Chapter 13

Isa sa mga naging issue namin ni Gabriel sa relasyon ay ang hindi pagtanggap sa akin ng mga kaibigan niya lalo na ni Shane.

Hindi ko makakalimutan na nagkaroon ng isang beses kung saan narinig ko ang pinag-uusapan nila.

"May problema na naman ba kayo ni Krystal?"

Sinilip ko ang dalawa sa loob ng classroom. Lunch break namin noong mga oras na iyon kaya wala masiyadong tao sa room namin.

"Wala," iyon ang sinagot ni Gabriel.

Nakatalikod sa akin si Shane at tanging sa gilid niya na si Gabriel lang ang nakikita ko ang reaksyon. Tulala lang siya at parang malalim ang iniisip.

Hindi na bago sa akin ang ganitong reaksyon ni Gabriel sa tuwing may pinagtatalunan kami o hindi kami maayos. At kahit hindi naman kami nagtatalo—parang normal na lang sa kaniya ang mag-isip parati nang malalim.

"Tatapatin na kita, Shin. Ang totoo, hindi namin kayang tanggapin si Krystal bilang girlfriend mo."

Kumunot ang noo ni Gabriel sa narinig niya. Habang hindi na rin ako nagulat. Hindi naman kasi ako manhid para hindi makaramdam na ayaw niya talaga sa akin para sa kaibigan niya. Babae ako kaya ramdam ko.

Pero bakit hindi niya ako diretsuhin?

Bakit kay Gabriel niya lang sinasabi?

"Hindi siya pormal na babae. Naninigarilyo, umiinom. Gusto mo ba no'n? Na magkaroon ng girlfriend na adik?"

Kumuyom ang kamao ko. Hindi ko naman itinatangging naninigarilyo nga ako at umiinom. Pero isang beses lang 'yon at hindi na naulit. Alam ko ring ayaw ni Gabriel na ginagawa ko 'yon kaya nga bilang 'yon sa isa sa mga pinag-aawayan namin.

Pero yung adik? Anong pruweba niya para sabihin yon?

Hindi ko siya makuha. Para niyang tinutuldukan yung pagkatao ko kahit hindi naman niya ako kilala talaga.

"Isama mo pang lagi kang nagmumukhang mahina kapag nag-aaway kayo. Hindi mo siya deserve na iyakan. Hindi ka niya deserve."

Napayuko na lang ako. Kung alam lang niyang sila ang pinag-aawayan naming dalawa.

Kung alam lang niyang ilang beses ko nang kinumbinse si Gabriel na layuan na lang ako at iwanan para bumalik na siya sa kanila.

Napapansin ko na rin kasing hindi na siya parating sumasama sa kanila simula nung naging kami.

"Hindi ko alam kung paano mo nasasabing hindi ko deserve si Krystal, e siya naman yung mahal ko. Hindi mo ako puwedeng diktahan sa gusto ko."

Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang marinig kong humikbi si Shane. Umiyak siya sa harapan ni Gabriel at mas natulala na lang ang boyfriend ko.

"Alam ko naman yon. At hindi namin mababago 'yon. Pero wag mo ring i-expect na susupportahan ka namin dahil hindi namin siya gusto," aniya. "Nitong mga nakaraang buwan, simula lang nang sinagot ka niya, nawawalan ka na ng oras sa amin. Ipinagpapalit mo na kami sa kanya."

Kung iyan pala ang hinanaing niya, bakit hindi niya ako diretsuhin?

Bakit hindi niya sabihin nang harapan sa akin? Para malaman ko kung saan ako nagkamali, 'di ba?

Kasi para akong tanga na hinuhulaan kung bakit isang araw na lang, hindi na nila ako gusto para sa kanya. Gayong una palang, sila na yung nagtutulak sa akin sa kanya.

"Anong pinagsasabi mo? Anong ipagpapalit? Shane, girlfriend ko si Krystal. Kaibigan ko kayo. Bakit ko kayo ipagpapalit sa kanya? Magkaiba yung situwasyon ninyo. Syempre, kailangan din naman ako ni Krystal sa tabi niya kaya nandoon ako at boyfriend niya ako."

"Iyon na nga," mas lalo pang lumakas ang boses ni Shane. "Simula noong naging girlfriend mo siya, ni hindi ka na nga namin nakakasama 'pag lunch kasi lagi mong gustong nasa tabi ka niya. Pero paano naman kami, Shin? Ayaw mo na bang sumama sa amin?"

"Hindi ganoon 'yon, Shane. Intindihin mo naman sana ako. At saka, hindi naman sa lahat ng oras nasa tabi niya ako ah? Madalas, kapag may problema naman kayo, nandiyan ako. Kailan ko ba kayo iniwanan?"

Umiling si Shane. "Oo, nandiyan ka nga tapos kapag kailangan ka na niya, kapag nagsimula na siyang magpapansin sa gitna nang pagcocomfort mo sa akin o sa aming mga kaibigan mo, lumilipat ka na agad sa tabi niya."

"Shane. . ."

"Iniintindi naman kita. Iniintindi ka ng barkada. Pero minsan, hindi na rin tama, Shin."

Napailing na lang ako at imbis na tumuloy na pumasok sa classroom ay nilisan ko ang building na 'yon.

Sobra-sobra na yung sakit ng mga salita na natatanggap ko mula sa kanya. Parang hindi na yata kakayanin ng bigat ng puso ko kapag may narinig pa akong iba.

Ganoon ba talaga 'yon? Kapag minahal ka ng taong may matagal ng barkada bago ka pa dumating, hindi ka agad tanggap?

Lalo na kung ramdam nilang threat ka para sa kanila?

E 'di kung alam ko lang sana, hindi ko na kailanman sinagot si Gabriel para hindi na namin nararanasang dalawa ito.

Tumunog ang cellphone ko habang nanatili pa rin akong nakatingin sa mga bitwin sa langit.

Walang ibang nasa isipan ko kundi ang mga pangyayari noon na habang buhay ko na yatang dadalhin hanggang sa hukay. Isama pa yung mga natuklasan kong ganap kanina.

Hindi na ako tumuloy makipagkita kay Gabriel at sinabi ko na lang na mag-enjoy siya kung saan man siya pupunta sa gabing ito.

Monde's Manager: Ma'am, ika-cancel niyo na lang po ba ang reservation ninyo?

Ako: Yes. I'll just cancel it. Pasensya na sa abala.

Bumuga ako ng hangin matapos kong i-send ang reply.

Hindi na rin ako tumuloy sa dinner reservation naming dalawa. Dahil pakiramdam ko, mauulit lang yung sakit na naramdaman ko noong nag birthday ako.

Paano pala kung hindi ko siya pinuntahan sa kompanya nila at pinili ko na lang siyang hintayin sa Monde tulad noong nakaraan?

E 'di dapat nagmukha ulit akong tanga.

Natawa na lang ako. Hanggang kailan ko ba kailangan parusahan ang sarili ko sa relasyong ito bago ako matuto?

Kasi talagang nauubusan na ako ng pasensya. Pero alam ko rin sa sarili kong kaya ko pa. Ang tanga, 'di ba?

Bumaba ang tingin ko sa wristwatch ko at nakitang 10 p.m. na ng gabi. Binalingan ko rin ang bouquet ng purple rose na ibibigay ko sana sa kanya at kinuha iyon.

Nagsimula akong maglakad sa kahabaan ng Dai Nam Avenue hanggang sa makauwi sa apartment namin.

Hindi pa man ako tuluyang nakakapasok ng pintuan ay bumukas na ito at bumungad sa akin ang namumulang si Gabriel.

"Saan ka galing?"

Unang tingin ko palang sa kanya ay para nang tutulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

"Anong oras na ah? Hindi mo pa ako sinipot sa dinner natin, Krystal," sunod-sunod niyang reklamo.

Pero wala akong ibang maramdaman kahit halos sigawan na niya ako.

I'm afraid that I'm too heartbroken to even accept his love for me.

"Bakit hindi ka magsalita? No texts, no calls. Hindi mo ba alam kung ilang oras mo akong pinaghintay sa restaurant na 'yon para lang masabihang c-in-ancel mo na pala yung reservation?"

Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa at mukhang kadarating lang din niya dahil hindi pa siya nakakapagpalit. 'Yong suot niya kanina, suot niya pa rin ngayon.

Naalala ko tuloy yung pabangong naamoy ni mama dati sa damit ni papa. Ganoon din kaya sa kanya? Kumapit din kaya yung amoy ni Shane sa kanya?

"Sabihin mo nga sa akin, gumaganti ka ba? Kaninang umaga, ayos pa tayo ah? Bakit biglang ganito na, Krystal?"

Napalunok ako. Gusto kong sabihin sa kanya na sinipot ko naman siya. Na may dala pa nga akong purple rose bilang regalo ko sa kanya kasi alam kong hindi siya mahilig sa mga materyal na bagay pero iyon pa ang maaabutan ko?

"At may dala ka pang rosas, kanino 'yan galing? Wag mo sabihing may iba ka pa lang kadate kaya hindi mo na ako magawang siputin? Ganoon ba, ha? Krystal?!" sigaw niya.

Umiwas ako nang tingin sa kanya at dinaanan siya para tuluyan nang makapasok sa loob ng apartment.

"Krystal, ano? Hindi mo na ba ako mahal?" aniya habang nakasunod pa rin sa akin.

"Pagod ako, Gabriel. Bukas na lang tayo mag-usap."

Narinig ko siyang tumawa. "Bakit hindi ngayon? Ano? Klaruhin mo na para hindi ako nagmumukhang tanga! Ano? May iba ka na? Kaya ni tingnan ako sa mga mata, hindi mo na magawa?"

Bumuntonghininga ako. "Wala akong iba, Gabriel. Bukas na lang talaga. Wala ako sa mood."

Maglalakad na sana ako papasok sa kuwarto nang harangan niya ako. Tamad ko siyang tiningnan.

"May iba ka na ba?"

"Wala nga akong iba, Gabriel!" sigaw ko.

Napalunok siya.

Natauhan ako at agad na umiwas ng tingin. "I'm sorry, nasigawan kita."

"No, hon . . . ako dapat ang humihingi ng pasensya. I'm sorry kung ginagawa mo ito ngayon dahil sa nangyari noong birthday mo."

Yumuko na lang ako. "Gusto ko na lang sana magpahinga . . ."

"Please, Krystal . . . mag-usap muna tayo."

Bumuga ako ng hangin at diretsong tinitigan siya sa mga mata.

"I think we should give each other time to think, Gabriel."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top