Page 7


Story 7: Confession Letter
©PMBOneShotStory (2020)



“Paano mabubuo ang salitang tayo kung walang ikaw na gusto ko at ako na mahal mo?”

Kailan nga ba nagsimula itong ikaw at ako ay kusang pinagtagpo ng tadhana? Hindi ko na maalala.

Dati naisip ko, sana hindi na lang kita nakilala. Sana hindi ko hinayaan ang sarili kong mapalapit sa taong hindi naman makita ang aking halaga.

Naalala ko pa noon, parati akong nagtatago sa lilim ng isa sa mga punong naroon malapit sa tahanan namin.

Inaabangan ang paglabas mo sa pintuan ng inyong bahay. Nagbabaka-sakali akong makikita kita roon at hindi nga ako nagkamali, nakita nga kita.

Abot-langit ang ngiti ko nang masilayan na kita kasabay no’n ang pagningning ng ilang tala sa tabi ng iyong mukha. Ewan ko ba kung bakit ganito ang epekto mo, sa katulad kong may gusto na sa ‘yo.

Sa tuwing magkakausap tayo’y hindi ko maintindihan kung bakit nagkautal-utal ang labi ko sa tuwing ikaw ay nasa harapan ko na. Ako’y nanginginig at parang istatwa sa tuwing makikita ang ngiti mong kay ganda pati simple mong pagtawa ako’y nahahalina na.

Ilang araw na rin magmula nang malaman ko sa sarili kong nagkagusto ako sa ‘yo. Akalain mo ‘yon? Naisipan ko pang umamin sa ‘yo. Oo umamin ako pero hindi sa harapan mo.

Sumulat ako ng isang simpleng sulat para sa ‘yo, naglalaman ng mga salitang nais kong iparating sa iyo. Kinakabahan ako subalit hindi no’n napawi ang saya kong hindi ko itatanggi.

Saya dahil sa wakas, nagkaroon na rin ako ng pagkakataon upang maipaalam sa ‘yo nilalaman nitong aking damdamin. Umaasang baka may tiyansa pa na ikaw at ako ay maging salitang, tayo.

Nagpasuyo ako sa ilan nating mga kaibigan na malapit din naman sa ‘yo. Binigay nila ang sulat sa iyo, taka mong binuksan iyon at binasa ang laman. Sobrang kaba aking naramdaman nang makita kitang binasa na ‘yon ngunit nanlumo ako sa sunod mong ginawa.

Napaawang ang labi ko at hindi makagalaw sa pagkakatayo ko. Tama bang itapon ang sulat na binigay ko sa ‘yo? Ganoon ba kapangit ang sulat-kamay ko para hindi mo tanggapin ang sulat na gawa ko? May mali ba sa korning linyahan ko na hindi pasok sa gusto mo?

Masyado mo naman pinapamukha sa ‘kin na ni katiting wala ka talagang interes sa akin, na kahit kailan hindi magiging ako ‘yung taong magugustuhan mo.

Huminga ako nang malalim. Nagbabaka-sakaling mapakalma ko ang nanginginig kong buong katawan, subalit wala pang isang minuto’y tumulo na ang luha mula sa mapangahas kong mata.

Luha na hindi naman dapat tumulo, hindi ba? Pigil ang hikbing tiningnan kita. Masaya ka, na para bang wala kang sinaktan na iba. Gusto kong saktan sarili ko noong mga oras na iyon dahil sa katangahang ginawa ko.

Oo na, nasasaktan ako. Nasaktan ako dahil sa simpleng sulat na binigay ko’t tinapon mo, tinapakan at tuluyang binalewala na parang walang ako. Ako na may lihim na pagtingin sa ‘yo.

Hindi mo alam kung ilang araw ko binuo ang lakas ng loob ko para lang makaamin sa ‘yo. Hindi mo alam kung gaano ako nalito sa dami ng salitang nais kong sabihin sa iyo, hindi mo alam kung paano ako nahirapan kumuha ng mga tamang salita para sa isang pangungusap na gusto kong isulat para sa iyo.

Hindi mo alam kung gaano ako nahirapan matulog sa gabi kakaisip kung paano aamin sa ‘yo ‘tapos ganito pa ipapakita mo sa akin? Ang bait ko naman sa ‘yo pero bakit ganito ‘yong pinaramdam mo? Gano’n na ba ako kasama sa iyo para saktan mo ako nang ganito, ha?

Daglian akong pumasok sa bahay at sakto, walang tao p’wede akong umiyak. Kaya hinayaan ko ang sarili kong lumuha, umiyak nang umiyak na wala kang maririnig na kahit ano.

Luhang walang boses puro patak lang, luhang hindi mo maririnig tanging habol-hininga ko lang. Luhang kahit kailan hindi ko gustong ipakita sa iba, mas lalo na sa ‘yong manhid ka.

Gusto kong magtampo sa ‘yo ngunit batid kong kahit gawin ko iyon wala ka pa ring gagawin eh. Ni hindi mo nga ako tinuring na kaibigan kaya para saan pa?

Napapikit ako, napadasal na sana hindi ko na lang hiniling na dumating ang ‘gaya mong tao sa buhay ko. Ayaw ko na ulit masaktan nang ganito, pakiramdam ko kasi ikamamatay ko ‘yon dahil sa sobrang panghihina na naramdaman ko nang dahilan lang sa pesteng confession letter na ‘yan.

Hindi ko na iyon uulitin, wala na talagang susunod dahil ang ikaw at ako sa salitang tayo ay isa ng distansyang hindi na maaaring paikliin pa sapagkat sa nangyari sa akin, ako‘y nadala na.

Natakot na akong umamin sa taong magugustuhan ko pa. Ayoko na ulit manguna, umasa at mahulog sa taong hindi naman pala tama. Hindi ko na ulit ipipilit itong sarili ko sa mga taong hindi naman talaga ako gusto.

Tama na, ito na ang dulo. Hanggang dito na lang talaga, ang salitang tayo.



Sincerely yours,
First.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top