Page 4
Story #4: Enigma
©PMBOneShotStory (2021)
SAMPUNG ARAW.
May sampung araw pa ako para masabi ko ang mga bagay na gusto kong sambitin sa iyo, mga salitang matagal ng nakaimbak sa puso't isip ko. Ako'y aamin kahit na alanganin, sana'y pagbigyan itong aking simpleng dalangin.
Ika-unang araw, unang kabanata, unang talata.
Ako'y nahuling nakadungaw sa isang dalaga, kapwa tayong nag-aaral, nakikinig sa guro nating puro pangaral. Kinausap mo ko't iyon ang unang beses na boses ko'y gumaralgal.
Ako'y nagtaka dahil hindi naman iyon ang unang beses na nakausap kita. Sinta, puwede bang pasabi sa akin kung tama pa ba? Itong aking naiisip at nadarama. Simula kasi no'ng araw na iyon hindi ko na nakontrol, parating ikaw ang bukam-bibig at hindi na mawaglit sa bawat panaginip.
Ika-dalawang araw. Pangalawang beses, ika'y naging kasama't kagrupo pa. Sa ngalan ng ating asignatura, tayo ay pinag-isa. Nagkunwaring ‘tayo na’ pero sa loob-loob ko'y aminado akong aking seneryoso ang dulang dapat sana ay arte lamang. Kasalanan ko ba kung ako'y nadala lang ng aking nararamdaman?
Ikatlong araw. Ako'y nagpasya na kunin ang pagkakataon para sana'y maihayag ko ang nais ng damdamin. Ang tanging gusto, ako sana'y iyong mapansin. Kasalukuyang narito sa silid-aralan natin. Naghintay ako sa 'yo dahil iyon ang sinabi mo.
Isa, dalawa, tatlo. Hindi ko na mabilang kung ilang oras mo akong pinaghintay. Hindi ako nagalit o nainis sa iyo sapagkat batid kong may mabigat na dahilan kung bakit hindi mo ko sinipot noong araw na iyon.
Ika-apat na araw. Bumangon ako na may dala-dalang pag-asa sa puso. Puno ng ngiti ang aking labi, umaasang ika'y aking makakatabi. Pagkapasok sa paaralan, ikaw ay kaagad kong hinanap hanggang sa nahuli kitang ako ay iyong sinulyapan. Marahil, dito na talaga magsisimula ang kabanatang nais ko sanang isulat nang kasama ka.
Ikalimang araw. Habang tumatagal ako'y nahihirapan dahil sa nalalapit na wakas ng kuwentong nais ko pa sanang habaan.
Sa gitnang parte tayo magkatabing nakaupo at sa wakas, ang pag-asa sa puso ko na ikaw at ako'y magtatagpo rin ay dumating na. Salamat sa balang araw ko na ngayo'y natupad na.
Pasimple kitang sinusulatan habang ikaw, madalas kitang marinig na ako'y binubulungan. Ako'y natatawa na lamang sa gawi mong parang natataranta na minsan, kahit ako hindi ko na maiwasan na ika'y pakatitigan na lang.
I like your gaze, your shinning eyes. I love your long curly hair, your glossy lips and smile. Overall, I like and love all the things that you have, hoping that someday, you and I will be inlove.
Ika-anim na araw. Hindi sinasadyang nahuli kitang may ibang kasama. Masaya kayong dalawa, nakangiti ka't nakatawa pa sa kaniya. Ako nama'y parang timang na tinitigan pa kayong dalawa. Mapait akong napangiti noong tumingin ka sa 'king gawi. Nagpapanggap na ako'y nawiwili kahit na ako pa ay nanggagalaiti.
Lumayo ako. Iniwan ko kayo. Sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko hanggang sa makita ulit kita sa lugar kung saan madalas akong mapag-isa. Malungkot kang tumingin, mata ko'y sa iyo nabaling. Lumapit ka sa 'kin at sinabing, "I'm sorry."
Sa hindi ko malamang kadahilanan, ako'y nanghina na lamang. Sa simpleng salita mo lang, naging literal na marupok na lamang. Hindi makapagsalita, literal na naging estatwa dahil sa yakap mong umabot hanggang likuran, buhok mo'y aking hinawi't pinasadahan. Doon ko nasiguradong hindi na kita gusto, dahil gustung-gusto na kita. Hindi kita mahal, pero minahal kita nang sobra pa sa sobra.
Ika-pitong araw. Akala ko magiging masaya na ako dahil sa eksena nating dalawa no'ng nakaraang araw pero ako'y nagkamali. Ang akala kong ako ay pinili, iba pala ang tunay na nagmamay-ari. Hindi ako nakinig sa klase, nakatutok sa inyong dalawa ang buong atensyon ko, nagbabaka-sakaling ako'y lingunin mo.
Lumingon ka nga, subalit, ang iyong mga tingin ay hindi na nagniningning 'di tulad nang ikaw ay aking unang nakausap. Aking pinagmasdan ang mailap na ulap, nagtatanong kung anong klase ba ng pag-ibig itong aking nahanap.
Marahan akong tumingala, iniangat ang tingin upang 'di lumuha. Nasaktan ako nang malaman ko na 'yung taong dahilan ng bawat pagtawa mo'y siya lang pala at wala ng iba, kaya pala ako'y binalewala na.
Ika-walong araw. Pinilit kong lumaban sa nalalabing oras ko, konting panahon na lang ako'y tuluyan nang maglalaho.
Kaya Mahal? P'wede bang kahit sa konting oras na lang, kahit saglit lang iparamdam mo naman na hindi ako luhaan dahil ako'y pinili mo na.
Mahal, bakit ka gan'yan? Gusto kitang tanungin pero hindi ko magawa. Natatakot na baka ako'y iyong sampalin ng katotohanan na siya ang gusto mo't hindi ako na palaging naghihintay sa iyo.
Iparamdam mo naman sa 'kin na ako'y mahalaga, kahit ngayon lang. Kahit panandalian na lang ulit dahil kahit anong pilit ko'y hindi na ako ang higit.
Parang kailan lang, ang lapit natin sa isa't isa. Naroon ka't pareho tayong tumatawa. Nagkukuwentuhan tayo na para bang wala ng bukas na darating.
Nasaan na 'yong mga panahon na iyon? 'Yung niyakap mo ako't humingi ka ng tawad sa akin. 'Yung pagkislap sa mata mo no'ng ako'y iyong kausapin. 'Yung madalas na pagngiti mo na dati'y sa akin lang natatapat, baka p'wede pakibalik na lang.
Hindi ko mawari ang nais mong sabihin, pakiramdam ko'y taliwas ang sinasabi mo sa ikinikilos mo. Nais ko sanang iyong linawin ang namagitan sa atin. Aminin mo, ni kailanman ba, hindi ka ba nahulog sa 'kin? Sa bawat pagbato ko ng mga salitang nais kong ipaalam sa iyo ni kailan ba'y natunaw ko ang munti mong puso?
Ika-siyam na araw. Sobrang nanghihina na ako. Hindi ko na alam kung isusulat ko pa ba ito o kung kaya ko pa ba magsulat. Nawawalan na ako ng gana.
Kailangan pa ba ng kataga, mga salitang babagay sa naisusulat kong tula na kaya ko lang naman nagawa ay dahil gusto ko, sa iyo ko 'to maipadama.
May patutunguhan pa ba lahat ng aking akda, na kaya ko lang nailatha ay dahil sa kabanatang nais kong simulan na kasama ka subalit paano na iyon mangyayari kung wala ka na sa aking tabi? Ako'y paliwanagan mo naman, mahal kong binibini.
Sa simpleng dula-dulaan, naging tayo at mananatiling doon na lamang iyon. Alam kong nakalimot ka na sa pagsasama na mayroon tayong dalawa.
Sapagkat ngayon pa lang, sa mga mata mo pa lang ay kitang-kita ko na, na masaya ka sa tuwing kapiling ka niya habang ako na parating naghihintay sa iyo ay narito sa tambayan kung saan nabuo ang salitang ‘tayo.’
‘Tayo’ na binuo ng aking isipan na inukit pa ng aking puso. Nagbabaka-sakali pa rin ako na tayo'y muling magtagpo dahil kung mangyari man iyon paniguradong hindi na kita hahayaan pang tumakbo't lumayo.
You're like an enigma, who brings mystery to the word, us. Hoping that someday you'll recognized. The feelings that I had.
Ito na ang huling araw. Naroon ka, nakatitig sa akin. Hindi ko mawari iyong iniisip, subalit mata mo'y nangingiusap na para bang gusto mo ko, na mahal mo ako pero hindi. Pakiwari ko'y naaawa ka lang sa 'kin sa kalagayan kong 'di na naialis sa akin.
Mahal, sinta, binibini, pakatandaan mo sana na ako'y sumulat hindi lang para maipaalala sa 'yo ang nakaraan bagkus nais kong balikan mga araw na ika'y kasama ko pa't nakakakuwentuhan pa. Mga segundo, oras, araw at panahon na naging masaya ako kahit na pansamantala lamang.
Hinayaan kitang lumayo sa akin hanggang sa ako mismo ay tuluyan nang bumitaw, sinamahan kita hanggang sa dulo ngunit paulit-ulit iba ang iyong sinisigaw. Nailigtas ka niya samantalang ako, narito't naiwan mo sa ere na ni paalam ay hindi mo nasabi, ako'y nalungkot subalit noong dumaplis na ang ulap sa aking balat alam kong narito na ako, salamat sa iyo. . . munting anghel ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top