Chapter 11
May tatlong bagay akong hindi pinaniniwalaan sa mundong ito: Santa Claus, Magic at Kasal.
Naalala ko nung bata pa ako, minsan ko nang nahuli ang mga magulang kong nilalagyan ng candies ang medyas na sinabit ko sa hanger kahit hindi naman iyon ang w-in-ish ko.
"Sabi sa inyo, totoo si Santa Claus, e. Oh eto, para sa inyo." Inabot sa aming magkakapatid ang plastic na puno ng candies.
Nag-angat ako ng tingin kay Mama na malawak ang ngiti habang tinutulungan ang bunsong kapatid ko na buksan ang candy niya.
"Ma, bakit naman po nagkamali si Santa Claus sa ibibigay niya sa akin? Hindi naman ito yung gusto ko."
Tumingin siya kay Papa na kinukuhanan kami ng litrato, para siguro sa family album namin. Parehas na sila ngayong hindi malaman kung paano magpapaliwanag.
"Ah, eh . . . anak, baka naman hindi mo inayos yung pagwi-wish mo kay Santa at naguluhan siya kaya iyan na lang ang binigay sa inyo? At saka, ayaw mo ba nito? Hati-hati pa kayo ng mga kapatid mo," ani Papa.
Pinagmasdan ko silang dalawa. Bakit kailangan pa nilang magsinungaling kung nahuli ko na rin naman sila?
"Baka naman po kayo yung naglagay ng plastic na may candy sa pintuan natin kaya nandiyan 'yan. At saka, hindi naman po namin diyan inilagay yung medyas sa may pinto, 'di ba? Sa may sampayan po yun sa labas."
Kinagat ni Mama ang labi niya habang wala namang pakialam ang mga kapatid ko. Masiyado silang masaya sa candy na ibinigay sa kanila ng mga magulang namin.
"Bakit naman namin gagawin yun, 'nak? Hindi naman kami si Santa," sabi ni Mama.
"Kaya nga po, Mama, e. Nagtataka rin po akong nahuli ko kayo ni Papa na inilagay 'yang plastic sa kinalalagyan kagabi kaya talagang hindi po kayo magiging si Santa."
Hindi na nakasagot ang mga magulang ko sa mga oras na iyon. At hindi na muling naulit ang pagkakaroon namin ng plastic na puro candy ang laman matapos ng mga sumunod na christmas eve.
Doon ko napagtantong baka hindi nga talaga totoo si Santa Claus at gawa-gawa lang ng mga magulang namin para mapauto kaming huwag magpuyat sa pasko.
Ang sumunod naman ay ang pagkahilig ko sa mga clowns at magic. Laging sa mga mata ko ay magagaling ang mga katulad nila dahil nagagawa nila ang mga imposible hanggang sa natuklasan mismo ng mga mata ko ang isang magic na ginawa nila.
"Mga bata, handa na ba kayo?"
Dinig na dinig ang sigawan ng mga bata sa harapan ng dalawang clown na nagpapatawa at nagmamagic.
"Oh, Krystal, kuha ka pa, hija. Eto, may chocolate fountain. Gusto mo ba nito?"
Kating-kati na akong makabalik sa upuan ko kung hindi lang sinabi ni Mama na kuhanan ko ang kapatid ko ng dessert.
"Nakita niyo? Nandiyan pa siya, 'di ba? Sa ilang sandali lang ay matutuklasan niyo kung paano siya mawawala sa box na 'yan."
Malakas na nagpalakpakan ang mga manonood. Kahit pa kitang-kita ko naman dito ang nagaganap, hindi pa rin sapat kasi hindi ako nakaharap sa kanila.
Laging gusto kong matuklasan kung paano nila ginagawa ang magic.
"Oh, sabay-sabay kayong bumilang ng tatlo, ha?"
Nilingon ko na ang Mama ng kaibigan kong may birthday at sinabing "Babalikan ko na lang po, Tita. Manonood lang po ako ng magic."
"Isa. . . Dalawa. . . Tatlo!"
Ngunit bago pa man ako makalapit sa harap ay nakita ko kung paanong may tao na lumabas sa box, kung saan pumasok ang taong minamagic kanina.
Nakaawang lang ang labi ko habang pinanood siyang mabilis na umalis sa scene kasunod nang palakpakan ng mga kasamahan kong bata.
Habang ako ay hindi makapaniwala na ang hinahangaan kong magic at ang mga nagagawang imposible ng mga clown sa birthday party ay totoong naging imposible na sa mga mata ko.
Nang tumapak naman ako sa first year high school, lagi akong napapadaan sa parokya upang tuklasan ang mga kasalang nagaganap.
Kung titingnan mula sa labas ay halos magningning ang mga mata ko dahil hindi ko akalaing ganito pala nakakabighani kapag ikakasal na ang isang tao.
Makikita mo sa mukha ng isa't isa kung gaano sila kasaya. Kaya nagsimula naman akong mahumaling sa panonood ng mga kasalan.
Umabot nang ikatlong taon ko sa high school nang makita ko ang mga magulang kong mag-away at magtalo hanggang sa napagdesisyunan nilang gusto na nilang maghiwalay.
Wala silang pakialam kahit pa nasa harapan nila kaming mga anak nila.
Sinubukan namin silang pigilan. Sinubukan naming ayusin.
"Anong gagawin natin kina Mama at Papa?"
"Wala na, Ate," wika ng pangalawang kapatid ko. "Pagod na ako sa kanila."
"Kung papapiliin man nila tayo kung kanino tayo sasama, puwede bang tayo na lang ang huwag na maghiwa-hiwalay?" ani ng ikatlong kapatid ko. "Kasi hindi ko kakayanin kung pati tayong tatlo ay paghihiwalayin nila."
Iyon ang nagtulak sa aming lumipat dito sa La Douleur, kaming tatlo na tumira sa puder ng kapatid ni Mama dahil hindi siya mananatili kasama namin at bubuo naman ng panibagong pamilya si Papa.
We were too heartbroken. Hindi ko malaman kung paano ko iibsan ang sakit na nararamdaman ng mga kapatid ko.
Sa tuwing titingnan ko sila, hindi ko maiwasang hindi masaktan para sa amin at lalo na para sa kanila na bata palang pero kailangan nang mapagdaanan ang ganitong klaseng bagay. It was too much for our young hearts.
Pero wala akong masisi dahil parehong mga magulang namin ay nakahanap na ng lusot para sa kani-kanilang mga dahilan.
At iyon ang dahilan kung bakit hindi ko na rin kayang maniwala sa kasal.
Hanggang sa makilala ko si Gabriel at nagawang tumagal ng relasyon namin nang ganito kahaba at mukhang maaga ring mapuputol.
Dahilan para unti-unti na rin akong mawalan ng pag-asa sa mga pagpapakasal.
"So, anong sinagot mo sa kanya?"
Breaktime namin at imbis na lumabas ng building ay napili na lang namin nina Dallie na tumambay sa smoking area sa aming building.
Pinagmasdan ko ang langit at humanga sa kaaliwalasan nito. Sana ganito rin ang nararamdaman ko.
"Sabi ko, pag-isipan na muna niya. Dahil gusto ko ring pag-isipan na muna."
"Syempre, napag-isipan na niya yun, Krystal. Nagawa na niyang magpropose, e," sabi naman ni Anna.
"Sa totoo lang, tama rin naman yung sagot mo, Krystal," pananalita ni Dallie habang pinagmamasdan ang usok na lumalabas sa kanyang bibig. "Kasi sa nakikita ko sa relasyon niyo, parang ang dali niyo pa ring matibag—ang dali mo pa ring bumigay at hindi pa niya kayang tuluyang intindihin ang mga nararamdaman at opinyon mo—kahit pa limang taon na ang relasyon ninyo."
"Imposible namang hindi talaga sila nag mature, Dallie," komento ni Rachel. "Syempre, hindi pa rin naman maiiwasan na hindi magpataasan ng pride sa relasyon eh."
"Hindi ko naman sinabing dapat mawalan na sila ng pride. Ang sinasabi ko lang, masiyado pang malambot yung relasyon nila kaya isang pitik lang, puwede pang masira. Tulad nga rin nang naikukuwento mo, Krystal, ang tagal simula noong nakasama niya ang mga kaibigan niya, 'di ba?" litanya ni Dallie. "At kababati lang din nila nung nag homecoming kayo?"
Tumango naman ako.
"E di ayun. Masiyadong umikot ang mundo niyo sa isa't isa kaya hindi niyo na magawang i-explore ang ibang parte ng mundo. Masiyado kayong nakulong sa relasyon niyo na parang napupuno na kayo ng toxicness. At hindi magtatagal, puwede kayong masakal sa isa't isa."
Tiningnan ko ang vape na gamit ni Dallie. Hindi na kasi siya nagyoyosi dahil para siyang laging madaling hingalin unlike sa vape na gamit niya, moderately pero sulit.
Hindi ko naman alam kung paano ko pagkakasiyahin sa utak ko at hahatiin ang mga opinyon nila tungkol sa relasyon namin ni Gabriel.
"In short, communication is the key. Pag-usapan niyo muna nga talaga bago kayo magdesisyon na gusto na ninyong itali ang isa't isa. Kasi ibang usapan na 'yan, e. Tapos may insecurities ka pa sa mga kaibigan niya habang siya, hindi naman niya kailangan masiyadong mag-alala sayo kasi umiikot naman yung mundo mo sa kanya at sa relasyon niyo—talagang kailangan niyong pag-usapan 'yan," mahabang saad ni Anna.
May mga punto naman sila dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang mga sinabi ni Joie tungkol sa kinulong sila ni Shane sa auditorium. At napapansin ko ring madali lang kaming nagkakaayos pero hindi namin masiyadong napag-uusapan talaga yung mga problema kaya sa huli ay nagtatalo lang kami.
Pero paano?
Paano ko gagawin?
Ilang araw kong pinag-isipan kung paano ko bubuksan sa kanya ang ganoong topic. Lalo na noong huli naming pinag-usapan ang tungkol sa bagay na 'yan ay hindi ako tuluyang nakasagot.
Kaya naman nang dumating ang araw ng kaarawan niya, naisip kong baka ito na nga ang tamang oras para pag-usapan ang mga bagay na hindi namin nagawang bigyang liwanag sa isa't isa noon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top