Chapter 27 - The Fake Protagonist

OLIN

Pinapasok kami ni Haring Hestes sa kanilang ginghariang yari sa mamahaling klase ng kristal. Nanalamin pa nga ako sa sahig na inaapakan namin. Nang ilibot ko ang aking paningin ay natanaw ko ang mga bulaklak na nakalagay sa makukulay na mga paso at nakabitay sa magkabilang gilid ng bintana. Hindi rin nakatakas sa 'king mga mata ang malaking chandelier na nakasabit sa itaas namin. May nadaanan pa kaming fireplace nang igiya kami ng kababata ni Solci, si Garam.

Naglakad kami sa pasilyo sa pangunguna ni Garam at huminto sa ikatlong silid. Pumasok agad kami at bumati sa 'min ang malamig na simoy ng hangin, nakabukas kasi ang malaking bintana. Isa-isang nilapitan nina Cormac at Langas ang mga muwebles na nakapuwesto sa gilid ng kuwarto.

Habang si Talay naman ay matamlay na umupo sa paanan ng kamang yari sa pinagsama-samang bulak. Malungkot pa rin siya sa nangyari kay Ru-An at sa pagkawala ng kaniyang mama.

Si Solci? Hayun, tinawag ni Haring Hestes.

"Magpapahinga na ba kayo o gusto n'yong maligo sa swimming pool?" usisa ni Garam, suot ang malapad na ngiti. Kulay asul ang kaniyang mga mata, matangos ang ilong, may patusok na tainga, kulay-krema ang kaniyang buhok, at balot ang kaniyang katawan ng pinagsama-samang kulay berdeng dahon.

"May swimming pool dito?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Cormac sa Banwaanon.

Tumango si Garam. "Of course!"

"Ano iyon?" Kumunot ang noo ni Langas habang unti-unting umupo sa kama, katabi ni Talay.

Humagikhik si Cormac. "Palanguyan," tugon nito. "Wala talaga sa bokabularyo mo ang salitang ligo, 'no?"

Hindi na 'ko nagulat na may swimming pool dito sa gingharian ng mga Banwaanon dahil naikuwento na sa 'min ni Solci na nakuha nila ang kultura sa kabilang parte ng Kamariitan, ang mundo namin. Katulad din namin kung magsalita ang mga Banwaanon dahil paminsan-minsan din silang bumisita sa mundo namin, nagpapanggap bilang tao, at nakihalubilo sa 'min nang 'di namin alam. Ayon pa kay Solci, mayaman din daw sila at kapag may nagustuhan silang mga tao o kapag may tumulong sa kanilang mga tao, hinahandugan nila ito ng maraming ginto.

Mababait talaga ang mga Banwaanon. Pero may mga masasama rin namang engkanto na tinatawag na Dalaketnon. Sinasabing paubos na raw ang lahi nila at nagtatago na sila ngayon sa mga liblib na lugar dito sa Kahadras saka may ilang lumikas sa normal na mundo.

'Di nagtagal, sumama na sina Cormac at Langas kay Garam papunta sa swimming pool. Hindi ako sumama kasi pagod ako. Kailangan kong humiga at kailangan kong analisahin kung bakit ko nga ba nagagamit ang kapangyarihan ni Sinrawee. Bukod pa ro'n, wala ring kasama rito si Talay. Nag-aalala ako sa kaniya kasi hanggang ngayon ay hindi pa rin napapawi ang lumbay sa kaniyang hitsura dahil do'n sa makadurog-pusong eksena nila Ru-An, at siyempre sa nanay niya.

"May sinabi ba si Manoy Bundiyo kung nasaan ang nanay mo?" basag ko sa katahimikang naghahari dito sa apat na sulok ng silid.

Umiling lang siya bilang sagot. Tumindig siya, ipinagkrus ang mga braso sa harapan ng dibdib, at naglakad nang dahan-dahan palapit sa nakabukas na bintana. 'Di nakaligtas sa paningin ko sina Saya, Alog, at Lish na ngayon ay natutulog na.

Hinubad ko ang gula-gulanit kong balabal, humiga sa kamang yari sa bulak, at saka nilunod ang sarili sa pagmumuni-muni. Sumagi sa 'king isipan 'yong alaalang dumalaw sa 'kin pagkatapos kong hagkan si Solci kagabi.

Nagkita na kami ni Solci no'ng bata pa kami? Pero imposible kasi 'di naman ako nagpunta rito sa Kahadras no'ng bata ako, eh. Lumaki kaya ako sa Maynila 'tapos lumipat sa Cebu. Pero ano 'yon? Ano'ng ibig sabihin n'on?

'Di kaya . . . may nagmamanipula sa alaala ko? Pinaglalaruan ako ng isang nilalang? Posible nga 'yon kasi kakaiba ang mundong 'to at puno ng mga mahiwagang nilalang.

Gumulong ako pakaliwa, tumagilid, at dinispatsa 'yong mga iniisip ko kani-kanina lamang. Kita kong nakatitig pa rin si Talay sa labas, malalim ang iniisip.

Ilang sandali pa'y tuluyan na 'kong bumangon at humakbang papalapit sa kaniya. Parang may dumidikta sa 'kin na kailangan kong pagaanin ang loob niya o may gawin akong isang bagay para maibsan kahit kaunti 'yong nararamdaman niya.

"Alam mo, Talay, naiintindihan kita." Nag-umpisang magtaas-baba ang kaliwang kamay ko sa likod niya. Hindi niya ako tinapunan ng tingin pero alam kong nakikinig siya. "Nawalay rin ako sa mga magulang ko para dito sa misyong 'to. Nami-miss ko sila, oo. Pero kailangan kong maging matatag. Kailangan kong magtagumpay rito. Alam kong nami-miss mo rin ang nanay mo kaya hahanapin natin siya, Talay. Kung si Sinrawee man ang may kagagawan n'on, dapat natin siyang pagbayarin," mariin kong wika.

Bumuntonghininga siya at pinihit ang leeg sa direksyon ko. "Daghang salamat, Olin." Sumilay ang maliit na ngiti sa kaniyang mga labi.

"Tantanan mo na ako, Cormac! Namumuro ka na!" rinig naming bulyaw ni Langas dahilan upang mapatingin kami ni Talay sa ibaba kung saan naliligo sina Cormac, Langas, Garam, at Solci sa swimming pool.

"Kailangan mo ng tulong ko para matanggal ang mga libag mo!" bulalas ni Cormac habang naghahabulan sila sa kulay asul na tubig.

"Kaya ko, Cormac! Kaya ko!" buwelta naman ni Langas, na ayaw magpadakip sa kaklase ko. Ang bilis niyang lumangoy pero 'di pa rin siya tinigilan ni Cormac. Halos mapigtal na ang pasensya ng isinumpang nilalang.

Tawang-tawa naman sina Solci at Garam habang nakababad sa tubig sa gilid ng palanguyan.

Nagulat ako nang kumaway sa 'min si Solci. "Yoo-hoo! Bebe boy! Talay girl! Swimming tayo!"

"Masaya rito! Tingnan n'yo ang mga kasama n'yo. 'Di ba nag-e-enjoy sila?" gatong pa ni Garam.

Umiling lang si Talay.

Sumenyas naman ako na ayaw ko, na magpapahinga pa 'ko.

* * *

Sa pananatili namin dito sa Hesteru, pakiramdam ko, sobrang bilis ng oras. Pagsapit ng tanghalian ay ginising ako ni Talay kasi pinapatawag daw kami ni Haring Hestes. Pagpunta namin dito sa kusina ay nakahain na sa mahabang mesa ang mga pagkain tulad ng adobong baki o palaka, litsong baboy ramo, inihaw na bangus, atis, kamias, makopa, at dalandan. Mayro'n ding leche flan at ube halaya na panghimagas. Dali-dali kaming umupo at nilantakan ang mga pagkaing nakahalik sa mesang may mantel na pula.

"Sharap!" anas ni Cormac habang puno ng pagkain ang kaniyang bunganga.

"Patay-gutom," komento naman ni Langas. Dahan-dahan lang siya sa pagkain. Umirap naman ang kaklase ko.

Sa pagpatak ng dapit-hapon, naghanda na kaming lahat dahil pupunta na kami sa kagubatan ng Sayre. Walang dapat sayanging oras. Sinasabi nilang magkakambal ang Sayre at Hesteru kasi magkadikit lang ito.

Napakunot-noo ako nang ipatawag ako ni Haring Hestes. May kabang namamahay sa sistema ko. Marami na rin akong naisip na mga dahilan kung bakit niya 'ko gustong makausap, pero dagli kong initsipwera ang mga ito.

Inihatid ako ni Solci sa hardin kung saan tahimik na nakatayo ang hari ng mga Banwaanon habang nakatingala sa kalangitan na pinaglalaruan ng kulay kahel, asul, at itim. Maganda rin ang simoy ng hangin dito kasi napapaligiran kami ng mga halaman at puno na hitik na hitik sa mga bulaklak at bunga.

"Bakit daw?" bulong ko kay Solci.

Hilaw na ngiti ang ipinaskil nito sa kaniyang mukha. "I don't know, eh. Pero feeling ko, may importanteng bagay siyang sasabihin sa 'yo bago tayo lumikas papuntang Sayre," anas niya. Pagkatapos na pagkatapos niyang sumagot ay palukso-lukso siyang naglakad palayo sa 'kin hanggang sa tuluyan na siyang naglaho sa 'king paningin.

Naglakad ako papalapit kay Haring Hestes. Habang papalapit nang papalapit ako sa kaniya ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Ewan ko ba, parang ayaw kong marinig 'yong sasabihin niya.

"Pinapatawag n'yo raw po ako, mahal na hari?" magalang kong sabi. Nang pinihit niya ang leeg niya sa direksyon ko ay agad akong yumuko nang bahagya saka nagbigay ng maliit na ngiti. Namamawis ang mga kamay ko kaya pinahid ko agad sa laylayan ng suot kong kulay-abo na uniporme.

Uminat din ang mga labi ni Haring Hestes. "How are you, Olin? Nag-enjoy ka naman ba rito sa gingharian ko?" pambungad na tanong niya sa 'kin.

Sa totoo lang, binabagabag pa rin ako n'ong alaalang dumalaw sa isipan ko. Pagod din ako dahil sa nakasagupa naming Ungo kaya nagpahinga ako kaninang umaga at ginising ako ng mga kasama ko para mananghalian. Bukod pa ro'n, nag-aalala pa rin ako kay Talay. Ngumiti siya at nagpasalamat sa 'kin, pero alam kong 'di ko pa rin naapula ang lungkot na nararamdaman niya.

Hilaw na ngiti ang ibinigay ko sa hari. "Ayos lang naman po ako," panlalansi ko.

"Mabuti naman," aniya at hindi pa rin napapawi ang ngiti sa mga labi. Kapagkuwan ay tumikhim siya at sumeryoso bigla. "Alam mo naman siguro na magkaibigan kami nina Rayna Helya at Mounir, 'di ba?" pagsaboy niya ng kuwestiyon.

Napalunok ako. Heto na. Sinasabi ko na nga ba. Naramdaman ko na parang may karerang nagaganap sa loob ng aking dibdib. Tumango ako at sumagot ng, "Opo."

Ipinagkrus niya ang kaniyang mga braso sa harapan ng kaniyang dibdib. "Kinausap ako noon ni Mounir na kapag nakarating na kayo rito sa Hesteru, idi-disclose na namin sa 'yo ang totoo. Olin, you should be ready. This is your destiny. You are the chosen one."

"Ano po ang ibig n'yong sabihin?" tanong ko. Pero 'di siya sumagot.

Pagkaraan ng ilang segundo, nagulantang ako nang may biglang nagpakita sa harapan namin. Halos mapalukso ako sa gulat. Muntik na ring sumayad ang panga ko sa damuhan nang titigan ko siya nang matagal. Natatakpan ng asul na tela ang kaniyang katawan, pati na rin ang kaniyang ulo. Tanging mukha lang niya ang nakikita ko. Kasalukuyan siyang lumulutang sa ere. Hindi naman nakatakas sa 'king paningin ang kulay-abo niyang mata at saka umiilaw rin ang letrang "H" na nakatatak sa kaniyang noo.

Napalunok ako ng laway bago magtanong. "S-Sino ka?"

Lumingon muna siya kay Haring Hestes bago ibaling sa 'kin ang kaniyang tingin. "Ako si Hinumdom, ang diyos ng alaala," pagpapakilala niya sa kaniyang sarili.

Diyos ng alaala? Masama ang kutob ko rito. Parang may suwail na boses na nagdidikta sa 'kin na kailangan kong tumakbo papalayo sa kanila. Pero dahil sa lumalagong kuryusidad, pinili kong manatili rito.

Nanlaki ang mga mata ko nang mahagip ng paningin ko ang kulay-abong usok na kumawala sa letrang "H" na nakatatak sa kaniyang noo. Dahan-dahan itong naglayag sa hangin papunta sa 'kin. Napaatras ako nang kaunti ngunit huli na ang lahat. Pinalibutan ako ng usok at sa isang iglap ay bigla itong pumasok sa ulo ko. Pagkatapos niyon ay parang umiikot ang paligid, dumodoble ang hitsura nina Haring Hestes at Hinumdom. Natuod ako sa kinatatayuan ko. Ang kaninang magandang tanawin ay tuluyan nang nasira. Para akong nakalunok ng kakaibang droga.

"Ikaw ang dahilan kung bakit nawalan ng tahanan ang ilang mga Porrasian noon, Olin. Ikaw ang dahilan kung bakit sinakop ni Sinrawee ang gingharian ng Porras!" rinig kong sabi ni Hinumdom. Parang nag-e-echo ang boses niya, at 'di 'yon nagustuhan ng aking mga tainga.

Naningkit ang mga mata ko. "A-Ano?"

"Kasalanan mo kung bakit nanghihina na ngayon sina Sinrawee at Prinsipe Helio. Muntikan nang mawalan ng prinsipe ang mga Melyarine nang dahil sa 'yo!" bulyaw ni Hinumdom.

Butil-butil na pawis ang tumatagaktak galing sa sentido ko. Bumaling ako kay Haring Hestes. "M-Mahal na hari, t-tulungan mo 'ko," pakiusap ko. Pero dahil sa epekto ng usok, naging apat ang hari ng mga Banwaanon. Magkakasunod itong humalakhak dahilan para mapangiwi ako. Naririndi ako sa ingay niya! Gusto kong takpan ang tainga ko subalit parang naparalisa ang mga kamay ko!

"Hindi totoo na ikaw ay tagapagdala ng itim na kapangyarihan ni Sinrawee!" pagpapatuloy ng diyos ng memorya. "Dahil ang totoo, ang puwersang nananalaytay sa katawan mo, ang itim na kapangyarihang dala-dala mo ay pagmamay-ari mo!"

Napalingon ako kay Hinumdom dahil sa sinabi niya. Naging tatlo ang kaniyang mukha at namumula ang mga ito sa galit. Paulit-ulit pang naglakbay sa bakuran ng tainga ko 'yong huling sinabi niya na "ang itim na kapangyarihang dala-dala mo ay pagmamay-ari mo!" Humalo pa ro'n ang halakhak ni Haring Hestes dahilan para sumakit ang ulo ko.

"Tama na po!" pakiusap ko. "Tama naaa!"

Pagkatapos kong isigaw 'yon ay tuluyan nang bumalik sa dati ang lahat. Namataan ko si Hinumdom na seryosong nakatitig sa 'kin at si Haring Hestes na puno ng pag-aalala ang hitsura. Napaupo ako saka napahawak sa ulo ko. At kasabay niyon ang pagpasok ng mga alaala ko. Tama nga ang lahat ng sinabi ni Hinumdom.

Pakiramdam ko ngayon ay buo na ako, ngunit kinamumuhian ko ang sarili ko. Kasalanan ko kung bakit napaalis si Haring Kalak sa Porras. Kasalanan ko kung bakit nanghihina ngayon si Helio, ang kaibigan ko.

"A-Ayos ka lang, Olin?" nag-aalalang tanong sa 'kin ng pinuno ng mga Banwaanon. Hindi ako sumagot.

"Kagagawan mo ang lahat ng 'yon, Olin. Ikaw ang ehemplo ng kaguluhan," dagdag pa ng diwata ng alaala. "At ngayon, oras na para ayusin ang gulong ginawa mo . . ."

Tama si Hinumdom. Hindi ako ang pangunahing karakter sa sarili kong kuwento dahil ako ang ehemplo ng gulo.

Isa akong huwad na bida.

t.f.p. | thefakeprotagonist

A/N: Gawa-gawa ko lang talaga si Hinumdom, ang diyos ng memorya. "Hinumdom" is a Visayan word which means "to recall" or "to remember."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top