Page 19


Story 19: Maternal Bond 
©PMBOneShotStory (2021)
Entry for Writer's Home | May 22, 2021.





“Mommy! Gusto ko po no’n, hihi.”

Nakangiting itinuro ng batang babae ang isang barbie doll na naka-display sa loob nitong store kung saan ako nakatambay ngayon.

Nakita kong napabuntong-hininga naman ang isang ginang na siyang nakahawak ngayon sa kamay ng batang babae.

Umupo ito sa tapat ng bata bago ngumiti’t umiling sa harapan nito. “Anak, ang mahal niyan.”

Akala ko’y gagawa ng eksena ang bata ro’n pero hindi. Imbis na magmaktol o umiyak dahil ‘di nabili ang gusto niya’y ngumiti ito’t niyakap ang nanay niya.

At mula sa eksenang iyon, naalala kita.

“Lintek na batang ito, oo. Ang kulit mo talaga,” panenermon mo sa ‘kin nang bigla akong tumakbo palayo sa ‘yo, tinawanan pa kita kasi talagang hinabol mo pa ako roon.

Sa inis mo’y napabuntong-hininga ka na lamang nang dahil sa ginawa ko. Kahit na alam kong nairita kita, nagawa mo pa ring ngumiti sa harapan ko’t marahang hinawakan ang buhok ko.

“Levon, bata ka pa talaga.”

Hindi ko malaman kung anong gusto mong iparating sa mga salitang iyon at dahil nga sa ‘di ko siya maintindihan, binalewala ko na lang ‘yon.

Nagpatuloy tayo sa paglalakad hanggang sa may makita akong robot sa isang tindahan malapit sa palengke kung saan namili ka ng magiging ulam natin para sa maghapon.

Namangha ako sa nakita kong laruan kaya binitawan ko ang kamay mong nakahawak sa ‘kin. Patakbo akong lumapit sa tindahan na iyon at tinitigan ang robot na ‘yon.

Sa sobrang aliw ko sa pagtitig ko rito ay hindi ko namalayang nasa tabi na pala kita.

“Ayaw mo na ba kay batman?” Kunot ang noo mong tanong sa ‘kin.

Napaisip ako sandali kaya ‘di ako nakaimik pero nang malaman ko kung ano ang gusto ko’y tumango na rin ako kinalaunan.

“Opo, Ma! Bibilhan mo po ba ako nito?”

Nagniningning ang mga mata kong nagtanong sa ‘yo, umaasang tango rin ang isusukli mo pero sumimangot ka.

Umiling ka pa’t malungkot na tumingin sa ‘kin. Alam ko na ang ibig sabihin ng galaw mo na ‘yon kaya bago ka pa man nakapagsalita’y padabog akong naglakad palayo sa tindahan pati sa puwesto mo.

Muli mo akong hinabol at nakailang beses kang humingi ng tawad sa ‘kin.

Masyado akong nabulag sa kagustuhan ko kaya noong hindi mo ako pinagbigyan ay labis ang pagkadismayang naramdaman ko.

Kung kaya’t hanggang sa makarating na tayo ng bahay, hindi pa rin kita pinapansin. Dumeretso ako sa maliit kong kuwarto at doon hinayaan ang sarili kong umiyak.

Nagtatampo ako sa ‘yo dahil nangako kang bibilhan mo ako ng bagong laruan para sa nalalapit kong kaarawan pero bakit gano’n?

Pinapaasa mo lang ba ako, Ma?

At iyon na nga, dahil siguro sa pagtatampong ‘yon kaya naisipan mong magluto ng paborito kong ulam.

Hindi ko alam kung paano mo nagagawa ‘yon pero bilib ako sa ‘yo dahil ikaw lang ang nakakagawa no’n, ang pagtatampo na mayroon ako nawala dahil sa paborito kong ulam na niluto mo.

Ngumiti tayo sa isa’t isa at doo’y niyakap mo ako nang mahigpit saka mo binulong ang salitang, “mahal kita, ‘nak.”

Kumalas ka sa yakap saka ngumiti at hinalikan ang noo ko. Sa ‘di ko malamang dahilan, gumaan ang pakiramdam ko sa ginawa mo.

Mahal din po kita, Ma.

Lumipas ang mga araw, naging maayos ang samahan natin. Mas malapit ako sa ‘yo kaysa kay Papa na puro na lang trabaho ang inatupag. Mas marami tayong oras na magkasama parati sa bahay.

Sa tuwing may meeting, ikaw ang madalas pumunta. Sa tuwing kailangan ko ng kausap, nandyan ka, nakikinig at patuloy na makikinig sa walang katapusan kong kuwento.

Sa tuwing nahihirapan ako sa ilang subjects ko ay tinutulungan mo pa rin ako kahit na minsan ay ‘di mo rin alam kung anong tamang sagot.

Tinatawanan na lang natin ang isa’t isa kapag nagiging tama ang hula lang nating sagot.

Sa tuwing gagala ako kasama ang mga kaibigan ko, ikaw ‘yong nagpapaalala at madalas mag-alala para sa ‘kin...

At kahit na may mga oras na naiinis na ako sa ‘yo dahil parang nasobrahan ka sa kakapanood mo ng drama e ‘di ko namalayang inilalayo ko na pala ang sarili ko sa ‘yo.

Sa tuwing nanenermon ka, bumabanat ng mga salitang sa tingin ko dati ay ‘di ko naman kailangan, ay nagpapatuloy ka pa rin...

Hindi ka nagsawang umalalay sa ‘kin kahit na ramdam kong pagod ka na, lumalaban ka pa rin kasi sabi mo, “...para kasi sa ‘yo ‘to, anak. Hindi mo man maintindihan ngayon pero balang araw.”

Hanggang sa isang araw napagtanto kong lumalaki na ako’t tumatanda ka na rin. Hindi ko naisip na lilipas ka rin.

Napahinto ako sa pag-iisip ko nang maramdaman ko ang pamumuo ng tubig mula sa mata ko.

Ito na naman ako, Ma. Naalala po kasi kita.

Hindi ko kailanman nakalimutan ang mga salitang binitawan mo noon, “magpakatatag ka, anak. Tandaan mo na parati akong magmamahal sa ‘yo at sobrang proud ako sa ‘yo.”

“Ma, huwag mo akong iiwan.” Mahigpit ang kapit ko sa kamay mo, alam kong ito na ang oras pero ‘di ko matanggap, ayoko pa.

“Kahit na kunin ako ng langit, anak. Sisiguraduhin kong hanggang doon ay mararamdaman mo ang pagmamahal ko sa ‘yo.”

Ilang taon na rin, Ma. Grabe, sobrang miss na po kita. Hindi ko akalaing maalala kita dahil sa mag-ina kong nasa harapan ko ngayon.

Alam ko at sigurado po akong ikaw ang may dala sa dalawang babaeng ‘to sa buhay ko. Salamat dahil tinupad mo ang pangako mong mahalin ako kahit na nasa langit ka na.

“Daddy!”

Nabalik ako sa reyalidad nang tawagin ako ng isang batang babae, may bangs, hati ang buhok niyang parehong naka-ponytail ngayon.

Bibo pa itong lumapit at niyakap ako.

“Uwi na po tayo.” Niyakap ko siya pabalik saka ko siya kinarga.

“Saan pala tayo papunta, hon?” Huminga ako nang malalim bago tumingin sa passenger seat kung saan ngayon nakaupo ang isang simpleng babae.

Nakasalamin ito’t naka-ponytail din. Naka-floral dress ito’t pinares pa sa puti nitong rubber shoes.

“Ipakikilala ko lang kay Mama si Hevony.” Hindi na siya umimik pa’t ngumiti na lang siya sa ‘kin.

Nang makarating kami sa lugar na iyon ay hindi na ako nagulat pa kung bakit napatanong ang batang kasama namin.

“Ma...”

“Daddy, ito po ba si Lola?” Tumango lang ako sa kaniya bilang tugon ko sa naging tanong niya.

“Hi po, Lola! Ang ganda n’yo po pala.”

Sabay kaming natawa ng asawa ko dahil sa sinabi ni Hevony. Itong batang ‘to talaga.

Ilang oras pa kaming namalagi roon, natutuwa akong sa muling pagkakataon ay nakadalaw na ulit kami sa puntod ni Mama. Ngayon na lang ulit kami nakauwi rito sa Pilipinas at aminado naman akong nakaka-miss dito.

Mula noong nawala si Mama, inayos namin ni Papa ang relasyon namin. At pareho kaming nag-decide na magbagong buhay sa ibang bansa dahil isa na rin ito sa kahilingan ni Mama sa ‘min dati at pareho naming tinupad ni Papa iyon para sa kaniya. Dahil doo’y mas naging close kami ni Papa at nakilala ko pa itong mag-ina ko ngayon.

Tumingala ako para pagmasdan ang makulimlim na ulap hanggang sa may biglang dumapo sa ‘kin na isang paru-paro. Purong puti ito’t may kalakihan din ang pakpak niya.

Napabuntong-hininga ako. Kinausap ko iyon gamit ang isip ko, ‘maraming salamat sa pagmamahal, Mama.’











Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top