Chapter 29 - Agents of Sinrawee

OLIN

Pagkasabi na pagkasabi ni Hinumdom na hawak ng mga kampon ni Sinrawee ang nanay ko—ang taong umampon at nag-alaga sa 'kin—kumaripas ako ng takbo patungo sa kagubatan ng Sayre nang mag-isa. Dito raw kasi sila tumatambay. Binalaan ako ni Haring Hestes na mapanganib daw ang mga ahente ni Sinrawee, pero wala akong pakialam. Pinatay nila ang papa ko kaya pupulbusin ko rin sila!

Dumanguyngoy ako. Mahal na mahal ako ng mga kumupkop sa 'kin. Inalagaan nila ako simula nang ibinigay ako ni Mounir sa kanila. Pumunta kami sa Maynila at bumalik sa Cebu nang may gumambala sa 'min doon. Kaya pala pakiramdam ko noon na sa Cebu talaga ang tahanan ko. Kaya ngayong may nangyaring masama sa kanila, 'di ko mapapatawad si Sinrawee at ang mga ahente niya. Hindi ako makapapayag na gano'n-gano'n na lang! Kailangan nilang magbayad!

Ang kagubatan ng Sayre ay napapalibutan ng nagtataasang mga talahib at halaman. Pero ang ilang puno rito ay patay na gaya n'ong gubat sa Escalwa, parang may sakit. Kakaiba rin ang aura ng buong kagubatan na tila ba may malakas na puwersang nakabalot dito.

Habang tumatakbo, pasimple kong pinunasan ang mga luhang kumawala sa 'king mata. Natigil ako nang may maramdamang masakit at mahapdi sa binti ko. Pagtingin ko, may sugat na pala ako. Ngayon ko lang napansin dahil abala ako sa pagtakbo at pag-iisip tungkol sa mga nag-aruga sa 'kin.

Agad kong tinabas ang manggas ng uniporme ko upang ipangtapal sa binti kong may sugat at upang mapigilan ang pagtagas ng dugo pababa sa 'king paa. Pagkatapos niyon ay dali-dali na akong sumabak sa takbuhan. Kailangan kong tapusin 'to sa lalong madaling panahon. Kailangan kong itama 'yong pagkakamali ko. Kapos ako sa kaalaman kung paano ko makontrol nang maayos ang kapangyarihan ko, pero kailangan kong ayusin ang problemang ginawa ko.

Kabilin-bilinan sa 'kin ni Ginoong Mounir na normal na tao at taong may taglay ng karunungang itim lang daw ang makapapasok dito sa Sayre. Hindi makapupunta rito si Solci dahil may kapangyarihan siya na hindi galing sa kasamaan. Ayaw ko namang madamay rito sina Langas, Cormac, at Talay. Natatakot din ako kasi baka bigla na lang akong malupig ng galit at masaktan ko pa ang mga kasama ko. Ayaw kong malagay sa peligro ang buhay nila. Ayaw kong maulit 'yong nangyari kay Prinsipe Helio noon.

Nang pumatak muli ang pasaway kong luha, dali-dali ko itong pinahid gamit ang balabal ko. Hindi mareresolba ng pag-iyak ang gulong ginawa ko!

Nag-aagaw-dilim na ang kapaligiran, pero laking pasasalamat ko sapagkat nandiyan na ang buwan. Sobrang lamig ng hanging dumampi sa balat ko. 'Di naman nakaligtas sa 'king pandinig ang ingay ng mga kuliglig na 'di ko matukoy ang kinaroroonan. Hindi rin nagpahuli ang mga paniki na parang 'di mapakali at palipat-lipat sa mga puno.

"Psst! Olin!"

Halos lumundag ang puso ko nang maglakbay sa bakuran ng tainga ko ang tinig na 'yon. Napalingon ako sa direksyon na pinanggalingan ng boses. Doon na nanlaki ang aking mga mata nang matanaw ang kulay berdeng bulaklak. Si Alog! Ano'ng ginagawa niya rito?

"Alog?" gulat na sambit ko. "Bakit ka nandito? Pa'no ka nakapunta rito?" Dali-dali kong inihakbang ang mga paa ko patungo sa gawi niya at saka lumuhod para ilagay siya sa palad ko.

"Inutusan ako ni Ginoong Mounir na habulin at tulungan ka. Si Ginoong Girion naman ang kasalukuyang kumokontrol sa 'kin," paliwanag niya na ikinakunot ng noo ko.

"Girion?"

"Nakalimutan mo na? Si Girion, ang berdeng salamangkero!"

"Ahh! Nasa'n siya? 'Di ba naglaho raw siya? Nagkita kayo?"

"Hindi. Nakausap ko lang ang asul at berdeng salamangkero sa pamamagitan ng hangin. Marahil ay naroon na si Ginoong Girion sa Melyar kasama sina Ginoong Mounir at Rayna Helya."

Napabuga ako ng hangin. "Kaya pala."

Gumalaw-galaw ang tangkay niya. "Ba't ka pumunta rito nang mag-isa, Olin? Mapanganib ang kagubatang 'to. Ang kagubatan ng Sayre ay isa lang sa maraming kagubatan dito sa Kahadras. Subalit ito raw ay naiiba sa lahat. Samot-saring bagay o nilalang daw ang matatagpuan dito na hindi madalumat.

"At saka isa pa, dito namamalagi ang kapatid ni Sinrawee, ang nilalang na may pambihirang laki. Si Helong. Magkapatid sila ni Sinrawee ngunit hindi niya ito makontrol. Si Helong ang nagbabantay sa nag-iisang Boac at umaatake sa mga magtatangkang kumuha nito.

"Ang Boac ay isang bulaklak na hindi namamatay o nalalanta hangga't hindi ginagamit o kinakain. Ngunit sa kasamaang palad, 'di ko alam ang hitsura nito. Pabago-bago raw kasi ang hitsura ng puso ng kagubatan. Pero 'wag kang mag-alala dahil ayon kay Ginoong Girion, iilaw raw ang tangkay ko 'pag nasa malapit na 'ko sa mahiwagang Boac."

"Talaga ba?" tanong ko at agad naman niya akong tinanguan. "Nasa'n sina Saya at Lish?"

"Sila na raw ang bahalang magsabi kina Talay, Cormac, Langas, Garam, at Solci na pinuntahan kita para tulungan."

"Daghang salamat, Alog, pero 'di ako babalik do'n. Ayaw ko silang isama rito. Ayaw ko silang mapahamak. Baka 'di ko na naman makontrol ang sarili ko at masaktan ko sila—kayo. Alog, tatapusin ko 'to nang mag-isa. Aayusin ko 'to nang mag-isa."

Pumalatak siya. "Olin, 'di ka na nag-iisa ngayon. Nandito na 'ko. Kung ayaw mo silang mapahamak, nauunawaan ko. Pero ako, sasama ako sa 'yo. Gaya ng sabi ko kanina, narito ako upang tulungan ka."

Bumuga ako ng hangin gamit ang ilong saka hinandugan ko siya ng maliit na ngiti. "Daghang salamat, Alog."

Hinubad ko ang kulay-tsokolate kong balabal at saka nirolyo. 'Tapos, naglagay ako ng sapat na lupa sa nirolyong balabal bago ko itinanim dito si Alog.

Wala na akong sinayang na oras. Naglakad ako nang naglakad, ginalugad ang gubat kung nasaan nga ba ang mga ahente ni Sinrawee at ang puwesto ng nag-iisang Boac. Madilim ang daang binabaybay ko habang bitbit si Alog. Laking pasasalamat ko na wala rito sina Saya at Lish. Sobrang ingay kasi nila 'pag nagkasama 'tapos parati pa silang nag-aaway.

Hanggang sa ang lakad ko'y unti-unting naging takbo. Binilisan ko ang paghakbang, manaka-nakang napatingin sa paligid. 'Buti na lang at hindi nagreklamo si Alog sa tulin ng takbo ko. Subalit agad akong natigil nang rumehistro sa 'king pandinig ang tunog ng mga tuyong dahon na naaapakan ng kung sino at 'di rin nakaligtas sa 'king tainga ang pagkabali ng mga sanga.

"A-Ano 'yon?" nangangambang tanong ni Alog.

Napalunok ako ng laway. Ang bilis ng pagkabog ng puso ko na animo'y nais nitong kumawala. Tama nga si Alog, mapanganib ang lugar na 'to. Pugad kasi raw ito ng mga kakatwang nilalang. Muli, napalunok ako nang mariin. Dito na nag-umpisa ang bago kong kalbaryo.

'Di nagtagal, biglang umalagwa mula sa halamanan ang isang nakatatakot na nilalang na may nakasusulasok na amoy. Parang natuyong ihi ang kaniyang samyo. May malaki itong pakpak na parang paniki, may ulo na parang hunyango o butiki, ang mga kamay at mga paa nito'y parang sa unggoy, at saka puno ng mahabang palumpong na buhok ang dulo ng kaniyang buntot.

Ang tinutukoy ko ay ang nilalang na gustong dumukot sa sa 'kin noon sa Mandaue City, Cebu! Ang Mansalauan!

"Nagkita ulit tayo, Olin," nakangising sambit ng Mansalauan. Bumagsak siya sa lupa at lumapit sa 'kin. Humagikhik pa siya na tila ba natutuwa na may takot akong ipinakita.

Agad naman akong humakbang paurong at itinulak ang nguso patungo sa mga butas ng aking ilong. Parang kasing-baho niya si Langas no'ng unang beses kaming nagkita. Baka ikamatay ko 'tong amoy niya. Yawa!

Mula sa gilid ko'y sumulpot naman ang isang babaeng may puting damit na hanggang binti niya. 'Tapos, wala siyang sapin sa paa. Buhaghag ang kaniyang itim na buhok at nanlilisik ang mga mata. 'Tapos, may dala-dala rin siyang nabiyak na kawayan. At sa tulong ng maliwanag na buwan, may namataan akong mga insekto roon tulad ng alupihan na gustong lumabas, alakdan na 'di mapakali, at saka salaginto na nakapatong sa kawayan.

Nangangatal ako sa takot. Masama ang kutob ko sa isang 'to. Para siyang mangkukulam. "A-Alog, kilala mo ba 'yan?"

"Oo, Olin, kilala ko 'yan. Isa siyang Mambabarang," bulong niya.

Pagkasabi n'on ni Alog ay agad na nanlaki ang mga mata ko. Oo, tama! Isa siyang Mambabarang. Isang taong nagtataglay ng karunungang itim. Kaya niyang pahirapan, saktan, o patayin ang biktima niya sa pamamagitan ng mga insekto.

Kailangan kong makalayo sa kanila. 'Di ako puwedeng malapitan ng Mambabarang. Baka kukuha siya ng isang hibla ng buhok ko para maisakatuparan ang maitim niyang balak laban sa 'kin!

Tatakbo na sana ako nang magsalita siya.

"Kailangan mong sumunod sa amin, Olin," anang Mambabarang sa mahinang tinig. Matiim ang titig na ipinukol niya sa 'kin. "Kailangan mong talunin ang kapatid ni Sinrawee na si Helong at kunin ang nag-iisang Boac. Pagkatapos, ibigay mo iyon sa panginoon namin na si Sinrawee."

"'Wag, Olin! 'Wag kang maniwala sa kaniya!" pagkontra ni Alog.

Palipat-lipat ang tingin ko sa Mansalauan at Mambabarang. Ang puso ko naman ay patuloy pa rin sa paghaharumentado. Maaaring hindi nila ako sasaktan dahil anak pa rin ako ni Sinrawee, pero diskumpyado pa rin ang mga ikinikilos nilang dalawa.

Habang nakatitig sa kanila ay may isang bagay akong napagtanto. Hindi pala ang kapangyarihan ko ang habol ni Sinrawee dahil sa 'kin naman 'to. Ang gusto niyang makuha ay ang Boac kasi nanghihina rin siya hanggang ngayon dahil sa ginawa ko sa kanila ni Helio noon. At ako ang gagamitin niya dahil wala siya ngayong sapat na lakas para labanan si Helong.

Ngunit nakapagdesisyon na 'ko. Sa pagitan nilang dalawa ni Helio, ang kaibigan ko ang uunahin ko. Anak ako ni Sinrawee pero ayaw kong maging kagaya niya! Ayaw kong maging masama! Papatunayan ko sa kanilang lahat na maaari nilang maging kakampi ang kadiliman.

Nang sapat na ang nalikom kong kumpiyansa ay humakbang ako pasulong. "At bakit ko naman gagawin 'yon? Si Helio ang tutulungan ko, hindi si Sinrawee!" bulyaw ko.

Ngumisi ang Mambabarang. "Wala ka bang nabalitaan, Olin? Nakasaad sa propesiya na ikaw ang wawasak sa gingharian ng Melyar. At ikaw rin ang uubos sa lahi ng mga Melyarine. Ha-ha-ha!" Nakaririnding halakhak ang pinakawalan nito pagkatapos.

Humalakhak din ang Mansalauan dahilan para mapatingin ako sa kaniya. "Tama! Bakit mo naman tutulungan ang prinsipe ng mga Melyarine kung papatayin mo naman siya pagkatapos? Magsasayang ka lang ng oras. Higit na kailangan ng ama mo ang Boac. 'Di ba may plano kayo noon? Ikaw pa nga ang nagmungkahi niyon upang ikaw na ang piliin ni Prinsesa Solis ng Hesteru."

"Hindi!" sigaw ko.

Nag-init bigla ang sulok ng mga mata ko. Pinaalala ulit nila ang kasamaan ko noon. Ayaw ko nang maging Olin na gustong maangkin ang prinsesa ng mga Banwaanon. Ayaw ko nang maging Olin na gustong pabagsakin ang prinsipe ng mga Melyarine. Gusto ko nang magbago. Aayusin ko ang lahat ng 'to!

"Hindi na ako ang dating Olin na kilala n'yo! Anak ako ni Sinrawee, pero ayaw ko nang maging katulad niya!" sigaw ko. Tinapunan ko ng tingin ang Mansalauan. "Ikaw . . . ikaw ba ang pumatay sa papa ko?"

"Ha-ha-ha!" Humalakhak ang Mansalauan. "Oo, ako nga. At papatayin din namin ang nanay-nanayan mo kung hindi ka susunod sa amin!" Muli siyang tumawa nang malakas.

"Hayop ka!" Naikuyumos ko ang mga kamao ko sa poot. Bumaling ulit ako sa Mambabarang. "Ikaw, kasalanan mo rin kung bakit naging babaero si Lubani noon! Binarang mo ang kapatid niyang babae na si Labuyok! Mga hayop kayo!" Biglang nag-init ang marka sa leeg ko dahilan para mapangiwi ako nang kaunti.

Tawa nilang dalawa ang pumuno sa paligid. Hindi nagtagal ay tuluyan nang nagpakita ang isa pa nilang kasama habang hawak-hawak ang nanay ko. Ngumiti si Mama pero may kumawalang luha mula sa kaniyang mga mata.

Parang dinurog ang puso ko habang nakikita siyang nahihirapan sa kamay ng mga ahente ni Sinrawee. Magulo na ang kaniyang kulay-uling na buhok, gula-gulanit na rin ang suot niyang damit, at napapalamutian na siya ng dumi.

"Ayaw pagduol nako, Olin," sambit ni Mama habang lumuluha. "Lakaw ug kuhaa ang Boac. Tabangi si Helio. Kahibaw ko nga importante sad siya nimo."

["'Wag mo 'kong lapitan, Olin. Umalis ka na at kunin mo ang Boac. Tulungan mo si Helio. Alam kong mahalaga rin siya para sa 'yo."]

Naikuyom ko ang palad ko. Akmang lalapit ako kay Mama nang sumenyas ang Mambabarang.

"Diyan ka lang, Olin! Kailangan muna naming marinig mula sa bunganga mo ang sagot. Tutulungan mo ba kami o hindi?" pagsaboy niya ng kuwestiyon. "Kung tutulungan mo ang aming panginoon, hahayaan naming mabuhay iyang nanay-nanayan mo. Pero kung hindi, kailangan mo na ring magpaalam sa kaniya! Ha-ha-ha!" Humagalpak ito ng tawa.

Para silang demonyo. Hindi, yawa silang tanan!

"Ang may hawak sa nanay-nanayan mo ay isang Mamumuyag," sabat ng Mansalauan. "Alam mo ba kung ano ang kaya niyang gawin? Kayang-kaya niyang tamnan ng kung anong karamdaman ang nanay mo gamit ang mga ritwal. Nais mo bang mangyari iyon? Kung ako sa 'yo, susundin ko si Sinrawee."

Tiningnan ko ang Mamumuyag. Kulay-ube ang suot niyang damit, may puting buhok na buhaghag, at mayro'n din siyang patusok sumbrero na kulay-ube rin.

Hindi ligtas si Mama sa mga kamay ng Mamumuyag. May kakayahan siya na tulad ng kay Bulalakaw. Delikado rin siya. 'Di basta-basta ang mga ahente ni Sinrawee. Nasukol na nila ako. Wala akong laban sa kanila ngayon. Pero kailangan kong mabawi si Mama! Ano'ng gagawin ko?

Sa isang iglap ay bigla na lang dinagit ng lumilipad na nilalang ang Mamumuyag at ibinato sa di-kalayuan na siyang ikinagulat naming lahat. Ang nilalang na tinutukoy ko ay kalahating leon at kalahating agila. Si Cormac! Nakasampa naman si Langas sa kaniyang likod at may dala-dala itong maso!

Dali-dali akong tumakbo patungo kay Mama pero agad akong hinawakan ng Mansalauan. Akmang ililipad niya ako nang bumagsak si Langas sa kaniya at nagpagulong-gulong sila sa damuhan. Napatingin ako sa kabila at nakita na ang Mambabarang naman ang pinupuntirya ni Cormac na naging Griffin.

Lumapit ako kay Mama. "'Ma, okay ra ka?"

["'Ma, okay ka lang?"]

Tumango naman siya bilang sagot.

"Olin, tumakbo na kayo ng nanay mo. Kami na ni Langas ang bahala rito!" sigaw ni Cormac.

Nagpupumiglas ang Mambabarang na hawak ni Cormac. Wala itong laban sa kaniya 'pag pisikalan ang usapan, pero alam kong naghahanap ito ng oportunidad para mabarang niya si Cormac.

"Pa'no kayo nakapasok dito?"

"Mas malakas pa rin ang mahiwagang kabibe ni Kaptan kaysa sa puwersang nakapalibot dito."

"Cormac, mag-ingat ka sa Mambabarang na 'yan," wika ko sa malakas na boses.

Agad kong tinulungan si Mama na makatayo at pagkatapos niyon ay naglakad kami palayo sa kanila. Unti-unti naming binilisan ang paglakad hanggang sa ang lakad ay unti-unting naging takbo. Kailangan naming makalayo. Hindi kami dapat mahabol ng Mansalauan o mapansin ng Mamumuyag kasi baka . . .

Napamulagat ako nang bumigay ang mga binti ni Mama at mukhang nahirapan siya sa paghinga.

Hindi . . . hindi puwede 'to!

"'Ma, ano'ng nangyari?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.

Napaluhod si Mama 'tapos bigla na lang siyang humiga sa damuhan. Sandaling nanginig ang kaniyang buong katawan kaya naalarma ako. Hanggang sa isinara niya ang dalawa niyang mata. Inilagay ko muna si Alog sa lupa at aligagang sinuri si Mama.

"'Ma? Mama?" Tinapik-tapik ko ang kaliwang balikat niya. Nagsimulang mag-init ang sulok ng mga mata ko. Napatingin ako saglit kina Langas at Cormac na kasalukuyang nakikipagbunuan sa mga ahente ni Sinrawee.

"Olin . . ." rinig kong anas ni Alog. Pero 'di ko siya pinansin.

Bumaling ulit ako kay Mama at patuloy na inaalog ang kaniyang balikat. "Alam kong prank lang 'to. 'Ma, tama na. G-Gumising ka na." Marahan akong tumawa pero ramdam kong tutulo na ang luha ko ano mang oras at sobrang bigat na ng pakiramdam ko.

"'Ma, alam ko 'tong gimik mo na 'to. G-Gising na." Marahan kong tinampal ang kaniyang pisngi pero ayaw pa rin niyang gumalaw at magmulat ng mata. Ganito talaga si Mama. Parati niya 'kong pina-prank do'n sa Cebu. Pumalatak ako at inilapit ang bibig ko sa kaniyang tainga sabay sigaw ng, "'Ma, gising na!"

Ilang minuto ang lumipas ngunit 'di pa rin siya sumuko sa pakulo niya na 'to. Matagal talaga siyang sumuko kaya minsan ay napapaniwala niya 'ko. Ang kailangan kong gawin ay kilitiin siya.

Nanlabo na ang paningin ko dahil sa suwail kong mga luha na 'di ko maunawaan kung bakit sila tumakas sa 'king mga mata. Wala namang nangyaring masama kay Mama. Pakwela lang niya 'to.

Kiniliti ko si Mama pero ayaw pa rin niyang sumuko. Determinado talaga siyang lokohin ako. Hindi pa rin siya gumagalaw. Pinahid ko ang luhang dumaloy sa pisngi ko. Ikinuyom ko ang palad ko at pinukpok ang sariling ulo. 'Tapos, sinabunutan ko ang sarili ko saka pinagsisipa ang lupa sa kunsumisyon. "'Ma, itigil mo na 'to. 'Di ka na nakakatawa." Muling dumausdos ang mga luha ko papunta sa 'king pisngi at baba.

"Olin, kailangan na nating lumisan. P-Patay na ang 'yong ina," rinig kong wika ni Alog.

Nilingon ko siya. "H-Hindi! B-Bawiin mo 'yong sinabi mo! Hindi patay si Mama! N-Nagbibiro lang siya! Pakwela lang niya 'to!" bulyaw ko. Muli akong tumingin kay Mama habang ang mga luha ko'y walang habas na bumabagsak.

Humiga ako para tabihan si Mama at ikinulong ko siya sa nanginginig kong mga braso. Napasubsob ako sa kaniyang tiyan. "'Di ba, 'Ma? Nagbibiro ka lang, 'di ba? 'Ma, buksan mo ang mga mata mo at sabihin mong 'oo,' please. 'Ma, tama na. Itigil mo na 'to. 'Di na nakakatawa. 'Maaa!"

Isinara ko ang aking mga mata saka tuluyan nang pinatakas ang natitira kong mga luha. At sa puntong 'to, tuluyan na rin akong sumuko sa pagpapaniwala sa 'king sarili na bubuksan pa ni Mama ang kaniyang mga mata at sasabihin niyang nagbibiro lang siya.

t.f.p.

GLOSSARY

Mambabarang – a black magic user who inflict and then slay people through infesting their bodies with various insects.

Mamumuyag – a cross-eyed witch who employs rituals to inflict manifold diseases on her enemies.

Mansalauan – a man-sized flying creature with bat-like wings. Its hands and feet are simian in appearance, while its head resembles that of a chameleon or lizard.

———

A/N: Nakuha ko ang idea na "Agents of Sinrawee" kay Sitan ng Tagalog Mythology. 'Di ba may apat siyang ahente? Sa story ko naman, ang mga ahente ni Sinrawee ay ang Mambabarang, Mamumuyag, Mangingilaw, at Mansalauan. 'Di ko na-include ang Mangingilaw sa story, baka sa Volume 2 na ang exposure niya. Pero take note, hindi si Sinrawee ang Visayan counterpart ni Sitan, kundi si Magwayen.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top