CHAPTER TWENTY-ONE


Napa-double take si Mama nang makita niyang kasama kong umuwi ng bahay nang hapong iyon si Nathan. Umasim pa ang kanyang mukha nang lumapit ito sa kanya at nagmano. Kaagad niya akong hinila sa tabi.

"Ano'ng ginagawa niyan dito?" anas niya sa akin.

"B-binibisita kami."

Naningkit ang kanyang mga mata. Tila sinipat pa niya ang aking mukha. Hindi pa nakuntento ro'n. Hinawakan niya ang baba ko at binusisi ang magkabila kong pisngi pati leeg.

"Ma!" naiinis kong saway sa kanya sabay tabig sa kanyang kamay.

"Nag-anuhan na naman kayo, ano? Hay naku, Aalia! Gamitin mo naman ang utak mo kahit paminsan-minsan lang!"

Nanghilakbot ako sa narinig. Pinandilatan ko siya. Kinakabahang nilingon ko si Nathan kung narinig niya kami. Nakita kong tumitingin-tingin siya sa paligid. Napahawak ako sa dibdib. I was kind of relieved but at the back of my head an inner voice was telling me that he was just pretending to be not listening to us. Itong balahura kong ina kasi!

Binalikan ko si Nathan at pinaupo sa sofa habang kinukuha ko sa kuwarto si Neil. Nakahiga sila pareho ng Tita Elaine niya sa kama. Naghaharutan.

"Akin na muna si baby."

"Ate, nasabi ko pala kay Papa ang tungkol sa pinagbubuntis mo," salubong sa akin ni Elaine. Tila nag-aalala siya.

"Ba't mo naman sinabi? Hindi ba't kabilin-bilinan ko sa iyo na huwag mo akong pangunahan sa bagay na iyan?"

"Paanong hindi ko masabi? Kinausap aniya ako nang masinsinan. Nininerbiyos daw siya at hindi makatulog sa gabi sa kaiisip kung ano na ang sakit mo dahil palagi ka na lang daw niyang napapansing nahihilo at namumutla."

Sinimangutan ko pa rin si Elaine. Pero na-touched ako sa concern ni Papa sa akin.

"Tapos no'ng sinabi kong wala kang sakit---na buntis ka lang, nakahinga siya nang maluwag. Pero nang mag-sink iyon sa kanya, napamura nang malutong. Pareho sila ni Mama ng naisip. Akala nila nagpabuntis ka sa ibang lalaki. Ikaw kasi, e. Ba't ka naman nagsinungaling kay Mama na hindi kayo nagsisiping ni Kuya Nathan?"

Bigla akong nakaramdam ng pagkailang sa sinabi ni Elaine.

"Tumahimik ka na," bara ko sa kanya. Humagikhik lang ito.

Tinalikuran ko na siya't lumabas na ng kuwarto. Pagkakita ni Nathan sa aming dalawa ni Neil, kumislap ang kanyang mga mata. Tumayo siya agad at sinalubong kami. Kinuha niya si Neil sa akin at pinupog ng halik sa pisngi. Tumili naman nang tumili ang bata.

"Kita mo na? Neil is very happy when his dad is around. Mag-isip-isip ka. Huwag lang puro pride ang pairalin mo. Decide for both of you and not only for what's convenient for you."

Nakalapit na pala ang bruhang Elaine sa akin nang hindi ko namamalayan. Napasulyap ako sa kanya at sa mag-ama ko. Paminsan-minsan may sense ding kausap itong lokaret kong kapatid.

Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Naisip ko ang mga sinabi ni Elaine. I felt guilty. Tama nga naman siya. Nagdesisyon ako para lang sa sarili ko. Ni hindi ko binigyang puwang ang kapakanan ni Neil. Bukas makikipag-usap na ako nang maayos kay Nathan.

**********

Ramdam kong nagbago ang pakikitungo sa akin ng mga magulang ni Aalia. May mga pagkakataong pinaparinggan pa ako ng ama niya. Ano raw ba ang pakay ko sa anak nila? Gawing palahian? Kung alam n'yo lang...

"Have Aalia decided yet?" tanong ulit ni Mom nang tumawag sa akin nang araw na iyon. Ang tinutukoy nito ay ang pagbabalik ni Aalia sa UK. This time as my wife.

Napahinga ako nang malalim. Hindi ko alam kasi kung 'oo' na ba ang ibig sabihin ng mga sinabi niya sa akin noong isang araw. It was not clear to me. However, I just noticed we talked smoothly without her snapping at me like what she always did in the past.

"We kind of talked about it," sabi ko na lang kay Mom. Hindi malinaw ang sagot ko dahil hindi rin naman malinaw ang mga sinabi ng babaeng iyon. "Okay, Mom. I need to go. I'll call you when I have good news to tell you."

"Please take a lot of photos of Neil. We missed him," malungkot niyang sabi bago binaba ang telepono. Naawa ako kay Mom. Kailangan ko na talagang maayos ang gusot namin ni Aalia.

Pagdating ko sa kanila, nabigla ako sa nadatnan. May kausap silang hindi ko kilala. All out sa pakikinig sa lalaki ang lahat lalung-lalo na si Aalia kaya naintriga ako. Tumikhim ako para maramdaman nila ang presence ko. Kahit kasi nakatayo na kami ni Elaine, na siyang nagbukas ng front door for me, sa harapan nila, tila hindi pa rin nila kami napapansin.

Parang namalikmata si Aalia nang makita ako ro'n. Kaagad niya akong pinakilala sa bisita nila. Attorney Roman Angeles, Jr. Isang batikang abogado daw sa immigration-related concerns ang abogado.

Napakurap-kurap ang mga mata ko. Hindi ba ako nananaginip? Tama ba ang pagkakarinig ko? Isinantabi ko muna ang ibang iniisip at pinokus ko ang atensyon sa kasalukuyan. Natuwa ako nang mapagtanto na pumapayag na siyang sumama sa akin! Aalia is in it with me again!

"Pasensya na. Nagpumilit si Papa kasi---" anas niya na kaagad ko namang pinutol.

We both listened to the guy. He seemed brilliant. Kaiba sa nakuha naming abogada noon, mukhang mas malawak ang karanasan nito sa isyu ng immigration. The only thing I do not like about him is the fact that he is good-looking. At halos kasing edad lang namin siya.

Nakisali na rin ako sa usapan. Ako na ang nagpaliwanag ng naging problema sa una naming application. Natawa ito. Bakit daw ginawang big deal ang engagement noon ni Aalia kay Tom? May anak na raw kami kung kaya sana naging madali na ang lahat lalo pa't napatunayan ko naman na mayroon akong sapat na kakayahang pinansiyal para suportahan ang mag-ina ko.

"Kaya nga po, Attorney. Kasi ang babaeng iyon, may iba pong agenda, e," pasaring ni Aalia na kaagad namang sinaway ng mga magulang. Mabuti't tumahimik din siya agad. But I saw the look of confusion in the lawyer's eyes.

"Wala po, Attorney," kaila naman ni Aalia nang balingan siya ng abogado for more explanation. Napansin ko lang, napatingin ito nang matagal sa dibdib ng asawa ko. May kakaiba akong kutob sa kanya. Sa tuwing kakausapin niya si Aalia, tila naliligaw ang kanyang mga mata. I don't like this guy.

Pag-alis ng abogado, kinausap ko nang masinsinan si Aalia.

"Are you sure about this lawyer? I sensed something weird about him."

Nangunot ang noo ni Aalia.

"Anong weird? Okay naman siya, a. Mabait at magalang."

"Is that what you just noticed? Didn't you see how he looked at you?"

Pinaningkitan niya ako ng mata. Huwag ko raw itulad si Attorney Angeles sa higad na abogada ko. I scowled at her. Kailan niya ba makakalimutan ang namagitan noon sa amin ng abogada?

"I'm just saying what I've noticed. Who recommended him?"

Natampal ko ang noo nang malamang the same friend ng ama niya ang nagrekomenda sa abogadong iyon. Wala na akong tiwala agad. And true to what I felt the first time I met the guy, he showed his true colors the following week when he visited my wife in their house. Wala ang mga biyenan ko nang araw na iyon dahil dumalo ang mga ito sa isang religious gathering. Si Elaine naman ay gumala sa mall kasama ang mga kaibigan. Si Aalia lang at Neil ang nasa bahay. Buti na lang, naisipan kong dalawin sila nang araw na iyon. Nadatnan kong kayakap ng abogado si Aalia habang ito'y nagpupumiglas. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Binigyan ko kaagad ng sunud-sunod na uppercut ang hunghang.

"Fuck you!" mura niya sa akin. "Solohin mo ang asawa mo! Wala naman talaga akong balak na anuhin siya kung hindi siya nagpakita ng motibo! Hindi naman siya kagandahan para pag-interesan ng isang kagaya ko! Ang itim kaya niya!"

Lumagapak ang kamay ni Aalia sa pisngi ng nagulat na abogado. Napangiti ako. Nang sundan pa iyon ni Aalia ng isa pang sampal at tadyak, umawat na ako.

"Get out of here if you don't want me to call the police," sabi ko.

Galit siyang umalis ng bahay.

Nang wala na ang abogado, nagkatitigan kami ni Aalia. May nangilid na luha sa kanyang mga mata. Hinila ko siya't niyakap nang mahigpit.

"Ssshh. He doesn't know what he's saying. He's an idiot. You are very beautiful and I love your skin tone. It's sexy."

Tinulak niya ako nang bahagya at sinimangutan.

"Hindi ako insecure sa hitsura ko. Hindi iyon ang iniiyakan ko. Nabubwisit lang ako dahil nakadalawang abogado na tayo't puro palpak! Baka senyales na ito na hindi talaga ako para sa bansa ninyo." At humagulgol siya lalo.

"You're crazy to even think that."

Niyakap ko siya uli at hinagkan sa sentido.

**********

Galit na galit si Papa nang malaman ang nangyari sa amin ng abogado. Kokomprontahin daw niya ang kaibigang rumeto sa lalaking iyon sa kanya pero inawat ko na. Wala rin namang buting maidudulot iyon.

Si Nathan na lang ngayon ang naghanap ng magiging abogado namin. Nakakuha kami ng isang matino sa wakas. Rekomendado iyon ng Lolo Mando niya na pangalawang asawa raw ng Lola Alicia niya. At pagkatapos ng ilang linggong paghihintay, na-approved ang visa ko. Hindi ko maisalarawan ang naramdaman ng araw na iyon. Samu't saring emosyon ang bumalot sa aking katawan. Dahil abala sa sariling damdamin, hindi ko agad napansin ang aking mga magulang na nagpapahid ng luha sa isang tabi. May lungkot sa kanilang mga mata. Maging si Elaine ay larawan din ng labis na kalungkutan.

"Ano ba kayo? Akala ko ito ang gusto n'yo para sa akin? Sa amin ni Neil?"

"Masaya kami para sa iyo pero siyempre hindi mo maaalis sa amin ang maluha. Ibig kasing sabihin niyan, hindi na namin makakapiling ang apo namin."

"Ma, hindi naman ibang planeta ang UK. Siyempre bibisita pa rin kami rito ni Neil. Promise iyan." At niyakap ko silang dalawa ni Papa.

Dalawang araw lang ang pinalipas namin sa bahay ng mga magulang ko bago nagdesisyon si Nathan na bumiyahe na kaming tatlo patungong London.

**********

Kompleto ang buong pamilya ko sa Heathrow Airport nang sumundo sila sa amin. Nandoon si Mom, Dad, Elise, Jin, at ang anak nila at si Ali. Kahit noon lang pormal na nagkakilala sina Elise at Aalia, napansin kong tila nakagaanan nila agad ng loob ang isa't isa. Nagkompara kaagad sila ng umbok ng tiyan. Siyempre mas malaki sa kakambal ko dahil mas nauna ito ng halos dalawang buwan. Nang mapagtanto ni Mom na buntis din si Aalia, napasigaw ito sa kagalakan. Ngumiti lang si Dad sabay halik sa sentido ni Mom. Si Ali nama'y nagulat

"I thought you guys were sleeping separately?" natatawang biro na lang niya. "You're really awesome, big bro!" At tinapik-tapik niya ako sa balikat. Sinaway siya agad ni Mom at Elise.

"You're making Aalia uncomfortable!" sabi pa ni Elise sabay batok kay Ali.

Napatingin naman si Dad sa umbok ng tiyan ni Aalia. Hindi ito nagsalita. Hinila niya lang si Mom at naglakad silang magkahawak-kamay patungo sa pinag-iwanan nila ng sasakyan namin.

Ganoon din si Elise at Jin. Nilingon ko si Aalia. Hindi siya nakatingin sa akin. Busy siya kay Neil. Hahawakan ko rin sana ang kamay niya para sabay din kaming maglakad, pero nag-alangan ako nang makitang nakapokus siya sa ibang bagay.

"Tumawag si Emi-chan noong isang linggo kina Mom. Nangumusta sa iyo," kaswal na banggit sa akin ni Ali. Sinabi niya iyon sa Japanese kung kaya napasulyap sa amin si Aalia.

"Thanks," sabi ko na lang kay Ali na ikinangisi nito. Para saan raw ba ang 'thanks'. Nagja-Japanese pa rin ang loko-loko.

"You need help with Neil, Aalia?" lingon ko sa kanya. Kinakarga niya kasi ang bata. Nag-aalala na ako dahil baka mapaano siya. Buntis pa naman.

"You carry Neil," utos ko kay Ali habang tinutulak-tulak ang cart ng mga bagahe namin.

"It's all right. I can still carry Neil," tanggi naman ni Aalia agad. Hindi na namilit pa si Ali. Nagkuwento na naman ito tungkol kay Emi. No'ng nagkasalubong daw sila one time sa Westfield panay ang tanong nito tungkol sa akin. Nalungkot daw ito bigla nang malaman na nag-asawa na ako.

Si Emi kasi ang Haponesa na naging girlfriend ko noong nakatira pa kami sa Kyoto. Siya lang halos ang tumagal kong girlfriend. Karamihan kasi'y kung ilang linggo ko lang dinate at hiniwalayan agad. Inisip nga noon nila Dad na siya na ang makakatuluyan ko. Binalaan pa nila ako na mag-isip-isip nang mabuti dahil hindi pang-karaniwan ang pamilya ni Emi. Ang sabi kasi noon sa amin sa Kyoto konektado ang ama niya sa isang grupo ng Yakuza na siyang may hawak ng buong Kansai. Kaya kahit mabait raw si Emi at gusto ni Mom ang ugali, pag-isipan ko raw nang mabuti kung siya na ang ihaharap ko sa dambana. Natawa lang ako noon dahil kahit na swak na swak ang mga personalidad namin at nag-enjoy din naman ako sa kanya sa kama, I didn't see myself tied to her in matrimony. May iba akong hinahanap.

Napalingon uli ako kay Aalia. Pinagmamasdan ko habang naglalakad siyang kalung-kalong si Neil. May kung anong humaplos sa puso ko. Ngayon ko lubusang naintindihan kung bakit nakulangan ako noon kay Emi. Bago ko pa mamalayan, napangiti ako. Ali glanced at me with a weird look on his face. Nilingon din niya si Aalia at napailing-iling sa akin. Tapos ngumiti rin. Wala na kaming napag-usapan pa hanggang sa makarating sa parking lot.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top