CHAPTER 23 - The Clues
CHAPTER 23
The Clues
THIRD PERSON’S POV
“NOW, Maria Aviva Trinity De Vera is missing together with her friends,” sambit ni detective Llobrera habang pinagmamasdan ang glass-pin board na halos mapuno na ng mga polaroids ng mga kabataang nawawala at hanggang ngayon, hindi pa rin mahanap. Agad siyang napabuntong-hininga at humigop sa mainit-init na tasa ng kanyang kape. Sa totoo lang ay buong maghapon at magdamag na niyang inuupuan ang kasong ito ngunit mas lalo lang gumugulo ang lahat. At kahapon lamang, naibalitang nawawala na rin sina Mavi at ang kanyang mga kaibigan. Mas naramdaman niyang pabigat na nang pabigat ang kasong ito. Halos mahilot niya ang sariling sintido.
“Lavape,” tawag niya sa nag-aagaw antok nang pulis na nasa tabi lamang niya.
“Yes, detective!” Bumalikwas ito mula sa pagkakadukmo at pupungas-pungas na namumula pa ang mga mata. Hinimas-himas ni detective Llobrera ang kanyang baba habang nakatitig pa rin sa pin board. Malalim ang iniisip nito nang iabot sa pulis ang walang lamang tasa ng kape.
“Itimpla mo nga ulit ako. Tapangan mo na, ha,” utos nito. Napakamot sa ulo si Lavape.
“Sir naman. Nakakasampung tasa ka na kanina pa. Wala ka bang balak matulog?” reklamo nito.
“Alam mo bata, kung hindi natutulog ang krimen, dapat hindi rin natutulog ang hustisya,” makahulugan nitong sagot sa sinabi ni Lavape kaya napaisip naman ang batang pulis.
“Ano nang balak mo ngayon?”
“We need to go back to De Vera’s house as soon as possible. Malakas ang kutob kong nasa mismong bahay lang ang kasagutan sa mga ito,” aniya at pinasadahan ang picture ng magkakaibigan, ang ina at ama ni Mavi pati na rin ang ilang mga kabataang nawawala pa hanggang ngayon.
“Seryoso ka, sir? Sa dis oras na gabing ito?” nakangiwing tanong ni Lavape sa detective dahil hindi ito makapaniwala sa sinabi nito.
“Sasamahan mo ako o gusto mong matanggal ka sa serbisyo? Tandaan mo, malakas rin ang kapit ko. Sibak ka agad sa trabaho,” ani Llobrera sa maotoridad na tono ng boses kaya napakamot naman sa ulo ang batang pulis.
“Sabi ko nga, detective. Wherever you go, I’ll be two steps behind,” pagsuko ni Lavape kaya nasapo na lamang ng detective ang ulo niya.
PASADO ala una na nang marating nila ang lumang bahay ng mga De Vera. May dalawang palapag ang bahay at nasa maayos pa rin namang kalagayan ngunit kung pagbabasehan ang nangyaring karahasan rito noong nakaraan lamang, maituturing na itong haunted house.
“Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon, nasisikmura pa rin ni Mavi na rito tumuloy kahit alam niyang dito mismo sa bahay nila naganap ang---”
“Siguro dahil mahirap iwanan ang magagandang alaala kaysa sa mga masasaklap na nangyari,” pagpuputol ng detective sa sinasabi ni Lavape.
“Sabagay, sir.” Napatango-tango na lamang ang batang pulis. May punto naman kasi ang sinabi nito.
“Halika na. Huwag ka nang pa-tanga-tanga riyan,” sambit pa ni Llobrera at binuksan na ang lumang gate ng bahay. Napangiwi si Lavape.
“Huwag mong sabihin na papasukin pa natin ‘yan? Detective naman,” reklamo ulit niya.
“Bakit? Takot ka?” Napalunok-laway si Lavape dahil sa naging tanong ng detective.
“May sabi-sabi kasi na kapag sa mismong bahay nangyari ang insidente, nakakakilabot na tuwing gabi kasi baka may nagpaparamdam.” Halos mautal na ito at waring namumutla pa. Napakunot lamang ang noo ni Llobrera dahil sa mga sinasabi nito.
“Nagtataka ako kung bakit ka nagpulis tapos takot ka pala sa mga nilalang na hindi nakikita. Tss!” naiiling na komento ni detective sa kasama bago tuluyang pasukin ang bahay. Walang nagawa si Lavape kundi ang sumunod na lamang.
“Ano bang hahanapin natin rito, detective?” tanong pa ng pulis habang iginagala ang paningin sa kabuuan ng luma at tahimik na loob ng bahay. Binuksan na nila ang ilaw upang hindi masyadong nakakatakot. Dumako ang tingin ni Llobrera sa may bandang kusina, sa basag na bintana at sa mga hinalughog na drawer.
“Nawawala ang mga kutsilyo nila. Palagay ko ay hindi lang iyon ninakaw nang basta lang.” Mayamaya’y nagtungo siya sa second floor upang tingnan ang bawat kwarto ng pamilya De Vera. Nasuyod na nila ito noong nakaraang araw ngunit pakiramdam niya’y may nakaligtaan pa siya at dapat niyang mahagilap iyon sa loob ng mas madaling panahon.
“Ano ‘to?” kunot-noong tanong ng pulis na si Lavape nang maapakan ang isang tuyot na likido sa sahig. Halos maningkit rin ang mata niya upang kilatising mabuti ang bahid nito. Parang sadyang iginuhit ito gamit ang daliri. Tinitigan na rin ito ni Llobrera at kinuhanan ng litrato sa malapitan.
“It could be a blood from someone. One of them could have been hit by a hard object before the criminal abducted them. But somehow, he or she was witty to leave a clue that they were forcibly took away against their will,” he deducted.
“Kung ganoon, may kumidnap nga sa grupo nila,” tulalang sambit ng pulis. Naglakad palayo ang detective at isa-isang hinalughog ang bawat drawers hanggang sa makuha ng atensyon niya ang isang photo album at mga papel na halos lumang-luma na rin. Naroon ang picture ng buong pamilya ni Mavi. Isang litrato ang kahina-hinala na nagpalakas ng kutob niya noon pa. Pinakatitigan muli niya ito.
Isa itong lumang larawan ng dalawang batang babae. Sigurado siyang hindi ito si Mavi. Kung ganoon, sino ang mga ito? Binuklat pa niya ang ibang mga pahina ng photo album. May mga lumang larawan pa siyang nakita. Kuha ito sa isang debut party at magkayakap ang dalawang babae na magkamukhang-magkamukha. Mas naguluhan siya sa mga ideyang naglalaro sa kanyang utak. Ang mga sumunod pang pahina’y magkakatulad pa rin ng larawan ngunit magkakaiba ng lugar. Halos pareho ang suot ng dalawang babae, may parehong ngiti sa mga labi at tiyak na sobrang close ng dalawa base na rin sa mga anggulo at pose nito na kasama ang isa’t isa.
“Lavape, have you already check Emilyn De Vera’s background profile?” tanong nito na ang tinutukoy ay ang ina ni Mavi na matagal na ring nawawala.
“Hindi pa, sir. Bakit?”
Hindi na siya muling sumagot pa kaya nilapitan na siya ni Lavape para tingnan rin ang bagay na hawak ng pulis. Nagkatinginan sila nang may pagtataka.
“Bakit magkamukha? Sino diyan ang nanay ni Mavi?” Bumilis ang tibok ng puso ng detective. Nabuhayan siya ng loob. Palagay niya’y malapit na sila sa tumpak na kasagutan. Kailangan lang niyang makumpirma at mapagtagpi-tagpi ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top