Page 1
Story #1: Nang Dahil sa Pag-ibig.
©PMBOneShotStory (2019)
“Pa! Gusto ko po ng gadget ‘yung cellphone na uso po ngayon, iyong touchscreen ba. Gusto ko po ng gano’n Papa, baka p’wede namang mabigyan mo na ako sa birthday ko?” pasimpleng pangungulit ng nag-iisang anak na babae ni Mang Pedrick, kasalukuyan itong nag-aayos ng hapunan nilang mag-ama.
“Anak, ayaw kong mangako sa ‘yo pero susubukan kong may maibigay na regalo sa mismong kaarawan mo.” Maaliwalas ang mukhang tugon ng ama sa kan’yang anak at dahil dito’y nakaramdam ng tuwa at enganyo ang batang si Frelyn.
Sa isip pa nito’y; ‘yes! Magkaka-gadget na rin ako sa wakas!’
“Maraming salamat, Papa. Aasahan ko na po ‘yan ah?” Tumango na lamang si Mang Pedrick sa naging katanungan ng kaniyang anak.
Kinaumagahan ay masiglang bumangon at nag-ayos ng sarili si Frelyn dahil siguro sa excitement pa ring namumuo sa kan’yang dibdib sa tuwing maiisip niyang reregaluhan na siya ng kaniyang ama ng matagal na niyang hinihintay na bagay.
Napawi lamang ang mga ngiti na iyon ni Frelyn nang makapasok na siya sa kanyang silid-aralan dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari.
*SPLASH!
“Pfft—” Hagalpak na tawa ang ipinalabas ng buong klase.
“Tatanga-tanga kasi. . . para pang baliw na pangiti-ngiti hayan tuloy, nabuhusan ka.” natatawang sambit ng isa niyang kamag-aral na babae na parati na lang siyang pinag-tri-tripan, si Romine.
“Okay lang ‘yan atlis, nakalibreng ligo ka.” Pigil ang tawang gatong pa ng isa niyang kaklase na palaging nambubuyo rin sa kan’ya. Kaibigan ito ni Romine, siya si Clorine.
“Uso kasing tumingin ‘di ba?” usisa ni Romine habang nakataas ang isang kilay nito.
Samantala, habang nagtatawanan ang lahat biglang may sumingit sa usapan dahilan para matigilan sa pagtawa ang ilan.
“Hoy! Anong ginawa niyo sa bestfriend ko!? Sinong nagpaligo sa ‘yo? Sabihin mo,” saad ni Jycie, isang matalik na kaibigan ni Frelyn. Ang nag-iisang kakampi niya laban sa mata ng mga taong mapanghusga sa estado ng buhay niya.
Mariing tiningnan ni Jycie ang kabuuan ng kaibigan at ‘gaya ng inaasahan, napakuyom ang magkabilang kamay nito. Nagpipigil siya ng inis at galit. Hindi niya gustong makita ang ganitong eksena sa kaibigan niya.
Pinili ni Frelyn ang hindi umimik sa tinanong ng kaibigan dahil ayaw niya ng gulo samantalang si Jycie naman ay tiningnan lang siya na para bang hinihintay na sumagot siya.
Subalit, nang biglang makaramdam si Jycie na walang balak sumagot itong kaibigan niya ay tiningnan niya ‘yung dalawang tao na kasalukuyang nasa harapan ng kaibigan niya. Pinipigilan pa rin ng dalawang babae ang matawa.
“Kayo may gawa niyan ‘no?! Humanda kayo sa ‘kin,” banta ni Jycie sa dalawa kaya medyo napaayos ang mga ito.
Si Jycie kasi ang presidente sa klase at kaya niyang isumbong ang mga ito sa mga guro nila o kahit sa mismong adviser pa nila.
“Oy ‘wag, Jc!” Si Clorine, hinawakan pa nito ang braso ni Jycie dahilan para matigil siya sa akmang paglabas niya sa silid-aralan nila.
Blanko ang mukhang tinitigan ni Jycie ang grupo na ngayo’y nasa harapan ng kaibigan niya.
“Ito naman, hindi namin sinadya na buhusan siya. Bigla kasi siyang pumasok kaya hayan, nakaligo tuloy siya nang wala sa oras.” Mariing depensa pa ni Romine kay Jycie.
Napataas ang isang kilay ni Jycie sa narinig na paliwanag ni Romine, batid nitong tampulan ng tukso ang kaibigan niyang si Frelyn kaya may pagdududa sa loob niya’t alam niya ring ang pasimuno madalas sa pambubuyo ng mga kaklase niya sa kaibigan niya ay ang grupo ni Romine.
“Totoo ba ‘yon?” mahinahong tanong ng presidenteng si Jycie sa naligong kaibigan na si Frelyn. Tumango lang ito saka yumuko’t inayos ang kaniyang gamit sa kaniyang silya.
Naantala lang ang pag-uusap nila nang biglang may pumasok na guro. Nagtaka pa nga ito noong makita si Frelyn na basang-basa ang kaniyang suot na uniporme.
Ipinaalam muna ni Jycie ang nangyari sa guro nila bago ito nagpaalam na sasamahan niyang magpalit itong si Frelyn at pumayag naman ang guro nila.
Pagkapasok pa lang sa banyo ay inintriga na kaagad ni Jycie ang kaibigan niya.
“Alam kong pinag-trip-an ka na naman nila.” Seryosong panimula ni Jycie na tinukoy pa ang dalawang babae na kanina lang ay pinagtatawanan ang kaibigan niya.
“Hays. Ano pa nga bang bago?” Huminga nang malalim si Frelyn bago tumingin sa isang kuwadradong salamin na makikita sa unahan ng pinto ng banyo ng school nila.
“Hayaan mo na hindi naman nila ako na puruhan eh at isa pa, alam kong balang araw magsasawa rin ‘yan. Tingnan mo,” tugon pa ni Frelyn bago pumasok sa isa sa mga cubicle na nasa loob ng girl’s comfort room.
“Alam mo luma na ‘yang mga linyahan mo na magsasawa rin ‘yan. Duh? Frey. Bullies sila at hinahayaan mo na buyuin ka nila?” Hindi umimik si Frelyn, hinayaan niyang sermunan siya ng kaibigan niya.
“Puwes ako, hindi ako papayag na gano’n ang mangyari! Kaibigan kita, kaya ayokong nakikita kang ginaganito nila. Sobrang sakit kasi para sa akin kasi nga, kaibigan kita...” mariing ani pa ni Jycie.
“Sana naman, lumaban ka rin minsan ‘di ‘yung puro gan’yan na lang. Ang pananahimik madalas nakakabaliw alam mo ba ‘yun? Marami ng namatay dahil sa bully na ‘yan, hindi ka ba natatakot ha?” dagdag pa ni Jycie kay Frelyn. Pumunta pa ito sa katapat na cubicle kung saan nagbibihis ang kaibigan.
“Hindi, bakit naman ako matatakot? Okay lang na ako itong i-bully nila. Basta ba, ako lang ‘yong nilalait nila huwag lang ang Papa ko.” Bumuntong-hininga si Jycie sa naisagot ng kaibigan.
‘may punto naman siya,’ bulong pa ni Jycie sa kaniyang isipan.
“Jice, hindi ko kakayanin kapag nawala ang Papa ko sa ‘kin at mas lalong hindi ko kayang indahin lahat ng sinasabi nila sa kan’ya. Kaya mas maigi nang ako na lang ‘yung husgahan nila, pag-trip-an nila, huwag lang talaga siya. Mahal ko tatay ko, sobrang mahal na mahal.”
Napatango na lang si Jycie bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan. Alam kasi nito ang kuwento kung bakit tinutukso itong kaibigan niyang si Frelyn.
“Kung sana lang eh, may tatay rin ako kagaya mo, eh ‘di sana mas ramdam ko ‘yung sinabi mo.” Wala sa wisyong sambit ni Jycie na nagpalabas pa ng isang mapait na ngiti.
Lumabas mula sa gitnang cubicle si Frelyn at bago pa man niya inayos ang mga hinubaran niyang damit ay tiningnan niya muna ang mangiyak-ngiyak na mukha ng kan’yang nag-iisang kaibigan.
“Hoy, walang gan’yanan Jice. Sinong may sabing umiyak ka riyan?” Tila pinapangiting komento ni Frelyn sa malungkot na kaibigan.
“Woi! Sino, ako?! Hindi ako umiiyak ah,” depensa pa ng kaibigan nito. Ngumiti si Frelyn kay Jycie.
“Alam mo Jice. . . lahat naman tayo may tatay, kaso ‘tong sa ‘yo ayaw niya siguro talaga ng responsibilidad kaya hayon. . . lumayas sa inyo.” Yumuko si Jycie at ilang minuto pa’y narinig ni Frelyn na humihikbi na ito.
Lumapit siya’t niyakap niya ang kaibigan saka hinagod sa likod nito. “Gusto ko lang naman maramdamang may tatay kang masasandalan...”
“Shh,” ani Frelyn saka pinatahan si Jycie. “Okay lang ‘yan, Jice p’wede mo naman maging tatay si Papa ko, e. Gusto mo ba punta ka sa bahay mamaya? Bibisitahin natin bahay namin, hehe.”
Nakangiting paanyaya ni Frey na sinang-ayunan kaagad ni Jice. Kaya noong natapos na ang oras ng klase sa kanilang eskuwelahan ay sabay silang dalawa na umuwi.
SA KABILANG BANDA.
Si Mang Pedrick ay pauwi na galing sa trabaho niyang isang basurero at ang trabaho niyang ito ang dahilan kung bakit marami sa mga kaklase ni Frey ang nambubuyo sa kan’ya.
Ngunit, hindi ipinaalam ni Frelyn ang tungkol sa pambu-bully na ito sa kaniya sa eskuwelahan niya sapagkat ang parating sinasabi lang ni Frey sa kan’yang ama ay masaya siya sa paaralang pinapasukan niya ngayon, kaya kahit paano’y hindi ito dagdag problema sa ama niya.
Samantala, kasalukuyan ng naglalakad si Mang Pedrick patungo sa kanilang barung-barong nilang tahanan hanggang sa may madaanan siyang bilihan ng mga gamit, may mga gadgets ding nakahilera roon at doon niya naalala ang hinihiling ng kan’yang anak para sa nalalapit nitong kaarawan.
Tumingin-tingin siya ng mga cellphone na touch screen na maaari niyang ibigay sa kan’yang pinakamamahal niyang anak.
Ang naipon niyang pera ay nasa dalawang libo’t kalahati pa lamang. Ngayon, pinag-iisipan niya kung paano ito pagkakasyahin sa magiging pagkain nila mamayang hapunan at sa baon ng anak niya kinabukasan.
Dalawa na lang sila ng anak niya ang magkasama ngayon. Nakatira sila sa isang maliit na bahay na nakapuwesto sa ilalim ng tren. Iniwan ng kaniyang asawa si Mang Pedrick kaya naman todo asikaso siya sa kaisa-isang anak na iniwan rin ng asawa niya sa pangangalaga niya.
Mahal na mahal ni Pedrick ang anak niyang babae kaya lahat ng gusto nito sinusubukan niyang maibigay o kung ‘di man niya kayang ibigay, sasabihin niya ‘yon sa anak niya at ‘yung anak niya na mismo ang susubukang umintindi alang-ala sa ama niya.
Sa huli, nakapili na ng bibilhing cellphone si Pedrick. Ang cellphone ay nasa halagang 1,555 mahal man ngunit sa isip na lang niya’y alam niyang ikatutuwa ito ng anak niya pagkarating niya sa munti nilang tahanan.
Nakangiting binitbit ni Mang Pedrick ang binili niya hanggang sa...
“Akin na ‘yan,” bulong ng isang mamang lalaki na sa pakiwaki ng matanda ay isang adik.
“Huwag po, parang awa n’yo na po’t may naghihintay pa sa akin sa bahay...” nanghihinang usal pa nito.
May bahid ng lungkot ang pagpapaawa ng matandang si Mang Pedrick doon sa lalaki. Pinipilit pa nitong itago ang takot na bumabalot sa kan’ya ngayon, sapagkat kapag takot ang nanaig sa matanda’y paniguradong wala siyang maibibigay na kahit ano para sa anak niya sa araw na ‘to.
“Hindi mo ko madadaan sa paawa, matanda. Dali na ilabas mo na iyang cellphone na ‘yan at akin na itong pera na nasa bulsa mo.” Buo ang boses na utos ng mama sa matanda.
“Hindi!” Pinilit ni Mang Pedrick ang lumaban pero bago pa man niya mahawakan ang holdaper ay nasaksak na siya nito ng dala nitong patalim.
Tumakbo na ‘yung holdaper dahil sa dugong umagos sa tagiliran ng matanda. Kahit nahihirapan ay pinilit ni Mang Pedrick na umuwi sa kanilang bahay pero—
...tuluyan na siyang bumagsak sa pintuan ng kanilang tahanan, hinahabol ang sariling hininga saka ito ngumiti muli nang mapagtanto niyang hawak-hawak niya pa rin ang isang bagay na siguradong ikatutuwa ng kaniyang anak.
Wala pang isang oras ay nakapasok na ang dalawang dalagita sa pintuan ng bahay nila Frelyn at nagulantang sila sa kanilang nakita.
Nakabulagta sa harapan nila ang matanda, ama ni Frelyn. Nagawa pa nitong magsalita noong naramdaman ni Mang Pedrick ang paglapit sa kan’ya ng kaniyang anak. Ngumiti ito kay Jycie at sa anak na si Frelyn. Papikit-pikit na ang mga mata ni Mang Pedrick.
“Pa, Papa! Anong nangyari!? Huwag. . . please, Papa ‘w-wag kang pipikit,” toreteng saad ni Frelyn saka nanghihinang lumuhod pa sa harapan ng kaniyang ama.
Pinilit nitong palakasin ang loob niya kahit na ramdam nito ang pagbagsak ng buong katawan niya sa kasalukuyang itsura ng kaniyang ama, pinilit ni Frelyn na itago ang namumuong luha na malapit ng bumagsak mula sa dalawang mata nito.
“A-anak, cellphone m-mo...” Huminga nang malalim ang ama nito sabay sabing, “Anak, tandaan mong mahal na mahal ka ng Papa.” At sa huling mensaheng iyon ay tuluyan na ngang lumuha ang pinakamamahal na anak ni Mang Pedrick.
“Papa hindi! Ayoko...” Niyakap ni Frelyn ang katawan ng ama nito saka tinapik-tapik sa bandang pisngi nito. “Please naman po. Ayaw ko pong mawala ka. Papa naman, e!”
Sinamahan na lamang ni Jycie ang kaibigan na magdalamhati sa unang lalaki na mayroon si Frelyn. Ang lalaking kailanman ay hindi matutumbasan ng kahit na anong halaga.
Mahal kita, aking ama.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top