Page 21


Story 21: Promise: “Waiting” 
©PMBOneShotStory (2021)




"Ako si Hernia, nangangakong maghihintay sa 'yo maging tayo man o hindi sa dulo." Napangiti ako nang marinig sa 'yo ang mga katagang ito.

Sinong mag-aakalang ang babaeng nagugustuhan ko ay magsasabi pala ng ganito sa harapan ko ngayon?

Niyakap kita nang mahigpit, sobrang saya ko lang kasi ako na pala ang higit. Sa dami ng lalaking nagkagusto sa 'yo mapalad ako sapagkat may kasiguraduhan na akong mananatili ka lamang sa akin hanggang sa huli. Kaya mahal? Kapag ako'y nakabalik na pangakong hindi na ako lalayo pang muli.

Parati kitang dadalhan ng paborito mong pagkain. Siomai, hotdog, kwek-kwek, stick-o at kung ano-ano pa na madalas mong kainin.

Parati kitang aasarin sa tuwing makikita ko kung gaano ka kaseryosong tumitig sa akin. ang kulit mo lang magalit talaga na kahit rinding-rindi ka na ay tumatawa ka na lamang bigla.

Parati kitang sinasabayan sa paglalakad. Sa pagsundo at paghatid s aiyo ay pinipilit kong hindi pumalya noong mga panahong kasama pa kita. Naglakas-loob na ring magpakilala sa nanay at tatay mong nakatatakot talaga.

Ngunit isang araw, nagbago ka na lang bigla. Bakit ka nagkaganoon, sinta?

"Sino ang lalaking iyon, Hernia?" Tinitigan kita, mata sa mata subalit pinili mong umiwas at hindi ako tiningnan, sinta.

Yumuko ka bago nagsalita, "kaibigan ko lang siya."

Gustong kong maniwala sa 'yo. Nais kang paniwalaan ng puso kong nababaliw na sa iyo ngunit iba ang isinisigaw ng aking isipan. " Kaibigan? Pero kung makayakap sa iyo ay para bang—"

Huminto ako sa aking pagsasalita nang makita ko ang iyong mga mata. Walang kislap, walang kahit na anong emosyon at aaminin ko, nasaktan ako noong tiningnan mo ako gamit ang mga matang iyon.

"Isipin mo na ang gusto mong isipin," tugon mo dahilan upang mawalan ako ng tinig.

Gusto ko lang naman ng iyong paliwanag, binibini. Nais kong ipagtanggol mo ang sarili mo subalit bakit gano'n? Bakit bigla na lang nagbago ang ihip ng hangin sa pagitan nating dalawa na minsan na rin namang naging masaya hanggang sa humantong na nga tayo rito.

"Kami na."

Dalawang salita na nagpaguho ng aking makulay na mundo. Halos mabingi ako nang marinig ko iyon galing sa iyo. Hindi ko na naialis ang aking tingin sa screen ng aking laptop. Iniisip na baka nagbibiro ka lang sa sinabi mo ngunit ako'y nagkamali, kasi lahat ng sinabi mo patungkol sa kaniya, sa relasyon ninyong dalawa ay totoo at ako lang ang nagsasabi sa sarili ko na ilusyon lamang na magagawa mo rin akong iwan balang araw.

Pinakiusapan kita, binigyan ng pera. Pinasundo kita para puntahan ako sa bansa kung saan ako naninirahan sa kasalukuyan. Tinanggap mo iyon. Akala ko maayos pa natin 'to ngunit nagkamali ako.

"Hernia? Hindi ba't nangako ka? Nangako ka na ako ang hihintayin mo at hindi siya," garalgal kong sabi. Alam kong mali pero hindi ko masisi aking sarili na sa iyo'y magmakaawa. Pakiusap, huwag mo akong iwan sa ganitong paraan.

"Bakit siya at hindi ako?" wala sa wisyong tanong ko. Nakayuko sa harapan mo, nagpipigil ng luha dahil ayaw kong ipakita na nanghihina ako sa kasalukuyan mong ginagawa.

Marahan mong hinawakan ang kamay kong nakakapit sa braso mo. Inihiwalay mo iyon, tumitig ka sa akin, isang malungkot na tingin na hindi ko nais na makita. Huminga ka nang malalim bago nagsalita, "siya kasi ang nariyan at hindi ikaw."

Walang kahit na anong salita ang lumabas sa aking bibig. Hindi na muling nakapagsalita nang maayos sa harapan mo, sinta. Hanggang sa makabalik ako sa bansa kung saan tayo unang nagkita, nakatanggap ako ng isang mensahe mula sa 'yo. Isang mensaheng hindi ko na dapat pang binasa.

Bakit ka nariyan sa simbahan ngayon?

Nakasuot ng belo, purong puti na gown at may dala-dalang rosas na alam kong isa sa pinakapaborito mong bulaklak. Nakangiti habang nakatanaw sa akin– ay mali.

Hindi mo nga pala ako makita kasi napako na ang tingin mo sa kaniya. Kitang-kita ko kung paano nangilid ang iyong luha patungo sa lalaking minahal mo't minahal ka. Tinanggap ka nang buong-buo at gayundin siya sa iyo.

Habang ako? Narito, taimtim na nagmamasid sa simpleng pagdiriwang na ito. Isang saksi kung paano kayo nagkatagpo, nagsilbing tulay sa pag-iibigan ninyo.

Ilang minuto lang pa ay napaigtad ako sa puwesto ko nang bigla kang tumitig sa akin. Hindi ko alam kung anong nais mong iparating sa mga tingin na iyon ngunit imbis na lumapit sa inyo ay ngumiti ako. Isang ngiti ng isang dating kaibigan na iyong iniwan para sa lalaking iyong minamahal. Huminga ako nang malalim bago ako tuluyang naglaho sa paningin mo.







Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top