Unang Kabanata

𝙸. 𝙿𝙴𝙰𝙽𝚄𝚃 𝙱𝚄𝚃𝚃𝙴𝚁 𝙰𝚃 𝙿𝙰𝙽𝙳𝙴𝚂𝙰𝙻

NOONG TAONG 1986, labing-anim na taong gulang pa lang ako nang maranasan at matutuhan ko ang lahat ng klase ng pagmamahal sa mundo.

Siguro, para sa ibang tao, hindi naman iyon ganoon kahirap na alamin. Nasabi nga rin sa akin ng inay ko na kapag naramdaman natin ang pagmamahal, wala nang eksplenasyon na kailangan pang mapakinggan. Kusa iyong ipaiintindi ng puso sa utak, at siyempre, sumang-ayon ako sa inay. Bukod sa pinalaki nila akong busog sa mainit nilang pagmamahal, wala nga namang kung ano pang salita ang kailangan para roon.

Ang pagmamahal ay nararamdaman na natin bago pa man tayo mabuo sa sinapupunan ng ating mga ina. Pagkasilang sa atin, mas mamahalin pa tayo nang higit pa sa inaakala natin. Sa mga magulang natin mararamdaman at matutuhan ang unang klase ng pagmamahal. Sa paglaki, at kung papalaring magkaroon ng mga kapatid, iyon naman ang sunod. Mayroon ding pagmamahal na nakukuha sa mga taong hindi natin kadugo, sa mga taong nagbibigay malasakit at minsan pa ay tinatawag nating kaibigan. Mayroon namang klase ng pagmamahal na nabubuo sa pagkakuryoso at pagdadalaga, na sa huli ay isinasantabi dahil masyado pang bata ang pang-unawa upang akalaing malalim ito noong una: ang pagbuo ng pagmamahal sa salungat na kasarian—hindi kadugo, hindi kaibigan.

Labing-anim na taon pa lang ako noon, natututo, nagkakamali, natutumba, tumatayo, nagmamahal, minamahal, at minahal. Inakala kong lahat ng kailangan kong malaman ay alam ko na; na sa palagay ko ay mas malaki na ako kaysa sa mundo. Pero hindi. Bata pa rin: magkakamali ulit, matutumba ulit, at matututo ulit. Paulit-ulit kahit pa masyadong malupit ang mundo sa mga batang hindi perpekto.

Pero lahat tayo ay hindi perpekto. Kahit nakahain na sa harapan ko ang kahulugan ng pagmamahal, mayroon pa rin akong nabigong intindihin dahil masyado pang bata ang utak ko para unawain. Matututuhan lang nating intindihin ang pinakaimportanteng aral sa buhay kung kailan ang lahat ay magwawakas na.

Noong 1986 ko nasimulang matutuhan na may dalawa pang klase ng pagmamahal—iyong nabubuo nang hindi inaasahan, at nagpapaalam kahit pa piliting huwag lumisan. At ngayong 2023, muli kong naranasan ang pagmamahal na tulad sa barkong lumalayag paalis sa baybay-dagat.

“Condolences sa ˋyo at sa pamilya mo, Ruth.” Tinapik ni Karmen, kapitbahay at kaibigan ko na rin, ang balikat ko. Ngumiti siya sa akin na may bahid ng awa at simpatya sa mukha. “Paniguradong mapayapa na ang kaluluwa ni Alfred sa langit.”

Hindi ako sumagot. Binigyan ko lang siya ng tipid na ngiti at tumango. Pinanood ko siyang umupo sa isang monobloc chair at saka mataimtim na nagdasal. Tinanggal ko sa kanya ang tingin ko at ibinalik iyon sa kabaong ng asawa ko sa harapan ko. Sa loob niyon ay mapayapa siyang nakahiga. Hinawakan ko ang salamin na pumapagitan sa amin, at pinigil ang luha ko sa pagbuhos.

“Masyado pang maaga—iyan ang laging naririnig ko mula sa bibig ng mga taong pumunta ngayon sa lamay ni Alfred. Tama naman sila; masyado pang maaga para magpaalam siya sa amin . . . sa akin. Limampu’t apat na taong gulang pa lang siya, pero hindi pa gaanong makikita sa mukha niya ang mga linya ng katandaan. Kakaunti pa lang ang uban sa anit, at maging ang kutis niya ay kasing lambot pa rin ng mga kwarenta anyos ngayong panahon. Ang pag-iwan niyang ito sa akin ay biglaan at walang pasabi; gayunpaman, lahat naman ng pamamaalam ay nanggugulat.

Pumatak ang luha ko at nagbilang sa mga daliri. Siya ang ikaapat na taong namaalam sa akin. At tulad ng mga naunang paglisan, sumusuot pa rin ang sakit sa kaibuturan ng puso ko at tinutusok iyon nang paulit-ulit, nang paulit-ulit . . . paulit-ulit. Kahit kailan ay hindi masasanay ang puso ko sa ganitong klase ng pagmamahal.

Naaalala ko tuloy kung kailan nagsimula ang lahat sa amin ni Alfred. Senior ko siya sa kolehiyong pinasukan ko, naging magkaaway muna kami bago naging magkaibigan, at kalaunan ay natutuhang mahalin ang isa’t isa. Naaalala kong wala pa ako noon sa tamang huwisyo nang una kaming ipakilala sa isa’t isa, dahil kung tutuusin ay tila isa akong batang naliligaw sa mundo ng mga matatanda. Bukod pa sa sakit ng pusong natamo ko sa unang taong lumayag papalaot, ilang taon din ang ginugol ko para hanapin ang sarili ko. Si Alfred ang tumulong sa akin noong hindi ko alam kung saan ang destinasyon ko, kaya siguro hindi na rin naman nakakabigla na mahulog ang loob ko sa kanya.

Pero, ngayong tinitingnan ko ang katawan niyang mapayapang namamahinga sa kabaong, hindi ko maiwasang ikumpara ang sakit na naramdaman ko sa unang pagkakataon na maramdaman ko ang ganitong klase ng sakit. Nanunuot sa puso, pero hindi ganoon kalalim para mawala ulit ako sa sarili. Hindi ko mawari kung dahil ba sa katandaan ng pag-iisip, o dahil sa kasidhian ng mga lumipas na pamamaalam. Ayoko naman nang balikan iyong mga panahong nasa pinakailalim ako ng dalisdis, pero bumabalik na lang sa akin ang lahat ng nangyari noong 1986, at tila gusto ko na lang magmukmok sa kuwarto ko at tanggalin ang kakayahan kong makapag-isip.

“Tibayan mo ang loob mo, Ate, para sa mga anak mo,” bulong sa akin ng kapatid kong si Gregory na ngayon ay hinahaplos na ang mga balikat ko.

Hinarap ko siya at pinahid ang mga luha sa pisngi ko. Tumatango-tango siya sa akin bilang pag-alo, kaya niyakap ko siya nang sobrang higpit. Sa likod niya ay natatanaw ko ang mga nakikiramay sa lamay ng asawa ko. Sa pinakaharapan ay nakaupo ang apat na kapatid ni Alfred. Hindi sila lumuluha, pero nakaguhit sa mga mukha nila ang paghihinagpis. Hindi ko nga masyadong inaasahan na pupunta sila dahil sa mga pagkakaiba nilang pamilya sa paniniwala, pero nandito pa rin sila. At sapat na iyon para matahimik si Alfred kung nasaan man ang kaluluwa niya ngayon.

Buong araw akong tulala at nakatingin sa kabaong. Nagsasalita lang tuwing mayroong bagong dumarating, at umaalis lang sa puwesto kapag mayroong magpapaalam na uuwi. Sumapit ang hatinggabi at kakaunti na lamang ang natitirang nakikiramay. Kanina pa ako inuudyok ng mga anak ko na magpahinga na sa kuwarto ko at matulog, pero mayroong kung ano sa dibdib ko na bumubulong na manatili ako sa tabi ng asawa ko. Na rito lang ako. Hanggang sa dumating ang araw na tuluyan na akong mamamaalam sa kanya. Mananatili ako rito.

“Ma naman, magkakasakit ka niyan sa ginagawa mo, e,” wika ng panganay namin ni Alfred na si Angeline.

Paulit-ulit niya iyong sinasabi sa akin kahit pa may dala na siya ngayong tig-dalawang kumot at unan. Ang sobra ay para sa kanya dahil ipinulupot niya na ang makapal na tela sa katawan niya. Ang unan naman ay nakapatong sa kandungan niya. Nag-aalala ang tingin niya sa akin, pero hindi ako makatingin sa kanya nang diretso.

“Hayaan mo na ˋko dito, Angie. Ikaw ang magpahinga sa loob. Hindi ba’t sabi mo na meron kang importanteng meeting bukas? Hindi mo ˋyon dapat ma-miss, anak,” sabi ko sabay baba ng tingin. “Ayos lang ako dito. Babantayan ko lang muna ang papa mo.”

Bumuntonghininga siya. “Sanay na ˋkong walang tulog, Ma, kaya ˋdi naman issue ang meeting ko bukas. Matulog ka na at ako na’ng magbabantay kay Papa! Sasakit na naman ang ulo mo niyan, e.”

Marami pang sinabi si Angeline, pero masyado nang nakalutang ang utak ko dala ng lungkot, pangungulila, at antok. Kahit alam ko namang nag-aalala lang sa akin ang anak ko, hindi ko pa rin magawang sundin ang gusto niya. Ito na lang ang mga huling sandali na matititigan ko ulit ang mukha ni Alfred. Ano pa ang kaunting sakit ng ulo kapalit ang mga sandaling ito?

Wala naman na siyang ibang nagawa kundi ang pagmasdan akong nakatitig sa kabaong. Ilang minuto pa ay nakatulog na rin naman siya sa upuan, kaya mabilis kong tinawag ang kapatid ko para magpatulong na mas mapaayos ang lagay niya sa kinauupuan. Tulog mantika si Angeline; tipong kahit yugyugin nang sampung beses ay hindi pa rin magigising. Ipinakuha ko sa katulong ang mahabang upuan sa loob ng bahay at inilipat doon ang anak ko. Hinaplos ko ang mahaba at itim niyang buhok at halos maluha na muli nang may mapagtanto.

Hindi tulad noong mga nakaraang pag-iwan sa akin, itong ngayon ay naiiba. Hindi lang ako ang naiwan; pati ang mga anak ko ay mamumuhay na sa mga susunod na araw na hindi na kasama ang ama nila. Hindi ko pa rin alam kung ano ang mga dapat kong gawin sa pagkawala ni Alfred, ang mga boses lang ng mga kaibigan ko kanina ang siyang gabay ko para mas tibayan pa ang loob ko.

“Magpakatatag ka, Ruth. Para sa pamilya mo at para sa ˋyo.

Habang pinapaulit-ulit ko ang mga salitang iyon sa utak ko ay hindi ko na namalayan ang sarili kong binabalot ng kadiliman. Ang dilaw na ilaw lang na nakatutok sa mukha ni Alfred ang huli kong nakita bago ako tangayin ng malalim na pagkakatulog.

▪ ▪ ▪

“RUTH! NAIWAN MO ang peanut butter!” sigaw ni Inay habang paika-ika akong naglalakad dahil sa hindi ayos na pagkakasuot ng aking itim na sapatos.

Kumaripas ako ng takbo papabalik sa bahay at sinalubong naman ako ni Inay. Hawak ko na ang aking pinaglumaang sapatos at inayos ko iyon sa aking paa. Pinagpag ni Inay ang kamay sa suot na bestida at inayos ang aking buhok na basa at nakalimutan kong suklayin.

“Nako, talaga ikaw na bata ka,” sermon niya habang nilalagay ang maliit na supot ng peanut butter sa aking bag. “O siya, sige na! Mahuhuli ka na naman sa klase mo,” dagdag niya pa.

Humagikhik ako at nagmano ulit sa kanya. “Sige, Nay! Alis na ho ako.” Kumaway ako sa kanya at tumakbo na palabas sa masikip na eskenitang papasok sa aming bahay.

Binabati ako ng mga kapitbahay namin, na mga kaibigan ko rin, habang tumatakbo ako. Kumakaway lang ako sa kanila bilang tugon dahil wala na akong oras upang makipagbiruan pa sa kanila. Isa na naman kasi ang araw na ito sa libo-libong araw kung kailan mahuhuli akong pumasok sa paaralan. Kahit pa halos laging ganito ang aking lagay araw-araw, hindi pa rin ako nasasanay sa nangyayari. Lagot na naman ako nito sa aming guro. Nangpapa-squat pa man din si Ma’am Gonzales ng mga nahuhuling pumasok.

Nilalakad ko lang din ang paaralan mula sa bahay. Mga sampung minuto rin iyong lalakarin, at limang minuto hanggang pito kung tatakbuhin. Ang pinagkaiba lang ng araw na ito sa iba pang mga araw na nahuhuli akong gumising ay ang dami ng tao sa dinaraanan ko. Paano ay mayroong pamigay na kung anong suhol ang dating alkalde sa mga kabaranggay dahil paparating na naman ang eleksyon. Napapairap na lamang ako tuwing makikiraan dahil sa dami ng mga nakapila. May isang ale pa nga ang nagalit sa akin dahil akala ay sisingit ako. Mukha ba naman akong sisingit? Nakasuot kaya ako ng uniporme!

Tumitirik na rin ang araw senyales na lagot na talaga ako kay Ma’am Gonzales. Mula sa pagtakbo ay bumagal iyon hanggang sa naglalakad na lamang ako. Kinapa ko ang panyo sa aking bulsa at pinunas iyon sa pawis na tumagaktak sa aking noo. Ano pa’ng silbi ng pagtakbo kung male-late lang din naman ako? Pagod lang!

“Ruth!”

Napalingon ako nang may tumawag sa aking pangalan. Alam na alam ko na ang tinis ng boses na iyon kaya awtomatiko akong napalingon. Kumakaway na ngayon sa akin si Liyah, na kababata ko, habang nakasakay sa bago na naman niyang bisekleta. Kalaunan ay nasa tabi ko na siya habang may nakapintang malawak na ngiti sa kanyang mukha.

“Late ka na naman, sa awa ng Diyos!” pahayag niya sabay halakhak.

“Gaga,” wika ko at itinulak ang kanyang balikat. Halos sabunutan niya na ako nang muntik na siyang mahulog. “Late ka rin, sa awa ng Diyos! May kasama akong magsa-squat!”

Nagtawanan kami, pagkatapos ay tinulak niya rin ako. Ang lakas ng pagkakatulak niya sa akin, iyong tipong halos tumalsik na ako papunta sa ibang planeta. Gaganti na sana ako ngunit nagsalita siya, “Sakay na sa likod ko, bruha ka, kung gusto mo pang maunahan natin si Ma’am Gonza makapasok.”

Hindi na lang ako umangal at sumakay na sa likod ng kanyang bisekleta. Kinuha ko ang magaan niyang bag at isinuot iyon sa aking harapan. Bigla naman niyang pinaandar ang bisikleta kaya bigla rin akong napakapit sa baywang niya nang mahigpit.

“Gaga ka talaga, Liyah! Balak mo ba ˋkong ihulog dito!” sigaw ko habang mabilis siyang pumapadyak.

Malakas ang tawa niya habang hinahangin ang medyo basa pang buhok. Naaamoy ko tuloy ang kanyang imported na shampoo at nagiging almusal na ang kanyang buhok. Nagrereklamo lang ako sa buhok niyang kumakapit na sa aking mukha at tinatawanan niya lamang ako.

“Aarte ka pa, e! Ako na nga ang kumakayod para sa kinabukasan nating dalawa,” sigaw niya habang tumatawa.

“E, kung ganyan din naman pala ang sasabihin mo, magpalit na lang tayo ng posisyon! Ako na diyan at ikaw naman ang mag-almusal ng buhok ko. Mas masarap ang flavor nito kumpara sa imported mong shampoo, pramis!” sagot ko sabay kurot sa kanyang baywang.

Halos mabunggo na kami sa isang poste dahil sa pag-aray niya. Imbes na matakot ay tinawanan ko na lang nang makaraos kami. Bumunganga si Liyah ng kung ano-ano pang walang kuwentang bagay hanggang sa makarating kami sa paaralan.

Mukhang hindi lamang kaming dalawa ang late noon dahil maraming estudyante ang nakatingin sa amin habang papasok. Ngunit karamihan sa nakatingin ay mga lalaki. Nanghuhusga ang kanilang mga tingin at may pabulong-bulong pa na tila mga bubuyog. Alam ko na naman ang kanilang mga nasa isip kaya nagtitimpi akong sigawan sila ng mga mura. Dahil malawak ang bilog na patyo sa loob ng aming paaralan, mabilis lamang kaming nakadaan papunta sa pinakadulo kung nasaan ang aming classroom. Sa malayo pa lamang ay tanaw ko na ang dilaw at maliit na silid-aralan, at sinusuri ko iyon kung naroon na ba si Ma’am Gonzales. Wala akong kaklase na nasa labas pa at nakasarado rin ang pinto, kaya kinabahan na ako. Agad na ipinarke ni Liyah ang bisekleta sa likod ng classroom nang sa wakas ay makarating kami. Nang matapos na siyang lagyan ng kandado ang gulong ay hinila ko na papunta sa pinto ng silid. Halos maputulan na nga ako ng hininga habang sumisilip kung naroon na si Ma’am Gonzales, at sa awa naman ng Diyos, mas nauna nga kami!

“Suwerte natin, Ruth, ah!” Nakipag-apir sa akin ang kaklase kong si Mark nang tatawa-tawa akong pumasok. “Late ka na naman, pero mas late si Ma’am Gonza! May anghel ka ba sa likod?” pambubuyo niya sa akin, nakadekwatro pa malapit sa hamba ng pintuan.

Tinawanan ko siya at saka nilingon si Liyah na hawak ko pa rin ang braso. “Ito, oh, ˋyung anghel ko. Inggit ka?”

Pinagmasdan kong mamula ang buong mukha ni Mark nang magkatinginan sila ni Liyah. Humagikhik ako dahil natahimik na ang gago na tila naputulan ng dila. Halata talaga siya masyado na gusto itong si Liyah. Kawawa nga lamang siya dahil mayroon nang nobyo itong gaga kong kaibigan.

Inasar pa nga sila ng mga kaklase namin ngunit hinugot ko na si Liyah papunta sa likod. Nandoon kasi kami nakapuwestong dalawa at magkatabi pa. Ibinaba ko ang aking bag sa silya sabay kalikot doon ng maliit na supot na pabaon ni inay. Halos maglaway na ako nang maamoy ko ang matamis na aroma ng peanut butter na gawa ni Inay. Tiningnan ko si Liyah na inagaw sa akin ang supot at ngayon ay tumutulo na ang laway.

“Dala mo ˋdi ba?” tanong ko at nagsimula nang buksan ang kanyang bag na suot ko pa rin.

“Hala!” sigaw niya. Nanlaki ang mga mata niyang tumingin sa akin sabay takip sa kanyang bibig. Ang arte nito. “Nakalimutan ko, Ruth, sorry!”

Tinulak ko siya at inagaw ang aking peanut butter. “Pa’no natin kakainin ang peanut butter nang walang pandesal nito? Gaga ka talaga kahit kailan!” Pabiro ko siyang sinabunutan at kinalmot. Tumawa lang siya.

“Joke lang! Joke lang! Balak mo ba ˋkong patayin ngayong araw, ha, bruha ka?” aniya sabay ganti ng sabunot at kalmot.

Inilayo ko ang kanyang mukha sa akin at kinalkal ulit ang kanyang bag. Nakita ko naman agad doon ang supot ng mainit-init pang malunggay na pandesal galing sa panaderya ni Aling Maribel kaya naglaway na muli ako. Pumalakpak ako sa tuwa, ganoon din si Liyah. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at inilagay na agad ang aking peanut butter sa dalang pandesal ni Liyah. Inuna ko muna ang kanyang tinapay at sunod ay ang akin. Sabay kaming dalawang nagpigil ng kilig habang ninanamnam ang tinapay.

Napapatingin na lamang sa amin ang aming mga kaklase at napapailing. May iba pa ngang nagbiro na hihingi ng aming pagkain, ngunit alam naman nilang hindi kami mamimigay kaya kalaunan ay bumalik din sa kani-kanilang upuan. Aba, ano’ng akala nila sa amin? Tatakbong mayor upang mamigay na lang bigla? Hindi naman kami masyadong mabait para roon, at saka wala naman silang inambag upang hatian namin sila.

Natapos na lamang ang isang buong oras, wala pa ring Ma’am Gonzales na dumarating. May mga kaklase kaming nagpapahayag ng pagkadismaya sa hindi pagpasok ng guro, ngunit narito ako at nagbubunyi dahil buo na ang aking araw na hindi napapa-squat sa labas. Nakakain pa kami ng peanut butter na palaman sa pandesal ni Liyah, kaya masigla ako kahit pa maagang dumating ang aming guro sa sumunod na subject.

Natapos ang araw na iyon na sabay kaming naglalakad ni Liyah papalabas ng paaralan. Hila-hila niya ang kanyang bisekleta at suot ko na naman ang magaan niyang bag sa aking harapan. Ang sarili ko namang bag ay nasa aking likuran. Habang nagkukuwento si Liyah tungkol sa nobyo niyang kikitain niya raw mamayang gabi, nakatingin lamang ako sa magandang kahel na kalangitan na napupuno ng kakaibang uri ng ulap. Kung tama ang aking pagkakaalala ay ito iyong Altostratus clouds na itinuro sa amin noong nakaraang linggo.

“Magde-date daw kami sa bagong bukas na parke sa kabilang bayan sa Sabado—”

“Hi!”

Natigil kami sa paglalakad ni Liyah nang may humarang sa aming grupo ng mga lalaki. Matangkad ang lalaking bumati, halos hanggang balikat niya lamang ako. Natakpan tuloy ng kanyang pigura ang ganda ng kalangitan. Napakunot ang aking noo at sinuri ang mukha niyon. Kung hindi ako nagkakamali ay ito iyong pinsan ni Liyah na isang taon din ang tanda sa amin. Natatandaan ko dahil madalas ko siyang makita sa bahay nina Liyah at hindi rin madaling makalimutan ang kanyang itsura. Gayunpaman, hindi naman kami nagkakausap nito kahit noon pa. Nakatingin siya sa akin nang diretso habang pinagtutulakan siya ng kanyang mga kasama. Umatras ako nang muntik na niya akong mabangga.

“Hoy, conyong Sean Agustin, anong hi-hi ang pinagsasabi mo diyan? Tabi!” wika ni Liyah sa kanyang pinsan.

Ang lalaki naman ay nagkamot lamang ng batok at mahinang tumawa. Hindi natanggal ang tingin niya sa akin kahit pa mukhang kamatis na ang kanyang buong mukha pati na rin ang kanyang mga tenga.

“Ikaw naman, Liyah, masyado kang ano. Ikaw ang tumabi! Hayaan mo ˋyang pinsan mong dumiskarte at magpakabinata,” rinig kong sabi ng mga kaibigan ni Sean kay Liyah.

Naputol ang tinginan namin ni Sean Agustin dahil sapilitan nang nilalayo sa amin ng kanyang mga kaibigan ang kanyang pinsan. Kumunot ang aking noo at bumuntonghininga. “Ano ho'ng pakay mo sa ˋkin?” tanong ko sa marespetong paraan. Mas matanda siya sa akin nang isang taon, e.

Tumawa si Sean at sunod ay tumikhim. “A-ah . . . gusto ko lang sanang—”

“Gusto niyang manligaw sa ˋyo, Ruth!” putol sa kanya ng mga kaibigang lalaki.

Dahil doon ay mas namula pa ang mukha ni Sean Agustin. Napatakip na nga siya ng mukha dahil sa kahihiyan. Habang naghihiyawan ang mga lalaki sa likod, nakita kong nakahalukipkip si Liyah at mukhang kuryoso rin sa aking isasagot. Nanatili akong nakatayo lang doon nang ilang sandali, hindi alam ang sasabihin. Nagbaba ako ng tingin sa aking lumang sapatos at sunod ay napatingin sa magandang kahel na kalangitan na may Altostratus clouds. Napaawang ang aking mga labi nang sa wakas ay makabuo ng isasagot sa sinabi ng lalaki.

“Kuya—Sean Agustin—”

▪ ▪ ▪

“MA? MA, GISING. Mag-almusal ka muna.”

Napahawak ako sa ulo ko dahil pumipintig-pintig iyon. Minasahe ko rin ang batok ko dahil sa pangangalay, at sunod ay kinusot ang mga mata. Una kong nasilayan ang mukha ni Angeline, at sunod ay ang hawak niyang plato na may lamang scrambled egg, hotdog, at sinangag na kanin. Humugot siya ng isang monobloc chair at umupo sa harap ko.

“Angie, anong oras na?” tanong ko.

“Saktong alas-sais po, Ma. Bakit?”

Hinawakan ko siya sa balikat niya at napailing. “Male-late ka sa meeting mo, ˋnak. Akin na ˋyan at mag-asikaso ka na."

May kakaiba akong nadama sa dulo ng dila ko nang sabihin ko ang salitang ‘male-late’. Nanlaki ang mga mata ko at napahawak muli sa ulo. Naalala ko ang naging panaginip ko kanina, at biglang nanghina ang mga kamay kong nakapatong sa balikat ni Angeline. Mukhang nahalata niya ang pagbabago sa reaksyon ko kaya umiling siya.

“Ma, nakapag-ayos na po ako. Tingnan mo, oh, bagong ligo at bihis na ˋko. Nag-breakfast na rin ako. Hindi na ˋko bata, Ma. Hindi rin ako male-late,” aniya at nagsimulang isubo sa akin ang pagkain. “Buong araw kang ˋdi kumain kahapon kaya ikaw na muna po ang aasikasuhin ko, okay lang po ba?”

Napapilig ako ng ulo nang maalala kung nasaan ako ngayon. Tiningnan ko ang kabaong ni Alfred, sunod ay ang panganay kong anak. Naalala ko rin ang pangakong binitawan ko sa sarili kagabi bago ako makatulog at maalala ang nakaraan dulot ng panaginip. Magpapakatatag ako. Para sa mga anak ko. Para sa sarili ko.

Kinuha ko ang platong hawak ni Angeline at nagsabing ako na ang bahalang kumain niyon mag-isa. Hindi naman na siya umangal pa at pinagmasdan lang akong tahimik na inuubos ang pagkaing binigay niya. Habang nginunguya ko ang itlog at kanin sa bibig ko ay hindi ko maiwasang balikan ang nangyari sa panaginip ko.

Bakit kaya sa lahat ng mapapanaginipan ko, iyon pa? Bakit sa lahat ng araw na babalikan ko ang nakaraan, ngayon pa? Habang ngumunguya ako ay hindi na ang maalat na itlog at sinangag ang nalalasahan ko, ang lasa na ng matamis na peanut butter na pinalaman sa mainit na pandesal ang natitikman ko. Tumayo ako nang maramdaman kong para akong naduduwal. Hindi ko gusto ang lasa ng pagkain sa dila ko. Para ako nitong pinipilit na pabalikin sa taong 1986. Ang taon kung kailan marami akong napagtanto sa buhay.

“Ayos ka lang po ba, Ma?” nag-aalalang tanong ni Angeline.

Napatango ako at pinilit lunukin ang pagkain sa bibig ko. “Ayos lang ako, Angie. Pupunta lang muna ako sa banyo.”

Mabilis na akong naglakad papunta sa banyo at agad na isinuka sa inidoro lahat ng kinain ko kanina. Hindi naging maganda ang pakiramdam sa lalamunan ko, at para ring mailalabas ko na ang mga lamang loob ko habang dumuduwal. Kinakatok na ako ni Angeline sa labas at paulit-ulit ko lang sinasabing ayos lang ako.

Pinindot ko ang flush at saka humarap sa salamin. Binuksan ko ang gripo at hinayaan ang tubig na umagos at mag-ingay. Naghilamos ako at dinama ang lamig na dulot niyon sa balat ko. Pagkatapos ay tumingin ulit ako sa repleksyon ko sa salamin at napasinghal.

Totoo ngang mabilis na umaagos ang daloy ng panahon tuwing binabalikan natin ang mga memorya ng nakaraan. Kung noon, wala pa ang kakaunting linya sa gilid ng mga mata ko, ngayon ay naroon na. Kung noon, mahaba at itim na itim ang buhok ko, ngayon ay hanggang balikat na lang ito at nahahaluan na ng kaunting hibla ng kulay abong buhok. Hindi na rin tulad noong dati ang hugis ng mga mata ko. Hindi na rin tulad ng dati ang kutis ko. Wala na ang dating sigla sa mga ngiti ko. Wala na ang dating buhay sa katawan ko.

Hindi ko alam kung bakit kahit masaya at kontento naman ako sa naging buhay ko sa mga lumipas na taon, narito pa rin ako at patuloy na bumabalik. Siguro kasi, may mga memoryang kahit gaano kasakit sa isipan natin, iyon pa rin ang gusto nating balikan. Tulad ng araw sa panaginip ko. Siguro kaya ko binalikan ngayon dahil mayroong nagtapos. Kaya ko inalala dahil iyon din ang araw kung kailan totoong nagsimula ang lahat sa buhay ko. Kung kailan ko natutuhan ang pinakaimportanteng aral sa lahat.

Dahil noong 1986 ako natutong magmahal nang higit pa sa inaakala ko.

Kaya siguro inihahalintulad ko ang mga pag-alis sa barkong lumalayag: dahil sa puso ko, alam kong darating ang araw na lalayag sila pabalik sa dagat kung saan sila lumisan. Marami na akong pagkakataon na pinanood ang mga mahal ko sa buhay na umalis, pero alam ko na babalik sila. Alam ko. Kahit gaano katagal ang lumipas. Alam ko.

At napatunayan ko iyon nang lumabas ako sa banyo at bumalik sa salas kung nasaan namamahinga si Alfred. Unang tingin ko pa lang sa anino ng taong iyon, alam kong babalik at babalikan ko ang nakaraang akala ko ay hanggang panaginip ko na lang mahahawakan.

“Ruth,” wika niyon.

Huminga ako nang malalim at pinigil ang sarili kong maluha sa harap niya. Mabagal siya sa aking lumapit at yumapos. Dahil sa ginawa niya ay hindi ko na mapigilan pang humagulhol. Niyapos ko siya at ibinaon ang mukha ko sa dibdib niya.

“Sean,” wika ko sa gitna ng mga hikbi. “Nandito ka . . .” bulong ko.

Nagtagal ang yakap naming dalawa dahil hindi kaagad ako bumitaw. Ngayong hawak ko siya ay tila nahahawakan ko na ulit ang nakaraan. Tinulak ko siya nang marahan at ngumiti nang mapait. Kung nandito na siya. Kung bumalik na rin siya, isa lang ang ibig sabihin niyon: may tsansa pang itama ang mga naging pagkakamali ko sa nakaraan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top