Page 3
Story #3: Vorrei Avere.
©PMBOneShotStory (2021)
ⓢ ⓘ ⓜ ⓤ ⓛ ⓐ
Una sa lahat ng pinakauna;
Sa unang sulyap, unang pagtingin.
HAMLET
A William Shakespeare's Book
Nag-umpisa ang lahat sa isang libro. Librong paborito kong basahin na paborito mo rin pala. Iyon ang unang beses na nagkita't nagkakilala kami ng isang binibini na para sa akin ay tunay na maganda.
Mula sa mahaba nitong buhok na hanggang baywang ang haba at mayroon kulay na itim, sa bilugan nitong mata na nagniningning sa takipsilim at sa mga labi nitong natural na kulay pula na talagang nakakaakit tingnan.
Akala ko mag-isa lang siyang pumunta sa bilihan ng mga libro subalit nagkamali ako.
"Miss, pwede po bang--" Nawala ako sa nais kong sabihin nang bigla ka niyang tawagin sa harapan ko.
Sino kaya siya sa buhay mo? Nobya ka kaya niya?
Lumingon ka sa kaniya't hindi mo na ako naalala. Ni pagsambit ng paalam sa akin ay hindi mo na rin nagawa. Hinayaan ko lang naman iyon total hindi pa naman kita lubusang kilala noon.
Sinilayan pa ulit kita, nagbabaka-sakaling ako'y lingunin pa ngunit hindi na. Tuluyan ka na ngang nawala at naglahong kasama niya.
Nagpatuloy ang buhay ko at habang ipinagpapatuloy ko ito nando'n ka. Naroon ka subalit hindi mo ko makita. Nakangiti ka't tumatawa pa sa harap niya.
Awtomatikong buntong-hininga ang aking ginawa no'ng muli kitang nakita, hindi lang isang beses, maraming beses na.
Minsan ba nararamdaman mong ako'y nahahalina sa iyo, sa simpleng galawan mo, sa simpleng paghawi mo sa iyong hibla ng maganda mong buhok at sa maamo mong mukha na hindi na matanggal pa sa isip ko.
Normal pa ba itong nararamdaman ko, sa isang katulad mo na ang turing lang sa akin ay isang estranghero? Normal pa bang nakangiti ako habang nakamasid sa iyo sa malayo?
Umuwi ako ng bahay, na pagod at hindi ko maigalaw ang aking mga katawan. Agad kong inihiga ang aking sarili sa kutson kong pinagtapi-tapi ng iba't ibang tela na hinabi pa ng aking pinakamamahal na ina.
Kahit gusto kong matulog no'ng araw na iyon ay hindi ko magawa. Tanging ikaw ang laman ng isip ko at hindi ko na alam kung paano pa ito tanggalin pa. Napapangiti na lamang ako habang nasa isip kita kaya minsan naiisip kong ako'y baliw na.
Oo, nababaliw na nga ako sa isang taong hindi ko pa naman talaga nakikilala.
Pinilit kong maging maayos ang buhay ko kahit na minsan nakikita pa rin kita sa tabi ng bahay naming maliit at kapag naglaro nga naman ang tadhana, kaklase pa pala kita ngayong taon.
Teka kaklase na kita!? Seryoso na ba ito?
Mahina kong kinausap ang aking sarili. "Ito na, ang pagkakataon kong ikaw ay makilala at para ako rin ay iyong makilala na." Lihim akong ngumiti sa isip ko saka ako nag-ayos ng uniporme ko, nakahanda ng pumasok sa eskuwela, umaasang ika'y muling makita.
Unang araw, ako'y nakadungaw sa bintana ng silid na may kumpiyansang makikita kita roon at hindi nga ako nagkamali.
Naroon ka habang kakuwentuhan mo sila, mga babaeng maiingay at may sari-sarili ring istorya. Nakangiti ka sa kanila't nakatawa. Kapag ako ba kinausap kita, ngingiti ka rin kaya o tatawa?
Binalewala ko ang tanong sa isip ko. Pumasok na ako sa loob at sa 'di sinasadyang pagkakataon. Ako ay iyong sinalubong, nakangiting nakatingin sa 'king tindig. Ako'y natunaw sa saglit mong pagtingin.
"Hi! Ako pala si Akinina Frette, Nina nalang hihiz." Masiglang sambit mo na iyo pang inabot ang isa mong kamay.
Napangiti ako't ikaw ay aking kinausap. "Limeour Comosei, L na lang kung nahihirapan kang bigkasin ang pangalan ko," tugon ko saka ako umupo sa upuan ko.
Wala pang isang minuto, agad kang tumabi sa akin. Ako tuloy ay natuliro sa gandang mayroon ngayon sa harapan ko. Oo binibini, ikaw nga iyon.
"Bago ka ba rito, transferee? Ngayon lang kasi kita nakita," isang tanong na naisipan mong sabihin sa akin, unang tanong na sinambit mo sa 'kin.
Tumango lamang ako sa iyo't sinabing, "Oo. Bago nga lang ako dito." Nais ko rin sanang sabihin sa 'yo na hindi ako transferee dahil ako'y huminto ng pag-aaral dahil sa hirap ng buhay at aking inuna aking pamilyang walang tatay.
Subalit sa isip ko, ako'y nagdalawang-isip na kung ito ba'y itutuloy ko pa ba. Kaso baka hindi ka naman interesado kaya minabuti ko na lang na huwag ng sabihin pa sa iyo.
"Sabi ko na, e. Tama hula ko. Alam mo ba, may sasabihin sana akong joke sa 'yo." Taka kitang tiningnan pero ngumiti ka lang.
Kung nakakatunaw lang talaga iyang tinginan mo na 'yan, pakiwari ko'y kandila na ko't wala ng natira upos ngayon.
"Ano?" Simpleng tanong ko na bahagyang tumitig pa sa iyong mga matang kay gandang pagmasdan.
"Bakit slow ang mabagal?" usisa mo sa akin na marahan mo pang inilapit ang iyong mukha sa aking mukha.
Gusto kitang isayaw ng mabagal,
Hawak kamay, pikit matang~
....ilang linya ng isang kanta na biglang sumagi sa isip ko dahil sa tanong mo.
At dahil sa ginawa mo, kaya ako tuloy ay wala sa sariling napaatras sapagkat hindi ko alam ang magagawa ko, pagdating kasi sa iyo ay nanghihina ako.
Bigla akong nakaramdam ng kiliti sa aking tiyan. Sandali, dapat ba kong kiligin sa tanong niya o doon sa paglapit niya ng mukha sa 'kin? O baka naman, dahil sa kantang naisip ko?
Binalewala ko ang mga tanong na namuo sa loob utak ko, minabuting ikaw na lang ang kausapin ko kaysa ang sarili kong hindi ko naman maintindihan. "Ha? Bakit?" kunot-noong tanong ko na lamang sa iyo at iyon na naman ang ngiti mo, binibini.
"Kasi hindi siya mabilis, mabagal nga ih." Tumawa ka sa harapan ko at kahit hindi ko maintindihan ay tumawa na rin ako. Hindi ko alam kung anong klaseng karera ba ang naidulot mo sa puso kong kalmado no'ng wala ka pa sa buhay ko.
Mas pinakiramdaman ko pa ang aking sarili at grabe, ganito pala ang epekto kapag kausap mo ang taong gusto mong kausap. Parang gusto mong patigilin na lamang ang oras para hindi na ito gumalaw pa at para na rin sa eksenang ayaw mo ng mawala pa sa pagitan ninyong dalawa.
Iniisip ko tuloy kung puwede bang ganito na lang kami palagi, ngunit isang malaking HINDI PUWEDE ang biglang tumanbad sa akin.
Dagliang nasira ang naisip ko nang may biglang umakbay sa iyo. Siya 'yung lalaking kasama mo noon, no'ng nasa bilihan tayo ng mga libro, ang lugar kung saan unang beses kitang nasilayan, unang beses na hindi na naulit pa.
Saglit nga, siya ba'y iyong n-nobyo?
Ako'y nautal sa naisip kong tanong. Waring kinakabahan sa posibleng kasagutan mo. Hindi ko ito napaghandaan sapagkat ang tanging alam ko lamang ay nais kitang masilayan, makipagkaibigan at kung maaari ako'y mapalapit kahit sa iyo lang.
Hindi ko na alam kung tama pa ba itong nadarama pagdating kasi sa iyo ako'y humahalukipkip na.
Hindi ako makapagsalita dahil sa nakita ko. "Ito na ang simula ng inaasahang kong kuwento nating dalawa na tayo sana ang bida kung walang siya sa buhay mong kay ganda, binibini kong sinisinta na pagmamay-ari na ng iba." Mapait akong napangiti sa nasabi ng isip ko.
Sino nga ba kasi siya?
ⓚⓐⓣⓐⓦⓐⓝ
Dalawang beses mong pinangiti;
Ngunit nasaktan ng dahil sa isang balita.
"Sino siya? Bago nating kaklase?" Takang tanong ng lalaking umakbay sa 'yo. Medyo nagulat pa nga ako dahil bigla ka pang tumingin sa aking gawi bago ka nagdesisyon na siya ay tuluyan mong harapin.
Bakit pakiramdam ko nasasaktan ako at para bang nanghihina ang katawan ko? Bakit parang saglit yatang napaluha ang puso ko? Naiinis ako at nasasaktan sa nakikita ko pero sino ba ako?
Bagong kamag-aral mo lang naman na baguhan lamang sa pinapasukan mong eskuwelahan.
Hindi ko na narinig pa ang sagot mo sa tanong na iyon, nagpatuloy na kasi kayo sa inyong mga silya sapagkat narito na ang guro natin para sa una naming asignatura.
Ilang oras na ang lumipas, tapos na ang klase. Nakahanda na akong umalis para ako'y makauwi na agad sa bahay dahil may trabaho pang naghihintay sa akin na kailangan ko pang puntahan.
Habang ako'y naglalakad papunta sa pinakapintuan ng aming paaralan, nagulat ako sa biglaang pagsulpot mo sa tabi ko. Huminto ako sa paglalakad at kinausap ka.
"Anong ginagawa mo?" Kalmado munit may pagtatakang tanong ko sa iyo na tumitig pa muli sa dalawa mong matang nakakapang-akit.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ganito ang tanong ko. Siguro kasi, nagtataka lamang ako kung bakit niya sinisilip 'yung mukha kong nakayuko habang naglalakad kanina.
"Nagpapapansin sa 'yo? Hehe." Bahagya kang ngumiti sa 'kin na labas pa ang iyong mapuputing mga ngipin.
Teka. . . tama ba 'yung narinig ko? Nagpapapansin siya sa 'kin? E, kahit hindi mo naman gawin iyon e mapapansin pa rin kita, aking sinta.
"Ha, bakit? Hindi ba't kayo ni—" Magsasalita pa sana ako subalit hindi ko na naituloy pa dahil may biglang tumawag sa ngalan mo.
Bakit ba palagi na lang may pumuputol sa pagsasalita ko kapag kausap kita? Medyo nakakainis na ha.
"Nina!" sigaw ng isang lalaki na kapareho ko ng tangkad, chinito't may kaputian ang kulay ng balat at sa hinula ko'y hindi siya purong pinoy.
Huminga ako ng malalim, siya na naman?!
Bakit ba parang iniiwasan ako ng lalaking 'to na kausapin ang babaeng gusto ko ha?
Siguro nga sila, siguro nga kayo.
Nalungkot ako sa naisip ko ngunit nakabawi rin dahil sa pahabol mong sinabi. "Ay sorry. Siguro next time na lang kita sasabayan ng pag-uwi, ano? Nakikita kasi kita sa bahay namin. Feeling ko nga kapitbahay lang kita, e. Sige na. Sa susunod na lang, ah? May pupuntahan pa pala kasi kami."
Iyon ang unang beses na talagang nagpaalam ka pa sa 'kin at pangalawang beses na napangiti mo na naman ako. Grabe, hibang na yata ako.
At habang naglalakad ay hindi ko pa rin maiwasan ang hindi mapangiti sa tuwing maiisip ko na sa araw na ito halos buong maghapon kong kasama si Akinina, ang binibini na nais ko ay nakasama ko nang matagal sa araw na ito at sobrang saya lang sa pakiramdam.
Walang duda, gustung-gusto na nga kita, sinta.
At dahil sa nangyaring iyon. Ganado akong nagtrabaho at napansin iyon ng mga katrabaho ko hanggang sa makauwi ulit ako ng bahay at hanggang sa pagtulog ko, hindi ka nawala sa 'king isipan. Maganda mong larawan paulit-ulit kong binalik-balikan.
Bakit ka ba ganiyan? Nahuhulog na ako nang tuluyan.
Dumaan ang mga araw. Tuluyan mo na nga akong nakilala at nakilala na rin kita. Oo, ikaw si Akinina na mahilig sa mga pusa na ultimong pati si Hello kitty ay gusto mo rin pala. Kaya pala tuwing tumatawa ka, para ka ding si Naruto na may pagkalahing pusa sa tuwing ngumingiti ka.
Ngayon, nandito ako sa isang vending machine nagbabaka-sakaling makakuha ng paborito mong hello kitty at sa ika-isang daang beses ko ay nakuha ko na rin.
Nakangiti ko itong pinagmasdan. "Magugustuhan niya kaya?" mahinang bulong ko sa 'king isipan.
Sabado ngayon, papunta ako sa kanilang tahanan. Ako'y nagbigay ng galang sa kaniyang ina na siyang nagbukas sa akin ng kanilang pinto at malugod na tinanggap ako.
Nakangiting niyaya ako sa loob ng kanilang bahay na kung titingnan ay tunay ngang may karangyaan. Huminga ako nang malalim saka binuksan ang pinto ng iyong kuwarto at ako'y nagulantang sa nakita ko.
Pagkabukas ko kasi ng pinto, aking nasilayan dalawang tao na ngayon ay kapwa nakatayo't magkahawak ang mga kamay at hindi ko na kinaya pa ang sunod kong nakita.
Magkayakap kayong dalawa, hinalikan pa niya ang iyong noo at ang sakit, dahil nakita ko pa ito ng harap-harapan.
Para akong binuhusan ng tubig, napagtanto kong ikaw ay sa kaniya at tanging sa kaniya lamang.
Para akong pinakuan sa inyong sahig, hindi ko maigalaw aking kamay at paa.
Para akong timang na nakatitig pa rin sa inyong dalawa. Nagsisi akong ika'y aking pinuntahan pa. Ang tanging nagawa ko lang ay ang bitawan ang maliit na bagay na akala ko makapagpapasaya sa iyo pero hindi ko alam na dahil pala rito masasaktan ako nang todo.
Mapait akong ngumiti sa inyong dalawa no'ng bigla kayong tumingin sa gawi ko— at talagang sabay pa kayo?
Kaagad kang kumalas sa pagkakahawak niya, sa pagkakayakap niya sa iyo at mabilis mo kong pinuntahan ngunit bago ka pa man makalapit ako'y nakabalik na sa ulirat at agad na lumabas ng inyong malaking tahanan.
Tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makalayo ako't nakasiguradong wala ka na sa paningin ko.
Halu-halong emosyon ang nararamdaman ko ngayon. Inis, panlulumo, galit, lungkot at sakit. Bakit ba hindi ako tinantanan ng mga ganitong emosyon sa 'king dibdib?
Hindi tayo ngunit bakit pakiramdam ko, ako'y iyong niloko.
Bahagya kong kinamot ang buhok ko tsaka ko binatukan ng malakas ang ulo ko.
"Ang tanga-tanga! Bakit ba kasi ako pumunta pa roon!?" Gigil kong sermon sa sarili ko habang sinasaktan ko ito gamit ang sarili kong mga kamay.
Hindi ko na napigilan ang sarili kong mapaluha habang nakatitig ako sa damuhan na kasalukuyang tinatapakan ko. Isa lang ang alam ko, nasasaktan ako.
"Bakit? Bakit ka ba nahulog sa taong yun ha puso?!" nanghihinang paninisi ko sa dibdib ko. Marahan ko itong hinawakan at sinadyang paluin para ito'y saktan. Shit, hindi ito puwede.
Napapikit akong tumingala sa langit. Maaliwalas ito, purong puti na may halong asul ang kulay at ako'y humihiling na sana gano'n din ang maramdaman ko, kahit ngayon lang. Gusto kong umaliwalas nawa ang mukha ko't manumbalik na sa masayang “ako.”
Kung puwede lang sana, kung gano'n lang sana kadali ang lahat, e 'di sana ay nagawa ko na, bakit naman hindi. . . 'di ba?
Lumuha akong muli dahil bigla ko na namang naalala ang senaryong nakita ko kanina. Grabe, ang sakit talaga.
Kung ako ba siya, mapapansin mo.
Seryoso ba ito? Bakit may biglang nagpatugtog sa kalye kung nasaan ako ngayon at talagang akma pa sa sitwasyon ko. Tadhana, grabe ka talaga.
Ano ba ang meron siya, na wala ako.
At habang nakikinig ako sa kanta hindi ko naiwasang mapaisip. Oo, nilublob ko na naman ang sarili ko sa kadramahang walang hanggan na kahit kailan ay hindi na ako tinantanan pa.
Kung ako ba siya. . . mamahalin mo.
Mapait akong ngumiti sa huling linya ng kanta. Siguro. . . kung ako 'yung taong iyon, 'yung nakayakap mo kanina?
Siguro kung ako 'yung taong iyon na isang tawag ko lang sa pangalan mo ay agad na kong lalapitan, siguro kung ako 'yung taong iyon... mamahalin mo rin siguro ako.
Malungkot akong ngumiti sa naisip ko. "Oo siguro nga." Tila'y wala sa sariling pagsang-ayon ko sa bulong ng aking isipan, na kahit kailan ay hindi na ko pinatahimik dahil sa sari-sari nitong opinyon at kuwento na nais kong ibahagi pero pinipili kong hindi na lang, total wala naman akong mapagsasabihang nilalang.
Bumuntong-hininga ako. Nagdadalawang-isip kung uuwi na ba ako.
Pinalipas ko muna ang ilang oras. Tumayo na ko't hindi ko na alam kung saan ako papunta. Nagsimula na akong gumalaw palayo sa puwesto ko kanina at habang naglalakad ako, may nakita akong bilihan ng alak. Okay din ah.
Kanina kanta 'yung dumamay sa 'kin ngayon naman, alak? Alam ba ng langit ang kailangan ko kaya niya ba ito pinapakita ngayon sa 'kin?
Kahit nanghihina ako, naglakas-loob akong bumili ng alak. Iyong dalawang maliit na bote lang syempre, wala rin naman akong pera ngayon at sa makalawa pa ang sahod ko sa pinagtra-trabauhan ko. Kailangan ko pa ring tipirin ang sarili ko sapagkat hindi ko kakayanin kapag nawalan ng pagkain ang aking ina.
Nilagok ko iyon lahat, hindi alintana ang sakit na kasalukuyang kumikirot sa buong katawan ko dahil sa alak. Wala na kong pakialam kung ano na ang mangyayari sa 'kin, kinabukasan.
Mamamatay din naman ako kaya para saan pa, para gustuhin kong mabuhay? Sawa na rin naman ako na palagi na lang akong sawi sa buhay.
Una, iniwan kami ng tatay ko. Pangalawa, namatay ang bunsong babae na kapatid ko at ito na siguro 'yung pangatlo, minsan na lang ako tamaan ng ganito at sa gano'ng babae pa. Grabe, hindi ko na talaga kaya.
Nang matapos akong uminom ay agad na akong naglakad pauwi ng bahay. Paniguradong naghihintay na sa akin si Inay. Siya na lang ang mayroon ako ngayon at hindi ko na kakayanin pa kung pati siya ay mawala rin sa akin.
Naglakad ako at hindi ko alam kung bakit parang gumagalaw ang buong paligid ko, nakatayo lang ako pero parang lumilindol. Nahihilo ako. O baka may tama lang ako dahil sa alak na nilaklak ko kanina?
Bahagya kong ginulo ang ulo ko. Papasok na sana ako ng bahay no'ng may bigla akong maaninag na isang babae. Sandali, si Nina ba 'to? Ikaw nga ba ito?
Kinusot ko ang dalawang mata ko at itinutok sa 'yo ang paningin ko. Tinitigan kita at dahil sa ginawa kong iyon, biglang lumakas ang kabog ng dibdib ko. S-si Akinina nga.
Napaayos ako ng tindig at akmang hindi sana siya papansin no'ng bigla niya akong hawakan sa braso ko dahilan para mapatigil ako sa paglalakad.
"Ano bang kailangan mo ha? Doon ka nga," pagtataboy ko sa kaniya pero dahil may lahi siyang pagkamakulit, hindi niya ako sinunod.
"Saglit lang, L. Naglasing ka ba? 'Yung nakita mo kanina kasi..." aniya nang mapagtanto ang kilos ko.
Dapat ba akong matuwa dahil nandito siya o dahil sa biglang pagkausap sa akin?
"Kasi ano? Bakit? Ano bang nakita ko ah?" maangan kong tanong dahilan upang yumuko ka sa akin. Nalulungkot ako pero mas nangingibabaw 'yung sakit sa lungkot na nararamdaman ko ngayon dahil sa nakita ko.
"L, hindi 'yun. I mean, gusto kong ipaliwanag sa 'yo 'yung sa amin ni Vin, ano kasi—" Hindi ko na siya pinatapos magsalita. Hinalikan ko siya agad. Oo mali pero hindi ko na kasi mapigilan.
Oo na, iba talaga kapag may tama ka na ng alak sa katawan.
Marahan ko siyang hinalikan subalit no'ng ako'y natauhan ay kaagad ko rin itong binitawan.
"So-sorry," hindi makatinging usal ko saka ako pumasok sa loob ng bahay. Napalunok ako sa ginawa ko't napasapo sa aking noo.
Naiwan kita sa labas ng pintuan namin na tulala at hindi makapaniwala sa nagawa ko, kahit naman ako nagulat din. Nang mapagtanto ko ang ginawa ko sa iyo ay kaagad kong binatukan ang aking sarili bilang pambawi sa marahas kong asta sa iyo.
"Shit, kapag ikaw hindi ka niya pinansin sa pasukan, ay! Bahala ka na ah," mariing banta ko sa sarili ko tsaka ako huminga nang malalim at nagsimulang maligo na.
LUNES ng umaga.
Pasukan na naman at ako'y kinakabahan.
Hinanda ko na ang sarili ko na hindi ako papansinin ni Akinina ngunit nagkamali ako dahil sa hindi ko malamang kadahilanan ay bigla akong nakaramdam ng kaba, hindi lang basta basta kaba.
Saglit nga, bakit ako kinakabahan e, wala namang graded recitation ngayon? Siguro may mangyayari ngayong araw kaya ako kinakabahan nang ganito.
Binalewala ko na lamang ang aking naisip at saka ako nagdesisyon na pumasok na sa aming silid. Hanggang sa mag-uwian ay hindi na nga kami nag-usap pa ni Nina.
Nalulungkot tuloy ako subalit kasalanan ko rin naman iyon kaya dapat tanggapin ko.
Palabas na sana ako sa paaralang pinasukan ko nang biglang nasilayan ulit kita. Umiiyak ka sa harapan no'ng Vin na 'yun. Sa labis na pagtataka ko ay lumapit ako sa puwesto ninyo.
"Bakit ka naman niya papaiyakin e, 'di ba kasintahan mo siya?" tanong na biglang sumagi sa utak ko. Isang tanong na nais ko sanang sambitin sa 'yo. Hindi na ako nag-atubili pang tulungan si Akinina na siyang umiiyak ngayon.
"Anong ginagawa mo?" Kalmado munit seryosong saad ko na hinarangan pa sina Nina at Vin. Nasa likuran ko ngayon si Akinina, kasalukuyang nagpupunas ng kaniyang mga luha.
Bakit ba kasi umiiyak siya? Mas lalo tuloy akong nalulungkot.
Mariin kong tinitigan ang lalaki at gano'n din ito sa 'kin. Ano bang nasa isip nito? Bakit ka ba niya pinaiyak ha, munti kong Nina?
"Dito mo sabihin, Nina. Ngayon mo sabihin 'yung totoo ngayong nandito na siya sa harapan natin." Nangunot ang aking noo, napatingin sa gawi ni Nina na nasa likuran ko at sa lalaking nasa harapan ko ngayon.
Teka hindi ko maintindihan, wala akong naiintindihan. Ako ba tinutukoy ng gungong na 'to?
"Wala. May iba na akong gusto Vin."
Napaawang ang aking bibig sa iniusal niya. Tama ba ang narinig ko? May iba siyang gusto? Kung hindi ako at hindi itong si Vin? Sino naman ang napupusuan ng taong gusto ko?
ⓗ ⓤ ⓛ ⓘ
Hanggang dito lang;
Nagbago na ang lahat, ako pa rin ang luhaan.
"Wala. May iba na akong gusto Vin." Napatulala ako sa kanya. Seryoso ba? "Ano?!" sabay naming usal ni Vin. Lintek na 'to sinasabayan pa ako? Sinamaan ko siya ng tingin at gano'n din siya sa 'kin.
"Teka sino?" Sabay na naman kaming nagsalita. Gaya-gaya ba siya? Ako'y napipikon na, ah.
Iniwas ko ang tingin kay Vin. Bumaling ako kay Nina na kasalukuyang nakayuko ngayon. Aking hinawakan ang kaniyang baba para maiangat ang tingin nito sa 'kin saka ko dahan-dahang hinaplos ang magkabilang pisngi niya na natuyuan niya ng kaniyang luha.
Iniwas ni Nina ang kaniyang paningin sa akin, anong ibig sabihin—
"Ayoko munang sabihin ngayon. Basta wala sa inyong dalawa," paniniguradong aniya. Kaagad nanumbalik ang sakit sa puso ko. Kailangan ba talagang prangkahin kami ng babaeng ito?
Daglian kang tumakbo palayo sa amin at agad ka namang hinabol nitong Vin na ito. Hinayaan ko sila, hinayaan ko kayong dalawa na tumakbo palayo sa akin. Pakiramdam ko kasi hindi na naman ako makagalaw. Saglit akong naging paralisado dahil sa nalaman ko.
Marahan kong pinikit at dinilat ang dalawang mata ko. Huminga ako nang malalim nagbabaka-sakaling makabalik na ako sa aking ulirat.
Bagsak ang buo kong katawan na tinahak ang daan patungo sa aming lugar papunta sa munti naming tahanan at sa hindi ko inaasahan ay naroon ka na naman.
Bakit ba ang hilig-hilig mong abangan ako sa tapat ng bahay namin? Sandali, ako nga ba ang inaabangan mo o itong si Ina?
Nagtuluy-tuloy ako sa paglalakad ko hanggang sa napigilan na naman niya ako ng simpleng paghawak niya sa mga bisig ko.
Pinigilan ko ang emosyon ko bago ako nagpasyang lingunin siya. Grabe, may epekto pa rin pala siya sa akin kahit na tingnan ko lang siya sa mga mata niyang parang kay daming gustong sabihin parati.
"Boy best friend ko si Vin and I just want to say, thank you. Salamat kasi, agad kang pumunta kanina para harangan kami, kung hindi ka pumunta paniguradong hindi niya ako titigilan," malumanay mong kuwento na nagpasaya sa munti kong puso.
Kaibigan niya lang pala 'yung Vin na 'yon, e. Buong akala ko ay sila, hindi pala. Subalit kung matalik niya itong kaibigan e 'di mas may tiyansa pala na maging sila— ay hindi 'to puwede.
Pinigilan ko ang sarili ko na ngumiti dahil sa balitang natuklasan ko ngunit no'ng may naisip akong kontra ay nabura rin ang ngiti kong iyon.
"Bakit mo ito sinasabi sakin ngayon?" Blanko munit kalmado kong tanong. Nagpipigil na mahulog ulit ako sa mga tinginan mong sadyang nakakatunaw talaga.
"Ewan ko. Pakiramdam ko kasi dapat ko itong sabihin sa iyo. Pakiramdam ko kailangan kong ipaliwanag sa 'yo lahat kahit na walang kasiguraduhan kung paniniwalaan mo ko o hindi," direkta mong sabi dahilan upang hindi ako makatingin sa 'yo nang deretso.
"E, bakit—" Iyong pinutol ang nakaabang na aking linya. "L, hindi ko alam kung bakit pero gusto kong umamin sa 'yo."
Anong pag-amin naman kaya ang nais ng aking mahal— ah teka. Baka sila na no'ng kaibigan niyang lalaki?
Nanlumo ako bigla sa tanong na isinumete ng aking utak, ito'y mabilis na umepekto sa aking buong katawan. Nanghihina ako ngunit hindi ko pinahalata sa kaniya.
"U-umamin na?"
Ako'y natigilan, aking paghinga'y akin ring napigilan. Nautal na't sarili ay hindi mapigilan. Nais na katanungan, aking loob ay nilakasan, nais ko ring malaman damdamin mo'y kanino nakalaan.
Ako'y kinabahan nang tuluyan sa nais mong sabihin sa akin, nagdadalawang-isip kung ito ba'y dapat kong ikalungkot o ikasaya sapagkat binibini, hindi ko kakayanin na ikaw ay aking palalayain na.
Hindi ko matatanggap 'pag malaman kong kayo na ni Vin.
"Gu-gusto kita." ha?
Tama ba ang aking narinig? Ang taong gusto ko ay may gusto na rin sa akin?
"Gusto kita, simula pa no'ng una kitang nakita noong unang araw ng klase. Alam mo, na-love-at-first-sight yata ako sa iyo, e." Napangisi ka sa iyong nasabi at doon ay hindi ko na pinigilan ang sarili kong yakapin ka nang sobrang higpit.
Sa huli, napagtanto kong hindi lang pala ako ang nag-iisang nahulog sa bitag ng tadhanang mapaglaro, tayo ay pinagtagpo at ngayo'y naging mabuti na sa 'kin itong araw na ito dahil sa iyo ako'y ginanahan na mamuhay sa mapait ng mundo ng buhay.
"Pero teka, akala ko ba wala sa amin ni Vin ang taong gusto mo? Bakit mo naman sinabi 'yun?" Sunud-sunod kong tanong, ito na lang muli ang pagkakataon kong makapagtanong sa iyo.
"Para tigilan na ako ni Vin. Kinukulit niya kasi ako na may gusto ako sa 'yo at sa tuwing inaamin ko sa kaniyang wala hindi siya naniniwala hanggang sa tuluyan na nga akong nagkagusto sa iyo, mas lalo na noong..." Ako'y nagtaka sa biglaang pagtigil mo, ako ay nakukuryos na sa nais na sabihin mo.
"Noong?"
"Hi-hinalikan mo ko."
Awtomatikong napangiti ako sa iyong nasabi. Yumuko ka't iniwas ang tingin sa 'kin, siguro marahil, sa hiyang nararamdaman mo noong araw na iyon. Kaya hindi mo ako matitigan pabalik no'ng dapit-hapong iyon.
Mahirap umamin sa taong gusto mo pero masarap pa lang makarinig ng pag-amin galing mismo sa taong gusto mo.
"Sa maniwala ka man o hindi gusto rin kita." Napatingin siya sa akin, parehong lumaki ang bilugan niyang mata na ngayo'y nagniningning na.
"Talaga ba? E 'di..."
"Limeour! Lemiyor!"
Bahagya akong tumawa dahil sa biglang pag-eksena ni Inay. Hindi mo tuloy nasabi ang nais mong sabihin. Niyaya kitang pumasok sa loob ng bahay, naalala mo pa kaya? Ika'y sumunod sa akin, sa pagpasok hanggang sa aming salas.
"Ang ganda mo naman iha. Ikaw ba'y kaibigan nitong anak ko?" pabungad na salubong sa 'yo ni Ina dahilan upang ngitian ko kayong dalawa.
"Opo hehe." At tulad ng inaasahan ko, niyakap ka ni Ina. "Inay, pupunta lang po akong kuwarto." pasigaw kong paalam sa inay kong sa 'yo lamang nakatuon, hindi nawala sa iyo ang kaniyang atensyon.
"Samahan mo na siya doon iha." Narinig kong sambit ni Ina sa iyo na tinanguan mo munit ako'y nagtaka sa bigla mong pagtigil. Ang mata ko'y napako sa iyo. Oh aking binibini, bakit ika'y napatigil?
Kitang-kita ko kung paano ka magdalawang isip na sundan ako sa silid-tulugan ko kaya hinawakan ko ang kamay mong naging pasmado dahil sa sobra kaba na kasalukuyang nararamdaman mo.
"Wala akong gagawin sa 'yo." Tumawa ako saka kita siya inalalayan papunta sa kuwarto ko.
Daglian akong nagbihis pampalit at tulad mo pareho na tayong nakapambahay na damit.
"Nakita ko pala 'yung hello kitty na binitawan mo sa bahay namin, para sa akin ba iyon?" usal mo habang naaaliw ka sa kutsong kong inupuan mo. Bahagya tuloy akong natawa sa itsura mong parang batang natutuwa kapag may pom sa kama.
Naalala ko tuloy kapatid ko sa ugali mo, sinta.
"Oo. Galing iyon sa vending machine, isang daang beses ko atang sinubukang kunin 'yun, e. Susukuan ko na sana pero bumigay haha." Simpleng paliwanag ko sa 'yo saka ako umupo sa bangkitong nakapuwesto sa gilid ng kutson ko.
Tumingin ka sa 'kin at muling ngumiti, puso'y natunaw muli dahil sa iyong labis na pagngiti.
"Salamat ah. Paborito ko talaga si Hello Kitty." Ako ay bahagyang nagulat sapagkat agad mong inilabas ang maliit na manika mula sa iyong bulsa.
"Teka, kanina mo pa dala-dala 'yan?" Takang tanong ko na marahan pang tumabi sa pagkakaupo mo.
"Oo ang cute nga, eh." Nakangusong saad mo dahilan para mas matuwa ako.
"Salamat din kasi tinago mo." Hindi ko na napigilan ang sarili kong mapangiti muli sa iyo.
Ilang beses na kong ngumiti dahil sa 'yo sinta. Grabe pala talaga 'yung saya sa umpisa.
"May gusto pala akong itanong—"
Hindi na kita pinatapos magsalita. Hinalikan kita ngunit ito'y saglit lamang, hindi na pinaabot pa ng isang minutong lumipas, segundo lamang ang pinalipas.
Kaagad akong bumitaw sa halik na ibinigay ko sa labi mo at nagulat ako dahil nahila mo ako at sumaktong napahiga ako't napatong sa ibabaw mo. Habol-hininga, grabeng kontrol sa sarili aking ginawa. Sobrang lapit mo na, sobrang lapit na ng mukha natin sa isa't isa.
Bumilis ang pagtibok ng puso ko. Grabeng pagpipigil ang ginawa ko, babangon sana ako no'ng bigla mo akong hinalikan. Teka mahal, ba't parang ang bilis naman?
Hinayaan kitang gawin iyon pero hindi kita sinasabayan. Ayoko lang patagalin 'yung ganitong puwesto natin at isa pa, baka kutusan pa ako ng aking ina kapag nakita niya tayong ganito ang puwesto nating dal'wa.
Kaagad akong bumangon sa kutson. "Teka, ayaw mo ba?" Salubong ang dalawang kilay kong nakamasid sa iyo, sinsero kitang tiningnan. Seryoso ka ba sa gusto mong gawin, sinta?
"Hindi sa ayaw. Ayoko lang maging katulad ako ng tatay ko na binuntis ang nanay ko nang hindi pa ito kinakasal. Hayaan mong pakasalan muna kita bago natin gawin itong bagay na 'to," sinserong wika ko. Ngumiti ka sa akin at muling niyakap ako.
"Salamat, maraming salamat dahil nahulog ako sa taong kagaya mo." Huling linya na narinig ko mula sa iyo, rito nagsimula ang bagong mundo dahil sa pagkulay mo, at ang dating malungkot na mundo muling sumaya dahil sa pagdating mo.
Salamat, aking mahal.
...bukod-tanging binibini ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top