Eight

Napilitang pumasok sa booth sina Muel at Erin. Tinatanaw lang sila ni Neriza sa di kalayuan at hindi na sila pwedeng umatras pa sa game na iyon. Kunwariang kasal ang ginagawa sa marriage booth at kahit awkward, napagkasunduan nilang dalawa na sakyan na lang ang trip ni Neriza dahil ito naman ang nagbayad para sa booth.

Pagkatapos ng maikling seremonyas ng fake wedding counselor, itinaas na ni Muel ang belong ipinatong sa ulo ni Erin. 

“Uy, sorry talaga huh? Pagsasabihan ko mamaya si Neriza,” bulong pa ni Erin at inismiran lang siya ni Muel.

“You may now kiss the bride.”

Nagulantang silang pareho sa sinabi ng nagkakasal. “As in kiss ba dapat? Hindi ba pwedeng huwag na lang? Dapat walang gano'n,” usisa ni Erin.

“Okay lang naman kahit sa cheeks lang,” tugon ng nagkakasal sa booth.

Lalong napangiwi si Erin. “Takbo na lang kaya tayo?”

“Okay lang sa'kin.” Tipid na ngumiti si Muel at madaliang paghalik sa pisngi ang ginawa niya kay Erin. Naramdaman ni Erin na sumayad ang bibig nito. Malambot iyon at parang nagdulot pa ng kakaibang kilig sa kanya at hindi siya nakahuma kaagad.

Nagtilian ang mga nakasaksi sa fake wedding na iyon. Napayuko lang si Erin at akmang aalis na sana pero hinarangan na naman siya ng isa sa mga tagabantay. “Picture muna kayo, para may souvenir ang bagong kasal.”

“Hala kahit wag na—”

Pinagdikit silang dalawa at inutusan pa si Erin ng photographer na ilingkis ang braso niya sa braso ni Muel. Pareho silang walang nagawa kundi sumunod na lang at kapwa pilit ang mga ngiti nila sa picture.

****

“Uy sorry talaga huh? Dapat pala mas maaga na lang tayong umuwi kanina, na-corner tuloy tayo sa booth.” Si Erin na ang bumasag sa katahimikan nilang dalawa habang naglalakad pauwi sa kanilang lugar. 

Umiling si Muel. “Kailangan mong bumawi. Hindi naman ako tumatanggap ng sorry.”

“Ano bang gusto mo?”

“Gusto kong pumunta sa inyo.” Napatikhim si Muel.

“Naku, pangit sa bahay namin. Makalat at baka hindi mo magustuhan,” pagtatapat ni Erin sabay kamot sa ulo.

“Unfair ka. Nakakapasok ka nga sa bahay ko tapos ako hindi pwede? Saka makalat din naman ang bahay ko ah,” nagtatampong pakli naman ni Muel.

“Sige na nga. Ninenrebyos ako. Hindi pa ako nagpapapunta ng lalaking classmate sa bahay namin.” Bumuntong-hininga si Erin. Saka lang siya ngumiti nang mapansin niyang sa ibang direksyon nakatingin si Muel.

Ewan ba niya, ayaw niyang mag-assume na may espesyal ding pagtingin sa kanya ang binata pero hindi niya maiwasan dahil mabait ito sa kanya at kanina lang, hindi man lang ito nagalit sa marriage booth. Ngunit malabong mangyari iyon dahil may Cheska na si Muel. Kaya lang, hindi pa naman sila in official relationship.

“Bakit ka naman ninerbyosin? Hindi naman kita nililigawan.”

Kung pwede lang sumigaw sa sakit, baka nagawa na ni Erin. Mabuti na lang din at sinabi agad iyon ni Muel para hindi na siya mag-assume. Ngunit hindi niya alam kung saan nagmula ang kirot na naramdaman niya dahil sa sinabi nito. Bakit siya nasasaktan?

“In fairness, bagay sa'yo ang fake pink highlights sa buhok. Ganyan ba pumorma ang mga emo girl? Para kang sisiw na premyo sa palabunutan.” Sumilay ang ngiti sa labi ni Muel. Bigla na lang siyang nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na tuwa kapag inaasar niya si Erin lalo na't effective ang ginagawa niyang iyon.

“Inspired iyan kay Hayley Williams,” giit naman ni Erin at nag-hair flip pa.

“Mukha ba siyang sisiw?”

“Tse! Dapat kasi kung wala kang magandang sasabihin, huwag ka nang magsalita.” Sumimangot lang si Erin at inunahan sa paglalakad si Muel.

Past 5 pm na rin nang makarating sila sa bahay ni Erin. Nahihiyang pinatuloy niya muna si Muel sa maliit na living room. Pagkatapos ay namataan niya sa kusina ang nanay niya na abala sa pagluluto ng hapunan.

“Good evening ma,” aniya saka nagmano.

“May kasama po akong classmate,” nahihiyang dagdag niya saka alanganing ngumiti.

“Bakit naman ganyan ang itsura mo? Ano na naman ‘yang pinaglalagay mo sa buhok mo? Nagpakulay ka ba?” naaasiwang tanong ni Nanay Luz saka marahang hinawakan ang buhok ni Erin. Natanggal ang manipis na pink hair extension nito.

“Ah, fake lang pala. Buti naman.” Tipid na ngiti ang pinakawalan ni Nanay Luz. “Sino ba ‘yang kaibigan mo?”

“Si Muel po.” Napalunok bigla si Erin matapos banggitin ang pangalang Muel.

“Panlalaki ang pangalan niya ah.” Tumaas ang kilay ni Nanay Luz saka lumabas sa kusina at napailing siya dahil lalaki nga ang nasa living room na ginagala ang tingin sa sulok ng kanilang bahay.

“Good evening po,” magalang na bati ni Muel sa ginang. 

“Ano ka ng anak ko?” diretsahang tanong ni Nanay Luz.

“Classmate po ako ni Erin, Muel po ang pangalan ko,” sagot ni Muel.

“Alam ko pero hindi ka ba niya boyfriend?”

“Naku. Hindi po,” tanggi naman ni Muel.

“Makikikain po siya rito ma, taga dyan lang siya sa kabilang kanto pero medyo malayong kanto,” sabad naman ni Erin.

“Hindi kita kinakausap,” bwelta naman ni Nanay Luz. “Sakto ang dating ninyo, sige na kumain na kayo.”

Napatango si Muel at bahagyang sinulyapan si Erin. Halata kasi ang pagiging tense nito sa harap ni Nanay Luz. Habang abala si Nanay Luz sa paghahain ng hapunan, saka lang sila ulit nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap ulit.

“Bakit ka kinakabahan? Eh totoo naman, magkaklase lang tayo,” pabulong na tanong ni Muel.

“Si mama kasi, tamang hinala. Kita mo naman, tinanong niya agad kung boyfriend kita. Nakakahiya kaya yung ugali niyang ganyan,” paliwanag pa ni Erin.

“Inaalagaan ka lang niya. Obvious naman sa kanya,” ngiting sagot naman ni Muel.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top