Chapter 11 - Bewitched

OLIN

Muli kaming pumanhik sa bundok para magpatuloy sa paglalakbay. At ngayon ay binabaybay na namin ang malawak na kapatagan, sa lupain ng Escalwa, sa tulong ng aming gabay na si Langas. Tagaktak ang pawis namin at pare-parehong nakangiwi dahil sa init na iginawad sa 'min ng haring-araw.

Kahit hindi ko alam kung pa'no gawin, napilitan akong sumang-ayon sa nais ni Langas, na ibalik ang dati niyang mukha kapalit ng pagtulong at paggabay niya sa 'min patungo sa kagubatan ng Sayre. 'Di rin naman kasi ako makatatanggi dahil kailangan na kailangan namin siya. Magpapatulong na lang ako kay Mounir pagkatapos ng lahat ng 'to.

Makalipas ang humigit-kumulang dalawang oras na paglalakbay, sumilong muna kami sa natagpuan naming puno ng mangga. Subalit sa kasamaang palad, wala itong bunga kaya ininda ko na lang ang nagsagupaan sa 'king sikmura. Mula rito'y tanaw namin ang puting gingharian ng Escalwa na tila kumikinang pa dahil sa sikat ng araw na tumama roon. Mayro'n pang isang kulay-presang tela sa tuktok ng triangulong bubong na sumasayaw sanhi ng marahas na pagkumpas ng hangin sa itaas.

"Sino'ng namumuno riyan, Langas?" pagbasag ko sa katahimikan sa pagitan namin. Kasalukuyan pa rin akong nakatitig sa kaharian habang nakasandal sa katawan ng puno.

"Hindi pa ako nakapapasok diyan," tugon niya. "Ngunit sa pagkakaalam ko, ang ginghariang iyan ay pugad ng mga maliliit na minero—mga duwende—at ang namamahala riyan ay isang diyosa."

"Tama! Isang ginintuang diyosa," bulalas ni Talay dahilan upang mapatingala ako sa kaniya. Nasa itaas siya ng puno at nakaupo sa isang sanga na kayang suportahan ang kaniyang bigat habang hawak-hawak ang mga bulaklak.

Nahagip din ng paningin ko si Cormac na nasa tabi ni Talay, nakayakap sa puno at nakasara ang parehong mata.

"I also heard that she has power over the metals and stones," dagdag naman ni Lish.

"Alam n'yo ba ang pangalan niya?" tanong ni Alog sa dalawa niyang kasama.

"Nakalimot ko," sagot ni Saya.

["Nakalimutan ko."]

Bumaling ako kay Langas na nakaupo sa damuhan habang pinaglalaruan ang kaniyang mga kuko sa paa na ngayo'y malinis na.

"Mababait naman ba ang mga duwende? Pati ang sinasamba nilang diyosa?" sunod-sunod na tanong ko sa isinumpang nilalang. Dahan-dahan akong umupo at muli kong isinandal ang likod ko sa katawan ng puno na medyo magaspang.

"Hindi ko matukoy kung mabuti ba sila o masama sapagkat wala pa akong nakahalubilong duwende sa tanang buhay ko," pag-amin niya. Dumako ang mga mata niya sa gingharian ng Escalwa at kaagad na naningkit ang mga ito. "Subalit ayon sa mga taga-Porras noon, likas daw sa kanila ang pagiging mailap sa mga tao sa kadahilanang madali raw mahumaling ang mga tao sa kanilang mga ginto."

Humalukipkip ako. "Kung gano'n, marami na silang nalikom na ginto sa tulong na rin ng kapangyarihang taglay ng diyosa. Ano'ng gagawin nila sa mga 'yon? Para ipamukha sa lahat na sila ang pinakamayaman dito sa Kahadras?"

Bumaling sa 'kin si Langas. "Maaaring tama ka, Olin. Ngunit maaari ding tamad lang silang magtanim sa kanilang malawak na lupain."

Pagkasabi niyon ni Langas ay nilibot ng mga mata ko ang paligid at tanging puno ng mangga na tinatambayan namin, mga bundok sa 'di kalayuan kung saan kami nanggaling, at saka damuhan lang ang matutunghayan.

"Sa tingin ko, sa bayan ng Tsey sila bumibili ng mga makakain gaya ng prutas at gulay. Siguro, bumibili lang sila pero hindi sila nakikipagkaibigan. Marahil ay naging maingat ang mga duwende upang hindi malinlang ng ibang tao," sapantaha niya.

Adunay punto si Langas.

[May punto naman si Langas.]

May sasabihin pa sana ako ngunit may narinig kaming sigaw ng isang babae dahilan para magimbal kaming lahat. Ang tinig na 'yon ay . . . pamilyar.

"May babaeng nangangailangan ng tulong mula sa gingharian ng Escalwa! Tara tulungan natin!" sabi ni Talay sabay lundag sa lupa. Sinundot din niya ang tagiliran ni Cormac para magising ito ngunit sa huli'y nahulog ito sa damuhan kasama ang pinakamamahal niyang camera.

"Giatay!" mura ni Cormac sabay kuha sa kaniyang camera. Tumayo siya at pinagpagan ang uniporme niya.

"Pasensya na," ani Talay. Alanganin itong ngumiti at bahagyang yumuko.

"Huwag tayong padalos-dalos, mga kaibigan," pagtutol ng isinumpang nilalang. "Kung may bihag man sila ngayon, dalawa lang ang ibig sabihin niyan. Una, may nagtangkang magnakaw sa kayamanan nila. At pangalawa, hindi mabubuti ang mga duwendeng nakatira diyan." Matiim ang titig ni Langas sa 'min.

Nag-ipon ako ng kumpiyansa. Ilang segundo ang lumipas, tuluyan na akong tumayo at ako naman ang nagsalita. "Sang-ayon ako kay Talay, Langas. Kailangan nating saklolohan ang babaeng umiyak kanina," seryosong wika ko.

Wala silang ibang nagawa kung 'di ang sumunod sa 'kin. Tinahak namin ang daan papunta sa gingharian ng Escalwa. Humalili ang mabato at matigas na daan sa damuhang inaapakan namin kanina. Hindi rin naging matuwid ang dinaraanan namin sapagkat kailangan naming umiwas sa mga malalalim na bangin na sa tantiya ko ay kagagawan ng mga maliliit na nilalang.

Hindi nagtagal ay narating ng aming mga paa ang nakamamanghang gingharian ng Escalwa na gawa sa pinagsamang bato at kristal. Napapaligiran ito ng mataas na pader. Pero ang pinagtatakahan namin ay bukas ang kanilang tarangkahan na animo'y inaasahan nila ang aming pagdalaw. Naglakad kami papalapit sa ginintuang pinto.

Sabay kaming nag-angat ng tingin at natanaw ang nakabalandrang kulay-dugong tela sa itaas ng pinto na may nakalagay na "Escalwa."

Huminga ako nang malalim bago ko itulak ang malaking bagay na nakaharang sa 'ming harapan. Lumikha iyon ng matinis na tunog na hindi nagustuhan ng aming tainga kaya napangiwi kami nang bahagya. Pagkabukas ng pinto ay dali-daling lumipat si Cormac sa gilid ko at itinapat ang dala niyang camera sa loob. Hinugot naman ni Talay ang patalim niya mula sa kaniyang tagiliran. Samantala, si Langas naman ay hawak-hawak na ang kaniyang matalim na sundang dahil sa nagbabadyang kapahamakan.

Naglakbay sa mga butas ng ilong ko ang magkahalong aroma ng bakal at bato. Inilibot namin ang aming paningin at natunghayan ang sahig na gawa sa matibay na bato, mga haligi sa gilid, at ang bakanteng trono. Mayro'n ding malaking pandekorasyon na bagay na naglalaman ng mga kandila at nakasabit ito sa kisame. Pero ang pumukaw sa aking atensyon ay ang isang dalagang nakakulong sa isang malaking hawla. Kulay-kape ang buhok nito na naka-bun, balingkinitan ang pangangatawan, at sobrang pamilyar ng kaniyang kasuotan kahit napapalamutian na ito ng dumi.

Nang magtama ang paningin namin ay doon ko na nakumpirma na tama nga ang hinala ko.

"Solci . . ." ungot ko. Parang kinurot ang puso ko habang tinitingnan siya na halatang nagugutom at nauuhaw na. Nag-init ang sulok ng aking mga mata. Kung ako man ang dahilan kung bakit siya napadpad dito, kinamumuhian ko ang sarili ko.

Dali-dali akong tumakbo patungo sa kinalulugaran niya. Ramdam ko ring sumunod ang mga kasama ko. Pero nahinto kami sa gitna nang sumigaw si Solci.

"Olin, 'wag!" Nababalutan ng pangamba at pag-aalala ang kaniyang mukha. Dahan-dahan niyang ininguso ang sino mang nasa likuran namin dahilan upang dalawin kami ng pagkataranta.

Kaagad kaming lumingon pabalik sa pintuan at tumambad sa harapan namin ang kulay asul na mga kalag o kaluluwa. Ngunit ang nakapagtataka ay may kakayahan silang humawak ng totoong sibat, maso, at espada. Kung susumahin, labing-isa silang lahat. Lugi agad kami sa bilang.

Kinakabahan, inihanda namin ang aming sarili sa kanilang pag-atake. Sabay-sabay silang humiyaw at tumakbo patungo sa 'min. Akmang sasalakayin nila kami nang biglang sumigaw si Langas dahilan para matigil ang mga ito.

"Haring Kalak? Mahal na hari, ako ito! Ako si Lubani!"

Halos malaglag ang panga ko sa sahig nang malamang kilala ni Langas ang pinuno ng mga kalag. Kung gano'n, sila 'yong mga inagawan ng lupain at pinatay ni Sinrawee?

"'Di ba sabi ni Langas, pugad ito ng mga duwende? Ba't may mga kaluluwa rito?" rinig kong tanong ni Alog.

"I don't know," bulong naman ni Lish.

"Pataka ra g'yod ni'g yawit si Langas," anas ni Saya.

["Kung ano-ano lang talaga ang sinasabi nitong si Langas."]

Umabante ang tinutukoy ni Langas na Haring Kalak. May suot nga itong korona, may hanggang tuhod na kasuotan, at mayro'n ding makapal na kapa. "Sino ka ba? At bakit mo ako kilala?" usisa nito sa kasama namin.

"Ako nga po si Lubani, isang Melyarine na dumalaw sa gingharian ninyo sa Porras noon," nakangiting wika niya. 'Tapos, pasimple niyang ibinalik ang kaniyang sundang sa lalagyan nito na nakasabit sa kaniyang baywang.

Namilog ang mga mata ng dating hari ng Porras. "Kung gayon, ikaw pala iyong bumihag sa puso ng mga kababaihan noon?" pagsaboy nito ng kuwestiyon.

Tumango-tango lang si Langas at marahang natawa.

"Ano ang nangyari sa iyong hitsura? At saka ano ang ginagawa ninyo rito? Hindi kayo dapat nagtungo rito. Manganganib lang ang buhay ninyo. Humayo na kayo, ngayon din!" pirming wika ni Haring Kalak saka itinuro pa niya ang pintuan.

Napalunok ako, humakbang pasulong, at umastang balyente. "Pero kailangan po namin siyang isama. Kilala ko po siya," pagsingit ko at ininguso ang babaeng nasa loob ng parisukat na kulungan na yari sa bakal. "Bakit n'yo po siya kinulong?"

Imbes na sagutin niya agad ang tanong ko, lumapit siya sa 'kin at ibinigay niya ang susi para mabuksan ang hawla. "Mahabang kuwento. Iligtas n'yo na lang ang kasama n'yo at lumisan na kayo rito bago pa magising ang aming hari. Bilis!" panuto sa 'min ng pinuno ng mga kalag.

Hari? 'Di ba ang sabi ni Langas, diyosa ang namumuno sa Escalwa? May mali talaga rito.

Tumango na lang ako. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa ibinigay niya. Dali-dali akong nagtungo sa kulungan ni Solci at binuksan ito sa tulong ng susing ibinigay ni Haring Kalak.

"Ano ba kasi ang nangyari? Ba't ka napunta rito?" nag-aalalang tanong ko kay Solci. "Ako ba ang . . . dahilan?"

Nilisan na niya ang hawla at kaagad na pinagpagan ang suot niyang kulay-dalandang bestida na may dilaw na bulaklaking disenyo. "Unya na 'ta mag-istorya, Olin. Kinahanglang mobiya una 'ta dinhi!" mariing wika ni Solci.

["Mamaya na tayo mag-usap, Olin. Kailangan muna nating umalis dito!"]

Tumango-tango lang ako bilang pagsang-ayon.

"Guys, tingnan n'yo 'to!" Umalingawngaw ang sigaw ni Cormac sa loob ng gingharian.

Iginala namin ang aming paningin sa paligid at natanaw si Cormac na kabubukas lang sa isang pinto sa gilid ng bakanteng trono. Dagli kaming tumakbo patungo sa hardin at napamaang kami nang matunghayan ang samot-saring mga bagay na iisa lang ang kulay—kulay-ginto at kumikinang pa sanhi ng pagtama ng sinag ng araw. Nakapalibot ang mga ito sa isang fountain na kung saan banayad ang pagdaloy ng malinaw na tubig mula sa rebulto ng maliit na nilalang na may bitbit na plawta. Kulay berde at maayos naman ang pagkakatabas ng mga halaman dito sa hardin.

Dahan-dahang inilagay ni Cormac ang kaniyang camera sa lupa at tumakbo patungo sa ginintuang kopita, barya, alahas, plorera, kutsara, tinidor, plato, at marami pang iba.

Umabante naman si Langas at itinapon din ang kaniyang sundang sa damuhan. 'Tapos, mabilis siyang naglakad papunta sa kumikinang na mga bagay.

Sumunod naman sina Talay at Solci sa dalawa. Nahagip pa ng paningin ko ang nagniningning nilang mga mata bago nila ako iwang mag-isa. Isa-isa silang umupo at niyakap ang mga kulay-gintong kasangkapan.

Inilibot ko ang paningin ko at binusog ang aking mga mata sa kumikinang na ginto. Hindi naglaon ay tila tinawag ako ng ginintuang kopita na nakatayo sa gilid ng fountain. 'Tapos, dahan-dahang humakbang ang aking mga paa na animo'y may sarili silang pag-iisip. Napalunok ako't napaisip na parang may nagmamanipula sa 'kin sa mga oras na 'to. Habang naglalakad ay nakatitig lang ako sa isang kopita na bumihag sa 'king mga mata. Hindi ko na inalintana ang mga bagay na natatapakan ko. Paulit-ulit akong natisod at napahalinghing nang may tumamang matulis na bagay sa binti ko ngunit paulit-ulit din akong bumangon. Nanatiling tutok ang mga mata ko sa nakaeengganyong kopita.

Malapit na sana ako subalit muli na naman akong nadulas at nasubsob ang mukha sa mga gintong barya. Uminat ang mga labi ko nang mapagtantong pulgada na lang ang layo ng kopita sa 'kin. Sa halip na tumindig ay dahan-dahan ko na lang itong inabot sa pamamagitan ng nanginginig kong kamay na kating-kati nang daklutin ang kopitang kulay-ginto. Nang mahawakan ko na ito sa wakas ay natanaw ko agad ang repleksyon ko na nakangisi. Pero kalaunan ay nilukob ako ng isang matinding paghahangad sa marami pang bagay na tulad nitong hawak ko kaya napatingin ako sa paligid kong napapalamutian ng mga ginto.

Unti-unti akong humiga habang nakayakap sa kopita ko. Isinara ko ang aking mga mata at lumanghap ng hangin. 'Di na 'ko aalis sa lugar na 'to.

t.f.p.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top