Ikawalong Kabanata
𝚅𝙸𝙸𝙸. 𝙺𝚄𝙽𝙶 𝚂𝙰𝙰𝙽 𝚃𝙰𝚈𝙾 𝙼𝙰𝙻𝙰𝚈𝙰
ISANG BUWAN MULA noong gabi ng kaarawan ni Sean, wala pa ring nagbabago sa amin ni Liyah. Iniiwasan niya pa rin ako at nanatili niyang nobyo si Mark. Sa aking isipan, siguro ay iyon na rin ang senyales na nahihibang lamang ako nang aminin ko sa kanya ang lahat noong gabi na iyon. Lasing lamang din siya kaya niya nasabi sa akin ang lahat ng kanyang mga nasabi. Kasi kung iisipin nang mabuti, bakit nga ba sa akin magkakagusto si Liyah?
Hindi siya hibang na tulad ko. Lalaki lamang ang kanyang nagugustuhan, hindi babae—at mas lalong hindi ako. Sa dami ng kanyang naging nobyo, bakit ko naman maiisipan na baka kahit isang porsyento lamang ang posibilidad, pareho kami ng nararamdaman?
At saka, malamang ay nakalimutan niya na rin lahat ng aking nasabi. Ganoon din siya noong unang makatikim ng alak sa kaarawan ni Kuya Justin, e. Pagkatapos makipaglokohan sa mga barkada ng kuya, kinabukasan ay hindi na naalala kung ano ang mga pangalan ng mga lalaking nakabiruan. Hibang na nga ako kung magbabakasakali akong totoo ang kanyang mga sinabi.
“Hindi pa rin kayo bati?” halos pagalit na tanong ni Sean isang hapon habang kumakain kami ng isaw. Nakalibre na naman ako sa kanya kaya hindi na ako nahihiyang kumuha pa ng ilang stick.
“Hindi. Ewan ko ba diyan sa pinsan mo. Magsama pa sila ng boypren niyang laging nababangko,” iritado kong sabi habang nginunguya ang isaw.
Tumawa nang malakas si Sean kaya nasita siya ng tindera. Ipinagpaumanhin ko na lamang ang nakakahiya niyang reaksyon upang hindi kami parehong mapagalitan. “Ba’t parang galit ka? Jealous?”
Halos mabilaukan ako sa kanyang tanong kaya hinarap ko siya. Kahit mukhang natatawa si Sean ay mahahalata sa itsura niya na seryoso sa tanong. “B-bakit naman ako magseselos? Hindi ko naman gusto si Mark.”
Mas natuwa pa si Sean. “Hindi si Mark; si Aaliyah.”
Dahil sa sinabi niya ay tuluyan na nga akong nabilaukan. Mabilis siyang bumili ng gulaman at ibinigay iyon sa akin. Ininom ko rin naman sabay pukpok sa aking dibdib. Agad kong sinuntok sa balikat si Sean nang mahimasmasan ako at sinamaan siya ng tingin. “Pinagsasabi mo? Kadiri ka!”
Humagalpak sa tawa si Sean at lumayo sa akin dahil patuloy ko siyang sinusuntok. “Ano’ng nakakadiri do’n? Don’t worry, Ruth, natural lang namang makaramdam ng selos kapag hindi ka na pinapansin ng best friend mo because of her boyfriend. Chill,” aniya na aking ikinaestatwa.
Doon ko napagtanto na tama nga si Sean. Natural lamang nga namang magselos sa ganoong dahilan. Ngunit sa aking inakto, tila masyado kong ipinahalata na iniisip kong pagseselosan ko si Mark dahil gusto ko si Liyah. Itinakip ko ang hawak na isang stick ng isaw sa aking mukha dahil mas lumakas pa ang tawa ni Sean. Gusto ko siyang bugbugin sa mga oras na iyon dahil sa kahihiyang aking natamo.
Inakbayan niya ako at hinila papaalis doon. Inagaw niya rin ang aking isaw at kung ano-ano nang kinukuwento na pumapasok sa aking isang tainga at lumalabas sa isa. Hindi ko maiwala sa aking isipan ang aking reaksyon kanina. Iniisip ko na tuloy kung iniisip ba talaga ni Sean na pinagseselosan ko si Mark sa kakaibang dahilan o ito lang iyong tinatawag nilang pag-o-overthink.
“Speak of the devil,” bulong sa akin ni Sean at mabilis na tinanggal ang pagkakaakbay sa akin. Tiningnan ko ang direksyon na kanyang tinuro at doon ay nakita ko sina Liyah at Mark, nakaupo sa labas ng isang karinderya habang nag-uusap. Nakatalikod sa akin si Liyah kaya hindi ko makita ang kanyang ekspresyon na pinapakita sa nobyo, ngunit sa mga ngiti pa lamang ni Mark, alam ko nang nagbubulungan sila malamang ng matatamis na salita sa isa’t isa. Dahil sa iniisip ko na iyon ay may kung anong namilipit sa aking tiyan at nawala na naman ang aking ganang maglakad.
“Wala akong pakialam sa kanila. Tara na,” sabi ko kay Sean, ngunit hindi siya sumunod sa akin.
“Gusto mo ayain ko mga pinsan ko ˋtapos balibagin namin ˋyan sa basketball?” wala sa sarili niyang tanong.
Umismid ako. “Kung ano-anong trip mo sa buhay,” komento ko na tinawanan niya.
“Aha! Napaka-genius ko talaga!” sigaw niya. “Lumpuhin ko kaya ˋyan para hindi na sinusundo lagi sa bahay nina Auntie si Liyah? Nagsasawa na rin ako sa pagmumukha niyan—”
Hinampas ko siya sa balikat dahil sa kanyang mga pinagsasabi. Kahit pa medyo gusto ko ang kanyang naiisip, hindi pa rin maganda na manakit ng ibang tao para lamang makuha ang ating gusto. Nagkamot ng ulo si Sean nang hilain ko siya papalayo sa bayan at dumiretso kami sa munisipyo kung saan may basketball court.
Sa nakalipas na mga araw, inaabala ko na lamang ang aking sarili sa mga gawain sa paaralan upang malimutan saglit si Liyah. Ngunit may mga araw na talagang wala na akong ibang magawa sa bahay kaya sumasama ako kay Sean at pinapanood siyang maglaro ng basketball kasama ang kanyang mga pinsan. Naiirita pa rin ako sa paminsan-minsang panunudyo ng mga tao sa aming dalawa, ngunit natutuhan ko namang ignorahin na lamang sila dahil ang mas importante, malinaw sa aming dalawa ni Sean na pagkakaibigan lamang ang mayroon kami.
Pagkatapos ng laro nila sa munisipyo ay sabay kaming naglakad pauwi. Maraming kuwento si Sean tungkol sa kanyang mga araw sa kolehiyo, at nakikinig lamang ako dahil wala naman akong ibang pagpipilian. Masaya naman siyang kasama at kaibigan kaya kahit pa naiirita rin ako paminsan-minsan sa kanyang mga inaakto, sinasamahan ko pa rin. Mas gusto ko siyang kasama kaysa sa aking mga bagong kaibigan. Dahil mahirap man tanggapin, siya lang, sa palagay ko, ang lubos na nakauunawa sa akin ngayon.
“Punta muna ˋko saglit kina Auntie Anna,” wika ni Sean nang tatlong bahay na lamang ay amin nang madaraanan ang bahay nina Liyah.
“Gano’n ba,” humihikab kong tanong. “Sige, mauna na ˋko sa ˋyong umuwi.”
Lalagpasan ko na sana siya upang makauwi na ako, ngunit bigla niyang hinila ang kuwelyo ng aking uniporme kaya napabalik ako. Muntik ko na siyang makalmot. “Wait lang. Samahan mo na ˋko, please.”
Kumunot ang aking noo. “Ano ba’ng gagawin mo do’n at kailangan mo pa ˋkong isama?”
Nag-iwas siya ng tingin. “M-may naiwan akong mga gamit na kailangan ko nang iuwi kasi mapapagalitan ako ni Mommy. Madami ˋyon, kaya sige na, Ruth. Tulungan mo ˋko! Please!” Ipinagdikit niya ang dalawang palad at nagpa-cute sa akin. Umirap ako dahil hindi ako kumbinsido sa kanyang rason.
Gayunpaman, tumango na lamang ako. Kung may kukunin lamang pala siya ay hindi naman kami matatagalan doon. Alam ko rin na hindi pa nakakauwi si Liyah dahil magkasama sila kanina ni Mark. Madalas siyang natatagalan umuwi tuwing ka-date ang kanyang nobyo, kaya wala akong dapat na ikabahala. “Okay,” sabi ko. “Pero dapat bilisan mo lang. Hindi dapat tayo abutin nang tatlong minuto.”
“Yes!” sigaw niya at napapalakpak pa. “Thanks, Ruth! You really are the best!”
Halos yumakap na siya sa akin, ngunit agad akong lumayo kaya tumawa na lamang siya. Nagpatuloy na kami sa paglalakad papunta sa bahay nina Liyah. Sa gate pa nga lamang ay natanaw na namin si Ramon, nakababatang kapatid ni Liyah, na papalabas at naglakad pasalubong sa amin. Ngumiti ako at inapiran siya. Dahil hindi na ako nagpupunta sa bahay nina Liyah, bihira ko na lamang din makita ang kanyang kapatid. Hindi kami masyadong magkalapit ni Ramon dahil palalakwatsa siya at bihira rin kaming magkita sa kanilang bahay. Ngunit kahit ganoon, malawak pa rin siyang ngumiti sa akin.
“Kumusta, Ate Ruth? Ngayon ka na lang naparito, ah? Miss ka na ni Ate,” biro niya habang inaakbayan ni Sean.
“Ah.” Tumawa ako nang pilit. “Maraming ginagawa sa paaralan, e. Walang oras maglaro at tumambay.”
Tinawanan ni Sean ang aking sinabi kaya sinamaan ko siya ng tingin. “Anong walang oras ka diyan? Lagi ˋyan tumatambay sa munisipyo para panoorin kaming mag-basketball nina Dylan. Magkaaway kasi ˋyan ˋta’s ˋyung ate mo, Mon, kaya ayaw bumisita—”
Malakas akong tumawa at sinipa ang tuhod ni Sean. Napasigaw naman siya sa sakit kaya tinawanan din ni Ramon. “ˋWag kang maniwala diyan, Mon. Bati kami ng ate mo. Busy lang talaga ˋko.”
Nagkibit-balikat si Ramon. “Sus. May LQ lang pala kayo,” nagbibiro niya ring sabi na nagpahagikhik kay Sean. “Anyway, mauna na ˋko, Kuya Sean, Ate Ruth. Magkita pa kami ng ˋkada.”
“Hey, magbibisyo na naman ba kayo niyang mga barkada mo?!” tanong ni Sean at kinutusan si Ramon.
“Hindi, ah!” kontra niya.
“Isusumbong ko ˋto kay Tiya Anna kapag bumisyo ulit,” sabi ko naman.
Lumayo na sa amin si Ramon na umiiling-iling. “Try mo lang, ˋTe. Gagatungan ko pa ang away n’yo ni Ate Liyah para ˋdi na talaga kayo magbati.”
Sasagot pa sana ako sa patutsada ni Ramon, ngunit mabilis na siyang tumakbo sabay kaway sa amin. Napabuntonghininga na lamang ako at tumawa pa itong si Sean sa aking tabi. “Ano’ng tinatawa-tawa mo diyan?” nagtataray kong tanong sabay harap sa kanya. “Tara na't magagabihan na ˋko.”
Pumasok na kami sa bahay ng mga Sarmiento at nakasalubong din namin si Tiya Anna. Nagmano ako sa kanya at kinumusta niya rin ako. Ramdam ko ang pagkakuryoso niya sa akin nang tanungin kung bakit ngayon na lamang ako nakabisita sa kanilang bahay, ngunit nang irason ko ang dahilang sinabi ko kanina kay Ramon, hindi na rin naman siya nagtanong pa. Nagsimula akong magbilang sa mga daliri ko ng segundo habang hinihintay si Sean na hanapin ang mga bagay na sinabi niyang kanyang iuuwi.
Sakto nang umabot na sa isang daan at walumpu, nagpasya na akong tulungan si Sean sa paghahanap dahil naiinip na ako. Kung ano-ano na kasi ang pumapasok sa aking isipan, na kesyo baka magkita kami ni Liyah rito at iwasan niya na naman ako. O na baka magkita kami at lumapit siya at wala akong masabi kaya magiging awkward ang sitwasyon. Ayoko sa mga isipin na iyon, kaya hinanap ko si Sean sa ikalawang palapag ng bahay ng mga Sarmiento. Ngunit nang saktong makataas ako, ang taong iniiwasan ko naman ang siyang bumungad sa akin.
Nakasuot ng malaking puting T-shirt si Liyah at isang pares ng maikling shorts. Basa rin ang kanyang buhok, nagpapahiwatig na kalalabas niya pa lamang sa banyo. Naamoy ko tuloy ang kanyang imported na shampoo at pamilyar na pabango at halos liparin na naman ang aking puso papunta sa ibang planeta. Sa tingin ko ay ganoon din ang kanyang nararamdaman dahil matagal siyang napatitig sa akin. O baka imahinasyon ko lamang iyon dahil tuwing magkakatagpo ang aming mga mata, nararamdaman ko ang mahinang pag-agos ng oras.
Kung hindi pa ako tumikhim ay mananatili kami, malamang, sa ganoong ayos. Ibinuka ko ang aking bibig upang tanungin siya kung nasaan si Sean, ngunit naunahan niya na akong magsalita.
“N-nandito ka pala,” nauutal niyang sambit.
Tumikhim akong muli upang hindi rin mautal bago sumagot, “Oo. Kasama ko si Sean.” Kinuyom ko ang aking kamao sa aking likod dahil hindi na ako mapakali sa kanyang presensya. “Nakita mo ba siya?”
“Oo,” agaran niyang sagot. “Nasa kuwarto ni Mon.”
Dahil nararamdaman ko na ang nakasasakal na hangin sa pagitan naming dalawa, ngumiti ako sa kanya, nagpasalamat, at nagsabing pupuntahan ko na ang kanyang pinsan. Ngunit pinigilan niya ako sa pamamagitan ng paghawak sa aking pulso. Nanigas ako sa kinatatayuan at unti-unti siyang hinarap. Bahagyang nanlaki ang aking mga mata nang aking makita ang kanyang buong mukha na kasing-pula na ng kamatis. Ramdam ko rin ang pamamawis ng kanyang palad sa aking braso.
“Liyah,” tawag ko sa kanyang pangalan. Bahagya siyang tumingin sa akin ngunit nag-iwas muli ng tingin.
Bumuntonghininga pa siya na tila ba nahihirapan sa kung ano man ang balak sabihin. “Usap . . .” bulong niya.
“Ha?” tanong ko dahil hindi ko masyadong narinig ang kanyang sinabi.
Humugot muli siya ng malalim na hininga. “Ang sabi ko, mag-usap tayo,” halos pagalit niya nang sabi.
Binawi ko ang aking kamay na hawak niya at sinapo ko ang aking noo. Biglang kumalabog nang sobrang bilis ang aking puso na tila ba gusto na nitong lumayas sa aking katawan. Papatayin ako ng babaeng ˋto sa kaba, isip ko. Pinanatili kong kalmante ang aking itsura sa labas, ngunit gusto ko na namang magsusumigaw sa aking kaloob-looban.
Gusto ni Liyah na mag-usap kami. Ano ang aming pag-uusapan? Hihingi na ba siya sa akin ng tawad sa ilang buwan niya ring pag-iwas? Pag-uusapan ba namin ang tungkol sa gabi ng kaarawan ni Sean? Naalala niya na ba ang kanyang mga pinagsasabi at aking pinagsasabi? O baka . . . o baka ito na iyong sinasabi nilang confession na aking nababasa sa mga nobela at napapanood sa mga pelikula ni Sharon Cuneta?
Parang gusto ko nang magsisigaw sa dami ng tanong na bumaha sa akin sa sandaling iyon!
“Pero si Sean,” ang unang lumabas sa aking bibig matapos maghanap ng tamang mga salita upang isagot sa kanyang sinabi. Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Liyah at pagsama ng kanyang timpla. Nahuli ko pa nga siyang umiirap kasabay ang pagbulong ng kung ano-ano na tila ba bubuyog. Bago pa magbago ang kanyang isip ay nagpaliwanag na ako. “Nandito ako kasi nagpapatulong siya. Magpapaalam muna ako sa kanya bago—”
“Bakit ka naman magpapaalam sa kanya?” pagalit ngunit pilit na kinakalmante ang sarili niyang tanong. “Boyfriend mo? Kayo na talaga?”
“Hindi, pero—”
“Edi hayaan mo siya,” aniya at inabot ang aking kamay. Nagsimula na siyang magmartsa papunta sa kanyang kuwarto, hila-hila ako. “Mag-uusap tayo. ˋWag mo nang isipin ang pangit na Sean na ˋyon.”
Gusto kong matawa sa kanyang sinabi, ngunit pinigil ko ang sarili. Habang pinagmamasdan ko siyang umaktong ganoon ay nagmumukha siyang nagseselos sa kanyang pinsan. Naalala ko na naman iyong sinabi niya noong nakaraang buwan, at dahil doon, gumuhit ang ngiti sa aking mga labi.
Binitawan niya ang aking kamay upang kandaduhan ang pintuan ng kanyang kuwarto. Nakatitig lamang ako sa kanya habang hindi matanggal ang ngiti sa aking labi. Nang lumingon tuloy siya at makita akong nakangisi, nangasim ang kanyang mukha at humalukipkip.
“Ano’ng nakakatawa?” nagtataray niyang tanong na mas nagpalawak pa sa aking ngiti.
“Wala lang,” sarkastiko kong sagot at tinalikuran siya. Iginala ko ang tingin sa kabuuan ng kanyang silid at napansin ang iilang pagbabago roon. Dahil mahilig sa kulay-rosas na kulay si Liyah, kahit saan man tumingin ay may bahid niyon. Nasa gitna pa rin ang malaki at malambot niyang kama na noon ay magkatabi kaming tinutulugan. Nakabukas ang pintuan papunta sa balkonahe ng kuwarto. Kapansin-pansin ang idinagdag na istante na pinapatungan ng telebisyon sa harap ng kanyang kama. Naroon nakalagay ang iilang koleksyon niya ng mga libro tungkol sa literatura, at ang mga VHS tape na naglalaman ng mga pelikulang minahal ng kanyang buong pamilya—kasama na ako.
Sa tabi ng kanyang kama ay mayroong mesa kung saan nakalagay ang iilang litrato ng kanyang pamilya, at may isang kaming dalawa. Nakatumba iyon kaya napakunot ang aking noo. Lumapit ako roon upang patayuin iyon muli bago hinarap ang nakahalukipkip at nakasandal sa pintuan na si Aaliyah Sarmiento. “Bakit nakatumba ˋto? Hindi mo ba alam na malas ang ganito?” tanong ko sa kanya na kanyang pinandilatan lamang.
“Ah, pinataob ko kasi akala ko hindi na tayo magkaibigan. Natitiis mo na ˋkong hindi pansinin, e.” Umirap siya sabay galaw sa kanyang nakahalukipkip na mga braso.
Umirap din ako. “Ako pa talaga,” sabi ko, pinipilit na hindi lumabas ang pagtatampo sa boses. “Sino ba’ng umiiwas?”
“Sino nga ba?” sarkastiko niyang balik.
Napabuntonghininga ako at napakamot sa ulo. Kahit pa natutuwa ako na nagkaroon kaming muli ng pagkakataon upang mag-usap ni Liyah, hindi pa rin talaga nawawala sa kanya iyong natural niyang talento na mang-inis. “O, akala ko ba mag-uusap tayo? Ba’t puro pagtataray at panggagago ka na naman diyan?” tanong ko na nagpabaling ng kanyang atensyon sa akin.
“Ikaw kasi, e . . .” bulong niya.
Nilapitan ko siya. Napansin ko ang bahagyang pag-angat ng kanyang kilay nang humalukipkip din ako sa kanyang harapan. Kahit pa nakaiwas siya sa akin ng tingin, halata pa rin ang emosyon sa kanyang mukha. Kailanman ay hindi siya naging magaling sa pagtatago ng tunay na nararamdaman sa kanyang mukha. Unti-unti na naman siyang namumula at ilang beses ding kumukurap-kurap.
“Kung ˋyun lang pala ang pag-uusapan natin, mauuna na ako,” namumukaw kong wika.
Naging matagumpay naman ako dahil kanyang hinawakan ang pihitan ng pinto at masama na ang tingin sa akin. “Hindi. Hindi pa tayo tapos.”
Suminghap ako. “O, ano’ng pag-uusapan natin? Ang pag-iwas mo sa ˋkin? Ang hindi ko pagtiis sa parang bata mong ginagawa—”
“Oo—oo pag-uusapan natin ˋyan! Pero hindi muna ˋyon ang gusto kong pag-usapan natin, Ruth.”
“O, e, ano pala?”
“May napanaginipan ako,” pagsisimula niya. “Actually, hindi ko alam kung panaginip o totoo. Basta! Panaginip man o totoo—noong hinatid mo ako pauwi sa birthday ni Sean.” Umirap siya pagkatapos banggitin ang pangalan ng pinsan. “M-mukhang may mga nasabi ako na hindi ko alam kung totoo o napanaginipan ko lang. Isang buwan na’ng nakakalipas, pero hanggang ngayon hindi talaga mawala sa isip ko.”
Napaamang ako at halos pigil-hininga na. “Alin doon sa mga sinabi mo ang gusto mong pag-usapan natin?” mahinahon kong tanong.
“So may nasabi nga ako? Hindi panaginip?” nanlalaki ang kanyang mga matang tanong.
Hindi ako kumibo at hinayaan lamang siyang mag-isip kung ano ang totoo. Sa mga sandaling iyon ay nagustuhan kong panoorin si Liyah na mag-isip at maaning kung ano ang totoo sa hindi. Dahil kahit isang buwan na rin ang lumipas, binabalikan ko rin ang mga sandaling iyon nang paulit-ulit. Halos baliwin na ako nang dahil lang sa kaiisip niyon. At ngayong alam kong ganoon din ang nararamdaman ni Liyah, hindi ko maiwasang matuwa.
“Ruth,” halos paiyak niyang tawag sa akin. Nanlambot agad lahat sa akin dahil doon. “Nakipag-break na ˋko kay Mark kanina,” dagdag niya.
Naestatwa lamang ako roon at hindi alam kung ano ang sasabihin. Bumuhos na naman ang lahat ng tanong sa akin, ngunit sa lahat-lahat ng iyon, iisa lamang ang nagpapaulit-ulit sa aking utak: ito na ba ang senyales na hiniling ko sa kanya noong gabing iyon?
Pinanood ko si Liyah na guluhin ang kanyang buhok at unti-unting maupo sa sahig. Dahil gusto kong maglebel ang aming mga paningin, umupo rin ako at tiningnan siya sa mukha. Hindi niya maibalik sa akin ang tingin.
“Pero hindi ko maalala kung ano ˋyung mga pinagsasabi ko sa ˋyo, Ruth,” nahihirapan niyang sabi. “Tulungan mo nga ako.”
Humagikhik ako. “Gusto mo talagang ulitin ko lahat ng sinabi mo sa akin noon?” hindi ko na mapigilang itago ang tuwa sa aking boses. Dahil doon ay napaangat sa akin ng tingin si Liyah.
“Oo. Sabihin mo sa ˋkin lahat ng mga sinabi ko. Para alam ko kung lumagpas na ba ˋko sa linya.”
Dahil sa sinabi niya ay napaisip ako. Naalala ko iyong kasabihan na ‘drunk words are sober thoughts’. Sa puntong ito, alam ko nang hindi na ako nahihibang noong gabing iyon. Totoo nga ang nararamdaman sa akin ni Liyah. Pareho nga kami ng nararamdaman sa isa’t isa! At kahit pa gusto ko nang magsusumigaw dahil sa saya, nanatili akong seryosong nakatingin sa kanya. Alam ko na kahit pa masaya akong narinig iyon noong lasing siya, gusto ko pa ring marinig mula sa kanya ngayon na walang alak na nag-iimpluwensya sa kanyang sabihin ang lahat ng nasa kanyang isipan.
Gusto kong sumugal ka sa ˋkin, Aaliyah Sarmiento.
“Ayoko,” pinal kong sabi na ikinasinghap niya.
Nagbilang akong muli ng mga segundo habang pinapanood siyang halos maiyak na. Sa itsura niya, mukha siyang nakikipaglaban sa kanyang sariling isipan—tulad ko noong hindi ko pa sa kanya naaamin ang nararamdaman ko noong gabing iyon.
“Gusto ko . . .” panimula niya na halos pumutol na sa aking hininga. “Gusto ko na ulit matikman ang peanut butter ni Nanay Marlyn—”
“Ha?” naguguluhang untag ko.
Pinigilan niya akong magsalita pa at inilagay sa aking bibig ang kanyang palad. Nanigas ako sa aking kinauupuan at nanlaki ang mga mata. “ˋWag ka munang mag-ingay, shunga! Patapusin mo muna kasi ˋko,” aniya.
Hindi ko na napigilan ang humalakhak dahil doon. Binawi ni Liyah ang kanyang kamay na nakatakip sa aking bibig at unti-unti akong naging komportable sa aking kinauupuan. Pinanood niya akong humagalpak sa tawa sa kanyang harapan, habang siya ay mukhang naiirita na dahil sa aking pagtawa. At dahil gusto ko siyang magpatuloy sa kanyang gustong sabihin, kahit pa hindi ako tiyak kung magugustuhan ko ba ang sasabihin niya o hindi, nanahimik na ako. Gayunpaman, hindi nawala ang bahid ng ngiti sa aking mga labi.
Sinenyasan ko siya. “Oh, bakit natulala ka na sa ˋkin diyan? Magpatuloy ka na.”
“Gaga ka talaga kahit kailan, Mary Ruth! Nawala na ˋyung moment ko.”
“Kanino ba naman ako nagmana kasi?” biro ko na ilang sandali pa ay tinawanan niya naman.
Nanlambot ang aking kalamnan nang makitang nagiging komportable na rin siya. Inayos niya ang kanyang buhaghag nang buhok mula sa kanyang pagsabunot kanina. Sumandal siya sa pintuan na ilang sandali ay ginaya ko. Tumabi ako sa kanya hanggang sa magdikit ang aming mga balakang at balikat. Huminga ako nang malalim at nagbalik-tanaw. Hindi ko alam na magiging ganito ko ka-miss na maging komportable sa tabi ng aking pinakamatalik na kaibigan.
“Alam mo, hindi ako nagbibiro,” pagputol niya sa kalahating minuto naming katahimikan. “Nami-miss ko na talaga ˋyung peanut butter ni Nanay Marlyn.”
“Kung miss mo na pala, e, bakit hindi ka ulit bumisita sa bahay namin?”
“E, kasi . . .” Nagbuga siya ng hangin.
“E, kasi,” gaya ko sa kanya kaya bahagya niya akong itinulak. Humagikhik ako.
“Gusto kong ma-miss mo rin ako,” bigla niyang amin sa nanginginig na boses.
Naramdaman ko ang aking pisnging nag-iinit dahil sa pagkabigla. “Na-miss ko rin naman ang libre mong pandesal galing sa panaderya ni Aling Maribel,” wika ko.
“Gusto mo kain tayo?” tanong niya. Nilingon ko siya.
“Bukas na lang. Bago pumasok sa paaralan. Agahan mo para hindi ka nale-late.”
“Wow! Ikaw pa talaga ang nagsasabi niyan, ha?” natatawa niyang untag. “Sige, pupuntahan kita sa inyo bukas para sabay na tayo.” Huminto siya saglit at hinarap din ako. “Na-miss din kitang isakay sa likod ng bike ko.”
“Gano’n,” sarkastiko kong sagot, “akala ko kasi mas gusto mong sagasaan na lang ako habang nakasampa sa bisekleta mo ˋyong pangit na boypren mo.”
Bahagya niyang tinampal ang aking balikat. “Namali lang ako! Si Sean ang balak kong sagasaan no’n!”
Natawa ako. “Bakit mo naman gustong sagasaan si Sean? Selos ka?”
“Oo,” agaran niyang sagot na nagpabigla sa akin.
Nagkatitigan kami at muli sa aking pinaalala kung bakit ako nahuhulog muli sa taong ito. Sa kislap ng kanyang mga mata ako nalulunod; at wala na akong pakialam kung tuluyan akong mawalan ng hininga kung ang ibig sabihin niyon ay sa lalim ng kanyang mga mata ako mahuhulog. Kumibot ang aking labi at unti-unti na lamang iyong bumuo ng ngiting sa palagay ko ay ang tinutukoy ni Sean. Ibinalik sa akin ni Liyah ang ngiting aking iginawad at kumurap.
“Kaibigan ko lang si Sean, Liyah. Pati si Riley. Wala akong boyfriend; wala akong balak na mag-boyfriend.”
Mas lumaki pa ang ngiti sa kanyang mga labi dahil sa mga salitang aking binitiwan. “Alam ko,” aniya. “Naaalala ko na ngayon, Ruth.”
Hindi ako sumagot at hinintay lamang siyang sabihin kung ano man ang nagbabadyang lumabas sa kanyang mga labi. Inabot niya ang aking pisngi at hinaplos iyon nang marahan. Napapikit ako sa malumanay na pagdampi ng kanyang mga daliri sa aking balat. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang kanyang katawan na mas lumapit sa aking katawan. Hinawakan niya ang aking ulo at idinampi ang mga labi sa aking noo. Tila inililipad na naman ako sa kalawakan dahil sa kanyang ginawa. At dahil magkadikit kami sa sandaling iyon, kasama ko siyang lumulutang sa ibabaw ng mundo kung saan pareho kaming malayang ipahiwatig ang nararamdaman.
“Mahal kita bilang matalik kong kaibigan,” bulong niya, “at mahal din kita tulad sa kung paano magmahal ang dalawang bidang karakter sa mga pelikula, Ruth.”
Inatake na naman ako ng pamimilipit ng tiyan nang sa wakas ay marinig ko na mula sa kanya ang mga katagang ilang buwan ko ring inasam. Yumapos siya sa akin at agad akong binalot ng kanyang mainit na mga braso. Hindi ko hinayaang ako lamang ang makaramdam ng ganoong klaseng init na nakapupukaw ng puso.
“Mahal din kita,” wika ko sa paraan na alam kong makukuha niya ang aking ibig sabihin. “Tulad sa kung paano magmahalan sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa mga pelikula nila.”
Mas humigpit ang yakap niya sa akin. “Isang buwan akong late, pero nakumpleto ko naman ang mga sign na hiningi mo, Ruth.”
“Uh-hm,” bulong ko.
“E, magka-girlfriend ba, wala kang balak?”
Humagikhik ako at mas hinigpitan pa ang yakap sa kanya. “Kung ikaw, bakit hindi?”
Tumawa siya at iyon na marahil ang pinakamagandang musikang aking narinig sa tanang buhay ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top