Chapter 22 - The Town of Tsey

OLIN

"Nais kong humingi ng paumanhin dahil sa pagdakip sa inyo. Ang buong akala kasi namin ay kalaban namin kayo sapagkat nanggaling kayo sa lupain ng Escalwa," wika ni Tulkas na puno ng sinseridad.

Pabirong hinampas ni Solci ang balikat ng gladyador sa dagat. "Okay ra, uy." Saka hinandugan niya ito ng matamis na ngiti.

Nandito na kami ngayon sa loob ng gingharian ng Horia. Nanatiling malaki ang butas, na nagsisilbi naming pinto, dahilan para makita pa rin namin ang kasalukuyang kundisyon ng dagat matapos naming makasagupa ang Mameleu. Tumila na rin ang ulan ilang minuto ang lumipas mula nang mamatay ang dambuhalang ahas.

Kanina, nagtipon ang mga Siyokoy at Kataw saka bahagyang yumuko sa harapan ni Luyong Baybay bilang pagpupugay. Pinaulanan din nila siya ng pasasalamat at papuri. Ikinalulugod naman daw ng diyosa na tulungan ang mga nilalang sa dagat na nangangailangan ng saklolo. Pagkatapos niyon ay tuluyan na siyang nagpaalam at bumalik sa kung saan siya namamalagi.

Kasalukuyan kaming nasa gitna habang napapalibutan ng mga nakangiting Kataw at Siyokoy saka nakaharap kami sa kanilang rayna na nakaupo sa malaking kabibe na napapalamutian ng iba't ibang damong-dagat. Samantala, nasa magkabilang panig naman ni Rayna Nagwa sina Tulkas at Madani na parehong may hawak na sibat.

"Hindi na natin kailangan pang ituloy ang naudlot na hamon," panimula ni Rayna Nagwa. "At saka nais din naming magpasalamat sa inyong apat dahil sa ipinamalas ninyong galing at tapang. Lalong-lalo na ikaw, Olin."

Nginitian ko lang ang pinuno ng mga Horian.

"Olin! Olin! Olin!" sigaw ng mga Siyokoy.

"Bilang pasasalamat," dugtong ng rayna dahilan para tumahimik ang lahat, "lumikha ako ng isang mahabang tulay, na gawa sa yelo, patungo sa lupain ng Tsey para hindi na kayo mahirapan."

Pumailanlang ang palakpak ng mga Horian na may kasamang hiyaw.

Nagkatinginan kami ng mga kasama ko at sabay-sabay kaming nagpakawala ng malalim na hininga.

"Hindi lang 'yan." Muling itinikom ng mga Kataw at Siyokoy ang kanilang bibig. "Lumapit ka rito, Cormac," utos ng mahal na rayna at agad namang tumalima ang kaklase ko. Bumukas ang kamay ni Rayna Nagwa saka unti-unting lumabas mula sa kaniyang palad ang ginintuang kabibe ni Kaptan. "Simula ngayon, ikaw na ang mangangalaga sa mahiwagang kabibe ng kataas-taasang diyos." 'Tapos, ibinigay niya ito sa kasama namin.

"T-Talaga po?" hindi makapaniwalang saad ni Cormac.

Ngumiti at tumango ang rayna. "Makatutulong iyan sa misyon ninyo. Inaatasan kita na protektahan mo ang iyong mga kasama, lalo na si Olin."

"Masusunod po, mahal na rayna." Bahagya siyang yumuko.

Isang masigabong palakpakan ang inihandog sa kaniya ng mga Kataw at Siyokoy.

Sinubaybayan naman ng mga mata ko si Langas nang mag-umpisa itong maglakad patungo sa kinatatayuan ni Prinsesa Madani. Parehong bumubuka ang kanilang bunganga nang magtagpo, pero 'di ko marinig ang kanilang sinasabi dahil sa ingay na pumuno rito sa paligid. Kapagkuwan ay nahuli ko silang nagyakapan habang may matamis na ngiti sa mga labi.

"Kailan kaya matatamasa?" pakantang sabi ng katabi kong si Solci. Binangga pa niya ang aking balikat.

* * *

"'Wag kayong mag-alala, guys. Ako na ang bahala sa inyo. Ako na ang tatayong tank sa grupong 'to," pagmamayabang ni Cormac habang may suot na nakalolokong ngiti. Palibhasa, niregaluhan siya ng rayna ng Horia.

Kasalukuyan naming binabaybay ang tulay, na gawa sa yelo, papunta sa bayang pinanggalingan ni Talay, ang bayan ng Tsey. Kanina pa kami lakad nang lakad sa pangunguna nina Talay at Langas. Isinantabi muna namin ang pagod sa pakikipaglaban sa Mameleu kanina dahil kailangan naming magpatuloy sa paglalakbay.

Tsey, Hesteru, at Sayre. Malapit na naming makuha ang Boac, ngayon pa ba kami hihinto?

"Si Solci ang marksman. Si Langas ang fighter. Si Talay ang assassin. 'Tsaka ikaw naman, Olin, ang mage—kung makokontrol mo na ang puwersang nananalaytay sa katawan mo," pagpapatuloy ni Cormac. "At tayo ang . . . Kahadras Legends!" May pataas-taas pa siya ng dalawang kamay. 'Tapos, kinawayan niya ang dalawang ibong lumilipad. "Yoo-hoo! Kami po ang Kahadras Legends! 'Wag kayong mataranta! Kami lang 'to!"

Daldal lang siya nang daldal habang naglalakad kami. Hindi ko na lang pinansin 'yong iba niyang sinabi. Basta masaya ako ngayon. 'Di ako nagsisi na binalikan at tinakas namin si Cormac mula sa kamay ng mga Escalit.

Tama nga si Mounir, may rason kung bakit ko nakita at nakasama si Cormac sa misyong 'to. Siya ang poprotekta sa 'kin—sa 'min.

Naghihingalo na ang araw sa alapaap nang marating ng aming mga paa ang lupain ng Tsey. Ang kalangitan ay naglalaro sa itim at kulay-dalandan. Bumati rin sa 'min ang malamig na simoy ng hangin. Samahan pa ng huni ng mga ibon na nagtatago sa mga nagtataasang mga puno. Nasundan pa ng paghampas ng hangin sa mga puno rito. Para bang hinaharana kami ng kalikasan nang umapak kami rito sa bayan.

Sumunod kami nina Solci at Cormac nang maglakad muli sina Talay at Langas. Nagkorteng parang puso ang mga mata ng kasama ko nang tumambad sa 'ming harapan ang puno ng tambis, atis, mangga, santol, kaimito, at kamias na may kakaibang hugis na kung tawagin ay iba intsik.

Sabay-sabay naming nilusob ang mga puno at umakyat sa mga ito. Pumuwesto ako sa payat na sanga ng iba intsik na kaya namang suportahan ang bigat ko. Dumukot ako ng ilang piraso ng prutas at kinain ito agad, pati buto.

Ang hitsura nitong iba intsik ay katulad ng kalabasa pero kasing-liit lang ng ating mga mata at kulay dilaw o berde.

Sa hinaba-haba ng paglalakbay, nakakain din sa huli.

Hindi ko na mabilang pa ang iba intsik na nakonsumo ko. Habang kumakain ay tinapunan ko ng tingin ang mga kasama ko. Sinalakay ni Talay ang puno ng tambis na may sandamakmak na bunga. Si Langas naman ay palipat-lipat sa puno ng santol at atis. Samantala, sobrang ingay naman nina Cormac at Solci sa baba habang kumukuha ng bunga ng kaimito. Sinusungkit lang nila ito dahil 'di sila makaakyat.

"Ayusin mo naman, Cormac! Why naman nanginginig ang kamay mo? Pasmado ang ferson?" bulyaw ni Solci na ikinainis ni Cormac.

"Tumahimik ka nga riyan!" saway nito. "'Pag hinampas kita nitong sungkit, hilo ka! Tingnan ko lang kung 'di mo makita ang Saturn dito!"

Rinig kong nagtawanan sina Saya, Alog, at Lish.

Ngunit natigil si Cormac sa ginagawa nang may mapansin. Medyo madilim na kaya 'di ko makita kung ano ang tinitingnan niya. At saka isa pa, may dahon ding nakaharang.

"B-Baboy ramo . . ." nauutal na sabi ni Cormac.

"Sus, baboy ramo lang 'yan. Dili ma-scared," wika naman ni Solci. "Tanggal angas mo niyan. Tank ka pa naman."

Napagdesisyunan kong bumaba para makita ang kinatatakutan ni Cormac. Lumapit ako sa kanila sabay sabi ng, "Gamitin mo ang mahiwagang kabibe ni Kaptan." Pero 'di niya 'ko pinansin.

Unti-unting lumalapit ang baboy ramo na may mapupulang mga mata. Pasimple akong naglakad at saka yumukod nang may makitang sanga ng kahoy.

Dahan-dahan namang umatras sina Solci at Cormac. Kapagkuwan ay parang bumagal ang kilos naming lahat habang lumalapit ang baboy ramo. Ang puso ko naman ay patuloy pa rin sa paghaharumentado. Parang 'di ko alam kung ano'ng gagawin. Parang naestatwa na 'ko rito.

Nang tumalon ang baboy ramo patungo kina Solci at Cormac ay siya namang pagbagsak ni Talay sa kanilang puwesto at ang talim ng kaniyang punyal ay nakatuon sa kaniyang likuran dahilan para bumaon ito sa sikmura ng isang babaeng may mahaba't buhaghag na buhok na nakatakip sa buo niyang mukha. Muntik na sila nitong masunggaban. Kasunod niyon ay ang paglaho ng baboy ramo sa kanilang harapan.

"Aaah!" daing ng misteryosong babae.

Hindi kaya . . . isa siyang Ungo o aswang?

Tuluyan nang lumundag si Langas at mahigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang sundang. Hinarap namin ang kakatwang babae. Hawak-hawak niya ang kaniyang tiyan—kung saan siya nasugatan—habang umaatungal.

Pero sa 'di inaasahang pagkakataon, bigla na lang itong lumukso papunta sa 'kin at agad akong natumba. Dinaganan niya ako at sinakal dahilan upang mahirapan akong huminga. Habang nakapatong siya sa 'kin ay unti-unti kong nakikita ang kaniyang hitsurang 'di maipinta. Nanlilisik ang mga mata nito, naninilaw na ang mga ngipin, at ang kaniyang laway na tumutulo ay hindi maputol-putol!

Pagkaraan ng ilang segundo ay bigla na lang pumasok ang hibla ng kaniyang buhok sa butas ng aking ilong at tainga. Nangangatal ako at nagpupumiglas, pinipilit na hawakan saka ilayo ang magaspang niyang mga kamay sa leeg ko.

Hindi ko na kaya. Sobrang lakas niya. Ano mang oras ay parang lalagutan na 'ko ng hininga. Wala na rin akong marinig dahil naglakbay na ang mga pasaway na hibla ng kaniyang buhok sa magkabila kong tainga.

Nanlalabo at umiikot na ang paningin ko. Hanggang sa para akong naparalisa. Kinumpiska ng mangtas na Ungo ang lakas ko. Kalaunan, napagpasyahan kong isara ang aking mga mata.

Malapit na sana kami sa Sayre pero parang hanggang dito na lang ako.

Ngunit pagkalipas ng ilang minuto ay bigla na lang iniwan ng buhok ng Ungo ang tainga at ilong ko. Binuksan ko ang aking mga mata at saka tumunghay habang hinahabol ang hininga ko.

Doon ay natanaw kong paulit-ulit na sinasaksak ni Langas ang Ungo. Nakahiga na ang huli at tila tinakasan na ito ng lakas.

"Tama na, Langas," pagpigil ni Talay sa kasama namin.

Umurong si Langas at nakita kong naliligo ng malagkit na dugo ang kaniyang sandata. Sa pagkakataong 'yon ay dali-daling tumayo at naglakad ang Ungo. Pasuray-suray ito kung maglakad. Sinundan namin siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang humalo sa dilim.

Lumapit sa 'kin si Solci at tinulungan akong makatayo. 'Tapos, sinuri ko naman ang ilong at tainga ko.

Ngunit 'di naglaon ay rumehistro sa 'ming pandinig ang kaluskos at ingay ng mga tuyong dahon na tinatapakan. Nang pinakiramdaman namin nang mabuti, napagtanto naming nagmula sa ibang parte ng gubat ang tunog.

May paparating at mukhang marami sila.

"Humanda kayo," anunsyo ni Langas.

Dali-daling kinuha ni Cormac ang ibinigay ni Rayna Nagwa na ginintuang kabibe. Nagliliwanag naman si Solci at pagkatapos n'on ay iba na ang hitsura niya saka may hawak na siyang pana at palaso. Nakahanda na rin ang armas nina Talay at Langas. Habang ako naman ay huminga nang malalim at binuksan ang nakakuyom kong kamay, umaasang may lalabas dito na itim na kapangyarihan.

"Kahadras Legends, assemble!" sigaw ni Cormac. Umabante siya at nagtipon naman kami sa likuran niya, pinagpag ang natitirang takot sa katawan.

t.f.p.

GLOSSARY

Mangtas – barbarous, brutal, or savage.

Ungo – a lone wanderer who goes out at night. This creature is viewed as a hairy giant monster.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top