Ikasiyam na Kabanata
𝙸𝚇. 𝙽𝙶𝙰𝚈𝙾𝙽𝙶 𝙶𝙰𝙱𝙸, 𝙿𝙰𝚁𝙴𝙷𝙾 𝚃𝙰𝚈𝙾
“BUTI NAMAN BATI na kayo,” komento ni Sean habang naghihintay siya, tulad ng kanyang palaging ginagawa, sa labas ng aming paaralan.
Magkasabay kami ni Liyah na naglalakad palabas. Hawak niya ang bisikleta at nasa akin na rin ang kanyang bag. Nakapamulsa si Sean habang malawak ang ngiti sa akin. Kung nakakasilaw lamang ang ngiti ng isang tao, malamang ay nabulag na ako dahil kay Sean. Sinalubong niya pa nga kami, ngunit mabilis siyang itinaboy ni Liyah.
“Tabi, magbibisikleta kami pauwi,” ani Liyah kay Sean.
“Sabay ako?” tanong naman ng lalaki.
“Asa. Saan ka naman sasakay dito? Sa gulong?”
Humalakhak si Sean at nagkamot ng batok. “I can run, ˋcouz. Huwag ka ngang madamot kay Ruth. Kaibigan niya rin naman ako,” pagrarason niya sabay tingin sa akin.
Bumungisngis si Liyah. “Kaibigan ka lang.”
“Huh?” litong tanong ni Sean at tumingin sa akin gamit ang kanyang mga matang nagsasabing, ‘Tulungan mo ˋko.’
Umirap ako at nginisihan siya. “Parang gusto ko ngayon kumain ng betamax,” pagpaparinig ko kay Liyah kaya nilingon niya ako. “Bili tayo sa bayan?”
“Tayong dalawa lang?” tanong niya na agad kong inilingan.
“Sama na natin si Sean. Manlilibre ˋyan.” Tumingin ako kay Sean at pinagtaasan siya ng kilay. “ˋDi ba, Agustin?”
“Sure, of course,” sagot niya naman.
At dahil kilala ko si Liyah na hindi tumatanggi sa libre, napapayag din namin siya. Ibinigay niya ang kanyang bisikleta sa pinsan at inagaw sa akin ang kanyang bag. Nag-angat ako ng tingin at binati ng kulay kahel na kalangitan. Halos walang ulap na gumagambala sa sikat ng araw, kaya makikita ang paglubog nito sa likod ng mga bundok habang naglalakad kami papunta sa bayan. Nagbaba ako ng tingin dahil napapansin ko ang pagsulyap ni Liyah sa akin at sa aking kamay. Dumadaldal si Sean sa kanyang tabi, ngunit ang aking buong atensyon ay nakaabang na sa kung anumang binabalak niyang gawin.
Sa katunayan, alam ko naman na talaga ang kanyang gustong gawin. Sa dinami-rami ba naman ng kanyang naging nobyo, alam ko ang kanilang kadalasang ginagawa tuwing nagkikita sila. Magkahawak-kamay silang naglalakad at nagsasabihan ng kung ano-anong matatamis na salita sa isa’t isa. Iniisip ko kung gagawin niya rin ba sa akin iyon, ngunit nakarating na kami’t lahat-lahat sa bayan, hanggang sulyap lamang siya sa aking kamay.
Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o malungkot dahil doon. Halos isang linggo na rin kasi mula noong maging kami, ngunit hindi namin pareho ginagawa ang mga bagay na ginagawa ng mga magkasintahan sa mga pampublikong lugar. Ibang usapan naman tuwing kaming dalawa lamang ang magkasama. Kapag walang ibang mga matang nakatingin sa amin, binabalak niya akong patayin dahil sa kanyang pagiging madikit. Hindi siya mabuti para sa puso at sa tiyan.
Kahit nga noong hinawakan niya ang aking braso upang ibigay sa akin ang dalawang stick ng betamax ay nagulat pa rin ako. Nakatingin na nga sa amin si Sean na tila bang isa kaming misteryong kanyang kailangang lutasin. Ngumiti ako kay Liyah at nagpasalamat. Tinulungan niya ang ale na mag-ihaw pa ng iba naming binili kaya lumapit sa akin si Sean at makahulugang ngumiti.
“You should thank me,” bulong niya na nagpakunot sa aking noo.
Isinubo ko ang betamax sabay tanong, “Bakit naman kita pasasalamatan? Sa libre mo ba? O, edi, salamat?”
Tumawa siya at nagkibit-balikat. “No, not that. Basta. Deserve ko ang pasalamatan dahil sa pagiging selfless ko.”
Umirap ako dahil hindi ko makuha ang kanyang gustong sabihin. Tinalikuran ko na lamang siya at tinulungan na rin si Liyah na magpaypay sa ihawan. Dahil sa likas na pagiging mabuting tao namin—kahit pa minsan ay parehong nanggagago—pati ang ibang bumibili ay isinabay na namin sa iniihaw. Nakipagbiruan pa nga si Liyah sa tindera na baka makalibre siya ng isa, ngunit tinatawanan lamang siya niyon. Kahit ako ay napapailing na lamang sa kalokohan ng babaeng ito.
Pagkatapos namin sa bayan ay dumiretso naman kami sa munisipyo dahil pinilit kami ni Sean at gusto ko rin namang manood. Mukha pa ngang aayaw si Liyah dahil aniya’y baka makita niya ang ex niya roon, ngunit dahil pinandilatan ko siya ng mata ay pumayag din naman kalaunan.
Magkatabi kaming umupo sa bangko habang tinitingnan ko si Sean na makipag-apiran sa kanyang mga kaibigan at kanyang iba pang pinsan. Ramdam ko ang pagdikit sa akin ng braso ni Liyah kaya nilingon ko siya. Makahulugan ang kanyang ngiti sa akin at tila ba may gustong gawin. Nalaman ko naman agad kung ano iyon nang magbaba siya ng tingin sa aking kamay.
“Ruth, puwede bang—”
“Uy! Si Aaliyah ˋyun ah!” sigaw ng kung sino kaya naputol ang sinasabi ni Liyah.
Napausog ako sa kanya papalayo at ramdam ko rin ang gulat sa kanya. Tiningnan ko kung sino ang sumigaw at iyon ay ang dati rin naming kaklase ni Liyah na barkada rin ni Mark. At dahil naroon iyon, otomatikong hinanap ng aking mga mata sa paligid si Mark. Agad ko naman siyang nakita sa kabilang dulo ng palaruan na nakaupo sa bangko. Pinagtutulakan siya ng kanyang iba pang mga kaibigan ngunit umiiling lamang siya.
“Ipasok si Mark! Mukhang nandito si ex para panoorin siya!”
Napuno ng mga ugong-ugong ang buong palaruan na agad ikinasama ng aking timpla. Kahit pa sinasaway na sila ni Sean at ng kanyang iba pang pinsan ay mas lumalakas pa rin ang kanilang mga sigawan. Nilingon ko si Liyah na umiiling-iling pa at napapabuntonghininga.
“Tch. Kaya ayokong pumunta sana, e,” aniya.
Tiningnan ko si Mark at nahuli ko siyang nakatingin din kay Liyah. Naramdaman ko ang lungkot sa lalaki, kaya hindi ko maiwasang makaramdam din ng simpatya sa kanya. Bumuntonghininga ako. Kung hindi ko kaya hiniling kay Liyah na makipaghiwalay siya sa lalaking iyan, mas magtatagal pa kaya sila? Sa pagkakaalam ko, siya lamang nga ang nagtagal sa babaeng ito.
Nawalan na ako ng gana dahil sa aking mga iniisip. Nakakainis din minsan na bigla-bigla na lamang akong sinusumpong ng selos kahit pa alam ko naman nang ako ang gusto ni Liyah. Dahil sa kabubuntonghininga ko, siguro ay naramdaman ni Liyah ang aking pagkawala ng gana kaya dumikit ulit siya sa akin. Hinawakan niya rin ang kamay kong nagtatago sa ilalim ng aking itim na palda. Muntik ko nang bawiin ang aking kamay kung hindi niya lamang itinago rin ang kanyang kamay sa gitna ng aming suot na mga palda.
“ˋWag kang ngumuso diyan. Wala akong balak balikan ˋyan si Mark,” bulong niya sa gitna ng ingay ng mga lalaki.
Tiningnan ko siya at nagpasyang itanong kung ano ang bumabagabag sa aking utak. “Labis mo bang minahal si Mark?”
Napatingala siya habang hinahaplos ng kanyang hintuturo ang likod ng aking palad. “Hm . . .” Napahawak pa siya sa kanyang baba na tila ba nag-iisip nang malalim. Unti-unti nang sumisibol ang kaba sa aking dibdib habang lumilipas ang mga segundo. “Mabait naman siya.”
Kahit pa nakakaramdam pa rin ako ng simpatya sa dating kaklase, hindi ko maiwasang matawa dahil sa sagot ni Liyah. Agad ding nawala ang kaba sa akin. Tumawa rin siya kaya tuluyan nang nawala ang selos sa aking dibdib. “E, ako?” nagbibiro ko sa kanyang tanong na ikinakupas ng kanyang tawa.
“Ha?” kunwari ay gulat niyang anas. “Sino ka ba?” pang-aasar niya kaya agad ko siyang sinuntok sa balikat gamit ang aking kaliwang kamay. Nagtatawanan lamang kaming dalawa habang patuloy niya lamang na hinahawakan ang aking kamay. Ni hindi nga lamang din kami nanood ng laro nina Sean dahil nagkuwentuhan at nag-asaran na kami tungkol sa kung ano-anong mga bagay.
Hindi na nga rin namin tinapos ang laro at umuwi na kaagad. Sinigawan lang ni Liyah si Sean na uuwi na kami, at umuwi na nga kami. Ang ibig sabihin ng umuwi ay diretso kami sa bahay nina Liyah. Aniya’y magkukulong na naman daw kami sa kanyang kuwarto at manonood ng kung ano o magsasayaw ulit na parang mga tanga sa mga kanta ng The Beattles. Sinundo niya pa nga ako sa bahay namin kaninang umaga upang ipagpaalam kay Inay at Itay. Kaya sa bahay ako ng mga Sarmiento matutulog ngayong gabi.
Nang makarating kami ay agad akong dumiretso sa aparador ni Liyah at kumuha roon ng damit. Halos magkapareho lamang kami ng hubog ng katawan, kaya malaya kong nahihiram ang kanyang mga damit. Kung hindi naman, medyo masikip lamang sa akin ang ibang damit. Nagpaalam ako sa kanyang maliligo muna ako dahil akin nang naaamoy ang usok na mula sa ihawan sa aking uniporme. Tumango lamang siya sa akin bilang tugon habang tumitingin sa kanyang koleksyon ng mga pelikula.
Mabilis lamang din akong naligo at natuwa pa nga ako nang gamitin din ang imported na shampoo ni Liyah. Naniniwala ako na mas mabango pa rin ang shampoo na binibili ng Inay sa palengke, ngunit hinehele ako ng ideya na magkapareho kami ng amoy ni Liyah. Sa susunod na magpapadala ng mga gamit ang kanyang ama mula sa Amerika, hihingi ako sa kanya ng sabon at shampoo.
Nang makalabas ako ay saktong papunta na rin si Liyah sa banyo. Suot niya ang ngisi sa kanyang mga labi nang ilapit sa akin ang mukha sabay amoy sa aking ulo. Nag-init ang aking mukha dahil doon. “Dapat pala nagsabay na lang tayong maligo,” aniya kaya agad ko siyang tinulak.
Nang makaisip ng pambalik na pang-aasar ay ngumisi rin ako. “Gusto mo maligo ulit ako?”
Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na namula ang buong mukha. Nakatutuwa talaga siyang asarin nang ganito dahil mabilis na nagbabago ang ekspresyon sa kanyang mukha. Dahil mapusyaw ang kanyang kutis, ang simpleng pagkahiya ay lumalabas sa kanyang mga pisngi. “N-nagjo-joke lang naman ako!” katuwiran niya sa kabadong tono. “Bakit ka ganyan?” dagdag niyang tanong sabay takip sa magkabilang pisngi.
Tumawa ako. “Sinasabayan ko lang naman ang trip mo. Bakit ikaw ngayon ang nahihiya diyan?”
“E, kasi—” huminto siya sabay halukipkip ng mga braso. Nangunot din ang kanyang noo. “Teka nga, bakit may nalalaman ka nang ganyan? Sa’n mo ˋyan natutunan? Ganyan din ba kayo magbiruan ni Sean—”
Tumawa ako at nagpasyang itulak na siya papunta sa banyo bago pa siya magsimulang magsabi ng kung ano-ano. “Maligo ka na nga muna. Ang bantot mo na!”
Nagpumiglas pa si Liyah, ngunit dahil mas malakas ako kaysa sa kanya, naitulak ko rin naman agad siya papasok sa banyo. Tumawa lamang ako nang mag-isa nang bumalik sa kanyang kuwarto. Pinatutuyo ko ang aking buhok habang nakaupo sa kama ni Liyah. Nakahilera na sa paanan ng kama ang aming mga papanoorin ngayong gabi at napangiti na lamang ako.
Magsisinungaling ako kung sasabihin kong maraming pagbabago sa aming relasyon. Wala namang nabago. Tulad pa rin ng dati ang aming trato sa isa’t isa. Nagkukulitan, nag-aasaran, sabay na mag-a-almusal ng pandesal na may palamang peanut butter, tatambay sa may tulay at manlalait ng mga tao sa paaralan na kanyang nakakaaway dahil sa mga lalaki, tatambay rito sa kanilang bahay tuwing wala nang gawain sa eskuwelahan, magkatabing manonood at kikiligin sa mga pelikulang romansa, at minsan ay sasabay sa mga kanta sa radyo hanggang sa pareho kaming mawalan ng boses.
Ang pinagkaiba lang ay hindi ko na kailangan pang itago ang totoo kong nararamdaman sa kanyang harap. Ganoon din naman siya. Sa tuwing nagdidikit ang aming mga balat ay nararamdaman ko ang lahat ng mga salitang nabubuhol sa kanyang dila. Alam kong hindi magaling sa mga salita si Liyah, ngunit magaling siyang ipakita ang kanyang nararamdaman gamit ang aksyon. At mas minamahal ko iyon sa kanya. Mas nagugustuhan ko ang mga aksyon dahil mas nagpapahayag iyon ng katotohanan kaysa sa mga salita.
Humiga ako sa kama at tumitig sa kisame. Bumuntonghininga ako. Kaso nga lang, magsisinungaling din ako kung sasabihin kong ganito ang relasyong aking binuo noon sa aking imahinasyon. Siguro dahil lagi ako noong nasa tabi ni Liyah tuwing magkasama sila ng kanyang nobyo, alam ko rin kung papaano siya umakto sa kanilang harapan. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na pareho naming gustong itago ang nararamdaman namin sa isa’t isa sa buong mundo. Minsan ay pumapasok sa aking kokote iyong aking pagkagusto na kanya ring hawakan ang aking kamay sa labas nitong apat na pader ng kanyang kuwarto. Minsan ay akin ding ninanais na makarinig mula sa kanya ng matatamis na salita habang may ibang tao kaming kaharap. Minsan ay gusto ko ring magdikit ang aming mga balat nang hindi iniisip kung ano ang sasabihin ng ibang tao.
Ngunit lahat ng kagustuhan kong iyon ay natutunaw rin tuwing sumusuot sa aking dibdib ang takot na hindi ko alam na mayroon pala ako mula nang maging kami. Hindi pala ganoon kadali. Akala ko kasi, kapag ibinigay sa akin ni Liyah ang pagtingin na aking hinahangad, kakayanin ko nang harapin ang buong mundo habang hawak ang kanyang kamay nang sobrang higpit.
Nagkakamali ako; takot ako, ganoon din siya. Kaya minsan ay napapaisip na lamang ako kung ito ba talaga ang aking gusto.
“Tulala ka diyan?”
Napatayo kaagad ako nang marinig ang boses ni Liyah. Hindi ko na namalayan ang oras na lumilipas habang nakikipagtalo ako sa aking isipan. Tiningnan ko si Liyah sa hamba ng kanyang pintuan. Nagpapatuyo na rin siya ng buhok at nakasuot na ng kulay asul na pantulog. Isinara niya ang pintuan sa kanyang likod at mabilis na naglakad papunta sa akin. Halos mapatili na ako nang yumakap siya sa aking baywang at mahulog akong muli sa kanyang malambot na kama.
“Liyah!” natatawa kong sigaw nang bigla niya akong kilitiin.
“Ano’ng iniisip mo diyan at tulala ka, ha? Lalaki na naman ba?” tanong niya habang nakayakap pa rin sa akin.
Tinulak ko siya papalayo dahil nagsisimula na naman siyang kilitiin ako. Binato ko siya ng unan hanggang sa batuhin niya rin ako at limang minuto rin kaming naghabulan at naghampasan ng kanyang unan. Siya ang unang sumuko dahil agad siyang napagod. Habang nakataas ang kanyang dalawang kamay ay mabilis akong lumapit upang hampasin siya ng unan sa huling pagkakataon. Ganti ko iyon dahil sa kanyang pangingiliti kanina.
“Ang bilis mo nang mapagod,” komento ko sa gitna ng mga tawa. “Masyado ka na kasing tamad.”
“Lagi naman akong napapagod agad. Kinalaman ng pagiging tamad ko?” tanong niya habang hinihingal.
Ngumiti ako at nilapitan siya. Ibinato ko ang unan sa kanyang kama upang ako naman ang makaganti ng yakap sa kanya. Agad kong ipinosisyon ang aking tainga sa kanyang dibdib upang marinig ko ang tibok ng kanyang puso. Mula noong maging nobya ko na siya, ito ang aking paboritong gawin upang malaman kung totoo ba talaga ang kanyang nararamdaman sa akin. Hindi naman ako nabigo dahil dinig ko kaagad ang paglakas ng tibok ng kanyang puso. O baka dahil din iyon sa paghahabulan namin kanina.
“Baka mapagod ka rin sa ˋkin,” wala sa sarili kong anas na naging sanhi upang itulak niya ako palayo.
Pagalit ang tingin na iginawad ni Liyah sa akin sabay paulit-ulit na pag-iling. “Para ka namang tanga, Mary Ruth,” sabi niya, “ilang taon na rin tayong magkaibigan. Oo, sawa na ˋko sa pagmumukha mo, pero hindi naman ako mapapagod na ano . . .” unti-unting nanghina ang kanyang boses at tumikhim. Namula na naman ang kanyang mukha kaya makahulugan akong ngumiti.
“Na ano . . .?” tanong ko sa mapaglarong tono. Imbes na sagutin ako ay kanyang hinila ang aking braso at pinaupo sa paanan ng kanyang kama.
“Ewan ko sa ˋyo,” aniya at inabala ang sarili sa pagtingin sa mga VHS tape. “Ikaw na ang magdugtong sa sinabi ko. Malaki ka na. Kaya mo na ˋyan.”
Tinulak ko siya dahil hindi ako natawa sa kanyang rason. “Ba’t ka ganyan?” Hinampas ko siya sa balikat. Madrama naman siyang umaray. “Noon, kapag kayo ng boyfriend mo ang dali-dali mong sabihin ˋyung matatamis na salita. Minsan parang lalanggamin na kayo. ˋTapos pagdating sa ˋkin . . .” Kinagat ko ang aking labi dahil unti-unti ko iyong nararamdaman na humaba.
Mukhang nagseryoso naman si Liyah at ibinaba ang mga kamay. Bumuntonghininga pa siya sabay kamot sa ulo. “E, kasi naman . . .”
“E kasi ano?”
Suminghap siya at nagpikit ng mga mata. “Mas madaling magsabi ng mga kasinungalingan kaysa sa mga katotohanan.” Tumalikod siya sa akin at hinimas ang kanyang batok.
Napaawang ang aking labi. “Sinasabi mo ba ngayon na purong kasinungalingan lang ˋyung mga pinagsasabi mo sa mga nobyo mo noon?”
Tumawa siya habang nakatalikod pa rin sa akin. “Malamang! Gusto ko lang naman sila, hindi mahal. Hay . . . ngayon ngang naitanong mo, parang hindi ko naman sila gaanong nagustuhan. Parang trip ko lang talagang mag-boyfriend.”
Hinawakan ko siya sa balikat. “Harap ka nga sa ˋkin,” utos ko at pilit siyang ihinarap. Nang hindi siya gumalaw ay ako na ang pumunta sa kanyang harapan. “Hindi kaya gano’n lang din ang nararamdaman mo sa akin?” tanong ko.
Hindi siya sumagot agad at iniwasan lamang ang aking tingin. Gustong-gusto ko talagang marinig ulit nang paulit-ulit mula sa kanyang bibig ang mga katagang ‘mahal kita’ kahit pa sobrang korni. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala na reyalidad na itong mayroon sa amin na noon ay nabubuhay pa lamang sa aking imahinasyon. Hindi ko rin maiwasang mag-alinlangan sa nararamdaman ni Liyah kahit pa gustong-gusto kong maniwala. Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito.
“Mahal nga kasi kita, Mary Ruth,” aniya sa mukhang napipilitan na tono. Ngunit ang kanyang buong mukha ay namumula na. “Hindi lang gusto.”
Nasapo ko ang aking noo at napatawa bigla. Ayun na naman iyong pamimilipit ng aking tiyan sa tuwa. Ito na ata iyong tinutukoy sa mga nobelang nababasa ko na kilig. Nararamdaman ko lamang ang ganito tuwing kasama ko si Liyah. Hindi ko alam kung ayos pa ba siya para sa aking kalusugan, o normal lamang ang ganitong nararamdaman.
“Tigil na nga,” nahihiya niyang sambit at tinakpan ang aking bibig. “Manood na lang tayo ng pelikula. Masyado ka nang natutuwa diyan na pagtripan ako, ah?”
Tinanggal ko ang kanyang kamay at tumawa muli. “Parang ayokong manood ng pelikula ngayong gabi,” sabi ko.
“E, ano pala’ng gagawin natin?”
“Mag-uusap.”
“Mag-uusap lang?”
“Ayaw mo?” nakangiti kong tanong. “Edi usap habang naghahalikan—”
“Ruth!” Tinakpan niya ulit ang aking bibig. “Bakit ganyan ka magsalita? Saan mo ˋyan natutunan, ha?” gulat niyang tanong.
Tumawa ako dahil sa reaksyon niya. “Jusko ka, Aaliyah Sarmiento. Kung makaakto ka ngayon parang inosente? ˋDi ba sinabi mo rin ˋyan sa boypren mo noon sa harap ko pa mismo?”
Tumili siya na parang tanga at nagpaikot-ikot sa loob ng kanyang kuwarto. Tumawa rin ako habang naghuhurumentado na siya. Kahit noon, kahit pa inaasar ko siya sa pagsasabi ng mga ganoong klaseng salita sa kanyang mga nobyo ay hindi naman siya umaaktong ganito. Ngayon lang. At dahil nakikita ko siyang mawala sa sarili dahil sa hiya, mas lalo lamang akong natutuwa.
Hinabol ko siya at hinawakan sa magkabilang siko. Niyakap ko siya habang tumatawa ako hanggang sa mahiga kami pareho sa kanyang malambot na kama. Nagtatakip pa rin siya ng mukha kaya isiniksik ko ang aking mukha sa kanyang dibdib. Ramdam kong muli ang tibok ng kanyang puso, ngunit kasabay rin doon ang malambot niyang dibdib sa aking tainga.
“ˋWag na lang tayong mag-usap kung buong gabi mo lang akong aasarin, Mary Ruth,” sukluban ang hina ng kanyang boses nang magsalita.
“Oh, siya, sige. Hindi na kita aasarin,” wika ko na natatawa pa rin. Pinilit ko siyang ipakita sa akin ang kanyang mukha ngunit nagmatigas siya. “Marami lang akong gustong itanong sa ˋyo. Kaya, please?”
“Tanong tulad ng ano?” Nanatili siyang nakatakip ng mukha.
“Tingin ka muna sa ˋkin, ˋtapos sasabihin ko kung ano.”
Ilang sandali pa bago siya sumunod sa aking sinabi. Unti-unti siyang sumilip sa likod ng kanyang mga daliri kaya nginitian ko siya nang tipid. Inayos ko rin ang kanyang buhok na tumakip sa kanyang mukha noong mahiga kami. “Oh, ano na ˋyung tanong mo?” bulong niya.
“Nagtataka lang ako . . .” pinutol ko ang aking sinasabi nang makita ko ang kanyang mukha. Kuryoso lamang siyang nag-aabang sa aking idadagdag. “Kailan mo nalaman na higit pa sa pagkakaibigan ang nararamdaman mo sa ˋkin?”
Tinalikuran niya ako kaya mabilis ko siyang inikot upang humarap muli. Hindi pa rin natatanggal ang pamumula ng kanyang pisngi at kunot sa kanyang noo, nagpapahiwatig na nahihiya siyang sagutin ang aking tanong. Gayunpaman, huminga siya nang malalim at nagsalita, “Kapag seryoso ko ˋyang sinagot, promise mo na seryoso rin ang reaksyon mo?”
Tumango ako at ipinakita pa sa kanya ang aking hinliliit. Mahina naman siyang tumawa, ngunit ikinawit din naman ang kanyang hinliliit sa akin. “Pramis! Basta ba sumagot ka nang prangka at walang halong kasinungalingan.”
Huminga muli siya nang malalim bago mabilis na sumagot, “Noong naging kayo ni Francis.”
Nalaglag ang aking panga. “Gano’n na katagal?!”
Tumikhim siya nang pagkalakas. “E, ikaw, kailan mo nalaman?”
“Saglit lang. Sagutin mo muna ako,” wika ko. “Bakit gano’n na katagal? E, hindi ba ikaw naman ang nagpumilit sa akin na sagutin ˋyun? May nalalaman ka pang ‘friendship over’ kapag hindi ko ˋyun sinagot, ˋtapos ngayon sasabihin mong nagsimula kang magkagusto sa ˋkin dahil—”
“Heh! No comment.” Inirapan niya ako. “Hindi ko sasagutin ang tanong mo kung hindi mo rin sasagutin ang akin.”
Inirapan ko rin siya dahil umaakto na naman siyang parang bata. Kilala ko na si Liyah at alam kong totoo ang kanyang sinasabi na hindi ako sasagutin kung hindi ko rin sasagutin ang kanyang tanong. Napabuntonghininga na lamang ako. “Nalaman ko simula noong hindi na tayo sabay na mag-almusal sa paaralan at naging kayo pa ni Mark.”
“Simula pa lang noon?” gulat niyang tanong.
“Ay, hindi. Noon palang Flores de Mayo. Noong nagprusisyon ˋtapos maganda ang suot mo at maganda rin ang arko mo . . . at maganda ka rin.”
Natigilan siya at napatakip sa bibig. Namula na naman ang kanyang mga pisngi at tila hindi makapaniwala sa aking sinabi. Tumawa ako at inalala ang araw na iyon. Siguro rin, kung hindi umepal ang bunso kong kapatid at tinanong ako ng mga tanong na akala ko noon ay walang kuwenta, malamang hanggang ngayon ay itinatanggi ko pa rin sa aking sarili ang nararamdaman sa taong ito.
“In love ka naman pala masyado sa ˋkin,” bulong niya. “ˋDi rin kita masisisi, Ruth, sa ganda ko ba namang ˋto, jusko.”
Imbes na mahiya sa pang-aasar niya ay pinatulan ko na lamang. “Nagsalita nga ˋyong panay reto pa sa akin sa ibang lalaki, pero ilang taon na rin palang nagtatago ng nararamdaman—”
Tinakpan niya na naman ang aking bibig kaya alam kong ako ang nanalo sa aming asaran. Nakatutuwa talaga siyang asarin tungkol sa ganitong mga bagay dahil mabilis siyang nahihiya. Niyakap ko na lamang siya dahil pakiramdam ko, sobrang saya ko na marinig ang ganitong katotohanan mula sa kanya. Niyakap niya rin naman ako pabalik, nang mas mahigpit pa na halos maputulan na ako ng hininga.
“Nirereto lang naman kita sa kanila kasi akala ko kaya ko naman, ˋtapos guniguni ko lang ˋyung selos na nararamdaman ko tuwing binibigyan mo sila ng atensyon.”
“Ah, kaya pala umabot ka na sa pag-iwas nitong mga nakaraang buwan kasi hindi mo kaya ˋyung selos?” tanong ko.
“Hulaan mo,” pabarumbado niyang sagot kaya aking kinutusan.
“Huwag mo nang uulitin ˋyon, Aaliyah Sarmiento,” nagbabanta kong sabi.
Tumawa siya. “Bakit? Masyado mo ˋkong mahal na kapag iniwasan kita malulungkot ka nang sobra?”
“Hulaan mo,” paggaya ko sa kanyang sagot sa akin kanina.
“Ewan ko sa ˋyo! Akala ko ba seryosong usapan ˋto?”
“E, sino ba ang naunang sumagot nang pabarang?”
Imbes na sumagot ay mas hinigpitan niya na lamang ang yakap sa akin. Gumanti rin ako hanggang sa pareho na kaming nagtatawanan. Nang humupa ang aming tawanan ay nagseryoso ulit ako. Gusto kong marinig ang katotohanan mula sa kanyang bibig sa aking tanong na ito.
“E, bakit mo ˋko nagustuhan, Liyah?”
Nag-angat ako ng tingin sa kanyang mukha at nakitang nagseryoso na rin siya. Nagtama ang aming mga mata at nagbaba ako ng tingin sa kanyang mga labi. Gusto ko siyang halikan, bulong ko sa pinakasuluksulukan ng aking isipan. Ngunit pinigil ko ang aking sarili dahil mas gusto kong marinig ang kanyang sagot.
“Hindi ko alam, Ruth.”
Hindi ko rin alam kung bakit kahit pa sobrang naguguluhan ako sa kanyang sagot, nahanap ko na lamang ang sarili kong tumatango roon at kontento. Siguro dahil alam kong pareho rin naman kami ng sagot sa tanong na iyon. Tulad din ni Sean. Hindi ko rin alam kung bakit ko nagustuhan ang aking pinakamatalik na kaibigan. Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng tao, sa kanya pa ako mahuhulog nang ganito kalalim. At marahil, kaya ako kontento nang hindi masagot ang tanong na iyon ay dahil gusto kong mabalot kami ng ganitong klase ng misteryo. At ang misteryo ring ito ang babalot sa aming mga puso nang magkasama habambuhay.
“Ako rin, hindi ko alam bakit kita nagustuhan, Liyah,” sambit ko. Mula sa pagseseryoso ay unti-unting sumibol ang tunay at bukal sa pusong ngiti sa kanyang mga labi. Doon ay nalaman ko rin na kontento rin siya sa aking sagot.
Gusto ko siyang halikan, pag-ulyaw ng kanina pang isipin sa aking utak. Inabot ko ang kanyang pisngi at marahan iyong hinaplos. Ngunit bago ko pa man siya tuluyang mahalikan ay tumayo siya nang nakapinta pa rin ang tuwa sa mukha.
“Sayaw tayo, Ruth,” aya niya.
Ipinilig ko naman ang aking ulo. “Ngayon na?” tanong ko.
“Oo!”
Pinanood ko siyang maglakad papunta sa kanilang radyo at pumili ng paborito niyang istasyon. Doon ay tumutugtog ang banda na pareho naming gusto. Tumayo na rin ako upang malapitan siya. Inilahad niya sa akin ang kanyang mga kamay na agad ko namang kinuha.
“Sino’ng magpapanggap na lalaki sa ˋtin ngayong gabi?” tanong ko nang sumabay na kami sa indayog ng musika.
“Pareho tayong babae ngayong gabi,” sagot niya.
Tumango ako. At wala na akong ibang hiniling pa kundi ang hindi matapos ang gabing iyon.
Dahil sa sobrang saya ng aming mga puso habang hawak ang kamay ng isa't isa, hindi ko kailanman naisip na matatapos din lahat ng iyon. Sa lahat ng saya ay may tuwinang kaakibat na lungkot. Sa bawat reyalidad ay mayroong imahinasyon na pinipilit na isakatuparan. Kung bakit naisip ko na habambuhay ngang nakabalot ang aming mga puso sa isa’t isa, marahil ay isa nga akong hangal.
Dahil sa bawat pagmamahal na ibinibigay sa isang tao, kaakibat din ang pagsibol ng poot na pareho naming dadalhin hanggang sa matabunan na ito ng panahon.
Dahil lamang pareho kaming takot.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top