Chapter 3
Tanong ko sa sarili ko noon: bakit hindi na lang kami nag-jump from elementary to college? E 'di hindi sana ako nahirapang makipagkaibigan noon.
"Krystal, may homework ka kay Prof. Rivera?" Tinapik ni Joie ang balikat ko, ang blockmate kong nagtiya-tiyaga akong kausapin.
Tumango ako sa kaniya. Sa subject pa ba ako ni Prof. Rivera, papalya? Ayaw kong salubungin ng incomplete kung sakali. Siya pa naman yung hindi mahilig mag-discuss pero ang yaman sa quizzes. Although, nasa syllabus naman na namin iyon. Hindi ko lang talaga siya maintindihan kung minsan. Huli na rin no'ng ginusto kong mag-reload ng units.
"Pahiram naman ng notes mo."
Umiling ako ngunit mabilis ding inilabas ang cattleya binder saka inabot sa kaniya. "High school ka pa ba, Joie?"
"'Yon oh. Solid mo talaga. Salamat!"
Hindi na niya sinagot ang tanong ko at mabilis na pinagtuunan ang notes na binigay ko sa kaniya. Napailing na lang ako at humarap na sa white board. Wala pa ang professor namin kaya nagpatugtog na lang muna ako at naglagay ng earphones.
Maingay ang blockmates ko pero tolerable. Isa na siguro yung rason na karamihan sa kanila magkakasama na noong high school kaya hindi na nila kinakapa ang isa't isa. Pero tunay lalo na yung walang pakialamanan. Mas gusto ko 'yong gano'n.
Iyon nga lang, kapag naiwan ka—walang titigil para lang samahan ka. Parang mundo ang college eh. Hindi tumitigil sa pagtakbo kaya kung mapagod ka, talagang mahuhuli ka. Kaya nga maraming nagsasabing survival of the fittest ang tawag sa mundo ng college.
As for me, gusto ko na lang makatapos. Wala nang pangarap-pangarap pa. Na-realize kong ang pagiging pursigido ko na lang ang kailangan kong pangarapin at baka makatapos ako.
Naramdaman kong kinalabit ako ulit ni Joie kaya napaayos ako ng upo at nilingon siya.
"Problema mo?" tanong ko sabay tanggal ng earphones. "Tapos ka na?"
"May makikipagkilala raw sayo," nakangising aso na siya ngayon. "Blockmate natin."
Kumunot ang noo ko. "Sino?"
Natigilan ako sa lalaking sumulpot sa harapan ko. Makapal ang kilay, kayumanggi ang kulay ng balat, seryoso ang itsura pero halatang mahilig gumawa ng kalokohan sa likod ng mga ngiti. Mga tipong hindi ko type.
"Ako nga pala si Tan," pakilala niya.
"Krystal."
Akala ko iyon na 'yon nang may muling humilig sa pader kung saan nasa gilid lamang ang bintana. Nasa likuran niya si Tan, inaabot niya ang kamay sa akin nung lalaking patawa-tawa pa. Halatang gustong-gusto . . . pero nag-aalangan, parang nahihiya.
Bata sayo ng isang taon ang mga 'yan, Krystal, isip-isip ko.
Naka-shuffle ang mga estudyante sa block na ito, kaya may mga nakakasama kaming mas bata sa amin pero same subject lang naman ang kinukuha.
Wala naman akong balak makipag relasyon ngayon dahil halos masira ang pagkatao ko sa dati kong naging ka relasyon. It's too early to enter another relationship. Though hindi naman porket nakipagkilala sila, e gusto na agad makipag relasyon.
Hindi ko tuloy maiwasang matawa. Kumpara sa kanila, parang ako pa yung may maruming pag-iisip na gustong makipag relasyon sa kanila.
Tumikhim lamang ako nang magsalita si Joie sa likuran ko.
"Krystal meet Shin. Shin, meet Krystal." Pumalakpak pa siya na parang tuwang-tuwa sa pangyayaring 'to. "Bagay kayo!"
Hindi ko halos maaninag ang lalaki dahil sa pagtawa niya. Idagdag mo pang tumatama sa kaniya ang sinag ng araw.
Everything is a mess.
"Krystal," pakilala ko at inabot na ang kamay niyang nakalahad.
Tumagal nang ilang segundo pero nung nakaramdam ako ng kakaibang kuryente sa mga palad namin ay agad akong bumitaw.
"Ako pala si Shin Gabriel," aniya. "Pero puwedeng Gabriel na lang para sayo."
Napalunok ako at hindi na magawang iiwas ang titig sa mga mata niya.
What is this feeling?
"Hon, aalis na ako."
Napalingon ako kay Gabriel na ayos na ayos ang itsura at handa nang umalis. Ngayong araw na rin kasi yung alumni homecoming ng batch namin.
"O sige . . . hihintayin na lang ba kita?" malumanay na tanong ko sa kaniya.
Wala nga sana siyang balak na pumunta kasi hindi naman daw ako kasama. Pero pinagpilitan ko kasi alam kong minsan lang niya makasama ang mga kaibigan niya. At saka, ayaw kong isipin ni Shane na inilalayo ko ang loob ni Gabriel sa kaniya.
"Puwede ba? Gusto kong sabay pa rin tayong mag-dinner. Dadaan lang naman ako tapos aalis din kaagad," aniya sabay hila sa akin upang yakapin ako.
"Ayos lang naman, hon. Minsan mo lang naman sila makasama. Hindi ka ba nagsasawa sa akin?" wika ko habang hinahaplos ang likuran niya.
Humiwalay siya sa akin at hinaplos ang pisngi ko. "Syempre, hon, hindi. Bakit naman ako magsasawa? Sumama ka na lang kasi." Hinalikan niya ang noo ko.
Siguro ito na yung masasabi kong love language ni Gabriel. Mahilig siya sa physical affection. Gusto niya lagi akong niyayakap. Lagi rin dapat magkahawak ang kamay namin or nahahalikan niya ako.
Natawa naman ako. "Ayos lang naman. Dito na lang ako. Pagod pa ako sa work. Wala naman akong pupuntahan doon, e."
"Si Joie."
Hindi ko na nga nakakausap ang babaeng 'yon. Ang tagal na rin simula noong graduation namin ng College. After no'n, hindi na nagparamdam pa ulit si Joie.
"I-kamusta mo na lang ako kay Joie kung magkita kayo. Sa ngayon, gusto ko ring enjoyin mo yung gabing 'to kasi sa ating dalawa, ikaw yung mas maraming kakilala doon," wika ko.
Ngumuso siya at humilig sa akin para sa isang halik.
Ipinulupot ko naman ang braso ko sa kaniyang leeg at agad na naamoy ang Girgio Armani niyang pabango na nanininuot sa ilong ko.
"'Wag na lang akong umalis, puwede?"
"Hmm. . ." Humiwalay ako sa kaniya. Baka kung saan na naman ito mapunta. "Sige na. Umalis ka na. Siguraduhin mo lang na sa akin ka pa rin uuwi matapos ang gabing 'to."
Hindi na nawala ang nguso sa labi niya kaya napangiti na lang ako.
"Sige na, Gab. Bago pa magbago ang isip ko kakanguso mo diyan," natatawang sambit ko.
"May mighty bond pa ba tayo rito? Lalagyan ko na lang nguso ko para hindi mo na ako paalisin."
Natawa na ako at hinampas siya sa balikat. "Sira ka talaga! Sige na. Minsan lang naman 'yan, e. At saka, sabi mo uuwi ka naman kaagad, hindi ba? Magpakita ka muna sa mga barkada mo."
Huminga siya nang malalim. "Alright. Lapit ka muna dito."
Sinunod ko naman siya at hinayaan siyang gawin ang paborito niyang gesture sa tuwing naghihiwalay kami para pumasok sa kani-kaniyang trabaho: ang paghalik sa noo.
"I love you so much, Krystal. Hintayin mo 'ko, ha?"
Ngumiti ako saka humiwalay sa kaniya. "I will always wait for you, Gabriel."
Gaya ng pangako ko, hinintay ko nga siya sa gabing 'yon para sabay pa rin kaming kumain ng dinner nang maka-receive ako ng text mula sa kaniya.
Hon, mauna ka nang matulog. Baka late ako makakauwi. Nagkakatuwaan pa kami eh. I love you.
Sa unang pagkakataon, nagawa niyang baliin ang pangako namin sa isa't isa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top