Chapter 25 - Ungo Chronicles

OLIN

"Olin? Solci? Yoo-hoo! Nasa'n na kayo?"

Mabilis pa sa alas-kuwatro na nagkahiwalay ang mga labi namin ni Solci nang maglakbay sa bakuran ng aking tainga ang sunod-sunod na sigaw ni Cormac. Umusod ako nang kaunti at alanganing ngumiti. 'Tapos, lumikot ang mga mata ko.

Klinaro ni Solci ang kaniyang lalamunan bago sumigaw ng, "Naa 'mi diri, Cormac!"

["Nandito kami, Cormac!"]

Pareho kaming nakatingin sa ibaba, hinihintay ang kaklase naming magpakita. Ilang sandali pa, tuluyan na niyang isiniwalat ang kaniyang sarili. Nakatingala siya sa 'min habang may bitbit siyang sulo.

Nanlaki ang mga mata nito. "Hoy! Nag-unsa man 'mo, dira? Inyo mang gihimo'g hotel intawon ang kahoy, uy!"

["Hoy! Ano'ng ginagawa n'yo riyan? Ginawa n'yo namang hotel ang puno!"]

"Buang ka? Ang sarap mong kutusan sa esophagus!" buwelta naman ni Solci.

Humagalpak ito ng tawa. "Siya nga pala, may nangyari," pag-iiba niya ng usapan. "Ang nanay raw ni Ru-An na si Aling Pulana ay naghihikahos na!"

Nagkatinginan kami ni Solci dahil sa gulat at dali-daling pumanaog sa puno. Ang sunod naming ginawa ay naglakad nang mahaba patungo sa bahay nina Ru-An at Aling Pulana sa pangunguna ni Cormac.

Ngunit lumilipad ang utak ko. Pakiramdam ko, may nawawala akong mga alaala. Siguradong-sigurado ako na batang bersyon namin 'yon ni Solci 'yong dumalaw sa 'king isipan no'ng nagkahalikan kami.

Pero sa Maynila ako lumaki 'tapos lumipat sa Cebu. Ngayon lang ako napadpad sa katakut-takot na mundong 'to. Sino ba talaga ako? Ano ba talaga ako? Ang gulo-gulo!

"Nandito na tayo," anunsyo ni Cormac sa mahinang tinig.

Iginala ko ang aking mga mata. Ang layo nito sa bahay nila Manoy Bundiyo.

Pansin kong parang ginaanan niya ang pag-apak sa mga tuyong dahon sa lupa. At ngayon ko lang din napansin na marami pala siyang dalang bagay, bukod sa kaniyang maso at mahiwagang kabibe.

"Ano 'yang mga dala-dala mo?" kunot-noong tanong ko.

Ngumiti siya at tiningnan ang bitbit niyang mga bagay. "Ah, ito? Buntot pagi, asin, at saka dinikdik na bawang. Lahat ito'y pangontra sa mga Ungo."

Tumango-tango ako. Hindi na ako nagsaboy ng kuwestiyon kung bakit niya ito dala ngayon. May naengkwentro kaming Ungo kanina kaya may posibilidad na may aatake sa 'min sa loob ng gubat na 'to.

"'Di ba sabi mo naghihikahos na si Aling Pulana? Ba't parang tahimik dito? Wala bang gustong mag-check sa condition niya? Baka puwede pa siyang magamot ng doktor or something," pagsingit naman ni Solci.

Inilapit niya ang kaniyang hintuturo sa labi niya. "Shh! 'Wag kayong maingay. Ganito kasi 'yan, pumunta raw sina Ru-An at Talay sa bahay nila Talay pero sa kasamaang palad ay wala na roon ang kaniyang ina. Nagpulong ngayon ang Tribong Tselese sa kanilang himpilan. At doon ko nakalap ang mga impormasyon.

"Napag-alaman kong tumungo kina Talay si Langas para i-comfort ito. Pero si Talay lang ang nadatnan niya, wala raw do'n si Ru-An. Nang dalhin ni Langas si Talay sa himpilan at tanungin niya kung nasaan si Ru-An, ang sagot ni Talay ay dali-dali raw itong tumakbo pauwi sa kanila dahil nabalitaan niya sa isang Tselese na narinig nito ang palahaw ng kaniyang nanay na si Aling Pulana.

"Nanindig ang balahibo ng ilan nang marinig iyon kay Talay. Talamak daw kasi ang kuro-kuro na isang Ungo si Aling Pulana. At kung totoo man 'yon, sa tingin ko, siya ang umatake sa 'yo kanina, Olin. Grabe 'yong sugat na natamo niya kaya siya nanghihina ngayon. Ayon sa mga Tselese, baka raw malipat kay Ru-An ang pagiging aswang o Ungo. Hindi raw matitigok si Aling Pulana kung hindi niya maisalin kay Ru-An ang sumpa, pero habang buhay naman itong manghihina. At kapag mabalitaan naman natin na patay na ang nanay niya, ibig sabihin n'on ay isa nang ganap na Ungo ang kaibigan ni Talay."

Nanayo ang balahibo ko sa braso at sa batok dahil sa ikinuwento ni Cormac sa 'min. "Kung gayon, ano'ng nag-udyok sa 'yo para dalhin mo kami rito sa bahay nila?" ang tanong na kumawala sa bibig ko.

"It's either tulungan nating ilayo si Ru-An kung normal pa siya or patayin kung isa na siyang Ungo, ganern?" nakahalukipkip na saad ni Solci.

Tumango si Cormac. "Wala tayong choice kung gano'n. Naghanda na sina Manoy Bundiyo at iba pang mga Tselese sa paglusob dito. Balak nilang sunugin 'yang bahay na 'yan. Gaya ng sabi mo, Solci, 'pag hindi pa Ungo si Ru-An ay kailangan natin siyang iligtas. Pero kung huli na tayo, wala na tayong ibang magagawa kung 'di wakasan ang buhay niya." Namutawi ang lungkot sa kaniyang mukha at nanginginig din ang mga kamay niyang may hawak na sulo ng apoy.

Mayamaya pa'y napagdesisyunan naming sumampa sa hagdan patungo sa bahay nila Ru-An. Pinatay ni Cormac ang apoy at iniwan sa ibaba. Nangangatal, tahimik naming hinakbang ang mga baitang hanggang sa makarating kami sa harap ng pintuan nila. Sinadya naming gaanan ang pagtapak sa makapal na tabla para 'di ito gumalaw at para 'di kami mapansin.

Dumiretso kami sa likuran ng bahay at dito ay may nasumpungan kaming butas. Sanhi ng lumalagong kuryusidad, sabay kaming sumilip dahilan upang matunghayan namin ang eksena sa loob ng bahay kubo nila Ru-An. Halos matutop namin ang aming bibig.

"Ru-An, a-anak, h-halika rito. M-May ibibigay ako sa 'yo," nauutal na wika ni Aling Pulana. Hinang-hina itong nakaratay sa lumang lantay at mukhang nahihirapan nang huminga at makapagsalita. Duguan din ito dahil sinaksak ito ng mga kasama ko kanina.

Sumisinghot, unti-unting lumalapit si Ru-An na may nakatagong parang puting bulaklak sa kaniyang likod. "A-Ano po 'yon, 'Nay?" tipid niyang tugon. Parang nag-aalangan pa siya sa pag-upo sa lantay. Lumagitik ito nang makaupo siya.

"Omg! Is that ano—buwak ng lalaking kapayas o papaya?" anas ni Solci. Nasa magkabilang gilid ko silang dalawa habang ako naman ang nasa gitna.

"Ano naman kung may hawak siyang ganiyan?" tanong ko habang 'di siya tinitingnan.

"Oo nga," gatong pa ni Cormac.

"'Di n'yo knows? Napaka-powerful ng bulaklak na 'yan, mga kuys. Ilalagay lang ang dinikdik na buwak ng kapayas sa sugat ng naghihingalong Ungo 'tapos matetegi na siya. Tapos! The end! 'Goodbye, Philippines' na ang drama niya sa buhay!" bulong niya na ikinalaki ng mga mata ko.

"So, alam niyang aswang ang kaniyang ina? 'Tapos ngayon, balak niya itong patayin dahil ayaw niyang mamana ang pagiging Ungo nito?"

Pabirong hinampas ni Solci ang balikat ko. "Tumpak ka riyan, bebe boy."

Uubo-ubo, muling nagsalita ang kaniyang ina na ano mang oras ay babawian na ng buhay. "M-May ireregalo ako sa 'yo, Ru-An. Minana ko 'to mula sa iyong lola. N-Ngayon ay panahon na para ikaw naman." Sobrang hina na ng tinig nito, pero sapat lang para marinig naming tatlo.

"I-Inay . . ."

Nasaksihan namin ang panginginig ni Ru-An. Bahagya itong yumuko hanggang sa tuluyan na niyang nabitawan ang buwak ng kapayas. Tinakpan niya ang kaniyang bibig ngunit may nakatakas pa ring mga hikbi.

Hindi niya kaya. Hindi niya kayang patayin ang sarili niyang ina.

Nangi-ngimi, dahan-dahan siyang lumuhod sa harapan ng kaniyang ina. Kumunot ang noo ko nang makitang parang may gustong iluwa si Aling Pulana. Gumapang ang kilabot sa 'king katawan. Ano 'yon?

Hindi na namin pa nakita ang sumunod na senaryo dahil nakaharap sa 'min ang likod ni Ru-An at natabunan nito ang ginawa ng kaniyang nanay.

Nagkatinginan kaming tatlo. Nanaig ang pagkadismaya namin dahil 'di tinuloy ni Ru-An ang kaniyang plano. Pero sa kabilang banda, hindi rin namin siya masisisi. Kahit alam niyang Ungo ang kaniyang nanay, mahal niya pa rin ito. May oportunidad siyang wakasan ang sumpa ng kanilang pamilya ngunit pinili niyang tanggapin ang nakalaan para sa kaniya.

"Hindi niya magawang patayin si Aling Pulana," saad ni Cormac sa mahinang boses.

"Let's go na, uy. Baka maging midnight snack pa tayo ni Ru-An. Dali!" nagkukumahog na wika ni Solci. Bakas sa mukha niya ang pangamba.

"Kailangan muna nating makita kung ano ang mangyayari kay Ru-An," pagkontra ko sabay silip sa butas. Wala silang nagawa kung 'di sundin ako.

Subalit namilog ang mga mata ko at muling nanindig ang mga balahibo ko sa braso at batok. Wala na sa eksena si Ru-An! Tanging si Aling Pulana na lang na nakahiga sa lantay ang aming nakita, at mukhang wala na itong buhay!

"Omg! Nasa'n na si Ru-An girl?" Ramdam ko ang panginginig ni Solci dahil sobrang lapit lang naming dalawa.

"U-Umalis na tayo . . ." nauutal na sabi ni Cormac.

Inilibot ko ang aking mga mata. Nakasabit sa dingding ang iba't ibang kagamitang panluto. May mga lumang plato na nakapatong sa pwet ng sirang basket. Mayro'n ding nakatuping mga malong sa ibabaw ng isang bangkito. Hindi naman nakaligtas sa 'king mga mata ang puting buwak ng lalaking kapayas na nakahalik sa sahig. Naengganyo akong kunin ito. Parang nakikiusap ang bulaklak na isalba ko siya mula sa maaaring mangyari sa bahay na ito.

Pero napigtal ang pakikipagtitigan ko sa puting bulaklak nang bumulaga sa harapan namin ang mukha ni Ru-An! Buhaghag na ang malago niyang buhok, nanlilisik ang mapupulang mga mata, at ibinalandra din niya ang matutulis niyang pangil na animo'y handa na kaming balatan nang buhay.

"AAHHHH!" ang sigaw na sabay naming pinakawalan.

Habang nakatuon ang atensyon kay Ru-An na ngayon ay tuluyan nang naging Ungo, kinapa ko ang balikat ng mga kasama ko. Pare-parehas kaming napaatras nang kaunti sanhi ng pinagsamang gulat at takot dahilan para mahulog kami sa ibaba, una ang pwet.

Magkakasunod na daing ang rumehistro sa 'king pandinig pagkatapos naming bumagsak. Napahalinghing na rin ako sa sakit sabay tayo.

"Takbo!" sigaw ko.

Wala kaming oras para siyasatin o kumustahin ang isa't isa. Kumaripas kami ng takbo. Ang bibilis ng mga kasama ko!

Kahit nagkabuhol-buhol na ang gulat, kaba, takot, at awa sa 'king sistema ay tinuloy ko pa rin ang pagtakbo sa pangunguna nina Solci at Cormac. Maya't maya kaming nakaririnig ng kaluskos, tunog ng mga nabaling sanga, at malulutong na tuyong dahon na natatapakan. Napaungot ako ng madaliang panalangin. Gaya ng sabi ni Solci, ayaw naming maging midnight snack ni Ru-An!

Habang tumatakbo nang mabilis, samot-saring bagay ang naglalaro sa 'king isipan. Kumusta na kaya si Talay? Ano'ng nangyari sa nanay niya? 'Yong Tribong Tselese, lulusubin na kaya nila ang bahay nila Aling Pulana para sunugin 'yon? Si Ru-An, papatayin kaya siya ni Talay 'pag magkatagpo silang dalawa?

"Sala g'yod 'ni ni Olin, ba!" bulalas ni Cormac matapos ang ilang minutong pananahimik.

["Kasalanan talaga 'to ni Olin!"]

"True," pagsang-ayon naman ni Solci. "Kailangan na talagang may ma-evict sa squad natin. 2 points kay Olin kasi sinabi kong umalis na pero nagpumilit pa siyang tingnan ang drama ni Ru-An!"

Patuloy lang kami sa pagtakbo. Ang puso ko'y patuloy rin sa paghaharumentado.

"3 points para kay Olin dahil hinawakan niya ang balikat ko! Nadamay tuloy ako sa pagbagsak!" hinaing naman ni Cormac.

Tumatakbo, nilingon ako ni Solci. "Olin, lumabas ka na rito sa Kahadras! Mag-hello ka na sa outside world!" biro nito saka humagikhik.

"Sige na! Tama na kayo!" bulyaw ko.

Mga buang! Puro kalokohan kahit hinahabol na kami ng Ungo!

Palakas nang palakas ang pagtibok ng aking puso. Dinalaw na ng butil-butil na pawis ang sentido ko. Naglakbay naman sa bakuran ng tainga ko ang paglagitik ng mga kawayan na nadaanan namin na dumagdag sa kilabot na nararamdaman ko. Hindi rin nakatakas sa 'ming pandinig ang pag-alulong ng aso sa di-kalayuan.

Habol-habol ang hininga, tumigil ang mga kasama ko kaya napahinto na rin ako. Sinuri ko kung bakit sila natigil. Doon ay namilog ang mga mata ko nang matanaw si Ru-An na nakasampa sa punso. Nakatuwad ito at ang ulo niya'y nakapuwesto sa pagitan ng kaniyang magkabilang binti! Yawa!

t.f.p.

A/N: Special thanks to my mother earth kasi sa kaniya ko nalaman about sa mga Ungo. Tinanong ko nga siya one time kung ba't ang dami niyang alam. Ungo ba siya? Pero 'di siya sumagot, niyakap lang niya ako. 'Tapos, nahati bigla ang katawan niya. Chos!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top