Chapter 18 - Odd Captors
OLIN
Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata?
'Di ba siya 'yong nagsumpa kay Langas kaya naging gano'n ang hitsura ng gabay namin? Siya ang diyosa ng pagnanasa, pang-aakit, at ng mga yawa. 'Di dapat ako magpapadala sa ganda niya at sa mga salitang lalabas sa kaniyang bibig.
Pumanaog siya habang nakapaskil sa kaniyang mukha ang matamis na ngiti. Habang papalapit siya nang papalapit ay pasimple naman akong humakbang paurong, ang mga paa'y nangangatog.
Nag-iwas ako ng tingin, lumikot ang aking mga mata. Pero agad na nanlaki ang mga mata ko nang may malalamig na mga kamay na pumatong sa magkabila kong balikat. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib na animo'y may karerang nagaganap sa loob nito.
Nangi-ngimi, tumingin ako sa kaliwa't kanan ko at nakita ang dalawang yawa—itim na nilalang na may dalawang matutulis na sungay at kulay-dugong mga mata. Alam kong si Nagmalitong Yawa ang tumawag sa kanila.
"Hinihintay ka ng ginghariang ito, Olin," giit ni Nagmalitong Yawa. "Naghahanap ako ng isa pang mamumuno rito, buhat nang mamatay si Saragnayan. At ikaw ang aking napili."
Nasa harapan ko siya at sobrang lapit na niya sa 'kin. Muli akong nag-iwas ng tingin. Nakadagdag ng tensyon ang tunog ng mga paniki at pag-alik-ik ng mga yawa. At nang hawakan niya ang panga ko para iharap ako sa kaniyang mukha, napagpasyahan kong isara ang aking mga mata.
Ayaw kong malinlang ng diyosang 'to. Ayaw kong maakit sa kaniyang panlabas na kaanyuan. Ayaw kong masumpa gaya kay Langas o 'di kaya'y mamatay rito. Kailangan ko pang tapusin ang misyon namin—iligtas ang prinsipe ng Melyar—para makabalik na 'ko sa 'min, sa Mandaue City.
"Tuturuan kita kung paano gamitin ang kapangyarihang taglay mo, Olin. Pero sa isang kundisyon: kailangan mong manirahan dito sa Galdum at maging prinsipe ng karimlan—"
Tuluyan na 'kong nagmulat ng mata. "Ayaw ko!" mariing wika ko. Humigpit ang pagkakahawak sa 'kin ng mga yawa. "Pakawalan mo na 'ko, parang awa mo na! Kailangan ko pang iligtas si Prinsipe Helio, anak ni Rayna Helya, para makauwi na 'ko sa pamilya ko sa mundo namin."
Kasabay ng pagkuyom ko sa 'king mga palad ay ang pangingilid ng luha ko.
Pagkasabi ko n'on ay bigla na lang naglaho ang liwanag na nakabalot kay Nagmalitong Yawa. Yumuko siya dahilan para malaglag ang kaniyang tusok-tusok na korona.
Bumuntonghininga siya at dahan-dahang nag-angat ng tingin. Binuksan niya ang kaniyang palad saka may kulay-abong usok na lumabas mula roon. 'Tapos, bigla niya itong itinapat sa direksyon ko hanggang sa tuluyan na 'kong binitawan ng mga yawa. Binalot ako ng kulay-abong usok saka unti-unti akong nahihilo dahil do'n.
Namataan kong gumagalaw ang mga labi ni Nagmalitong Yawa pero hindi ko siya marinig. Bumibigat ang talukap ng mga mata ko hanggang sa tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang aking paningin.
* * *
"Olin! Olin, gising!"
Naalimpungatan ako dahil inuga-uga ng mga kasama ko ang aking balikat. Dali-dali akong tumayo at pinagpagan ang sarili ko. Tsinek ko ang aking katawan at namilog ang mga mata ko nang makitang naglaho na ang sugat na tinamo ko kagabi!
Yawa! Pa'no nangyari 'yon?
Isa-isa kong tinapunan ng tingin ang mga kasama ko at nakitang sugatan ang mga ito. Nawawalan ng buhay ang kanilang mga labi at tila nangangailangan na ng tubig na maiinom.
"Ano'ng nangyari?" Napatingin ako sa paligid at napansing muling nabuhay ang gubat. Umaga na rin pala! "At saka ba't ngayon n'yo lang ako ginising?" Ibinalik ko ang titig sa kanila.
"Ang totoo niyan, kagigising lang din namin," tugon ni Talay. Nakaupo siya sa lupa at nakasandal ang likod sa isang puno.
"Ano? Nakatulog din kayo pagkatapos n'yong makasagupa ang mga Sigbin?" tanong ko, nakakunot ang noo.
"Tumpak ka riyan, dear," nakahalukipkip na wika ni Solci. Wala na siyang hawak na pana at bumalik na rin sa dati ang kasuotan niya—kahel na damit na may dilaw na bulaklaking disenyo. 'Tapos, kulay-kape na ulit ang kaniyang buhok.
"Pagkatapos naming magapi ang mga Sigbin ay kaagad naming tinungo ang bangin kung saan ka inihulog ng mga paniki. Ngunit sa kasamaang palad, dahan-dahang kumalat ang kulay-abong usok sa paligid namin na siyang dahilan para mawalan kami ng malay," pagkukuwento ni Langas sa nangyari sa kanila kagabi.
"Okay ra ka, Olin? Asa diay ka gikan?" usisa ni Cormac habang hawak-hawak pa rin niya ang ninakaw niyang maso sa gingharian ng Escalwa.
["Ayos ka lang ba, Olin? Saan ka ba galing?"]
Napaisip ako sa tanong ni Cormac habang nakatingin kay Langas. Kung sasabihin kong galing ako sa gingharian ng Galdum kung nasaan si Nagmalitong Yawa ay baka sumugod 'tong si Langas doon sa pamamagitan ng pagtalon sa bangin. Ayaw kong mangyari 'yon. Ayaw ko siyang mapahamak. Nangako naman ako na ako ang magpapabalik sa kaniyang dating hitsura. At saka isa pa, kailangan na naming magmadali. Kailangan na naming makapunta sa kagubatan ng Sayre.
"Oo, a-ayos lang ako," ang tanging naisagot ko.
Pagkatapos niyon ay nagpatuloy na kami sa paglalakad papunta sa dagat ngayong wala nang balakid sa bawat daang aming tinatahak. Mabagal nga lang ang pag-usad namin kasi pare-parehas kaming uhaw.
Habang naglalakad ay nahagip ng paningin ko ang tone-toneladang kabute na nagkalat malapit sa mga ugat ng mga puno rito. May namataan din kaming mga alibangbang na parang may mga mata sa pakpak ng mga ito. Hindi rin nakatakas sa 'ming pandinig ang masiglang huni ng mga ibong tumatambay sa mga puno.
Ibang-iba 'to sa nasaksihan namin kagabi!
Pumapalakpak ang tainga ko at napahinga ako nang maluwag nang tuluyan na kaming nakalabas sa gubat at natanaw ang banayad na alon ng dagat. Sa dulo nito'y makikita na tila humalik ang bughaw na kalangitan sa karagatan.
Dali-dali kaming tumakbo sa kumikinang na buhangin saka lumusong sa dagat. Sabay-sabay kaming sumalok ng malamig na tubig at kaagad na ininom na animo'y ngayon lang ulit kami nakainom makalipas ang mahabang panahon.
"Pansina sad 'mi ninyo, uy!" rinig kong reklamo ni Saya. Inilagay sila ni Talay roon sa matulis na bato.
["Pansinin n'yo naman kami!"]
Muling sumalok si Talay ng tubig at binuhusan ang mga nagsasalitang bulaklak. Nagbunyi ang mga ito at kaagad na pinasalamatan si Talay.
Pagkatapos uminom ay nagwisikan naman ng tubig ang mga kasama ko dahilan para mabasa pati ang pang-itaas kong damit.
"Ba't 'di mo ilabas ang camera mo?" tanong ko kay Cormac.
Natigil siya at lumapit nang kaunti sa 'kin. "Ang totoo niyan, naiwan ko ang camera ko sa gingharian ni Burigadang Pada," pag-amin niya at nasundan ng maliit na ngiti. "Pero kahit dala-dala ko pa ang camera ko hanggang ngayon, 'di ko ilalabas 'yon."
Kumunot ang noo ko. "Ngano man?"
["Bakit naman?"]
"Na-realize ko kasi na hindi ko mae-enjoy ang moment 'pag kina-capture ko pa 'yong mismong moment." Ginawaran niya 'ko ng malapad na ngiti bago talikuran at muling sumama kina Solci, Langas, at Talay sa paglalaro ng tubig.
Nakamamangha talaga ang ipinamalas nilang galing sa pakikipaglaban sa nakaengkwentro naming mga Sigbin kagabi.
Subalit sa kalagitnaan ng aming kaunting selebrasyon, bigla na lang may tumusok sa aking leeg. Parang gano'n din ang naramdaman ng aking mga kasama kaya nahinto sila sa paglalaro.
At sa sandaling hawakan at kunin ko ito ay may kulay-presang likidong dumikit sa kamay ko.
"Hulihin sila!" sigaw ng isang nilalang sa iba niyang kasama.
Pare-parehas silang kulay berde, may katawan na parang isda, puno ng kaliskis, at may palikpik sa ilang bahagi ng kanilang katawan.
Nagtakbuhan sila palapit sa 'min. Kapagkuwan ay unti-unting nanlalabo ang paningin ko. Bumagsak ako sa tubig at sinakop ng kadiliman ang buong paligid.
t.f.p.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top