Chapter 3: Bought
"Injel, tapusin mo muna 'yang pagkain mo bago ka magsilpon-silpon diyan!" sermon ni Lola Marya.
Pairap akong sumubo nang sunod-sunod para manahimik na lang sila.
"Nasa harap ng pagkain, magsisilpon-silpon na puro na lang silpon! Umaga, silpon! Tanghali, silpon! Ilaga ko sa 'yo 'yang silpon mo, puro ka na lang gadjit-gadjit, di ka na maalis diyan sa gadjit mo na 'yan!"
"Kumakain na nga!" saway ko kay Lola Marya. "May ginagawa nga ako sa school! Para namang ano 'tong mga 'to. Kayo kaya mag-aral?"
Alam mo kung ano ang pinakaayaw kong parte ng manok?
Yung gagawa ako ng GC tapos isa lang ang magsi-seen.
Akala ba ni Lola Marya, nagpo-phone lang ako dahil trip ko lang?
Thursday na, putang ina, wala pa ring paramdam ang mga kagrupo ko.
Si Rion, seener lang 'tong poste na 'to, isa ring ayaw mag-reply. Active naman maghapon sina Johnrey pero ni hindi man lang makapag-seen sa GC.
Hindi na ako aasa kay Sydney, igat siya.
Wala pa rin kaming napag-uusapan tungkol sa recipe pero pasta nga raw ang sabi ni Ma'am Badilla. Sina Shantey, mamimili na bukas. O, paano naman kami ng grupo ko?
Kanina sa uni, sinubukan ko naman silang kausaping lahat para sana magplano na ng bibilhin bukas sa grocery.
"Kayo na bahala, magbabayad na lang ako," sabi ni Johnrey saka ni Zymon.
Missing in action si Sydney.
Ayokong kausapin si Rion at baka kuyugin ako ng fans niya.
Nakauwi na lang ako't lahat, wala pa ring nangyayari sa grupo namin.
HPC 1101 GC
Evangelle Heyrosa
@everyone ano na plano natin guys
Friday na bukas?
Wala ba talagang magrereply sa kahit sino sa inyo?
Wala pa tayo kahit isang nagagawa
Gusto nyo ba talagang makagraduate?
Seen by Rion Scott
Ayoko ng group work. Siguro isusumpa ko ang lahat ng existing form of group work hanggang sa kahuli-hulihang hininga ko sa mundo.
Buong Thursday akong nagmamakaawa sa mga kagrupo ko na magplano sila ng gagawin pero wala talaga. Ewan ko kung alam ba nila ang gagawin kasi maliban kay Rion, wala nang nagsi-seen kahit sino sa tatlo pa naming kagrupo.
Buwisit na buwisit talaga ako sa mga ganitong pagkakataon na kung allowed lang lumipat ng mga kagrupo, lilipat talaga ako.
Ni wala ngang gustong lumipat sa amin kahit pa kagrupo namin si Rion. Ultimo si Shantey na die-hard crush ng poste na 'to, ipinagpalit ang crush niya para sa grades!
Well, same. Kung ako rin naman, e.
Friday na at sinasabi ko na sa sarili kong ako na lang ang maglulutong mag-isa.
Nagkaklase kami sa SocSci 6 na ang ginagawa ko, naglilista na ng mga bibilhing ingredient mamaya pag-dismiss sa amin.
Umay na umay na 'ko sa mga inutil kong kagrupo na halatang pabuhat sa project.
Pasta raw ang lulutuin, sabi ni Ma'am Badilla. Gusto kong madali lang ang recipe, ang mahalaga, may output.
Busy ako sa pag-scan online ng iba't ibang recipe para sa carbonara. Feeling ko kasi, madali lang 'tong lutuin since may ready-made sauce na. Ewan ko kung papayag si Ma'am Badilla sa instant sauce pero ilalagay ko na lang siguro sa clear jar ang sauce kapag dinala ko bukas para hindi halatang grocery bought.
"Bhie, 'musta sa grupo n'yo?" nag-aalalang tanong ni Shantey.
"Wala akong grupo, mga animal sila," nabubuwisit na sabi ko.
"Ano gagawin mo na lang?"
"Magluluto akong mag-isa para ako lang may grade. Kakausapin ko na lang si Ma'am Badilla. Ipapakita ko yung GC namin para proof."
"Malas mo talaga sa groupings, gurl."
"Huwag mo nang ulit-ulitin, badeng. Nabubuwisit lang ako."
Tatlo lang ang subject namin ngayong umaga, puro pa minor. SocSci 1, Fil 12, tapos SocSci 6.
Pag-out namin ng 11, dumeretso agad ako sa locker para iwan doon ang mga textbook at workbook ko.
Ang locker ko, nasa dulo ng third floor na malapit sa hagdanan. Maliit na locker lang 'yon na kasya ang ilang gamit. Mukhang kasinlaki lang ng toolbox, basta kasya ang maliit na bag.
"Hi, Gelle!"
Busy ako sa pag-aayos ng laman ng locker ko nang may biglang tumalon sa tabi ko. Pagtingala ko, si Rion naman pala.
"Wala pa ring nagre-reply sa GC. Hindi ako makapag-reply, nahihiya kasi ako," malungkot na sabi niya. Pero ang mata ko, gumilid pa talaga sa kanan para lang makita ang ginagawa niyang pag-ikot sa dulo ng buhok kong nasa may balikat nakasampay.
"Maggo-grocery ka ba today? Can I join? I'll carry the bags na lang or like . . . magpu-push ako ng cart, gano'n. Or I can pay using my card."
Yung mata ko, palipat-lipat sa mukha niya at sa dulo ng buhok kong iniikot-ikot niya sa daliri.
"Alisin mo 'yang kamay mo, puputulin ko 'yan," warning ko agad.
Mabilis niyang binawi ang kamay niya at kinuyom sa dibdib. "Sorry."
"Mamimili ako ngayon," mataray na sabi ko at pinagtaasan siya ng kilay sabay krus ng mga braso. "Magkano budget mo?"
"Hmm . . . nag-ask ako sa mommy ko, and she said na mag-withdraw daw ako kahit 20k for the gastos. I think that's too small for the budget, so I'll give at least 30k na lang."
'Tang inang budget 'yan, parang magpapakain kami ng buong NDU, a.
"May 30k ka?" taas-kilay kong tanong.
"Yes! Kaso nasa card pa. But we can withdraw naman sa grocery store. They have machines naman there."
They have machines naman there. Punyetang salitaan 'yan, umay.
"May kotse ka?"
"I don't have a car na own car. But I can drive naman."
"You can drive tapos wala kang kotse? Ano ida-drive mo? Hangin?"
"Do we need a car ba?" awkward na tanong niya.
"Malamang. Gusto mong maglakad mula grocery hanggang bahay?"
"Ayaw."
"Ayaw mo pala, e. So saan tayo sasakay?"
"I'll rent na lang sa car service."
"Wala akong pambayad. Mahal."
"I'll pay." Tapos nag-smile pa siya nang sobrang lapad.
Siya kaya pagastusin ko sa lahat? May pera ako, pero ayokong masabihang gumagastos ako ng kaban ng bayan.
"Oo na, sumama ka na. Ikaw magbabayad, ha?"
"Okay!" masayang sagot niya.
Hindi ko pa nakakasama sa group work si Rion. Noong nag-bread and pastry kami, nasa ibang grupo din naman kasi siya na active ang mga member kaya hindi ko masabing isa rin siyang pabuhat.
"Sabi ni Kuya Driver, he's somewhere near na raw," balita ni Rion, hawak ang phone niya. "Gray na HGG 1245."
Gray?
Mula sa gate ng university, nakaabang kaming dalawa roon para sa car service. Nagsabi pa naman ako kay Secretary Cel na huwag muna akong sunduin ngayon kasi
gagawa ako ng project sa school. Sana lang hindi nga pumunta.
"Hey! I saw the car na!" malakas na sabi ni Rion, nagturo pa nga!
Bakit parang lagi 'tong hyper? Ano kayang tinitira nito araw-araw? Parang laging sabog.
"Kuyaaaa~!" malakas na tawag niya, with matching kulot-kulot pa sa boses. "Here na us! Yoohoo~!"
'Yong ang laki na nga niyang tao, epal pa. Diyos ko, Ina ng awa.
Takip-takip ko ang mukha ko ng buong panyo—mukha nga akong igagarote sa itsura ko—para lang hindi ako mapamilyaran ng mga nakakakita sa amin.
Huminto ang gray na Adventure sa gilid ng kalsada na malapit sa Gate 1.
"Hi, Kuya! Kami po yung passengers!" masayang sabi ni Rion nang sumilip siya sa unahang bintana ng sasakyan.
Si Rion na ang nagbukas ng pinto sa back seat at nauna na akong pinasakay bago siya. Pagtabi namin sa upuan, naghawi-hawi na naman siya ng buhok niyang magulo naman na pero mukhang gusto na naman niyang guluhin.
Mula sa uni, naka-uniform pa kaming dalawa nang sunduin kami ng car service, kaya kapag nakita kaming dalawa sa grocery store, malamang na alam na agad kung tagasaang school kami.
"What are we going to cook tomorrow?" biglang tanong ni Rion pagpihit paharap sa 'kin.
"Carbonara."
"Oh . . . I think I can help naman mag-cook ng carbonara. Mommy ko, di ba, chef siya sa hotel. And she cooks a lot of food every day din."
Nagkukuwento lang naman siya pero ewan ko kung hindi ba siya mapirmi sa iisang posisyon lang o ano. Kinukutkot na kasi ang hem ng short sleeve ko.
"You know what? I didn't go sa work ko today sa café para puwede ako saka ikaw mag-grocery."
Mula na naman sa mukha, lumilipat na naman ang mata ko sa kamay niyang nagkukutkot sa dulo ng manggas ko.
"Why kaya hindi sila nagre-reply sa GC?" inosenteng tanong niya. "Kasi ako, di ba, nahihiya ako. Si Rey, hindi naman siya nahihiya. Or even si Zymon."
"Si Sydney, bakit hindi mo i-call out?"
"Hmm. I'm sure, ayaw lang talaga niyang mag-cooperate."
Totoo rin naman, obvious na masyado.
"Gelle, puwede ako mag-PM sa 'yo if I have questions?"
Saglit akong sumulyap sa kanya. Tutok pa rin siya sa pagkutkot ng manggas ko. "Na anong questions?"
"Like . . . school questions or anything?"
"Sa akin talaga?"
"I don't like sending messages kasi sa kahit na sino. Para kasing ang weird and creepy mag-PM without permission."
"Magpe-permission ka pa, magpi-PM ka lang?"
"I'll send you messages na lang if I have questions, ha?" nakangiting sabi niya.
"Bahala ka sa buhay mo. Malaki ka na." Literal.
Ibinaba kami ng car service sa malaking grocery store. Pang-grocery lang talaga ang buong establishment kaya walang gala na mangyayari.
"May listahan na 'ko ng mga bibilhin," paalala ko kay Rion habang naglalakad kami papasok sa store.
"That's great! Wala pa akong idea sa ingredients, but I know garlic, onion, saka butter na agad."
Pagpasok sa loob, ang dami na agad tao. Ang dami ring pinagtitinginan kami—si Rion—pagpasok namin.
"Kuha ka ng malaking cart," utos ko.
"Owkie!" Naghatak nga siya ng malaking cart at pareho naming hawak ang handle bar papasok sa loob ng store.
"Si Daddy ko, lagi kaming naggo-grocery every Sunday," kuwento na naman niya. "Sa house namin, siya lagi ang nagluluto, not my mom. Pero masarap din siya magluto—hala, may free taste!"
Kakapasok pa lang namin.
KAKAPASOK PA LANG NAMIN!
Haay, Papa Jesus, gabayan Mo ako.
Para siyang aso na kapag pinakawalan ang leash, biglang kakaripas ng takbo sa kung saan.
"What's this?" tanong niya at dumampot agad ng isang maliit na cup kahit wala pang idea kung ano ang dinadampot.
"Tteokbokki, sir. We have three flavors po: may three-level spicy chili, barbecue, and cheesy garlic."
"Towk-bow-ki. Hmm." Sumubo agad siya ng isang cut na nangungulay orange dahil sa sauce. "Kuha po ako one cup pa, ha?"
Ang kapal talaga ng sikmura ng taong 'to.
Akala ko, nakulangan pa sa isa pero biglang inabot sa 'kin.
Hindi. Hindi inabot. Itinutok sa bibig ko ang slice na nasa toothpick para isubo ko 'yon.
"You taste it. Medyo cheesy na medyo spicy," alok niya.
"Ayoko."
"Sige naaaa . . ."
"A—" Eksaktong pagbuka ng bibig ko para sa panibagong 'ayoko,' talagang sinakto niya sa pagsubo sa akin ang inaalok niya.
"Sarap, di ba?" masayang sabi niya at biglang kumuha ng isang hindi pa bukas na pouch ng tteokbokki doon sa cart ng nagpapa-free taste. Ibinato niya 'yon sa cart naming walang laman.
Natatandaan ba nito kung ano ang ipinunta namin dito sa grocery?
"Damihan natin ng cheese yung pasta para masarap," sabi niya habang hatak-hatak na ang cart mula sa gilid. "Puwede kaya ako sumakay dito sa cart?"
"Huwag mong tangkain, please la—"
Yung gigil ko, putang ina, parang makakapatay ako anumang oras ngayong araw.
Nakatayo lang ako sa harapan ng cart at nakakrus ang mga braso.
Hawak niya sa loob ang cart at pilit niyang isiniksik ang sarili niya paupo sa loob!
"Nandito tayo para mag-grocery, di ba?" sarcastic nang tanong ko kay Rion.
Nakabaluktot na siya paupo sa loob ng cart, naka-hang ang mga binti sa hangin, nang lingunin ako.
"Kasya naman ako."
Namaywang na ako at dinuro-duro siya. "Sige nga, bumaba ka nga diyan kung kaya mo."
Sinubukan niyang gumalaw pero hindi siya makagalaw nang maayos. Umuurong siya paabante pero maliban doon, hindi na siya makakilos.
Pilit na pilit tuloy ang ngiti niya nang tingnan ako. "Ayaw na 'ko maalis."
"Bonak ka kasi."
"Ano yung bow-nuhk?"
"Ikaw, bonak." Hinawakan ko ang handle ng cart para hindi gumalaw. "Humawak ka rito sa handle tapos bumaba ka na."
"Ayaw mo 'ko itulak?" tanong pa niya.
"Ang bigat mo. Tingin mo talaga, kaya kita?"
"Ah, yeah, of course."
Buong akala ko talaga mahihirapan siyang makaalis kasi nahirapan siyang kumilos. Pero itinukod lang niya ang isang paa niya sa nahintuan naming poste na may barcode reader. Ang kaliwang kamay niya ang nakatukod sa loob ng cart, saka siya walang hirap na nakatalon paibaba.
Naghawi siya ng buhok at gumawa 'yon ng hati sa gitnang curtain bangs. Hindi na naman siya mapirmi, kagat-kagat na niya ang patusok na dulo ng maroon necktie niyang nakatago lang kanina sa maroon vest na suot niya.
"Ang boring naman," mahinang sabi niya, pero sapat na para marinig ko.
Ako ba ang sinasabihan niyang boring?
Tumabi siya sa 'kin at hinawakan ng isang kamay ang handle bar ng cart habang namumulsa ang kabila.
"All right. Let's do this shit."
Nanliit agad ang mga mata ko kasi biglang nawala ang kulit niya. Ang weird sa feeling, parang hindi ko na kilala kung sino ang katabi ko ngayon.
"Where should we be?" seryosong tanong niya kaya natingala ko pa siya para malaman kung nagalit ba siya sa pagsaway ko.
Ang seryoso niya, putang inaaaa!
Nagalit ba siya?
"Let's start with the pasta. I think that's somewhere across the oil and condiments section."
Hala, galit?
Nakikiramdam lang ako kasi grabe naman siya mag-excrete ng eerie vibe. Sinaway ko lang! Gagalet na agad?!
"They have here yung naka-package na. I think this is better than bibili ng separate items."
Hawak ko ang listahan ng ingredients, pero kanina pa dampot nang dampot si Rion ng mga bagay sa bawat shelf na iniikutan namin nang hindi tumitingin doon.
Pero hindi siya basta dumadampot lang.
Kumuha siya ng kalahating litrong bote ng vegetable oil. Dalawang bar ng butter—yung legit na butter na mahal at hindi margarine. Seasonings. Beef bouillion cube. Apat na iba't ibang klase ng cheese na mamahalin.
"We'll buy eggs na brown ang shell kasi mas maganda ang quality n'on," sabi niya at hinatak na naman ang cart mula sa gilid para pumunta kami sa shelf na puro itlog. "May masarap na brand ng bacon na mabango kapag sauteéd. Naggo-grocery kasi kami sa kabilang city pa. Pero sana may gano'ng brand dito."
"Nagalit ka ba kasi sinaway kita kanina?" di ko na napigilang itanong.
Baling-bali na ang leeg ko kakatingala sa kanya. Pagtingin niya sa 'kin, ngumiti na naman siya na parang nang-aasar. Pero hindi na kasingkulit gaya kanina.
"I don't think so," nakangiting sagot niya at maingat na inilagay sa cart naming marami na ang laman.
Hindi lang din siya basta naglalagay ng laman sa cart. Naka-organize pa 'yon depende sa gamit at kung wet o dry ba from packaging.
"I'll bring some greens tomorrow for the garnish. Marami naman kaming tanim sa bahay."
"Tanim?" gulat na tanong ko.
"Yep! I think this is all we need to buy. If we need some garlic bread, may bakery naman sa campus. Sa café na lang ako kukuha."
Nanliliit ang mga mata ko kay Rion. Hindi kaya galit talaga 'to, ayaw lang akong real-talk-in?
"Can we eat first?" nakasimangot na tanong niya. "I'm starving."
"Wala akong pera."
"Nah, I got you." Kinindatan pa niya 'ko kaya nanlaki agad ang mga mata ko sa gulat. "May nakita akong resto diyan sa labas kanina. Check natin kung masarap ang food diyan."
♥♥♥
Telegram Update Status: Chapter 18
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top