Chapter 28 - The Epitome of Chaos
OLIN
"Ang tagal naman ni Helio! Ayaw ko na nga siyang pakasalan paglaki namin!" nakabusangot na wika ng batang bersyon ni Solis o Solci. Ipinagkrus niya ang kaniyang mga braso sa harapan ng kaniyang dibdib at sumandal sa nakahigang katawan ng puno.
Lumapit ako sa kaniya. "Ako na lang ang pakasalan mo," sabi ko at kumurba ang aking labi.
Umiling-iling si Solci. "Ayaw ko! Wala ka namang gingharian, Olin, eh. 'Tapos, nakatatakot pa ang ama mo."
Hinihintay namin ang kaibigan namin na si Helio para maglaro sila ng kasal-kasalan. Nagkasundo kasi sila na sa paglaki nila, magpapakasal sila. At dahil sa pananaghili, lumapit agad ako sa ama ko no'ng hapong 'yon—si Sinrawee. Nagsumbong ako sa kaniya na 'di ako gusto ng babaeng gusto ko. Sinabi ko sa kaniya na nais kong magkaroon ng gingharian para matanggap lang ako ni Solci. Dahil do'n, sinakop ni Sinrawee ang buong lupain ng Porras. Pinaalis niya ang gustong umalis at ginawang tagapagsilbi ang mga gustong manatili.
"Kulang pa, Olin! Ibuhos mo ang lahat ng galit! Palabasin mo ang kapangyarihan mo para mas maging malakas ka kay Prinsipe Helio ng Melyar at para piliin ka na ni Prinsesa Solis ng Hesteru!" mando sa 'kin ng ama ko na si Sinrawee habang nakahalukipkip. Nakasuot siya ng itim na balabal, maputlang damit, at kulay-kapeng pantalon. 'Tapos, ang kaniyang buhok ay kulay-abo.
At bilang anak niya, tumalima agad ako sa atas niya. Binigay ko ang lahat. Ginawa kong puhunan ang paninibugho, pananaghili, at poot sa tuwing magkasama sina Helio at Solis. 'Yong mga panahong nagtatawanan sila habang ako'y nanonood sa kanilang dalawa sa gilid. 'Yong mga sandaling nagsusubuan sila ng iba intsik habang ako'y kumakain nang mag-isa. 'Yong mga oras na magkahawak ang kanilang kamay habang tumatakbo at ako nama'y nasa likod lang na para bang isa lang akong panggulong karakter sa kanilang kuwento.
Ilang minuto ang lumipas, pero walang nangyari.
"Olin, ano ba?" bulyaw ni Sinrawee. "Kailangan mong maging malakas! Kapag sapat na ang lakas mo, ang Escalwa naman ang sasakupin natin at tatalunin natin ang diyosa ng kasakiman at kayamanan na si Burigadang Pada Sinaklang Bulawan! At mapapaibig mo na rin ang binukot ng mga Banwaanon!"
Ikiniling ko ang ulo ko pakaliwa nang uminit ang marka sa 'king leeg. Heto na, nararamdaman ko na! Ano mang oras ay lalabas na ito. Sa wakas ay makokontrol ko na ito. Pakiramdam ko, unti-unti na 'kong lumalakas.
Pinilig ko naman ang ulo ko pakanan. Parang may lumalagong apoy sa buo kong katawan dahil sa galit na inimpok ko rito. Naikuyom ko ang aking mga palad. Nais kong humakbang palapit sa 'king ama subalit napako ang mga paa ko sa aking puwesto. Pakiramdam ko, sasabog na ako. Pakiramdam ko, mismong kapangyarihan ko ang papatay sa 'kin.
"AAHHHH!" sigaw ko nang 'di ko na makayanan ang init. Dumako ang mga mata ko sa 'king magkabilang braso. Tila may mga itim na ugat ng puno na 'di mapakali rito. Para silang nagsasayawan pero wala sa ritmo. Mukhang gusto na nilang kumawala at magsimula ng gulo.
"Ganiyan nga, Olin! Subukan mong ipunin ang kapangyarihan mo sa palad mo at itapat sa puno. Tingnan natin kung ano ang mangyayari," direktiba ng aking ama. Bumaling ako sa kaniya at natanaw ang pag-angat ng kanto ng kaniyang mga labi.
"AAHHHH!" hiyaw ko. Bakit parang pakiramdam ko, lalaki ako? Bakit parang magbabago ang anyo ko? Hindi! Ayaw ko!
"Olin, 'wag! 'Wag mong ituloy!" Sa isang iglap ay bigla na lang sumulpot si Helio mula sa kung saan. "Olin, hindi ka masama. 'Wag kang maniwala sa ama mo!" Nakasuot siya ng puting damit na may kulay-gintong mga butones at pinaresan ng kulay-tsokolateng pantalon. "Magkaibigan ta—"
Dahil sa sumisiklab kong galit, pinakawalan ko ang puwersang inipon ko. Kasing-bilis ng kidlat ang paglakbay ng itim kong kapangyarihan patungo sa gawi ni Helio. Tumama ito sa tiyan niya dahilan para tumilapon ang kaniyang katawan saka nabagok siya sa katawan ng puno. Napadaing siya sa sakit. Kita ko mula rito ang pagdura niya ng laway na nahaluan ng dugo.
"Olin, ganiyan nga! Tapusin mo na siya nang sa gano'n ay wala ka nang karibal!" utos sa 'kin ni Sinrawee, na ngayon ay tuwang-tuwa na sa ipinamalas kong kakayahan.
Pinilig ko ang ulo ko. Pakiramdam ko, lumaki ang mga braso ko at parang tumaas ako nang kaunti. Nagulat ako nang bigla na lang tumapat ang kamay ko sa direksyon ng ama ko at mabilis pa sa alas-kuwatro na lumabas doon ang kapangyarihan ko dahilan upang matamaan siya at tumilansik patungo sa mga bato.
Bumilis ang pagtibok ng puso ko. Gumapang ang kilabot sa 'king katawan. Parang may nagmamanipula sa sarili kong katawan. 'Di puwede 'to!
"O-Olin, ba't mo ginawa 'yon? Olin, a-ama mo 'ko!"
Palipat-lipat ang tingin ko kina Helio at Sinrawee na parehong nakahiga at nanghihina. Natanaw ko ang kulay-ubeng ugat sa kanilang pisngi at sentido. Hindi ako makapaniwalang nagawa ko 'yon sa kanila. Dahil nagpadala ako sa galit, parang 'di na ako 'to. Tila may kumokontrol na sa 'kin.
Sa isang kisapmata'y sumulpot sa 'king harapan ang asul na salamangkero na si Mounir. Kaibigan siya ng rayna ng mga Melyarine. Kasama rin ni Mounir ang dalawang lalaki na hinuha ko ay mga diyos.
'Yong sa kaliwa ni Mounir ay nakasuot ng asul na tela at natatakpan niyon ang buo niyang katawan. Tanging mukha lang nito ang nakikita. Kapansin-pansin ang kulay-abo niyang mga mata at ang letrang "H" na nakatatak sa kaniyang noo.
Ang nasa kanan naman ng asul na salamangkero ay isang lalaking balbas-sarado at may makulay na pakpak. Kulay asul sa unang patong, nasundan ng kulay berde, at sa ibaba niyon ay kulay-ube. Nababalutan ang katawan nito ng kulay-pilak na baluti.
"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" agaran kong sabi.
"Olin, huminahon ka," tugon ni Mounir. Hawak-hawak niya ang kaniyang tungkod.
Nanaig ulit ang galit sa kalooban ko at akmang patatamaan sila ng kapangyarihan ko nang may asul na kapangyarihang pumalibot sa 'kin. 'Di ko maigalaw ang mga kamay ko! Ano'ng gagawin nila sa 'kin?
Bumaling muli ako sa kanila habang nagpupumilit akong labanan ang puwersang pumulupot sa katawan ko. Nagtangis ang bagang ko. Hindi ako maaaring magpatalo!
Huminga muna ako nang malalim. Pagkatapos niyon ay sumigaw ako nang malakas dahilan para mabasag ang kapangyarihang yumakap sa 'kin.
Dahil sa sigaw kong 'yon, nayanig ang lupa at nabitak ito. Pumaitaas din sa ere ang mga malalaking bato, nabiyak, at nagkalat ang mga maliliit at matutulis na mga bato sa paligid. Nahugot naman ang mga puno sa 'ming paligid at tuluyan nang nahiga matapos ang pagtayo sa mahabang panahon.
Ikinumpas ko ang mga kamay ko at sumunod ang mga matatalim na bato sa 'kin. Naglayag ang mga ito sa hangin patungo sa direksyon nina Mounir at ng mga kasama niya. Dali-dali namang ibinukadkad ng lalaki ang kaniyang malalaking pakpak at sinangga niyon ang mga batong inutusan ko.
Magtatapon pa sana ako ng malaking bato sa gawi nila nang bigla na lang kumapit sa braso ko ang isang lalaking may letrang "H" sa noo. Sa isang iglap ay 'di ko na makontrol ang mga kamay ko. Unti-unti akong nanghihina. Parang hinigop niya ang aking lakas. Kapagkuwan ay nagliwanag ang kaniyang noo at tumakas doon ang kulay-abong usok.
Magsasalita pa sana ako pero unti-unting lumapit ang usok sa 'king ulo. Nakawiwindang na sakit ang lumukob sa 'king ulo. Parang mabibiyak na ito. Parang pinupukpok ng martilyo.
Napangiwi ako dahil nagsulputan ang samot-saring alaala sa isip ko. Naghalo-halo na ang mga ito at parang wala na 'kong maintindihan. Hanggang sa unti-unti itong nabubura at nagsialisan. Parang kinukumpiska niya ang mga alaala ko!
Ilang sandali pa'y parang gusto nang sumuko ang aking mga mata at katawan. Natanaw kong gumagapang ang isang binata habang hawak niya ang kaniyang sikmura at saka paulit-ulit niyang sinisigaw ang pangalan ko. Sino siya? Ano'ng nangyari sa kaniya? Hanggang sa tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang aking paningin.
* * *
Nanatili akong nakaupo habang inalala 'yong nangyari walong taon na ang nakalilipas. Ang sama-sama ko! Isa akong maninira! Tama nga si Hinumdom, ako ang ehemplo ng gulo. Kasalanan ko kung bakit nagkagano'n si Helio, ang matalik kong kaibigan. Nalunod ako sa selos at inggit kaya nagawa ko 'yon sa kaniya.
Gusto kong suntukin ang sarili ko nang paulit-ulit dahil inangkin namin ang tahanan nila Haring Kalak. Pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit hindi niya ako sinaktan no'ng nagkita kami sa Escalwa? Alam naman niyang anak ako ni Sinrawee. Sana, magkita ulit kami. Sana, makahingi ako ng tawad sa harap ni Haring Kalak. Sana, 'di pa huli ang lahat.
Kinamumuhian ko ang sarili ko. Ayaw kong maging anak at sunud-sunuran ni Sinrawee. Kailangan kong itama 'yong maling ginawa ko. Kailangan kong humingi ng tawad kay Haring Kalak 'pag nagkita kami. Kailangan kong pitasin ang nag-iisang Boac at ibigay kay Helio para tuluyan na siyang gumaling. At kailangan ko ring ipaubaya . . . si Solci.
Akmang tutulungan akong makatayo ni Haring Hestes pero agad ko siyang sinenyasan na 'wag siyang lumapit sa 'kin dahil kaya ko naman. Dahan-dahan akong tumayo at hinarap ang diyos ng memorya.
"D-Daghang salamat," ang tanging naisambit ko.
"Pero, Olin," ani Hinumdom dahilan para tambangan muli ako ng kaba, "may kailangan kang malaman . . ."
Mariin akong napalunok. Napalingon ako kay Haring Hestes na puno ng pag-aalala ang hitsura saka ibinalik ko agad ang titig kay Hinumdom. "A-Ano?"
Ilang segundo siyang nanahimik na para bang nagdadalawang-isip siyang sabihin sa 'kin. "Tungkol 'to sa mga umampon sa 'yo. Pinaslang ng isa sa mga ahente ni Sinrawee ang 'yong ama. At ngayon, hawak nila ang 'yong ina . . ."
t.f.p.
A/N: Thanks so much for 500 reads !! Anlaki na niyan for me ♡´・ᴗ・'♡
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top