Noli Mutare
Sabi nila, kailangan natin ang kasaysayan upang maunawaan natin ang kasalukuyan at mapaghandaan ang kinabukasan pero sa nangyayari ngayon, para bang nawawala na ang bisa ng kasaysayan dahil sa mga taong may kani-kaniya namang pinaniniwalaan.
May mga tao nang nahati sa dalawang panig, ang mga maalam pa sa kasaysayan at ang naniniwala na lang sa mga nakikita sa kung saan, sa social media at sa mga website na hindi naman maaasahan.
Bilang isang mamamayan, magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako napapagod sa sitwasyon ng bansa sapagkat ito ay napakagulo na. Ang kasaysayan na dapat ay nagiging gabay natin para maintindihan ang kasalukuyan ay lalo lamang nagpapagulo sa isip ng mga mamamayan.
Ang kasaysayan na dapat inihahanda tayo sa kinabukasan ay pilit nang napapalitan ng mga kwentong kutsero at mga paniniwalang nagpapabago at nagpapadumi sa orihinal nitong laman.
Masakit sa dibdib, masakit sa ulo ang mabilis na pagbabago, masakit isipin na ito ang kinahinatnan ng mga tao. Wala akong ibang magawa kundi ang panoorin sila habang iniinda ang sakit na hindi ko mawari kung bakit ko nararamdaman.
Sumandig ako sa pader sa pakiramdam na anumang oras, ako ay tutumba. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin. Ang sakit ng ulo ko'y nagdulot ng malalang pagkahilo at ang sakit ng dibdib ay siya namang nagdulot sa aking puso ng mabilis na pagpintig.
Diyos ko, mamamatay na ba ako? Tanong ko sa kawalan bago ako tuluyang mawalan ng malay. Nagising na lamang ako sa mahinang mga tapik pero sapat na para magbalik ang aking ulirat.
Nang tuluyan akong magising, ang lugar kong saan ako naroroon ang una kong napansin. Animo'y nasa isa akong maliit na bayan na napapalibutan ng mga bahay na gawa sa kahoy.
Sumasakit lamang ang ulo ko tuwing tinatangka kong isipin kung nasaan ako. Masyado akong nawili sa paglibot ng tingin na hindi ko na namalayan na may tao pala sa aking harapan.
"Ayos ka lang ba Ginoo?" Mababakas mo ang pag-aalala sa mukha ng isang pamilyar na lalaki. Sa estilo ng kaniyang pananamit, maginoong pananalita at tabas ng kaniyang buhok, iisipin mo agad na siya si Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas.
"Ipagpaumahin niyo po, sino po kayo?" Iyon na lamang ang aking naitanong dahil hindi ko din naman alam ang sasabihin ko. Napalibot akong muli sa paligid at nakitang maski ang mga tao ay nakasuot ng mga pambansang kasuotan na madalas suotin ng mga tao sa nakaraan.
"Ako? Ako si Jose Protacio Rizal, o mas kilala bilang Pepe." Nagulantang ako sa isinagot niya. Gusto kong matawa pero hindi iyon ang nararamdaman ko, bagkus ay mas nakaramdam pa ako ng pananabik.
"K-kayo po ba talaga si Ginoong Jose Rizal?" Magalang at maingat na tanong ko rito dahil hindi pa din ako makapaniwala, pinagpapawisan na ang mga palad ko dahil sa kaba.
'Patay na ba ako?'
Nang kumpirmahin niyang siya nga si Jose Rizal ay mas lalo lang akong nawindang. Marami akong gustong itanong sa kaniya pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Hindi na mahalaga kung patay na ako o panaginip ito, ang mahalaga ay makakuha ako ng sagot sa mga katanungan ko.
"Mukhang may bumabagabag sa iyong isipan Ginoo, kung hindi mo mamasamain, pwede ba natin itong pag-usapan?" Napatango na lamang ako dahil tila natuyuan ako ng lalamunan at hindi mawari kung ano ang aking sasabihin.
Ayaw ko namang gumawa ng kwentong kutsero dahil isa iyon sa mga ayaw kong gawain ng mga tao pero ayaw ko namang magbanggit ng may kinalaman sa pagiging bayani niya sa kasalukuyan.
"Naatasan kasi ako ng aking guro na gawan ng pagtatapos ang kwentong binasa niya sa klase. Tungkol po kasi iyon sa paniniwala ng bayani tungkol sa kasaysayan bilang isang instrumento para maunawaan ang kasalukuyan at mapaghandaan ang hinaharap. Madaming isinakripisyo ang bayaning iyon para mapabuti ang hinaharap pero ang nangyari, naligaw ng landas ang ibang mga tao sa hinaharap at nakikipagtalo sa may mga karunungan sa kasaysayan. Kung kayo po iyong bayani? Pagsisisihan niyo po bang nagsakripisyo kayo para sa hinaharap?"
Hindi ako makapaniwalang nagsinungaling ako tungkol doon pero bahala na. Matiyaga akong naghintay para sa sagot pero ibinalik lamang niya sa akin ang tanong kaya bahagya akong napakamot ng aking ulo.
"Ikaw Ginoo, ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa posisyon ng bayaning iyon?"
"Kung ako po iyong nasa posisyon ng bayani, magsasakripisyo pa din po ako dahil iyon ang kailangan ng mga taong nasa panahon ko hindi ko po babaguhin ang desisyon ko dahil sa mga taong nasa hinaharap. Bagkus, hahayaan ko silang matutunan ang kanilang leksyon at magsakripisyo rin sa kanilang kasalukuyan."
Saad ko dahil mukhang wala naman na akong ibang pagpipilian kundi ang sumagot.
"Ganun din ako. Noli Mutare, huwag mong baguhin."
Sa sandali ding iyon, ang imahe ng nakaraan ay bumalik sa kasalukuyan.
#WattpadAThonChallenge2022
#WattpadAugustEntry
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top