Page 8
Story 8: The “Paubaya” inspired story.
©PMBOneShotStory (2020)
Nagsimula ang lahat sa isang simpleng jacket, ibinigay mo iyon sa akin at iyong pinasuot na siyang sinunod ko.
Nasa waiting shed tayo pareho, kapwa naghihintay ng sasakyan pauwi sa bahay ko. Nais mo akong ihatid noon pero tumanggi ako, ayokong abalahin ang tropa ng kuya ko.
Habang naghihintay ako kasama ka ay biglang bumuhos ang 'di inaasahang ulan. Malakas ang ulan at ang lamig. Kasabay ng pagtulo ng tubig na nanggagaling sa makulimlim na ulap ay ang paghampas ng hangin patagilid sa puwesto ko kung saan ako nakatayo ngayon.
At dahil ako'y payat at hindi naman mabigat, pakiramdam ko'y maitatanggay ako ng hangin dulot ng ulan.
Huminga ako nang malalim at sinilip ang ilang sasakyan,
Kailangan ko ng makasakay bago pa mas lumakas ang ulan.
"Bakit ba kasi nakalimutan kong magdala ng payong, tsh." mahinang reklamo ko sa aking sarili.
Ngunit nawala ang aking pag-aalala nang makita kitang may kinuha sa loob ng iyong bag. Isang kulay asul na payong.
"Oh," ani mo dahilan para mapatitig ako sa payong na ngayo'y inabot mo.
Dahan-dahan ay napasimpleng tingin ako sa mukha mo. Kapag tinanggap ko ang payong na alok mo, paano ka uuwi? Hindi naman pwedeng gamitin ko ang payong na bigay mo dahil lang sa kailangan ko ng payong.
"Ah, hindi na. Mas kailangan mo 'yan." kaya iyon, tumanggi ako.
"Pero sabi mo—" at dahil ika'y mapilit alam ko na ang nais mong sabihin.
"Ikaw ang naglalakad pauwi samantalang ako nasakay sa dyip kaya mas kailangan mo ng payong kaysa sa 'kin," paliwanag ko dahilan para hindi mo na ako pilitin.
Iniwas ko ang paningin sa iyo at ibinaling na lamang sa daan subalit nagulat ako nang bigla kong maramdaman ang paglagay mo ng jacket sa balikat ko.
Kunot noo akong napatitig sa 'yo. Anong trip mo sa buhay pati paborito mong jacket iyong ibinibigay?
"Malamig, isuot mo 'yan para kahit paano'y mainitan ka," payo mo nang hindi tumitingin sa akin.
Napatango na lang ako at sinunod ang sinabi mo, inisip ko na lang na mas matanda ka sa akin kaya malamang alam mo ang gagawin.
Sa sobrang traffic ay gabi na ako nakauwi noong araw na iyon.
At dahil ako'y nagpasaway, hindi tinanggap ang payong mong bigay. Nagkasakit ako nang tuluyan.
Isang linggo akong hindi pumasok kasi hindi kinaya ng katawan ko ang lagnat na natamo ko nang umuwi akong basang basa dahil sa lakas ng ulan noon.
Linggo ng hapon ay gumaling na ako at nagpasya na rin akong pumasok na kinabukasan.
Ngayon ay lunes na naman, tinanghali ako ng gising kaya pagkababa ko sa aming bahay ay puro sermon ni Mama ang aking narinig habang ako ay kumakain.
Nang matapos ay nag-ayos na ako ng aking sarili, tanghali naman kasi ang aming klase.
Sakto lang ang oras ko nang mapadpad ako sa aming paaralan. Sinalubong mo pa ako sa silid namin. Ngumiti ako sa 'yo habang naglalakad sa hallway palapit sa classroom namin.
Lumakad ka palapit sa akin, ngumiti at niyakap ako nang mahigpit dahilan para ako'y mamula, ginamit ang kamay ko para takpan ito upang hindi mo makita.
"Kuya," mahinang tawag ko at daglian kang napatingin sa gawi ko.
Ngumiti ka bago nagsalita, "Sinabi na ngang huwag mo na akong tatawaging kuya," sinserong saad mo na animo'y ayaw mo ng marinig ang salitang kuya sa bibig ko.
Tinawanan kita't sinabing, "Oo na, hindi na nga."
"Caloy na lang wala ng kuya, ha?" tumango ako bilang tugon, baka magalit ka pa 'pag hindi ako sumunod.
"Ay nga pala, kumusta ka na?"
"Okay lang naman ako," simpleng tugon ko sa tanong mo saka inayos ang bag kong nasa likod ko.
"Sabi ng kuya mo sa'kin nilagnat ka raw kaya isang linggo kang hindi nakapasok. Sabi ko naman kasi sa 'yo dapat tinanggap mo na lang 'yung payong na alok ko ayan tuloy nagkasakit ka pa," kuwento mo sa akin dahilan para hindi ako agad pumasok sa classroom namin.
"Ang daldal talaga ni Kuya, lagnat lang naman 'yon, e." Pigil ang ngiting komento ko sa sinabi mo sa 'kin.
"Kahit na, ang hirap kayang magkasakit." seryosong ani mo naman.
"Ah kuya, mamaya na lang nandyan na si Ma'am Flores, e." Biglang paalam ko sa 'yo at nagulat ako dahil sumama ang tingin mo sa 'kin.
"Oh, bakit ganiyan—"
"Wala na sabing kuya," seryosong usal mo na tinawanan ko lang.
"Tsh, oo na nga po. Kitakits na lang mamaya."
"Sige, aral well." Ngumiti muli ako sa 'yo saka agad pumasok sa loob ng classroom namin.
Ilang oras pa ang lumipas ay natapos na rin ang nakakapagod na araw.
"I deserve ice cream!" pag-eenganyo ko sa sarili ko pagkalabas ko sa silid-aralan namin at bahagya akong nagulat dahil bigla kang sumulpot sa harap ko.
"Tara, libre kita." Pinanliitan kita ng mata ko.
"Totoo?" paninigurado ko pa sa'yo at tumango ka lang biglang tugon.
Kaagad mo nga akong binilhan ng paborito kong flavor ng ice cream. Ang sarap talaga 'pag libre.
Habang ako ang kumakain, napansin ko nakatitig ka lang sa akin at dahil medyo nailang ako, naglakas loob akong magtanong sa 'yo.
"Anong mayroon?" pasimpleng tanong ko sa 'yo pero gano'n ka pa rin, titig na titig sa akin.
"Hoy!" sigaw ko at tumawa ka naman. Taka akong napatingin sa 'yo at iyon iniwas mo ang tingin mo sa akin.
"Hana," mahinang tawag mo sa ngalan ko.
"Po?"
"Nagkakausap pa rin ba kayo ni Krixa?" pasimpleng usisa mo sa akin. Napaiwas ako ng tingin.
"Oo naman, best friend ko 'yon, e. Madalas nga siyang bumisita sa bahay namin." pasimpleng kuwento ko na nginitian mo lang.
"Alam mong gusto ko siya, hindi ba?" Napalunok ako sa tinanong mo at saglit napatigil sa kinakain kong sorbetes.
Biglang bumigat ang pakiramdam ko sa simpleng tanong mo na iyon, hindi ko alam kung bakit siguro kasi alam ko sa sariling gusto kita ngunit hindi puwede.
Hindi pwedeng magustuhan ko ang tropa ng kuya kong may gusto sa kaibigan ko.
"A-ah, oo." wala sa sariling sagot ko sa iyo. Nakita kong ngumiti sa harap ko.
"Kung gayon, puwede mo ba akong tulungan? Gusto ko na kasing umamin sa kanya." Napaawang ang labi ko't hindi ako makagalaw ng maayos.
Pakiramdam ko'y ang init-init. Huminga ako nang malalim at pasimpleng tumingin sa itaas. Pakiramdam ko kasi tutulo ang tubig mula sa mata ko anumang oras.
"Ano bang klase ng tulong ang kailangan mo, Caloy?" tanong ko na pinipilit itago ang bigat sa pakiramdam ko.
At mula doo'y ikuwento mo nga ang mga balak mong gawin at ako naman itong si tangang nakikinig na nga at nagsasabi pa ng iba't ibang suhestiyon para mas mapaganda ang naiisip mong plano sa pag-amin sa taong gusto mo talaga.
Pagkahatid mo sa akin sa aming bahay ay nagpaalam na ako't agad na nagpunta sa kuwarto ko. Doon ay hinayaan kong lamunin ako ng lungkot na siyang palagi ko na lang kasama.
Kinabukasan ng araw na iyon, ramdam ko ang saya sa awra mo. Mula sa nakakabighani mong pormahan hanggang sa nakakahalimuyak mong pabango.
"Ayos ba?" nakangiti mong tanong na tinanguan ko lang.
"Sandali nga, umiyak ka ba kagabi?" Iniwas ko ang tingin ko sa iyo at dagliang pumasok sa classroom namin.
"Hana, may problema ba—"
"Krixa, manliligaw mo nandito na." blangkong saad ko dahilan para bitawan mo ang braso kong hinawakan mo para pigilan akong makapasok agad sa silid-aralan namin.
Dali-daling lumabas ng klase si Krixa at doo'y masaya kayong nag-usap. Nagsalampak ako ng earphone sa dalawa kong tainga saka ko tinungo ko ang ulo ko sa lamesang katapat ko lang. Hindi ko namalayang nakaidlip pala ako.
Ilang minuto pa ay ginising na ako ng kaibigan ko dahil oras na ng klase namin. Tinago ko agad ang cellphone at earphone ko sa bag.
"Hana, puwede ko pa naman siyang hindi sagutin kung—"
"Krixa, ayokong pag-usapan."
"Hana," mahinang tawag pa niya sa pangalan ko.
"Basta huwag mo lang siyang saktan, Krixa. Iyon lang hiling ko sa iyo," sinserong usal ko nang hindi tumitingin sa katabi ko na siyang matalik ko pang kaibigan.
Ilang linggo akong hindi naging maayos dahil sa inyo at sa mga araw na iyo'y tuluyan nga akong nagbago.
Nanlamig ako sa iyo at panay na ang pagtanggi ko mas lalo na kapag niyaya mo akong kumain sa labas para ilibre ako.
Huling libre mo sa 'kin umiyak ako kaya bakit pa ako lalabas kasama mo?
Nasaksihan ko ang bawat ngiti at pagtawa mo sa tuwing kayong dalawa'y nagkakasama sa kantina, kuwentuhan niyo'y para bang walang katapusan sa hagikgikan nitong biruan.
Isang araw ay tinawagan mo ako bigla at nagpatulong sa plano mo. Ngayong araw mo na pala gagawin iyon, ano?
Tinulungan nga kita, hinayaan ko ang sarili kong makinig sa 'yo kahit na labag sa loob ko'y narito ako ngayon sinamahan kang umamin sa kaibigan ko.
Mga rosas, tarpulin, kards, sulat, tsokolate pati mga teddy bear na siyang binili mo na ngayo'y inaayos ko na.
Ako ang nagsundo kay Krixa papunta sa iyo, tinakpan ko ang mga mata niya gamit ang panyo mo.
Dahan-dahan ay sinamahan ko siya palapit sa 'yo. Nakaporma ka, ang gwapo mong tingin mas lalo na't para bang abot langit ang ngiti mo nang makita siya.
At kung masaya ka sa piling niya, hindi ko na pipilit pa.
Iniwan ko si Krixa sa isang upuan, ako na rin ang nagtanggal ng takip niya sa kaniyang mata. Lumayo ako sa inyo't nakita kong nagsilapitan naman ang ilang mga estudyante palapit sa inyong dalawa.
"Krixa Mae Alcatel! I love you more than 3000 plus!" huling sigaw mo at nagpalakpakan ang mga tao.
"Ako ang kailangan mo, pero siya ang mahal mo," mahinang komento ko sa sarili ko saka umalis sa lugar kung saan naging opisyal ng naging kayo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top