Chapter 15
Komportableng sumandal si Dri habang nakatingin kay Yara na kukuhanan ng dugo. Kagat nito ang ibabang labi para sa test ng COVID. Katatapos lang niya at hinaplos niya rin ang lugar na tinurukan sa kaniya dahil medyo masakit iyon.
Na-invite si Dri na sumama sa isang relief operation sa isang probinsya na kaagad niyang pinaunlakan at nang sabihin niya iyon kay Yara, nagtanong ito kung puwedeng sumama.
Noong una, hesitant si Dri. Ayaw niya sana itong sumama dahil ang usapan ay uuwi na ito sa probinsya, pero hindi rin naman siya makahindi lalo nang makitang ayaw pa rin naman nitong umuwi.
"Kaya pa ba?" Ngumiti si Dri. "Parang kagat lang naman 'yan ng langgam, eh," pagyayabang niya.
Samantalang inirapan ni Yara si Dri dahil sa pang-aasar nito sa kaniya. Kasabay ng pag-irap niya ay ang pagtusok ng nurse sa daliri niya para kumuha ng sample ng dugo. At kung puwede lang niya itong sipain dahil masakit, ginawa na niya.
"Hindi ko alam na takot ka sa karayom." Ngumisi si Dri. Tumingin ito sa nurse. "Gaano katagal 'yung result?"
"Ten minutes lang po, makiktia na natin 'yung result," sabi ng nurse na iniligpit ang mga ginamit. Naka-full PPE ito for safety purposes.
Nakasuot naman sina Yara at Dri ng face mask at face shield dahil required. Kinabukasan din ang punta nila sa probinsya kung sakali mang negatibo sila sa resulta para tumulong sa paghahatid ng relief sa mga nasalanta.
Hindi inaasahan ang nangyari sa lugar na iyon na bigla na lang nagpakawala ng tubig nang walang abiso. Social media was awake. Halos lahat ay nag-share ng mga post para sa paghingi ng tulong.
Sandaling pumikit si Dri habang naghihintay sa waiting area.
Pagkagaling nila sa Quezon City Circle noong makalawa, bumaha ang balita sa social media tungkol sa nangyari sa lugar na iyon. Sa mga video na napanood nila, may mga taong nagsisigawan dahil lubog na sa baha kasabay pa na walang kuryente sa buong lugar.
Nag-trending iyon kaya naman maraming nag-push ng donation drives at isa na ang kaibigan ni Dri sa opisina.
"Galit na galit naman 'yang mukha mo!" pang-aasar ni Dri kay Yara na binabalutan ng Band-Aid ang turok nito. "Paano na lang kung malaking karayom na, baka ngumawa ka?"
"Gagi, ngangawa talaga ako!" singhal ni Yara. "Ang sakit kaya!"
Umiling si Dri at natawa. Pinaupo na rin muna sila sa waiting area na mayroong social distancing kaya may two seats apart.
Panay ang tingin ni Dri kay Yara dahil natatakot siya. Natatakot siya na kapag umuwi na ito sa probinsya, kalimutan na nito ang mayroon sa kanila dahil nang makausap niya si Renzo, sinabi nito na hindi na nagpaparamdam si Yara sa kahit sino simula noong umuwi sa probinsya.
Nagkaroon sila ng bonding. Sa loob ng ilang araw, silang dalawa lang ang nagkakasama at nagkikita. Mas madalas itong tahimik o nasa kwarto lang.
Nakuwento sa kaniya nina Renzo at Karol na mayroong pagkakataong nag-leave ito sa group chat para lang hindi na makausap ang kahit na sino.
So much for building walls, Dri thought.
Pero nang maikuwento sa kaniya ni Yara ang sarili nitong bersyon sa istorya, ang sariling experience na mayroong pagkakataong hindi na ito nare-reply-an sa tuwing nagme-message, nakuha niya ang punto.
There really were more sides to every story.
Noong sinabi ni Renzo na ganoon si Yara, sa totoo lang, ang unang pumasok sa isip niya ay may pagka-problematic si Yara. Nang mahimay niya ang magkaibang bersyon, iba ang naging resulta niyon para sa kaniya.
Yara isolated herself from everyone because she felt unwanted.
"Titig na titig, Adriano?" Sumimangot si Yara.
Natawa si Dri. "Iniisip ko lang kasi," huminto siya at naningkit ang mga mata, "kung bakit ka lumalayo sa mga kaibigan mo. I mean, friends mo sila, dapat sa tuwing malungkot ka, sa kanila ka muna sumandal."
Yumuko si Yara, luminga sa paligid, pinanood ang mga dumadaang volunteers sa lugar, bago muling ibinalik ang tingin kay Dri.
"Pinaakaayaw ko sa lahat, sumasandal sa ibang tao," aniya at umiling. "Ayaw ko 'yung pakiramdam ko, may utang na loob ako sa kanila. Parang ako sa 'y—"
"Tingin mo may utang na loob ka sa 'kin?" Pinutol ni Dri ang sasabihin ni Yara dahil ikinagulat niya iyon.
"Oo," diretsong sagot ni Yra. "Oo, marami. 'Yung pagtulong mo pa lang sa anxiety ko noong nakaraan, 'yung hindi mo 'ko iniwan noong nagbe-breakdown ako, habambuhay kong tatanawin 'yun. It was something na hindi mababayaran ng kahit na ano dahil pinaramdam mo sa 'kin na may kasama ako."
Hindi nakapagsalita si Dri.
"Sorry, kung iniisip kong may utang na loob ako sa 'yo. Nasanay ako nang ganoon sa tuwing may ginagawa ang ibang tao sa akin. Hindi ako sanay na . . . na wala silang hinihinging kahit ano," pagpapatuloy ni Yara. "Hindi ako sanay na walang kapalit ang kahit ano."
Yumuko si Dri at huminga nang malalim. "Hindi lahat ng tao, ganoon, Yara. Siguro, kailangan mong palitan ang outlook mo sa buhay. Napapansin ko na masyado kang takot mag-explore and that's completely normal. Normal 'yan given sa napagdaanan mo, pero kung patuloy mong iisipin 'yan, ganiyan ka na lang hanggang sa huli."
HIndi nakasagot si Yara.
"Pero hindi rin madaling baguhin ang nakasanayan. Tulad nga ng sabi ko, you've been protecting yourself for too long at nahihirapan ka nang baguhin 'yun." Dri smiled and it actually gave Yara some comfort she needed. "Hayaan mo na, kung hindi ka pa ready, darating din ang time na 'yun."
Tumango si Yara. "At kapag dumating ang time na 'yun, magiging proud ako sa sarili kong binuksan ko na ang puso ko sa possibility na hindi lahat, sasaktan ako."
"Hihintayin ko 'yun, Yara." Patagilid na tiningnan ni Dri si Yara.
Pareho na silang natahimik at naghintay na lang para sa resulta ng rapid test nila. Kapag negative, didiretso sila sa warehouse kung nasaan ang relief goods na dadalhin nila. Gagamitin din kasi nila ang Hilux ni Dri para sa ibang relief na dadalhin nila.
"Negative." Inabot ng nurse ang dalawang papel na mayroong resulta. "Ingat kayo sa relief operations na pupuntahan ninyo. Sana maging maayos na rin ang mga tao roon. Grabe ang mga naglalabasang pictures and videos."
"Oo nga, eh. Halos wala tayong idea sa mga nangyayari, biglaan na lang," sagot ni Yara. "Maraming salamat po ulit."
Katulad ng naunang plano, dumiretso sila sa warehouse para ipasa ang resulta ng rapid test nila. Noong una, swab test ang nire-require ng officials, pero pumayag na rin sa rapid test lalo na at urgent ang kailangan nilang gawin.
"Buti hindi ka hinahanap ng family mo?" tanong ni Dri habang nagmamaneho. "Hindi ka naman nila pinapauwi?"
"Pinapauwi na, pero parang ayaw ko pa," sagot ni Yara at natawa. "For some reasons, parang gusto ko na lang mag-apply rito sa Manila kaysa mag-stay roon."
Natawa si Dri. "Bakit parang pakiramdam ko, accessory ako sa desisyon mong 'yan? I mean, am I?"
Umiling si Yara. "Habang nandito ako sa Manila at malayo sa lahat, pakiramdam ko, ang sarap pala ulit tumira dito pagkatapos kong tumira nang limang taon sa probinsya. Parang dito kasi, may delivery ng Jollibee sa bahay, roon, wala."
Kunot-noo si Dri at natawa, pero hindi nagsalita.
"Ikaw, accessory?" ani Yara. "Medyo, kasi nakahanap ako ng friend sa 'yo. Huwag mo akong aasarin, kundi sasapukin talaga kita. Huwag ka munang eepal ng boring mong jokes."
"Boring daw, pero natatawa siya," sagot ni Dri.
Inirapan siya ni Yara. "So, ayon nga. Naiinis ako sa 'yo kasi you're making me trust you without even doing anything. Naiinis ako na parang hinahanap ko na 'yung presence mo and the good thing about us, we're not romantically involved or what . . . we're like, friends."
"Friends naman talaga tayo, ha!" singhal ni Dri. "Wait, sa halos tatlong linggo mahigit natin na magkasama, hindi pa ba friend ang turing mo sa akin? Wow, ang sakit," pagbibiro ni Dri kahit na alam niya ang totoo.
"Baliw!" sagot ni Yara. "Friend na nga, 'di ba? Ang arte mo, letse."
Tawang-tawa si Dri at nagsimula na lang makipagbiruan kay Yara. Masaya siya na itinuturing na siya nitong kaibigan knowing na choosy ito, matindi ang trust issues, at sobrang reserved.
"I never thought an introvert and extrovert could be friends," biglang sabi ni Dri. "Hindi ko inaasahan na magiging magkaibigan tayo or tatanggapin mo ako bilang kaibigan."
Natawa si Yara. "Flattered na flattered lang?"
Seryosong tumango si Dri. "Your trust isn't something I would break. Again, I won't promise you anything, but as much as possible, I won't."
Kinagat ni Yara ang ibabang labi at hindi na nagsalita. She tried to ignore what Dri said, ganoon naman ang ginagawa niya sa ibang tao, pati na rin kay Dri dahil alam niyang isang araw, aalis din ang mga tao sa paligid niya at iiwanan siya. Wala nang bago roon.
Pagdating sa warehouse, nag-fill out sila ng ilang form at ipinasa ang rapid test pati na ang copy ng IDs nila for documentation dahil hindi puwedeng basta-basta ang gagawin lalo na at may pandemic. Sinabihan din sila na kinabukasan na magsisimulang mag-pack ng mga gamit sa Hilux ni Dri dahil sa gabi sila bibiyahe papuntang probinsya.
Nang makauwi sa bahay, hindi namalayan ni Dri na nakatulog siya sa sofa nang makitang may umuusok sa labas ng balcony ng bahay niya. Lalabas na sana siya nang marinig si Yara at may kausap ito sa phone habang naninigarilyo. Nakaupo lang din ito sa hagdan.
"Uuwi na po ako soon," sabi nito. "Opo, sandali na lang. Opo, pasensya na po. Opo . . . opo." Sabay baba ng tawag at humithit ng sigarilyo.
Kita ni Dri kung paano namula ang dulo niyon dahil sa tindi ng pagkakahithit kaya lumabas na siya.
"May yosi ka pa?" tanong niya kay Yara at naupo sa tabi nito. "Nakatulog na pala ako kanina, ikaw?"
Umiling si Yara bago iabot sa kaniya ang isang kaha ng yosi. "Hindi pa ako natutulog, wala rin ako sa mood matulog. Baka sa biyahe na lang bukas."
"Sanay kang hindi natutulog, 'no?"
"Pinakamatagal ko na ang apat na araw noon na walang tulog. Katawan ko na ang sumuko na hindi ko na namalayang tulog ako. Nararamdaman ko noon na babagsak na ang katawan ko, pero ginawa ko pa rin." Pinilit ni Yara ang ngumiti. "Ayaw ko kasing matulog, nananaginip ako nang masama."
Humithit si Dri ng yosi. "Dahil sa anxiety?"
Nagkibit-balikat naman si Yara. "Siguro," sagot niya. "Pinapauwi na ako ng family ko, pero kung puwede lang, hindi na ako uuwi. Gusto ko na lumayo, Dri. Gusto kong pumunta sa lugar na wala akong kilala tapos doon ako titira. Gusto ko na walang kahit sinong nakakaalam kung anong klaseng tao ako."
Hindi nakasagot si Dri lalo nang punasan nito ang luha. Muli niya itong nilingon at napansin ang mabagal na pagtulo ng luha nito.
Medyo malamig ang gabi ngunit hindi iyon alintana ni Yara. Nakasuot ito ng simpleng sando na pinarisan ng pajamang asul. Magulo ang buhok at nakapaa pa nga.
"What if, iwanan mo na lang ako sa probinsyang pupuntahan natin, Dri?" Tumingin si Yara sa kaniya. "Magpaiwan na lang kaya ako tapos doon na lang ako titira tapos magsisimula na lang ulit ako?"
"Bakit gusto mong magpaiwan doon?" Nagsalubong ang kilay ni Dri. "Nandito naman kaming mga kaibigan mo, ha? Sabi ko, 'di ba, 'pag mabigat na, kausapin mo ako?"
Humikbi si Yara habang nakatingin sa kaniya at muling pinupunasan ang luha. "Gusto ko munang mag-isa, Dri. Gustong-gusto kong mapag-isa . . . pero kapag nag-iisa ako, kung ano-ano'ng pumapasok sa isip ko, para akong hindi makahinga, para akong—" Humithit ito sa sigarilyo at hindi na itinuloy ang sasabihin.
Ngumiti si Dri habang nakaharap kay Yara. "Kung gusto mong mag-isa, kung gusto mong lumayo, gawin mo. Kung ano ang tingin mo na makatutulong sa 'yo, gawin mo dahil ikaw ang nakakaalam n'on sa sarili mo. Kami, ako . . . nandito lang kami para sumuporta, pero ikaw pa rin ang huling magdedesisyon. Ang hiling ko lang, huwag mong kalimutan na may kasama ka. Sa kahit anong gusto mong gawin, may makakasama ka."
Walang sinabing kahit na ano si Yara at tumigil na rin si Dri nang humagulhol ito. Nasa labas sila ng balcony, naninigarilyo, habang pinakikinggan niya kung paano ito umiyak na para bang nawawalang bata.
●・○・●・○・●
"Okay na ba lahat?" tanong ng isang kasama nilang naglagay ng mga dadalhin nila papunta sa probinsyang nasalanta. "Puwede na tayong bumiyahe, magko-convoy naman tayong lahat."
Tumango si Dri at tumingin kay Yara na nakakikipag-usap sa isang babae para sa mga instruction ng gagawin nila. Pitong sasakyan silang pupunta para sa relief operation. Lahat sila, naka-mask, face shield, at naka-gloves para masiguradong malinis ang lahat. Hindi nila sigurado kung ano ang pupuntahan nila kaya kailangan nilang mag-extra ingat.
Nakangiting lumapit sa kaniya si Yara. "Ready to go na raw tayo. Ready ka na bang mag-drive? Medyo may kalayuan daw ang pupuntahan natin."
Tumango si Dri. "Oo, ready na ako. Ikaw?"
Ngumiti si Yara at tumango.
May tatlo pa silang kasama sa sasakyan bukod sa kanilang dalawa. Kaopisina ni Dri ang mga ito at sa ganoong sitwasyon, naiilang na dapat si Yara at hindi komportable na may mga kasama silang hindi niya ka-close, pero hindi ganoon ang nangyari.
Hindi ipinaramdam sa kaniya ni Dri na iba siya sa kanila at mas madalas na siya pa ang kinakausap.
Nahihiya na rin siya kay Dri, sobra-sobra, dahil pakiramdam niya, nag-a-adjust na ito sa kaniya at ayaw niya ng ganoon.
Samantalang paminsan-minsan, tumitingin si Dri kay Yara dahil napansin niya kung gaano ito katahimik. Naisipan naman ng grupo na huminto sa isang gasolinahan para mag-CR at bumili ng snacks, nakisuyo na lang siya sa mga kaopisina kung puwede bang bumili ng pagkain, pero hindi na siya bababa.
Nang makaalis ang mga ito, humarap si Dri kay Yara. "Uy, okay ka lang? Bakit ang tahimik mo?"
"Okay lang ako, medyo inaantok lang. Buti ikaw, hindi ka inaantok sa kada-drive. Mukhang malayo-layo pa tayo, eh. Kaya mo pa ba?" tanong ni Yara.
"Oo, kaya ko pa, saka may kapalitan naman ako kung sakaling antukin ako," sagot ni Dri. "Bakit ang tahimik mo?"
Ngumiti si Yara. "Huwag mo na akong intindihin. Okay lang ako," paniniguro niya. "Uuwi rin naman tayo kaagad sa isang araw, 'no? After nito, baka uuwi na talaga ako kasi ayon nga, tumawag na sina Mama. Nag-aalala na rin sila sa akin."
Hindi na sumagot si Dri. Dumating na rin ang mga kasama nila at may dalang mga pagkain. Nagsimula na rin ulit silang mag-drive at panay ang kuwentuhan ng mga tao sa likuran, pero tahimik lang sina Dri at Yara. Nang makatulog na ang mga ito, tahimik pa rin ang dalawa.
Nagpasya si Dri na manahimik na lang dahil hindi rin niya alam kung ano ang conversation na puwedeng buksan. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin kaya hinayaan at binigyan niya ng space si Yara.
"May LQ ba kayo?" biglang tanong ng isang katrabaho ni Dri. "Ang tahimik ninyo, grabe. Hindi ba kayo mapapanisan ng laway niyan? Kanina pa kami nag-o-observe sa inyo, sa Manila pa lang, hindi na kayo nag-uusap."
Napakurap sina Dri at Yara sa tanong nito at nagkatinginan.
"Ayan, may LQ nga!" natatawang sabi ng isang babae. "Hindi namin alam may girlfriend ka pala, Dri. Grabe, ganiyan ka ba ka-secretive na hindi mo siya pinakilala sa aming lahat? Kahit sa Facebook?"
Nakita ni Dri na nag-iba ng position sa pagkakaupo si Yara at mukhang hindi ito komportable sa tanong.
"Hindi naman kasi kami. Magkaibigan lang kami, ano ba kayo? Kung may girlfriend ako, siyempre ipagmamalaki ko, ano ba?" Tatawa-tawa si Dri.
"Talaga ba?" tanong ng isa pa. "Akala namin, girlfriend mo siya. Anyway, nice to meet you, Yara. Sorry, hindi na kami nagpakilala kanina. Medyo nahiya kasi kami."
Kunot-noong nilingon ni Yara ang mga tao sa likuran at nginitian. "Bakit kayo mahihiya sa akin? Namamansin naman ako."
"Medyo masungit kasi ang datingan mo," sabi ng isa. "Huwag ka mao-offend ha, para kasing 'yung aura mo, si Dri lang ang gusto mong kausap. Ganoon."
"H-Hindi," tipid na sagot ni Yara.
Gustong pandilatan ni Dri ang kaopisina, pero nakita niyang nakangiti si Yara lalo nang tumingin sa kaniya.
"Okay ka lang?" tanong niya.
Tumango si Yara. "Oo, ang sarap lang sa pakiramdam na may taong sasabihin kaagad 'yung impression sa akin, hindi 'yung maririnig ko pa sa ibang tao. Ang refreshing."
Nagkatinginan naman ang tatlo sa likod lalo nang nakita nila kung paano tumingin si Dri kay Yara na para bang mayroon talagang namamagitan sa dalawa. Hindi maipaliwanag, pero kahit walang ginagawa, mayroong koneksyon.
Hindi sila sigurado, pero hindi mukhang magkaibigan ang mga ito. Oo, they don't touch each other, they weren't sweet in front of everyone, they weren't even talking, but there was something. It was like . . . they were talking in silence.
"Dri, bukas ba Bluetooth ng sasakyan mo?" tanong ng isang kaopisina ni Dri. "Sounds naman tayo para hindi tayo antukin."
"Sige. Connect ka lang," ani Dri at binuksan ang speaker ng sasakyan niya.
Nagtinginan ang tatlong tao sa likod lalo nang tumugtog ang Kahit Kunwari Man Lang. Wala silang masamang intensyon, gusto lang nilang makita ang reaksyon ng dalawa para ma-confirm ang kanina pa nila pinagtsitsismisan sa group chat kasama ang iba pang ka-work ni Dri na nasa ibang sasakyan.
May mga pagkakataong sumusulyap si Dri kay Yara lalo na at tahimik lang ito. Nakikinig silang lahat sa kanta at nang magsimulang tumugtog iyon, kumunot ang noo niya.
Mga ngiti mo'y kaligayahan ko
Lahat ng narating, pinagdiriwang ko
Mga pangarap mo'y
Unti-unting nabubuo
The song was about someone who was in love with his friend. Pakiramdam ni Dri, sinasadya ng mga kaopisina niya ito kaya hindi siya nag-react.
Kahit kunwari man lang
Inamin lang sana'ng nararamdaman
Kahit sandali man lang
Sa 'yong mga ngiti ako'ng dahilan
Nakikinig si Yara sa kanta at hindi niya magawang lumingon. Ayaw niyang magkatinginan sila ni Dri dahil sa kanta, ayaw niyang mag-assume lalo na at pang-magkaibigan ang kanta.
Iniisip niya bigla kung kaibigan ba ang turing sa kaniya ni Dri? Kasi siya, kahit na sinasabi niya sa sarili na hindi . . . pakiramdam niya na si Dri ang pinagkakatiwalaan niya.
Pero katulad ng dati, ayaw niyang dumepende kay Dri.
T H E X W H Y S
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top