Chapter 9

Tinungga ni Dri ang isang bote ng tubig at muling ipinalibot ang tingin sa buong warehouse. Katatapos lang nilang maglagay ng mga kahon sa mga sasakyan at sobrang sakit ng katawan niya.

Nararamdaman niya ang pagpintig ng kalamnan niya sa legs pati na rin ang sakit mula sa talampakan.

Late na rin silang natapos sa pagpa-pack ng relief goods. Halos lahat sila, nakasalampak lang sa sahig habang kumakain ng burger na binili nina MJ at Mika para sa kanilang mga nag-volunteer.

Magkakaibigan at magkakakilala naman lahat ng kasama. Ang ilan ay bago sa paningin ni Dri, pero common friends lang din mula sa mga kaibigan din niya. Halos lahat ay professional na at may kaniya-kaniyang personal na ginagawa na sandaling isinantabi para makatulong kahit sa maliit na bagay.

Marami pa ring evacuee ang hindi pa nakauuwi sa kani-kanilang bahay dahil may kataasan pa raw ang baha at halos hindi pa humihinto ang ulan. Minsang lalakas, minsang hihina.

Saktong humikab si Yara nang mapatingin si Dri sa gawi nitong kausap ang mga kababaihan. Kausap naman niya sina Renzo, MJ, Dominic, at Diether na mukhang napansin kung saan siya nakatingin.

"Buti naging close kayo ni Yara," ani Renzo at umiling. "Medyo mailap kasi talaga siya sa ibang tao. Pili lang ang kinakausap, kahit noong college. Kasi alam mo 'yun, parang may trust issues?"

Tahimik lang si Dri na nakatingin sa burger na hawak niya.

"Kahit noong college, parang medyo naging problema pa siya nina Karol kasi madalas 'yang hindi sumasama sa mga gala lalo kapag may ibang kasama," dagdag ni Renzo. "May boyfriend 'yan for four years. Nako, sinasabi ko sa inyo, ang lala."

Sinalubong ni Dri ang tingin ni Renzo. Hindi siya nagtanong kung bakit, pero si Dominic ang mukhang interesadong malaman.

"Away, balikan, away, balikan." Mahinang natawa si Renzo. "Grabe 'yun. Sobrang toxic nilang dalawa kaya minsan hindi na pinapansin si Yara sa group chat. Hanggang sa isang araw, nagulat kami na fed up na rin pala. Mabuti na rin."

Naalala ni Dri ang nakita niya noong nanghihingi ng tulong si Yara sa mga kaibigan nito ngunit lahat ay nag-seen lang, pero walang sumagot. Yara didn't know he saw it on her screen.

"Nasaan na 'yung lalaki?" tanong ulit ni Dominic. "Base rin kasi sa nakikita ko kay Yara nitong mga nakaraan, medyo mahirap siyang kausapin? Ang tahimik tapos hindi mo alam kung paano mo gagawin 'yung conversation."

Nagsalubong ang kilay ni Dri habang nakikinig. May katotohanan naman ang sinasabi ni Dominic, pero halatang wala itong alam sa totoong nangyayari.

"Parang siya 'yung tipo ng babaeng independent at hindi aasa sa isang lalaki. Parang siya 'yung girlfriend na kahit iwanan mo, wala siyang pakialam sa 'yo," pagpapatuloy ni Dominic na mayroong nakalolokong pagtawa.

Mahinang natawa si Dri sa pagkaka-describe ni Dominic. Kung alam lang nito kung paano hina-handle ni Yara ang anxiety, kung paanong nagdudugo ang gilid ng mga kuko nito, kung paanong nanginginig ang mga kamay, at halos hindi makapagsalita kapag inaatake ng anxiety, hindi nito magagawang matawa.

Siya mismo ang nakakita at hindi niya iyon masabi sa mga kaibigan dahil hindi niya alam kung gugustuhin ba ni Yara na malaman iyon ng iba.

Paniguradong hindi.

Ngumingiti nga kahit hindi naman dapat, hindi ba?

Kung alam lang ng mas malalapit nitong kaibigan, kailangan ni Yara ng masasandalan. Yara looked strong on the outside, but the woman would break anytime soon.

"Oh, wait!" Dumiretso ang upo ni MJ at tumingin kay Dri. "Kailan pala uuwi ng probinsya si Yara? I might need to ask some favors since kakilala naman na natin siya."

"Ano'ng meron?" Uminom si Dri ng softdrink habang nakatinign kay MJ. "Sabi niya, hindi pa raw siya makakauwi, eh. Ano'ng need mo?"

Natawa si Renzo at mahinang tinapik ang balikat ni Dri. "Wow, makatanong, boyfriend?"

"Siraulo." Sumimangot si Dri.

Samantalang kakuwentuhan ni Yara sina Karol, Rhian, at Mika nang lumapit sa kanila si MJ. Kinausap nito si Mika na parehong tumingin sa kaniya at parang mayroong gustong sabihin. Nilingon niya si Dri na nakatingin sa kaniya, mukhang may alam ito.

"Yara?" Si Mika iyon.

"Bakit?" tanong ni Yara.

"Puwede ko bang itanong kung kailan ka babalik sa probinsya?" nahihiyang tanong ni Mika. "Sorry, girl, ha? Naghahanap kasi kami ng magbabantay sandali kay Jea. Wala kaming mapakisuyuan. Kung hindi ka pa makakauwi, makikisuyo sana kami."

Hindi kaagad sumagot si Yara. Hawak niya ang bote ng tubig at iniikot iyon sa kamay niya dahil napapaisip siya. Bigla niyang naalala na hindi pa nga pala siya makauuwi at namomroblema pa siyang wala siyang matutuluyan kinabukasan.

"Okay ka naman sa mga bata, Ya," sabat ni Karol. "Kapag inaalagaan mo si Kara, okay naman. Malapit naman siya sa 'yo."

"Oo nga, eh," sagot ni Mika. "Kaya ikaw rin talaga 'yung naisip ko kung sakali mang hindi ka pa uuwi. Kasi noong nakaraang nasa condo ka, 'di ba, nilalaro mo si Jea and okay naman siya sa 'yo. Baka lang gusto mo kung available ka pa," dagdag nito.

Kinagat ni Yara ang ibabang labi habang nag-iisip dahil hindi niya alam ang isasagot, pero kailangan din niya ng matutuluyan.

"Dalawang araw lang, Yara. Let us know kung magkano ang fee na kailangan mo, we'll pay, please? Wala kasi ang parents ko," sabi ni Mika. "Nasa Japan sila. Ang parents naman ni MJ, nasa Cebu, kaya wala kaming mapagkakatiwalaan. Kung puwede lang naming isama si Jea, kaso hindi."

Kung tutuusin, kahit walang bayad, papatusin ni Yara iyon, may matuluyan lang sa ilang araw.

"Sige." Tumango si Yara. "Okay lang sa 'kin. Pero, ayos lang ba sa inyo na iiwanan n'yo sa akin ang anak ninyo? I mean, hindi kayo natatakot na kidnap-in ko?"

Nagtawanan ang mga kaibigan nila lalo na si Mika at MJ. "Hindi, 'no! We trust you. Dalawang araw lang, promise. Kaso r'on kayo sa condo namin, hindi sa baba."

"Sige, okay lang sa akin. Kailan pala? Bukas ba?"

"Bale aalis kami bukas ng 6 a.m., eh." Nilingon ni Mika si MJ na tumango. "So, kung okay lang sa 'yo, punta ka na lang nang mas maaga pa."

Nag-agree si Yara at napag-usapan pa nila ang magiging setup kinabukasan. Gusto man niyang tumanggi, pero hindi niya magawa dahil bukod sa mayroon siyang pangangailangan, malaki rin ang utang na loob niya kina Mika at MJ dahil sa pagpapatuloy nito sa kaniya noong nakaraan.

Kung tutuusin, hindi niya kaibigan lang mga ito at nakilala lang dahil kay Dri, pero hindi niya naramdaman ang pagiging iba.

Nakatataba rin ng puso na pinagkakatiwalaan siya ng mga ito kasama ang anak.


●・○・●・○・●



Ala-una na ng madaling-araw nang matapos sila sa pagpa-pack. Sobrang sakit ng likod at talampakan ni Yara, inaantok pa siya. Paniguradong kinabukasan, hindi siya gaanong makapaglalakad kaya sana ay hindi ganoon kalikot si Jea.

"Yara, ihahatid na raw tayo ni Dri," sabi ni Rhian na panay na rin ang hikab. "Inaantok na ako, sobra."

"Ako rin, eh." Mahinang natawa si Yara. "Tinanggap ko pala 'yung offer nina Mika and MJ na i-babysit muna si Jea simula bukas kaya baka roon muna ako sa kanila. Thank you ulit sa help, ha?"

Ngumiti si Rhian at hinaplos ang braso ni Yar. "Wala 'yun! Balitaan mo na lang kami kung sakali. Pasensya ka na rin talaga na sa sala ka natulog. Wala kasi talagang kwarto, bes."

"Wala 'yun! Malaking bagay na 'yung limang araw na pinatulog mo 'ko sa apartment ninyo." Ngumiti si Yara. "Sobra na 'yun at uuwi na rin kaagad ako pagkatapos kong mag-babysit kay Jea."

Nag-inat si Yara at humikab ulit bago sumunod kay Rhian papunta sa mga kalalakihan at ibang kaibigan nila para magpaalam. Lumapit na rin sila sa Hilux ni Dri habang kausap naman nito sina Dominic at Diether.

"Sa harap ka na, Yara," ani Diether nang makasakay na sina Rhian at Dominic sa backseat.

Kahit ayaw niya, walang siyang choice. Alam kasi niyang kukulitin na naman siya ni Dri, pero hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon dahil pagkasuot pa lang ng seatbelt, inihilig na niya ang ulo sa bintana. Pinagmasdan niya ang daan papunta sa kung saan bago ipinikit ang mga mata.

Pagsakay ni Dri sa driver's seat, nagulat siyang si Yara ang nasa front seat at mahimbing na natutulog. Tumingin siya sa likod at nakitang nakahilig na rin ang ulo ni Rhian kay Diether na tulog na tulog din. Magkaibigan nga.

"Plakda si sungit," natatawang sabi ni Dri bago pinaandar ang sasakyan. "Tagal n'yo na bang kakilala si Yara?"

"Oo, simula nang maging kami ni Rhi, nakilala ko na siya. Minsan lang siya sumama sa magbabarkada. Minsan nga, siya lang ang wala," salaysay ni Diether. "Kapag kasama naman, tahimik lang o kaya may sariling mundo. Minsan, nasa inuman, tahimik lang talaga."

Tumango si Dri. "Oo, napansin ko 'yun n'ong inuman kina Renzo. First time ko nga siyang nakilala kasi halos lahat ng friends nila, kilala ko na, nakasama ko na kayo, sila sa inuman . . . siya lang hindi."

"Makulit din 'yang si Yara, maraming alam na jokes, magaling din bumangka, pero nakadepende 'yun sa kausap," dagdag ni Diether. "Kaya nga napag-usapan kanina na buti raw, kinakausap ka ni Yara, savage pa nga. Ibig sabihin, isa ka na sa kaibigan niya. Matindi kasi trust issues niyan."

Hindi sumagot si Dri.

Natawa si Dominic. "Sobrang tindi. May tropa ako, trip 'yan si Yara. Parang last year 'yun, sinubukang ligawan, kaso hindi kayang i-handle. Masyado raw strong ang personality, hindi mo madadaan sa mabulaklak na salita."

Nanatili siyang tahimik. May mga pagkakataong pasimple siyang tumitingin kay Yara na natutulog sa tabi niya. Napansin na niyang strong ang personality ni Yara. Aside from being too reserved, it actually felt like there was an invisible wall between her and other people.

Maybe it was defense mechanism, Dri didn't know.

Nang makarating sa apartment nina Rhian, ginising na nila ang dalawang babae. Nagpaalam na sina Diether, Rhian, at Dominic, pero naiwan pa si Yara sa sasakyan ni Dri.

"So, ano'ng plano mo bukas?" tanong ni Dri. "Kung kailangan mo ng per—"

"Nag-offer sa 'kin sina MJ at Mika kung puwede akong maging sitter ni Jea bukas, two days din 'yun." Ngumiti si Yara at kinuskos ang mga mata. "Tinanggap ko na kasi may salary naman. Makakapagpa-rapid test ako pagkatapos. Sakto rin na kailangan ko ng lugar para tuluyan kaya push ko roon."

Tumango si Dri at patagilid na nginitian si Yara. "Goods 'yan. Basta 'pag kailangan mo ng tulong, sabihan mo lang ako. Huwag mo naman akong i-ghost!" pagbibiro niya. "Bigla ka na lang hindi nagpaparamdam, eh. Mabuti pa nga 'yung multo, alam kong magpaparamdam. Ikaw, walang balak!"

Malakas na natawa si Yara na ikinangiti ni Dri. "Huwag mo na 'kong intindihin. Kung hindi ako nagpaparamdam, hayaan mo lang."

"Alam ko naman," ani Dri na nanatiling nakangiti. "Sige na. Magpahinga ka na rin. See you when I see you siguro."

Tumango si Yara bago bumaba ng sasakyan niya. Hindi kaagad siya umalis hanggang sa tuluyan itong makapasok ng bahay nina Rhian nang hindi na lumilingon.

Dri yawned. Inaantok na rin talaga siya.


●・○・●・○・●


Tuwang-tuwa si Yara habang nilalaro si Jea. Ikalawang araw na at kung tutuusin, dapat tapos na ang pag-babysit niya, pero tumawag si Mika at humingi ng pasensya dahil nasa Tagaytay pa ang mga ito dahil kailangang mag-extend.

Mayroon palang business ang dalawa sa Tagaytay at hindi puwedeng isama si Jea dahil sa pandemic at bata pa ito. Three years old na rin si Jea kaya medyo mahirap alagaan dahil malikot, pero kinakaya naman niya.

"Ayan, let's make some bubbles!" Bumuo ng bubble si Yara na hinipan ang sariling kamay habang pinaliliguan ito sa bathtub. "Let's make some bubbles! Jea loves some bubbles!"

Tuwang-tuwa naman ang batang nakatingin sa kaniya habang nagpapalobo ng bubbles gamit lamang ang kamay. Halos nawawala ang mata nito kapag natatawa dahil sa sobrang singkit.

"Jea loves bubbles!" sigaw nito at natatawang tumatalon-talon pa kaya ingat na ingat siya para hindi madulas. "Bubbles! Bubbles!"

Nang matapos, dumiretso sila sa living room. May dalawang kuwarto ang condo, pero inilabas ni Yara ang malaking kutson para doon sila matutulog na dalawa. Enjoy na enjoy rin naman ang batang makulit sa pakikipaglaro sa kaniya. May mga pagkakataon din na binabasahan niya ito ng libro para lang pareho silang malibang.

Kinagabihan, habang nagliligpit ng mga laruan si Yara, biglang may kumatok. Kinabahan siya dahil wala namang expected visitor, isa pa, nagsabi si Mika na hindi pa ito makauuwi. Nalilibang naman na nanonood si Jea ng cartoon.

Sumilip na muna si Yara sa peephole at lahat ng kaba niya ay nawala nang makita si Dri iyon. Nag-ring din ang phone niya at nang sagutin ay pinabubuksan nito ang pinto.

Ngumiti si Dri. "Nagsabi ako kina MJ at Mika na bibisira ako rito," ani Dri. "Puwede ba 'kong pumasok? Magpapalit lang din ako ng damit para hindi kayo ma-expose. Also, mag-a-alcohol ako. Galing lang naman ako sa bahay."

Niluwagan ni Yara ang pinto para makapasok si Dri na kaagad dumiretso sa banyo. Nilapitan naman niya si Jea na nanonood at ibinigay niya ang dede na katitimpla lang niya.

"Time to sleep na ikaw later, okay?" Hinaplos niya ang buhok ni Jea.

Jea nodded and started drinking her milk from the bottle. Natatawa si Yara dahil nakapadekwatro pa ito na para bang boss habang nanonood. Ang sarap ng buhay at walang ibang problema.

Nilingon ni Yara ang pinto nang lumabas si Dri mula sa banyo. Ibinaba nito ang bag sa dining chair. "Okay lang ba sa 'yo na nandito ako?" Isa-isa nitong inilabas ang nasa dalang paper bag. "Nagdala ako ng pagkain. Kumain ka na ba?"

Ang totoo, hindi pa. Ilang araw na rin siyang walang ganang kumain at bilang pagsisinungaling, tumango siya.  Sobra siyang nag-iisip nitong mga nakaraan dahil nagme-message na rin sa kaniya ang pamilya niya. Kailangan nila ng pera, wala siyang maibigay.

She was fed up and exhausted.

Never in her life she felt this way, but being away from everyone actually felt good. All her life, Yara thought of people around her. Bago sa kaniya itong mag-isa lang siya, pero nandito nga pala si Dri.

"Kain tayo," bulong ni Dri nang makitang tulog na si Jea. "Tulog naman na siya, kain na muna tayo."

Pinatay ni Yara ang TV at lumapit kay Dri. Naupo siya sa dining chair kaharap nito dahil nakaayos na ang pagkain. Nakahain na ang tapsilog na nagpakalam sa sikmura niya nang maamoy iyon.

Muling tumayo si Yara na ipinagtaka ni Dri. "Saan ka pupunta? Ayaw mo ng pagkain?"

"Gusto ko. Kukuha lang ako ng suka," sagot ni Yara at ngumisi. "Miss mo naman kaagad ako. Ano ba 'yan!" pagbibiro niya. "Anyway, ano palang naisipan mo? Ba't ka nagpunta rito?" Naupo siya at nagsimulang kumain.

"Wala naman. Bored ako," sagot ni Dri.

Tumitingin si Dri kay Yara. Mukha naman itong masaya, walang dinadamdam, at normal. Hindi naman niya sinasabing abnormal si Yara, pero may emotional problem ito na hindi alam ng iba, lalo na base sa kuwento ng mga kaibigan nito.

Ang alam lang ng iba, strong ang personality ni Yara, introvert si Yara, mapili si Yara, choosy si Yara, at kung ano pa, not knowing her true struggles. Siguro, partly, kasalanan din ni Yara ang lahat dahil mas pinili nitong itago iyon, hindi niya masisisi.

"Bakit sa living room kayo natutulog? Ang laki kaya ng kuwarto ni Jea," basag ni Dri sa katahimikan. "Saka bakit parang antok na antok ka, natutulog ka ba?"

Kaysa sumagot, tumayo si Yara para iligpit ang pinagkainan nila nang hindi sinasagot ang tanong niya. Again, hinayaan na lang ni Dri dahil ayaw niyang pilitin si Yara sa kahit ano.

Humawak si Yara sa gilid ng counter at humikab. Hindi niya alam na nakatingin sa kaniya si Dri at nang magtama ang tingin nila, ngumiti ito.

"Ganda namang humikab!" ani Dri at tumango. "Gusto mo ng ice cream?"

Umiling si Yara. "Ayaw ko. Baka matulog na 'ko. Ikaw? Hindi ka pa uuwi?"

"Hindi."





T H E X W H Y S

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys