Ikalimang Kabanata

𝚅. 𝙰𝙽𝙶 𝚅𝙸𝙳𝙴𝙾𝙺𝙴 𝙰𝚃 𝚂𝙴𝚁𝙱𝙴𝚂𝙰

“EVEN THE DAYS are brighter when someone you love’s beside you,” malakas ang tunog ng videoke sa labas ng bahay nang magising ako kinabukasan.

“Good morning, Ma,” bati sa akin ng pangalawang anak kong si Marlo nang maabutan ko siyang nagsasangag ng kanin sa kusina. “Upo ka na po do’n, patapos na ˋkong magluto ng pang-almusal.”

“Good morning din, ˋnak,” bati ko. “Kasama mo bang bumisita si Sarah at si Nian?”

“Ah.” Nagkamot ng batok si Marlo. “Hindi po, Ma, e. May trabaho si Sarah at may pasok naman sa school si Nian. Pero bibisita sila mamayang gabi, o kung hindi man, bukas nang hapon.”

Pinanood ko ang anak kong magsangag ng kanin at kinausap na rin tungkol sa pamilya niya. Habang masaya siyang nagkukuwento tungkol sa sarili niyang pamilya, hindi ko maiwasang maisip na siguro ay hindi na ako bumabata. Lumalaki na ang pamilya namin ni Alfred, at mukhang hindi na rin nalalayo ang panahon na susundan ko siya. Kapag iniisip ko na darating ang araw na maiiwan ko na rin sa mundo ang mga anak ko, na may kanya-kanya nang mga pamilya, nalulungkot ako.

Kumpleto ang tatlo kong anak sa bahay nang mag-almusal kami. Habang nagkukulitan sila sa hapag, tulad ng parating nangyayari kapag sama-sama kaming kumakain, napapatingin ako sa may sala ng bahay kung nasaan namamahinga si Alfred.

“Marlo, puwede bang patigilin mo ˋyang tarantado mong barkada sa pagvi-videoke nang ganito kaaga? Nakakasira ng araw, oh,” reklamo ni Angeline kay Marlo.

Tumawa lang ito. “ˋYaan mo na. Tingnan mo, oh, kinakanta niya naman ang love song nina Mama at Papa.”

“Tama si Ate,” tumatango-tangong sabat ni Sophie. Ngumunguya pa siya habang nagsasalita. “Buti sana kung maganda ang boses. Jusko! Bina-butcher niya naman ˋyung kanta!”

Tahimik lang akong kumakain at nakinig sa kumakanta ng Even the Nights Are Better ng Air Supply. Totoo ngang ito ang kanta na sumisimbolo sa pagmamahalan namin ni Alfred. Noong mga panahong akala ko ay hindi na ako ulit makakahanap ng taong magmamahal sa akin tulad sa nararamdaman ko noon kay Liyah, dumating siya at pinatunayan sa akin na nagkakamali ako.

“Oh, my god!” tili bigla ni Sophie sa gitna ng asaran nilang tatlo. “Naalala ko pala kahapon si Mama na nakatitig sa manong na parang kaedad niya na may kasamang asawa. Ma, ˋyon po ba ˋyong kinukuwento sa ˋmin lagi ni Papa noon na ex mo?”

“Huh?” litong tanong ni Marlo.

“Ay, ˋyun bang manong na matangkad at maputi na mukhang mayaman, Sophie?” tanong naman ni Angeline.

“OMG! Nakita mo rin siya, Ate? Oo, yun nga! Matangkad, halos hanggang sa balikat lang niya si Mama. ˋTapos maputi rin at kasama ˋyong asawa.” Bumungisngis si Sophie. “Ma? ˋYon na ba ˋyong ex mo? Grabe na-starstruck ka sa kanya kahapon, ah? No’ng nakaalis na tulala ka sa daan, e.”

Humugot ako ng malalim na hininga bago sumagot. “Hindi ko ˋyon ex, anak.”

“Ah, sabi ko na nga ba,” wika naman ni Angeline.

“Huh?! Ano’ng sinasabi mo diyan, Ate Angie? Halatang may something sa kanila, e—”

Pinutol ko ang sinasabi ng bunsong anak. “Hindi ko ˋyon ex, Sophie. Tulad ng paliwanag ko sa ˋyo kahapon, isa lang ˋyon sa naging mabuting kaibigan ko noong high school.”

“Weh?” nanliliit ang mga matang untag ni Sophie.

Tumawa si Angeline. “Don’t worry, Ma. Naniniwala ako na hindi mo ˋyon ex. Halata naman, e, sa tingin mo pa lang do’n no’ng makita mo no’ng umaga.”

Malakas na tumikhim si Marlo. “Tama na ang usapang ex! Hindi pa nga naililibing si Papa kung sino-sino nang nirereto n’yo kay Mama.”

“Excuse me, Kuya Marlo, hindi pangrereto ang tawag do’n. Ang tamang term ay pag-uungkat ng past!” sabik na sambit ni Sophie. Halos makitaan ko na ng kinang sa mga mata niya. “Sino ba naman kasing hindi mae-excite kung ˋyong palaging kinukuwento ni Papa na ex ni Mama ay bumisita pala?”

“Kahit childish, nag-a-agree ako,” tumatango-tangong pagsang-ayon ni Angeline. “Sabihin ba naman noon ni Papa na handa siyang pakawalan si Mama kung sakaling bumalik ˋyung greatest love daw ni Mama. Sino’ng hindi maku-curious?”

“Heh!” ani Marlo. “Ako, hindi curious. Past is past! Naka-move on na si Mama, dapat kayong dalawa rin, mag-move on na!”

Nagsimula na namang magkagulo ang tatlo dahil doon. Para matigil na sila sa bangayan ay pumagitna na ako. Mabilis na tumino sina Angeline at Marlo habang si Sophie naman ay humalukipkip at ngumuso. “Magsitigil na kayo. Angie, Sophie, alam n’yo naman ang lagi kong sagot sa ganyan, hindi ba? Totoong naka-move on na ako at hindi ko na babalikan ang ex ko na ikinukuwento sa inyo ng Papa n’yo.” Dahil alam kong hindi niya na rin naman ako babalikan. Masyado nang huli ang lahat. “At pakiusap, huwag na muna nating ungkatin ang nakaraan ko. Kasama pa natin ngayon ang Papa n’yo. Hindi magandang ganito ang pinag-uusapan natin.”

Tumango ang dalawa kong anak na babae na parang nagkasala dahil sa paksang pinag-usapan. Sinubukan ko namang pagaanin ang hangin sa hapag sa pamamagitan ng pagkukuwento ng tungkol sa mga bagay na ginawa namin ni Alfred noong nagsisimula pa lang kami sa relasyon namin.

Ramdam ko pa rin ang bigat sa dibdib ko. Alam ko kasi na purong kasinungalingan lang ang pinagsasabi ko sa mga anak ko. Ako itong pilit na binabalikan ang nakaraan. Ako itong lunod pa rin sa mga memorya ng taong matagal nang lumisan sa buhay ko. At hindi ko lubos na mabatid kung bakit sa lahat ng oras ay ngayon ako bumabalik. May mga ganid na isipin sa utak ko ang umuusbong, at ayaw ko iyong kilalanin. Mga isipin tulad ng dahil sa pagkamatay ni Alfred ay hindi ko na kailangan pang magpigil sa mga totoo kong nararamdaman, at dahil gusto ko pa ng ikalawang pagkakataon sa naging pagkakaibigan namin ni Liyah—kahit iyon na lang . . . kahit pa sobrang makasarili nitong nararamdaman ko.

Ah . . . Alfred. Patawarin mo ako dahil ganito kamakasarili ang babaeng minahal mo hanggang sa huling hininga mo.

▪ ▪ ▪

“TINGNAN MO SI Sarmiento, nagbibisekleta na naman nang nakasuot ng maikling palda para mapansin ng mga lalaki.”

“Kaya maraming nagkakagusto diyan, e. Halatang higad na kulang sa atensyon.”

“Hindi naman kagandahan.”

Nag-iinit ang aking ulo umaga pa lamang nang unang araw ng pasukan ng Hunyo. May tatlong babaeng nakahilera sa pasilyo ng gusali ng mga fourth year at nagchi-chismisan. Kung normal na araw lamang ito at ibang tao ang pinagsasalitaan nila nang masama, malamang hindi ko na sila pinansin. Ngunit dahil si Liyah ang pinagsasalitaan nila, hindi ko iyon mapapalampas.

“Bakit, ikaw ba maganda?” tanong ko sa babaeng pinakamalapit sa akin.

Hinarap niya ako. May matingkad na kulay rosas na lasong nakatali sa kanyang mamantika at kumikintab na noo, mukhang napasobra rin ang kanyang lagay ng kolorete sa pisngi, mukha na tuloy siyang payaso. Halos pumutok na rin ang kanyang labi sa sobrang pula—ganoon din ang kanyang dalawa pang mga kasama. Doon ko tuloy nalaman kung bakit nila pinagkakaisahan si Liyah: dahil malamang ay hindi rin sila nakakukuha ng atensyon sa mga lalaki.

“At sino ka naman?” mayabang na tanong sa akin ni payasong may matingkad na rosas na laso sa ulo.

“Kaibigan n’ong higad na kulang sa atensyon,” sarkastiko kong sagot at humalukipkip. Dahil mas matangkad ako rito sa tatlong magkakaibigan na mukhang payaso, angat ang aking noo at baba ang tingin sa kanila. Umatras ang isa sa kanila na mukhang natakot sa itsurang aking pinapakita. Umismid ako. “Bakit hindi na lang din kayo magbisekleta papunta rito sa eskuwelahan? Iklian n’yo na rin ang mga palda n’yo. Baka mapansin na rin kayo ng mga lalaki. Ah—” sadya kong pinutol ang sasabihin.

Naglakad ako papunta sa harap nilang tatlo. Nagbubulungan na sila ngayon at siyempre, hindi naman ako bingi upang hindi ko marinig. Kilala nila ako. At dahil kilala nila ang aking pangalan, alam kong alam din nila na maraming beses na rin akong napaaway noong mga nakaraang taon ko sa sekondarya para sa kaibigan ko.

“Baka kahit magbisekleta pa kayo na panty at bra lang ang suot, hindi pa rin kayo papansinin ng mga lalaki. Bukod kasi sa pangit na kayo, pangit pa ugali n’yo,” nambubuyo kong wika sabay malapad na ngiti.

Mukhang nainsulto si payaso at muntik na akong kalmutin. Kung hindi lamang siya pinigilan ng kanyang dalawa kaibigan ay, panigurado, may panibago na namang peklat sa aking braso.

“Mas pangit ka! Argh! Ang pangit n’yo parehas ni Sarmiento!” sigaw niya habang hinihila papalayo ng dalawang kaibigan. Bumelat lamang ako sabay lantad sa aking puwetan. Mas lalo pang nagpuyos sa galit ang babae, ngunit hindi ko na pinansin. Nakuha ko na rin naman ang gusto kong makuha sa kanya: ang pagkakapahiya. Tinginan na sa kanya ang mga estudyanteng naglalakad at nasisita na rin ng iilang mga gurong napapadaan.

Ngumiti ako. Ilang segundo pa ay naramdaman ko na lamang na may biglang umakbay sa akin. Nalanghap ko kaagad ang pamilyar na pabango niyon pati na rin ang kakaibang amoy ng imported na shampoo nito. Lumingon ako at binati ng natatawang mukha ni Liyah. Sa itsura niyang iyon, mukhang narinig niya lahat ng aking pinagsasabi sa tatlong bruhang pinagsalitaan siya ng kung ano-ano.

“Lakas mo namang mang-away, bossing. Sa’n mo ˋyan natutunan?” tanong niya habang nagpipigil ng tawa.

Lumayo ako dahil naroon na naman iyong kakaibang pakiramdam tuwing malapit siya. “Ah, nandito na pala ang higad,” sarkastiko kong sabi na ikinatawa niya. “Aga natin, ah?” tanong ko at tinalikuran siya.

Naramdaman ko ang kanyang brasong pumulupot sa aking balikat, dahilan kung bakit nahihirapan na akong maghanap ng hangin upang makahinga. “Linya ko ˋyan, ah? Aga mo ngayon—bakit? Miss mo na agad si Sean? ˋWag kang mag-alala, kahit graduate na ˋyon, malapit lang dito ang kolehiyong pinasukan niya. Magkikita pa rin kayo kung maisipan niyang bisitahin ka.”

Bumusangot ako ng mukha. Ayan na naman siya sa kanyang kaka-Sean. Wala na siyang ibang binunganga kundi ang kanyang pinsan. Kung hindi niya lamang pinsan si Sean Agustin, iisipin ko nang siya talaga ang may gusto doon, e. Natapos ang natitirang mga araw ng bakasyon namin, walang palya niyang binabanggit ang lalaking iyon. Paano, hindi rin kasi ako nakahanap ng tiyempo na basted-in dahil biglaang napa-Maynila ang kanilang buong pamilya. Kung tutuusin ay natutuwa pa nga ako dahil doon, ngunit tuwing pinaaalala sa akin ni Liyah ang tungkol sa lalaki, naiirita na lamang ako.

Dahil may sampung minuto pa bago magsimula ang klase, nagkuwentuhan muna kami ni Liyah tungkol sa mga babaeng inaway ko kanina. Tinatawanan niya lamang ako habang kinakain ang dala niyang pandesal. Hindi ako nakapagdala ng palaman para doon dahil hindi gumawa si Inay. Ayaw ko rin namang gumawa dahil magiging paksa na naman iyon ng panlalait ni Liyah.

Sabay naming hinanap ang classroom namin para sa taong iyon. At dahil tatlong taon na kaming laging magkaklase, iniisip ko nang sa iisang silid lamang din ang aming pasok. Ngunit doon ako nagkakamali. Dahil nang makita ko ang aking pangalan sa lista ng Section B, at wala roon ang pangalan ni Liyah, unti-unti ako sa kanyang napatingin. Inulit niya pang basahin ang lahat ng pangalan sa buong lista, ngunit kahit ano’ng gawin niya ay wala roon ang kanyang pangalan. Nang mapagtanto ang kahulugan niyon, napabuntonghininga siya at bumagsak ang mga balikat.

“Ano ˋto? Ba’t hindi tayo magkaklase?” tanong niya.

Uulitin pa sana niyang basahin ang lista, ngunit may mga estudyante na sa aming likuran na gusto ring makita ang nakapaskil na papel. Nagkatinginan kami ni Liyah at ramdam ko sa kanyang mga mata ang panlulumo. Gusto ko rin namang magreklamo kung bakit ganoon ang nangyari, ngunit pinagtulakan na kami ng mga tao sa likod kung kaya’t wala na kaming ibang nagawa.

“Ruth, mamamatay ako kapag hindi ko natikman ang peanut butter ni Nanay Marlyn araw-araw,” untag niya habang nasa tabi kami ng pintuan ng classroom ng Section B.

Ngumuso ako. Iyon talaga ang iniisip niya . . . hindi ang dahil gusto niya akong makatabi muli sa loob ng classroom araw-araw. Gayunpaman, hindi ko ipinakita ang aking pagkakadismaya sa kanyang rason. “Ano ka ba! Edi agahan mo palagi para mag-almusal muna tayo bago pumasok.”

Binatukan niya ako kaya gumanti rin ako. “Gaga, palagi akong maaga, e, ikaw? Dapat pala niregaluhan na lang kita ng alarm clock noong birthday mo.”

Umirap ako. “Sapat na ang tilaok ng mga manok ni Itay sa umaga,” sabi ko at nagkibit-balikat.

“Hah . . .” bumuga siya ng hangin, tila pinanghinaan na ng loob.

Inayos ko ang strap ng bag sa aking balikat at tuluyan nang pumasok sa loob ng silid. Naiwan si Liyah sa labas na nakatingin sa akin. Dinungaw ko ang loob at nakitang marami naman akong kaklase noong nakaraang taon na kaklase kong muli ngayon. Mukhang minalas lamang kami ngayong taon ni Liyah, kung kailan patapos na kami ng sekondarya. Nilingon ko siya at napaisip. Siguro wala namang masyadong magbabago sa amin dahil lamang sa pagkakahiwalay naming ito. Kung tutuusin ay nasa katabing silid lang ang section niya na puwedeng-puwede kong puntahan kahit na anong oras. Hindi dapat ganito kalungkot ang unang araw ng pasukan.

“Sige, kita na lang tayo mamayang tanghalian,” mahinang sambit ni Liyah. “ˋWag mo ˋkong kakalimutan, Ruth.”

Inismiran ko lamang ang kanyang pagiging madrama at pinanood siyang kumaway sa akin at tumakbo papunta sa katabing silid. Bumuntonghininga ako. Nagsimula ang unang araw namin sa ikaapat na taon sa sekondarya na magkahiwalay. Mukhang wala namang masyadong mababago sa aming dalawa dahil doon, kaya normal ko lamang na ipinagpatuloy ang aking buong araw.

Ngunit magsisinungaling ako kung sasabihin kong wala ngang nagbago sa amin dahil lang doon. Mayroon. Marami. At hindi ko inaasahang doon ko na rin magsisimulang mapagtanto ang totoong nararamdaman ko kay Liyah. Dahil hindi tulad sa inaakala ko, lumipas ang mga umaga na hindi na kami nagkikita upang kumain ng pandesal na may palamang peanut butter. Hindi na kami magkukulitan tuwing tanghalian dahil nagkaroon na kami ng kani-kaniyang mga bagong kaibigan. Hindi na rin ako nakabibisita sa kanilang bahay dahil sa dami ng gawain sa eskuwelahan. Nalaman ko na lamang na hiwalay na sila ng kanyang nobyo. Kalaunan, naging malapit na rin sila ni Mark, at hindi nagtagal ay naging magkasintahan. Lahat ng iyon ay nangyari sa dalawang buwang lumipas.

Kung noon, malapit lamang siyang mahawakan, ngayon tila para siyang bituin na papangarapin ko na lamang na abutin. Lahat ng ito ay mas napagpatibay pa isang tanghalian sa canteen ng aming paaralan. Dati, palagi kaming magkasabay na kumain sa canteen at doon ay magkukuwentuhan hanggang sa maubos ang oras. Ngayon, dahil maagang nagpapalabas ang kanilang huling guro para sa umaga, nauuna na siyang kumain at naiiwan akong iba ang kasama. Noong mga naunang araw ay nahihintay niya pa ako, hanggang sa mapagod siya’t magpasyang mauna na kasama ang kanyang mga bagong kaibigan. Napaaga ang pagpapalabas sa amin ng guro namin noong araw na iyon kaya ako ang mas nauna sa canteen.

Kasama ko si Riley, na aking pinakamalapit na kaibigan sa lahat ng aking kaklase, habang namimili kami ng kakainin sa nakahilerang ulam na paninda. Bahagya siyang nakaakbay sa aking isang balikat habang nakikipaglokohan sa tindera sa canteen. Dahil ang section pa lamang namin ang naroroon, komportable kaming mamili nang hindi nakikipagsiksikan sa ibang estudyante.

“ˋYong malaking paa naman ang ibigay mo sa ˋmin, Ate Luna. Ang mahal-mahal na nga ng tinda n’yo oh,” nagbibirong sabi ni Riley sa tindera.

Humagikhik iyon. “Nako! Lagi na ngang nakareserba ang pinakamalaking paa para sa girlpren mo! Magrereklamo ka pa?”

Tumawa si Riley at nakipaglokohan pa sa tindera. Kumunot na ang aking noo nang mapagtantong hindi niya itinanggi ang maling akala ng tindera na nobya niya ako. Tinanggal ko ang kanyang braso sa aking balikat at nagpaalam na hahanap ng mauupuan. Hindi ko na nga hinintay pa ang kanyang sagot at tumalikod na. Ngunit saktong pagtalikod ko ay nasa harapan ko na pala si Liyah. Bahagyang nakaawang ang kanyang mga labi habang nakabuntot sa kanya ang pangit na si Mark. Naramdaman ko ang pamumuo ng bato sa aking lalamunan.

“Oh, labasan na kayo?” kontrolado ang tono ng aking boses nang tanungin siya.

Tumabi na sa kanya si Mark at malaki ang ngiting ibinigay sa akin. “Oo, Ruth. Kayo? Ang aga n’yo ngayon, ah?” sagot niya habang inaayos sa kaliwang balikat ang bag ni Liyah.

Kumunot ang aking noo. Nag-ipon ako ng lakas upang asarin sila, dahil ang dating Ruth ay ganoon ang reaksyon sa mga nagiging kasintahan ni Liyah. Ngunit bago pa man ako makapagsalita ay naramdaman ko na naman ang mabigat na braso ni Riley sa aking balikat. Nilingon ko siya agad nang sumipol si Mark. “Biglang umalis si Ma’am Rodriguez kaya maaga rin kaming kakain ngayon.” Nag-apiran ang dalawang lalaki habang tinatanggal ko ang pagkakaakbay sa akin ni Riley.

“Narinig ko ˋyon kanina, ah?” Halos mapatalon na ako nang biglang bumubulong na sa aking tabi si Liyah. “Kayo na niyan? Hindi ka na nagkukuwento. Pa’no na ang pinsan ko?” matutunugan ng pagtatampo sa kanyang tono.

Hindi agad ako sumagot. Paanong hindi ako makakapagkuwento kung sobrang tumal na naming magkita? At saka hindi naman kami ng kaklase kong ito. Siya nga ang hindi na rin sa akin nagkukuwento. Biglaan ko na lamang nalaman noong nakaraan na sila na ni Mark . . . na akala ko ay hinding-hindi niya magiging nobyo dahil alam ko ang kanyang mga tipo: iyong mga matataas ang kumpiyansa sa sarili at alam ang kanilang gusto—sa madaling sabi, iyong mga astig. Pinanliitan ko ng tingin si Mark at lumayo nang bahagya kay Liyah. Sa sobrang pagkatorpe ng lalaking ito, wala pa siya sa kalingkingan ng lahat ng naging nobyo ni Liyah.

“Hindi kami—”

Nalunod ang aking boses nang biglang magtawanan ang dalawang lalaki. “Sweet n’yo, ah! Sabay pa talaga kayong kakain! Magtapat nga kayo, pare, kayo na nito ni Ruth no?” malakas na tanong ni Mark.

Tatanggi na sana ako ngunit malakas na namang tumawa si Riley. Biglang nag-init ang aking ulo dahil doon. Ano’ng nakakatuwa? Ito na naman ang magiging rason ng hindi pagkakaunawan at mga maling akala ng tao. Isa pa, ayokong isipin ni Liyah na may namamagitan sa amin ni Riley.

Natigilan ako at napaisip. E, ano naman kung isipin ni Liyah na may namamagitan sa amin? Sobrang napalayo na kami sa isa’t isa kaya alam kong wala na siyang masyadong pakialam sa kung anumang mangyayari sa aking buhay. Tinatanong niya lamang ako ngayon para sa pinsan niyang kahit ngayon ay nanliligaw pa rin. Kung hindi dahil sa pagiging kuryoso niya para sa pinsan, lalapit pa nga ba siya sa akin nang ganito? Kaya kahit gusto ko nang magsusumigaw na hindi kami ni Riley, itinikom ko na lamang ang aking bibig at naghanap ng mauupuan. Nagpasya ako na kapag nakaupo na lamang kami ako magpapaliwanag dahil nauubos na ang aking enerhiya.

“Labas na lang tayo kumain,” sabi ni Liyah at pinulupot ang kamay niya sa braso ni Mark. Halos maghugis puso naman ang mga mata ng gago.

“Huh? Bakit? Akala ko ba gusto mong makasa—”

“Hindi na!” malakas na sigaw ni Liyah. Napatingin tuloy sa aming apat ang mga estudyanteng kakapasok pa lamang sa canteen. “Wala akong gusto sa mga ulam ngayon.”

“E, hindi mo pa nga nakikita—” Hindi na nakapagsalita pa si Mark dahil nagsimula na si Liyah na hilain siya papalayo.

Awang ang aking bibig habang tiningnan silang lumabas ng canteen. Umakbay muli sa akin si Riley na mabilis kong tinanggal. Nag-init agad ang aking ulo habang iniisip kung paano umakto noon si Liyah. Hindi man lang siya lumingon sa akin nang hilain papalayo ang nobyo, para bang wala ako sa lugar na iyon at silang dalawa lamang ang tao sa mundo. Hawak ang aking dibdib ay nagmartsa ako papunta sa isang lamesa. Nakasunod sa akin si Riley na hawak ang tray ng pagkain naming dalawa. Nagpipigil lamang ako na tumulo ang luha ko dahil sa mga nangyari.

Kung tutuusin, sobrang gulo ng aking utak ng mga oras na iyon. Hindi ko alam na ganoong kalala ako masasaktan sa ginawa ni Liyah. Ngunit siguro, dahil na rin sa kinimkim na tampo at pagkairita sa biglaang pag-anod sa kanya ng alon papalayo sa akin, kaya na lamang ganoon kasama ang aking pakiramdam. At siguro . . . siguro . . . dahil na rin sa selos.

▪ ▪ ▪

MAGMULA NOON AY hindi ko na nakita sa canteen ni-anino ni Liyah. Medyo napalayo na rin ang aking loob kay Riley dahil sa lahat ng pagpaparamdam niya ng interes sa akin, ngunit nakakasama ko pa rin naman kahit minsan dahil kaibigan pa rin naman siya ng aking ibang kaibigan. Pinipilit ko na lamang lokohin ang aking sarili minsan na hindi masyadong nakaaapekto sa akin ang nangyayari sa amin ni Liyah, ngunit kahit ano’ng gawin ko ay apektado talaga ako. Gusto kong gawan ng paraan upang maayos kami, ngunit tuwing sinusubukan ko ay siya naman ang lumalayo.

Lagi ring masama ang aking loob tuwing nakikita sila ni Mark na magkasama. Paano, halos palaging magkadikit tuwing nasisilayan ko. Hindi ko gusto ang nagagawa niyon sa aking dibdib; parang iniipit iyon nang sobrang higpit hanggang sa tila gusto ko na lamang maiyak sakit. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit. Kapag iniisip kong nagseselos ako, lagi kong itinataga sa aking utak na hindi dahil nobyo niya iyon kundi bilang isang kaibigan na tila kinalimutan niya na.

Bumuga ako ng malalim na buntonghininga habang sinisipa ang hangin. Dama ko ang sikat ng araw na dumadaplis sa aking balat habang nakikinig sa matiwasay na tunog ng agos ng tubig sa aking ilalim. Nakatambay ako sa lugar namin ni Liyah, sa hanging bridge kung saan kami nagkukuwentuhan madalas habang kumakain. Umuuga ang tulay sa aking bawat pagsipa, at lumalakas ang hangin sa aking bawat pagsinghap. Ilang sandali ay hindi ko na maramdaman ang kirot ng sinag ng araw sa aking balat. Mayroong payong na sumilong sa akin kaya napabalikwas ako ng upo.

Nang makita ko kung sino ang pumayong sa akin ay agad na bumagsak ang aking mga balikat. Nakangiti sa akin si Sean Agustin at itinuro ang bakanteng espasyo sa aking tabi. “Puwede bang tumabi?”

Kahit naguguluhan kung bakit siya narito, at kung paano niya ako nahanap, ay tumango pa rin ako. Umuga muli ang tulay nang tumabi siya sa akin. Hawak niya pa rin ang payong habang dinudungaw ang ilog sa aming ilalim.

“Bakit ka nandito?” tanong ko habang nakatitig sa kanyang mukha.

Nilingon niya ako, nakapinta pa rin sa kanyang mukha ang malaking ngiti. “Bawal ba? Naiistorbo ba kita?”

Napakurap ako. “Hindi naman . . .” mahina kong sagot. “Nagtataka lang kung pa’no ka rito napunta.”

Mahinang tumawa si Sean, hindi makatingin sa akin. Dahil sa pagtitig ko sa kanya ay doon ko napansin ang kabuuan ng kanyang mukha sa malapitan. Mestizo nga. Maputla ang kutis, pati na rin ang mga labi. Matangos ang ilong at makakapal ang mga kilay. Kung pagbabasehan ang pamantayan ng mga tao ngayon sa guwapo, malamang ay pasok siya sa kategoryang iyon. Ngunit habang tinitingnan ko siya nang matagal ay mas lalo pang lumalakas ang aking paniniwala na hindi siya ang para sa akin.

“Hinanap kita,” putol niya sa aming katahimikan habang pinagmamasdan ang ilog. Hindi ako sumagot kaya nagpatuloy siya, “May naririnig kasi akong . . . tsismis . . . tungkol sa ˋyo. That’s why I wanna talk to you about it.”

“Tsismis?” lito kong tanong.

“Na may boyfriend ka na raw,” diretso at walang patumpik-tumpik niyang sagot. Nanatili akong tahimik at hindi iyon pinabulaanan, hinintay ko siyang dagdagan pa ang sinasabi bago magsalita. “I just wanna know, Ruth. K-kung totoo, maiintindihan ko naman. I will respect your decision at titigil na ˋko sa kakahabol sa ˋyo.”

“Bakit—?” Suminghap ako. “Bakit mo ako nagustuhan, Sean Agustin?” tanong ko imbes na sagutin siya. “Bihira mo lang akong makita. Hindi rin tayo nakakapag-usap para makilala mo ako nang lubos. Kung hindi pa ako pumupunta sa bahay ng pinsan mo ay malamang, hindi mo rin ako makikilala kaya—bakit? Paano?”

Umawang ang kanyang labi at sumulyap sa akin. Hindi ko maintindihan ang emosyon sa kanyang mga mata, ngunit alam ko na iyon ang klase ng emosyon na nakikita ko sa mga mata ng aking mga magulang tuwing kaharap nila ang isa’t isa.

Pagmamahal.

Ngunit, nararapat bang tawagin ko ang emosyon sa kanyang mga mata na pagmamahal? Sino ba ako upang isipin na lamang iyon mula kay Sean Agustin?

“Hah . . .” Nagbuga siya ng mahabang buntonghininga at tumawa. Tumagilid ang aking ulo habang hinihintay ang kanyang sagot. “Alam mo ba? Ilang beses ko na ring inisip kung ano’ng isasagot diyan once na dumating ang araw na itanong mo. Mukhang ngayon na ang araw na ˋyon, at mukhang magagamit ko na ang script ko,” aniya at humalakhak muli. “But . . . Mukhang seryoso ka sa tanong mo, and I think you also deserve a raw and honest answer. Kaya ang sagot ko sa tanong mo ay, ‘Hindi ko rin alam kung bakit at papa’no.’

Napamaang ako at hindi alam ang sasabihin. Ano ba ang dapat kong sabihin? Tanungin ko ba siya kung bakit hindi niya alam kung ano’ng sagot?

“When I think about it, siguro napansin nga kita kasi madalas kang nasa bahay nina Auntie Anna kapag pumupunta ako ro’n. Bestfriend mo ang pinsan kong si Aaliyah kaya halos lagi kang nasa paligid ko—kahit pa wala ka namang pakialam sa akin most of the time.

“Siguro nagsimula ang pagkagusto ko sa ˋyo mula no’ng pagmasdan kitang tumatawa kasama si Liyah. Parang ang liwanag mo, e. Mas maliwanag pa sa sinag ng araw na pinipigilan nitong hawak kong payong na tumama sa ˋyo.” Bahagya siyang tumawa sabay iling. “ˋTapos no’n, bigla kong naisip,I want to be the reason why she smiles so brightly. Kung may isang tao na ngingiti nang ganyan kaganda dahil sa ˋkin, sobrang saya siguro ng puso ko.

“Sean—”

“Wait, Ruth. Don’t reject me just yet. Hayaan mo muna ˋkong mag-senti at maging corny dito.” Kabado siyang tumawa kaya hindi na ako nagsalita pa. Tumikhim siya bago magpatuloy. “Pero ilang buwan na rin akong nanliligaw sa ˋyo, ngayon ko lang talaga na-realize na siguro, hindi ako ˋyong taong magiging rason ng pagngiti mo. Even now, hindi ko man lang magawa. At tanggap ko na rin naman ˋyon, kahit pa masakit.”

Bumuntonghininga ako. Mabigat na ang loob ko ngayong naririnig ko ito mula sa kanya. “Sean, wala akong boyfriend.”

Tumawa siya na parang alam nang sasabihin ko iyon. “But even so, hindi mo pa rin naman ako sasagutin, right?” tanong niya.

Mabagal akong umiling kasabay ng paghinga niya nang malalim. “Sorry . . .”

“Don’t be,” aniya. “Hindi mo kasalanan na ˋdi mo ˋko nagustuhan. Hindi mo kasalanan na nasa ibang tao na ang puso mo, hindi akin.”

“Ha?”

“May iba ka nang nagugustuhan ˋdi ba?” Ngumiti siya sa akin. “It’s fine, really. Masaya ako para sa ˋyo.”

“Pero wala akong nagugustuhan, Sean,” sabi ko. “Wala.” Nang sabihin ko iyon ay biglang pumasok sa aking isipan ang mukha ni Liyah. Napahawak kaagad ako sa aking dibdib at tumingin sa ilog sa ibaba.

Hindi. Wala akong gusto.

At mas lalong hindi ko gusto si Liyah.

“Maybe you haven’t realized it yourself, Ruth,” ani Sean at tumayo na. “But I spent time watching you all this time not to notice anything. You do have someone. Merong taong binibigyan mo ng tingin na pareho sa tingin na ibinibigay ko sa ˋyo.”

Gusto kong takpan ang aking tainga habang sinasabi iyon ni Sean Agustin. Dahil habang lumalabas ang mga salita sa kanyang bibig ay siya ring pagpasok ng mga hindi kaaya-ayang isipin sa akin. Habang iniisip ko ang pag-uusap namin ay isang tao lamang ang lumilitaw sa aking isipan. At sa puntong iyon, halos hindi ko na maitanggi sa aking sarili. Hindi ko na maitanggi ang nararamdaman ko na ilang buwan ko na ring kinikimkim sa aking pinakaloob-looban.

Tama si Sean Agustin; may nagugustuhan nga ako. At ang taong iyon ay ang kanyang pinsan, ang pinakamatalik kong kaibigan—si Aaliyah Sarmiento.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top