Chapter 20
Nanlalamig ang mga kamay ko habang papalapit sa bahay nina Mama. Kanina pa noong tinawagan ako ni Gabriel at pinapapunta kung nasaan siya.
Akala ko nagbibiro lang siya nang sabihin niyang nandito na siya sa Maynila at nahanap na niya kung nasaan ako. Pero talaga palang nandito na siya.
Kaya nang makababa ako sa subdivision kung saan nakatira sina Mama ay halos lakad-takbo na ang ginawa ko para lang makarating na agad kay Gabriel.
Hindi ko ramdam ang excitement dahil na rin sa pamamawis ng batok at ang panlalamig ng mukha. Natutuyo na rin ang lalamunan ko dahil halos nalunok ko na lahat ng laway ko kanina mula sa jeep na sinakyan ko pauwi rito.
Una kong narinig ay ang boses ni Gabriel na siyang nasa labas ng gate namin. Wala si Mama sa tabi niya. Hindi ko alam kung nasaan. Baka mas pinili nitong wag siyang kausapin lalo pa't alam ni Mama ang situwasyon naming dalawa. Hindi ko rin alam kung nagpakilala ba siya o ano.
Ano ba kasing ginagawa niya rito?!
Nang pagmasdan ko siya ay gusto ko na lang ulit tumakbo.
Iyon naman ang purpose ko, hindi ba? Ang tumakbo, ang layuan siya, at ang tumakas.
Nakakapagod na. Ilang beses ko siyang tinanggap kahit harap-harapan kong nakikita at winawagayway pa sa akin ang pulang bandera niya. Pero dahil mahal ko siya, alam kong hindi ko siya kayang iwanan.
Lalo pa't sa itsura niya ngayon. Hindi man halata dahil matangkad na tao si Gabriel pero ang dati niyang matipunong katawan ay unti-unti nang nawawala. Pumayat siya. Lumaki rin ang eyebags sa ilalim ng mga mata niya.
Putlang-putla rin ang itsura niya. Hula ko dahil isang linggo siyang nasa hospital at nalalayo sa araw.
Nang magtama ang mga paningin namin, naibaba niya ang teleponong hawak niya. Napatigil din ako sa paglalakad. Tama lang nasa harapan niya.
Hindi siya lumapit, hindi ko rin ginawa. Sa itsura namin, para kaming ilang taong hindi nagkita at bago lang ulit na pinagtagpo—hindi rin naman nagkakamali dahil ilang linggo simula noong umalis ako ng bahay namin, nahospital siya at umalis ulit ako—talagang ngayon lang kaming nagkatagpo na dalawa.
"Krystal. . ."
Kumuyom ang kamao ko at muling napalunok. Sinubukan kong tapangan ang sarili, para sa unang pagkakataong pagtatagpo namin muli. At sa mga oras na ito, gising siya at naririnig lahat ng mga sinasabi ko.
"Anong ginagawa mo rito, Gabriel?" pumiyok ang boses ko. "Hindi ba dapat nagpapahinga ka? Kagagaling mo lang sa hospital?"
Napaiwas ako ng tingin nang lumamlam ang mga mata niyang nakatingin sa akin.
Kung may isa man akong kahinaan pagdating kay Gabriel, iyon na siguro ang mga pagmamakaawa niya.
"Ikaw ang tinatanong ko dapat niyan, Krystal," sagot niya sa mababang boses. "Hindi ka dapat nandito. Nasa apartment natin tayo dapat, hindi ba?"
Naalala ko ang huling usapan namin ni Shane sa hospital. Ngayong gising na si Gabriel, dapat may sinasabi na siya sa akin tungkol kay Shane at sa mga napag-usapan namin.
"Nandoon naman si Shane, hindi ba?" Pumaling ako sa kanya at nakita ang paglunok niya. "Dapat doon ka na sa kanya."
"Anong sinasabi mo, Krystal?" Sinubukan niyang humakbang palapit na siyang agad kong inatrasan. "Bakit nasali rito si Shane?"
Doon ko nakumpirmang hindi pa niya sinasabi. Uunahan ko ba? Pero kung hindi, baka ako na naman ang magmukhang mali sa aming dalawa? Gaya noon.
"Bakit hindi mo tanungin yung mahal mong kaibigan, Gabriel? Bakit nga ba?" hindi ko na naitago ang pait sa aking boses. "Iyon din kasi ang tanong ko sa sarili ko, e. Paano nga ba tayo nagkaganito?"
Napailing siya, mukhang naguguluhan. "Hindi ko rin alam. Hindi na rin kita maintindihan, e. Sinusubukan kong mag-reach out sayo. Sinusubukan kong magtanong kung anong mali, hindi ka nagsasalita. Anong gusto mong gawin ko? Hulaan ko kung bakit ka nagkakaganyan?"
Napangisi ako. Ramdam kong kahit anumang segundo ay maaaring tumulo ang luha ko sa harapan niya. At iyon ang pinaka ayoko nang mangyari. Ang magmukhang mahina sa harap niya. O nang kahit kanino.
"Bakit mo kailangan hulaan kung ikaw rin naman ang dahilan, Gabriel? Bakit kailangan mong magsinungaling sa akin?"
"Anong nagsinungaling? Kailan ako nagsinungaling?"
Tangina! Bakit hindi na lang niya aminin para hindi na kami napapatagal dito?
"Kita mo na? Iyan yung dahilan kung bakit hindi ko sinasabi sayo. Kasi bakit? Idedeny mo lang naman, e. Tulad nang ginagawa mo ngayon!"
Kumunot ang noo niya. "Kailan ako sayo nagsinungaling? Sabihin mo nga? Hindi ba dapat ikaw ang sabihan ko niyan? Kaya ba iniwan mo na lang ako basta noong araw na 'yon dahil may iba ka na?"
"Anong iba ang pinagsasabi mo?" nangagagalaiti kong wika. "Bakit sa akin mo ibabaling yung sisi ng kasalanan mo, Gabriel?"
"Bakit kita sisisihin kung totoo at may resibo, Krystal?!" malalaki ang naging hakbang niya at hinawakan ang dalawang braso ko. "Bakit kayo magkasama ni Ross noong pumunta ka sa hospital? Bakit, Krystal? Balak mo bang isampal sa aking may iba ka na? Ano bang ine-expect mong gawin ko sa araw na 'yon? Ang tanggapin ang sagot mo kung sasabihin mo sa aking hindi na ako ang mahal mo dahil may Ross ka na? Ano Krystal?!"
Tinulak ko siya at hindi makapaniwalang tinitigan siya. "Nababaliw ka na ba, Gabriel?! Paano mo nasisingit si Ross na wala namang kasalanan sayo! 'Yan ang mahirap sayo, e! Lahat na lang ng puwede mong makita, kahit hindi naman dapat, ginagawan mo ng butas! Para ano? Para ako na naman yung lumabas na mali? Ganoon ba?"
"Iyan din naman ang ginagawa mo kay Shane, hindi ba? Ginigiit mo si Shane sa relasyon nating wala namang kinalaman! Ano ba, Krystal? May desente ka ng trabaho, magpapakasal na tayo. Pero yung utak mo, hindi pa rin makalimutang isingit yung kaibigan ko sa bawat issue mo? Hindi ko na alam kung saan ko ilulugar yung sarili ko, e!" sambit niya. "Gaano ba kasi karami 'yang insecurities mo sa kaibigan ko at hanggang ngayon, dala-dala mo pa rin? Hindi mo ba nakikitang ikaw ang pinipili ko?!"
Mabilis kong pinunasan ang luhang tumulo sa aking pisngi. Hindi ako makapaniwala habang pinagmamasdan ko siyang hingal na hingal dahil sa haba ng kanyang sinabi.
Napatigil din siya nang makitang natulala na lang ako sa harapan niya.
"Krystal. . ."
Napailing na lang ako at napahawak sa sentido. Suminghap nang mahirapang huminga.
Kinagat ko ang labi ko habang naluluhang pinagmasdan siya. Mukha rin siyang nasasaktan. But nothing can beat about what I feel.
"Ikaw pa ba yung Gabriel na minahal ko?" durog na durog kong wika. "Kasi parang hindi na, e. . ."
Napailing ako. "Hindi. Hindi na talaga ikaw 'yon. . ."
Sinubukan niyang lumapit at hawakan ako sa braso habang tinatawag pa rin ang pangalan ko.
"Ayoko!" sigaw ko sabay layo sa kanya. Wala sa sariling napaupo na lang ako sa semento.
Nakalimutan ko ang mga sinabi niya tungkol sa pagkakaroon ko ng trabaho at pati na rin sa pagiging edukado kong tao.
Ang gusto ko na lang ay mawala na ang sakit na nararamdaman ko. Nakaka-overwhelm na kung hindi ko ito mailalabas, baka talagang bumigay na ako.
"Tangina, ang sakit mo!" sigaw ko sa kanya. Matalim ko siyang tinitigan habang hindi na mapigilan ang mga luhang patuloy sa pagragasa. "Ang sakit-sakit mo magsalita, Gabriel!"
Umiling-iling siya na parang pinagsisisihan ang mga salitang binitiwan at nag-squat sa gilid ko. Bumaon ang ulo niya sa aking leeg habang patuloy na humihingi nang tawad kasabay ng pagtawag sa pangalan ko.
"Hindi ko kayang maniwala sa sinasabi ng iba, Gabriel. Pero ang marinig sayo yung mga salitang hindi ko gustong marinig? Tangina, dinurog mo lang lalo yung pagkatao ko!" Tinulak-tulak ko siya pero hindi man lang siya natinag. "Iwan mo na lang ako! Please! Iwan mo na lang ako!"
"No!" bulong niyang pasigaw at mas humigpit pa ang yakap sa akin. "I will never do that. . . I will. . . never leave you. Krystal, please. . . I'm sorry. . . I'll do better. Patawarin mo lang ako."
Suminghap ako at mabilis na pinunasan ang mga luha sa pisngi. "Hindi! Ayoko! Bitiwan mo ako! Tapusin na natin 'to! Kung gusto mong mawala na yung insecurities ko, then, just go away! Iwan mo na ako! At baka sakaling balikan ulit ako ng katinuan ko!"
"Hindi nga, Krystal!" Hinawakan niya ang magkabilang braso ko at hinarap sa kanya. "Hindi kita kayang iwanan! Tayo pa rin sa huli! Ikaw at ako pa rin! Nangako tayo, 'di ba? Krystal, please! Pagsubok lang 'to! Malalagpasan natin 'to!"
"Hindi, Gab. . . hindi 'to pagsubok lang," wika ko sa kanya. "Kasi kung pagsubok lang 'to, hindi ganito kasakit." Tinuro ko ang dibdib ko sabay turo sa kanya. "Hindi mo ako ganito dudurugin. . . hindi. . . hindi ganito."
"Hindi ko naman sinasadya, babe. Bakit 'pag ikaw, ayos lang na magalit ka kay Shane? Ayos lang na magselos ka? Ayos lang na sumbatan ako sa mga ginagawa namin pero ikaw, hindi? Si Ross! Si Ross, Krystal, dinala mo sa hospital kung nasaan ako—"
"Dahil doctor siya sa hospital na 'yon, Gabriel! Ikaw na ang nagsabing may desente akong trabaho at ikakasal na tayong dalawa pero bakit nalaman kong kinulong kayo sa auditorium pero umabot na lang tayo sa ganitong punto, wala ka pa ring sinasabi sa akin?"
Natigilan siya dahilan nang paglunok ko. Maybe because I hit the spot.
"Paano. . . sino nagsabi sayo niyan?" hindi na siya makapaniwala ngayon. "Krystal. . ."
Umiwas ako sa kanya at nagtakip ng mukha at nagpatuloy sa paghikbi. Para na akong malalagutan ng hininga. "Gabriel, hindi lang 'yan. . . hindi lang 'yan ang nalalaman ko. . . pero hindi ako nagsalita. Kasi alam kong kahit ilang beses mong gawin sa akin 'yan, kaya pa rin kitang tanggapin. Kaya ko pa rin magpatawad. Pero. . . pero. . . Gab, hindi ganito. Ayaw na kitang patawarin."
"Hindi ko alam ang sasabihin," aniya.
Humarap ako sa kanya at pilit na tumawa. Mababaliw na yata ako. Umiiyak tas tumatawa. "Ngayon, hindi mo na alam ang sasabihin? Because what? You're guilty? Ngayon mo sabihin sa aking hindi ako dapat magselos lalo na ang magalit kay Shane kung direkta niyang sinabing umamin ka raw na mahal mo rin siya!"
Nanlaki ang mga mata niya. Umawang na lang ang kanyang labi pero walang ni isang salitang lumabas sa kanyang bibig.
Hindi siya sumagot. Pinakatitigan niya lang ako habang umiiyak sa harapan niya.
I want to hear his explanation. Please. Tell me, this is just a dream.
"I was drunk. . . I mistook her for you. . ."
Napasinghap ako sa mga kasinungalingan niya. Kating-kati na ang palad kong sampalin siya para maranasan niyang gumising sa katotohanan. Dahil ako, matagal na akong gising.
Pilit kong pinatutulog ang sarili ko para bumalik ulit kami sa dati.
Pero siguro nga, may mga bagay na akala mo pang habang buhay pero hindi.
Tulad nang sa amin.
"Gabriel, you know how much I hate clowns. But why are you acting like one?" pagod ko siyang tinitigan. "It's a confession, Gabriel. Bakit? Tinigil mo ba ang pagmamahal sa akin nang hindi ko alam para sabihin mo 'yan ulit?"
Maybe, I am the one who's clowning myself.
"Krystal, please believe me. Ikaw lang ang mahal ko." Sinubukan niyang abutin ang mukha ko ngunit umiwas lang ako lalo sa kanya. Halos mapahiga na ako sa daanan, wag niya lang akong mahawakan.
Umiling ako sa kanya. "Ilang beses mo nang sinabi sa akin 'yan pero sa tuwing nandiyan si Shane, lagi na akong may kahati sayo, Gabriel. O ako siguro yung talagang nakikihati sa kanya?"
Baka ako yung talagang dapat kagalitan sa kuwentong ito. Dahil ako ang huling nakilala at si Shane talaga ang nauna.
Ako siguro talaga ang walang papel at pilit na sumisiksik sa mundo nilang hindi para sa akin.
"Hindi." Umiling-iling siya sa akin. "Ikaw lang, Krystal." Hinawakan niya ang kamay kong suot ang singsing na binigay niya.
Ano ba talaga ang simbolo ng pagmamahal?
Pinagmasdan ko siya habang ginagawa iyon at patuloy pa rin ang pagtulo ng luha ko.
"Comeback to me. I'll arrange our papers. Magpapakasal na tayo," aniya.
Maagap kong hinila ang kamay ko palayo sa kanya dahilan para mapatayo kaming dalawa.
"Krystal. . ."
Napalunok ako at nakita ang takot sa mga mata niya.
Pero kung may mas natatakot man sa situwasyon naming dalawa, ako lang 'yon.
"Everything is vague, Gabriel." Umiling ako. "Sa tingin mo ba, deserve ko ito?"
"No. I just want to assure you that you're the only one, babe. Para hindi mo na maisip pa ang tungkol kay Shane—"
Paano niya nagagawa sa akin ito?
"Five years . . . we are together for five years, Gabriel. Tapos sasabihin mo sa aking gusto mo akong pakasalan para lang makalimutan ko ang issue niyo ni Shane? Gusto mo ba akong ikulong sa kasal na puro insecurities at problema?"
Umiling siya. "Hindi, babe. That's not what I mean."
"Pero iyon ang sinasabi mo. Iyon ang ginagawa mo sa akin ngayon. Gab, kung hindi mo na talaga ako mahal. Sabihin mo. Kasi ako? Unti-unti na akong napapagod sayo," pagsasabi ko nang totoo.
"Krystal—"
Pinunasan ko ang luha ko. Siguro nga tuluyan na akong namanhid dahil wala na akong maramdaman pagkatapos ng mga sinabi niya.
"Tumigil ka na," direkta kong sinabi. "Wala na akong gusto pang marinig mula sayo. Dahil alam ko na. Na kahit anong gawin ko, gaano man kita kamahal, ilang beses man kita tanggapin sa lahat ng nga pagkakamali mo—hindi pa rin ako ang tunay mong mahal."
"Krystal, please! Hindi 'yon ganoon. Intindihin mo naman ako . . . inakala ko lang na hindi mo na ako mahal kaya ko nagawa 'yon."
Napangiti na lang ako. Wala na ba akong mailuluha? Parang gusto ko pang umiyak.
"At paano kung hindi? Paano kung hindi na talaga kita mahal?"
Napalunok siya. "Hahabulin pa rin kita. Patutunayan ko pa rin sayong ikaw lang ang mahal ko—"
"You're just making everything worse, Gabriel."
"I love you," aniya.
Tinitigan ko siya sa mga mata. Ganoon din ang ginawa niya sa akin. Kung noon, sa tuwing naririnig ko ang tatlong salitang 'yan mula sa kanya, hindi magkamayaw ang pagbilis ng tibok ng puso ko.
Pero ngayon, wala na akong ibang maramdaman.
Napailing na lang ako sa kanya.
"Ang sakit na rin kahit sabihin kong mahal kita, Gabriel."
"I love you, Krystal," muling subok niya. "Mahal na mahal kita."
"Tapos na ang palabas, Gabriel. Hindi ko na mahal ang sarili ko."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top