Ikaapat na Kabanata

𝙸𝚅. 𝙼𝙶𝙰 𝙶𝙰𝙽𝙸𝙳 𝙽𝙰 𝙷𝙸𝙻𝙸𝙽𝙶

TUWID AKONG NAKAUPO sa harap ng hapag habang kumukuha ng plato at mga kubyertos si Aaliyah. Nangangamoy ang lechong manok na dala niya sa buong kusina kasabay ang pambabaeng pabango niyang kanina ko pa nalalanghap. Tahimik lang akong nakayuko, hindi man lang nag-atubiling tingnan ang buong hapag-kainan kahit pa nakukuryoso na ako kung may pagbabago. Ayokong biglang magkatagpo ang mga mata namin ni Aaliyah, gayong gulat pa rin ako sa biglaan naming pagkikita rito.

“Mukhang nagsaing si Sean dito kanina, pero hindi na mainit,” aniya sa likod ko. Sa sobrang tagal na naming hindi nagkakausap, naninibago ako sa tono ng boses niya at sa paraan ng pagbigkas niya sa bawat salita. Kung sasabihin kong parang nag-iba na siya ay mali kung papakinggan. Talagang nagbago na ang lahat sa kanya. “Magsasaing muna ako ng kanin. Mga fifteen to twenty minutes lang ˋto sa rice cooker at maluluto na. Okay lang naman siguro sa ˋyong maghintay?” tanong niya.

Hindi ako sumagot o gumalaw man lang ng ni isang daliri. Dinig ko ang mga yabag ng takong na suot ni Aaliyah, papalapit nang papalapit. Ilang segundo pa ay nasa harapan ko na siya; hinuhugot ang isang silya para maupo sa hapag. Hindi ko siya magawang tingnan sa mga mata. Tuwing nagtatagpo ang mga tingin namin ay naaalala ko lang ang huling araw kung kailan kami nagkita: siguro iyon na ang isa sa pinakamasakit na alaala ko sunod sa pagkamatay ng Inay at Itay. Yumuko ako at ilang minuto rin kaming binalot ng katahimikan. Gusto ko na sanang magpaalam na uuwi, pero kahit ganoon ay hindi ko magawa.

Bakit kaya?

“Ah, it was such a coincidence na nagkita tayo rito, Ruth. How are you?” tanong niya matapos kong magbilang ng limang daan.

Nag-angat ako ng ulo ngunit iniwasan ko ang mga mata niya. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa tanong niya. Kung magiging totoo ako ngayon, sasabihin kong hindi ako ayos. Kakamatay pa lang ng asawa ko, habang narito ako at hinaharap ang sugat sa nakaraan ko. Kung magsisinungaling naman ako’t sasabihin kong ayos lang ako, alam kong malalaman niya rin kaagad ang katotohanan. Nasabi sa kanya ni Sean ang tungkol sa asawa ko. Dapat alam niya na ang sagot sa tanong niya.

“Ayos lang ako.” Gayunpaman, nagsinungaling pa rin ako at tipid na ngumiti. “Ikaw?”

“Ayos lang din . . .” mahina niyang sagot. Dahil doon ay nagkaroon ako ng lakas na tingnan siya sa mukha. Bahagyang pinaglalaruan ni Aaliyah ang pang-ibabang labi niya gamit ang mga daliri. Nasa baba rin ang tingin niya na parang tulad ko lang din. Kung tama rin ang hinala ko ay nagsusumigaw ang mga mata niya ng lungkot. Pero bakit siya malulungkot?

Dahil kaya nagkaharap ulit kami ngayon at . . . at hindi talaga siya komportable sa presensya ko at pinipilit niya lang ang sariling maging mabait sa akin?

Bigla akong tumayo at naging sanhi iyon ng malakas na pag-atras ng kahoy na inuupuan ko. Gulat sa aking napatingin si Aaliyah. Inayos ko ang postura ko habang kinukurot ang braso sa likod. “Mauuna na ˋko. Hinahanap na ˋko panigurado ng mga anak ko.”

Napatayo na rin siya at bakas ang gulat sa kanyang mukha. “A-ah, hindi ka na ba kakain dito? Sayang naman ˋyung kanin na ininit ko . . .” aniya sa medyo nanginginig na boses.

“Hindi na,” mataman kong sagot. “Kailangan na ˋko sa bahay,” dagdag ko pa.

Lumapit siya sa akin kaya bigla akong napaatras. Nakita ko ang paglaki ng mga mata niya dahil sa reaksyon ko, pero agad din naman iyong nawala. Ngumiti siya sa akin at umatras. “Kung gano’n, hindi na kita aabalahin pa,” aniya. Ngumiti ako sa kanya nang tipid at nagsimula nang maglakad palabas sa silid-kainan. Nang malapit na ako sa pinto ay narinig kong tinawag niya ulit ang pangalan ko. Natigilan ako hindi dahil sa mismong pagtawag niya, ngunit dahil sa paraan ng pagtawag niya sa akin. Hinawakan ko ang dibdib ko at pumikit nang mariin. “Nalaman ko ang tungkol sa asawa mo kay Sean.”

Hinarap ko siya. Gusto kong pigilin ang sarili ko sa mga salitang lalabas sa bibig ko, pero hindi ko na nagawa pa. “Kaya ka ba—iyon ba ang dahilan kung bakit bumalik ka ulit dito . . . pagkatapos ng ilang dekada?”

Hindi siya kaagad nakasagot sa tanong ko. Pinagmasdan ko ang mukha niya at naramdaman ko ulit ang panghihinayang sa dibdib ko. Katulad ko rin kaya siya? Na nanghihinayang sa sinayang namin noong parehong labing-anim na taon pa lang kami? Na parehong nagkamali at natakot? Tinawanan ko ang naiisip ko. Paano namang magiging pareho kami ni Aaliyah? Halos tatlumpu’t pitong taon na rin ang nakakalipas. Imposibleng katulad ko ay nakakulong pa rin siya sa nakaraan. Imposibleng tulad ko, naghahangad din siyang maitama ang lahat ng pagkakamali namin noon.

Gusto kong marinig mula sa bibig niya ang mga sagot, pero lumipas ang kalahating minuto, hanggang sa naging isa, at naging tatlo—wala. Hindi ko siya masisisi kung hanggang ngayon ay hindi niya pa rin magawang maging totoo sa akin. Ako ang may kasalanan kung bakit kami humantong sa ganito; wala akong karapatang magreklamo.

Tinalikuran ko siya nang mapagtantong tapos na ang pag-uusap namin. May mabigat pa ring nakadagan sa dibdib ko, pero nakaabot ako sa bahay nang hindi lumuluha. Sinalubong din ako ng mga anak ko na nakabantay pa rin sa lamay ni Alfred, pero humingi ako sa kanila ng paumanhin at dumiretso lang sa kuwarto namin. Mabigat ang dibdib kong humiga sa kama at tumitig sa kisame. Kahit sa mga huling segundo bago ako hilain ng antok, walang butil ng luha ang dumaplis sa pisngi ko.

Bakit kaya?

Hinangad ko rin namang makita ulit si Aaliyah magmula pa kahapon. Pero nang makita ko na nga siya ay naghalo-halo na lahat ng emosyon sa loob ko. Gusto kong magalit, pero para saan ang galit ko? Gusto kong matuwa, pero ito ba talaga ang tamang panahon para magsaya? Gusto kong umiyak, pero bakit hindi ko magawang lumuha tulad ng maraming pagkakataon na ginawa ko? Gusto kong magsusumigaw, pero parang tinakasan na ako ng sariling boses, na pati iyon ay nakalimutan ko na kung papaano gagawin.

“Alfred,” bulong ko at niyapos ang kanyang unan. Kung napapanood mo ako ngayon na nagkakaganito sa lamay mo, siguro nagsisisi ka nang sa akin mo isinumpa ang sarili mo sa harap ng Diyos.

▪ ▪ ▪

MARAMING BESES NA rin kaming nag-away ni Aaliyah mula noong naging magkaibigan kami. Ganoon talaga kasi siguro dahil pareho pa kaming mga bata at hindi sa lahat ng oras ay nagkakasundo kami. May mga bagay siyang gusto na ayaw ko, at mga bagay na gusto ko na ayaw niya. Tulad na lang noong una akong magkaroon ng nobyo. Nasa unang taon pa lang kami ng sekondarya at talagang mga musmusin pa kung maituturing. Ayoko pa talagang magkaroon ng nobyo noon, pero siya ang pumilit sa akin na sagutin si Francis, na una kong nobyo, kaya wala akong ibang nagawa. Paano, sinabi niya sa aking hindi na kami magiging magkaibigan kung hindi ko raw susundin ang payo niya. Nagkaroon kami ng away noon, pero sa huli ay nagkabati rin naman.

Hindi ko nga alam kung papaano kami ulit nagkakasundo. Ako ba ang unang humihingi ng tawad o siya? O baka dumarating na lang ang susunod na araw, magbabaon ako ng peanut butter at siya naman ay pandesal, pagkatapos ay kakainin namin iyon at hindi na lang namin namamalayan ay nagkukulitan na kami ulit. Siguro kahit pa marami rin naman kaming pagkakaiba ni Aaliyah, iyong mga pagkakaiba ring iyon ang dahilan kung bakit mas tumatag ang pagkakaibigan namin. Hindi ko nga lubos na mapagtanto na darating ang araw at mabubuwag na lang kami bigla.

Tulad na lang noong Mayo ng 1986, isang hapon bago magdiwang ng Santacruzan, akala ko ay babalik na ulit kami sa dati dahil kinain namin pareho ang gawa kong palaman. Nagbiruan pa nga kami kung gaano kapangit ang lasa ng gawa ko kumpara sa gawa ni Inay. At sa punto ring iyon ay alam kong nawala na lahat ng hinanakit ko sa lahat ng nasabi niya at mga inakto. Pero nang sumunod na araw ay nagising na lang ako sa kama ko, na kalahating oras ding nakatitig sa bubong naming pinamumuhayan na ng mga gagamba. Lumipas ang buong araw, nagparada na rin ang mga Reyna ng Santacruzan, ngunit hindi ko man lang nagawang puntahan muli si Aaliyah sa kanilang bahay.

‘Ayos naman kami’, bulong ko sa aking sarili. Ngunit ako yata ang hindi ayos sa mga oras na iyon. Nasa likod lamang ako ng mga tao na nagpapalakpakan at pumupuri sa prusisyon. Wala sa ibang mga arko ang aking atensyon, naghihintay lamang akong daanan nila akong lahat upang makita ko ang nasa dulo. Tila habambuhay ang hinintay ko nang sa wakas ay makita ko na si Liyah na naglalakad suot ang puting kasuotang perpektong yumayakap sa kanyang katawan. Napakalawak ng kanyang ngiti habang tinatawag ng mga taong nakakikilala sa kanya. Nakaayos ang kanyang mahabang buhok at nakapusod gamit ang puti at mabulaklak na palmuti sa ulo. Bahagyang natatakpan ang kanyang balikat ng pañuelo at hawak niya sa magkabilang kamay ang krus ni Hesus. Umaagos ang kanyang saya na napalilibutan ng mga bulaklak at perlas na tila tumutulo paibaba hanggang sa rumapat ito sa sementadong daan.

“Dalagang-dalaga ka na, Liyah!” sigaw ni Aling Maribel na sinundan ng hiyawan at tawanan ng mga tao.

Nanatili lamang ako sa likod na ngumingiti nang patago habang nanonood. Mas lumawak pa ang ngiti ni Liyah at kumaway sa mga taong tumatawag sa kanyang pangalan. Kahit pa halos magtago na ang araw sa likod ng mga bundok, at ang sikat nito ay pinagkakaitan na ang mundo, nanatiling maliwanag ang mga ngiti ni Liyah na tila isa siyang anghel na hinulog ng Diyos mula sa langit. Sa mga segundong iyon, tila tumigil ang daloy ng oras nang saglit na magtama ang aming tingin. Ramdam ko ang pagtigil ng aking puso sa pagtibok at ang biglang pamimilipit ng aking tiyan sa hindi maipaliwanag na dahilan.

Nang maghiwalay ang aming mga tingin ay saka bumalik ang oras sa tama nitong pag-agos. Hinawakan ko ang aking dibdib dahil biglang hindi ko na naramdaman ang aking puso. Mabilis akong tumakbo papaalis sa lugar na iyon, miminsan ay may nababanggang tao at humihingi ng paumanhin, hanggang sa aking makinita ang eskinita na papasok sa aming bahay. Bumagal ang aking lakad hanggang sa tumigil ako sa harap ng aming bahay. Napatingin ako sa kalangitan at napatanong, “Bakit biglang sumakit ang tiyan ko nang magkatinginan kami ni Liyah?”

At tila sumagot ang langit, “In love ka na kasi siguro, Ate.” na nagpalaki sa aking mga mata at napatingin sa aking paligid. Nang magtama ang aming mga mata ni Gregory ay doon ko napagtantong hindi ang langit ang sumagot sa aking tanong.

Agad ko siyang sinipat. “Anong inlab-inlab ang pinagsasabi mo diyan? Tabi nga!” Tinulak ko siya dahil nasa gate pala siya ng aming bahay at kuryosong nakatingin sa akin.

“E, ˋdi ba gano'n ˋyon?” natatawa niyang anas. “Magkakatinginan kayo ng taong gusto mo, ˋtapos biglang titigil ang oras na parang kayong dalawa lang ang tao sa mundo. Titibok ang puso mo nang sobrang bilis; nang sobrang lakas—” Ipinagdikit niya ang mga daliri sa dibdib na gumawa ng hugis puso at pinatibok-tibok iyon. “ˋTapos may mga paruparong magsisiliparan sa tiyan mo na akala mo natatae ka pero ang totoo kinikilig ka lang kasi in love ka!”

Tinakpan ko na ang kanyang bunganga dahil hindi ko gusto ang mga naririnig sa kanya. “Bakit marami ka nang nalalaman na ganyan, ha? Magtapat ka nga sa ˋkin, Gregory, may nililigawan ka na ba? May nobya ka na?”

Humagalpak sa tawa ang aking kapatid at inalis ang aking kamay sa kanyang bunganga. “Ano naman sa ˋyo, Ate? Inggit ka?” Pumalakpak pa siya habang tumatawa. “At saka, teka nga. Sino’ng dahilan ng pagsakit ng tiyan mo? Si Ate Liyah? Gusto mo si Ate Liyah? Kaya ba ayaw mong mag-boyfriend kasi girlfriend ang hanap mo—”

Agad na nag-init ang aking buong mukha at talagang binusalan ko na ang bibig ng aking napakagaling na kapatid. Napatingin pa ako sa paligid kung may nakarinig ba sa kanyang mga pinagsasabi, at napabuga ng hangin nang makumpirmang wala. “Manahimik ka! Hindi ko gusto si Liyah! Masyado kang malisyoso! Sumakit lang ang tiyan ko dahil naparami ang bagoong na nilagay ko sa mangga kanina.”

“E, ˋdi ba ayaw mo namang maglagay ng bagoong sa mangga—”

Hindi ko na pinansin pa ang aking kapatid at pumasok na lamang ako sa loob ng bahay. Dumiretso ako sa aming kuwarto at nagtago sa ilalim ng aking kumot. Nagpaikot-ikot ako hanggang sa bumalot sa aking buong katawan ang kumot. Natapos ang buong araw na iyon na iniisip ko kung ano ang mali sa akin at bakit ko iyon naramdaman nang magkatinginan kami ni Liyah. Tumatak din sa aking utak ang mga pinagsasabi ng aking kapatid at halos masuka na ako nang maisip na nagkakagusto ako sa aking kaibigan—sa pinakamatalik kong kaibigan na babae.

▪ ▪ ▪

“BIRTHDAY MO NA bukas, ah? Ano’ng gusto mong regalo? O gusto mo bang manood ulit tayo buong araw sa bahay ng mga pelikula?” tanong ni Liyah habang nagbubungkal ako ng lupa sa kanilang hardin.

“Kahit ano na lang,” wala sa sarili kong sagot. Sunod ay aking inilagay ang natuyong buto ng mangga sa binungkal na lupa at unti-unti iyong ibinaon. Ramdam ko si Liyah sa aking gilid na nagtatanim din, ngunit maya’t maya ay sumisilong sa ilalim ng puno ng Acacia ng kanilang kapitbahay.

“Ano’ng ‘kahit ano na lang ang pinagsasabi mo?” tanong niya at niyugyog ako. Ang paglapat ng kamay niya sa aking balikat ay biglaang nagpatayo ng aking mga balahibo sa batok. “Birthday mo, Ruth! Dapat nating i-celebrate! Maliban na lang kung . . .”

“Hu-huwag mo nga akong yugyugin, Liyah,” angal ko sabay tanggal sa kanyang mga kamay sa aking balikat. Binitawan ko ang hawak na bakal na pambungkal at hinarap siya. Nakakunot na ang kanyang noo sabay halukipkip. “Ano?” tanong ko dahil sa mukha niyang nagmamaldita.

“Ayaw mo bang kasama ako sa birthday mo dahil . . .” pahina nang pahina ang kanyang boses. Bumuga siya ng hangin bago magpatuloy. “Kasi may date kayo ng pinsan ko, ˋno? Ano sasagutin mo na si Sean—”

“Hindi, ˋno!” mabilis kong sagot.

Mas lalong nanliit ang kanyang mga mata kaya napaiwas ako. Tumayo ako at naglakad papunta sa may gripo. Pinaikot ko iyon at hinugasan ang aking kamay. “Bakit ganyan ang tono ng pagsagot mo, ha?” Sumunod pala siya sa akin. Nasa aking tabi na siya at ikiniling ang ulo. “Nagkakagusto ka na talaga sa kanya, ˋno? Kaya pala bihira ka na lang pumunta dito. Patago kayong nagkikita. . .”

Mabilis akong lumayo sa kanya. Hindi ko masagot ang kanyang tanong dahil ayokong sabihin sa kanya ang totoo. Wala naman talaga akong plano sa aking kaarawan, ngunit ayoko ring ipagdiwang iyon na kasama siya. Isang linggo mula noong maramdaman ko iyong naramdaman ko noong araw ng Santacruzan, hindi na naging tulad ng dati ang aking nararamdaman tuwing nasa paligid si Liyah. Tila parati akong hindi komportable lalo na tuwing nasa malapit siya. Iyong mga paghawak niya sa akin noon na wala namang malisya, ngayon ay nagkaroon na. Hindi dahil sa may malisya ang paggawa niya niyon, kundi dahil binibigyan ko iyon niyon. Sinisisi ko si Gregory dahil sa makasalanan kong imahinasyon. Tuwing naaalala ko ang mga pinagsasabi niya sa akin, laging nawawala ako sa sarili.

Gusto mo si Ate Liyah? pag-alingawngaw ng kanyang boses sa aking utak.

“Hindi!” napasigaw ako bigla. Hindi ko namalayan na nasa harap ko na pala si Liyah ngayon na nakaawang ang mga bibig at natigilan. Huminga ako nang malalim at binuka ang bibig ko upang humingi ng paumanhin, ngunit nauna na siyang magsalita.

“Hindi mo naman kailangan sumigaw dahil lang do’n,” mabilis niyang sambit. “Sabihin mo lang nang diretso kung ayaw mo akong kasama sa birthday mo. Hindi na kita kukulitin pa.”

Suminghap ako. Gusto ko siyang kasama sa aking kaarawan, ngunit mayroon din sa akin na ayaw siyang mapalapit pa sa akin gayong nalilito ako sa lahat. Gusto ko sanang ipaliwanag sa kanya na mali ang pagkakaintindi niya sa aking naisigaw, ngunit naglakad na siya sa akin papalayo. Ilang segundo pa bago ko siya maisipang habulin, ngunit nang magawa ko ay napatigil ako. Natanaw ko na kasi ang rason ng hindi na naman namin pagkakaunawaan sa gate ng kanilang bahay.

Mabilis na tumama sa akin ang paningin ni Sean Agustin. Nakasuot siya ng puting polo na tatlong butones din ang nakabukas. Nakaipit ito sa ilalim ng kanyang itim na slacks at sinturon. Gumuhit ang malaking ngiti sa kanyang mapusyaw na mukha sabay kaway sa akin. “At nandito na nga ang demonyito,” bulong ni Liyah na nahuli ko pang umiirap.

“Ruth, nandito ka pala,” ani Sean nang makalapit.

“Aba, iniignora mo na lang ako ngayon, ha?” tanong ni Liyah na agad kinutusan ang pinsan.

“Kailangan ba kitang pansinin lagi? I’m already sick of your face, Aaliyah,” nagbibirong sagot ni Sean Agustin.

Napangiti ako saglit, ngunit nawala kaagad iyon nang bumalik sa akin ang tingin ni Sean Agustin. Tumikhim ako upang sumagot sa kanyang tanong. “Ah, oo. Nagtatanim kami ngayon ni Liyah. Ikaw? Bihis na bihis ka, ah? May ka-date?” tanong ko sa nagbibirong tono. Ngunit sa totoo lamang, nanalangin ako na sana ay totoong may ka-date nga siya upang matapos na itong kahibangan niyang panliligaw sa akin.

Tumawa si Sean Agustin at sumama naman ang tingin sa akin ni Liyah. “Lalakarin ko lang ang enrolment ko sa college, Ruth,” sagot niya sabay kamot sa batok. “ˋTsaka, ba’t mo naman naisip na may ka-date ako? I didn’t even ask you out.”

Hindi ko maiwasang mahiya nang kaunti dahil sa kanyang sagot. Ngunit mukhang mas nahiya pa si Sean dahil napatalikod na siya sa akin sabay tampal sa kanyang noo. Tuwing ganitong may nasasabi siyang korni sa pandinig, lagi kong naiisip kung gaano siguro kasuwerte ang magiging nobya niya. Mabait naman kasi siyang tao, ngunit alam ko na hindi talaga siya ang para sa akin.

Kailangan ko nang humanap ng magandang tiyempo upang tapusin na ang paghihirap niya sa akin. Masyado siyang mabait upang umasa nang ganito sa wala.

Matapos ang kaunting pag-uusap na iyon ay nagpaalam na si Sean. Kasama niyang umalis sa bahay ang kapatid ni Liyah na si Ramon. Nakasunod lamang ang tingin ko sa dalawa hanggang sa sumakay na sila sa tricycle. Kung hindi pa nga ako siniko ni Liyah sa tagiliran ay hindi pa mababalik sa kasalukuyan ang aking utak.

Tiningnan ko siya. Nakakunot ang kanyang noo at may kung anong emosyon sa mga mata. Bahagya ring nakanguso ang kanyang mapupulang labi. Umihip ang hangin kaya umalon ang kanyang mahaba at itim na buhok na nakatirintas papunta sa akin. Agad niyang inilagay sa likod ng tainga ang mga takas na buhok sa kanyang mukha at sunod ay suminghap. Tila nakalimutan na naman ng aking puso kung papaano ito titibok.

“Bakit ka namumula diyan?” tanong niya sa mahinang boses, halos mawala na dahil sa pagsabay nito sa ihip ng hangin. “Nakakakilig ba ˋyung sinabi ng ugok na ˋyon? Tss. Gusto mo na talaga siya.”

Hindi mawala sa aking isip ang itsura ni Liyah noong araw na iyon. Mukha siyang batang inagawan ng kendi dahil sa lungkot na kanyang ipinapakita. Hindi ko nga alam kung talaga bang malungkot siya habang sinasabi na mayroon na akong gusto sa pinsan niya, o masyado na lamang akong nalulunod sa sarili kong delusyon upang gawan siya ng ganoong klaseng imahe sa aking utak.

Hindi ako matalinong tao. Hindi ako katulad ni Liyah na kahit minsan ay nagbubulakbol, nakasasali pa rin sa lista ng mga honor student. Hindi ako kasing talino niya upang maintindihan noong taong 1986 na hindi lang simpleng emosyon ang unti-unti kong inaalagan sa loob ko para sa kanya. Hindi ako matalino para malaman na sa mga oras na binigyan niya ako ng ganoong tingin, pareho lang ang nararamdaman namin.

Kung bakit kasi masyadong mapurol ang pag-unawa natin sa mga bagay na hindi natin gustong intindihin? Kung sana ay mas naging bukas pa ang isipan natin noong 1986, tingin mo kaya, Liyah, magkakaroon pa kaya tayo ng mas maraming oras para intindihin ang isa’t isa?

▪ ▪ ▪

“HAPPY BIRTHDAY TO you, happy birthday to you,” kanta nina Inay, Itay, Kuya Justin, at Gregory.

Sumasabay ako sa kanilang pumalakpak habang hawak nila ang maliit at kulay asul na keyk na mayroong isa at anim na numerong kandila sa gitna. Nakikikanta rin ako sa kanila at pumapalakpak sa tuwa hanggang sa matapos.

“Mag-isip ka na ng hiling at ihipan mo ang kandila, Ruth,” ani Itay habang hawak sa aking harapan ang keyk.

Pumikit ako at nag-isip ng hiling. Nang masabi ko na ang pinakahinihiling ko sa kaarawan kong iyon ay inihip ko na ang kandila. Niyakap ko ang aking mga magulang at kapatid matapos iyon. Sa sobrang tuwa ko sa sorpresa nilang pa-keyk sa kaarawan ko ay hindi ko na napigilang umiyak.

“Mahal na mahal ko po kayo, Nay, Tay,” sabi ko habang yapos silang dalawa. Dahil sa pag-iyak ko ay nag-iyakan na rin sila. Tinatawanan at inaasar tuloy kami nina Gregory at Kuya Justin na iyakin. Ano ba naman kasing magagawa ko kung maiiyak ako sa ganito? Hindi ko rin kasi inaasahang mayroon kaming handa para sa araw na ito. Ito rin kasi ang unang pagkakataon na nagkaroon kami ng pera upang bumili ng ganitong keyk.

“Oh, tapos na pala ang iyakan. Kainan na!” sigaw ni Gregory sabay taas ng kutsilyo na panghiwa sa keyk.

Pinunasan ko ang aking pisngi na puno ng luha at niyakap muli si Inay. Dapit-hapon pa lamang at tirik pa ang araw, ngunit heto ako, tila isang bruha na dahil sa sobrang pagkaemosyonal. Pagkatapos ng pagbati sa akin ay kumain na kami. Ang ulam namin ay ang paborito kong tortang talong na may ketchup. Kahit noong matapos ang kainan ay tila naluluha pa rin ako dahil ramdam ko ang mainit at nag-uumapaw na pagmamahal ng aking mga magulang.

Pagkatapos kumain ay nagkaroon na ako ng lakas upang magpaalam kay Inay at Itay. Gusto kong pumunta sa bahay nina Liyah at ubusin ang natitirang oras sa araw na iyon kasama siya . . . tulad ng taon-taon naming ginagawa. Siguro ay may tampo pa siya sa akin dahil sa mga inakto ko noong nakaraan, ngunit alam kong patatawarin din naman niya agad ako dahil espesyal ang araw ko na ito.

Si Tiya Anna ang nagbukas sa akin ng pinto nang makarating ako. Kunot ang noo at mukhang masama ang kanyang gising nang bumati ako, ngunit lumambot din naman ang ekspresyon nang batiin ako ng maligayang kaarawan. “Akala ko hindi na kayo ngayon magdidikit ni Liyah para sa birthday mo,” aniya. “Nagmamaldita na nga ang anak kong ˋyon, kaya puntahan mo na lang sa kuwarto niya, hija,” dagdag niya pa.

Tumango ako at nagpasalamat kay Tiya Anna. Dumiretso kaagad ako sa kuwarto ni Liyah at tumigil sa nakasaradong pinto niyon. Humugot ako ng malalim na hininga. Heto na naman iyong tibok ng aking puso na sa bawat dumaraan na segundo ay bumibilis. Ayokong isipin na dahil nagkakagusto na ako sa kanya kaya ganoon, kasi kung ganoon ang iisipin ko, unti-unti ko siyang gustong layuan. Nang mapakalma ko na ang aking puso ay pinihit ko na ang busol at walang pakundangang pumasok sa loob.

Naabutan ko roon si Liyah na nakahalukipkip sa kanyang kama, halos kasing-talim ng tuka ng pabo ang mga nguso, at malalim ang pagkakakunot ng noo. Mabilis siyang tumingin sa akin na agad namang nagpatanggal sa asim sa kanyang mukha. Ngumiti ako at tumalon at niyakap siya nang mahigpit. Nagpumiglas pa nga siya at nag-inarte.

“Oh, ano’ng ginagawa mo dito?” mahina at nagtataray niyang tanong. “Akala ko ba ayaw mo ˋkong makita ngayon?”

Tumawa ako. “Ha? May sinabi ba kong gano’n?”

Tinampal niya ako sa balikat ngunit yumakap din naman. Tahimik akong nagbilang sa utak ko ng mga segundong nasa ganoon kaming ayos. Isa hanggang sampu, hanggang sa umabot sa tatlumpo, hanggang sa maging isang buong minuto. Hindi ko alam kung bakit hindi pa rin kumakalas si Liyah sa akin, at hindi ko rin alam kung bakit hindi ko ginagawa. Ngunit nang mga panahong iyon, masyado pa akong bata para maunawaan kung bakit ang gusto ko at ang hinihiling ko sa Panginoon ay ang hindi matapos ang mga sandaling iyon. Dahil alam ko, nararamdaman ko, na isang maling hakbang ko lang, matatapos na ang lahat.

Hindi ko alam kung ang tibok ba ng puso ni Liyah ang aking nararamdaman o ang akin mismo. Hindi ko rin alam kung sino ang unang kumalas. Basta ang alam ko, natapos ang araw na iyon na sapat na sa akin ang panonood ng mga pelikula ni Sharon Cuneta sa telebisyon na hiniram namin mula sa koleksyon ni Tiya Anna ng mga VHS tape, ang pakikinig namin sa mga kanta ng The Beatles at Air Supply sa radyo, at sa gabi ay nagpanggap siyang lalaki habang suot ang damit ni Ramon, at isinayaw niya ako sa ibabaw ng kanyang kama habang tumutugtog ang Here Comes The Sun.

Pumikit ako nang magkatabi kaming matulog pareho sa kanyang kama. Ibinuka ko ang aking bibig at mahinang bumulong sa mga talang taimtim na nanonood sa amin. Kung sana sa aking paggising ay maging lalaki na lamang si Liyah.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top