Chapter 19 - Princess of Horia
OLIN
Nagising ako dahil sa sikat ng araw na tumama sa mukha ko. Ipinasada ko agad ang kamay ko patungo sa 'king leeg at naramdamang namaga ito nang kaunti, buhat nang tumusok dito 'yong matulis na bagay na kagagawan ng mga Siyokoy. Kung 'di lang sila gumamit niyon ay malamang napatumba na sila ng mga kasama ko!
Umayos ako sa pagkakaupo at agad na napansin na nabilanggo kami sa isang malaking bula na kasalukuyang nakalutang sa ere. Sinubukan kong gibain ang bula pero matigas ito na animo'y may mahikang nakabalot dito.
Inilibot ko ang aking tingin sa paligid. Narito kami ngayon sa parang kuweba na may malaking butas sa dakong itaas dahilan para malayang nakapapasok ang sinag ng haring-araw dito sa loob.
Namilog ang mga mata ko at nalaglag ang aking panga nang matanaw ang mga makukulay at kakaibang nilalang sa ibaba namin. May mga nilalang na may katawan na parang isda, kulay luntian, napapalamutian ng kaliskis, at may palikpik sa ibang parte ng kanilang katawan. Sila ay mga Siyokoy.
Ang mga damuhong 'yan ang dumakip sa 'min!
Mayro'n ding mga nilalang na kung tawagin ay Kataw—kalahating tao at kalahating isda. Samot-sari ang kulay ng kanilang mga buntot at 'yong sa iba ay batik-batik. May nakatakip na dalawang kabibe sa dibdib ng mga babaeng Kataw, ang buhok nila na kulay-uling ay sobrang taas, at saka mayro'n ding nakapulupot na damong-dagat sa kanilang ulo. 'Yong iba'y lumalangoy pero 'yong iba nama'y nakaupo lang sa bato at parang pinag-uusapan pa kami.
Umiwas ako ng tingin at binusog ang mga mata sa makukulay na mga isda na tila naglalaro sa paligid ng bahura ng mga bulaklak na bato, at ang iba pa nito'y parang utak ng tao.
May namataan din akong dikya, pawikan, at maliit na dragon sa dagat na kulay dilaw at berde na kung saan ang kanilang mga paa ay parang dahon. Sobrang bagal din nilang lumangoy. Hindi rin naman nakatakas sa 'king paningin ang mga salungo na nagkukumpulan sa ibaba mismo ng malaking bula na aming kinalalagyan.
Ang salungo o tuyom sa Bisaya ay uri ng hayop-dagat na may itim na balat at saka napapalamutian ng mga tinik.
'Pag kami bumagsak, sugat lang ang aabutin namin.
Isa-isang nagmulat ng mga mata ang mga kasama ko. Hinugot kaagad nina Cormac, Langas, at Talay ang kanilang mga sandata. At gaya ng ginawa ko kanina, kinalampag nila ang kulungan at tinangka ring wasakin ang bulang nakabalot sa 'min. Samantala, umupo naman si Solci sa tabi ko saka niyakap niya ang kaniyang mga tuhod.
"Ilang beses ba tayong kailangang makulong? Kaloka," nabuburyong wika ni Solci, ang mga mata'y dumako sa ibaba.
"Kagahi sad niining buwa, uy!" May namumuong pawis sa noo ni Cormac dahil sa ginagawa niyang pagpukpok sa bula.
["Ang tigas naman nitong bula!"]
"Pagpuyo na lang diha," pagsita ni Saya sa kaniya.
["Tumigil ka na lang."]
Umirap lang si Cormac at ngunguto-nguto siyang tumabi sa 'min ni Solci. "Maayo pa'g wala lang 'mo gibalik ni Burigadang Pada sa normal," anas niya.
["Mabuti pang 'di na lang kayo ibinalik ni Burigadang Pada sa dati."]
"Sana, 'di ka na lang niligtas nina Olin at Solci," pakikisali ni Alog sa usapan.
"True," pagsang-ayon naman ni Lish.
Isinuksok ni Talay sa kaniyang tagiliran ang kaniyang punyal saka nagpanting ang tainga. Masamang tingin ang ipinukol niya sa kanila. "Tumigil na nga kayo! Manahimik kayo, Saya, Alog, at Lish!" Pagkatapos, tinakpan niya ang mga ito gamit ang kaniyang gula-gulanit na balabal at inilayo nang kaunti sa puwesto ni Cormac.
Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Langas. Sa aming lahat, siya na lang ang natitirang nakatayo. "Huwag na kayong magtalo," mahinang wika niya, ang mga mata'y nakatuon sa araw. "Ang totoo niyan, kasalanan ko talaga kung bakit tayo nadakip ng mga Siyokoy at nakulong dito sa gingharian ng Horia."
"Horia?" pag-ulit ni Cormac. Ang kaniyang mga kilay ay muntik nang mag-abot.
Tumango si Langas. "Ang teritoryo ng mga Kataw at Siyokoy, ang mga tagapangalaga ng tubig."
"Pero bakit naging kasalanan mo ang lahat?" naguguluhang sabad ko. 'Di naman namin 'to ginusto, ah.
"Dahil alam kong mahigpit na ipinagbabawal ng mga Horian na lumusong sa tubig na sakop ng Horia ang mga Escalit. Hindi lang talaga pumasok sa isip ko kanina sapagkat uhaw na uhaw na talaga ako. Muli, humihingi ako ng paumanhin," puno ng sinseridad na wika ni Langas. 'Tapos, tuluyan na siyang humarap sa 'min, matiim ang kaniyang titig.
"Ayos lang 'yon, Langas," ang tanging naisambit ko.
"True," ani Solci. "And besides, puwede naman nating igiit na 'di tayo mga Escalit. We're not duwende kaya. Hello, nag-iisip ba sila?"
Sandali kaming natigil nang marinig namin ang usapan ng dalawang Siyokoy na kasalukuyang nagkukumpuni ng malalaking mga kabibe na tila magsisilbi nilang upuan mamaya.
"Hindi naman sila mukhang mga Escalit. Ano ang gagawin ni Rayna Nagwa sa kanila?" tanong ng isang Siyokoy.
"Wala pang hatol ang ating rayna," sagot naman ng isa. "Ngunit parang alam ko na kung ano ang magiging pasya niya." Umangat ang sulok ng mga labi nito.
"Ano?"
"Hinuha ko'y ipapakain sila sa dambuhalang ahas sa karagatan . . ."
Namilog ang mga mata ng mga kasama ko at gano'n din ang reaksyon ko pagkatapos pumasok ng mga katagang 'yon sa 'ming tainga. Naghari ang katahimikan sa pagitan naming lima na para bang isang kamalian ang magsalita sa mga oras na 'to.
Kapagkuwan ay napalunok nang mariin si Talay at bumaling muli sa ibaba. Ipinatong naman ni Solci ang kaniyang noo sa tuhod niya. Kasalukuyang kinakagat ni Cormac ang kaniyang mga kuko. Samantala, si Langas naman ay walang ekspresyong ipinakita.
Kung nakokontrol ko lang sana ang kapangyarihang dala-dala ko, hindi sana magiging masalimuot ang paglalakbay namin. Hindi sana kami hahantong sa sitwasyong 'to. Hindi sana kami malagay sa malaking sisidlang 'to na nababalutan ng mahika.
Tiningnan ko ang magkabila kong braso saka nagtiim ang bagang ko. Lumabas na kayo! Lumabas ulit kayo!
Nagbabadya ang mga luha ko habang pilit na pinapalabas ang kulay-uling na bilog na lumabas sa mga palad ko noon. 'Tapos, napakagat ako sa 'king labi. Bakit ayaw? Kailangan na kailangan ko 'yon para sirain 'tong nakabalot sa 'min at para tuluyan na kaming makaalpas.
Ilang sandali pa'y dinumog ang isip ko ng alaala no'ng unang beses kong nagamit ang kapangyarihang galing kay Sinrawee. Imbes na ako ang kumontrol dito ay parang ito pa ang nagmamanipula sa katawan ko dati. Hindi puwede! Sa susunod, dapat ako na ang magkokontrol dito! Lumabas na kayo! Lumabas ulit kayo!
"Huwag kayong mag-alala," sambit ni Langas, na tuluyang bumasag sa katahimikan. "Ako ang haharap at makikiusap sa rayna ng mga Kataw at Siyokoy. Hindi niya tayo maaaring ipakain sa dambuhalang ahas na naninirahan sa karagatan sapagkat hindi naman tayo mga Escalit." Taimtim lang kaming nakikinig sa kaniya. "Kung hindi siya papayag ay hahamunin natin ang isa sa kanila sa isang labanan gamit ang isip." May diin sa huling mga salitang kumawala sa kaniyang bibig.
Nagkatinginan naman kami nina Solci, Cormac, at Talay dahil sa kaniyang sinabi.
Tatanungin ko na sana siya kung ano ang hamon na naisip niya pero hindi natuloy dahil bigla na lang kaming nakarinig ng ingay sa ibaba.
Nagsihawian ang mga Kataw at ang mga hayop-dagat na lumalangoy sa gitna dahil sa bagong dating. Nakahanay naman sa magkabilang gilid ang mga Siyokoy na may hawak na sibat. Binigyan nila ito ng sapat na espasyo na para bang napakaimportante nito. Siguro, siya na si Rayna Nagwa.
Umahon ito at umupo sa maputla at napakalaking kabibe na napapalamutian ng mga damong-dagat, 'yon ang nagsisilbi niyang trono. Ang buntot nito ay nanatiling nakababad sa malinaw na tubig na kumikinang pa sanhi ng pagtama ng sinag ng araw dito.
"Maligayang pagbabalik, mahal na rayna," sabay na sabi nila.
Ang pinuno ng mga Kataw at Siyokoy na si Rayna Nagwa ay may kulay-byoletang buntot, ang kaniyang buhok ay nakapusod, may pulseras na nakapulupot sa kaniyang palapulsuhan na gawa sa pinagsamang perlas, may nakapatong na koronang yari sa bato sa kaniyang ulo, at gaya ng ibang babaeng Kataw, mayroong dalawang kabibeng nakatakip sa kaniyang dibdib.
Dumako ang kaniyang mga mata sa direksyon namin at nagulantang kami ng mga kasama ko nang gumalaw ang kinalalagyan namin. Kinokontrol niya ang nagsisilbi naming kulungan at unti-unting pinalapit sa kaniya!
Nakarating kami nang matiwasay sa tabi ng pinuno ng mga Horian. 'Tapos, naglaho na ang bulang nakapalibot sa 'min kanina dahilan para tuluyan na kaming makatapak sa matutulis na mga bato.
Ang puso ko'y patuloy pa rin sa paghaharumentado habang naglakbay ang mga mata ko sa bawat sulok nitong gingharian. Masamang tingin ang ipinukol ng mga Kataw at Siyokoy sa 'min na para bang may nagawa kaming malaking kasalanan.
Sumenyas si Langas kina Cormac, Solci, at Talay na itago nila ang kanilang mga sandata na parang ipinahiwatig niya na siya na ang bahala sa lahat.
Lumuhod si Langas at bahagyang yumuko. Rinig naman namin ang pagkalansing ng kaniyang sundang nang saluhin ito ng mga bato. "Rayna Nagwa, hindi po kami mga Escalit," panimula niya. "Uminom lang po kami sapagkat nauhaw kami sa aming paglalakbay. Wala po kaming masamang hangarin sa yamang tubig na sakop ng Horia. Pahintulutan ninyo po kaming makaalis nang matiwasay sa kadahilanang may misyon pa po kaming dapat gawin—ang makuha ang puso ng kagubatan ng Sayre upang iligtas si Prinsipe Helio ng Melyar."
Umugong ang samot-saring bulungan ng mga Kataw pagkatapos niyang sabihin iyon. Mukhang nagdududa sila sa 'min.
"Sinungaling! Ipakain ang mga 'yan sa dambuhalang ahas ng karagatan!" sabay-sabay na sigaw ng mga Siyokoy.
Nagsalubong ang mga kilay ni Rayna Nagwa at tinapunan niya ng matalim na titig ang kaniyang mga nasasakupan. "Magsitahimik kayong lahat!" Nang itikom ng mga ito ang kanilang bibig ay bumaling ulit ang rayna sa kasama namin saka nagtaas ng isang kilay. "Totoo ba ang iyong sinabi?"
"Opo," kagyat na tugon ni Langas. "Ngunit kung hindi pa rin po kayo naniniwala, hahamunin na lang po namin ang isa sa inyo sa isang labanan gamit ang isip. Balita ko na magagaling ang mga Horian pagdating sa tigmo o bugtong."
Muling naging parang palengke ang gingharian dahil sa sinabi ni Langas. Kesyo ang lakas daw ng loob niyang hamunin ang kanilang pinuno. Mabuti pa raw na ipatapon na kami ngayon at ipakain sa halimaw.
Tumahimik ulit ang lahat nang sumenyas si Rayna Nagwa.
"Kung mananalo po kami, hahayaan ninyo kaming makaalis dito nang maayos," pagpapatuloy ni Langas. "Pero kung matalo man kami, hahayaan po namin kayo sa kung ano ang gagawin ninyo sa amin ng mga kasama ko."
"Ako ang lalaban!" Pinihit naming lahat ang aming leeg sa babaeng sumigaw. Kapapasok lang niya sa isang butas. Dagli siyang lumangoy palapit sa trono habang suot-suot ang nakahahawang ngiti. Kulay asul ang kaniyang buntot 'tapos ang kaniyang mahabang buhok ay kulay-presa at nakatirintas. May hawak-hawak din siyang sibat na may tatlong talim.
Pansin kong natuod si Langas at halos sumayad na ang kaniyang panga sa mga matutulis na bato habang nakatitig sa bagong salta na animo'y ang babaeng matagal na niyang ipinapanalangin kay Kaptan ay kaniya nang natagpuan. "Madani?"
Dumako agad ang mga mata ng babaeng Kataw sa kasama namin. Tila nabanat ang segundo habang papalapit ito sa harapan. Unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang kahel na mga labi. At kasabay niyon ang pag-alpas ng kaniyang mga luha na para bang naglalaro sa kaniyang isipan ang katagang, 'Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.' "Lubani . . ."
t.f.p.
A/N: Aktwali, ang Kataw po talaga ay may mga paa at 'di kaaya-aya ang hitsura. But in my story, iniba ko. Ginaya ko po sa mga sirena na napapanood natin sa tv.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top