We Met Again


﹋﹋

Pagmulat ng mata ni Yara, hindi niya maintindihan kung paano siya napunta sa condo nina Mika at MJ. Ang huling naaalala niya, nasa hospital pa siya. Ni hindi niya maalala kung paano siya napunta rito sa kwartong iyon.

"Nakalabas na ba ako?" tanong niya sa sarili habang nakatitig sa kisame ng condo. "Ano'ng ginagawa ko rito?"

Tiningnan ni Yara ang kamay dahil naalala niyang may pasa iyon dahil sa mga gamot at swero na nakaturok sa kaniya. Pinakiramdaman din niya kung kumusta ang paghinga niya, maayos naman siya.

Sandaling ipinikit ni Yara ang mga mata niya. Magaan ang lahat at iyon ang unang beses na iminulat niya ang mga mata niyang wala siyang ibang bigat na nararamdaman—pisikal man o emosyonal. Hindi siya sigurado kung tama ba o mali, pero masarap sa pakiramdam.

Bumangon siya at naamoy ang brewed coffee. Dinaanan din niya ang dining table na mayroong plastic ng tinapay at ilang palaman tulad ng peanut butter, Cheez Whiz, at Nutella. Naroon din ang coffee creamer at jar na puno ng asukal.

Pagpasok sa banyo, sandaling tinitigan ni Yara ang sarili. Nakabagsak ang mahaba niyang buhok. Suot niya ang simpleng T-shirt na puti na ipinahiram sa kaniya ni Dri noong magkasama pa sila sa bahay nito, habang tinititigan niya ang sarili sa salamin, mayroong mali.

Mali? Hindi, eh.

Tama? Siguro.

Hindi malamlam ang mga mata niya tulad ng nakasanayan na sa tuwing gigising siya, salubong ang kilay niya na para bang umpisa pa lang ng araw, pagod na pagod na siya.

Yara knew she was different. Something was different.

Naghilamos siya bago lumabas ng banyo at nakita ang pamilyar na bulto sa balcony. Nagtimpla na muna siya ng dalawang kape bago lumabas.

"Gising ka na pala." Ngumiti si Dri at kinuha ang isang kapehan. "Nagulat ako dumating ka kagabi, eh. Akala ko matatagalan pa. Mas okay sana kung mas matagal pa."

"Hindi mo ba 'ko na-miss?" pagbibiro ni Yara. "Akala ko ba, nami-miss mo na 'ko? Sabi mo sa 'kin noong nakaraan, miss mo 'ko, eh."

Ngumiti si Dri at tinalikuran siya. Nakaharap ito sa kawalan at ipinatong ang dalawang siko sa railing ng balcony. Sumunod si Yara at pinagmasdan ang kapaligiran dahil sa unang pagkakataon, sa buong buhay niya, ang tahimik ng Manila. Tumingin siya sa ibaba, walang mga sasakyan, walang tao, at wala ang ingay na bumubuhay sa siyudad.

"Maghihintay naman ako, eh. Sana hindi ka nagmadali." Nilingon siya ni Dri na mayroong ngiti. "Sana nag-enjoy ka muna. Sa huli naman, nandito pa rin ako."

Mahinang natawa si Yara ngunit wala siyang sinabing kahit na ano. Tinitigan niya si Dri ngunit kaagad niyang ibinalik ang tingin sa kawalan bago pumikit para langhapin ang masarap na simoy ng hangin mula sa lugar kung nasaan sila. Humahampas sa balat niya ang malamig na hangin at kalmado niyang dinama ang presensya ni Dri.

Namuo ang luha sa mga mata ni Yara. "Ayaw kong hindi kita kasama," bulong niya. "Ang bigat 'pag wala ka." Dumilat siya at nilingon si Dri. "Dito na lang ako sa Manila?"

"Oo ba! Gusto mo bang ituloy na lang natin 'yung road trip? Ang dami kong plano, eh. Ang dami ko sanang gustong puntahan 'tapos aayain kita, kaso ayon." Natawa si Dri. "Nalungkot akong nandito ka na, marami pa sanang puwedeng mangyari, eh."

"Ayaw mo ba 'kong kasama?" pagmamaktol ni Yara.

Umiling si Dri. "Gusto, siyempre, pero hindi sana rito. Hindi ko naman inasahan na sa susunod na habangbuhay kita makakasama. Hindi tayo nagkita roon, nakilala kita noong huli na, pero naniniwala talaga akong soulmate kita."

Tahimik na nakatingin si Yara kay Dri kaya nakakuha siya ng pagkakataon para titigan ito.

Tulad niya, nakasuot ito ng pamilyar na T-shirt. Ilang beses na niyang nakita iyon. Nakaipit ang buhok nito tulad noon ngunit mas magaan ang pakiramdam. Wala na siyang pagdududa hindi tulad noon. Wala siyang nararamdamang pagkailang at mas gusto pa niyang malapit sila sa isa't isa.

"May nakalimutan ka." Muli siyang nilingon ni Dri. "May promise kang yakap, 'di ba? Payakap naman. Akala ko matagal pa, eh."

Hindi na muling nagsalita si Yara at siya na mismo ang lumapit kay Dri. Mahigpit siyang yumakap. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito at hinayaan ang sariling kalmadong huminga. Naamoy niya ang pamilyar na panlalaking pabango ni Dri at naramdaman ang paghaplos nito sa likuran niya.

"Road trip na tayo?" Tumingala si Yara kay Dri nang hindi humihiwalay sa pagkakayakap.

Umiling si Dri. "Sa susunod na lang. Marami na tayong time."

T H E X W H Y S

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys