Page 11
Story 11: Alamat ng Punong Kahoy
©PMBOneShotStory (2020)
May 'di kilalang nayon sa isang malayong lugar. May sakahan, mga mambubukid, at iba't ibang mga puno't halaman pati bulaklak ang makikita roon.
Sa 'di kalayuan, makikita ang isang magandang dilag na kasalukuyang tahimik na nakaupo sa lilim ng isang puno habang nakamasid sa isang malawak na bukirin.
Hindi alam ng dalaga na habang siya ay abala sa pagmamasid sa bukid ay may binatilyong pasimpleng sumusulyap sa puwesto ng dalaga kung saan ito nakaupo.
Napansin ng ama ng binatilyo ang pasimpleng tingin ng kaniyang anak sa babaeng nakaupo ngayon sa isang matandang puno ng narra.
Tinawag ng isang matandang lalaki ang binatilyo "Nopu," tawag niya sa kaniyang anak na lalaki. Kaagad napatingin sa gawi ng kaniyang ama ang binata.
"Bakit po Itay?" aniya na marahan pang lumapit sa kaniyang ama na ngayo'y huminto sa pagsisibak ng kahoy.
"Nakita kong sumusimple ka ng tingin sa babaeng iyon." Napalunok ng laway ang binata sa direktang sabi ni Opun na siyang kan'yang ama.
"Nopu, anak. Hindi mo dapat siya tingnan nang gano'n." Seryosong wika ng ama ni Nopu, taka naman itong napatitig sa kaniyang ama.
"Paanong tingin po ba, Itay?" Maangang tanong pa ng binatilyo.
"Huwag mo siyang tingnan na parang gusto mo siya. Alam kong nagagandahan ka sa kaniya pero Nopu, mayaman sila—"
"At ang mahirap ay hindi para sa mayaman." Sinserong sambit ni Nopu. Napasimangot ito sa kaniyang nasabi.
"Patawad anak, maaari ka naman magkagusto ka iba. Huwag lang talaga sa mayaman dahil sinasabi ko sa iyo. Mahirap makibagay sa mga taong hindi mo kauri." Makabuluhang saad pa ng kan'yang ama na tinanguhan na lamang ni Nopu.
Niyaya na siya ng kaniyang ama na umuwi sa kanilang maliit na tahanan subalit bago pa man siya sumunod sa nakaalis na niyang ama sa bukid ay sinulyapan pa niya ulit ang babaeng gusto niya at nagulat ito dahil nakatingin din pala ito sa gawi niya.
Ilang minuto silang nagkatinginan hanggang sa biglang dumating ang nakatatandang kapatid ng babae. Naputol ang titigang iyon ng dalawa dahil sa pag-uwi ng dalaga. Dahil doo'y bagsak ang dalawang balikat ni Nopu na umuwi ng bahay nila.
Kinabukasan, maagang nagpunta sa bukid si Nopu at saktong pagkapunta niya ay nakita niyang nakaupo na sa isang upuan ang dalagang gusto niya. Lihim itong ngumiti saka nagpagpag ng damit niya.
Huminga nang malalim si Nopu at naglakas-loob na lapitan ang dalaga kahit na binalaan na siya ng kaniyang ama tungkol dito.
"Hi?" Nahihiyang bati ni Nopu sa dalaga. Ngumiti ang babae sa kaniya at sinabing, "Hi."
Saglit napatahimik si Nopu dahil sa ngiting iginawad sa kaniya ng dalaga. Para sa binata'y isa na ito sa pinakamagandang ngiti na nakita niya sa buong buhay niya.
"Maaari ko bang hingiin ang iyong ngalan?" Pasimpleng tanong ni Nopu sa babae.
"Hoyka, iyon ang pangalan ko. Ikaw?" Balik-tanong ng babae kay Nopu.
Ngumiti ang binata at sinabing, "Nopu."
Magkukuwentuhan pa sana silang dalawa kung hindi lang nakita ni Nopu ang paparating na niyang ama, si Opun. Kaagad nagpaalam si Nopu kay Hoyka na kailangan na siya sa bukid nila. Tumango lang ang dalaga bilang pagsang-ayon sa sinambit nito.
Ilang oras pa ang lumipas, palubog na ang araw at nagpasya ng umuwi ang ama ni Nopu. Nagpaalam naman ang binata na may gagawin pa siya para mahuli siya sa pag-uwi. Hinayaan naman siya ni Opun na gawin iyon at dahil sa pagod ay dumeretso na lamang ito sa kanilang munting tahanan.
Nagpaiwan nga ang binata sa bukid nila. At noong nakita nito na malayo na ang kaniyang ama ay lumapit si Nopu sa babaeng gusto niya na pa hanggang ngayon ay pasulput-sulpot pa rin sa upuan kung saan madalas ito nakaupo.
Magkausap silang dalawa at kapansin-pansin na parang nagkakapalagayang-loob na ang bawat isa.
Sa mga sumunod na araw, mas napalapit ang loob ng dalawa sa isa't isa. Madalas na nga silang pumupuslit upang magkita lamang sila at makapagkuwentuhan.
Lingid sa kaalaman nila, ang ama ni Hoyka na kasalukuyang Mayor sa kanilang lugar ay may 'di inaasahang problema.
Bigla na lang kasing nagsisulputan ang problema sa bigas o mas tinatawag na rice smuggling sa kanilang lugar kaya problemado ang Mayor sa kung paano ito solusyonan.
Isang araw, habang naglalakad ang Mayor sa sakahan nila Nopu. Nasaktuhan niyang nakita ang pagtanggap ng ama ni Nopu ng pera galing sa isang pormadong lalaki.
Inakala ng Mayor na may ilegal itong ginagawa kaya pinadampot niya ito at inilagay sa kanilang tagong basement na makikita rin naman sa kanilang baryo.
Pinahirapan nila ang ama ni Nopu dahil sa hindi pag-amin nito na sangkot siya sa rice smuggling.
Paulit-ulit sinasabi ng matanda na wala siyang alam doon at ang perang natanggap niya ay galing sa isang kilalang pamilya na nagkaroon ng utang na loob sa pamilya nila.
Ayaw paniwalaan ng Mayor ang naging paliwanag ng ama ni Nopu kaya imbis pakawalan at hayaang mabuhay, ang matanda ay walang habas na pinatay.
Walang kaalam-alam si Nopu sa karumal-dumal na pagpatay sa kaniyang ama. Pagkagising na lang niya'y nabalitaan na lamang niyang natagpuang patay ang ama niya sa ilog kung saan malapit ang bahay nila Nopu.
Halos hindi siya makagalaw nang makita niya ang walang buhay na katawan ng kaniyang ama na si Opun.
Ilang araw pa matapos malaman ni Nopu na wala na ang kaniyang magsasakang ama ay bigla siyang sinabihan ni Hoyka na ang sakahan naman nila ang punterya ng Mayor na gamitin upang lagyan ng gusali nila na gagawing opisina ng ilang opisyales sa ilalim ng pamamahala nito.
Ramdam ni Hoyka ang inis at galit sa aura na mayroon si Nopu pagkatapos niyang magsabi ng balita sa binata.
Ilang minuto pa ang lumipas, nahuli ng Mayor ang pagkikita ng dalawa. Kaagad niyang hinila palayo si Hoyka kay Nopu at walang anu-ano'y tinutukan ng baril ang binata.
"Sinong may sabing dapat kang makipag-usap sa mababang uri na 'gaya ng magsasakang ito?" Nakakainsultong parinig ng Mayor na ama ni Hoyka.
"At sinong may sabing papayag akong gamitin ang sakahan namin para sa ikayayaman ninyo." Maghalong inis at galit na sambit ni Nopu saka matalim na tumingin sa ama ni Hoyka.
"Bakit? Hindi ko naman kailangan ng permiso mo o ng tatay mong gumawa ng ilegal para—" Hindi naituloy ng Mayor ang dapat na sasabihin niya dahil sa suntok na kaagad ibinigay sa kaniya ng binata.
"Gusto kong galangin kayo kasi tatay kayo ni Hoyka at Mayor ka rito sa lugar namin pero hinding-hindi ako papayag na pati tatay kong inakusahan niyo lang naman ay madadamay pa ulit sa ganito!" nanggagalaiting usal ni Nopu na dinuro pa ang Mayor.
Ang walang magawang si Hoyka ay nasasaktan sa dalawang lalaki na importante sa kaniya. Hindi niya alam kung saan siya papanig, hindi niya alam kung sino sa kanila ang tama.
Dahil sa pandudurong ginawa ni Nopu, hindi nagdalawang-isip ang mayor na paputukan siya. Subalit hindi nito inaasahan na haharang ang kan'yang pinakamamahal na anak sa balang dapat sana ay kay Nopu tatama.
Napabitaw sa baril ang ama ni Hoyka at dahan-dahang lumapit sa bangkay ng anak na ngayon ay puno ng dugo ngunit bago pa man siya makalapit ay may nagpaputok ulit ng baril. Saktong tumama na ito kay Nopu. Parehong namatay ang dalawa.
Napagpasyahan pang sunugin ang kanilang mga bangkay at itapon na lang sa kung saan hanggang sa makalipas ang ilang taon, may nagbunga sa nagsilbing libingan ng dalawa.
Matipuno ito at mababakas ang pagiging matatag nito, may mga dahon at ilang sanga pa na nakapaligid sa tuktok nito.
Namangha ang mga taong nakakita nito at pinangalanan nila itong, nopu hoyka galing sa mga pangalan ng dalawang taong minsang nagmahalanan ngunit 'di hinayaan ng tadhanang malabanan ang dapat sa kanila'y katarungan.
Hindi naglaon ay napansin ng mga tao ang hubog ng katawan nito. Naisip nilang pagrambulin ang nga pangalan nito hanggang sa naging puno kahoy, na hindi naman nagtagal ay nakilala na sa tawag na punong kahoy.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top