Huling Kabanata
𝚇. 𝙼𝚄𝙻𝙰 𝙽𝙾𝙾𝙽 𝙷𝙰𝙽𝙶𝙶𝙰𝙽𝙶 𝙽𝙶𝙰𝚈𝙾𝙽
TUWING INAALALA KO ang mga araw kung kailan pareho kaming masaya ni Aaliyah sa isa’t isa, kahit pa walang sinuman sa mundo ang nakakaalam, nagdudulot na lang iyon ng mapait na ngiti sa mga labi ko. Siguro kasi, kapag bata pa, aakalain natin na aabot nang ilang dekada ang sayang nararamdaman natin. Akala natin, sapat na ang maliliit na bagay para manatili sa piling ng minamahal. Pero nagkakamali ako; lahat ay nagtatapos din. Tulad na lang ng masasaya naming araw namin noon.
At ngayong nagbabalik-tanaw ako, napapaisip na lang ako kung bakit nang dahil lang sa maliit na bagay, ang agwat sa pagitan namin na iniiwasan naming mabuo ay tutubo at lalago sa mga susunod na tanong lilipas.
“Ano’ng gusto mo sa pasko?” tanong ko kay Liyah habang pinapanood siyang itali ang strap ng kanyang puting sandals.
“Bakit, reregaluhan mo ˋko?” tanong niya. Nag-angat siya sa akin ng tingin nang matapos.
“Hindi, ah. Reregaluhan ko ang sarili ko,” ang tanging sagot ko. Dahil doon ay nilakad niya ang distansyang namamagitan sa aming dalawa at mariing pinisil ang aking mga pisngi. Tinulak ko ang kanyang mukha dahil sa sakit ng pagkurot niya.
“Napakasarkastiko mo, alam mo ba ˋyon?”
“Bakit ka pa kasi magtatanong ng obyus na? Malamang, reregaluhan kita!”
“Sasagot ka lang naman kasi ng oo o hindi, ano’ng mahirap do’n?”
Umirap ako dahil sa sobrang babaw na aming pinagtatalunan. Nginisihan ko na lamang siya bago gumanti rin ng kurot sa pisngi. “Oh, ano na nga’ng gusto mo?”
Humawak sa kanyang baba si Liyah at malalim na nag-isip. Tinitigan ko lamang siya at tahimik na hinintay ang sagot. Napakaganda niya talaga. Bagay sa kanya ang kanyang suot na pulang bestida. Mas nahuhubog niyon ang hugis ng kanyang katawan, at ang kulay ay mas nakadaragdag pa upang mapansin ang kanyang mapusyaw na kutis. Nakatirintas din ang kanyang mahabang buhok. Napakaganda niya; hindi tulad ko na ordinaryo lamang kung titingnan. Lalo pa kung itatabi sa kanya. Nakasuot lamang kasi ako ng puting T-shirt at maong. Hindi rin nakaayos ang aking buhok at hinayaan ko lamang iyong nakatabi sa aking kaliwang balikat.
“Gusto ko ng pulseras,” aniya matapos ang isang buong minutong pag-iisip.
“ˋYun lang?”
“Ano’ng ˋyun lang? Gusto ko ˋyung gawa mo mismo ˋtapos gawa ka rin ng sa ˋyo para terno tayo.”
Tumawa ako. “Kung terno tayo, edi dapat ikaw ang gumawa ng sa ˋkin?”
Ngumuso siya. “E, hindi naman ako marunong sa mga ganyan,” sagot niya na tinawanan ko pa. “ˋTsaka dapat iba ang regalo ko sa ˋyo! Ano pala’ng gusto mo?”
“Ikaw,” mabilis kong sagot na agad ikinapula ng kanyang pisngi.
“Seryoso kasi!” namumula niyang sigaw.
“Seryoso naman ako?”
“Mary Ruth Cervantes, napakamanyak mo na!”
Humagalpak ako sa tawa. “Ano’ng manyak do’n? Wala naman akong manyak na sinabi? Ikaw ang nagbigay ng kahulugan sa sinabi ko—”
“Ah!” tili niya kaya napahawak na lamang ako sa tiyan sa katatawa.
Sa gitna ng aming asaran, siguro ay masyado na kaming maingay kaya narinig namin ang sigaw ni Tiya Anna sa baba, “Liyah, Ruth? Tapos na ba kayong mag-ayos diyan? Hinihintay na kayo ni Andrew at Sean!” Napatingin kaming dalawa ni Liyah sa isa’t isa bago siya sumigaw na bababa na sa kanyang ina.
“Pero ano nga kasi ang gusto mong regalo?” tanong niya habang pababa kami.
“Hindi ko alam,” sagot ko. “Wala pa ˋkong maisip.”
“Weh,” anas niya. “Sige, pag-isipan mo muna tuloy. ˋTapos sabihin mo sa ˋkin kapag may gusto ka na.”
Napatayo ako nang tuwid nang matanaw sa sala si Sean na nakapamulsa at ang nakatatanda niyang kapatid na si Kuya Andrew na nakaupo. Nakaayos ang buhok ni Sean na tila ba marami siyang ginamit na gel upang maestilo iyon. Pareho ko, nakasuot din siya ng puting T-shirt na nakapailalim sa kanyang maong na pantalon. Kumaway siya sa amin at sumalubong na rin. Nanatili namang nakaupo ang kanyang kapatid at nakatingin sa amin. Sa kanyang likod ay nakamasid si Tiya Anna na ilang buwan ko na ring hindi matingnan nang diretso sa mga mata.
“ˋSup, girlfriends,” bati ni Sean na agad namang sinuntok nang pabiro ni Liyah.
“Ano’ng girlfriends ka diyan?” seryoso niyang tanong ngunit makikitaan ng pagkahiya sa mukha.
“Wala lang, pumasok lang sa isip ko ˋtapos gusto kong sabihin kasi parang cool,” sagot ni Sean at tumawa. “Ano? Tapos na ba kayong mag-ayos? Let’s go?”
Wala akong imik na tumango at naglakad na kami palabas sa bahay nina Liyah. Nang madaanan namin si Tiya Anna ay marami pa siyang ipinaalala sa kanyang anak. Iritado lamang na tumatango-tango si Liyah habang natatawa sa tabi ko si Sean. Siniko ko siya dahil mukha siyang tangang nagpipigil ng tawa. Nang matapos naman na sa paalala si Tiya Anna ay nagmano na kami upang tuluyang makaalis.
“Sean, bantayan mo ˋtong dalawang ˋto, ha?” ani Tiya Anna nang magmano ang dalawang binata. Tumango naman agad si Sean. “At Ruth.” Baling niyon sa akin kaya bigla akong nanigas. “ˋWag kang lalayo kay Liyah para hindi kayo magkahiwalay. Maraming tao ngayon, mahirap na, baka may kung anong mangyari sa inyong masama.”
“O-oho, T-Tiya Anna,” nauutal kong sagot.
Ang dalawa naman sa aking tabi ay nagpipigil ng tawa. Nang tuluyan na kaming makalabas ay pareho ko silang kinutusan. Ginagaya pa nila ang pagkakautal ko na nagpalamig sa aking katawan. Mula noong maging kami ni Liyah nang patago, sobrang sama ng aking pakiramdam na hindi namin ipinapaalam sa kanyang ina ang tungkol sa amin, kaya ganoon na lamang lagi ang nangyayari—nauutal ako at pinanlalamigan. Hindi pa nakatutulong na istrikta ang mukha ni Tiya Anna. Hindi mawala sa aking isipan kung ano ang mangyayari kung malaman niyang kami ng kanyang anak, at naglalampungan lamang kaming dalawa sa kuwarto ni Liyah tuwing bumibisita ako.
“Tingin n’yo, may libreng pagkain kaya?” tanong ni Liyah habang pinapaandar ni Kuya Andrew ang kotse.
“Of course,” sagot ni Sean. “Nagbayad ang parents natin ng fee for that party. So, technically, hindi libre ang pagkain. At kung wala tayong matanggap na pagkain, malamang, nasa bulsa na ni Mayor ang mga binayad ni Dad.”
“Dapat kasi ˋdi na sila nagbayad. Mukhang walang kuwenta naman ˋtong pa-Christmas Party sa barangay,” komento ni Liyah.
Tumango ako. “Alam n’yo naman pala pareho na walang kuwenta ang party ˋtapos pinilit n’yo pa ˋkong sumama. Dinamay n’yo pa sina Inay at Itay.”
Nilingon nila ako nang sabay kaya pinagtaasan ko sila ng kilay. Tumawa lamang si Sean at bumusangot si Liyah. Napailing ako nang maalala kung papaano ako kinausap ni Inay noong nakaraan dahil daw pumunta itong dalawang ito sa bahay upang isama ako sa Christmas Party. Singkwenta pa man din ang aming binayad upang makadalo roon. Ilang kilo na rin iyon ng mani upang gawing peanut butter. Ngunit wala naman na akong magagawa dahil ipinalista na agad ako ni Itay sa barangay matapos silang kumbinsihin nitong dalawang bugok na magpinsan.
Natutuwa rin naman ako dahil ito ang unang pagkakataon na makasakay ako sa kotse. Nagsanib-puwersa pa nga itong dalawa upang talagang mapapunta ako sa kasiyahan. Pinilit pa ni Sean ang kanyang kuya na ipagmaneho kaming tatlo para raw mukha kaming sosyaling tatlo. Si Liyah naman, ah . . . si Liyah, pinagbantaan akong hindi niya na raw ako papansinin kapag hindi ako sumama, kaya mabilis din naman akong pumayag.
“By the way, Liyah, tuloy ba talaga kayong tatlo nina Auntie sa pasko?” tanong ni Sean habang nagmamaneho.
“Ewan ko,” sagot ng aking katabi, “wala naman akong balak na sumama.”
“Bakit naman?”
“Mukhang wala namang masayang gagawin sa Amerika,” sagot niya sabay lingon sa akin.
Tumawa si Kuya Andrew. “Really? ˋDi ba last time grabe pa ang pilit mo kay Uncle Rene na pagbakasyunin kayong tatlo nina Auntie do’n? What’s with the change of mind?” tanong niya habang nagmamaneho.
“More like a change of heart,” tatawa-tawang komento ni Sean.
Umirap si Liyah. “Wala lang, Kuya Drew. Mas mukhang masaya dito, e.”
Napangiti ako at hindi napigilang mapatingin sa labas ng bintana upang hindi nila ako mahalata. Nag-usap pa silang magpipinsan tungkol sa plano sanang bakasyon ng pamilya ni Liyah sa ibang bansa. Hindi ko rin maiwasang makaramdam ng pagkakakonsensiya dahil ako ang nagsabi kay Liyah na malulungkot ako kung hindi ko siya makakasama sa pasko. Sa madaling sabi, ako rin ang nag-udyok sa kanyang huwag sumama kanila Tiya papuntang ibang bansa.
Nang makarating sa lugar na pagdarausan ng pagsasalo ay mabilis na kaming nagpaalam kay Kuya Andrew. Napapailing na lamang ako dahil wala akong kaide-ideya na sa munisipyo lang din naman pala iyon gaganapin. Ano pa nga bang bago? Medyo umasa rin naman kasi ako na sa ibang lugar naman gaganapin gayong mahal ang aming binayad dito.
Nang makapasok kami sa may covered court kung saan nakakita agad ako ng pamilyar na mga mukha, agad kong nilingon si Liyah upang makasiguradong hindi kami magkakahiwalay. Sa kanyang likod ay nakita ko si Sean na nakikipagkumustahan na sa kanyang mga kaibigan kaya’t naiwan kaming dalawa. Bumalik ang aking tingin kay Liyah at napansing nakatingin na siya sa aking kamay. Walang pasabi niyang hinawak iyon sabay bulong, “ˋWag daw tayong maghihiwalay sabi ni Mama kaya . . .” Maloko siyang ngumiti. “ˋWag kang mag-alala, Ruth. Wala namang ibang iisipin ang mga tao na magkahawak-kamay tayo,” dugtong niya na tila alam na kung ano ang tumatakbo sa aking isipan.
Kinakabahan man sa mga akala kong tingin ng mga tao, pinilit ko na lamang ang sariling iwaksi sa kanila ang atensyon kahit pa pumapalya ako. Dahil kung tutuusin, nagpunta naman kami rito upang magsaya, hindi para isipin ang opinyon ng mga taong wala namang halaga sa aming buhay.
Sabay kami ni Liyah na kinumusta ang aming ibang naging kaklase sa sekondarya at mga kabarangay rin. Habang nakikipagkuwentuhan kami sa kanila at hinihintay na magsimula ang programa, ramdam ko ang miminsang pagdaplis ng kanilang mga tingin sa aming mga kamay. Gayunpaman, wala naman silang komento tungkol doon at agad din nag-iiwas tingin, kaya isinasantabi ko na lamang ang mga bagay na pumapasok sa aking utak.
“Alam mo, Liyah, bet na bet ka ng pinsan kong tubong Maynila na bumisita ngayon dito para sa pasko. Unang tingin niya pa lang daw sa ˋyo, crush ka na!” wika ni Mariel na kapitbahay nina Liyah. “Mestizo rin at guwapo! Mukhang bagay kayo! Gusto mo bang ipakilala kita? Kasama rin siya sa party ngayong gabi.”
“Nako, Mariel, wala na ˋkong balak mag-boyfriend,” tugon ni Liyah sabay pahapyaw na sulyap sa akin. Nagtaas ako ng kilay. “Ga-graduate na ˋko ngayong taon at magkokolehiyo na. Wala na ˋkong oras para sa mga ganyan.”
“Ikaw talaga, Liyah. Ilang beses ko na ˋyang narinig sa ˋyo noon pero nagkakanobyo ka pa rin naman! Kaya ˋyang pagsabayin ang landi at boyfriend—”
Pinutol ko ang kanyang sinasabi. “ˋWag mo nang pilitin, Mariel. Ilang buwan na ˋtong nagseseryoso talaga sa pag-aaral.”
Dahil sa pagsali ko sa usapan ng dalawa ay nabaling sa akin ang atensyon ng babae. Napansin ko ang pagbaba ng kanyang tingin sa aming mga kamay ni Liyah kaya wala sa aking sariling binitawan ang kanyang kamay. Sa gilid ng aking mga mata ay naramdaman ko ang pagkaestatwa ni Liyah sa kanyang kinatatayuan.
“E, ikaw, Ruth? Hindi ka talaga nagnonobyo, ˋno? Gusto mo ba—”
Naputol muli ang sinasabi ni Mariel nang may biglang sumulpot na lalaki sa aming gilid. Agad na nangunot ang aking noo nang bumati si Mark at nagkamot ng batok. Agad na sumuot ang kanyang matapang na panlalaking pabango sa aking ilong at napansin ko kung gaano siya nakaporma ngayong gabi. Nasa babae lamang sa aking tabi ang kanyang tingin buong oras na nagkumustahan sila ni Mariel. Mabigat ang tinging ipinukol ko kay Liyah.
“Puwede ko bang mahiram saglit si Liyah?” tanong ni Mark habang hindi ko tinatanggal ang tingin kay Liyah.
“A-ah, oo naman!” naguguluhang sagot ni Mariel. Mukhang alam niya ang nakaraan nitong dalawa kaya mababakasan ang kaba sa kanyang tono.
“Ruth?” baling naman sa akin ni Mark na mas lalong ikinakunot ng aking noo. “Puwede ba?”
Hindi ko maintindihan kung bakit tila namimilipit ang aking dibdib at tila ayokong pumayag sa kanyang gustong mangyari. Sa mga oras na iyon ay tila gusto ko na lamang hawakan muli ang kamay ni Liyah at hilain siya palabas sa lugar na iyon—palayo sa lalaking gustong kumuha sa kanyang atensyon. Ngunit iba ang isinisigaw ng puso at isip kaysa sa lumalabas sa bibig.
“Oo naman. Bakit hindi?” mahinang sagot ko. Sunod ay nginitian ako ni Mark nang tipid at sabay na sila ni Liyah na nagpaalam sa amin ni Mariel. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa lamunin sila pareho ng anyo ng mga taong dumalo rin sa pagsasalo.
Nagpaalam na rin sa akin si Mariel kaya naiwan ako roong nakatayo sa gitna ng mga tao. Naroroon na naman iyong pakiramdam sa aking dibdib na tila ba nilalamon ako ng kung ano mang halimaw na aking inaalagaan sa aking loob mula noong maging kami ni Liyah. Habang tumatagal at nakatayo ako roon nang mag-isa, walang ibang nasa isipan ko kundi ang imahe ni Liyah at Mark na nag-uusap. Hindi mapakali ang aking kalamnan. Naghanap ako ng mauupuan at hindi na pinansin ang mga taong sumusubok na kausapin ako. Nagsimula na ang programa, ngunit nakalutang lamang ang aking isip.
Hindi kaagad bumalik si Liyah. Hindi ko rin matanaw sa kahit na anong sulok ng lugar na ito si Mark. At habang iniisip ko silang dalawa na magkasama, unti-unti na naman akong nilalamon ng kung ano mang emosyong hindi ko magawang pangalanan.
Ito ba talaga ang gusto ko? Ganitong klaseng relasyon ba talaga ang gusto ni Liyah? Tuwing maghahawak kami ng kamay sa harap ng libo-libong tao, lagi na lamang ba kaming dadalawin ng takot sa kanilang mga mapangmatang tingin? Tuwing nanaisin kong higpitan ang hawak sa kanya, agad din ba akong maduduwag at aatras at bibitaw dahil sa takot? Bakit takot? Saan ako natatakot? Sa iisipin ng mga tao? At kailan pa ako nagsimulang magkaroon ng pakialam sa opinyon ng iba?
Gusto ko lang namang maging normal ang aming relasyon ni Liyah. Iyong tipong katulad noon sa kanyang mga dating nakarelasyon. Tulad ng kung paanong normal lamang silang nagkakausap ngayon ng kanyang ex na si Mark. Ngunit . . . bakit sobrang hirap gawin? Hindi naman ganito kahirap ang lahat noong nangako ako sa sariling haharapin ko ang mundo para sa kanya. Pero tuwing naiisip ko na baka nga, na siguro nga, mas sasaya siya—na mas sasaya ako—kung hindi na lamang kami nagkagusto sa isa’t isa, nababaliw na ako.
Sa kalagitnaan ng tawanan at kantahan ng mga tao roon ay nagpasya akong hanapin na sina Liyah at Mark. Hindi na ako matino sa aking kinauupuan kasama ang mga kaisipang gumagambala sa akin tuwing mag-isa ako. At tuwing kasama ko si Liyah ay agad nawawala ang mga kaisipang iyon sa aking utak. Hindi ko alam kung saan siya hahanapin. Hindi ko alam kung ilang minuto rin akong nagpaikot-ikot sa maingay na lugar na iyon. Hindi ko rin mabilang kung ilang tao na ang aking nilagpasan. Nagbalik lamang ang aking huwisyo nang makita na ang aking hinahanap sa may parteng hardin ng munisipyo. Doon ay magkatabi sina Liyah at Mark at tila malalim ang pinag-uusapan.
Nag-ugat na lamang ako sa kinatatayuan at dinama ang malamig na hangin ng gabi ng Disyembre.
“. . . Ruth.”
“Hindi!”
Napahakbang ako papalapit nang marinig ko ang aking pangalan mula sa bibig ni Mark. Dahil pareho silang nakatalikod sa akin, hindi nila agad napansin ang aking paglapit.
“Pero hindi ka na nagkaroon pa ng boyfriend mula noong maghiwalay tayo, Liyah. Hindi ko maiwasang isipin na hindi ka pa rin nakakaahon tulad ko,” dinig kong nanghihinang sambit ni Mark. “Kung hindi kayo ni Ruth—bakit? Bakit wala ka na ulit pinapasok sa buhay mo matapos ˋyung atin?”
Malakas ang buntonghininga ni Liyah. “Hindi, Mark. Mali ka. Hindi na sa pagbo-boyfriend umiikot ang mundo ko at lalong wala na akong nararamdaman para sa ˋyo. Sa katunayan, kahit noon pa ay wala na talaga akong nararamdaman para sa ˋyo kaya—”
“Ginamit mo lang ako?” mas naririnig na ang sakit sa boses ni Mark. “Pampalipas oras, gano'n ba? Kasi nalilito ka pa sa nararamdaman mo noon sa matalik mong kaibigan?”
“Hindi!” malakas na sabi ni Liyah. Tila may kung anong bato ang bumara sa aking lalamunan. “W-wala akong nararamdaman na kung ano kay Ruth. Puwede ba, Mark? Ganyan ka na ba kadesperado para gumawa ng mga nakakadiring kuwento tungkol sa ˋmin ni Ruth?”
Hindi ko na magawang makinig pa sa kanilang pag-uusap. Nabingi na ako ng kung anong sakit na dumapo sa aking dibdib kasabay ng pamumuo ng luha sa aking mga mata. Alam ko naman. Alam ko namang nagsisinungaling lamang si Liyah kay Mark dahil pareho ko, takot din siya. Natatakot din siyang malaman ng buong mundo na sa matataas na pader na aming parehong binuo ay may nakatagong pagtingin na higit pa sa pagkakaibigan.
Ngunit hanggang kailan kami magsisinungaling?
Darating pa kaya ang araw na kakayanin na naming ipagsigawan ang katotohanan sa mundo?
Nalilito ako sa aking nararamdaman. Gusto kong ipagsigawan sa mundo na sa kanya ako umiibig, ngunit, sa parehong pagkakataon, gusto kong taasan pa ang mga pader na nakapalibot sa aming dalawa at huwag nang hayaan pa ang ibang humusga sa aming nararamdaman.
Hanggang kailan ko mararamdaman ang ganito kakomplikadong bagay?
Kung . . . kung siguro’y kay Sean ako nagkagusto, maiisip ko pa kaya ang ganitong klaseng mga bagay?
“Ruth,” nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ko ang malumanay na pagtawag sa aking pangalan ni Liyah. Agad kong tiningnan ang kanyang mukha at mas lalo pang namilipit ang sakit sa aking dibdib. “Bakit ka umiiyak?” tanong niya.
Sa likod niya ay naroroon pa rin si Mark. Tulala ang binata at tila wala ring pakialam sa kahit na ano pa. Hinarap siya ni Liyah at pinakiusapang maiwan muna kami. Wala lamang siya sa katinuang tumango at mabagal na naglakad papalayo sa amin. Nang harapin akong muli ni Liyah ay hindi ko na siya magawang tingnan pa nang diretso.
“Ruth,” tawag niya sa mas malumanay pang boses. Agad siyang kumuha ng panyo at pinunasan ang mga luhang dumadaplis sa aking pisngi.
“Liyah,” tawag ko sa kanya. Napapikit ako at pinilit ang sariling lunukin ang mga salitang nagpupumilit na kumawala sa aking lalamunan. Ngunit nabigo ako. “Hindi ko pala kaya.”
Natigil siya sa pagpunas sa aking luha. “A-ano’ng ibig mong sabihin?” Nanginig ang kanyang boses.
“Na ganito . . . tayo.”
Ibinaba niya na ang kamay at bahagyang napahinga nang malalim. Nagawa ko siyang sulyapan at agad kong naramdaman ang pagtusok ng libo-libong karayom sa aking dibdib. Mayroong sakit sa kanyang mukha na hindi ko pa kailanman nakita. Nang mamuo ang luha sa gilid ng kanyang mga mata ay doon ko pa mas lalong napagtanto.
Na pareho kami.
Pareho kaming hindi kaya.
“Hindi ko gustong habambuhay na ganito, Liyah.”
Bahagya siyang tumawa na ikinadurog ng aking puso. “Bakit ganyan ang mga pinagsasabi mo, Ruth?”
“Alam mo ang ibig kong sabihin,” mabigat kong wika. “Alam mo, Aaliyah.”
Tumawa ulit siya ngunit mas narinig ko pa ang sakit doon. “Hindi naman tayo magiging ganito lagi, Ruth.”
“Kung gano’n, puwede mo bang sabihin sa ˋkin kung gaano katagal tayong ganito—nagsisinungaling at nagtatago?”
Hindi siya nakasagot kaya mas lalo pang nanuot ang paninikip ng aking dibdib. Ayoko sa ganitong klaseng usapan. Sa lahat ng bagay, ayokong nagkakasakitan kami kahit pa hindi ang mga parehong pang-asar na salita ang lumalabas sa aming mga bibig o tulad sa paghahampasan namin ng unan sa kanyang kuwarto. Hindi naman kami nagbitiw ng mga salitang mapanakit, tanging ang katotohanan lamang na pareho naming tinatakasan mula pa noong aming pasukin ang ganitong klaseng bagay.
“Sorry,” aniya matapos ang ilang sandaling pananahimik namin.
Tinalikuran ko siya. Mabigat man ang bawat hakbang na aking tinatahak papalayo sa kanya, pinilit ko pa rin dahil hindi ko kaya ang bigat sa aking dibdib. Hindi ko kayang magpatuloy na ganito.
Dahil lang sa ganoong kaliit na bagay, dahil lang sa takot naming ipakita ang katotohanan namin sa mundo, doon na rin kami nagsimulang gumuho.
At sa parehong gabi ring iyon, nagpapasalamat ako sa kanya. Nagpasalamat ako dahil nagsinungaling siya kay Mark. Na itinago niya pa rin ang relasyon namin kahit pa gusto ng puso ko na gawin niya ang kabaliktaran.
At noong gabing iyon ko rin napagtanto na mas lamang ang takot ko kaysa sa pagmamahal ng batang puso ko para sa kanya.
▪ ▪ ▪
HINDI KO NA alam kung paano siya ulit haharapin matapos ang lahat ng aking nasabi noong gabing iyon. Siguro ay ganoon din siya dahil hindi niya na ako nagawa pang puntahan sa aming bahay. Kaya nang mga sumunod na araw ng bakasyon ay hindi na kami nagkita pa. Mabigat lamang ang aking puso na ginawa ang regalong hiningi niya sa akin bago nagkandaleche-leche ang aming relasyon.
“Hindi mo ba pupuntahan ngayon si Liyah?” tanong ni Sean habang kumakain ng pansit na binili niya sa aming tindahan.
“Bakit naman?”
Nagtaas siya ng kilay. “What do you mean by ‘bakit naman’? ˋDi ba biglang sasama na raw siya kina Auntie Anna na magbakasyon abroad?”
“Ah,” wala sa sarili kong sabi.
Nangunot ang noo ni Sean. “Ba’t ganyan ka? Parang ˋdi interesado? Don’t tell me, nag-away na naman kayo?”
Bumuga ako ng hangin. “Wala lang akong gana ngayon, Sean.”
“Bakit? Dahil ba hindi kayo magkikita for two weeks? Mami-miss mo? Parang tanga naman ˋto, e, two weeks lang? Andito na ulit sila bago mag-new year!”
Kinulit niya lamang ako nang kinulit tungkol kay Liyah ngunit hindi ko lang siya pinansin. Sa totoo lang, hindi ko rin kasi alam kung ano ang dapat na maramdaman ko ngayon. Kahit pa totoo naman ang pang-aasar ni Sean na mami-miss ko nga si Liyah, hindi pa rin niyon mawaksi ang aking kawalang nararamdaman sa aking loob.
Sa katunayan, parang mas gusto ko pa ngang mawala muna sa aking paligid si Liyah kahit kaunting oras lamang. Kailangan ko munang huminga at kailangan niya rin iyon. Masyado na kasing umiikot ang aking mundo sa kanya nitong mga nakaraang buwan, at sobrang nasasaktan pa rin ako sa aking mga gustong gawin ngunit hindi ko magawa.
Kung ganito naman pala kasakit na magmahal, sana’y hindi na lamang ako natuto.
Alam ko sa aking sarili na babalik at babalik din ako kalaunan sa kanya. Alam kong nalilito lamang ako, pati siya, sa lahat ng nangyayari kaya ganito kami pareho. Kailangan lamang namin ng panahon upang iproseso ang mga bagay na hindi pa kayang unawain ng aming mga batang puso. Ngunit hangal nga siguro ako kung iisipin kong ganoon na lamang kami kadaling babalik sa dati naming nakasanayan. Nagkakamali ako. Dahil nang pareho naming malaman ang katotohanan sa bibig ng isa’t isa, mahirap nang bawiin lahat ng nailabas sa labi.
Nang bumalik siya ay hindi ko siya magawang lapitan. Tila naging malayo ang distansya sa aming pagitan, at mas lalo pang namuo ang aking pagdadalawang-isip sa nararamdaman sa kanya. Tuwing naaalala ko kung gaano niya kalayang minahal ang mga dating nobyo, mas lalo ko pang napagtatanto na baka nga ay hindi ako ang para sa kanya. Na ang nararamdaman namin ay mababaw lamang; maglalaho rin, mapaglilipasan ng araw. Na siguro’y mas mabuti pa kung kinimkim na lamang namin ang pagtingin sa isa’t isa at nanatiling magkaibigan. Nang sa gayon, hindi mawawasak ang aming samahan nang ganito kabilis.
“Liyah,” tawag ko sa kanyang pangalan sa likod ng kahoy na pinto ng kanyang kuwarto. Natatabunan ng maiingay na tunog mula sa pinaghalong mga paputok at torotot ang tambol sa aking dibdib. Humigpit ang aking hawak sa kahon ng aking regalo sanang purselas sa kanya noong pasko.
Kinatok ko siyang muli, ngunit walang sumagot. Alam kong naroroon siya sa loob dahil nasabi sa akin ni Tiya Anna na mula noong umuwi sila, nakakulong lamang siya sa kanyang kuwarto. Hindi ko pa rin mawaksi ang takot sa aking puso. Takot na harapin si Tiya Anna. Takot na harapin din siya. At takot na manatili kaming ganito. Gayunpaman, nilabanan ko ang mga negatibong emosyong iyon at pinihit na lamang ang busol papasok sa kanyang kuwarto.
Mabagal akong pumasok at pinuntahan siya sa may balkonahe. Doon ay nakasandal siya sa sementadong barandilya habang pinagmamasdan ang mga batang nag-iingay sa ibaba.
“Liyah,” tawag kong muli sa kanya. Nang mapansin na ang aking presensya ay gulat niya akong nilingon. Ngumiti ako at humigpit ang hawak sa kahon sa aking likod. “Usap tayo.”
Kumislap ang kanyang mga mata sabay kunot ng noo. Hindi siya sa akin makatingin nang diretso at maririnig din ang kanyang mga mahahabang pagsinghal. “Ano’ng pag-uusapan natin?” malamig niyang tanong.
“ˋYung . . . tungkol sa atin.”
Tinalikuran niya ako at nanatili lamang din ako sa aking kinatatayuan. Mas lalo pang bumigat ang dinadala ko sa aking dibdib. Nang sulyapan ko ang nasa aming ibaba ay napasinghap ako. Magbabagong-taon na at nagdiriwang ang lahat. Ngunit narito kami, parehong hindi alam kung paano isasatinig lahat ng mga bagay na gusto naming isatinig.
Natatakot pa rin ako.
“Ano’ng tungkol sa ˋtin?” tanong niya.
Hindi ako nakasagot. Lahat ng nakaplanong sasabihin ko sa kanya ay nagkabuhol-buhol na sa aking dila at hindi ko na ito maayos pa. Umihip ang hangin at nanatili ako roong nakatayo, naghihintay at nananalangin na sana’y marinig niya kung ano ang gustong sabihin ng aking puso.
“ˋYung . . . tungkol sa mga nasabi ko noong nakaraan.”
Narinig ko ang muli niyang pagsinghap bago ako hinarap. Pinilit niyang ngumiti kahit pa makikitaan ng hinanakit sa kanyang mukha. “Ah, ˋyun,” aniya na tila wala sa sarili. “Okay lang ˋyun. Naiintindihan naman kita kasi kahit ako, natatakot din na malaman ng iba ang tungkol sa relasyon natin.”
Hindi ako makapagsalita. Ibinuka ko ang aking bibig ngunit itinikom din naman iyon kalaunan. Gusto kong sabihin sa kanya na nasaktan ako noong marinig ko ang kanyang mga sinabi kay Mark noon, ngunit alam ko rin naman sa aking sarili ang katotohanan, kaya’t ano pa ang rason upang isatinig iyon? Sa parehong pagkakataon, gusto ko siyang pasalamatan dahil hindi niya ibinuking ang tungkol sa amin.
Dahil sa katunayan, hindi pa kami parehong handa.
Hindi pa ako handa.
Hindi pa siya handa.
Ngunit kahit ganoon, handa akong maghintay. Kahit gaano katagal. Kahit walang kasiguraduhan kung darating ba ang araw na talagang magiging handa kaming harapin ang mundo.
Ngunit lahat ng iyon ay nasa aking utak lamang. Dahil iba si Liyah; mas matapang siya kaysa sa duwag na katulad ko.
“Pero, alam mo ˋyun? Gustong-gusto ko na rin talagang ipagmalaki ka sa lahat ng tao—na tayo. Na hindi lang tayo magkaibigan. Na mas higit pa do’n ang nararamdaman natin sa isa’t isa. Pero napangungunahan din ako ng takot. Kaya sorry, Ruth, kung nasaktan man kita noon—”
Tumawa ako. “Alam ko. Naiintindihan ko, Liyah.”
Ngumiti siya at inilahad ang kamay. Dahil hawak ko sa aking likod ang kahon ng purselas, inabot ko ang kanyang kamay gamit ang aking kaliwang kamay sabay balik ng kanyang mga ngiti. “Kaya nga sabi ni Papa sa ˋkin, one step at a time. Unti-untiin lang natin, Ruth.”
Tumango ako at hinayaan siyang balutin ako sa kanyang mahigpit na yakap. Agad na namuo ang mainit na luha sa gilid ng aking mga mata. Dalawang linggo man ang lumipas mula noong huli ko siyang nakita, hindi ko alam na ganito na ako nangungulila sa kanyang pamilyar na amoy at nakaheheleng presensya. Niyakap ko rin siya nang mahigpit. Sa itaas ng aming mga ulo, sa malawak at madilim na kalangitan ay napupuno na ng samot-saring mga ilaw, hudyat na tuluyan nang nagtapos ang taon.
“Kaya ang gusto kong unang makaalam ng tungkol sa ˋtin ay ang mga taong mahalaga sa buhay natin,” bulong niya sa kalagitnaan ng ingay na ginagawa ng mga tao. “Pinaalam ko kay Papa ang tungkol sa ˋtin, Ruth. Alam niya na ang tungkol sa ˋtin. Kaya kahit isa pa lang, mayroon nang taong tumatang—”
Agad akong napalayo sa kanya kaya’t natigil siya sa pagsasalita. Hindi ko namalayang naitulak ko siya nang malakas dahilan kung bakit siya napaaray habang hinahawakan ang sementadong barandilya ng kanyang balkonahe. Lumakas ang pintig ng aking puso at tila nahulog na naman ang aking katawan sa kalagitnaan ng malalim na karagatan. Ang ingay ng mga torotot at mga paputok ay suklubang umuulyaw habang hinahayaan ko lamang ang aking sariling lumubog.
“Ruth?”
Dama ko ang pagyugyog ni Liyah sa aking katawan ngunit hindi ko magawang tugunan ang kanyang mga pagtawag. Sa mga panahong iyon, tila tinakasan na naman ako ng aking kakayahang makapag-isip dahil sa libo-libong katanungan sa aking isipan.
Alam na ng kanyang ama? Paano? Paano niya nasabi nang ganoon kabilis? Nang ganoon kadali? Paano kung hindi kami niyon tanggapin? Paano kung ayaw niyon sa akin? Paano kung paghiwalayin kami niyon ni Liyah? Paano kung dahil doon malaman ng iba pang mga tao ang tungkol sa amin? Paano na ang iisipin ng mga tao? Paano kung makarating kina Inay at Itay? Paano kung hindi nila ako matanggap? Paano ko haharapin ang mga tinging ipupukol nila sa akin kapag nalaman nilang hindi ako normal?
Na sa babae ako umiibig hindi sa lalaki?
Paano—
“Ruth!”
Malalalim ang aking paghinga nang bumalik ako sa kasalukuyan. Tila nabuhusan ako ng malamig na tubig nang makita ang mukha ni Liyah na napupuno na ng mga luha. Nanikip ang aking dibdib at mabilis siyang niyakap. Ang lahat ng mga katanungang lumulunod sa akin kanina lamang ay tila naglaho na sa puntong iyon at isa lamang ang nasa aking isipan: kailangan kong pahirin ang mga luha sa kanyang pisngi.
“Liyah.” Marahan kong pinunas ang mga luha sa kanyang pisngi. Niyakap ko siya nang mahigpit.
Hindi na siya nagsalita pa at isiniksik na lamang ang mukha sa aking dibdib. Nalilito man sa lahat ng nalaman, siya pa rin ang inuunang unawain ng aking puso’t utak. Ilang sandali ang lumipas ay inangat ko ang kanyang mukha upang matingnan siya sa mga mata. Namumugto na ang kanyang mga mata at kumikislap ito dahil sa mga paputok sa kalangitan. Hinaplos ko ang kanyang pisngi at wala sa sariling inangat ang kanyang baba. Hinayaan ko na lamang na ang kilos ko ang magpahayag sa nararamdaman ko sa kanya sa mga sandaling iyon. Naglapat ang aming mga labi. Natigil na ang ingay at tanging ang buwan na lamang ang nagsisilbing ilaw sa kalangitan. Hindi ko na rin maramdaman ang aking puso at hindi ko na rin inisip pa kung ano ang iisipin ng mga tao—kung ano ang iisipin ng aming mga magulang—ng Diyos—at ng buong mundo—
Ang labi lamang ni Aaliyah Sarmiento sa aking labi ang tanging alam ko sa sandaling iyon.
“Aaliyah? Mary Ruth?”
Ngunit alam na ng duwag kong puso na agad ding magtatapos ang kapayapaang nadama ko sa kanyang bisig.
Agad akong napalingon at nag-ugat sa aking kinatatayuan nang makita ang mukha ni Tiya Anna. Naguguluhan ang itsura niyang papalit-palit ng tingin sa amin ng kanyang anak. Agad na nagbalik sa akin ang lahat ng takot na isinantabi ko kanina at napangunahan na ako ng kagustuhang tumakas sa lugar na iyon.
At ginawa ko.
Maraming tanong ang sinambit sa amin ni Tiya Anna, ngunit hindi ko na dininig pa. Mabilis lamang akong tumakbo at umalis sa bahay na iyon nang wala sa sarili—nang hindi man lamang nililingon si Liyah. Mabilis kong tinahak ang kalye kung saan namin parehong inamin ang nararamdaman sa isa’t isa. Ang mabibigat kong hakbang pabalik sa aming bahay ay nagmamarka ng pagwawakas sa lahat ng aking sinimulang buohin.
Sa pagtatapos ng taong 1986, agad na ring nagtapos ang unang pagmamahal na aking naranasan. Pagmamahal sa taong hindi ko kadugo, na tinuring ko ring sariling kapatid—na hindi ko inaasahan dahil hindi kasalungat sa aking kasarian at hindi pa maituturing na normal ng mundo.
At sa pagsisimula ng bagong taon, at sa mga sumunod pang mga taong lumipas at dumaan, tanging ang panghihinayang na lamang at sinayang kong mga sandali ang kaya kong alalahanin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top