OLIN
Ngayon ay napagtagpi-tagpi ko na ang lahat. Kaya pala kaya niyang magtawag ng nagliliwanag na pana at palaso kasi 'di pala siya ordinaryong tao. Kaya pala parati niya akong kinukulit at sinusundan noon sa eskuwelahan at bahay namin kasi siya pala ang tagapagbantay ko. No'ng narinig ni Solci ang boses ni Mounir ay parang doon na nag-umpisa ang gampanin niya.
"Whoaaa!" reaksyon ni Lish.
"Isa pala siyang Banwaanon!" manghang bulalas ni Alog.
"Kaila ka ni Haring Hestes?" tanong pa ni Saya kay Solci.
["Kilala mo ba si Haring Hestes?"]
Sunod-sunod na pagtaas-baba ng ulo ang paunang tugon ni Solci. "Yes, gurl. Ang totoo niyan, ako talaga ang anak ni Haring Hestes. Ako ang prinsesa ng Hesteru. Ako si Prinsesa Solis," nakangiting wika niya. "Pero puwede n'yo pa rin naman akong tawaging Solci. Got it?"
Gumagalaw-galaw ang tangkay ng mga bulaklak.
Umabante si Talay at gano'n din si Langas.
"Ako pala si Talay. Isang karangalan ang makasama sa isang misyon ang prinsesa ng Hesteru. Balita ko'y matalik na magkaibigan sina Haring Hestes at Rayna Helya. Nagtungo pa nga sila noon sa gingharian ng Melyar para handugan ang mahal na rayna ng 'di pangkaraniwang tinapay—matamis at matagal mapanis," sabi niya at bahagyang yumuko.
Mariin akong napalunok dahil sa winika ni Talay saka lumikot ang aking mga mata. Dapat pala binalikan ko 'yong tinapay ng mga Banwaanon doon sa kuweba. Matagal pala 'yong mapanis. Sayang.
"Ako rin, Prinsesa Solis," segunda ni Langas habang nakapaskil sa kaniyang mukha ang abot-taingang ngiti. "Ako nga pala si Lubani. Ngunit maaari mo akong tawaging Langas." Ipinagdikit nito ang kaniyang mga palad at yumuko rin sa harapan ni Solci o Prinsesa Solis.
"Nagagalak akong makilala kayo—lah, ang lalim naman ng nagagalak. Anyway, hindi ito ang tamang oras para mag-usap-usap. Kailangan muna nating i-rescue—iligtas si Cormac, alright?" deklara niya.
Tumango-tango lang sina Langas at Talay.
At dahil kaming dalawa lang ni Solci ang papasok sa gingharian ay naghanda na kami habang naghihintay ng hudyat nila Haring Kalak. Nakahanda na ang kaniyang nagliliwanag na pana at palaso. Samantalang ako naman ay nanghiram ng sundang kay Langas dahil 'di ko pa gamay ang paggamit sa kapangyarihang dala-dala ko. Ang sundang ni Langas ay hindi na kulay-ginto ngayon kasi ibinalik din ito sa dati ni Burigadang Pada.
Pagkalipas ng ilang sandali ay biglang umangat ang tarangkahan na gawa sa bakal at matutulis ang dulo nito na kung mabagsakan ang isa sa 'min ay maaari namin iyong ikamatay agad. Napalunok ako nang mariin habang nakatitig sa mga talim. Ito na yata ang hudyat ng pinuno ng mga kalag. Kailangan na naming pumasok sa loob nang dahan-dahan na may kasamang pag-iingat.
Bumuga si Solci ng hangin gamit ang kaniyang ilong. "Tara na, Olin," bulong nito at pumasok sa tarangkahan habang nakahanda na ang kaniyang palaso sa pag-atake.
Maingat naman akong sumunod sa kaniya. Ang puso ko'y walang humpay sa pagkabog na animo'y may karerang nagaganap dito sa loob. Alam kong matagal pa bago ito bumalik sa orihinal nitong ritmo lalo pa't nasa pugad kami ng diyosa ng kasakiman at ng mga duwende.
Bubuksan na sana namin ang malaking pinto subalit natigil kami nang tumagos dito si Haring Kalak kasama ang lima niyang kapanalig. Bakas sa hitsura nila na mayroon silang bitbit na mabuting balita.
"Nagtagumpay kami sa pagpapatulog sa mga duwendeng nasa ibaba," anunsyo ni Kalak. 'Tapos, may inabot siya sa 'king isang susi. "Si Cormac na lang ang gising doon pero may bakal na bilog na nakakabit sa kaniyang mga paa kaya kailangan ninyo ang susing iyan, kaibigan. Bilisan ninyong dalawa bago pa mapansin ng iba na walang malay ang mga maliliit na nilalang na nasa ilalim ng gingharian at bago pa nila mahuli ang lima sa amin na nagtutulungan upang maiangat ang matulis na tarangkahan."
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tuluyan na silang tumagos sa malaking pinto. Dahan-dahan naman naming binuksan ni Solci ang pinto at rumehistro sa 'ming pandinig ang paglangitngit nito. Sinadya naming gaanan ang pagtapak sa makintab na sahig, sinisigurong 'di kami makalilikha ng ano mang ingay. Pareho naman naming hindi ibinaba ang aming depensa. Baka kasi may makakakita sa 'min o may biglang sumugod. Mabuti nang nag-iingat.
Binuksan namin ang parisukat na pinto na malapit lang sa pinakaunang haligi rito sa pasukan. Pumanaog kami sa pamamagitan ng hagdan na gawa sa magaspang na bato. Hindi naman kami nangapa sa dilim kasi may sulo naman kada baitang.
"Mag-ingat ka," untag ko kay Solci.
Nang makababa na kami ay kaagad na nahagip ng aming paningin si Cormac na nakasandal sa isang sulok, tulala. May hawak siyang palakol at totoo nga ang sabi ni Kalak na may bakal na bilog na nakakabit sa kaniyang mga paa.
Habang naglalakad ay mahigpit kong hinawakan ang susing ibinigay ni Kalak. Nadaanan namin ni Solci ang mga maliliit na nilalang na sobrang himbing ang pagkakatulog. May hawak-hawak silang ginintuang baso at ang mga laman nito ay natapon sa lupa.
"Olin? Solci? Nag-unsa man mo dinhi?" gulat na sambit ni Cormac nang mapansin kami. Dali-dali itong tumayo at lumikha ng 'di kanais-nais na tunog ang mga bakal na nakapulupot sa kaniyang mga paa.
["Olin? Solci? Ano'ng ginagawa n'yo rito?"]
"Shh! 'Wag kang maingay," saway ko sa kaniya sa mahinang tinig. "Baka magising sila. Narito kami para iligtas at itakas ka."
"True! Hindi kami puwedeng magpatuloy kung wala ka, kumag. Kasama ka namin sa mission na 'to, 'no," wika ni Solci.
Namilog ang mga mata ni Cormac nang tuluyang mapansin ang pagbabago ng aming kaklase. "Solci? Ano'ng nangyari sa kasuotan, buhok, at tainga mo? LR na g'yod ka karon!" manghang puna nito kay Solci.
["Iba ka na talaga ngayon!"]
Gamit ang libreng kamay, itinago ni Solci ang pasaway na hibla ng kaniyang kulay-kremang buhok sa likod ng kaniyang matulis na tainga saka umaktong kinikilig. "Ano ka ba? Ako lang 'to, oh." Pagkatapos ay tumikhim siya at sumeryoso. "Char lang. It's a long story, Cormac. Kailangan na nating umalis dito bago pa tayo mahuli ni Burigadang Pada. Lez go sago!"
Gamit ang susing ibinigay ni Kalak, tuluyan nang nakawala si Cormac sa bilog na bakal. Wala kaming sinayang na oras at agad kaming pumanhik sa hagdan bago pa magising ang ilang duwendeng natutulog.
May narinig kaming yabag ng mga paa kaya nagtago kaming tatlo sa matabang haligi.
"Ano'ng gagawin natin?" tanong ng babaeng duwende, base sa boses nito.
"Ipagluluto natin ang mahal na rayna," sagot naman ng lalaking duwende.
"May mga sangkap ba tayong nakaimbak sa kusina?"
"Oo, inutusan kami ni Bulalakaw noong isang araw na magtungo sa bayan ng Tsey para bumili."
Nang wala na kaming naririnig na boses ay maingat kaming sumilip at wala na kaming nakita na kahit sino roon. Napahinga kami nang maluwag at akmang bubuksan ang pinto nang bigla na lang lumitaw sa harapan namin sila Haring Kalak. Muntik nang malaglag ang puso namin sa gulat.
"Hinampak," anas ni Cormac.
["Darn it."]
"Mga kaibigan, kailangan na ninyong lumisan dito at magpakalayo-layo," deklara nito at tiningnan kami isa-isa. "Patuloy pa rin ang ilan sa mga kasama ko sa paghila sa isang bakal para panatilihing nakaangat ang matulis na tarangkahan. Ako at ang natitira kong kasama naman ang bahala kung may makapapansin sa pagkawala ng kaibigan ninyong si Cormac. Basta huwag na huwag kayong pumasok sa gubat na nasa tapat nitong gingharian. Maliwanag?"
Nabuhay ang mga balahibo ko sa braso dahil sa huling sinabi niya. Ano'ng mayro'n do'n?
"Pa'no ka? Pa'no kayo ng mga kasama mo?" pagsaboy ko ng kuwestiyon sa pinuno ng mga kalag.
"Pagkatapos nito ay hahanapin namin si Sinrawee. Papatayin namin siya gaya ng ginawa niya sa amin," mariing wika niya, nagtiim ang bagang. "Hanggang sa muli, kaibigan." Pagkatapos niyon ay bigla na lang silang nawala.
Maingat naming binuksan ang malaking pinto at kaagad na lumabas. Ngunit rumehistro sa magkabila naming tainga ang mga katagang ayaw naming marinig sa mga oras na 'to.
"Tinakas nila si Cormac!" sigaw ng isang duwende.
Naglakbay sa bakuran ng aking tainga ang mga yabag na parami nang parami. Kasunod niyon ay ang tunog ng mga sandatang nagkabanggaan. Patuloy pa rin kami sa pagtakbo bago pa man masara ang tarangkahan na may mga talim sa dulo nito.
"Daghang salamat, Haring Kalak," bulong ko sa hangin.
["Maraming salamat, Haring Kalak."]
Paglabas namin sa tarangkahan ay kaagad na sumalubong sa 'min sina Talay at Langas.
"Saan tayo pupunta ngayon, Langas?" agarang tanong ko.
Tinuro niya agad ang isang gubat. Madilim na ang paligid pero nakita pa rin namin 'yon sa tulong ng maliwanag na buwan. "Doon tayo pupunta."
Muli kaming sumabak sa takbuhan at nakipagdigma sa mga mayayabong na talahib, makakating halaman, at tinik ng iilang bulaklak dahilan upang magkandasugat-sugat na ang aming balat. 'Tapos, sinasampal pa kami ng malamig na simoy ng hangin.
"Hulihin sila!" rinig naming sigaw ni Tahom. Humiyaw naman ang kaniyang mga kasama bilang tugon.
Ano'ng ibig sabihin nito? Ano'ng nangyari kina Haring Kalak at ng mga kasamahan niya? 'Di kaya . . . si Burigadang Pada ang humarap sa kanila? Lagot!
"I hate to do this, pero walang choice si me!" Huminto si Solci at rinig ko ang sunod-sunod na paglangitngit ng tali ng kaniyang pana. 'Yon pala, inasinta niya ang mga humahabol sa 'min at nagpakawala ng mga palaso sa direksyon ng mga duwende. 'Tapos, muli siyang humabol sa 'min, pawisan at hinihingal.
"May natamaan ka ba?" tanong ni Cormac habang patuloy pa rin sa pagtakbo.
"Of course wala! Madilim kaya 'tapos nasalag din siguro ng iba," sagot naman ni Solci.
"Sa pagkakaalam ko, magaling na mamamana ang mga Banwaanon," ani Langas.
"Bugu!" nang-aalaskang kantiyaw ni Cormac.
"Sorry, ito lang ako! Hindi naman kasi ako tinuruan ng father ko, eh. Kaya heto, sariling sikap ang drama ko sa buhay!"
Dali-dali kaming pumasok sa loob ng kagubatan at nagkubli kaming lahat sa ilalim ng matabang ugat na nakausli habang hinihingal.
Kapagkuwan ay may narinig kaming mga yabag ng mga paa kaya kaagad naming tinakpan ang aming bibig upang hindi kami makalilikha ng ano mang ingay.
"Hayaan n'yo na ang mga 'yon," rinig naming sabi ni Tahom.
"Pero magagalit ang mahal na rayna!" untag pa ng isang duwende.
"Sigurado akong hindi nila batid kung ano ang sakit na itinanim ni Bulalakaw sa gubat na iyan. Sa pamumuno ni Bulalakaw, diyan niya ipinatapon ang mga taksil at ayaw sumunod sa kaniya. At hindi na sila nakabalik at nakalabas nang buhay. Ha-ha-ha!"
Pumasok sa tainga namin ang nakaririndi niyang halakhak. Nasundan pa 'yon ng tawa ng kaniyang mga kasama na 'di talaga nagustuhan ng aming tainga.
Dinumog naman ang isip ko ng alaala ng huling sinabi sa 'kin ni Kalak.
"Basta huwag na huwag kayong pumasok sa gubat na nasa tapat nitong gingharian. Maliwanag?"
Yawa! Ano ba'ng mayro'n sa gubat na 'to?
t.f.p.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top