Chapter 12 - Causer of Sickness
OLIN
Kasalukuyan akong nakaupo sa gilid ng fountain habang yakap-yakap pa rin ang ginintuang kopita na nilagyan ko ng iilang gintong barya. Kasabay ng pagkinang ng mga ito ay ang pagsibol ng ngiti sa mukha ko. Pasimple akong yumukod at dumukot ng limang barya sa lupa. 'Tapos, isinilid ko ang mga ito sa bulsa ng aking polo.
Habang nakainat ang mga labi, pinihit ko ang leeg ko upang pagmasdan ang mga kasama ko rito. Tanaw kong nakaupo sina Cormac at Talay malapit sa mga mayayabong na halaman. Inagaw ni Cormac ang kulay-tsokolateng balabal ni Talay at nilikom doon ang mga gintong sandok, lalagyan ng tubig, kutsara, alahas, at iilang barya. Nagningning pa ang kaniyang mga mata habang ginagawa iyon. Samantala, nasa gilid naman ni Talay ang mga nagsasalitang bulaklak na parang nais ding kumuha ng ginto. Abala ang kanilang taga-hawak sa pagsuot ng mga alahas.
Dumako ang mga mata ko kay Solci na nakadapa malapit sa mga sira-sirang paso. Mabusisi niyang binibilang ang mga gintong barya saka nahuli ko pa siyang hinalikan ang mga ito bago ihulog sa maliit na garapon. May pagalaw-galaw pa siya sa kaniyang mga paa na para bang kinikilig sa kayamanang natatamasa.
Nalipat naman ang paningin ko kay Langas na naglalakad nang matuwid papunta sa direksyon ko at parang may kausap siya sapagkat nahuli ko siyang tumango-tango. Nagbaba ako ng tingin at nakitang may dala siyang sundang.
Nagtiim ang bagang ko at dali-dali kong itinago ang ginintuang kopita sa loob ng polo ko. Walang puwedeng umagaw rito! Akin lang ang kopitang 'to!
Pero nagulat ako nang nilampasan niya 'ko. Huminto siya sa harapan ng fountain saka yumukod. 'Tapos, dahan-dahan niyang isinawsaw sa tubig ang pinakamamahal niyang sundang. At sa hindi inaasahang pagkakataon, natunghayan ko ang unti-unting pagbabago ng kulay nito. Mabagal na naglakbay ang kulay-ginto hanggang sa nasakop na nito ang buong katawan ng sundang ni Langas.
Muntik nang malaglag ang panga ko sa nasaksihan.
"Mga kaibigan, tingnan ninyo ito!" ubod ng sayang sigaw ni Langas. "Naging ginto ang aking sundang dahil sa mahiwagang tubig na ito!" Isa-isa niya kaming tinapunan ng tingin, ang sundang ay nakaangat sa ere, sabay turo doon sa tubig.
Dali-dali namang sumugod si Cormac sa kinalulugaran namin, ang mata'y nagniningning na tila ba gusto niya ang gano'ng uri ng bagay.
"Kanindot g'yod ana!" bulalas niya. Bakas sa kaniyang ikinikilos na gusto niya iyong mahawakan.
["Ang ganda naman niyan!"]
Biglang sumulpot sa harapan namin sina Talay at Solci. Dala-dala ni Talay ang tatlong bulaklak. Samantalang hawak-hawak naman ni Solci ang malinaw na garapon na naglalaman ng mga gintong barya at mayro'n ding ginintuang takip. Dahil sa pagdating nila rito sa puwesto ko, mas lalo akong naging alisto kasi baka daklutin nila ang mga pagmamay-ari kong kayamanan.
Umusog ako nang kaunti. Akin lang 'to!
Ngunit ang sunod kong nasaksihan ay ang paglublob ni Talay kina Saya, Alog, at Lish sa tubig. Nagbunyi siya nang unti-unti rin itong naging ginto. Itinaas niya sa ere ang ginintuang mga bulaklak, na nakalagay sa lalagyan ng tubig, at umikot-ikot si Talay sa labis na ligaya. Napainat na rin ako ng labi sapagkat nakahahawa ang ipinaskil niyang ngiti.
Namamangha, ginaya rin ni Solci ang ginawa nina Langas at Talay—ibinabad din niya nang ilang segundo ang hawak niyang garapon na may bilugang mga ginto. Tulad ng inaasahan, naging ganap na ginto ang katawan ng garapon. Abot-tainga ang kaniyang ngiti. 'Tapos, niyakap niya ang lalagyang 'yon saka humimlay sa sangkaterbang ginintuang bagay.
"Akoa ra 'ning garapon," nakangiting aniya habang nakasara ang mga mata.
["Akin lang ang garapong 'to."]
Hindi naglaon ay inilabas ko na ang ginintuang kopita ko at tinitigan ito nang ilang minuto. "Akin ka lang. 'Wag kang sumama sa iba, ha? Pagmamay-ari na kita, ginintuang kopita," nakangising sabi ko.
Nakita ko ang sariling repleksyon sa hawak-hawak kong kopita. Mayroon nang kulay-uling sa ilalim ng dalawa kong mata na animo'y ilang araw na akong walang tulog. Maputla na rin ang aking mga labi na para bang ilang araw na ring walang laman ang aking tiyan. Ngunit hindi naman ako nakaramdam ng pagkalam ng sikmura ko. Sa katunayan, busog na busog pa nga ako sa nakikita ko ngayon.
Ano'ng nangyayari sa 'kin?
"Olin! Olin, gumising ka na! Kailangan n'yo nang ipagpatuloy ang paglalakbay n'yo para makuha ang nag-iisang Boac."
Kaagad akong tumindig nang pumasok ang mga katagang 'yon sa magkabila kong tainga. Sino 'yon? Anong misyon ang pinagsasabi niya? Bakit niya alam ang pangalan ko?
"Olin, gising! 'Di ka puwedeng maging sakim."
Naglakad-lakad ako para hanapin kung sino ang nagsasalita, hindi inalintana ang natatapakang mga bagay. Hanggang sa naging malambot ang tinatapakan ko kaya napababa ako ng tingin. Doon ko na napagtanto na kasalukuyan akong nakatayo sa damuhan.
"Olin, itigil n'yo na ang kahibangan n'yo. Gumising na kayo at humayo."
Tila isang alon ang marahas na humampas sa pisngi ko. Tuluyan na akong nabalik sa reyalidad dahil sa untag ni Mounir.
Ano'ng ginawa namin?
Dali-dali kong nilingon ang mga kasama ko at natunghayan ang pagkahumaling nila sa mga ginto.
"Patawarin n'yo kami, Mounir," wika ko at nag-init ang gilid ng mga mata ko. Ngayon ko lang napagtanto na naging hayok pala kami dahil sa mga gintong nakatambak dito.
"Ayos lang, Olin. Ang mahalaga'y gising ka na. Itapon mo na ang kayamanang hawak mo at gisingin mo na ang 'yong mga kaibigan," direktiba ng asul na salamangkerong nakakausap ko sa pamamagitan ng hangin.
Dali-dali kong tinapon ang ginintuang kopita at pati na rin ang mga barya sa bulsa ng polo ko.
Halos mapatalon ako sa gulat nang biglang sumulpot sa harapan ko na parang kabute si Haring Kalak. Abot-tainga ang ngiti nito at kaagad niyang ipinatong ang kaniyang mga kamay sa magkabila kong balikat. Kahit na kalag siya, kaya niya pa rin akong hawakan! Choya!
"Mabuti naman at nagising ka na. Kailangan mo nang gisingin ang mga kasamahan mo. Umalis na kayo rito sa lalong madaling panahon, hangga't kasalukuyan pang tulog ang aming hari," panuto niya, gaya ng sabi sa 'kin ni Mounir.
Napalunok ako. "Maaari ba 'kong magtanong kung ilang araw na kami rito?" pagsaboy ko ng kuwestiyon saka alanganing ininat ang mga labi.
"Dalawang araw na kayong nahahalina sa mga ginto rito," tahasan niyang tugon na ikinalaglag ng aking panga.
"D-Dalawang araw?" 'di makapaniwalang wika ko.
Tumango-tango lang ang dating pinuno ng Porras.
Nagtiim ang bagang ko. Mabagal ang pag-usad namin sa 'ming misyon dahil sa lintik na kahibangang 'to. Buwisit ka, Olin!
"Kailangan n'yo nang magmadali," paalala ni Haring Kalak. "Matagal matulog ang aming hari—aabot ng limang araw—subalit kapag nagising naman siya ay buong araw niyang susuyurin ang gingharian ng Escalwa. At kapag nakita niya kayong lahat dito sa hardin ay tiyak na tataniman niya kayo ng karamdaman."
Tatanungin ko pa sana siya kung ano ang ibig niyang sabihin ngunit bigla na lang siyang naglaho na parang bula.
Tataniman ng sakit? Ano'ng mayro'n sa pinuno nila?
Gusto kong suntukin ang sarili ko ngayon. Ano ba kasing pumasok sa isip ko at nagpadala ako sa mga ginto? Ang hina mo talaga, Olin!
Nanlaki naman ang mga mata ko nang makita si Talay na pumatong sa gilid ng fountain at kaunting usog na lang ay mahuhulog na siya roon. Dali-dali akong tumakbo sa kinalulugaran niya para iligtas at gisingin siya. 'Di siya puwedeng maging ginto!
"Talay! Talay, gumising ka!" Marahas kong niyugyog ang kaniyang balikat para magising siya at tuluyan nang makawala sa sumpang nakakabit sa mga ginintuang bagay.
"Olin, marami pa riyang ibang ginto," wala sa sariling aniya. "'Wag mong agawin sa 'kin ang mga gintong bulaklak."
"Talay, gumising ka! Kailangan na nating makaalis dito!" Inagaw ko sina Saya, Alog, at Lish dahilan upang tuluyan na siyang matauhan.
"Olin, ano'ng nangyari?" tanong ni Talay at nagbaba ng tingin. "Ano'ng nangyari kina Saya, Alog, at Lish?" isterikong sabi niya.
"Mamaya ko na sasabihin," pirming wika ko. "Kailangan muna nating gisingin sina Solci, Cormac, at Langas para makaalis na tayo rito!"
Pagkasabi na pagkasabi ko n'on ay kaagad akong tumungo sa puwesto ni Cormac. Nakahiga ito malapit sa halamanan, akap-akap niya ang kulay-tsokolateng balabal ni Talay na may lamang mga ginto. Nahagip naman ng paningin ko ang pagtakbo ni Talay papunta sa isa ko pang kaklase na si Solci.
"Cormac, gising! Kailangan na nating umalis dito sa lalong madaling panahon." Inaalog ko ang kaniyang balikat.
Umangat ang kanto ng kaniyang labi. "Kung nasuya ka, piyong!" nang-aalaskang bulalas niya.
["Kapag inggit, pikit!"]
Marahas kong hinablot ang balabal at ibinuhos ang gintong sandok, kutsara, alahas, at mga barya sa dati nitong puwesto dahilan upang mapamulagat siya. Kaagad siyang tumindig sabay sabi ng, "Ano'ng nangyari, Olin?"
Hindi ko siya sinagot bagkus ay pinuntahan ko agad ang isa pa naming kasama na si Langas. At gaya ng iba, nagulat din siya nang matauhan. Pare-pareho kaming may maiitim na kulay sa ilalim ng aming mga mata dahil wala kaming tulog at dalawang araw nang nakakulong dito sa isinumpang hardin.
Wala kaming sinayang na oras. Dali-dali naming nilisan ang hardin na 'yon at binuksan ang pinto. Nang makabalik sa loob ay pansin naming wala na 'yong malaking hawla kung saan nakakulong si Solci noon at saka sarado na rin ang pinto palabas sa ginghariang ito.
"Hindi maganda ang kutob ko rito," komento ni Talay habang hawak-hawak ang mga ginintuang bulaklak.
"I-check natin ang pinto. Baka 'di naman talaga 'yan naka-lock," suhestiyon pa ni Cormac na agad naming sinang-ayunan.
Muli kaming humakbang ngunit hindi pa man kami nakalalapit sa pintuan nang may maramdaman akong sakit na gumagapang sa 'king katawan hanggang sa huminto ito sa tiyan ko.
"Ahh!" daing ko at biglang natumba dahil sa matinding pananakit.
Rumehistro sa magkabila kong tainga ang ingay ng sunod-sunod na pagbagsak ng aking mga kasama, pati na rin ang pagsalo ng sahig sa mga bagay na hawak-hawak nila kanina.
Nahihirapan, pinihit ko ang leeg ko at natunghayan si Langas na may iniindang sakit sa kaniyang mga paa kaya kasalukuyan siyang nakaupo at ang mukha niya ay halos 'di na talaga maipinta.
Nalipat naman ang aking tingin kay Talay na nakaupo, nakangiwi, at hindi makapaniwala sa kaniyang nasaksihan. Namumula ang kaniyang mga braso, parang pantal, saka naglabas din siya ng impit na tunog dahil para itong nasusunog.
Habang nakangiwi dahil sa sakit ng sikmura, dumako naman ang mga mata ko kay Cormac na ngayo'y nakahawak sa kaniyang ulo na animo'y nawala na sa sariling katinuan. Pero base sa reaksyon niya, parang pinupukpok ng martilyo ang kaniyang ulo.
Samantala, si Solci naman ay nakahiga sa sahig at ang isang kamay ay nakapatong sa kanang balikat na tila namamaga. Napakislot siya saka maya't maya ang paghaluyhoy.
Nakailang subok ako ng bangon subalit hindi ko talaga kaya. Parang sangkatutak na karayom ang bumabaon sa 'king sikmura. Kasunod niyon ay ang pagpasok sa ilong ko ng mala-bakal na samyo ng dugong bumulwak sa 'king bibig.
Naramdaman ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko at napatiim-bagang ako sapagkat wala akong magawa.
"Mga lapastangan! Kalak, ikulong sila sa ibaba!" Isang lalaki na may baritonong boses ang nagsalita.
Ramdam namin ang presensya ng mga kalag ngunit nakatuon ang buo naming atensyon sa patpating lalaki na nakaupo sa ginintuang trono mula sa itaas ng ilang baitang ng hagdan. Ang mga daliri niya sa paa ay parang sa ibon, apat lang at malalaki. Nakasuot siya ng kulay-abong damit na sinapawan ng kulay-dugong balabal na ang dulo nito ay parang pakpak ng ibon na naninigas. Nakaangat ang kanto ng kaniyang mga labi subalit 'di namin makita ang buo niyang hitsura kasi may nakapatong na malaking tuka sa kaniyang ulo na nagsisilbi niyang maskara.
Nagkatinginan kami ng mga kasama ko at umusbong ang gulat sa 'ming mukha. 'Tapos, ibinalik namin ang titig sa kakaibang nilalang na ngayo'y nakapangalumbaba sa gintong trono at naka-de-kuwatro.
"S-Siya si . . . siya si Bulalakaw, ang sanhi ng ating mga karamdaman," rinig kong anas ni Langas.
t.f.p.
GLOSSARY
• Bulalakaw – the god of disease or the causer of illness. According to legend, he is a diwata who comes to Earth in the form of a comet, hence the name Bulalakaw which means "shooting star."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top