Chapter 15
"Girl, hindi ka ba naaawa sa sarili mo? Tingnan mo nga yung sarili mo sa salamin. Ang laki na ng eyebags mo," puna ni Dallie na siyang kasama ko.
Isang linggo na akong unproductive. Yung mga trabahong sana natapos ko na nang maaga ay mas lalo pang natambakan dahil ni bumangon sa kama ay hindi ko magawa.
"Malinaw naman na kailangan mo nang makipaghiwalay sa kanya kasi hindi na healthy eh. Tingnan mo nga 'tong ginagawa mo sa sarili mo."
Napailing ako kahit pa hindi naman niya nakikita dahil nakatalukbong ako ng kumot. Wala na akong ibang hiling sa mga oras na ito kundi ang maramdaman sana ang init na yakap ni Gabriel.
Kaso paano mangyayari yun kung ganito naman ang situwasyon namin?
Sa pitong araw na hindi kami magkasama, tiniis ko ang sarili kong hindi buksan ang telepono ko dahil alam kong isa pang pagmamakaawa niyang umuwi sa bahay ay talagang uuwi ako.
Kahinaan ko ang pagmamakaawa niya pero mas lalo akong nanghihina kapag naririnig ko siyang umiiyak at sinasabing wala naman siyang nagawang mali kaya bakit kami nagkakaganito.
Bumuga ng hangin si Dallie. "Hinahanap ka na rin sa akin nina Anna. Alam nilang nandito ka sa dorm pero dahil bawal ang bisita, hindi sila makabisita sayo. Para ka tuloy pasyente lalo na sa itsura mo. Alagaan mo naman yung sarili mo. Paano mo mahahanap yung sarili mo kung ganitong parang wala ka namang gana sa lahat?"
Sa isang linggo kong wala sa apartment namin ni Gabriel, dito ako dumiretso kay Dallie. Alam ko kasing hahanapin niya ako kay Joie kaya pinili ko yung taong malapit sa akin pero hindi malapit sa kanya.
Ilang beses ko na rin sinabi kay Dallie na ang dahilan kung bakit humingi ako ng espasyo para sa aming dalawa e dahil gusto kong makapag-isip isip, lalo na dahil ramdam kong unti-unti na akong nawawalan ng amor sa lahat lalo na sa sarili ko.
Kung hindi ako lalayo pansamantala kay Gabriel, natatakot akong tuluyan akong lumubog at baka sa pagkakataong iwanan niya ako ay hindi na ako makaahon muli.
Ayoko siyang tuluyang iwan. Pero nakakatakot ding sukuan ako mismo ng sarili ko kapag hindi ako humingi nang kaunting oras.
Pero paano ko nga ba magagawa 'yon kung ganito lang ang ginagawa ko araw-araw?
"Kung nagugutom ka, may delata diyan. Pasensya na, iyon lang keri ng budget ko sa ngayon. Lutuin mo na lang muna 'yon at mali-late na ako sa trabaho," anito.
Hindi ko pa rin tinatanggal ang kumot na nakatalukbong sa akin. Naiintindihan naman ni Dallie 'yon. Kasi sa tuwing nag-aalis ako ng talukbong, isang tingin ko lang sa kanya, naiiyak na naman ako.
Eto ang mahirap kapag nasanay kang may tao sa tabi mo at alam mong may umaalalay sayo kasi unconsciously, nagiging mahina ka. At iyon ang nakuha ko kay Gabriel. Na dahil gusto niyang maibigay sa akin ang lahat, hindi ko namalayang masiyado na pala akong naging dependent sa kanya, pakiramdam ko, hindi ko na kayang buhatin ulit ang sarili ko nang ako lang.
Palagi siyang dapat nandiyan.
Nang tumunog ang pintuan, takda na nakaalis na si Dallie ay saka lang nag-alis nang talukbong.
Napabuga ako ng hangin habang nakatitig sa pintong nakasarado.
Isang linggo kong literal na kinukulong ang sarili ko sa kuwartong ito. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako sigurado kung hanggang kailan ko pa magagawa ito.
Naisip kong kung gusto kong talagang may mangyari sa buhay ko ngayon ay babangon ako ng kama.
Gusto ko lang naman sana makasama si Gabriel na hindi namin nararanasan lahat ng ito. Kasi sa totoo lang, parang kinukurot ang puso ko sa isiping wala na nga akong peace of mind, nawala pa sa akin ang boyfriend ko.
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa salamin. . . na isang pagkakamali. Hindi ko nga malaman kung matatawa ako o ano, e.
Kasi kagaya sa dinescribe ni Dallie, higit pa ako sa pasyente. Baka nga tinakasan na ako ng kaluluwa ko.
Parang iniputan ang buhok ko sa sobrang buhaghag, may dark circles, lubog na rin nga yung mata ko at ang putla ng labi ko.
Ano ba 'tong ginagawa ko sa sarili ko?
Sa mga oras na ito, hindi ko na makilala ang sarili ko. At iyon ang mas kinatatakutan ko. Ang umabot sa puntong hindi na ako balikan ng sarili ko kasi una palang, alam kong kasalanan kong hinayaan akong takasan nito.
Kahit ang pumeke ng ngiti, hindi ko na magawa.
Natawa ako sa harapan ng salamin. "Shit, Krystal. Hindi ka nga talaga naawa. Ano nang gagawin mo ngayon?"
Hindi ko na rin alam.
Puwede bang mawala na lang ako?
Kahit pa ang common ng salitang 'yan, totoong gusto ko na talagang mawala sa mga oras na ito para matapos na ang mga problema ko.
As if namang matatapos ang problema ko sa ganitong paraan, hindi ba?
Nagawa mo ngang takasan, e, anang isang parte ng utak ko.
Kahit ang utak ko, hindi sang-ayon sakin. Kung talagang nagawa kong takasan, bakit hanggang ngayon, napapaginipan ko pa rin?
Hindi pa rin ako makabangon?
Wag lang sanang dumating sa puntong narealize na niyang hindi na ako ang kailangan niya ay mababaon ko ang sarili ko sa ilalim ng lupa.
Dahil hindi ko magagawang bungkalin ang sarili kong makabangon.
***
"Hindi ka pa rin talaga nagbabago, ano?"
Napalingon ako sa taong dumating at umangat ang labi para sa isang ngiti. Ni hindi ko na rin magawang salubungin siya in hyper energy kasi talagang drained ang pagkatao ko.
"Panong hindi nagbago?"
Umupo siya sa katabing bato ng inuupuan ko at sabay namin na pinagmasdan ang mapayapang itsura ng dagat.
"You still always look at the ocean like it was meant for you," aniya.
Mahina akong natawa. Porket nag-neurosurgeon. Dinadaan na niya ako sa pa logic niya. Pero naalala ko ang minsan na niyang nai-describe sa pagkatao ko noon. "Talaga? Bakit? Dahil kagaya ng personalidad ko na kasing lakas ng alon?"
Tumawa na rin siya. "Nagiging malalim ka talaga kapag may pinagdadaanan. Pero hindi. Hindi kita kailanman nakitaan nang malakas na personalidad. More like a cover up? Humahampas lang ng parang alon ang nararamdaman mo kapag napupuno ka na. Siguro ito na yung mga panahong 'yon, ano? Kasi nagawa mo akong tawagan."
"Sinasabi mo bang tinawagan lang kita dahil may kailangan ako?"
"Hindi ka naman mukhang may kailangan. Pero nararamdaman kong kailangan mong tulungan ang sarili mo. Mukha kang lugmok sa itsura mo."
Inirapan ko siya pero hindi rin nakasagot. Probably, dahil kalahati sa mga sinabi niya ay may punto.
"Magpapasama lang sana ako dahil busy ang lahat, Ross. Pero bakit mo ako ginigisa?"
Nilingon ko siya. Nakatingin na rin siya sa akin. Walang bakas ng ngiti. Parang hindi siya masayang nakikita ako ngayon. "Bakit hindi? E mukhang choice mo namang magtampisaw sa mantika. Hindi ka ba nahahapdian, Krystal? Lumalakas na yung apoy."
"Sino ngayon ang malalim? Kalahati nga lang ang naintindihan ko sa sinabi mo."
"Endless metaphors tulad ng relasyon ninyo, Krystal. Endless signs, empty meanings . . . hindi mo ba makuha? O ayaw mo lang buksan yang mga mata mo? Sa pagkakaalam ko sa ating dalawa, ikaw ang matapang," aniya.
"Kailan ko sinabi 'yon?"
"Hindi mo sinabi. Alam ko lang. Para saan pa at naging magkaibigan tayo kung hindi ko malalaman?"
"Hindi ko nakita sa sarili ko 'yan."
"Na dapat ganoon. Dahil puwede mong gamiting kahinaan yung natatanging lakas mo. Tulad nang nangyayari sayo ngayon."
Bumuga ako ng hangin. "Hindi ko na alam. Ano bang dapat kong gawin? Nauubos na ako pero gusto ko pang magbigay. Gusto ko pang mas maubos para hindi ako magsisi sa huli kung talagang hindi kami para sa isa't isa dahil ayaw kong may pagsisihan. Kaso paano? Kung ganitong unti-unti na akong nawawala sa sarili ko?"
"Ganyan naman dapat ang pag-ibig, 'di ba? Nagmamahal ka kasi gusto mong magmahal. In exchange, mamahalin ka ng taong mahal mo kasi hindi mo kayang mahalin ang sarili mo. O talagang kailangan mo ng pagmamahal. Pero kung sa ganyang situwasyon, dapat ba talagang magmahal ka kung sarili mo nga, hindi mo naman kayang mahalin?"
Nangunot ang noo ko. "Ang subjective ng love. Hindi ko mapantayan. Pero gusto kong magmahal kasi gusto ko. At gusto ko ring mahalin kasi tama naman yung hindi ko kayang mahalin ang sarili ko. Kung mawawalan ako ng karapatang magmahal ng iba, sa aspeto ba ng pagmamahal sa sarili, dapat ganoon din? Na dahil hindi ako kamahal-mahal kaya hindi ko na rin dapat mahalin ang sarili ko?"
"Umuwi ka sa inyo kung gusto mong malaman, Krystal. Kasi hindi ako ang makakapagbigay ng sagot sa tanong mo. Ikaw. Kung alin ba ang mas worth it? Kung uubusin mo ba ang sarili mo para sa pagmamahal na hindi na masusuklian o mamahalin mo ang sarili mo na wala kang ibang iniisip kundi sarili mo lang at ang mga pangangailangan mo?"
Umiling ako. "Kakakita palang natin pero sumasakit na yung ulo ko sa usapan natin."
Ngumiti lang siya. "It has always been like that ever since before, di ba? E di dalhin mo na lang ang tanong na 'to kapag bumalik ka sa inyo: "why did I stay?" saka ka magsabi kapag alam mo na yung tamang sagot."
Sa hindi malamang dahilan ay gumaan ang pakiramdam ko nang marinig lahat ng sinabi ni Ross.
Alam kong kakakita pa lang naming dalawa pero problema ko na agad ang pinag-uusapan namin.
Pinag-isipan ko ang bagay na yun sa ilang araw kong pananatili sa dorm ni Dallie. Mula sa simula ng pinagsamahan namin, sa kung paano namin pinaglaban ang relasyon namin, at pati na rin sa mga rason kung bakit kahit ang sarap nang bumitaw—nananatili pa rin akong nakakapit. Pinag-isipan ko 'yon lahat hanggang sa napagdesisyunan ko nang magtapang-tapangan at umuwi para linawin.
"E 'di mabuti naman at naisipan mong gawin yan. Kasi may punto rin ang kaibigan mo, Krystal. Tingin ko, hindi mo magagawang mahalin ang sarili mo kung hindi mo magagawang pakawalan yung mga bagay na dapat pakawalan," gatong ni Dallie sa mga payo ni Ross.
Tumango na lang ako. Ayaw ko nang dagdagan.
Sa araw na yon, buo na ang utak ko. Maayos na akong makikipag-usap kay Gabriel tungkol sa bagay na ito. Karapatan din naman niyang malaman ang bagay na ito.
Eto ang naisip kong wala sa aming dalawa: communication. Na siyang pinakamahalaga sa relasyon.
Nang makasakay na ako sa bus papunta sa apartment namin ay binuksan ko na ang telepono ko.
Halos mabagsak ko sa ito sa lapag nang sunod-sunod na pumasok ang mensahe ni Gabriel para sa akin.
Gabriel: Hon?
Gabriel: Asan ka?
Gabriel: Wala rin daw alam si Joie kung saan ka nag stay.
Gabriel: Ayos ka lang ba diyan, Krystal?
Gabriel: Krystal, sagutin mo yung tawag ko. Please.
Napanganga ako sa one hundred four missed calls ni Gabriel.
Gabriel: Out of coverage ka raw.
Gabriel: Umalis ka ba ng La Douleur?
Gabriel: Hindi ka rin pumapasok sa trabaho mo. Krystal, ano nang nangyayari sayo?
Napalunok ako. Iyan din ang tanong ko sa sarili ko, Gab.
Kaya sana . . . sana sa pagkakataong to, masagot na.
Gabriel: Babe?
Gabriel: Galit ka ba talaga sa akin? Ano bang nagawa ko?
Gabriel: Krystal.
Gabriel: May nagawa ba akong mali? May pagkukulang ba ako sayo? Bakit mo ginagawa sakin to?
Gabriel: Limang araw na, Krystal . . . Asan ka na? Ang sakit-sakit mo na sa puso.
Gabriel: Ayoko nang maging sagabal sayo, kahit na ang sakit pero kailangan, tatanggapin ko.
Gabriel: Alam kong pagod ka na rin eh.
Nagmadali akong bumaba ng bus nang makarating sa lugar namin.
Marami nang pumapasok sa isipan ko at hindi ko maintindihan kung bakit kinakabahan ako.
Well, syempre, talagang kakabahan ako dahil anong ibig sabihin niya sa ayaw niyang maging sagabal?
Saan?
Hindi ko na pinansin ang mga bati na sunod-sunod na ibinigay sa akin ng mga kapitbahay namin hanggang sa makarating ako sa tapat ng apartment namin.
Napahawak pa ako sa dalawang tuhod ko dahil hingal na hingal sa ginawang pagtakbo.
Lumunok ako ng laway habang pinagmamasdan ang apartment naming dalawa.
Hindi ko talaga magawang hindi mamangha dahil sa tuwing pinagmamasdan ko ang bahay na ito ay hindi ko magawang hindi isipin na nakaya naming magsama sa iisang bahay. Dati lang, pangarap lang namin 'to nung college kami.
Ang dami naming kinailangang pagdaanan bago kami dumating sa puntong ito. At ngayong muli na naman kaming sinusubok ng tadhana, bakit naman nasobrahan sa bigat yung pagsubok na ibinibigay sa amin ngayon?
Huminga ako nang malalim bago binuksan ang pintuan ng apartment. Nakapatay ang ilaw.
Nasa trabaho pa siguro si Gabriel. Pero nang sandaling buksan ko ito ay bumungad sa akin ang sala na napakakalat. Halatang dinaanan ng bagyo.
Hindi kaya ninakawan kami?
Pumunta pa ako sa kusina at nakita ang mga nakakalat na canned beer na ubos ang laman pati na rin ang mga chips na nakabukas.
Ngunit mas kumalabog ang dibdib ko nang makitang pati ang kuwarto namin ay makalat.
At isa lang ang napagtanto . . .
Umalis rin ba ng bahay si Gabriel?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top