Chapter 26 - King Hestes

OLIN

"Giatay!" bulalas ni Cormac at parang may tsine-check siya sa kaniyang bulsa.

Muling nabuhay ang mga balahibo ko sa braso nang tapunan ko ulit ng tingin ang Ungong si Ru-An. Nanlilisik ang mapupula nitong mga mata at ang kaniyang laway ay hindi maputol-putol.

"Bumalik na kayo roon." Gamit ang kaniyang nguso, tinuro ni Cormac ang daan pabalik sa tahanan ng mga Tselese. "May hahanapin lang ako. 'Yong ano ko . . . Hahanapin ko lang 'yong regalo sa 'kin ni Rayna Nagwa. Bye!" Kumaway siya habang nakatalikod na saka kumaripas ng takbo palayo sa 'min ni Solci.

Hindi kami nagdalawang-isip ni Solci. Sinunod namin ang panuto ni Cormac at agad na tinahak ang kamotehan na dinamayan ng mga malalagong damo. 'Di namin inalintana ang kating idinulot nito at sakit ng aming mga binti katatakbo matakasan lang ang Ungo. Patuloy lang kami sa pagtakbo habang magkahawak ang aming kamay.

Habang tumatakbo ay napansin namin ang biglang pananahimik ng paligid. Wala nang kaluskos, tunog ng nabaling mga sanga, at malulutong na dahon kaya napahinto kami. Iginala namin ang aming mga mata sa paligid namin, umaasang mamamataan namin ang kinaroroonan ng Ungo. Napapalibutan kami ng mga naglalakihan at nagtataasang mga puno. Ramdam kong may dalawang matang nakatitig sa 'min pero 'di ko matukoy kung saan ito nakapuwesto!

"Mas okay pa 'yong hinahabol niya tayo kaysa ganito. 'Di natin alam ang kinalulugaran niya ngayong," saad ko at kasalukuyan pa ring inilibot ang aking paningin.

"True," sagot ni Solci. Ramdam ko ang panginginig niya dahil nga magkahawak kami ng kamay. "Or baka naman si Cormac ang pinupuntirya niya?" nanlalaki ang mga matang bulalas ni Solci sabay takip sa kaniyang bibig.

May panlaban naman si Cormac. Pero nawala niya 'yong mahiwagang kabibe ni Kaptan!

"Kailangan natin siyang balikan."

Akmang babalik kami sa kinaroroonan ni Cormac nang bigla na lang umihip ang napakalakas na hangin. Nagsayawan ang mga puno, lumagitik ang kawayan sa di-kalayuan, at parang may sangang nagrereklamo sa bigat ng nakasampa roon. Sunod na rumehistro sa 'ming pandinig ang atungal ng aso.

Binuksan ko ang libreng palad ko, umaasang may lalabas dito na itim na kapangyarihan ngunit nabigo na naman ako sa pagkakataong ito. Nahagip ng paningin ko ang pagsamo ni Solci ng kaniyang pana at palaso. Nanliit ako sa sarili ko. Ilang beses na 'kong niligtas ng mga kasama ko. Parati na lang akong pabigat. Ni hindi ko natalo 'yong Ungong naengkwentro namin sa labas ng kagubatang 'to.

Kumuha siya ng isang palaso mula sa kaniyang likuran at saka naghanda sa pag-atake. Kapansin-pansin ang panginginig niya habang binabanat ang tali ng kaniyang pana. Ang paglangitngit ng tali ay dumaragdag sa tensyon sa paligid.

Huminga ako nang malalim, lumapit kay Solci, at isinantabi ang takot. Hindi garantisado ang kaligtasan namin ni Solci sa oras na 'to subalit magkasama naming haharapin ang nakaabang na panganib. Magkatalikuran kami ni Solci dahil pakiramdam naming may susugod sa 'min ano mang oras.

Napahinga muli ako nang malalim. Napatay nga namin 'yong Mameleu. Sa tingin ko, kaya rin namin ang isang 'to. Kailangan lang naming maging handa sa pagsalakay ng Ungo.

Laking-gulat ko nang may biglang sumampa sa kanang balikat ko dahilan para gumulong kaming pareho sa kamotehan. At kasabay niyon ay ang muling paglangitngit ng tali sa pana ni Solci.

Dali-dali akong sumigaw ng "Solci, 'wag!" nang mapagtanto kong si Langas pala itong sumugod sa 'kin. 'Kala ko, 'yong Ungo na! 'Nimal!

Kaagad na lumapit si Solci sa kinaroroonan namin ng isinumpang nilalang. Tumayo naman kami ni Langas at pinagpagan ang aming mga sarili.

"Kailangan nating dalhin ang Ungo sa likuran ng bahay nila Talay," anunsyo ni Langas dahilan para kumunot ang noo namin ni Solci.

"And why?" tanong ni Solci.

"Teka, nasa'n ang Ungo? Nakita mo ba?" sabat ko.

"Ako ang hinabol niya kanina. Alam kong narito lang siya sa paligid." Unti-unting humina ang boses ni Langas at napalinga-linga sa paligid na animo'y ang susunod niyang sasabihin ay kompidensyal. "Dapat natin siyang dalhin sa likod ng tahanan nila Talay sapagkat may malawak na asinan doon. Kailangan natin siyang paslangin bago tayo magtungo sa Hesteru nang sa gayon ay wala nang Ungong gagambala sa Tribong Tselese."

Tumango-tango naman kami ni Solci bilang pagsang-ayon sa binabalak ni Langas.

Muli kaming nakarinig ng pagkaluskos sa paligid kaya tumakbo ulit kami sa pangunguna ni Langas. Kumanan kami. May iilang halaman at sangang marahas na sumampal sa 'min dahil sa pag-aapura pero 'di namin inalintana ang sakit.

Patuloy lang kami sa pagtakbo hanggang sa may nakita kaming maliit na ilog. Magtatanong sana ako kung tama ba 'tong dinaraanan namin ngayon ngunit biglang sumagi sa isipan ko na alam pala ni Langas ang pasikut-sikot dito sa Kahadras. Walang pag-aatubili na tumulay kami sa nakahigang katawan ng puno saka tumawid sa kabilang parte.

Pagkaraan ng ilang sandali'y nahagip ng paningin namin ang lumalagong apoy sa di-kalayuan. Hindi ako nagkakamali, bahay 'yon nila Aling Pulana ang nasusunog. Sigurado akong kagagawan 'yon ng Tribong Tselese. At siguradong-sigurado akong nagpupuyos na ang galit ni Ru-An sa mga oras na 'to.

"HINDIII!" Umalingawngaw sa buong kagubatan ang palahaw ni Ru-An at nasundan pa ng alulong ng aso.

Mas binilisan namin ang pagtakbo sa pagkakataong ito. Sumisiklab na ang poot ni Ru-An at ano mang oras ay babalatan niya nang buhay ang isa sa 'min. Kapagkuwan ay naging marahas ang kaluskos sa paligid at samahan pa ng matitinis na tunog ng mga sangang nabali.

"Lumalakas siya," kinakabahang wika ko.

"True, pero dili ma-scared. May pana naman ako," ani Solci.

"Ganiyan talaga kapag bagong Ungo, mabangis. Tila maghahanap kaagad ang kanilang katawan ng mabibiktima. Mag-ingat tayo at maging mapanuri. Kailangan nating makaabot sa asinan nila Talay sa lalong madaling panahon," pagbibigay-alam sa 'min ni Langas.

Tumakbo lang kami nang tumakbo. Sinuong namin ang mga punong may kakaibang korte, humalo sa malawak na talahiban, at muling tumawid sa ilog. Naulinigan namin na palukso-lukso lang ang Ungo sa mga sanga ng puno.

Hindi nagtagal ay narating ng aming mga paa ang tahanan ng Tribong Tselese. Tahimik ang kabahayan sa itaas ng mga puno. Kung natutulog ba silang lahat sa oras na 'to, nagtatago sa iisang lugar, o lumusob silang lahat sa bahay nila Aling Pulana ay wala na akong ideya.

Tumungo kami sa harapan ng tanging bahay na nakatayo sa lupa. Malaki ito at yari sa pinagtagpi-tagping kahoy pero wala itong pinto. Hindi naman nakaligtas sa 'ming paningin ang nag-iisang lamparang nakahalik sa habilog at kulay-tsokolateng lamesita.

"Nasa'n ang mga ferson?" kunot-noong tanong ni Solci kay Langas. Hawak-hawak pa rin niya ngayon ang kaniyang pana at palaso.

Tumikhim muna si Langas bago sumagot. "Ang mga lalaking Tselese ay may dala-dalang sulo at pumunta sila sa tahanan ng Ungo. Ang mga kababaihan, matatanda, at mga bata naman ay lumikas. Pansamantala silang nagtungo sa malapad na asinan nila Talay."

"Tara na!" sabi ko.

Hindi na kami nagpatumpik-tumpik pa at agad naming inihakbang ang aming mga paa. Nag-umpisa kami sa paglalakad. Unti-unti naming binilisan ang paghakbang hanggang sa ang lakad ay naging takbo. Narinig pa rin namin ang sigaw ni Ru-An sa malapit.

Nagpakawala si Solci ng tatlong palaso pero hindi niya ito natamaan. Hinawakan ko ang isang kamay ni Solci at manaka-nakang tumitingin sa likuran namin. Ngunit biglang nawala ang Ungo! Hinampak!

"Dito!" panuto ni Langas.

Ilang beses na kaming sumuong sa mga kahoy na may kakatwang porma. Patuloy lang kami sa pagtakbo. 'Di inalintana ang tumatagaktak na pawis. Ang importante ay makarating kami sa asinan nila Talay.

"Nandito na tayo," anunsyo ng isinumpang nilalang.

Doon ay natanaw namin ang malaking bahay na nakapatong sa itaas ng puno, at sa likuran nito'y may malawak na asinan. Dumapo ang mga mata ko sa pulutong ng mga kababaihan, matatanda, at bata. Mula rito'y nakita ko ring may umalis sa grupo nila at tumakbo papalapit sa 'min. Si Talay.

"Dalian n'yo!" nagkukumahog na sigaw ni Talay. Namumugto ang kaniyang mga mata. Dala-dala niya pa rin sina Saya, Alog, at Lish hanggang ngayon.

"Pagdali 'mo!"

"Faster!"

Nakaapak na nang tuluyan si Langas sa asinan. Pero kapansin-pansin na sa itaas namin nakatingin si Talay. Napalunok ako. At nang ibaling ko ang paningin ko sa itaas ay agad na nanlaki ang aking mga mata. Dali-dali kong itinulak si Solci sa asinan dahilan para sa 'kin bumagsak ang Ungong may nakatatakot na hitsura.

Gumulong-gulong kaming pareho sa lupa, malayo pa sa asinan. Hanggang sa pumaibabaw siya sa 'kin at ipinuwesto ang magaspang niyang mga kamay sa leeg ko. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya, pinipilit na alisin ang kaniyang mga kamay kasi nahihirapan na 'kong huminga!

Unti-unti namang pumapasok sa butas ng ilong at tainga ko ang buhaghag niyang buhok.

"Pinatay n'yo ang ina ko! Kailangan n'yong magbayad!" sigaw ni Ru-An, na umalingawngaw sa buong kagubatan. Nanlilisik ang mga mata nito, halos pumutok na ang mga ugat sa noo, at ang kaniyang laway na nakatakas sa kaniyang bibig ay hindi maputol-putol.

Kapagkuwan ay parang hinihigop ng mga buhok niya ang lakas ko. Nangyari na 'to sa 'kin noon. Kung hindi ako lalaban ay ikamamatay ko itong pinaggagawa niya!

Ipinilig ko pakaliwa ang ulo ko nang biglang nag-init ang aking leeg dahil sa galit na sumisiklab sa loob ko. Heto na. Nagparamdam na ulit ang puwersang nananalaytay sa katawan ko!

May nagpakawala ng palaso pero dumaplis lang ito sa balikat ni Ru-An.

Itinaas ko ang kanang kamay ko at nakita kong parang may itim na kapangyarihang naglakbay sa 'king braso hanggang sa tumakas ito sa palad ko saka naging bilog. Kahit nahihirapang huminga, nagawa kong maiangat ang kanto ng mga labi ko. At kasunod niyon ay ang pagbabago ng aking paningin.

Marahas kong itinapat kay Ru-An ang bilog na nakatungtong sa palad ko dahilan para tumilansik siya di-kalayuan at tumama ang likod niya sa isang puno. Napahalinghing siya sa sakit.

Dahan-dahan akong tumayo, pinagpagan ang sarili, at initsipwera ang takot ngayong nagamit ko na ulit ang kapangyarihan ni Sinrawee. Binuksan ko ang isa kong palad at lumabas din doon ang bilog na kapangyarihan.

Inilibot ko ang paningin ko at nakitang naging puti ang mga tao, pati na rin ang Ungo na si Ru-An.

Ikinumpas ko ang mga kamay ko dahilan para yumanig nang kaunti ang lupa at nabitak ito. 'Di naglaon ay pumailanlang sa ere si Ru-An kasama ang parisukat na lupa. Itatapat ko na sana ang kaliwang kamay ko sa Ungo para malusaw ito gaya ng mga dambuhalang gagamba noon pero may biglang dumagit sa kaniya.

Isa iyong puting nilalang na may pakpak at ulo na gaya ng agila at saka ang katawan nito ay katulad sa leon. Isang Griffin! Alam kong si Cormac 'yon! Gamit ang kaniyang malalaking kuko sa harapan, kumapit ito sa magkabilang balikat ni Ru-An na ngayon ay nagpupumiglas.

Muling ipinagaspas ng Griffin ang kaniyang pakpak, dala-dala ang Ungo. Lumapit siya sa asinan at bigla niyang hinulog si Ru-An doon dahilan upang masugatan ang mga balat nito at nagsisigaw sa sakit. At mula sa itaas, bumuka ang bibig ni Cormac, na naging Griffin, at binudburan niya ng dinikdik na bawang ang Ungo. Parang sumasayaw si Ru-An sa hapdi ng buo niyang katawan.

Namamangha, nanatili pa rin sa kanilang puwesto ang mga babae, matanda, at batang Tselese.

Ilang sandali pa'y tuluyan nang bumalik sa dati ang aking paningin. Agad na lumapit si Solci sa kinalulugaran ko para suriin ako.

"Okay ka lang?" nag-aalala niyang tanong.

Tumango lang ako bilang sagot kahit na pakiramdam ko'y may sugat ako sa leeg sanhi ng pagsakal sa 'kin ni Ru-An.

Nanatili kami ni Solci sa puwesto namin at mula rito ay tanaw naming papalapit si Talay sa kinaroroonan ng kaniyang kaibigan. Iniwan niya ang mga nagsasalitang bulaklak kay Langas. Nangi-ngimi at lumuluha, hinugot niya ang kaniyang punyal mula sa tagiliran niya.

"Talay, ngayon na!" mando ni Cormac. Lumilipad siya sa itaas nina Talay at Ru-An.

Pagkaraan ng ilang minuto, bumigay na ang mga binti ni Ru-An at napaupo siya sa asinan. Namumula na ang kaniyang balat at hindi na maipinta ang kaniyang hitsura. Habang nakaupo, hindi pa rin siya mapakali dahil nakahalik ang pwet at mga binti niya sa asinan.

Dinispatsa ko ang awang nararamdaman ko sa kaniya habang pinapanood siya. Kailangan na niyang mamatay para wala na siyang masasaktan dito sa bayan ng Tsey.

"Pinatay n'yo ang nanay ko!" sumbat ni Ru-An nang makalapit si Talay.

Kumawala ang hikbi sa bibig ni Talay. "P-Patawarin mo 'ko, Ru-An," aniya. "Hindi ko alam na nanay mo 'yon. Hindi namin sinasadya. Ipinagtanggol lang namin ang aming mga sarili." Pinunasan niya ang kaniyang luha gamit ang isang libreng kamay.

Tila umurong ang dila ni Ru-An. Naghari ang katahimikan sa pagitan nila. Yumuko siya at nagtaas-baba ang kaniyang magkabilang balikat. Umiiyak din siya.

"P-Paslangin n'yo rin ako, Talay," pagbasag niya sa katahimikan. "K-Kung hindi ko rin lang masisilayan ang ngiti ng aking ina sa pagputok ng araw, mas mabuti pang patayin n'yo na lang ako." Dahan-dahang natuklap ang balat niya dahil medyo matagal na siyang babad sa asinan.

Sunod-sunod na pag-iling ang isinukli ni Talay. Nanginginig na ang kamay niyang may hawak na punyal. "H-Hindi! H-Hindi ko kaya," naiiyak niyang sabi. "Bago ako naging tagapagsilbi ni Rayna Helya, ako ang iyong matalik na kaibigan, kasama sa pagpitas ng prutas, kasama sa paghuli ng mababangis na hayop, at kasosyo sa mga kalokohan. Ru-An, hindi ko kaya. Hindi ko kayang patayin ang taong itinuturing kong kapatid." Tuluyan nang sumuko ang mga binti ni Talay. Napaluhod siya sa asinan at humagulgol.

Nag-angat si Ru-An ng tingin kay Talay. "Patayin mo na 'ko, Talay. Ayos lang sa 'kin. Maski ako ay kinamumuhian ko rin ang sarili ko dahil sumagi sa isipan ko na paslangin ang sarili kong ina. Ayaw ko sanang maging ganito ngunit ayaw ko rin siyang patayin gamit ang mga kamay ko kaya tinanggap ko ang sumpa ng pamilya namin." Humagulgol si Ru-An. "P-Patayin mo na 'ko, Talay. Ayaw kong maging Ungo habang buhay. Masasaktan ko lang kayo at ang Tribong Tselese. Nakikiusap ako, Talay, gawin mo na!"

Umiling si Talay. "H-Hindi! Ayaw ko!"

"Papatawarin naman kita. Hindi naman magbabago ang pagtingin ko sa 'yo. Ayaw ko lang talagang maging ganito. Patayin mo na ako," pakiusap ni Ru-An habang kinakamot ang kaniyang mga bisig at binti.

Unti-unting lumalapit si Talay sa kaniya. Habang papalapit siya nang papalapit ay palakas din nang palakas ang tibok ng aking puso. Parang may karerang nagaganap sa loob nito.

Akmang itatarak na ni Talay ang kaniyang punyal sa puso ni Ru-An pero bigla siyang huminto. Itinapon niya ang punyal sa malayo at napasigaw ng, "Ayaw ko!"

Hinubad ni Talay ang suot niya bakya at ipinasuot kay Ru-An. Hinubad din niya ang kaniyang kulay-kapeng balabal at ibinigay sa kaniyang matalik na kaibigan. "Umalis ka rito sa bayan ng Tsey, magpakalayo-layo ka. 'Wag mong saktan ang Tribong Tselese at ang ibang tao, kontrolin mo ang sarili mo. Balang-araw, matutulungan mo rin kami sa laban. Balang-araw, mapagtanto mo rin na ikaw ang pangunahing karakter sa sarili mong kuwento kahit ganiyan ka." Nginitian niya si Ru-An at inayos ang buhok nito.

"T-Talay . . ."

Ilang sandali pa ay tila nauunawaan ni Cormac ang gustong mangyari ni Talay kaya kumilos ito. Kaagad na dinagit ng Griffin ang Ungo na si Ru-An at dinala niya ito sa kabilang parte ng gubat.

"Paalam, Ru-An. Hanggang sa muli . . ." rinig naming wika ni Talay.

Eksaktong pagkawala nina Cormac at Ru-An sa aming paningin ay siya namang pagdating ng mga lalaking Tselese na may dala-dalang sulo sa pangunguna ni Manoy Bundiyo.

* * *

Magbubukang-liwayway na nang marating ng aming mga paa ang lupain ng Hesteru, ang gingharian ng mga Banwaanon, ang tahanan nila Solci. Nababalot ng makapal na hamog ang kagubatan. Maaga kaming nagpaalam sa Tribong Tselese dahil masyado na kaming nagtatagal. Kailangan na naming makuha ang Boac bago pa mahuli ang lahat.

Kaunti lang ang tulog namin at bakas ang pagod sa hitsura ng mga kasama ko. Kasalukuyang nangunguna sina Langas at Solci. Samantalang nakasunod naman kami nina Cormac at Talay. Ngumunguya ngayon si Cormac dahil humingi siya ng baon kay Manoy Bundiyo habang si Talay naman ay tahimik lang at namumugto pa ang mga mata. Sa lahat, si Talay ang nakaaawa dahil naging Ungo ang kaniyang kaibigan at nagpakalayo-layo. 'Tapos, nawawala pa ang kaniyang ina.

Lumapit ako nang kaunti kay Talay sabay tapik sa kaniyang balikat at saka hinandugan ko rin siya ng maliit na ngiti.

"We're here, mga ferson!" deklara ni Solci sabay tingin sa 'min.

'Di gaya n'ong mapanlinlang na gubat sa Escalwa, ang gubat dito sa Hesteru ay tila pabor sa 'min. Nagsihawian ang mga puno na parang may nagmando sa kanila at tumambad sa 'ming harapan ang puting gingharian ng mga Banwaanon. Sumalubong sa 'min ang mga nilalang na may matutulis na tainga, may mapuputing buhok gaya ng kay Solci, may suot na damit na gawa sa pinagtagpi-tagping mga dahon na ang kulay ay pinaghalong kulay-lupa at berde, at saka nakasakay ang mga ito sa mapuputing mga usa na ang sungay ay may maraming sanga. 'Tapos, may hawak-hawak silang mga pana at palaso. Kung susumahin, labinlima silang lahat.

Kapagkuwan ay umabante ang isang Banwaanon na may koronang yari sa pinagsama-samang ugat ng kahoy at parang binudburan ng mga maliliit na dyamante. Gumilid agad sina Solci at Langas dahilan para huminto sa harapan ko ang Banwaanon.

"Welcome to Hesteru, Olin the Bearer," bati nito sa akin at binigyan ako ng maliit na ngiti.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kaya ngumiti na lang din ako at saka bahagyang yumuko sa harapan niya.

Palukso-lukso namang lumapit si Solci sa 'min. May nakapaskil na malapad na ngiti sa kaniyang mukha. "Siya nga pala ang father ko, the king of Hesteru. Siya si King Hestes . . ."

t.f.p.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top