Chapter 10

"Kayo na ba ni Shin?"

Umiling ako sa tanong ni Ross, kaibigan ko. Nandito kaming dalawa sa kiosk at tinatanaw ang mga estudyanteng dumadaan sa harap namin.

"Hindi pa."

Dalawang buwan na simula noong nanligaw sa akin si Gabriel. Hindi ko pa rin siya sinasagot simula no'n. Naisip ko kasi na parang hindi pa rin ako handa, e.

Sa dami ng pinagdaanan ko sa Eldridge, parang hindi ko pa ulit kayang magbukas ng puso para sa panibago.

Hindi naman mahirap magustuhan si Gabriel. Lalo na't lahat ng oras at atensyon niya ay ibinibigay niya sa akin kahit hindi ko naman hinihingi.

"Akala ko kayo na eh. Andami kong naririnig sa mga blockmates ko na ang sweet niyo raw. Para kayong magshota," nang-aasar niyang wika.

Natawa naman ako at inirapan siya. "Naniniwala ka sa chismis? At saka, madikit lang talaga si Gabriel. Hindi naman palagi. Kapag lang may oras kaming dalawa."

Tumango naman siya. "Matino naman ba?"

"Oo," sagot ko. "Kahit hindi mo hilingin yung mundo, parang ibibigay sayo. Mga gano'n."

Natawa naman siya. "Wala nang ganiyan ngayon, Krystal. Ibibigay yung mundo? Baka nga kahit kalahati, hindi maibigay eh. At saka, bakit mundo kaagad? Hindi ba puwedeng buwan muna?"

Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. "Sinasabi mo bang hindi ako deserving para sa mundo, Ross?"

"Hindi naman sa gano'n." Umiling pa siya sa akin. "Ang ibig ko lang sabihin, maraming pangakong napapako, Krystal. Kung mundo kaagad ang hinahangad niyang maibibigay sayo, paano kung mapako? At bitwin pa lang yung naaabot mo? Hindi kaya masiyadong masakit kung umasa ka kaagad sa malaki kung sa maliliit pa lang na bagay e hindi na siya nagbubuhos ng effort?"

Napaisip naman ako. May punto naman siya. Hindi naman ako yung tipo ng babae na mahilig sa mga materyales na bagay, e. Hindi rin ako yung tipo na kung ano yung hiniling ko e gusto ko kaagad makuha.

No.

Hindi ganoon. Sapat na nga sa akin kung ano lang yung kayang maibigay, e. Basta, galing sa puso.

"Mahirap naman talaga kapag mataas ang expectations mo, Ross. Pero hindi naman ako ganoon. Ayokong p-in-ipressure ang isang tao kasi naranasan ko na 'yan noon and hindi naging maganda yung kinalabasan," wika ko.

"Hindi ba dapat mas lalo mo nga siyang i-pressure ngayon kasi nanliligaw naman siya sayo? Hindi naman yung tipong ibibigay niya sayo lahat ng gusto mo. Pero kumbaga, iparamdam mo sa kanya na kung pinagtitripan ka lang niya, hindi kailanman magwoworkout 'yon kasi hindi ka naman basta-basta. Mga gano'n."

Sumang-ayon naman ako kasi may punto naman siya. At iyon din naman ang ibig kong sabihin kasi sa ilang buwang panliligaw ni Gabriel, na reject ko man siya ng ilang beses ay hindi pa rin niya pinaramdam sa aking mas mababa ako sa kanya.

Kaya noong araw ding sinabi ni Ross sa akin iyon ay sinagot ko si Gabriel.

"Tama na. Darating na yung professor," sabi ko kasi ayaw niya akong pakawalan sa pagkakayakap.

Akala ko wala akong mararamdaman pagkatapos ko siyang sagutin kasi hindi naman ako yung nanligaw. Pero heto ako, para nang sasabog sa bilis ng takbo ng puso ko.

May ganun pala 'no? Yung akala mong maliit na bagay na ibinigay mo, hindi ka makakaramdam pero ikaw pa rin pala yung mas matatamaan.

"Hindi ako makapaniwala, Krystal. . . akin ka na. . ."

Yeah, hindi rin ako makapaniwala. Akala ko nga, papaasahin ko rin siya sa huli eh.

Pero talagang hindi mo malalaman ang halaga ng isang tao kung walang magpapa-realize no'n sayo.

At si Ross ang nagpa-realize sa akin ng mga bagay na 'yon.

Nang tuluyan na akong pakawalan ni Gabriel sa pagkakayakap ay saka pumasok ng classroom namin sina Shane.

Mabilis siyang yumakap kay Shane at mukhang ibinalita pa ang ginawa kong pagsagot sa kanya dahil lumipad ang tingin sa akin ni Shane matapos siyang bulungan ni Gabriel ng kung ano.

Tipid lang akong ngumiti sa kanya samantalang hindi niya nagawang suklian ang ngiting iginawad ko.

Doon ko napagtantong baka hindi nga talaga kami magkakasundo tungkol sa barkada niya.

"Hiniwalayan mo na ba yung boyfriend mong eskandaloso, Krystal?"

Napalingon ako kay Dallie nang marinig ang sinabi niya. Nandito kami ngayon nina Carlos sa restaurant malapit lang sa building na pinagtatrabahahuhan namin.

Ilang araw na simula noong lumipas yung gabing nag-away kami ni Gabriel pero hindi kailanman na-brought up ang tungkol sa naging team dinner namin.

"Bakit naman niya hihiwalayan 'yon, Dallie?" tanong ni Carlos.

"Malamang, hindi niyo ba nakita yung kasama niyang babae? Hindi ko nagustuhan yung naging sagot niya kay Krystal, e. Parang may something at alam niyong madali akong maka-interpret ng snake language, hindi ba?"

Natawa na lang ako. Kung anu-ano talaga ang naiisip ng isang ito.

"Noong nakaraang linggo pa 'yon, Dallie, ba't ngayon mo lang naisip itopic?" usisa ko.

"Ngayon ko lang nakita yung facebook, e. Kinailangan ko pang mag dig deeper para may mga pruweba akong parte siya ng snake society."

Hinampas siya ni Anna kaya nagtawanan kami. "Gaga ka talaga! Anong snake society yung pinagsasabi mo diyan? Mukhang barkada lang naman ng boyfriend niya 'yon."

"Hello, mas high ang percentage na taga salo ang mga ganyang best friend kapag nakukulangan sa atensyon ang boy best friend nilang may girlfriend."

"Iba talaga kapag maraming experience," singit ni Lorenz.

"Oo, Lor. Hindi mo kasi naranasan 'no?"

"Hindi naman kasi ako babaero tulad ng mga naging boyfriend mo, Dallie," mabilis nitong sagot.

"'Kamo wala lang talagang pumapatol sayo!"

Nagtawanan na kami sa sagot ni Dallie. Talagang sa isang circle ay hindi mawawala ng mga kaibigang tulad ni Dallie, sinalo lahat ng bitterness sa mundo at mukhang balak pa kaming hawaan.

Totoong hindi na namin ulit pinag-usapan ni Gabriel ang mga topic na makakapagpatrigger sa aming dalawa.

Lalo na't muntik na akong maging handa na ibalik sa kanya ang singsing na ilang taon niyang pinag-ipunan.

"Sabihan mo yung boyfriend mo na wag magpapadala sa mga salita nung babaeng 'yon, Krystal. Boses pa lang, manipulator na."

Napangiwi ako sa komento ni Dallie tungkol kay Shane. Kahit naman may katotohanan yung mga sinasabi niya, ayoko na rin gatungan at baka talagang dumami na ang mga kasalanan ko.

Noong gabing 'yon, sabay na ulit kami ni Gabriel. Pero hindi tulad ng mga nauna naming hapunan na nakasanayan, ngayon ay tahimik lang kaming kumakain na dalawa. Na maski ang mga kubyertos namin ay natatakot gumawa ng ingay.

Nagtatama ang mga paningin naming dalawa pero ako lang din ang kaagad na umiiwas.

Siguro kasi hindi ko pa talaga kayang tuluyang lunukin lahat ng nangyayari sa aming dalawa.

"Tapos na ako," wika ko nang maubos na ang pagkain ko.

Ramdam kong alam niyang may tensyon pa rin sa pagitan namin kaya kahit ayokong iwanan siyang kumakain pa rin ay nagpaalam na lang ako dahil hindi ko kayang magpanggap na ayos lang ang lahat.

Tinalikuran ko na siya at nilapag ang plato sa lababo. "Ako na lang ang maghuhugas," sabi ko pa.

Naisip kong manood na lang ng TV habang hinihintay siyang matapos sa pagkain nang hilahin niya ako paupo sa hita niya.

Bumilis ang tibok ng puso ko ngunit hindi ko naman sinubukang kumawala. Hinayaan ko lang din siyang sumubsob sa leeg ko at yakapin ako nang mahigpit.

Mayroon kasing parte pa rin sa pagkatao ko ang gustong mangyari sa aming dalawa ito—ang magkaayos kami. Pero dahil magkasabay kaming nag-mature, sabay na rin kaming tumaas pa lalo ang pride.

Hindi naman kasi umaabot sa ganito yung away namin eh. Ngayon na lang ulit.

Para tuloy kaming bumalik sa college days.

"Ayokong iwanan mo ako. Mahal kita, hindi kita iiwanan," aniya at nagsimula nang humikbi sa balikat ko. "Ayokong mawawala na lang lahat ng hirap at pasakit ko, yung mga sakripisyo ko para makuha ka, ayokong maging worthless lahat yun kaya please. . .please don't make me leave you."

"Hindi naman magiging worthless yun kasi naging sayo ako, naangkin mo nang buo. Nagawa mo akong ikulong sayo," mahinahong wika ko.

Alam kong hindi siya pinatulog ng mga bagay na pinag-awayan namin noong nakaraan. Ako rin naman. Kaya hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin yung sakit na nararamdaman ko noong nagtalo kami.

Humigpit ang yakap niya sa akin. "Ayoko pa rin kitang bitiwan. Gusto kong tayo pa rin hanggang sa huli."

"Gusto ko rin naman. Pero anong magagawa ko kung hindi tayo para sa isa't isa?" pilit kong pinatapang ang boses ko. Alam kong bumibitiw na ako sa pagkakataong ito para matapos na ang lahat. "Mas okay na yung ako yung masaktan kaysa ikaw."

"Mas masasaktan ako pag iniwan kita, Krystal. Kasi hinayaan kong mawala yung pinaghirapan ko nang todo," sabi niya sabay halik sa tainga ko. "Magiging tayo pa rin naman, 'di ba? Kahit yung titulong live in, hindi na rin ako mapakali kasi gusto kong akin ka na nang buong-buo."

Tiningnan ko siya sa mga mata nang halikan naman niya ang kamay ko.

"Magpakasal na tayo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top