030 - Ang Buhay Ba ay Espesyal o Ordinaryo?
Anong saysay ng biniling bagong sapatos
Kung itatago lang pala ito sa sulok?
Bakit pa laging bumibili ng bagong damit
Kung maghihintay muna ng okasyon para magamit?
Ang mga nakakahon pang magandang plato at kutsara
Para lang ba talaga ito sa mahalagang mga bisita?
Yung masasarap na pagkain na masisira na ngayong buwan,
Paaabutin pa ba natin sa susunod na kaarawan?
Nalulungkot na ang mga blangkong kuwarderno,
Kailan mo raw sila balak na sulatan?
Inaaalikabok na ang mga librong binili,
Kailan mo raw sila babasahin?
Naghihintay lang ang mundo sa iyong paglabas,
Hanggang kailan ka magkukulong sa silid?
Araw-araw na bumabati ang mga ulap,
Kailan mo sila mabibigyan ng pansin?
May kasiguraduhan ba ang pag-asa sa mamaya?
Ang mga bagay ay lagi na lang bang nirereserba?
Gaano katagal pa ba tayo maghihintay?
Hanggang kailan ang balang-araw?
Paano kung wala na tayong inaasahang "bukas"?
Mas pahahalagahan mo na ba ang "ngayon"?
Imbis na tingnan lang bilang ordinaryo ang buhay na espesyal,
Bakit hindi mo subukang hanapin ang mga espesyal sa buhay na ordinaryo?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top