Chapter 14 - Clash of the Deities
OLIN
Sa pananatili ko rito sa Kahadras, ngayon lang ako nakakakita ng isang diyos at isang diyosa. Pareho silang malaki kaysa sa mga normal na tao. Sa pagsulpot ni Burigadang Pada Sinaklang Bulawan, hindi ko alam kung masisiyahan ba 'ko o matatakot din gaya ng naramdaman ko kay Bulalakaw. Sigurado akong kapangyarihan ni Burigadang Pada ang nananalaytay roon sa hardin kung saan kami nahalina, naging hayok, at namanipula ng mga ginintuang bagay nang dalawang araw.
Hindi ko alam kung isa lang ba sa kanila ang masama o pareho silang kalaban namin.
Inamin namin sa kanilang rayna na hindi kami kawatan, gusto lang naming tulungan at pakawalan ang kakilala ko na si Solci. Nakahinga naman kami nang maayos nang maniwala sa 'min si Burigadang Pada at kaagad na binuksan ni Tahom, isa sa mga duwende, ang piitan na aming kinalalagyan. Pero kahit gano'n ay wala pa rin akong tiwala sa diyosa ng kasakiman.
Hindi ibinahagi ni Burigadang Pada sa mga maliliit na nilalang kung bakit niya nilisan ang gingharian ng Escalwa. Hindi na lang din nagbato pa ng katanungan ang mga duwende. Ang mahalaga siguro sa kanila ay nagbalik na ang kanilang rayna. Pero nang malaman ng diyosa na sinakop at inalipin sila ni Bulalakaw ay kita kong nagtangis ang bagang niya at nag-aalab sa galit ang mga mata. Ipinabatid pa ni Tahom sa kanilang rayna na ang ilan sa kanila'y pumanaw na dahil tinamnan ng sakit ni Bulalakaw.
"Umakyat na tayo. Papalayasin ko ang hangal na umangkin sa pugad natin," pirming wika ng diyosa ng kasakiman at kaagad na pumanhik sa hagdan. Tila wala nang makapipigil pa sa kaniya. Sumunod naman sa kaniya ang mga duwende na may hawak na palakol at sulo.
Kinuha ko rin ang isang sulo, bumuga ng hangin, at pinagpag ang natitirang pangamba sa 'king katawan. 'Tapos, isa-isa kong tinapunan ng tingin ang mga kasama ko.
Namumugto na ang mga mata ni Talay habang mahigpit ang pagkakahawak sa ginintuang bulaklak at sa kaniyang punyal.
Walang bahid na takot sa mukha ni Langas habang bitbit ang kaniyang gintong sundang.
Si Cormac naman ay may inayos sa kaniyang camera. Inihanda niya siguro ito para kuhanan na naman ang magaganap mamaya sa itaas.
Nang malipat ang tingin ko kay Solci ay 'di pa rin ako makapaniwala na may nagliliwanag na pana at palaso na siyang dala. Gusto ko sanang magsaboy ng kuwestiyon sa kaniya kung pa'no niya 'yon nagawa pero itinikom ko na lamang ang bibig ko at nag-umpisa na kaming maglakad pataas ng hagdan.
Kailangan niyang magpaliwanag sa 'min pagkatapos nito, kapag makaalis na kami rito sa Escalwa.
Pag-akyat namin sa bulwagan ay bumungad sa 'min ang napakalawak na espasyo, ibang-iba roon sa piitang inokupahan namin pansamantala. Subalit kahit 'di pa man nagsisimula ang laban ay ramdam ko na ang tensyon sa paligid at hangin.
Nahagip ng paningin namin sila Tahom na sumesenyas na tumungo raw kami sa kinalulugaran nila. Nagkatinginan muna kami ng mga kasama ko bago tumalima at dumagdag sa grupo ng mga duwende.
Kasalukuyan kami ngayong nagtatago sa isang mataba at maputlang haligi habang nakasilip kina Burigadang Pada at Bulalakaw. Ang malaking diyos parang ibon ay nakatayo malapit sa gintong trono na nasa ibabaw ng ilang baitang ng hagdan. Samantalang nasa ibaba naman ng naturang trono ang ginintuang diyosa at nakaharap sa kaniya.
"Nagbalik na pala ang dating pinuno ng mga Escalit," panimula ni Bulalakaw. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nito tinatanggal ang malaking tuka ng ibon na nakapatong sa kaniyang ulo. "Ngunit ikinalulungkot kong sabihin na wala ka nang puwang sa palasyong ito!" Dumagundong ang tinig niya rito sa gingharian ng Escalwa. Napagitla rin kami dahil do'n.
"Ano'ng ibig sabihin ng Escalit?" bulong ni Cormac sa mga duwende habang nakatapat ang kaniyang camera sa diyos at diyosa.
"Ang tawag sa 'ming naninirahan dito sa Escalwa," kagyat na tugon ni Tahom. Tumango-tango lang si Cormac sa sinabi niya at muling itinuon ang atensyon sa sinisilip naming lahat.
"Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganiyan!" sigaw ni Burigadang Pada at dali-daling umakyat patungo sa kinaroroonan ng diyos.
Akmang dadakmain niya si Bulalakaw ngunit kaagad itong naghanda sa kaniyang paunang salakay at nag-ibang-hugis, naging sangkaterbang ibon na kulay-dugo at lumipad sa ere. 'Tapos, pumaikot ang mga ito kay Burigadang Pada at parang gustong sugatan ang diyosa sa pamamagitan ng matutulis na kuko ng mga ito. 'Buti na lang at iniangat ni Burigadang Pada ang kaniyang gintong pulseras dahilan upang masilaw ang mga pulang ibon saka dumistansya ang mga ito sa kaniya nang kaunti.
Hindi nagtagal ay bumalik na ulit ang totoong anyo ni Bulalakaw at sa pagkakataong ito'y may bitbit na siyang nagbabagang espada. "Akin na ang ginghariang ito! Alipin ko na ang mga duwende at kawal ko na ang mga kalag! Kaya lisanin mo na ang kahariang ito at bumalik ka na kung saan ka nagpunta noon!" bulyaw niya sa rayna.
Hindi naman nagpahuli si Burigadang Pada Sinaklang Bulawan. Pumitik siya at sa isang kisapmata'y nakahawak na siya ng ginintuang sandata na may mga hindi maintindihang simbolong nakalilok sa magkabilang talim nito. Pagkatapos, umismid siya. "Kahit baliktarin mo pa ang Kahadras, ako pa rin ang totoong pinuno rito sa Escalwa. At para sa kaalaman mo, magkaibang-magkaiba tayong dalawa. Ikaw, kinatatakutan! Ako, ginagalang!" buwelta niya at sumugod kay Bulalakaw.
Tutulungan sana namin si Burigadang Pada subalit binalaan kami ni Tahom. "Huwag! Hindi kayo maaaring masangkot sa kanila. Tataniman lang kayo ng karamdaman ni Bulalakaw. Mas mainam na magkubli na lang tayo sa mga haliging ito. Hayaan natin silang magtuos. Malaki naman ang tiwala namin sa aming rayna. Batid naming mapatatalsik niya ang isang iyan ngayong araw na ito."
Tumango-tango na lang kami sa untag niya.
Sa tingin ko, 'di tinatablan sa kapangyarihan ni Bulalakaw ang ginintuang diyosa.
Isang malakas na puwersa ang nagbunga sa nagkabanggaang lakas. Hanggang sa tumalsik si Bulalakaw sa isang pilar saka ito'y nahati sa dalawa at bumagsak sa kaniya. Isang makapal na usok ang nabuo dahil do'n. Sa sandaling nabura ang usok ay nakita namin si Bulalakaw na nakatayo. 'Tapos, itinapon niya sa bintana ang nawasak na haligi sa pamamagitan ng isang libreng kamay.
Tumakbo si Burigadang Pada sa direksyon ni Bulalakaw at iwinasiwas ang kaniyang ginintuang espada. Dali-dali namang pinansalag ni Bulalakaw ang nagliliyab niyang sandata. Pagkatapos, nagpalitan ng puwersa ang diyos at diyosa. Hanggang sa hinandugan ni Bulalakaw ng napakalakas na sipa si Burigadang Pada dahilan upang matapon ito sa itaas at mabutas ang bubong. Bumagsak ang malalaking tipak ng bato, kristal, at aranya na nakabitay kanina. Sumilip naman ang sinag ng araw dahil sa pinsalang naidulot niyon.
Hindi na namin mahagilap ang diyosa ng kasakiman dahil sa insidenteng 'yon. Nalipat ang aming atensyon kay Bulalakaw. Biglang nahati sa dalawa ang kaniyang kulay-dugong balabal at unti-unting naging malaking pakpak. Tumingala siya sa butas na ginawa niya at lumipad patungo roon.
Lalabas sana kami sa pinagkublihan namin ngunit sumulpot sa 'ming harapan ang mga kulay bughaw na kalag sa pangunguna ng dating hari ng Porras na si Kalak.
"Umalis na kayo rito, Lubani," sabi ni Kalak, pagtukoy kay Langas, "hangga't wala pa ang diyos at diyosa."
Sasagot na sana ako na sumang-ayon ako sa nais niya subalit kumontra kaagad si Talay dahilan para malibing sa lalamunan ko ang mga salitang gustong kumawala rito.
"Hindi maaari," mariin niyang wika at tumingin sa hawak niya. "Kailangan muna naming ibalik sa dati sina Saya, Alog, at Lish sa tulong ni Burigadang Pada."
"Tama si Talay," ani Langas.
Pagkasabi na pagkasabi niya n'on ay kaagad na naglaho na parang bula ang mga kalag.
Kapagkuwan ay muling pumanaog dito sa gingharian ang diyos at diyosa. Hinahabol ng mga pulang ibon ang dilaw na ulap. Bumalik sila sa dati nilang anyo at nagpatuloy ang sagupaan ng dalawa. Muling namuo ang tensyon sa kaharian sa sandaling nakabalik sila sa bulwagan. Akmang sasaksakin ni Bulalakaw si Burigadang Pada pero agad namang lumihis pakaliwa ang diyosa 'tapos siya naman ang umatake rito. Nagpalitan ulit ang dalawa ng atake nang walang pakundangan. Malalakas ang mga binibitawan nilang atake sa isa't isa.
Pigil ang aming hininga habang pinagmamasdan ang salpukan ng isang diyos at isang diyosa.
Narinig namin ang pagkalansing ng espada ni Bulalakaw nang mahulog ito sa sahig. Dahil bukas ang depensa nito, umangat ang kanto ng mga labi ni Burigadang Pada. Kaagad na lumabas mula sa kaniyang kaliwang palad ang parang ahas na kulay-ginto rin.
Ngayon ko lang napansin na sinuotan pala ang kaniyang mga daliri ng kulay-ginto at patusok na bagay. Hindi man ako ang katunggali ng rayna pero ramdam ko ang kaba, parang ako ang nasa posisyon ni Bulalakaw.
Gumapang ito sa sahig nang dahan-dahan patungo sa direksyon ng diyos na nakasuot ng pulang balabal saka pumulupot ito sa kaniyang katawan dahilan upang 'di siya makagalaw. Hanggang sa umabot ang tila ginintuang ahas sa leeg nito at dali-dali itong namula na para bang napapaso siya.
Humakbang si Burigadang Pada palapit kay Bulalakaw. At gamit ang dala niyang gintong sandata, itinarak niya ito sa tiyan ng diyos dahilan upang mapahiyaw ito sa sakit. Kaagad na nagbagong-anyo si Bulalakaw, naging sandamakmak na ibon na kulay-presa at tuluyan na itong lumisan sa gingharian ng Escalwa sa pamamagitan ng butas sa itaas.
Nalaglag naman ang panga ko dahil nagwagi si Burigadang Pada. Kahit nanonood lang ako at hindi tumulong, nakahinga ako nang maluwag sa sandaling natapos ang kanilang tunggalian.
Kung susumahin, halos dalawampung minuto ang itinagal ng kanilang duwelo.
Nagdiwang ang mga duwende at hinandugan nila ng sabay-sabay na palakpak ang kanilang magiting na rayna. Masaya rin kami dahil sa wakas, nakamit na nila ang kalayaan na sigurado kaming matagal na nilang inaasam.
Inakyat ni Burigadang Pada ang ilang baitang ng hagdan patungo sa gintong trono kung saan siya ang nababagay na umupo roon. Dali-dali namang tumakbo ang mga duwende palapit doon. Magkasabay silang lumuhod at yumuko sa harapan ng kanilang rayna bilang pagpupugay.
Nanlaki ang aming mga mata nang tuluyan nang lumabas si Talay sa pinagtaguan namin at buong-tapang na hinarap ang diyosa ng kasakiman at kayamanan habang dala ang ginintuang bulaklak. At bilang kaibigan niya, kahit natatakot, sumunod na rin kami sa kaniya at hinarap ang rayna ng mga Escalit.
Tumikhim muna si Talay bago magsalita. "Mahal na rayna, bago po kami umalis dito, puwede n'yo po bang ibalik sa dati itong mga kaibigan namin?" walang paligoy-ligoy na sabi ni Talay.
Tumaas ang kilay ni Burigadang Pada dahil sa winika ng aming kasama. "Masasabi kong pinakialaman ninyo ang mahiwagang tubig ko sa hardin," panimula nito. Tumindig ito, lumabi, at humalukipkip. "Maaari kong ibalik sa dati ang mga kaibigan ninyo sa isang kundisyon: kailangang maiwan dito sa gingharian ng Escalwa ang isa sa mga kasama mong lalaki."
t.f.p.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top