong muli.

Palutang-lutang lang ako sa ere habang naghahanap ng tiyempo. Patuloy pa rin siya sa pag-atake at ako naman ay puro ilag lang ang inakto. Hanggang sa inipon ko ang puwersa ko sa manipis na sanga at doon ay pinalibutan ito ng parang apoy pero kulay-uling!

At nang bukas na ang depensa ni Helong ay dali-dali kong iwinasiwas ang nagliliyab na sanga sa hangin. Nasorpresa ako nang maglabas ito ng malakas na puwersa. Naglakbay ito sa hangin hanggang sa lapitan nito ang leeg ng dragon dahilan upang mahiwa ito. Nahulog ang isang ulo ni Helong sa lupa na ikinangisi ko. Gumulong ito papunta sa apoy at nasunog agad.

"'Wag ako!" mariin kong sabi sa kaniya. Pero agad na kumunot ang noo ko dahil halakhak ang iginanti niya sa 'kin.

Ilang sandali pa'y napansin kong parang may gumagalaw sa isa niyang leeg! Mahirap aminin, pero sinalakay ako ng takot nang makita 'yon. Patuloy lang siya sa pagtawa hanggang sa tumubo roon ang panibago niyang ulo! Hindi lang isa, kung 'di dalawa! Ngayon ay mayro'n na siyang tatlong ulo! Yawa!

Naging abala ako sa pagtitig sa bago niyang mga ulo kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na hampasin ako gamit ang kaniyang pasaway na buntot.

Bumagsak ako malapit kay Alog. Mukhang ayos naman ang kalagayan niya rito sa nakausling ugat kaya napanatag ang loob ko. 'Di siya puwedeng mawala o mamatay. Siya lang ang tanging paraan para mahanap ko ang Boac.

"Olin, masama 'to. Kapag puputulin mo ang kaniyang ulo, madaragdagan o tutubuan ito ng dalawa. Olin, kailangan mo na siyang patayin gaya ng ginawa mo noon sa mga higanteng damang," ani Alog habang hindi mapakali ang tangkay nito.

"Iyon lang ba ang kaya mo, bubwit?" hamon nito sa 'kin.

Habang nakatitig sa kaniya ay naghari ang galit sa kalooban ko. Muli akong tumayo nang dahan-dahan. Tama si Alog, kailangan ko na siyang iligpit tulad ng ginawa ko sa mga dambuhalang gagamba. Tama, kailangan kong sumigaw! Kailangan kong ilabas ang galit ko!

Huminga ako nang malalim, hinanda ang sarili sa pagsigaw. Humakbang ako nang kaunti palapit kay Helong sabay sigaw ng, "Katapusan mo naaa!" At kasabay niyon ay ang pagbabago ng aking paningin. Naging itim ang paligid at puti naman si Helong. Mas madali 'to. Madali kong makikita ang kaisa-isang target ko.

Umangat ang kanto ng mga labi ko.

Dahil sa sigaw ko na 'yon ay biglang yumanig dito sa puwesto namin at unti-unting nabibitak ang mga lupa, kasama na roon ang inaapakan niya. Hanggang sa umangat ito at pati na rin si Helong.

May kung anong naglakbay sa tiyan ng dragon hanggang sa kumalat ito patungo sa kaniyang lalamunan at bibig. Apoy!

Pero bago pa niya ito mailabas ay dali-dali kong pinatakas ang isa pang bilog mula sa 'king palad saka itinapat sa kaniyang direksyon. Lumikha iyon ng malakas na puwersa at naglayag ito sa hangin patungo sa kaniya.

Tinapatan niya agad ang kapangyarihang pinakawalan ko gamit ang kaniyang nilikhang apoy. Ngunit 'di hamak na mas malakas ang kapangyarihan ko kaya unti-unti itong lumalapit sa kaniya at natatalo ang kaniyang apoy. Hanggang sa sakupin nito ang kaniyang buong katawan dahilan upang mapasigaw siya nang malakas. Ilang sandali pa'y nalusaw siya na parang isang kandila.

Pagkatapos niyang maglaho ay biglang bumalik sa dati ang lahat. Dali-dali kong pinulot si Alog at pinutol ang distansya ko sa mga nakahahalinang bulaklak.

"Ang galing mo kanina, Olin," puri sa 'kin ni Alog. "Ngayon, wala na talagang sagabal sa 'tin sa pagkuha sa nag-iisang Boac!" Pumapalakpak ang tainga nito.

Isa-isa kong tiningnan ang mga bulaklak at itinapat si Alog sa kanila ngunit walang nangyari. Sinuyod ko ang buong hardin, suot ang malapad na ngiti. Heto na, abot-kamay na namin ang lunas sa iniindang karamdaman ni Helio.

Hanggang sa pumukaw ng atensyon ko ang isang bulaklak na napapagitnaan ng rosas at gumamela. Ang mga talulot ng bulaklak na ito ay may iba-ibang kulay at ang stigma nito ay nagkorte na parang korona.

Agad kong itinapat si Alog dito. Nanlaki ang mga mata ko at halos matutop ang bibig nang magliwanag ang tangkay ni Alog! Walang duda, ito na ang Boac!

"Olin, nagtagumpay tayo!" sigaw ni Alog at saka gumagalaw-galaw pa ang nagliliwanag nitong tangkay.

Ngunit sa kasamaang palad, bago ko pa ito makuha ay may isang taong tumabig sa kamay ko nang marahas at agad nitong pinitas ang mahiwagang Boac. Dali-dali itong lumayo sa 'kin nang kaunti.

Nabura ang kaligayahan ko nang magtama ang aming mga mata.

"Patawarin mo 'ko, Olin," saad ni Talay.

t.f.p.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top