Ikapitong Kabanata

𝚅𝙸𝙸. 𝙻𝚄𝙼𝙸𝙽𝙶𝙾𝙽 𝙿𝙰𝙱𝙰𝙻𝙸𝙺

HINDI KO ALAM kung bakit ako masaya. Bakit nga ba ako matutuwa? Inamin sa akin mismo ni Liyah na pinagseselosan niya ang mga lalaking nakasasalamuha ko. Ibig sabihin . . . Ibig sabihin . . . Pareho kaya kami ng nararamdaman sa isa’t isa?

“Halika na, iuuwi kita,” sabi ko nang mahimasmasan sa lahat ng narinig mula sa kanya. Kinuha kong muli ang kanyang dalawang braso at ambang aakayin, ngunit nagpumiglas siya.

“Ayoko! Pangit ka!” sigaw niya at ihiniga ang katawan sa sementadong sahig. Napakamot na lamang ako sa ulo dahil nakaputing polo shirt pa man din siya. Kawawa si Tiya Anna nito, panigurado. “Magsama kayo ng pangit kong pinsan!”

Imbes na pilitin siyang patayuin ay umupo na lamang ako sa kanyang tabi. Marami pa siyang sinabi upang itaboy ako, ngunit pumapasok lamang iyon sa aking isang tainga at lumalabas sa isa. Gusto ko siyang tanungin kung gusto niya rin ba ako tulad sa aking pagkakagusto sa kanya, ngunit nag-aalangan ako. Paano kung talagang masira na kami kapag itinanong ko sa kanya iyon? Paano kung bilang isang kaibigan lamang pala siya nagseselos? Ganoon din naman ako minsan noon tuwing mas marami siyang oras para sa kanyang mga kasintahan; tumatahimik sa sulok at naiirita—nagseselos bilang kaibigan. Gayunpaman, gusto kong malaman mula sa kanya.

“Liyah,” tawag ko sa kanya sa gitna ng kanyang kung ano-anong pinagsasasabi. Agad din naman siyang tumahimik. “Bakit ka nagseselos?” tanong ko.

Hindi siya kaagad sumagot kaya nilingon ko. Nakapikit na ang kanyang mga mata kaya akala ko ay nakatulog na siya, ngunit bumuntonghininga siya kung kaya’t alam kong gising pa siya at narinig ang aking tanong nang malinaw.

“Mas gugustuhin ko pang hindi ka na makita kesa makita kang masaya sa iba,” mahina niyang sambit na nagpatikom sa aking bibig.

Hindi kami magkatulad ni Liyah. Alam ko na iyan kahit noon pa man. Habang siya, kinakayang mapalayo sa akin dahil ayaw niya akong makitang masaya sa iba, ako, mas gugustuhin kong masaktan basta’t nasa malapit ko lamang siya. Hinilamos ko ng aking palad ang aking mukha. Gusto kong maiyak sa kung ano mang rason na hindi ko matukoy. Base sa sagot niya, mukhang nakuha ko na ang gusto kong marinig mula sa kanya, ngunit hindi ako patutulugin nito ngayong gabi kung hindi niya sasabihin nang direkta.

“Gano’n ba?” untag ko matapos ang katahimikan sa aming dalawa. Kung hindi pa dahil sa mga kuliglig at ingay ng mga taong minsan ay napapadaan din, siguro’y maririnig na niya ang malakas na pag-tibok ng aking puso. “Ako, mas gugustuhin kong masaktan at makita kang masaya kasama ang nobyo mo kaysa ganitong iniiwasan mo ˋko.”

Halos tumalon na ang aking puso nang bigla siyang bumuhat at hinarap ako. Napatitig ako sa kanya at napansin ang butil ng luhang nagbabadyang tumakas sa kanyang mga mata. “Bakit ka naman masasaktan na kasama ko ang boyfriend ko? ”

Tumawa ako at nag-iwas ng tingin. “Ah, edi totoo nga na iniiwasan mo ˋko—”

“Ruth”—putol niya sa sinasabi ko—“ba’t ka masasaktan?”

Kumislap ang kanyang mga mata kasabay ng tuluyang pagtulo ng luha sa kanyang pisngi. Hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi nang mag-iwas muli ako ng tingin at pinilit na ipagtagpo ang aming mga mata. Bumuntonghininga ako. “Hindi ko alam,” pagmamaang-maangan ko sabay tanggal sa kanyang mga kamay sa aking pisngi. “Ikaw? Bakit mas gugustuhin mo pang hindi ako makita kaysa makita ako kasama ang mga lalaki ko?” tanong ko, sinadyang diinan ang pagkakasabi sa mga lalaki ko.

“ˋWag mong ibalik sa ˋkin ang tanong!” sigaw niya na parang bata.

“Hindi kita sasagutin kung hindi mo rin muna sasagutin ang tanong ko.”

Napasinghap siya sa aking sinabi at nasapo ang noo. Nagpigil ako ng tawa dahil mukha kaming mga baliw rito sa tabi ng daanan habang nag-uusap. Hindi ko nga alam kung makakakuha ako ng matinong sagot kay Liyah ngayong ganito siya—lasing at mukhang wala sa tamang huwisyo. Gayunpaman, kontento ang aking puso na ganito kaming muli. Hindi ko alam na ganito ako kasaya na magkakausap kaming muli.

Ilang sandali ay tumigil ang aking mundo. Inabot kasing muli ni Liyah ang aking magkabilang pisngi at tiningnan ako diretso sa mga mata. Ngayon ay nakaluhod na siya sa aking harap at napakalapit ng mukha sa aking mukha. Hinawakan ko ang kanyang kaliwang braso at dinama roon ang kanyang pulso. Mabilis ang tibok niyon, ngunit hindi lamang sa bilis ng tibok ng aking puso. Hindi—nagkakamali ako, sa paglipas ng mga segundong sa kanyang mga mata lamang ako nalulunod, ganoon din ang pagbilis ng kanyang pulso. Umawang ang aking labi.

“Kasi mahal kita,” aniya sa halos pabulong na paraan.

Nalunod pa ako at tila hindi na makahinga. Nanlamig ang aking buong paligid na tila ba lumulubog ako pababa sa karagatan. Inaabot ko si Liyah na nakalutang sa ibabaw ng tubig habang suklubang umuulyaw ang mga katagang lumabas sa kanyang bibig sa aking tainga. Ibinuka ko ang aking bibig upang sabihin sa kanyang mahal ko rin siya, ngunit sa patuloy kong paglubog ay siya ring paghigpit ng aking dibdib at pag-atras ng mga salita sa aking dila. Isang iglap ay umahon ako sa ibabaw ng tubig at nasa kamay na muli ako ni Liyah. Mabilis ang aking paghinga nang maramdaman ang luha sa aking pisngi at ibinaba ang aking kamay na nakahawak sa kanyang braso.

“Liyah, ako ˋto, si Ruth,” bulong ko habang nag-iinit ang aking magkabilang tainga.

Pinilit niyang muli na idirekta ang aking tingin sa kanyang mga mata. Halos ipitin niya na ang aking magkabilang pisngi. “Alam ko. Mahal nga kita, Mary Ruth Cervantes.”

Pumikit ako nang mariin. Hindi ako naniniwala. Hindi ako naniniwala. “Mahal din naman kita, Aaliyah Sarmiento,” bulong ko kasabay ng paglutang ng aking diwa sa kalawakan.

Hindi ko lubos na mapagtantong ganito pala kasakit na sabihin sa taong aking mahal ang mga katagang ilang linggo ko na ring pilit na ibinabaon. At sa parehong pagkakaton, hindi ko lubos maisip na ganito rin kasaya ang aking puso na tuluyang masabi sa kanya. Kahit pa marami pa ring pag-aalinlangan sa aking loob. Pinili kong mabuhay sa kahon kung saan lahat ng aking imahinasyon ay nagkakatotoo—kahit saglit lamang. Dahil alam kong sa aking muling pagmulat ng mga mata, iba na naman ang reyalidad na aking haharapin.

“Hindi gano’n!” biglang sigaw ni Liyah na nagpamulat sa akin. Nagulat ako nang makita ang kanyang mga luhang patuloy na umaagos sa kanyang pisngi. “Hindi mo naiintindihan, Ruth. Hindi kita mahal bilang kaibigan. Mahal kita bilang—”

“Uwi na tayo,” putol ko sa kanya. Dahil kapag nagpatuloy siya sa sinasabi niya ay mauubos na ang aking lakas upang akayin siya pauwi. Tinanggal ko ang kanyang kamay sa aking pisngi at tinalikuran siya. Habang hawak ang kanyang kamay ay mabilis ko siyang pinasan sa aking likod at tila nawalan na rin naman siya lakas kaya hindi na nagpumiglas.

Sa madilim at tahimik na kantong iyon, mabagal akong naglakad habang pasan ko ang taong una kong minahal—na hindi kadugo at hindi pamilya. Iyong pagmamahal na nararamdaman na lang bigla, iyong tipong ikukulong ka at hindi papayagang makawala. Labing-anim na taong gulang ako nang maunawaan ko ang ganoong klaseng pagmamahal kay Aaliyah Sarmiento.

“Liyah,” mahinahon kong tawag sa kanya. Dahil tuluyan na niyang ipinasan sa akin ang kanyang buong bigat, nakatitiyak akong nakaidlip na siya sa aking likuran. Hawak ko ang kanyang magkabilang binti at nakapatong ang mga braso sa aking balikat. Maski ang paghinga niya ay nararamdaman ko sa aking leeg. Napabuntonghininga ako. “Tulog ka na ba?” tanong ko, ngunit walang sagot. Nagbuga ako ng hangin. “Mahal din kita, Aaliyah Sarmiento, higit pa sa inaakala mo. Hindi bilang kaibigan; iyong mahal na nararamdaman mo panigurado sa mga nagdaan mong nobyo. Ganito rin ba ˋyung gusto mong sabihin kanina? Pasensya ka na, ayokong marinig muna sa ˋyo ngayong gabi. Lasing ka. ˋTsaka hindi tayo makakauwi nito kung sinabi mo.”

Tumawa ako. Ngayong alam kong tulog na siya, saka lamang ako nagkaroon ng lakas upang aminin iyon sa kanya. Dahil kung totoong naririnig niya ako ngayon, malulusaw ako at hindi na makatatayong muli. Ganoon kalala ang epekto niya sa akin. Ganoon kalala ang epekto ng mga sinabi niya sa akin.

“Alam kong tulog ka na, ˋtapos lasing pa. Kahit bumunganga ako dito hanggang sa makarating tayo sa bahay n’yo, alam kong hindi mo rin naman maaalala kinabukasan. Tulad sa nangyari no’ng unang beses mong tumikim ng alak sa birthday ni Kuya Justin.” Tumawa ako mag-isa sa mga pinagsasabi ko. Hindi pa rin gumagalaw si Liyah kaya alam kong mahimbing ang kanyang tulog. Mas gumaan ang aking nararamdaman. “Kaya, habang meron pa ˋkong lakas para aminin ˋtong makasarili kong hiling—sasabihin ko na. Bigyan mo ˋko ng sign, Liyah. Kung . . . kung naririnig mo man ngayon ang sasabihin ko, bigyan mo ˋko ng makasariling senyales.

“Sa mga susunod na araw, makipag-break ka sa pangit mong nobyo. Makipag-break ka kay Mark, ˋtapos sabihin mo sa ˋkin ulit ˋyung mga sinabi mo ngayong gabing lasing ka. Senyales ˋyon para malaman ko na hindi lang guni-guni itong gabing ˋto. ˋTapos ipagpatuloy mo ˋyung gusto mong sabihin. ˋTapos. . . Pagkatapos n’on. . . ”

Pagkatapos, gagawin ko ang lahat upang panindigan itong nararamdaman ko sa ˋyo. Ibubuhos ko sa ˋyo ang buong pagmamahal ko, at tatalikuran ko ang mapanghusgang mga mata ng mundo para sa ˋyo.

Sa ilalim ng milyon-milyong bituin at sa kabilugan ng buwan, habang naglalakad ako sa mahabang daanan pauwi, pasan ko ang taong mahal ko, hanggang sa aking isipan na lamang binitawan lahat ng mga katagang iyon. Ilang taon ang lumipas, tuwing dumaraan ulit ako sa parehong kantong iyon, sa ilalim ng milyon-milyong bituin at parehong buwan, pinagsisisihan kong hindi ko ikinasakatuparan ang lahat ng naging pangako ko sa kanya.

▪ ▪ ▪

ISANG ORAS NA mahigit akong nakatitig sa lapida ni Alfred habang nasa likod ko ang tatlo naming mga anak. Tulala ako habang hawak ang kuwintas sa leeg kong iniregalo niya noong ikasampu ng Abril, anibersaryo ng kasal namin at siyang araw rin kung kailan siya namaalam sa akin. Isang laket na hugis puso ang palawit ng kuwintas. Wala iyong laman. Hindi niya iyon nilagyan ng litrato naming dalawa dahil aniya’y lalagyan ko lamang iyon kapag napuno na ang butas sa puso ko; sa isipan ko ay marahil mananatili na itong walang laman hanggang sa makapiling ko siya ulit.

Ubos na ang luha sa mga mata ko. Naiiyak ko na siguro nitong mga nakalipas na araw. Wala na akong maramdaman habang pinagmamasdan siyang ibaon kaninang tanghali. Ang mga anak ko ay nagsiiyakan kaya tinibayan ko rin ang loob ko para iparamdam sa kanilang naririto pa ako.

“Ma.” Napabalikwas ako nang may humawak sa balikat ko. Hindi ako lumingon dahil ramdam ko namang kay Marlo ang mainit na kamay na humawak sa akin. “May gustong kumausap sa ˋyo.”

Dahil sa sinabi ni Marlo ay mabilis akong napalingon. Karga niya ang apo kong si Nian, pero wala sa paligid ang asawa niya. Nasa likod niya sina Angeline at Sophie na nagbubulungan habang nakatingin sa taong itinuro ni Marlo. Bumagsak ang balikat ko nang makita ang maaliwalas na mukha ni Sean. Nakasuot siya ng itim na long-sleeved shirt at itim na slacks. Mas nadepina niyon ang kapusyawan ng balat niya na siyang tanging bagay na hindi ko malilimutan sa anyo niya.

Nagpaalam sa akin ang mga anak ko at iniwan nila kaming dalawa ni Sean sa harap ng lapida ni Alfred. Nagpasalamat siya sa mga anak ko na tinanguan lang ng tatlo. Pinaglaruan ko ang kamay ko bago siya tanungin, “Nandito ka pa? Nasaan ang asawa mo?” tanong ko sa mahinang boses.

Tumabi sa akin si Sean at tumitig din sa puntod ni Alfred. “Nagpaalam ako na kakausapin muna kita. She didn’t want to butt in in our business, kaya nauna na muna siyang umuwi.”

Hindi ako sumagot at tinitigan lang si Sean. Dahil nagtatago ang araw sa mga ulap at malamyos ang ihip ng amihan, mas napagtanto ko kung gaano na katagal mula nang huli ko siyang masilayan. Hindi gaanong katagal mula noong huli, mas matagal pa rin nang huli kong masilayan ang pinsan niya. At sa mga memoryang bumabalik sa akin nang walang pahintulot, mas napatutunayan kong hindi na ako makakabalik pa sa dati.

“Isang oras na mula no’ng matapos ang libing. Naghintay ka? Sana nilapitan mo agad ako,” pagputol ko sa katahimikan namin.

“I didn’t wanna ruin your last moments with your husband, Ruth,” sagot niya. “Halos walong buwan ko ding hinintay ang sagot mo sa tangka kong panliligaw sa ˋyo noon, what’s an hour compared to that?” nagbibiro niyang dagdag.

Hindi ko napigilang mapaalik-ik dahil doon. “Hindi ka pa rin nagbabago. Wala pa ring makakatalo sa pagiging pasensyoso mo.”

Tumawa rin siya. “Of course, ako lang ˋto, oh!”

Humalakhak ako at umiling-iling. Mula noon hanggang ngayon, mayroon pa ring hangin si Sean sa kanya na nakapagpapagaan ng loob. Hindi ko batid kung papaano niya iyon nagagawa, pero sa mga sandaling ito, nagpapasalamat ako na naririto ang presensya niya.

“Nga pala,” sabi ko, “may gusto ka bang sabihin kaya mo ˋko hinintay rito?”

Nawala ang bahid ng ngiti sa labi niya at nagseryoso ang mukha niya. Hinarap niya ako at ilang segundo pang natahimik bago sumagot, “Nalaman ko kay Liyah na nagkita kayo sa bahay nila . . .”

Hinintay ko siyang dagdagan ang sasabihin niya, pero napabuntonghininga lang siya at mukhang nahihirapan sa gustong sabihin. Hinawakan ko siya sa balikat at marahan iyong tinapik. “Oo . . . nagkita nga kami.”

“Sorry, Ruth. Alam kong nasabi ko sa ˋyo na babalik siya, pero hindi ko alam na babalik siya agad—”

Pabiro kong hinampas ang balikat niya at tumawa. “ˋWag kang mag-sorry. Hindi mo naman makokontrol ang mga mangyayari at hindi mangyayari.”

“But still . . .” bulong niya sabay hinga nang malalim.

Tumingin ako sa kalangitan at pinagmasdan doon ang mga makakapal na ulap. Natahimik ulit kami ni Sean at pareho lang dinama ang hangin na yumayakap sa amin. Binanggit ko ang pangalan ni Alfred sa ilalim ng aking kaibuturan at ngumiti dahil yaon na naman ang mga memoryang pilit na bumabaha sa isipan ko.

“Sa tingin mo, Sean, bumalik kaya siya dahil kaya niya na akong makita nang hindi siya nasasaktan?” mahina kong tanong.

“Hm . . .” ang tanging sagot ni Sean.

Inilipat ko sa kanya ang tingin. Nakatitig din pala siya sa kalangitan at mukhang malalim ang iniisip. Nalilito ako kung bakit ko sa kanya iyon naitanong. Dahil kahit pa nasaksihan ni Sean ang pagkakawasak namin ni Liyah noon, marahil hindi niya alam ang lahat ng nangyari sa aming dalawa. Hindi niya alam kung bakit kami humantong sa ganito.

“Sa pagkakaalam ko, si Auntie Anna ang nagpumilit na umuwi sila ng Pinas. I heard her illness got worse, and she wanted to go back to . . . enjoy her remaining years.”

Napamaang ako dahil sa narinig. Biglang pumasok sa isip ko ang itsura ni Aaliyah nang tanungin ko siya kung bakit siya bumalik dito. Nag-init ang mukha ko at tila lumambot ang mga tuhod ko. Kung ganoon, hindi siya naparito dahil sa nalaman niya kay Sean. Nandito siya dahil sa pagpapasya ni Tiya Anna . . .

“I’m sorry again, Ruth. Alam kong nanghihimasok na naman ako sa buhay mo, but I just really wanna say what’s bugging me right now.” Hinarap ako ni Sean at mainam na tiningnan sa mga mata. “You do know how prideful Liyah is. Kahit kay Auntie, hindi siya minsan nakikinig. And I don’t fully know why and how bad you two ended, but know that she wouldn’t come back here and dare to come close to you again if she didn’t know your circumstances.”

Napaatras ako at umiling. Naiintindihan ko ang gustong sabihin ni Sean, pero dahil sa sinabi niya, mahirap isipin na kasama ako sa dahilan ng pagbabalik niya. Napapalala na ang sakit ng magulang niya at siguro natatakot na rin siyang mamaalam ang ina. Natural lang kung susundin niya ang mga hiling ni Tiya Anna, kahit pa labag sa loob niya.

“They’ll stay here for a week. Then after that, babalik na ulit sila sa States. I just wanna tell you this if ever man na gusto mo pang mabalik ang pagkakaibigan n’yo ng pinsan ko.” Hinawakan niya ako sa ulo at ngumiti. “I’m your friend too, Ruth, and you were also my first love. I hate seeing you like this. Gusto kong ngumiti ka ulit tulad noon. I know I’m asking too much especially since you just lost your husband. But please, don’t torture yourself like this over your past. I know your husband would agree with me, as well. Find your happiness. Be happy, Ruth.”

Bumuhos ang luha sa mga mata ko dahil sa sinabi niya. Umiling ako. Hindi ko alam na ganito rin kamakasarili si Sean. Paano niya iyan nagagawang hilingin sa akin gayong inililibing pa lang ang asawa ko at naghihinagpis pa ang puso ko? Sana nga ganoon na lang kadaling hanapin ang kasiyahan sa kabila nitong mga paglisan na kinaharap ko. Hindi pa nakakatulong ang pagbabalik ng mga memorya ng nakaraan at pagsampal sa akin kung gaano kababaw ang kaligayahan ko nitong mga nakaraang taon.

Gusto ko rin namang sumaya. Sino ba’ng ayaw? Pero matanda na ako para malaman na ang sakit na nararamdaman ay parte ng buhay. Hindi natin mararamdaman ang buhay kung hindi tayo niyayakap ng kalungkutan. Alam ko. Alam ko rin na walang oras ang makakapawi sa mga galos na dulot ng nakaraan. Alam ko. Alam ko dahil tatlumpu’t pitong taon man ang lumipas, hindi pa rin nahihilom lahat ng sugat sa pagkatao ko.

Siguro tama si Sean. Siguro ang pagharap lang ulit kay Liyah at pag-ayos ng nasira naming pagkakaibigan ang papawi sa lungkot na bumabalot sa akin bago pa mamatay ang asawa ko. Siguro iyon lang ang dahilan.

Ngunit paano kung hindi?

Mas gugustuhin ko pang mamuhay na dala-dala ang pighating ito kaysa mamuhay na mapatunayang mali lahat ng akala ko.

▪ ▪ ▪

TAHIMIK KONG SINUSUBUAN ng spaghetti ang apo kong si Nian habang nag-uusap ang mga anak ko sa hapag. Nakikinig lang ako sa kanilang nagtatalo tungkol sa kung saan patitirahin ang mga aso naming sina Butter at Cheese, dahil magiging abala na naman kami sa trabaho sa darating na Lunes.

“Dito na lang kasi sila! Pareho naman kayong twelve hours ang shift, sino’ng magpapakain sa kanila sa hapon?” ani Sophie habang ngumunguya pa ng pagkain. Sinita ko siya dahil doon.

“Umuuwi ng bahay si Sarah tuwing tanghali. Puwede niyang pakainin sina Butter at Cheese pagkatapos niyang pakainin din si Nian,” ani Marlo.

“Pero sobrang busy mo na rin, Ate Sarah, ˋdi ba?” angal ni Sophie. “Ito talagang unggoy kong kuya, masyado kang pinapahirapan, Ate, ˋno? Hiwalayan mo na nga ˋyan.”

“Sophie,” saway ko sa bunsong anak.

Tumawa naman si Sarah at napapalakpak din si Angeline sa tuwa. “Akin na lang sina Butter at Cheese. Nagtatalo pa kayong dalawa, e, pareho naman kayong pabaya sa mga aso,” ani Angeline na tapos na sa kinakain. “Ah, muntik ko na palang makalimutan, Ma,” tawag niya sa akin sabay lapag ng basong ininuman. “Balak namin ni Robin magrenta ng apartment sa Maynila. Na-assign kasi siya do’n at balak ko rin namang maghanap ng bagong trabaho, kaya naisipan naming mag-live-in na lang.”

“So sinasabi mo, Ate Angie, na dadalhin mo sa Manila sina Butter at Cheese?” gulat na tanong ni Sophie.

“Oo,” sagot ni Angeline, “kaysa naman mapabayaan dito. Babalik na rin sa pagtuturo si Mama, e. Ang hirap pa man din ngayon ng schedule niya since kakatapos pa lang ng pandemic.”

“E, ˋdi ba pareho rin naman kayong nagtatrabaho ng jowa mo?” sabat ni Marlo. “Baka mapabayaan n’yo lang din ˋyung mga aso—”

“Excuse me, Marlo, gabi ang shift ni Robin sa call center at umaga naman ang balak kong pasukan na trabaho. Meaning, puwede kaming magpalitan ng sched sa pag-aalaga sa aso.”

Nagtalo pa sila at tumatawa lang sa tabi ko si Sarah. Pinunasan ko ang pisngi ni Nian dahil kumalat doon ang sarsa ng spaghetti. Nang isang saglit silang matahimik ay nagsalita na ako. “Bakit ka papa-Maynila, Angie? Akala ko ba ayos naman ang trabaho mo rito?” tanong ko.

Nagkamot ng ulo si Angeline. “Ayos nga lang ang trabaho at suweldo, Ma. Kaso naririndi na ˋko sa panot naming boss na nagpaparamdam sa ˋkin. Kadiri! Sabi kong hindi naman ako interesado sa kanya at may girlfriend na ˋko, pero nagpupumilit pa rin!”

Tinawanan siya nina Marlo at Sophie at napailing na lang ako. Dahil sa sinabi niya ay biglaan kong naalala ang panliligaw sa akin noon ni Sean at ang pagpupumilit niya. Alam ko ang pakiramdam niyong pinipilit ako ng tao kahit pa ayaw ko. Pero iba ang sitwasyon ngayon ni Angeline dahil may nobya siya, at malamang ay kasing-edad ko na ang boss niya.

“Ayos lang naman sa ˋkin kung magli-live-in kayo ni Robin, ˋnak,” marahan kong sambit. “Nasa wastong gulang ka na at malaya kang magdesisyon para sa sarili mo. Puwede mo ring isama sina Butter at Cheese. Tutal ay napapabayaan ko na rin naman sila ngayong . . . naiwan na tayo ng Papa n’yo.”

Dahil sa pagbanggit ko kay Alfred ay biglang lumamlam ang hangin sa buong hapag-kainan. Tumikhim si Angeline at napaangil si Sophie.

“Pero, Ma! Mami-miss ko ang mga baby ko!” sigaw ni Sophie na ikinangiti ko.

“Makikita mo pa rin naman sila, Sophie,” sabi ko at sinubuan muli si Nian dahil itinuturo niya ang pagkain. “At nga pala, Angie. Gusto ko munang makausap si Robin bago kayo lumipat ng Maynila. Ayos lang ba ˋyon sa inyo?”

Agad na tumango si Angeline bilang sagot. “Kailan mo po siya gustong makausap, Ma?”

“Kung pupuwede ay sa lalong madaling panahon.”

Natapos ang tanghalian namin na may kulitan pa rin sa tatlo kong mga anak. Kahit papaano ay masaya ako na makita silang ganoon. Kahit pa biglaan ang pag-iwan sa amin ng ama nila, pinipilit pa rin nilang huwag malugmok sa kalungkutan at ipagpatuloy lang ang mga buhay nila. Alam kong naghihirap din sila dahil sa pagkawala ni Alfred, pero masyado silang napuno ng pagmamahal ng asawa ko para isipin nila ang nararamdaman ko sa ganitong ayos.

Napatingin ako sa labas ng bintana ng bahay namin at bumulong sa hangin. Sean, sa tingin mo ba hindi pa rin sapat ang nararamdaman kong saya ngayon para magpatuloy rin ako sa buhay ko? Sa tingin mo ba kailangan ko ng maayos na pagwawakas sa nakaraan ko?

Isang linggo na rin mula noong sabihin sa akin ni Sean ang tungkol kay Aaliyah. Kung tama ang sinabi niya, aalis na sila ulit ngayon pabalik sa States. Hindi ko na siya ulit nakita mula noong pumunta ako sa bahay nila. Hindi ko na rin naman tinangka pang harapin siya ulit. Bukod sa wala akong lakas ng loob para makita siya, nahihiya rin ako dahil sa huling mga salitang ibinigkas ko sa kanya.

Pero kahit ganoon, nahanap ko na lang ang sarili kong nilalakad ang parehong kalsada na magdadala sa akin papunta sa kanya. Palubog na rin ang araw at mayroon na muling mga batang naglalaro sa tabi ng kalsada; tulad noong 1986 . . . tulad ng araw-araw na nangyayari sa buong paligid ko. Walang nagbago. Ang nakikita ko lang na unti-unting nagbabago ay ang nararamdaman ng mga tao sa isa’t isa.

Ngunit hindi ang nararamdaman ko sa kanya. Dahil kahit ilang taon man ang lumipas, ganoon pa rin. Tulad pa rin sa nararamdaman ko sa kanya noong labing-anim na taong gulang pa lang kami hanggang ngayong limampu’t dalawang taong gulang na ako.

Dumating ako sa kanilang bahay suot ang maskarang tatlumpu’t anim na taon ko ring isinuot. Nasa harap niyon ang itim na kotseng dala ni Aaliyah noong magkita kami. Sa may hamba ng gate ay nakatayo si Sean at ang asawa’t anak niya. Seryoso niyang kinakausap si Aaliyah na hawak ang wheelchair na kinauupuan ni Tiya Anna. Nag-ugat ang mga paa ko sa daan at tila tinakasan na ng lakas para harapin sila.

Tatakbo na sana ako paalis, pero narinig ko ang boses ni Sean na tinatawag ako. Mas lalo pang nag-ugat ang mga paa ko sa daan at naestatwa ako. Napatingin sa akin ang asawa't anak niya pati na rin si Tiya Anna. Si Aaliyah lang ang hindi lumingon at nanatili lang na nakatingin sa kawalan. Pinilit ko ang sarili kong ngumiti at nilakasan ang loob na lumapit sa kanila. Hindi ako makatingin kay Tiya Anna nang makalapit ako habang nagmamano sa akin ang anak na babae ni Sean.

“You’re just in time, Ruth,” salubong na sabi ni Sean. “May ten minutes pa bago dumating si Manong Erwin para ihatid sila sa airport.”

Ngumiti ako sa kaibigan at tumango. Huminga ako nang malalim nang maramdaman ko ang mainit na hawak ng kamay sa braso ko ni Tiya Anna. Tiningnan ko siya nang paunti-unti. Hindi tulad noong huli ko siyang nakita, halatang mahina na siya at purong puti na rin ang buhok. Tipid siya sa aking ngumiti na hindi ko kaagad naibalik. Nag-iwas ako ng tingin.

“Ikaw na ba ˋyan, Ruth?” nahihirapan niyang tanong kaya hinarap ko siya. Dahil doon ay nadaplisan ng tingin ko si Aaliyah. Nakatingin din siya sa akin.

“Oho, Tiya,” nanginginig ang boses na sagot ko.

“Matagal na rin tayong hindi nagkita,” aniya. “Kumusta ka na? Pumunta ka ba rito para kay Liyah?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko at mabilis na napailing. Umatras ako. Sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ang pag-iwas sa akin ng tingin ni Aaliyah. Tumikhim ako at pinaglaruan sa likod ang mga daliri. “Narinig ko po mula kay Sean na bumalik kayo kaya . . . bumisita ako.”

“Ah!” Mahinang tumawa si Tiya Anna. “Hindi ba para sa anak ko? Na-miss ko na rin ang palagi n’yong paglalaro nitong unica hija ko noong high school pa lamang kayo. Ngayon na lang din kayo nagkita, ano?”

Kinurot ko ang hintuturo ko at tumango. “Oho,” sagot ko. Magpapaliwanag pa sana ako, pero natigil nang dumating na ang driver na sinasabi ni Sean. Doon naputol ang kumustahan namin ni Tiya Anna dahil mukhang aalis na sila.

“Liyah! Bakit tahimik ka diyan? Wala ka bang sasabihin dito sa matalik mong kaibigan?” tanong ni Tiya Anna nang magsimula na siyang itulak ni Aaliyah.

Hindi siya makatingin sa akin. “Nag-usap na po kami niyan, Ma.”

“Gano’n ba,” bulong ni Tiya Anna. “Ikaw, hija? Wala ka bang sasabihin? Aalis na kami.”

Saglit na nagtagpo ang mga tingin namin ni Aaliyah nang itanong iyon ni Tiya Anna. Nagbaba siya ng tingin nang sumagot ako, “Wala ho.”

Ramdam ko ang panghihinayang ni Sean sa likod ko nang pagmasdan ko ang mag-ina na maglakad sa akin papalayo. Hindi na ako nilingon pang muli ni Aaliyah; tulad noong una siyang umalis. Hindi niya na ako binigyan pa ng isang huling tingin at naglaho na lang na parang bula. Noong hapon na iyon ay naramdaman ko ang paglaki ng kinikimkim kong hinagpis sa aking loob habang tinitingnan siya.

Siguro . . . mas mabuti na ring dito kompletong magtapos ang lahat sa amin.

Nagsimula na rin akong maglakad pauwi nang hindi lumilingon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top