Chapter 7: The Wounded Torchbearer
May black eye si Henry sa kanang mata.
Hindi lang iyon.
May sugat din siya sa labi at gasgas sa kamao.
"What happened, dude?" Nilapitan siya ni Kyle.
"Wala, Ate." Pabulong na sagot niya.
"Wala?!" Sigaw ko habang sinisipat ang mukha niya.
"Eh anong tawag mo diyan? Sino may gawa niyan sa'yo? Sabihin mo sakin at siguradong hindi lang black eye at sugat ang aabutin sakin ng tarantadong iyon." Tuloy-tuloy ako sa pagsasalita.
Kumaripas ng takbo palabas ng kusina si Maico at Rico.
"I'll get ice." Mabilis na pumunta si Kyle sa double-door aluminum fridge.
"Wala nga, 'te. Dahil 'to sa basketball." Hindi siya makatingin sa akin ng diretso.
"Basketball?"
"Oo, 'te."
"Anong klaseng basketball iyan. May kasamang MMA? Iyon ba?"
Hindi nakasagot si Henry.
"Put this over your eyes." Inabot sa kanya ni Kyle ang ice pack.
"Henry, magsabi ka sakin ng totoo kundi lalo kang malilintikan."
Pinatong ni Kyle ang kamay sa balikat ko pero hinawi ko ang kamay niya.
Hindi pa ito nangyayari kay Henry.
Kaya naman ganun na lang ang galit na naramdaman ko.
Kahit pasaway siya minsan, ni hindi ko siya pinagbuhatan ng kamay.
"Wala nga sabi eh." Sigaw niya.
"Eh bakit ka sumisigaw kung wala?" Mas lalo kong nilakasan ang boses ko.
"Kasi ang kulit mo. Sinabi na ngang wala, ayaw mong maniwala." Binagsak niya ang backpack sa hardwood floor.
"Dahil alam ko na nagsisinungaling ka. Anong akala mo sakin, Henry? Tanga?"
"Kahit sabihin ko sa'yo, hindi naman mo naman maiintindihan." Tumakbo siya palabas ng kusina.
Hahabulin ko sana siya pero pinigil ako ni Kyle.
"Maria, let him cool off a bit."
Hindi sana ako papayag pero humigpit ang hawak niya sa braso ko.
Kahit naguumalpas ang galit sa buong katawan ko, nagpaubaya ako sa gusto ni Kyle.
Galit din si Henry.
Hindi pa niya ginawa sa akin na sumagot ng ganito.
Baka kung ipilit ko ang gusto ko ay lalo lang kaming mag-away.
Lumapit ako pabalik sa lababo at tinuloy ang ginagawa ko.
Kaya lang parang lumabo ang paligid.
"Bae," Nilapitan ako ni Kyle at may dala siyang box ng tissue.
Humugot ako ng isa kaso nagtuloy-tuloy ang pagpatak ng luha ko.
"Shhh." Yakap na ako ni Kyle.
"It's going to be fine."
Iyak lang ako ng iyak dahil sa pinaghalong sama ng loob at galit.
Hindi ko na nagawang tapusin ang mga niluluto.
Tinawag ni Kyle si Yaya Lita.
Siya na lang daw ang magtutuloy.
Umakyat kami sa kuwarto at tahimik akong nahiga.
Tinabihan ako ni Kyle hanggang sa hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
Naramdaman ko na may tumatapik sa balikat ko.
Tumagilid ako at nagulat dahil hindi si Kyle ang nakaupo sa tapat ng kama.
"Sorry, Ate." Namumula ang ilong ni Henry.
Maliit ang kanang mata niya at ang itim pa din ng pasa.
Bumangon ako at umupo sa tapat niya.
"Ano bang nangyari?"
Huminga muna siya ng malalim.
"Nagkasuntukan kami ng boyfriend ni Angeline."
"Si Cocoy?"
Tumango siya.
"Nakita niya kasi kami na magkasamang lumabas ng McDo. Nagselos yata. Medyo nagkakalabuan kasi sila ni Angeline. May nakita kasi siyang picture sa phone ni Cocoy na may kayakap na ibang babae pero ayaw umamin kung sino iyong kasama niya. Nag-away sila tapos iniiwasan siya ni Angeline. Nang makita niya kami, kinonpronta siya ni Cocoy. Pinagsalitaan ng masasakit sa harap ng maraming tao. Pinagsabihan ko siya na huminahon. Huwag daw akong makialam. Sinabihan din siya ni Angeline na huwag mag-eskandalo pero lasing yata. Pinagbintangan niya si Angeline na manloloko tapos sasampalin sana siya pero nasangga ko ang kamay niya. Lalo siyang nagalit tapos susuntukin ako pero naunahan ko siya at yun na."
Tumigil si Henry sa pagsasalita.
Tiim-bagang na pinipigil niya ang galit.
"Bakit di mo masabi sakin kanina ang totoo?"
"Kasi ayokong mag-alala ka."
"Eh ba't nandito ka ngayon?"
"Kinausap ako ni Ate Kyle. Sinabi niya na mali ako sa sinabi ko sa'yo na hindi mo ako maiintindihan. Na I should give it a try at baka magulat ako."
"Halika nga dito." Hinila ko siya sa braso.
Niyakap ako ni Henry at umiyak siya na parang bata.
"Kasi naman eh. Sabi ko naman sa'yo na iyang mga love-love na iyan, lalo na kung may sabit, sakit ng ulo lang." Ginulo ko ang buhok niya.
"Ate, naman. Ang buhok ko." Bumalik sa upuan si Henry at inayos ang buhok niya.
"Tingnan mo ang nangyari sa'yo. Ang panget mo na tuloy."
Matipid ang ngiti niya.
"Anong nangyari kay Angeline?"
"Hinatid niya ako dito. Nagsorry din siya kasi pati daw ako, nadamay."
"Eh si Cocoy?"
"Inawat nung mga nakatambay tapos nilayo samin ni Angeline."
"Buti at may tumulong sa inyo?"
"Oo, Ate. Baka kung hindi sila umawat, hindi lang ito ang inabot ko."
"Bakit?"
"Ang laki kasi ng katawan ni Cocoy eh. Kaso, magaling naman akong umiwas."
"Hay naku. Nagmalaki ka pa. Sigurado ka bang walang masakit sa'yo?"
"Bukod sa namamaga kong kamao at parang dini-drill sa sakit ang ulo ko, wala naman, 'te."
"Subukan mong makipag-away ulit. Ako na mismo ang sasapak sa'yo."
"Sorry na nga eh."
"Mahal pa rin ba si Angeline?"
Matamang nag-isip si Henry.
"Ewan ko, Ate. Siguro nga tama ka sa sinabi mo sakin dati na subukan kong manligaw ng iba. Sa nangyari kanina, narealize ko na kaibigan lang talaga ang nararamdaman sakin ni Angeline. Mahal niya pa din si Cocoy kahit niloloko na siya at hindi siya nirerespeto."
Naawa ako kay Henry.
"Eh anong gagawin mo?"
"Hindi ko pa alam. Pero naisip ko na mas makabubuti siguro kung iiwas muna ako sa kanya. Baka mamaya makita na naman kami ni Cocoy."
"Mabuti kung ganyan. Isipin mo ang sarili mo, Henry. Walang masama kung i-enjoy mo ang pagkabinata mo. May itsura ka, mabait at saka matalino. Makipagkaibigan ka sa iba. Bata ka pa at marami ka pang makikilala. Huwag mong ilaan ang oras mo sa tao na hindi nakikita ang halaga mo."
Tumango siya.
"Ang mabuti pa siguro bumaba na tayo. Baka hinihintay na tayo ni Kyle."
"Oo, Ate. Handa na din ang hapunan."
Tumayo na ako at sabay kaming lumabas ng kuwarto.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top