Chapter 13 - The Yellow Mist
OLIN
Dinala kami ng mga kalag sa piitan na matatagpuan sa ilalim ng gingharian gaya ng atas ng bagong namamahala rito sa Escalwa na si Bulalakaw. 'Tapos, hinatiran kami ng dating hari ng Porras ng pagkain. Madilim dito sa silid na nahaharangan ng bakal na rehas at medyo maalikabok pa. Ang tanging liwanag na tumatanglaw rito sa 'ming kulungan ay ang kapiranggot na ilaw na nagmumula sa sulo na nasa magkabilang gilid ng aming kinalulugaran.
Ayon kay Haring Kalak, pinaslang daw sila ni Sinrawee nang iwan nila ang Porras. 'Tapos, nagtungo sila rito at naabutan si Bulalakaw. Binigyan daw sila nito ng kakayahan na makahawak ng iba't ibang bagay, pati sa mga tao, at hindi hinayaang makuha ni Panginoong Sidapa ang kanilang kaluluwa. Kapalit niyon ay kailangan nila siyang pagsilbihan. Kinagat na lang daw nila ang kundisyong 'yon sa kadahilanang gusto pa nilang maghiganti kay Sinrawee.
Kalaunan ay rumehistro sa 'ming pandinig ang nakaririnding ingay ng sunod-sunod na pagpukpok ng mga bakal at bato. Para kaming binubudburan ng alikabok dahil sa kaunting pagyanig.
"Ano 'yon?" Napamulagat si Cormac. Sapo-sapo ang ulo, kaagad siyang lumapit sa bakal na rehas at dumungaw.
"Mga duwende," sagot ni Haring Kalak saka sinenyasan niya ang isa pang kalag na kunin ang sulo at itapat doon.
Unti-unti naming naaninag ang mga maliliit na nilalang. Kasing-laki nila ang mga bata, may malalagong balbas na kulay kahel at puto, at saka malulusog ang kanilang pangangatawan. Nababalutan sila ng punit-punit na damit at tulad namin ay mayro'n ding itim na kulay sa ilalim ng kanilang mga mata. Kagyat silang tumigil, nagpukol ng nakatatakot na tingin, at saka muling bumalik sa kani-kanilang ginagawa.
"Likas sa kanila ang pagiging minero," panimula ng pinuno ng mga kalag. "Sila ang pinakamayamang nilalang dito sa Kahadras lalo pa't kasama nila ang isang diyosa. Hindi nila hilig ang pakikihalubilo sa mga tao, maliban na lang kung bibili sila ng makakain sa tagong bayan ng Tsey. Ngunit ang makapangyarihang diyosa na kasama nila rito sa Escalwa ay umalis nang walang paalam sa mga duwende. Buhat noon, sinakop ni Bulalakaw ang ginghariang ito. Naging alipin niya ang mga duwende at naging kanang kamay niya ako. Kapiranggot na pahinga lang ang natatamasa nila dahil sa higpit ni Bulalakaw. Ang sino mang lalabag sa kaniya ay makatatanggap ng parusa—isang matinding karamdaman," pagkuwento ni Kalak habang nakatingin sa mga duwende.
"Ano ang pangalan ng diyosang tinutukoy mo?" Napatingin ako sa katabi kong si Solci nang magsaboy ito ng kuwestiyon. Hindi na siya nakahawak sa kaniyang balikat. Gaya ko, mukhang nawala na rin ang kirot na nararamdaman niya.
"Si Burigadang Pada, ang diyosa ng kasakiman at kayamanan," kagyat na tugon ni Kalak at tinapunan ng tingin si Solci.
Bigla namang tumindig si Talay at lumapit kay Cormac. Parang hindi na rin sumasakit ang kaniyang mga braso subalit nangingitim na ito. "'Di ba puwede namang maging ginto ang mga bagay 'pag ibabad sa tubig na nasa hardin? Kailangan pa ba talagang gawin 'yan ng mga kawawang duwende?" ang tanong na kumawala sa kaniyang bunganga.
"Inatasan sila ni Bulalakaw na hanapin ang makapangyarihang hiyas, ang puso ng lupa. Iyon ang nais na mapasakamay ni Bulalakaw."
Tumango-tango lang kami sa sinasabi ni Kalak.
"Alam n'yo ba ang mga mahiwagang bagay rito sa Kahadras?" tanong niya. Umiling lang kami bilang sagot. "Una na riyan ang malaking perlas na nasa kamay ng rayna ng Horia, iyon ang puso ng karagatan. Pangalawa, ang gintong kabibe ni Kaptan na ibinigay niya kay Magwayen, ang diyosa ng karagatan at Kasakitan. Pangatlo, ang makapangyarihang hiyas na siyang nagsisilbing puso ng lupa. At ang huli ay ang nais ninyong makuha, ang Boac na siyang puso naman ng kagubatan."
Namangha ako sa isinalaysay ni Haring Kalak. Perlas, kabibe, hiyas, at Boac. Pa'no 'pag napasakamay 'yon ng isang nilalang? Siya na siguro ang pinakamakapangyarihan dito sa Kahadras o sa buong mundo.
"Ano ang gagawin natin kina Saya, Alog, at Lish?"
Halos mapaigtad kaming lahat nang sumulpot si Langas mula sa madilim na sulok. Bitbit niya ang bulaklak na ngayon ay nanigas at naging ginto. Ngunguto-nguto siyang tumingkayad sa lupa habang nakatungo ang ulo.
Lumapit sa kaniya si Talay. Sa tulong ng kaunting ilaw na nanggaling sa sulo, nasaksihan ko ang pagdausdos ng kaniyang mga luha patungo sa kaniyang pisngi at baba. 'Tapos, kumawala sa bibig niya ang mahihinang hikbi. Dali-dali niyang inagaw ang gintong bulaklak, mabagal na naglakad papunta sa isang sulok, at tuluyan niyang hinalo ang sarili sa karimlan.
Ibinalik ng isang asul na kalag ang ilaw sa gilid at nagpaalam na rin sila Haring Kalak.
Tinabihan ni Cormac si Langas at isinandal ang ulo nito sa kaniyang balikat. "Shh! Tahan na, Helcurt-na-kulang-sa-tulog. Pasalamat ka't hindi ka na mabantot," nang-aalaskang kantiyaw ni Cormac.
Sunod na rumehistro sa pandinig namin ang paghagikhik ng dalawa. Masaya akong nagkasundo na sila ngayon.
Pagkatapos ng ilang minuto ay napatingin ako sa katabi ko—sa babaeng palaging nangungulit sa 'kin sa Cebu, ang kaklase kong hindi nakukumpleto ang araw 'pag 'di ako nababanas, ang dalagitang nagpaparamdam sa 'kin na tila may kulang no'ng naglaho siya na parang bula. Isa o dalawang minutong dinumog ang isip ko ng mga alaala namin sa normal na mundo.
"Pa'no ka napadpad dito? Sa tingin mo, dahil ba sa 'kin?" Ako na ang nangahas na bumasag sa katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Ngayong napatunayan ko nang may nananalaytay na itim na kapangyarihan sa katawan ko, maaaring ako nga ang may gawa nito sa kaniya o baka naman may mahika rin siya. Sinampal ko agad ang sarili ko sa isip ko. Malabo.
Bumaling sa 'kin si Solci at pumaskil sa kaniyang mukha ang isang nakahahawang ngiti. Naghaharumentado bigla ang puso ko sa 'di mawaring dahilan.
"Sa tingin ko, oo," tahasang tugon ni Solci na nasundan pa ng sunod-sunod na pagtaas-baba ng kaniyang ulo. "Pero ayaw'g kabalaka, Olin. Dili man ako galit, uy." Hindi pa rin napapawi ang kaniyang ngiti.
["Pero 'wag kang mag-alala, Olin. Hindi naman ako galit, eh."]
Marahan akong natawa matapos mabunutan ng tinik sa lalamunan. 'Tapos, sumeryoso ako nang may biglang sumibol na tanong sa isip ko. "Ba't mo ba ako binabantayan? Hindi ako sure kung 'yon ba talaga ang rason kung bakit mo ako nilapitan, pero 'yon kasi ang napi-feel ko noon, eh."
"Ang totoo niyan," sabi niya at huminga nang malalim, "may narinig akong boses sa hangin. Noong una, akala ko'y nabubuang lang ako. Pero na-realize ko na ako ang kinakausap niya." Bumilog na parang mga barya ang kaniyang mga mata habang nagsasalita.
Nahawa naman ako sa kaniya at nanlaki rin ang mga mata ko sa gulat. "Ano'ng sinabi niya sa 'yo?" ang tanging naisambit ko.
May ideya na 'ko kung sino, pero kailangan kong kumpirmahin.
Umayos si Solci sa pagkakaupo at klinaro ang lalamunan bago magsalita. "By any chance, does the name Olin Manayaga ring a bell?" panimula niya, ginagaya ang boses ng isang lalaki, tinig ng kakilala ko. "Do you know where he lives? Kung kilala mo siya at kung alam mo kung saan siya nakatira, nakikiusap ako, protektahan mo siya at panatilihing ligtas laban sa mga kakatwang nilalang na gustong dumukot sa kaniya hangga't wala pa 'ko riyan. The board is already set, and the evil pieces are currently moving to take the sole hope away from us. We need him to recuperate the prince and save the whole Kahadras," dagdag ni Solci, ang mga kamay niya'y tapon dito at tapon doon. "Mao na iyang giingon!"
["'Yan ang sabi niya!"]
Natigil ako dahil sa sinalaysay niya. Parang may sasakyang kanina pa bumubusina sa harapan ko subalit wala na 'kong pakialam do'n.
Napaisip ako.
Si Mounir . . .
Ba't niya inutusan si Solci na bantayan ako gayong normal na tao lang siya? O baka naman may nakitang espesyal sa kaniya ang asul na salamangkero?
Naudlot ang gumugulo sa 'king isipan nang magsalita siyang muli. "Olin! Olin, okay lang you? Ako, okay lang me," saad ni Solci habang iwinasiwas ang kaniyang kamay.
Nabalik ako sa wastong huwisyo nang paulit-ulit na tinatawag ni Solci ang pangalan ko.
"Kilala mo 'yon?"
Tumango ako. "Si Mounir, ang salamangkerong nagsabi sa 'kin na kailangan kong kuhanin ang makapangyarihang Boac para iligtas ang prinsipe ng Melyar," pag-amin ko.
"Whoa! Kinsay nagdahom nga mahimo diay ka'g superhero dinhi? Laysho!" Pabiro niyang hinampas ang balikat ko habang nakapaskil sa kaniyang mukha ang nakaaasar na ngisi.
["Whoa! Sino'ng mag-aakala na magiging superhero ka pala rito?"]
Sasagot pa sana ako ngunit may narinig kaming isang kahindik-hindik na tawa dahilan para magitla kaming lahat. Hanggang sa bigla na lang pumalibot sa 'min ang dilaw na ulap.
Tumayo kaming lahat, nagdikit-dikit, at naging alisto. Pati si Talay ay lumabas na rin mula sa kadiliman at umanib sa 'min, dala-dala ang gintong bulaklak at punyal. Hinugot din ni Langas ang kaniyang kulay-gintong sundang sa tagiliran at inangat sa ere. Itinapat naman ni Cormac ang kaniyang camera sa dilaw na ulap. Nahagip naman ng paningin ko na isinamo ni Solci ang nagliliwanag na pana at palaso na siyang ikinalaki ng mga mata ko.
So, may powers nga siya?
Hindi nagtagal ay unti-unting naglaho ang ulap at biglang sumulpot sa 'ming harapan ang isang babaeng may dilaw na kasuotan na gawa sa pinagsamang sutla, may kulay-gintong pulseras, kuwintas, at pati na rin ang suot niyang tiara. Mayro'n din siyang patik o tattoo sa mga braso at binti. Hindi naman nakatakas sa 'king paningin ang kulay-ginto niyang kapa na nahati sa dalawa.
"S-Siya ang diyosa ng kasakiman at kayamanan," sambit ni Talay.
Usa siya ka diyosa nga adunay matahum nga bulawan nga panit, usa ka madanihon nga dagway nga giputos sa daghang bulawan ug hayag nga dyamante, ug adunay perpekto nga nawong.
[Siya ay isang diyosa na may napakarilag na ginintuang balat, isang mapang-akit na pigura na nababalot ng masaganang ginto at makikinang na dyamante, at may perpektong mukha.]
"Tama ka," nakangiting wika ng diyosa. "Ako si Burigadang Pada Sinaklang Bulawan. Ano ang ginagawa ninyo rito sa gingharian ko? Nagnakaw kayo, ano?" Tumaas ang perpekto niyang kilay.
"Mahal na rayna? Mahal na rayna, mabuti at nagbalik kayo rito!" masayang bulalas ng mga duwende. Dali-daling lumapit ang pitong maliliit na nilalang saka nakahilerang lumuhod sa kaniyang harapan bilang pagpupugay.
t.f.p.
GLOSSARY
• Burigadang Pada Sinaklang Bulawan – the Visayan goddess of greed and wealth due to her control over valuable metals and stones. She is in charge of the valuable stones and gold that make up the earth's wealth. Her name means "Coveted Gold."
• Laysho – a Cebuano slang term that means "something fancy."
• Magwayen – In Visayan Mythology, Magwayen, the primeval Goddess of the Sea and the Underworld, and Kaptan, the God of the Sky, are credited with creating the world and the first humans. Magwayen is the counterpart of the Greek Poseidon (combined with Hades).
• Sidapa – the god of death.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top