Ikalawang Kabanata

𝙸𝙸. 𝙿𝙰𝙶𝙱𝙰𝙱𝙰𝙻𝙸𝙺 𝚂𝙰 𝙽𝙰𝙺𝙰𝚁𝙰𝙰𝙽

ISANG STRAP LAMANG ng bag ni Sean Agustin ang nakasuot sa kanyang balikat. Hawak iyon ng kanyang kaliwang kamay habang ang kanan ay nakapaloob sa bulsa ng kanyang itim na pang-ibaba. Nasa tuwid na linya ang aking mga labi nang makita ko ang kanyang gusot-gusot na puting polo. Makikita rin sa ilalim nito ang kanyang kulay kahel na jersey shirt na tuluyan ko nang ikinangiwi.

“A-ano ulit ang sabi mo, Ruth?” tanong niya, nauutal. Umakbay sa kanya ang isa niyang kaibigan na kanina’y hinila papalayo si Liyah. Tinanong din ako niyon ng parehong tanong ni Sean kaya napailing ako.

“Wala pa ho sa isip ko ang pagnonobyo,” ulit ko sa aking naging sagot sa kanya kanina.

Nagsinghapan silang magkakaibigan, samantalang si Liyah sa likod ay napahagikhik na lamang. “Sabi ko na kasi sa ˋyo, unggoy, maba-basted ka lang niyan ni Ruth. Pag-aaral inaatupag muna niyan,” ani Liyah sabay hagalpak sa tawa.

Hindi naman pinansin ng kanyang pinsan ang kanyang pambubuyo. “Kung wala pa sa isip mo ngayon ang pagbo-boyfriend, I—I can wait for you hanggang sa maisipan mo na ˋkong sagutin,” wika ni Sean sa seryosong tono. Dahil doon ay nakaani siya ng hiyawan at mga sipol sa kanyang mga barumbadong kaibigan. Pinigil ko ang sariling mapairap gamit ang pagngiti at tinapik siya sa balikat.

“Sorry! Iba na lang ho ang hintayin mo, ˋwag na ˋko. Mauunahan mo pang pumuti ang uwak niyan kapag pinilit mo,” pabiro kong sabi at nilagpasan na siya. Nakatingin sa akin ang lahat ng kanyang kaibigan habang tumatakbo ako papunta kay Liyah. Kahit pa medyo nakaramdam ako ng awa para sa binata, wala naman akong magagawa kung talagang ayaw ko pa sa ngayon na magnobyo. Isa pa, mas mabuti nang diretso ang sagot ko sa kanya upang hindi na siya makaisip pa na may tsansa siya sa akin.

Nakakasira lang ng buhay ˋyang pagnonobyo,’ pag-ulyaw ng bilin sa akin ni Itay na sinasang-ayunan ko naman.

“Tama lang ˋyung ginawa mo, Ruth. Masisira lang ang buhay mo sa pagbo-boyfriend,” sabi ni Liyah nang makasunod na ako.

“Wow, ha!” Tinulak ko siya. “Nagsalita ang papalit-palit ng nobyo kada buwan,” sabi ko.

“Iba ako, Ruth,” hambog niyang sambit sabay madramang hawi sa kanyang buhok. “Walang lalaki ang kayang sumira sa buhay ko.”

Umiling na lamang ako at nakipagkulitan pa sa kanya. Sa munting pag-uusap naming iyon ni Liyah, tila may kung ano’ng nabubuhay sa aking kaloob-looban. Hindi ko rin alam kung ano ang mayroon sa espesipikong araw na iyon upang maalala ko nang ganito kalinaw. Dahil kaya kahit pa huli na naman akong nagising, hindi ako na-late pumasok dahil hindi rin pumasok si Ma’am Gonzales? Dahil kaya sa pagsabay namin ni Liyah at pag-angkas ko sa bisekleta niya noong umaga? O baka dahil ninamnam namin ang pandesal na pinalamanan ng peanut butter? Kapag kasi kumakain kami niyon ay kailangang patago, tuwing mahuhuli kasi kami ni Ma’am Gonzales, kukunin niya iyon at hindi na ibabalik. Minsan nga ay naiisip ko na lamang na baka inggit lamang ang aming guro kaya ang aming almusal ni Liyah ang kanyang pinupuntirya.

O baka naman kaya masyado kong naalala ang araw na iyon ay dahil sa napakagandang kahel na kalangitan? Kung ganoon naman kasi kaganda ang mga ulap, hinding-hindi rin makakalimot ang utak kahit pa anong pilit. O siguro dahil na rin iyon ang araw kung kailan ikalawang beses akong mapagtapatan ng nararamdaman ng isang lalaki? Hindi kasi ako iyong babaeng nakakabali ng leeg tuwing dumaraan sa kanto, e. Hindi ko kasingganda itong mestiza kong kaibigan. Kahit pa hindi ko naman masabing pangit ako, hindi rin naman sapat ang itsura ko para magustuhan ng mga lalaki.

Ah! Iyon nga siguro ang dahilan.

▪ ▪ ▪

“HOW ARE YOU, Ruth? Naaalala mo pa naman ako, ˋno?” tanong ni Sean nang matapos akong magpunas ng mga luha sa pisngi ko.

Bumuhos sa akin ang kahihiyan nang mapagtanto kung ano ang ginawa ko kanina. Nang makita ko ang mukha ni Sean kanina ay mabilis ko siyang niyakap at . . . at umiyak ako na parang bata sa dibdib niya. Nag-iinit na ang buong mukha ko, lalo pa dahil nakamasid din sa aming dalawa si Angeline. Kuryoso siyang papalit-palit ng tingin sa amin ni Sean. Tumikhim ako at tinapik ang noo ko.

“A-ayos naman ako, Sean. Siyempre naman, kilala pa kita. Bakit naman kita makakalimutan?” tanong ko habang nilulunok ang kung anong nakabara sa lalamunan ko. “Ikaw pala? Kumusta ka? Paano mo nalaman . . .”

Tumawa si Sean. Doon ko napansin ang pagbabago sa itsura niya kumpara noong araw na nagtapat siya ng nararamdaman sa akin. Kung noon ay laging magulo ang itim at may kahabaan niyang buhok, ngayon ay makikitaan na ng iilang uban at maiksi na lamang din iyon at nakaayos pa. May halo na ring mga linya sa gilid ng labi at mga mata niya kapag ngumingiti. Ang suot niyang asul na polo ay hindi makikitaan ng kahit anong gusot, at ang mga manggas ay maayos na nakatupi hanggang siko niya. Hindi ko na namalayan na nakatitig na pala ako sa kanya kung hindi pa siya malakas na tumikhim.

Nag-init na naman ang buong mukha ko, pero pinilit kong hindi ipakita iyon. Ngumiti sa akin si Sean kaya ngumiti rin ako pabalik. “Is that okay with you, Ruth?”

Kumunot ang noo ko sa tanong niya. “Huh? Sorry, Sean, puwedeng pakiulit ng sinabi mo?”

Tumawa siya. “Bakit ka nagso-sorry? Okay lang ˋyon.” Hinawakan niya ako sa balikat kaya napatingin ako sa kamay niya. “By the way, nalaman kong, uhm, nawalan ka ng . . . asawa, dahil nakuwento ni Gregory. I immediately went here all the way from Manila to offer your family some prayers. I hope you don’t mind me visiting here unannounced.” Huminto siyang magsalita nang ilang segundo at binawi ang kamay sa balikat ko. “Lalo pa’t matagal na rin tayong hindi nagkikita.”

Nag-iwas ako ng tingin at mahinang umiling. Ilang taon na nga ba nang huli kaming magkita ng lalaking ito? Hindi ko na rin mabilang. Pero kahit pa hindi na kami nabibigyan pa ng tadhanang makapag-usap tulad noong dati, parang hindi taon ang lumipas dahil kahit papaano, alam ko kung ano ang iilang impormasyon tungkol sa kanya.

“Maraming salamat sa pagpunta mo, Sean. Malaking bagay sa ˋkin ang pagpunta mo kahit pa ngayon na lang ulit tayo nagkita,” sabi ko.

“Of course,” mabilis niyang sagot. “Magkaibigan tayo, Ruth. Nandito ˋko palagi kapag kailangan mo ˋko, okay? Always.”

Umiling ako dahil nagbabadya na namang tumulo ang mga luha sa gilid ng mga mata ko. Humugot ako ng malalim na hininga at tumango. Totoo nga siya sa mga binibitawan niyang salita. Palagi. Binisita niya rin ako noong araw na sabay akong iniwan nina Inay at Itay dahil sa aksidenteng kinasangkutan nila. Kahit pa ilang beses ko ring tinanggihan noon ang nararamdaman niya sa ˋkin, nandito pa rin siya bilang isang kaibigan na sumusulpot tuwing kailangan ko.

Inaya kong kumain ng almusal si Sean, pero tumanggi siya dahil kumain na raw siya kasama ang asawa niya bago pumunta rito. Hindi ko naman na siya pinilit pa at nagkuwentuhan lang kami tungkol sa buhay ng isa’t isa. Nakakahiya nga dahil parang naikuwento ko na sa kanya ang lahat ng pinagsamahan namin ni Alfred sa sobrang kaunting oras na bumisita siya. Sa kalagitnaan ng pagkukuwento ko ay nagpaalam na si Angeline na aalis. Mainam lang na nakikinig sa akin si Sean na para bang interesado rin sa lahat ng pinagsasabi ko. Kung hindi pa nga siya sinundo ng asawa niya ay hindi pa mapuputol ang pinag-uusapan namin.

“Tumutuloy din muna pala ako sa dating bahay nina Auntie Anna. I’ll just visit here again tomorrow and some other days, Ruth.” Tiningnan ko si Sean na hinawakan ang kamay ng asawa niya at ngumiti. Nasa labas na kami ng bahay at nasa likod niya ang puting kotseng dala.

“Tiya Anna . . .” wala sa sarili kong bigkas. Nabigla ako nang humakbang papalapit sa akin si Sean.

Bumulong siya sa akin, “Ah, I almost forgot; naikuwento ko rin kay Aaliyah ang tungkol sa asawa mo. Hindi ko alam kung babalik siya, Ruth. Pero kung oo, at kung gusto ka niya ulit makausap, is that okay with you?”

Nanlaki ang mga mata ko at napaatras. Seryoso ang mga mata ni Sean sa binitawan niyang mga salita, kaya nakakatiyak akong tama ang pagkakarinig ko. Nag-ugat na ang mga paa ko sa daan at hindi na rin ako nakasagot pa nang magpaalam na si Sean at ang asawa niya. Kumurap na lang ako isang sandali na wala na ang sasakyan niya sa harap ko, at ang mukha na ng bunso kong anak na si Sophie ang nakamasid sa akin.

“Ma, ayos ka lang po ba?” tanong niya sabay pitik ng daliri.

Sinapo ko ang noo ko at bumuntonghininga. “Ah—ayos lang ako, anak,” pagsisinungaling ko. Hinawakan ko sa balikat si Sophie at hinila papasok sa loob ng bahay kung saan mayroong mga nakikiramay ang nagdarasal.

“Bakit gano’n ka makatingin do’n sa maputing manong, Ma? Ex mo ba ˋyun? Mukhang kasama ˋyung asawa, ha?” sunod-sunod na tanong niya habang naglalakad kami.

Agad akong umapela, “Hindi ko ˋyun ex, Sophie. Kaibigan ko lang ˋyun.”

“Weh?” pabiro niyang balik.

Wala sa ayos akong nagpaliwanag sa anak ko ng tungkol sa komplikadong pagkakaibigan namin ni Sean. Marami siyang naging tanong tungkol sa nakaraan ko, kaya kinuha ko iyong pagkakataon para iwasan ang pag-iisip sa sinabi kanina sa akin ni Sean.

Babalik siya. May tsansang bumalik siya.

Nang umalis na si Sophie para pumasok sa paaralan ay buong araw na akong nagmukmok sa kuwarto namin ni Alfred. Kahit pa kinakatok ako ng kapatid ko na may kamag-anak kaming bumibisita, hindi ko na inintindi. Ipinulupot ko ang kumot naming dalawa ni Alfred na may bahid pa ng pamilyar na panlalaki niyang pabango. Humikbi lang ako habang nakabaon ang mukha sa unan. Sobrang sama ko na siguro ngayon na ang pagbabalik lang ng taong unang nang-iwan sa akin ang nasa isipan ko. Habang nasa labas pa ang asawa ko at hindi pa tuluyang namamaalam.

Bakit ako nagkakaganito, Alfred?

▪ ▪ ▪

“SABI KO NA kasi sa ˋyong ˋwag mo nang patulan ˋyung pangit na ˋyun, e,” nang-aasar kong sambit kay Liyah na nagpapagulong-gulong sa kanyang kama habang umiiyak.

“E, kasi naman, Ruth! Ang galing-galing ng mabulaklak niyang bunganga. Sobra! Dalang-dala ako noong nanliligaw pa lang siya. Sinasabi ko sa ˋyo, kung ikaw ˋyung nasa lagay ko, titiklop ka rin!” Ibinato niya sa akin ang isang unan na agad kong hinarang.

“Ah, kaya pala tatlong araw ka pa lang nililigawan, tiklop ka na agad?” pang-aasar ko pa sabay tawa. “Tingnan mo ngayon, may isa pa palang pinatiklop!”

Tumili siya at binato ulit ako ng unan. Dahil nagsasalita pa ako nang gawin niya iyon, sumakto sa aking mukha ang unan. Pikon akong tumayo at gumanti sa kanya. Hinampas ko sa kanya ang unan hanggang sa lumaban din siya at pareho na kaming naghahampasan.

“Aray ko!” reklamo niya nang mapalakas ang hampas ko sa kanyang mukha. Imbes na maawa ay tinawanan ko pa.

“ˋYan ang nakukuha mo! Buti nga sa ˋyong bruha ka.” Humagalpak ako sa tawa.

Nagtaas na siya ng dalawang kamay, senyales na tanggap niya na ang pagkatalo. Nanliit ang aking mga mata, ngunit lumayo na ako sa kanya at itinapon sa paanan ng kama ang hawak na unan. Umupo ako sa kahoy na silyang aking inupuan kanina at humalukipkip. Nang masyado na akong kampante sa aking pagkakaupo ay bigla siyang tumakbo sa akin at namukpok ulit ng unan.

“Bruha ka talaga, Aaliyah Sarmiento!” sigaw ko habang tumatakbo na siya palabas sa kanyang kuwarto. Ngunit imbes na humabol ay pinikit ko na ang aking mga mata at tinampal ang pisngi.

Hatinggabi na ngunit napakarami pa ring enerhiya ng babaeng ito upang magdrama at mang-inis. Pinandilatan ko nga siya nang sumilip siya sa hamba ng pintuan, tila nagtataka ang itsura kung bakit hindi ko pinatulan ang kanyang pang-uuyam ngayon. Nang mapansin niyang wala na akong ganang makipagbiruan ay pumasok na ulit siya dala ang unan.

“Ano, antok ka na?” tanong niya. Ibinato niya ang unan sa kama niya sabay upo sa paanan niyon.

“Malamang. Ano’ng akala mo sa ˋkin, bampira?” sarkastiko kong sagot.

“Bilis mo talagang mapikon kahit kailan, ˋno?” Dumantay siya sa kutson. “Alam mo, kung ako sa ˋyo, sinagot ko na ˋyon si Sean.”

Ha? “Pinagsasabi mo diyan?”

Bumangon siya at diretsong tumingin sa mga mata ko. “Para malaman mo kung ga’no kasakit makitang nangangaliwa ang boyfriend mo.”

Tinawanan ko ang kanyang sinabi. “Imbes na maengganyo akong payagang manligaw ˋyong pinsan mo, mukhang mas natakot pa ˋko.” Tinabihan ko siya at sabay kaming humiga. Tinitigan ko ang magandang kisame ng kanyang kuwarto at ang magarbong bumbilya sa gitna. “ˋTsaka sa’n mo hinuhugot ˋyan? Kung ako sa ˋyo, hindi na lang ako magnonobyo para hindi ka na magtatawag ng kaibigan sa ganitong dis-oras ng gabi para pagdramahan at hampasin ng unan.”

Aww, ikaw naman, best friend, masyado mo namang dinamdam ang mahinang hampas ko sa ˋyo ng unan.” Bahagya siyang bumangon upang kurutin ang aking magkabilang pisngi. “Bakit? Sawa ka na ba sa drama ko? Hindi mo na ˋko mahal? Gusto mo nang umuwi?”

Umirap ako at tinanggal ang kamay niya sa pisngi ko. “Ang drama mo! Hindi. Dito lang ako. Baka mamaya maulol ka dahil sa pag-ibig.”

Tumawa siya nang sobrang lakas. “Sira ka talaga kahit kailan, Mary Ruth.”

Ganito ang laging ayos namin ni Liyah tuwing pumapalya ang kanyang mga relasyon. Umiiyak siyang pumupunta sa aming bahay upang sunduin ako, pagkatapos ay makikita siya ni Inay sa ganoong ayos, kaya naman kadalasan ay nauuwi akong nakikitulog sa kanilang bahay. Hindi istrikto si Inay sa akin pagdating kay Liyah, ngunit ang mama niyang si Tiya Anna ay mahigpit, kaya hindi siya pupuwedeng magabihan o makitulog sa aming bahay. Tumatakas nga lamang siya upang mapuntahan ako, kaya umaabot kami sa ganito: tabing matutulog sa kanyang kama habang pinagkukuwentuhan kung ano ang nangyari sa kanila ng kanyang tarantadong nobyo.

“Pero hindi biro, Ruth,” aniya habang madilim na sa kanyang kuwarto. Tanging ang ilaw na lamang ng buwan galing sa bintana ang bumubuhay sa buong silid. “Isang buwan ka nang kinukulit ni Sean. Kahit ako, naaawa na rin. Bigyan mo kaya ng chance? Hindi mo pa naman sasagutin—”

“Aaliyah,” nagbabanta kong putol sa kanyang litanya. “Magtapat ka nga sa ˋkin—sinuhulan ka ba ng pinsan mong ˋyon para sabihin mo ˋyan sa ˋkin?”

Humagikhik siya at mabilis na umiling. Tumama sa kanyang mga mata ang sinag ng buwan galing sa bintana. “Hindi ˋno! Ano namang suhol ang tatanggapin ko mula sa ugok na ˋyon? May sarili naman akong pera, ˋno!”

“Aba, malay ko.” Ngumuso ako. “ˋTsaka tigilan mo nga ako. Hindi porke wala na kayo ng boyfriend mo, e, kailangang ako naman ang magkaroon.”

“Hindi naman nga kasi—”

“At mas gugustuhin mo bang paasahin ko ang pinsan mo kahit pa alam ko naman sa sarili ko na kailanman hindi ko siya matitipuhan?” dagdag ko pa.

Nanahimik na siya at mukhang napaisip. Mariin akong napapikit dahil nagsasawa na rin akong kulitin ng mga tao tungkol kay Sean Agustin. Hindi lang ito ang unang pagkakataon na may kumulit sa akin na bigyan ng pagkakataon ang lalaking iyon. E, sa hindi ko nga makita ang sarili kong nagkakagusto sa kanya? Ano’ng magagawa ko? Hindi naman napipilit ang sariling magmahal; kusa iyong nararamdaman. Kung pipilitin, totoo pa rin kaya? At saka, hindi ko pa kailangan ang pagnonobyo sa ganitong panahon. Mahirap ang buhay, ang prayoridad ko ay ang makapagtapos muna at matulungang makaahon sa hirap sina Inay at Itay.

Naiirita na rin ako, sa totoo lang. Minsan kasi ay nararamdaman ko na parang iniisip ni Sean Agustin na gusto ko lamang magpakipot kaya hindi siya tumitigil kakukulit. Mahirap bang intindihin ang ‘hindi’? Ang dali-dali lang, e. Kung hindi sana siya sa akin nagsasayang ng oras, may mahahanap na siyang bago, panigurado. Siguro mas maganda pa sa akin, mas maputi, mas mabango, mas may kaya sa buhay, at mas handang pumasok sa relasyon. At saka hindi naman kami masyado pang magkakilala kaya alam kong hindi pa gaanong malalim ang kanyang nararamdaman sa akin. Malilipasan din ng panahon ang kanyang pagtingin.

Habang malalim ang aking iniisip dahil hindi ako makatulog, naramdaman ko na lamang bigla ang mga braso ni Liyah na yumapos sa aking katawan. Tiningnan ko siya at mulat na mulat pa rin ang medyo namumula niyang mga mata. Kumikislap iyon tuwing kumukurap dala na rin ng sinag ng buwan na nagmumula sa bintana.

“Ayoko na ulit mag-boyfriend. Hindi na ulit ako magbo-boyfriend,” aniya sa akin na parang wala sa sarili.

Hindi ko na lamang iyon masyadong sineryoso dahil palagi niya naman iyong sinasabi tuwing ganito ang sitwasyon. Ngunit habang nakayapos ang kanyang braso sa akin, ang kanyang mga mata ay mahinahong nakamasid sa aking mga mata, at ramdam ko ang init ng kanyang balat sa aking balat, may kakaiba akong naramdaman. Siguro dahil sa biglaan naming pagtahimik ay mas narinig ko ang pintig ng sarili kong puso. Hindi naman iyon malakas, ngunit hindi rin mahina; tama lang. Tama lang. Sa aking simpleng pakikinig sa tibok ng aking puso habang yakap ang aking pinakamatalik na kaibigan, sapat na upang malaman ko na may kung ano sa akin na nagbabago nang paunti-unti.

At sa mga sumunod pang linggo at buwan, hindi na nga nagkaroon pa ng nobyo si Liyah.

▪ ▪ ▪

“MAY BAGO NA raw na nililigawan si Sean, Ruth,” masayang sabi sa akin ni Liyah habang nasa bunganga ko ang pandesal na may palamang peanut butter.

Nginuya ko muna ang kinakain bago sumagot. “Ano naman? Kailangan ko ba siyang batiin?”

Inagaw niya sa akin ang aking hawak na tinapay at isahan iyong nilamon. “Alam mo, pakinggan mo kaya minshan ang sharili mo,” aniya habang ngumunguya. “Tunog nagsheshelos ka.”

Tumawa ako. “Ako?” Tinuro ko ang aking sarili. “Nagseselos? Asa naman!”

Tiningnan ko ang malinaw na tubig na umaagos sa ilalim ng tulay na aking kinauupuan. Sumasayaw ang aking buhok sa sariwang hangin at napapanatag ang loob sa mga huni ng ibon na sumasabay sa mahinang tawa ni Liyah. Abril na at wala nang pasok, sa awa ng Diyos. Kaya naman malaya na naman kaming tumambay ni Liyah rito sa tagong ilog na may hanging bridge. Nilalantakan namin pareho ang paborito naming tinapay at palaman, ngunit walang kuwenta ang paksang gusto niyang aming pag-usapan.

Sean na naman! Sawang-sawa na akong marinig ang pangalan ng lalaking iyon sa bibig ng aming mga kaklase, ngayon pati ba naman siya? Hay nako.

“ˋWag kang mag-alala, Ruth, balita ko mas maganda ka naman do’n.”

“Oh, bakit ikinukumpara na ako? Hindi naman ako sumali sa pageant, a?”

Tinampal niya ang aking balikat. “Pinapagaan ko lang ang loob mo. Baka masama ang loob mong tinigilan ka na ng pinsan ko, e.”

Haha. Hindi ko kailangan ang awa mo, Liyah. Wala naman akong pakialam sa lalaking iyon.”

“Talaga ba?”

“Talaga.”

Ewan ko kung ano’ng nasa kokote ng babaeng ito at naisip niyang pagseselosan ko ang bagong nililigawan ni Sean Agustin. Tulad ng aking sabi, wala akong interes sa lalaki. Buti nga naman na nakahanap na siya ng bagong kukulitin. Hindi na siya magsasayang ng oras sa akin.

“Sa ating dalawa, parang dapat ako ang maawa sa ˋyo, e,” saad ko habang naglalagay ng peanut butter sa pandesal. “Tatlong buwan ka nang single. Hindi na ba patok ˋyang mala-anghel mong mukha pero demonyitang ugali sa mga lalaki?”

Unti-unting nalukot ang mukha ni Liyah sa narinig kaya tinawanan ko. “Ako kamo ang may ayaw na sa mga lalaki. Lahat sila pangit.”

Namilog ang aking bibig. “Wow! Masyado ka bang nasaktan sa huli mong relasyon para kasuklaman nang ganito ang lahat ng lalaki?”

“Hindi ˋno!” nandidiri niyang tanggi. “Pag-aaral na muna ang aatupagin ko.” Kumibot ang kanyang labi, indikasyon na nagsisinungaling siya. “Pero totoong walang kuwenta lahat ng lalaki.”

“Dami mong alam, e, ˋno?” sabi ko at tumawa. “Sayang hindi ako lalaki, kung lalaki lang ako ta’s boyfriend mo ˋko, hindi kita tatratuhin nang gano’n!” dagdag kong biro.

Pero mukhang hindi natawa si Liyah dahil nagseryoso ang kanyang mukha. Pakagat na nga sana siya sa pandesal, ngunit biglang natigil sa ere ang kanyang kamay. Umihip ang hangin kaya nilipad ang mga takas na buhok sa kanyang mukha. Tumingin siya sa akin at kumunot ang noo.

“Bakit, hindi mo ba ˋyon magagawa bilang isang . . . babae, Ruth?” Kakaiba ang tono ng kanyang pananalita.

Hindi ko naintindihan. Napamaang lamang ako dahil naguguluhan ako sa biglaang tanong at reaksyon niya. Sa tatlong buwang nakalipas mula noong nagtabi kaming matulog sa kanyang kuwarto, pakiramdam ko ay tila may nagbago sa kanya. Hindi ko lubos na maipaliwanag, ngunit maraming pagkakataon nang tulad sa ganito. Bigla-bigla siyang magtatanong ng kung ano na hindi ko maintindihan. Tila nag-iiba siya sa aking paningin at tila bigla siyang lumalayo sa akin, hanggang sa tila hindi ko na siya maabot.

Bakit niya naman itatanong kung kaya ko bang gawin ang bagay na iyon bilang isang babae? Hindi ba’t lalaki ang aming pinag-uusapan?

“Ano’ng ibig mong sabihin . . .?” nalilito kong tanong.

“Na . . .” huminto siya saglit at humugot ng hininga. “Pa’no kung girlfriend kita, bilang isang babae, mapapatunayan mo ba?”

Kabado akong tumawa at humalukipkip. Hindi ko maintindihan. “Ha? Kadiri,” ang unang lumabas sa aking bibig. Hindi ko rin alam kung bakit, ngunit nang isipin kong mabuti ang tanong ni Liyah, iyon ang aking unang naisip na sambitin.

Tumawa lamang siya, ngunit halatang may kung ano sa kanyang mukha na hindi ko mawari. Hinawi niya ang kanyang nakatirintas na buhok at napabuga ng hangin. Pansin ko ang kaunting pamumula ng kanyang pisngi, siguro dahil umaakyat na rin ang araw at nabibilad ang kanyang malaporselanang kutis. Inubos niya na rin ang kinakain kaya lumobo ang kanyang pisngi. Pinagpag niya ang kamay sa suot na puting bestida saka tumayo nang biglaan. Umuga tuloy ang tulay na halos magpatalon na sa aking puso.

“Oo nga . . . kadiri,” aniya habang tumatawa.

▪ ▪ ▪

KUNG ALAM KO lang noon kung gaano ako katanga para hindi makuha ang gusto niyang itanong, hindi sana ganoon ang naging reaksyon ko. Pero ngayong bumabalik ako sa nakaraan—noong 1986—mas lalo kong napagbibigyan ang bata at duwag kong sarili. Kinse pa lamang ako noong araw na iyon, natututo pa. At siguro parte na rin si Liyah sa dinami-raming mga aral na natutuhan ko pa. Ang pagkakamaling iyon ay humubog sa kung ano at sino na ako ngayon.

Hinawakan ko ang bakal na gate ng bahay na sobrang pamilyar sa akin. Sa gitna ng kinakalawang nang metal ay may nakaukit na ‘SARMIENTO’. Sumilip ako sa loob. Naroon pa rin ang pasilyo kung saan naghahabulan kami noon bilang mga bata. Natatanaw ko rin ang mga puno ng mangga na itinanim namin sa bakasyon ng parehong taon. Kahit sa anggulong ito ay nakikita ko ang bintana ng kuwarto niya kung saan kami nagbabatuhan ng unan. Ang kupas na puting pintura ng dalawang-palapag na bahay nila ay mananatiling bago sa memorya ko. Tulad noon. Walang pagbabago, kahit natabunan na ng panahon.

Hinawakan ko ang dibdib ko. Bakit kaya ako dinala ng mga paa ko papunta rito? Hindi na nagiging maganda ang dulot sa akin ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan. Nasa bahay pa rin ang asawa ko. Dapat ay naroon ako’t naghihinagpis sa pagkawala niya. Pero ano itong ginagawa ko? Pilit na binabalikan ang nakaraang sa panaginip ko na lang din mapagmamasdan. Kinuyom ko ang kamao kong nakalapat sa dibdib ko.

Ano’ng dapat kong gawin sa mga nararamdaman kong ˋto, Alfred?

Isang huling tingin sa bahay, pagkatapos ay humakbang na ako papaalis. Tiningnan ko ang palad ko na nabakatan ng kalawang. Hindi ko iyon inalis at nagpatuloy lang sa paglalakad papalayo. Pero hindi pa man ako nakakalimang hakbang ay may tumawag sa pangalan ko.

Natigilan ako. Hindi na kasing tinis noon; mababa, malumanay. Dinama ko ang kamay ko sa dibdib ko at unti-unting lumingon. Halos mahulog na ang puso ko nang muli kong masilayan ang mukha ng taong una, at marahil ay ang tangi at pinakaminahal ko nang puro at buo. Nakatayo siya sa harapan ng bakal na gate habang may hawak-hawak na supot. Tulad sa huling alaala ko ay nakasuot siya ng bestidang puti. Hindi nakatirintas ang buhok at sa halip ay nakapusod iyon. Mayroon pa ring anino ng ngiti niya na tulad sa alaala ko, subalit ang tingin niya sa akin ay natitiyak kong nag-iba na.

Nagbalik na nga siya.

“Aaliyah.” Hindi ko alam na sa ilang taong pagtatago ng pangalan niya sa pinakadulo ng dila ko, ganito na lang kadaling banggitin muli ang pangalan niya. Nanatili lang siya sa aking nakatitig hanggang sa mag-iwas ako ng tingin.

Ngunit . . . nagbalik na nga ba siya?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top