Chapter 15 - Banwaanon
OLIN
Naging iregular ang paghinga ko dahil sa kundisyon ng diyosa ng kasakiman na si Burigadang Pada. Dinumog kaagad ang isip ko ng mga probabilidad. Tinimbang ko ang mga kasama ko kung sino ba talaga ang puwedeng maiwan sa 'min.
Kung ako ang maiiwan, paniguradong mabibigo kami sa misyon namin at 'di namin maaabutan si Prinsipe Helio nang buhay dahil ako raw ang makakukuha sa Boac.
Kung si Langas naman, hindi rin puwede sapagkat siya ang nagsisilbi naming gabay sa aming paglalakbay. May dahilan kung bakit siya ang gusto ni Mounir na lapitan namin. Mahalaga siya sa misyong ito.
Dumako ang mga mata ko kay Cormac. Alam kong ang sama ko para isipin 'to pero para kasing 'di naman siya dapat na mapabilang sa 'min o maging parte sa misyong 'to. Desisyon niyang tumungo rito dahil sa kuryusidad, hindi siya tinawag ng Kahadras. Pumasok siya sa portal na may layuning masama o makasarili. 'Yon ay ang isiwalat ang tungkol sa Kahadras kapalit ng kasikatan niya.
Nagsalubong ang kaniyang mga kilay nang magtagpo ang aming mga mata. "Naa'y hugaw sa akong nawong?" bulong ni Cormac sabay turo sa mukha niya.
["May dumi ba 'ko sa mukha?"]
Umabante ako. "Puwede po bang linisin na lang namin itong buong gingharian ninyo? 'Tapos, aalis kami nang buo 'pag natapos na namin ang aming parusa?" Ako ang nangahas na bumasag sa katahimikan sa pagitan namin dahilan para sa 'kin matuon ang kanilang atensyon.
Nakapagdesisyon na 'ko na ipaiwan si Cormac pero parang ayaw kong gawin o sabihin. Parang masakit sa loob ko na iwan dito ang kaklase ko. Pa'no kung ayaw na siyang pakawalan ni Burigadang Pada? Pa'no kung 'di na siya makalabas dito sa Kahadras?
Puno ng pag-aalala ang mukha ni Talay nang lingunin ko siya.
Pumalatak ang rayna ng Escalwa. "Hindi mo yata nauunawaan ang nais kong ipahiwatig, bata." Muli itong umupo sa kaniyang gintong trono.
Naglakbay pa sa bakuran ng aming mga tainga ang pagkalansing ng kaniyang mga ginintuang alahas.
"Kailangan ko ang isa sa inyong mga binatilyo sapagkat hanggang ngayon ay hinahalughog pa rin namin ang lupain ng Escalwa sa paghahanap ng puso ng lupa, ang mahiwagang hiyas. Kung may mahalagang bagay pa kayong nais gawin sa ibang lugar, maaari na kayong humayo. Ngunit bilang parusa sa pagpasok sa sagrado kong hardin at pangingialam sa mahiwagang tubig doon, maiiwan ang isa sa inyong mga lalaki rito," pirming wika ni Burigadang Pada.
Napalunok ako sa winika niya. Ngayon ay naiintindihan ko na ang gusto niya at hindi na talaga namin mababago ang kaniyang pasya.
Tinapunan ko ng tingin si Talay. Nakayuko siya at sumisinghot habang hawak-hawak ang mga bulaklak na sina Saya, Alog, at Lish na naging ginto. Maski ako'y nami-miss ko na rin silang tatlo. Na-miss ko 'yong mga hirit nila, mga kulitan nila, at bangayan nilang tatlo.
"Ako! Ako ang maiiwan dito!"
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig na may nagboluntaryo sa 'min. Walang iba kung 'di ang kaklase kong si Cormac Cruz! May parte sa 'kin na gustong siya ang maiwan dito, pero naaawa rin ako sa kaniya kahit may masama siyang hangarin. Kung puwede lang sana na ako na lang. Subalit pa'no ang prinsipe ng Melyar? Ang hirap!
Sabay kaming lumapit ni Talay kay Cormac. Nahagip ng paningin ko sina Solci at Langas sa likuran namin na nakatuon lang ang atensyon sa makintab na sahig.
"Sigurado ka ba rito, Cormac?" agarang kuwestiyon ni Talay sa kaniya. Alam kong nasisiyahan siya dahil may tiyansa nang makabalik ang mga kaibigan naming bulaklak sa dati. Pero batid ko ring nalulungkot siya sapagkat may kailangang magsakripisyo para dito.
Pilit na ininat ni Cormac ang kaniyang mapuputlang mga labi kahit na may namumuong luha sa magkabilang sulok ng kaniyang mga mata. Pagkatapos, tumango siya bilang paunang sagot sa katanungang ibinato ni Talay.
"Sigurado ako rito, Talay. Na-realize ko rin no'ng nagkasagutan kami ni Olin na ang sama ko palang tao. Pumunta ako rito para lang sa inaasam na kasikatan. Gusto ko pa sanang sumama sa inyo at mag-video para sa memories natin, pero ayaw na ng pagkakataon, guys. Siguro, deserve ko rin 'to." Tuluyan nang dumausdos ang kaniyang mga luha patungo sa kaniyang pisngi at baba. "Iwan n'yo na 'ko rito, guys. May mission pa kayo, 'di ba? Pabayaan n'yo na 'ko rito sa Escalwa. P-Panggulo lang talaga ako sa istoryang 'to. U-Umalis na kayo rito!" Tinaasan niya kami ng boses at umastang tinataboy kami.
Nag-init ang magkabilang sulok ng mga mata ko habang taimtim na nakikinig sa kaniya. Rumehistro din sa dalawa kong tainga ang paghagulgol ni Talay habang akap-akap ang mga gintong bulaklak. Ang sama naming kasama dahil iiwan namin siya rito. Pero wala na kasi talaga kaming maisip na ibang paraan.
Humakbang ako papalapit sa kinatatayuan ni Cormac at ipinatong ang aking mga kamay sa magkabila niyang balikat habang ramdam ko na ang pag-agos ng likido sa 'king pisngi.
"Gusto kong magpasalamat dahil sa katapangan mo, Cormac. A-Ayaw naming gawin 'to pero ito lang ang tanging paraan. At bago kami umalis, gusto kong malaman mo na kaibigan na ang tingin ko sa 'yo. Hindi lang kaklase, kakilala, o kasama. K-Kaibigan kita, Cormac, kahit kaunting panahon ang pinagsamahan natin dito sa Kahadras. Pagkatapos ng mission namin, babalikan ka namin dito, okay? Sabay nating lisanin ang Kahadras 'pag maayos na ang lahat." Kumurba ang mga labi ko pero hindi ako masaya sa oras na 'to. Pinangakuan ko siya kahit walang kasiguraduhan sa katakut-takot na mundong 'to.
Tumango-tango siya habang napapalamutian ng luha ang mukha. Kapagkuwan ay bigla na lang niya akong hinandugan ng yakap. Wala na kaming pakialam kung nanonood man sa 'min ang mga Escalit at si Burigadang Pada.
Habang nakapatong ang baba ko sa kanang balikat niya, natanaw ko ang pagtaas-baba ng mga balikat ni Solci habang nakayuko nang bahagya. May nakita rin akong luhang pumatak sa sahig. At napansin ko na wala na ang pana at palaso niya.
"Naiyak din tuloy ako dahil sa inyo. Pero . . . ship! Omg!" anas ni Solci na ikinakunot ng noo ko. Amaw!
* * *
Lumipas na ang ilang oras ngunit nandito pa rin kami sa labas ng gingharian ng Escalwa, 'di pa rin umusad. Tahimik at nakatulala lang kaming apat pero alam kong pareho kami ng iniisip, si Cormac.
Pagkatapos niyang magkusa na magpaiwan sa loob, ibinalik na rin ni Burigadang Pada sa dati sina Saya, Alog, at Lish na ngayon ay sunod-sunod ang pagtapon ng kuwestiyon subalit ni isa sa 'min ay walang sumagot. Tikom lang ang bibig namin. Ang mga tanong nila'y pumasok sa isa naming tainga at lumabas sa kabila.
"Nganong dili sila motubag?"
["Bakit 'di sila sumasagot?"]
"Ewan ko sa kanila. Ano ba kasi ang nangyari sa 'tin?"
"I don't remember anything."
"Ako sad."
["Ako rin."]
"Aha! Naaalala ko na! Isinawsaw tayo ni Talay sa tubig at pagkatapos niyon ay wala na tayong matandaan!"
"Puwede bang tumahimik kayong tatlo?" mahinahong wika ni Talay na tila ba naubusan na siya ng enerhiya.
Ako rin naman. Siguro, dahil wala kaming maayos na tulog at dahil na rin sa nangyari sa isa naming kaibigan.
Tumingala ako sa kalangitan na pininturahan ng kulay-dalandan. Palubog na ang araw pero wala pa rin kaming ganang magpatuloy sa pakikipagsapalaran. Kapagkuwan ay narinig namin ang ingay ng pagtama ng bakal sa bato at hindi naman nakatakas sa 'ming pandinig ang tunog ng plawta. Naikuwento sa 'min ni Kalak na bukod sa pagmimina, mahilig din sa musika ang mga maliliit na nilalang. Kadalasan daw ay tinutugtugan nila ng plawta o hinahandugan ng awit ang kanilang rayna tuwing nasa mahiwagang hardin ito ng kaharian.
Alam kong sa oras na ito ay dapat naglakbay na kami para marating na namin ang kagubatan ng Sayre, pero parang ang isang daang porsyentong enerhiya ko ay bumagsak sa sampu. Kaya heto kami ngayon sa labas ng gingharian, nalugmok na parang lantang gulay.
"Sumusuko ka na ba, Olin? There's a reason why you meet Cormac and Solci here in Kahadras. Kailangan mong gumawa ng paraan para mabawi ang isa mong kaibigan, Olin."
Napapitlag ako nang marinig ang tinig ni Mounir. May rason kung bakit ko nakasama sina Cormac at Solci rito? Ano naman? Parte ba sila sa misyon namin? Dapat ba kasama namin sila sa paglalakbay? Kung gano'n, kailangan kong sundin si Mounir. Kailangan kong gumawa ng paraan.
Hindi ko alam kung saan galing ang enerhiya ko pero parang nagbalik ito kahit na kulang ako sa tulog. Hinarap ko ang mga kasama ko sabay sabi ng, "Kailangan nating itakas si Cormac, ngayon din. Kaibigan natin siya at kabilang siya sa misyon na 'to kaya hindi natin siya puwedeng iwan dito!"
Tinapunan ko sila ng tingin isa-isa. Namilog ang mga mata ni Talay na parang mga barya samantalang sina Solci at Langas naman ay parehong nakangiti, nabuhayan sa anunsyo ko.
Kaagad na tumayo si Langas at napalinga-linga sa paligid. "Alam kong narito kayo at pinagmamasdan lang kami. Magpakita kayo, Haring Kalak," bulalas niya at hanggang ngayon ay wala pa rin kaming alam kung saan talaga dadapo ang kaniyang mga mata.
Sa isang kisapmata'y lumitaw na sa wakas ang pinuno ng mga bughaw na kalag o kaluluwa sa harapan namin dahilan upang mapapitlag kaming apat. Pagkatapos niyon ay isa-isa nang sumulpot ang kaniyang mga kapanalig.
"Narinig ko na may balak kayong itakas ang inyong kaibigan. Narito kami para tumulong. Maaasahan ninyo kami sapagkat tumatagos lang kami kahit saan at saka maaari din naming hawakan ang iba't ibang bagay."
Pagkatapos niyon ay dali-dali kaming nag-usap tungkol sa aming plano. Nagbahagi sa amin ng magandang suhestiyon si Haring Kalak. May alam daw siyang pampatulog na kagagawan lang din ng dati nilang sinasamba na si Bulalakaw. Ilalagay raw nila ito sa mga inumin para sa mga nagtatrabaho na nasa ibaba. Sa oras na mawalan sila ng malay, kailangan daw pumasok ang dalawa sa 'min sa gingharian at tumungo sa ilalim para iligtas si Cormac.
"Pa'no ang iba at si Burigadang Pada?" tanong ko.
"Nasa hardin ang diyosa ng kasakiman at ang ibang duwende upang handugan siya ng tugtog gamit ang ginintuang plawta," kagyat na tugon ng pinuno ng mga kalag.
Tumango-tango kami bilang pagsang-ayon sa ideya ni Haring Kalak. Ilang sandali ang lumipas ay naglaho na sila na parang bula. Bibigyan na lang daw nila kami ng hudyat kung kailan kami puwedeng pumasok sa loob.
"Sino'ng sasama sa 'kin?" pagtapon ko ng tanong sa mga kasama ko habang nakapamulsa.
"Ako! Here!" agarang sagot ni Solci, puno ng sigla. Itinaas pa niya ang kaniyang kanang kamay.
Kumunot ang noo ko. "Magtapat ka nga sa 'min, Solci. Ano ba talaga ang itinatago mo?"
Nakita ko kasi siya noon na nagsamo ng nagliliwanag na pana at palaso. 'Tapos, ngayon naman ay may rason daw kung bakit ko sila nakita rito ni Cormac, ayon kay Mounir. Ano kaya ang sikreto ng isang 'to? Bakit may kapangyarihan siya?
Bumuga ng hangin si Solci at biglang sumeryoso.
Naging iregular naman ang pagkabog ng puso ko dahil sa inasta niya.
"Ang totoo niyan . . . isa akong Banwaanon. At ako ang 'yong tagapagbantay, Olin."
Nalaglag ang panga ko dahil sa rebelasyon niya.
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay bigla na lang siyang nagliwanag at unti-unting nagbago ang kaniyang hitsura at kasuotan. Ang kaniyang kulay-kapeng buhok na parating naka-bun ay naging kulay-gatas at ngayon ay nakalugay na. Ang kaniyang kahel na bestida na may dilaw na bulaklaking disenyo ay napalitan ng damit na gawa sa pinagtagpi-tagping mga dahon na ang kulay ay pinaghalong kulay-lupa at berde. At napansin din namin na ang kaniyang magkabilang tainga ay patusok na gaya ng sa Engkanto. Hindi rin nakatakas sa paningin namin ang kaniyang korona na gawa sa mga ugat ng kahoy.
Kapagkuwan ay isinamo ni Solci ang nagliliwanag niyang pana at palaso. Kumuha siya ng isang palaso sa lalagyan nito na nakasabit sa kaniyang balikat. 'Tapos, itinapat niya ito sa puso ko at ininat ang tali ng pana na lumikha ng paglangitngit.
"You can't run from my arrow," ani Solci. Ilang sandali pa'y bigla na lang siyang humagalpak sa katatawa na ikinalukot ng mukha namin. "Chos! Miya ka, gurl? Ha-ha-ha!"
t.f.p.
GLOSSARY
• Banwaanon – translates to "of the forest." It is the Cebuano counterpart of Engkanto. In Cebuano beliefs, they are a race of forestfolks that appear to people they like and assist or aid deserving earthlings.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top