33

Ilang buwan na ba ang nakalipas simula nung araw na nakilala ko siya. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakatagpo ng lalaking sa postura pa lang ay alam mong may kaya, sa aura pa lang ay alam mong mapapasunod ka niya sa lahat ng gusto niya. Sino ba ang makakapagsabing ang isang tulad ko na simple lang ay mapapasok sa mundong ginagalawan ng mga makapangyarihang taong gugulo sa buhay ko? Ano ba ang meron sa kanya at napasunod niya ako?


Tandang-tanda ko pa. Nagpunta ako sa presinto para i-deliver ang order ng mga suki kong mga pulis. Ang buhay dito sa Norte ay simple lang. Hindi naghihirap ang mga tao dahil ang lahat ay may kanya-kanyang maliliit na pinagkakakitaan. Walang mayaman. Walang mahirap. Nag-iisa na lang ako sa buhay at nakakaya ko naman ito. Ang pagbebenta ng suman ang ikinabubuhay ko, nakakaraos ako dahil ang sarili ko lang naman ang iintindihin ko. Hindi na ako naghahangad ng mas pa sa buhay na meron ako ngayon dahil kuntento na ako.


Nung gabing iyon, nagbago ang lahat.


"Chief, ito na yung suman na pinagawa mo. May extra minatamis pa 'yan!"


Pagkapasok ng pagkapasok ko sa presinto ay napansin ko agad ang isang lalaking nangingibabaw sa kakisigan. Nakatayo ito. Kapansin-pansin kasi sino ba namang lalaki ang magsusuot ng suit sa baryong ito. Nakatingin ito sa lalaking nakaupo at hindi rin naman nagpapahuli ngunit ang pinagkaiba lang ay ang lalaking ito sa unang tingin ay parang mahahabag ka. Mga bagong salta. Mga poging salta. Ipinilig ko ang ulo ko nang marinig ko si chief.


"Uy saktong sakto! Teka, tawagin ko lang yung mga kasama ko. Magkano na ba lahat 'yan, Cali?"


Sasagot pa lang sana ako nang bigla na lang may humablot sa'kin at niyakap ako ng sobrang higpit.


"Sir! Sir! Ay ano ba yan?! Bigla bigla na lang pa lang may mangyayakap na pogi dito? Hello po! Kamusta naman po kayo?" Hindi ko na nga rin alam kung anong pinagsasasabi ko. Ngayon lang may yumakap sa'kin ng ganito. "Ang higpit naman po ng yakap niyo. Bibili po ba kayong suman?"


Hindi ako binitawan ng lalaki. Hinigpitan niya pa lalo ang yakap sakin at paulit-ulit na sinasabin, "Caly, caly, caly..." Sino yun? Kapangalan ko pa. Imposibleng ako ang tinutukoy ng lalaking ito dahil ngayon ko lang siya nakita sa buong buhay ko! Nanlaki ang mga mata ko.


Mas lalong nanlaki ang mata ko nung nakita kong papalapit naman sa akin yung lalaking naka-suit! Ano ba ang meron sa araw na to jusko! "Miss, pasensya ka na."


Ang lalim. Sobrang lalim ng boses ng lalaking 'to. Tumayo ang balahibo ko. "Apollo." Apollo pala ang pangalan nito. Hindi ako makagalaw. Hindi na nga rin ata ako makahinga. Pinilit kong tanggalin ang pagkakayakap ni Apollo sakin at nagpumiglas ito.


"No! Baby, no! Please, don't. Don't push me away. Don't!" Nakakalungkot. Maging ako na hindi lubos na kilala si Apollo ay nasasaktan. Punong-puno ng hinanakit ang boses nito at tila nagmamakaawa. May kung anong humaplos sa puso ko nang marinig ang boses niya. Anong nangyari sayo? Kung anong lakas ng presensya ng lalaking nakitingin lang sa amin ay gayun naman kahina kay Apollo.


Pinilit nilang tanggalin ang pagkakakapit ni Apollo sa akin ngunit nagpupumiglas pa rin ito. Hanggang sa may mga lumapit na mga lalaking nakauniporme ng puti at tinurukan ito ng kung ano na naging dahilan kung bakit ito nanghina. Hanggang sa panghihina ay banggit banggit pa rin nito ang pangalan ng babaeng kanina ko pa naririnig. Pero hindi ako ang babaeng iyon Apollo. Hindi ako.


Nakatulala ako sa kanya habang binubuhat nila ito para ilagay sa isang stretcher. Nagpakawala ako ng hiningang hindi ko namalayang huminto. Sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko, hindi ko rin namalayang tumabi sa akin ang lalaking kasama ni Apollo. Hindi ko maiwasang mapatulala rin. Sobrang gwapo rin ng nilalang na ito.


"Miss, pwede ba kitang makausap?" Nakakakilabot. At hindi yun dahil sa natatakot ako.


Inayos ko ang buhok ko at napatingin ulit sa kanya. "A-Ano po? Bakit po?"


"Kung pwede lang ay sa ibang lugar at hindi dito," Tumingin siya saglit kung ang gawi ng mga pulis na ngayon ay bumabalik na sa pwesto nila pagkatapos ihatid si Apollo sa loob ng ambulansya. Napatingin ulit ako sa kanya nang magsalita ulit ito. "Pwede ka bang sumama sakin?"


Nanlaki ang mga mata ko. "A-Ano po?"


Ang byahe mula sa presinto hanggang sa hospital ay wala pang sampung minuto. Ngunit ang minuto na 'yun ay parang kasing-tagal ng paglubog ng araw na siyang nagsisilbing ilaw na tumatagos sa loob ng magarang sasakyan niya. Ang lamig. Sobrang lamig at parang nakakahiyang sumakay. Ang isang tulad ko ay hindi nababagay sa mga ganitong bagay pero kapag nagnanakaw ako ng tingin sa kanya ay parang balewala lang sa kanya. Sobrang gwapo niya. Kahit na nangungunot ang noo niya marahil sa pag-iisip ay hindi pa rin nakakasawang titigan ito.


Bakit ba ako sumunod dito? Baka kung sa'n ako dalhin nito!

Kunwari pa Calia, gusto mo naman.

Minsan lang 'to.


Sa ilang beses kong pagnanakaw ng tingin dito ay nagulat ako ng bigla itong tumingin sa'kin. Napatingin ako sa harapan ko at nagkunwaring mas interesado akong tignan ang lupang parang putik na dahil sa kakauntig basang tinatahak ng gulong ng kotse niya. Umulan pala. Kaya pala makulimlim.


"Nagtataka ka siguro kung bakit kita gustong makausap. Hindi ka man lang ba natakot at bigla-bigla ka na lang sumama sakin?" Hindi. Hindi ka naman mukhang nakakatakot.


"A-Ah sir. Baka po kasi may kinalaman ako sa pagwawala ng kasama niyo kaya gusto niyo akong makausap." Ang galing mo, Calia. "Wala po akong ginagawang masama-"


"Alam ko." Ngumiti siya ng hindi umaabot sa mata. "Truth is, I need your help."


Napatulala ako. Hindi ko namalayan na huminto na pala ang kotse at nasa hospital na kami. Nakita kong tumingin siya sa labas kung saan pinapasok na nila si Apollo sa loob ng hospital. Gabi na pala.


"This doesn't usually happen in normal circumstances but Miss," Tinignan niya ako. "I'm desperate. At ikaw lang ang makakatulong sakin."


Simple lang ang buhay ko. Kuntento ako sa estado nito. Sa araw araw na ginawa ng Diyos ay hindi nagbago ito. Kailanma'y hindi ako naghangad ng mas pa dito. Tama siya, hindi nangyayari ang mga bagay na ito sa lahat. Sino ba siya para tulungan ko? Sino ba siya para pagaksayahan ko ng oras ko? Sino ba siya para guluhin ang simpleng buhay ko?


Pero nang humingi siya ng tulong sakin at tumingin siya sa mga mata ako, hindi ako tumanggi. Pag tumanggi ako, bababa ako sa kotseng ito at babalik sa simple kong buhay na parang hindi nangyari ang mga ito sa buhay ko, na parang hindi ko nakilala ang lalaking ito na hindi ko alam kung makikita ko pa o hindi, na parang ni minsan sa buhay ko ay hindi siya tumingin sa mga mata ko para humingi ng tulong at ako, ako lang ang makakapagbigay sa kanya ng tulong na iyon. Ako lang.


A little excitement never hurt nobody.


Napa-english na ko. Seryoso na 'to. Bago pa magbago ang isip ko, tumango ako. Punong-puno ng determinasyon sa mga mata ko, "Sige po Sir, tutulungan ko po kayo."


At tumibok ang puso ko nang makita kong ang ngiti niyang hindi umaabot sa mata ay umabot na. Napatitig ako.


Iba na 'to, Calia.


Huminga siya na maluwag at inilahad ang kamay niya, "Before anything else, I'm Chaos Herrero."


Napatingin ako sa kamay niya at tumingin ulit sa mga mata niya, ibang klaseng hipnotismo ito. "Calia Hermano po, Sir." Nanginginig ako nung inabot ko ang kamay ko para makipagkamay sa kanya. Hindi ako makagalaw. Ang amoy niyang pinapalibutan ang buong kotse, ang mga mata niyang nagpapalipad ng paru-paro sa tiyan ko at kamay niyang nakahawak sa kamay ko.


Sabi ng nanay ko, hindi nakamamatay ang pagibig. Pero bakit ganun? Hindi ako makahinga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top