Chapter 6
Muli kong sinubukang tawagan si Gabriel habang pinakikinggan ang ingay ng mga kasamahan kong agent nang makapasok kami sa napiling restaurant.
Naisip ko kasing wala naman sigurong masama kung sasama ako ngayon sa kanila. Ayoko rin na maramdaman kong mag-isa lang ako sa bahay dahil wala ang presensiya ni Gabriel.
"Hindi talaga ako makapaniwalang nagawa niyong pasamahin si Krystal ngayon. Hindi naman mahilig sumama 'yan sa mga ganitong ganap, 'di ba?" komento ni Carlos nang makahanap kami ng lamesa.
"Minsan lang naman daw kaya bakit hindi sulitin?"
May lumapit na waiter sa aming long table at nagsimula nang mag-order si Sir Aries ng mga kakainin namin.
"Baka brokenhearted at naghahanap ng kalinga. 'Di ba nga kapag palagi nating inaaya ang laging rason, kasabay niyang mag dinner yung jowa niya? Baka hindi sila sabay ngayon," gatong pa ni Anna.
"Uy, hindi, 'no!" Tumawa ako. "Hindi ba puwedeng nasapian lang at natakam sa libre kaya sumama ngayon?"
Umiling si Dallie. "Mga palusot mo, Krystal, nagamit na ng iba sa amin. At saka, ikaw matatakam sa libre? Kahit nga anong aya nga namin sayo at sinasabing libre namin, hindi ka sumasama eh."
"Ngayon ka magdahilan, Krystal," segunda naman ni Rachel na tumatawa.
Napailing na lang ako. Talagang hindi ko sila malulusutan. "Ah, basta! Bakit ako rin ba yung pinag-uusapan ninyo at hindi si Sir Aries? Himala na manglilibre siya ngayon oh. Parang dati, sumasabit-sabit lang sa inyo 'yan kapag may team dinner ah."
Dahil sa sinabi ko ay napabaling naman sila ng tingin kay Sir Aries na tahimik kaming pinapanood.
"Oo nga, Sir. Wag niyong sabihin sa aming masiyadong malaki yung binayad ng kliyente at nagka-extra ka pa para librehin kami?"
"Bakit, Carlos? Ayaw mo ba ng libre? Puwede mo naman bayaran yung kakainin mo," sagot sa kaniya ni Sir Aries.
Umismid si Carlos kaya nagtawanan kami. Naiba ang usapan at nagkaroon ng sari-sariling kuwento ang mga kasamahan ko habang ako ay nakatitig lang sa call logs nang hindi na naman sagutin ni Gabriel ang tawag ko.
"Krystal, ayos ka lang ba?"
Napalingon ako kay Ronald at alanganin na ngumiti. "Oo, ayos lang. . ."
Ilang sandali lang ay dumating na ang mga in-order namin. Isa-isang nilapag ang mga soju bottle sa gitna ng lamesa at pati na rin ang kalan malapit kay Rachel na siyang nasa pinaka unahan.
May mga lettuce at bawang din na magkahiwalay na platong inilagay sa aming lamesa.
"Salamat po, Ate!" sabi nila sa may-ari kaya napatungo ako bilang pasasalamat.
"Walang anuman! Enjoy kayo!"
Sumaludo lang sa kaniya ang mga lalaki habang nagsimula naman nilang ayusin ang kalan na siyang lulutuan namin ng samgyupsal.
Pamilyar ako sa samgyupsal pero hindi ko pa iyon natatry lutuin. Kaya eto ang unang beses kong kakain nito.
Tumunog ang mga boteng binuksan at isa-isang d-in-ristribute ni Dallie na siyang nasa gitnang lamesa ang mga soju sa aming mga puwesto.
"Oh, sabay-sabay tayo ah?" maingay ang boses ni Dallie.
"Talaga bang ganito dapat kaingay si Dallie kapag may team dinner kayo?" tanong ko kay Ronald.
Tumawa siya at tumango. "Oo. Akala mo nga siya yung may-ari ng restaurant, e. Pero ayos na rin kasi yung mga pinipili naman naming restaurant, puwedeng mag-ingay."
Natawa na lang din ako nang pangunahan ni Dallie na itaas daw ng mga bote namin na agad ko ring ginawa.
"Para kay Sir Aries, sa deal na nakuha niya kaya nanlilibre siya ngayon, congratulations Sir!" sigaw ni Dallie na nagpahiyaw rin sa mga kasamahan ko.
Sabay-sabay naming ininom ang soju na agad ko ring inilapag. Shit! Hindi ko naman alam na ganito pala katapang 'tong alak na 'to.
Napatingin sa akin ang mga kasamahan kong nakapansin at agad na tinawanan ang naging reaksyon ko.
Para akong masusuka!
Isama mo pa yung usok na nagmumula sa iba't ibang lamesa at sa mismong lamesa namin, parang naipon lahat ng kinain ko buong araw.
"Oh, Dallie! Para kay Krystal naman na parang susukuan agad 'tong dinner natin, hindi pa nga tayo nagsisimula," natatawang sabi ni Michael.
Tumawa na rin ang mga kasamahan ko dahilan para magkomento si Sir Aries.
"Warm up palang sa mga katrabaho mo 'yan, Krystal. Wag mong sabihing bagsak ka na? Minsan lang ako manlibre."
Iwinagayway ko ang kamay ko sa kanila para sabihing 'hindi' pa naman. Ramdam ko ang panginginit ng lalamunan hanggang sa tiyan ko.
"Laban pa 'yan si Krystal! 'Di ba, Krys?"
Tumango lang ako at umupo na. "Hahagilapin ko lang muna yung kaluluwa ko. Hindi ko naman alam na masiyadong matapang 'yan."
"Bakit? Low tolerance ka ba?"
Tumango ako ulit. "Hindi sanay eh."
Nagsimula na silang magturuan kung sino ang nagpasimunong sa bote kaagad ako painumin.
"Sira, ayos lang!" Tumawa ako. "Game pa!"
Bumalik kami sa kasiyahan at halu-halong mga kuwento ang pinakikinggan ko. Inaabutan lang nila ako ng shot dahil nga hindi pa ako sanay uminom.
Nang lumipas ang ilang oras, nagsimula na akong magtaka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakatanggap ng mensahe galing kay Gabriel.
Kinapa ko muna ang telepono ko at tiningnan kung may missed call man lang ba o message pero talagang wala.
Sinilip ko rin ang orasan ko at halos lumuwa ang mga mata ko nang makitang alas dose na ng madaling araw.
Mukhang wala lang sa mga kasamahan ko ang lumipas na oras dahil masaya pa rin silang nagkukwentuhan nang tumunog ang telepono ko at nakitang tumatawag si Gabriel.
Napalingon sa akin si Ronald kaya sinenyas ko lang sa kaniyang may phone call na agad naman niyang tinanguan.
Tumayo ako sa kinauupuan ko at lumabas saglit ng restaurant para lang masagot ang tawag.
Wala sa sariling napayakap ako sa sarili nang haplusin ng hangin ang katawan ko. Wala na rin masiyadong sasakyan ang dumadaan dahil madaling araw na rin.
"Hello?" sagot ko sa tumawag.
"Hon, gising ka pa?"
Muling may dumaang hangin at napalunok ako.
"Bakit? Pauwi ka na ba?"
Narinig ko siyang tumawa mula sa kabilang linya at may ilan ding siyang kinakausap kaya nakumpirma kong hindi pa.
"Gabriel?" muling tawag ko sa kaniyang pangalan.
"Yes, hon? Ano nga uli 'yon?"
Huminga ako nang malalim. Bakit pala siya tumawag kung ganitong kakausap din siya ng iba?
"Ang tanong ko kung pauwi ka na ba?"
Matagal ulit bago niya sinagot ang tanong ko.
"Hindi pa. . . ano kasi. . ."
"Kasi ano? Asan ka ba ngayon?"
Kinurot ko ang braso ko. Hindi ko alam kung saan ko hinugot ang lakas ng loob para magtanong ng bagay na ito ngayon.
"Ano, hon. . . puwedeng mamaya na tayo mag-usap pag uwi ko? Kumain ka na ba?"
Bumuga ako ng hangin. Bakit ayaw niyang sabihin? May tinatago ba siya sa akin?
Muli na namang sumagi sa isipan ko ang mga sinabi ni Joie kaninang umaga. At kahit pa ayokong paniwalaan na baka nga tama siya at may tinatago sa akin si Gabriel, parang unti-unti nang pumapasok sa isipan kong meron nga.
"Oo, kumain na ako pero wala ako sa bahay."
Napapikit ako at nang muling pagdilat ko ay may tumigil na kotse sa harapan ng restaurant kung saan kami nagdidinner ng mga katrabaho ko.
"Asan ka?" tanong din ni Gabriel sa kabilang linya.
Bago ko pa man masagot ay narinig ko ang boses ng isang babae na sinasabing itigil na ang pagtawag dahil nakarating na sila sa kung saan man silang lugar pumunta.
"Teka lang, Shane," ani Gabriel. "Krystal, asan ka?"
Napalunok ako. Hindi ko magawang kabahan sa klase ng boses na ginagamit niya. Mas kinabahan pa ako sa katotohanang magkasama silang dalawa ni Shane ngayon.
Anong oras na ah? At wala siyang nababanggit sa aking magkikita pala sila.
Hindi naman sa pinagbabawalan ko siya. Wala rin naman akong magagawa kasi magkasama na sila, e. Ang hindi ko lang maintindihan, bakit sa ganitong oras ay magkasama pa rin silang dalawa.
Silang dalawa lang ba?
"Nasa team dinner ako, Gab," wika ko.
"Team dinner?" medyo tumaas ang boses niya. "Hindi ka naman sumasama sa mga ganyan ah? Alam mo ba kung anong oras na, Krystal? Alas dose na ng madaling araw tapos nasa team dinner ka pa rin?"
Nangunot ang noo ko sa paraan ng pagsasalita niya. Talaga bang pinagtataasan niya ako ng boses?
I mean, maraming beses na kaming dumaan sa pag-aaway at lagi ko rin siyang naririnig na nagtataas ng boses sa akin tuwing may kasalanan ako dahilan para mag-away kaming dalawa.
Pero kung kausapin niya ako ngayon, parang siya wala rin sa bahay ah?
"Alam ko. At saka, bakit ka nagagalit sa akin? Kung ikaw nga, hindi pa rin umuuwi hanggang ngayon?" sabi ko sa kanya.
Naging mabilis ang paghinga ko nang matapos ang sinabi. Ayoko naman sanang magtalo kami pero kung hindi rin naman siya umalis ngayong gabi, sa tingin niya, nandito ako sa lugar na 'to ngayon?
"Sinabi ko na 'di ba—"
"Wala kang sinabi sa akin, Gabriel," putol ko sa kaniya. "Basta mo na lang akong tinalikuran kaninang umaga tapos ngayon ito pa ang pagtatalunan natin?"
"Dahil mali ka naman! Ikaw nga hindi ka nagpaalam sa aking may pupuntahan ka palang team dinner, e."
Natawa na lang ako. "So, ito na yung pag-uusapan natin ngayon, Gab? Gusto mong magsisihan na lang tayo at magbilangan ng mga mali ng isa't isa?"
"Umuwi ka na, Krystal," mariin niyang wika.
"Uuwi ako mamaya."
"Ngayon ka na umuwi. 'Wag mong hintaying sunduin pa kita diyan."
Bumukas ang pintuan ng kotse na kanina pang nasa harapan ko at iniluwa no'n si Shane. Nanlaki ang mga mata niya bago sinilip sa loob ang mga kasama niya o mas magandang sabihing si Gabriel lang para sabihin sigurong nandito ako.
Sumungaw ang ulo ni Gabriel sa driver's seat at nang magtama ang mga paningin namin ay umiwas ako ng tingin.
So, dito rin pala nila balak kumain? Great!
Bumaba sa kabilang puwesto si Gabriel at mabilis na lumapit sa akin.
Tiningnan ko pa ang kotse na sinasakyan nila at nalamang heavy tinted ang ito. Kaya siguro hindi nila ako napansin sa labas at hindi ko rin sila napansin.
"Krystal, umuwi na tayo." Hinawakan niya ang siko ko.
Napatingin ako sa mga kasamahan kong nasa loob ng restaurant na mukhang napansin na rin ang nagaganap rito sa labas.
"Sinabi kong mamaya na, 'di ba, Gabriel? Bakit hindi na muna kayo kumain ng kasama mo at mukhang hindi ka pa nakakain?" sagot ko sa kaniya at tiningnan si Shane na nakaismid sa likuran niya. "Hindi ko alam na ito pala yung business na sinasabi mo."
"Oo nga naman, Shin. You promised to us na ililibre mo kami, 'di ba?"
Doon lang nagsilabasan sa passenger's seat ang iba pa nilang kasama.
Gusto kong matawa. Mukhang magkakaroon pa kami ngayon ng grand reunion!
"'Wag dito, Krystal," bulong ni Gabriel.
Tiningnan ko siya sa mga mata. "Bakit? Saan mo gusto? Sa bahay? Wag mong sabihing dadalhin mo ang mga kaibigan mo do'n? Sigurado ka?"
"Bakit, Amor? Takot ka bang matapakan namin yung bahay ninyo?" singit ni Shane.
Ngumiti ako sa kaniya. Maayos na rin siguro 'tong nakainom ako dahil nailalabas ko yung tapang na matagal ko nang tinago na hindi ko na sanang gustong ilabas pa.
"Bakit naman ako matatakot, Shane? Ayos lang naman sa akin. Hindi ba nga ikaw yung dapat na matakot? Kasi baka masaktan ka kapag minulto ka ng mga alaala naming dalawa ng boyfriend ko kapag nakapasok ka do'n?" Ngumiti ako sa kanya.
"Anong ibig mong sabihin?"
Nagkibit balikat ko. Sinubukan kong kalagin ang kamay ni Gabriel sa siko ko ngunit masiyado lang itong humigpit.
"Tumigil ka na, Krystal," bulong niya sa tainga ko. "Nakainom ka ba?"
Pero ayaw kong tumigil. Wala namang problema sa akin kung makikipagkita siya sa mga kaibigan niya at kahit pa unti-unti na niyang nababali yung mga nakasanayan naming gawin dahil lang sa lumalaki na ulit ang mundo niya sa pagbabalik ng mga barkada niya sa buhay niya.
Kaso ano ba naman yung magpaalam siya kung saan siya pupunta? At really? Alas dose para sa dinner?
Umagahan at hapunan na lang yung tanging oras na magkasama kami. Kung hindi niya ipapaliwanag at ipagpapaalam sa akin nang maayos yung pupuntahan niya, sa tingin niya ba, may pupuntahan pa 'tong usapan namin?
"Krystal, may problema ba rito?"
Nilingon ko ang mga katrabaho ko na lumabas na ng restaurant upang usisain ang mga nangyayari.
Umiling naman ako bilang sagot.
"Ano, Shin? Tuloy pa ba tayo?" tanong ni Ranz, isa sa mga barkada ni Gabriel.
"Hindi muna, pre—"
"Hindi," putol ko sa kaniya. "Nandito na rin naman kayo, ituloy niyo na lang yung dinner ninyo." Ayokong isipin ni Shane na nakita lang ako ni Gabriel rito ay hihilahin ko na siya kasama ko pauwi. "Ako na lang ang uuwi tutal tapos na rin naman yung team dinner namin."
Pinagmasdan ako ni Gabriel ngunit iniwasan ko lang siya. Binitiwan na rin niya ang siko ko kaya nagkaroon ako ng pagkakataong magpaalam sa mga kasama ko.
"Sabay na tayo, Krys," ani Dallie. "Sir Aries, salamat po sa dinner."
Nagpasalamat na rin ako kay Sir at sa mga katrabaho ko para sa team dinner na naganap ngayong gabi.
Tumango lang sila sa akin at hindi na pinansin pa si Gabriel.
"Krystal, yung bag mo!" sigaw ni Ronald.
Napalingon kaming dalawa ni Dallie sa kaniya at hinintay siyang makalapit sa amin.
"Thank you, Ronald. Ingat kayo."
"Ingat din, Krystal."
"Ay, ano ako rito? Wala ako rito, Ronald?" singit ni Dallie na nagpatawa sa akin. "Invisible? Mannequin?"
"Sus, di mo na kailangan niyan, Dals. Takot na nga ako sayo eh."
Mas lalo lang akong natawa nang samaan na siya ng tingin ni Dallie.
Tumunog ang telepono ko kaya tiningnan ko ang text message na mula kay Gabriel.
Gabriel: Mag uusap tayo pag uwi ko.
Umirap ako at mabilis na ibinalik ang telepono sa bulsa.
Wala akong ganang kausapin siya ngayong gabi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top